100. Si Jesus sa Bahay ng Kanyang Tiyo Alfeo at Pagkatapos sa Kanyang Sariling Bahay.

Pebrero 7, 1945. San Romualdo.

¹Si Jesus ay nasa magandang mga burol ng Galilee kasama ang Kanyang mga disipulo. Upang maiwasan ang araw na mataas pa sa kalangitan, bagama’t nagsisimula nang lumubog, sila ay naglalakad sa ilalim ng mga punungkahoy, karamihan mga olibo.

«Sa kabila ng gilid na iyan ay ang Nazareth» sabi ni Jesus. Maya-maya lamang tayo ay naroroon na. Sasabihin Ko na ngayon sa inyo na sa pamasukan ng bayan, tayo ay maghihiwa-hiwalay. Sina Judas at Santiago ay pupunta kaagad upang makita ang kanilang ama, ayon sa mithiin ng kanilang mga puso. Sina Pedro at Juan ay magbibigay ng mga limos sa mahihirap na tao, na tiyak na naroroon sa malapit sa pontanya. Ang iba at Ako ay uuwi para sa hapunan at pagkatapos iisipin natin ang tungkol sa pagpapahinga.

«Babalik kami sa mabuting si Alfeo. Nangako kami nang nakaraan. Ngunit ako ay pupunta lamang upang kumustahin siya. Binibigay ko ang aking higaan kay Mateo na hindi pa sanay sa mga paghihirap at mga kasalatan» sabi ni Felipe.

«Hindi, hindi ikaw, ikaw ay matanda na. Hindi ko pahihintulutan iyan. Nagkaroon ako ng komportableng mga higaan magpahanggang ngayon, ngunit ipinaghirap ko rito ang mga kirot ng impiyerno! Maniwala sa akin: kinalulugdan ko ang labis na kapayapaan ngayon, na kahit kung ako ay mahiga sa ibabaw ng mga bato, ako ay tila nagpapahinga sa ibabaw ng mga balahibo. O! Ito ay ang iyong konsiyensya na magpapatulog sa iyo o hindi!» tugon ni Mateo.

Ang pagpapaligsahan tungkol sa karidad ay nagsimula sa pagitan ng mga disipulong sina Tomas, Felipe, Bartolomeo at Mateo na halatang siyang mga nanatili noong nakaraan sa loob ng bahay ng Alfeo na ito (na tiyak na hindi ang ama ni Santiago, sapagkat si Santiago na kapatid ni Juan nagsasalita kay Andres ay nagsasabi: «Laging magkakaroon ng lugar para sa iyo, katulad noong nakaraan, kahit na kung ang kalusugan ng kanyang ama ay lumalâ.»)

Si Tomas ang nanalo: «Ako ang pinakabata sa grupo. Binibigay ko ang aking higaan. Hindi na bale, Mateo. Unti-unti masasanay ka diyan. Sa palagay mo ba magkakaroon ako ng malaking problema? Hindi. Katulad ko ang isang bata-pang lalaki na umiibig nagsasabi: “Maaaring nakahiga ako sa isang matigas na kama, ngunit malapit ako sa aking mahal”.» Si Tomas, mga tatlumpu’t walong taong gulang, ay tumatawa nang masaya at si Mateo ay pumayag sa kanya.

Ang unang mga bahay ng Nazareth ay mga ilang yarda na lamang ngayon ang layo.

«Jesus, kami ay lalakad na» sabi ni Judas.

«Oo, lakad.»

Ang dalawang magkapatid ay halos tumatakbong umalis.

«Eh! Ang isang ama ay isang ama» bulong ni Pedro. «Kahit na kung siya ay nagmumukmok kasama natin, siya ay laging kapareho ng dugo natin, at ang dugo ay mas malapot kaysa sa tubig. Maging ano pa man... gusto ko ang Inyong mga pinsan. Napakabuti nila.»

«Oo, napakabuti nila. At sila ay mababa ang loob, napaka-mapagkumbaba na ni hindi nila sinusubukan na malaman kung gaano sila mapagkumbaba. Laging iniisip nila na sila ang may pagkakamali, sapagkat nakikita nila ang mabuti sa lahat na tao maliban sa kanilang mga sarili. Malayo ang kanilang mararating...»

Sila ngayon ay nasa Nazareth na. Ang ibang mga babae ay nakita si Jesus at binabati Siya, ang mga kalalakihan at mga bata ay ganito rin ang ginagawa. Ngunit wala rito ang pananabik para sa Mesiyas katulad ng nasa ibang mga lugar: dito ito ay mga kaibigan binabati ang isang kaibigan na bumalik. At binabati nila Siya humigit-kumulang madamdamin. Sa marami nakakakita ako ng isang mapanuyang kausyosohan habang pinagmamasdan nila ang iba't ibang pagkatao sa grupo ng mga disipulo ni Jesus, na tiyak na hindi isang hilera ng makaharing mga dignitaryo o marangal na mga pari. Naiinitan, naaalikabukan, simpleng nakadamit katulad nila, maliban kina Judas Iskariote, Mateo, Simon at Bartolomeo – binanggit ko sila ayon sa kanilang pagdadala ng damit mula sa pinakamaganda – nagmumukha silang isang pulutong ng mga tagabukid patungo sa isang palengke, kaysa mga tagasunod ng isang hari. Alin na hari ang mayroon ng bagkus ng Kanyang sarili lamang ang Kanyang nakapangingibabaw na tindig at higit sa lahat ang Kanyang marangal na hitsura.

Sila ay naglakad nang ilang mga yarda, pagkatapos sina Pedro at Juan ay umalis at pumunta sa kanan, samantalang si Jesus at ang iba pa ay nagpatuloy hanggang sa layo ng isang liwasan na nagsisiksikan sa mga batang nagsisigawan sa paligid ng isang tangke na puno ng tubig, mula kung saan ang kanilang mga ina ay kumukuha ng panustos na tubig sa bahay.

²Ang isang lalaki ay nakita si Jesus at napagalaw nang masaya sa sorpresa. Siya ay nagmadali patungo sa Kanya at binati niya Siya: «Mabuhay! Hindi Kita inaasahan kaagad! Narito: halikan ang aking huling apo. Siya ay ang maliit na Jose. Siya ay ipinanganak habang Ikaw ay wala» at kanya niyang iniaabot sa Kanya ang maliit na sanggol na karga niya.

«Pinangalanan mo ba siyang Jose?»

«Oo. Hindi ko siya makakalimutan na halos isa ko nang kamag-anak, at higit pa nga sa isang kamag-anak, aking dakilang kaibigan. Ngayon naibigay ko na rin ang lahat na mahal na mga pangalan sa aking mga apo: Anna, aking kaibigan noong ako ay maliit pang bata, at Joachim. Pagkatapos Maria... o! anong selebrasyon noong Siya ay ipinanganak! Naaalaala ko noong Siya ay ibinigay sa akin upang halikan at sinabi nila sa akin: “Kita mo? Ang magandang bahagharing iyan ay ang tulay kung saan Siya bumaba mula sa Langit. Ang mga anghel ay ginamit ang daan na iyon doon” at Siya ay tunay na nagmumukhang katulad ng isang maliit na anghel, napakaganda Niya... Ngayon naririto si Jose. Kung nalaman ko lamang na Ikaw ay babalik kaagad, naghintay sana ako para sa iyo para sa kanyang sirkunsisyon.»

«Nagpapasalamat Ako para sa inyong pagmamahal sa Aking mga lolo’t lola, sa Aking ama at sa Aking Ina. Siya ay isang magandang bata. Harinawang siya sa habang panahon maging kasing makatarungan katulad ng makatarungan na si Jose.» Si Jesus ay itinataas ang sanggol na ngumingiti sa Kanya nang pangisi-ngisi.

«Kung maghihintay Ka sa akin, sasama ako sa iyo. Hinihintay ko ang mga amphora na mapuno. Ayaw kong mapagod ang aking anak na si Maria. Hindi, bagkus, ito ang aking gagawin. Ibibigay ko ang aking mga amphora sa Iyong mga disipulo, kung kukunin nila ito, at magsasalita ako sa Iyo nang sandali, tayu-tayo lamang.»

«Siyempre kukunin namin iyan! Kami ay hindi mga haring Assyrian» bulalas ni Tomas, na siyang ang una na makahawak ng isang amphora.

«Bueno kung gayon, tingnan. Si Maria ni Jose ay wala sa bahay. Siya ay nasa Kanyang bayaw, alam Mo. Ngunit ang susi ay nasa aking bahay. Sabihin Mo sa kanila na ibigay ito sa iyo, upang sana makapasok Ka sa bahay, sa pagawaan, ang ibig kong sabihin.»

«Oo, lakad. Makakapasok rin kayo sa loob ng bahay, saka na Ako pupunta.»

Ang mga apostol ay umalis at si Jesus ay naiwan kay Alfeo.

«Ibig kong sabihin sa Iyo... Ako ay isang tunay na kaibigan Mo... At kapag ang isa ay isang tunay na kaibigan, at mas matanda, at mula sa parehong lugar, ang isa ay makapagsasalita. Sa palagay ko ang isa ay kailangan na magsalita... Ako... Ayaw kong bigyan Kita ng kahit anong payo. Mas nakaaalam Ka kaysa sa akin. Ibig ko lamang na bigyan Ka ng babala na... O! Ayaw kong gumanap na isang espiya, ni ayaw kong ipasamâ ang Iyong mga kamag-anak. Ngunit naniniwala ako sa Iyo, ang Mesiyas, at... at nasasaktan akong marinig silang nagsasabing hindi Ka Siya, ibig-sabihin ang Mesiyas, na Ikaw ay di-matino, na Ikaw ay ang kasiraan ng pamilya, at ng Iyong mga kamag-anak. Ang bayan... alam Mo, si Alfeo ay tinitingnan nang mataas at kung gayon ang mga tao ay nakikinig din sa kanila, at siya ngayon ay may sakit at ako ay nalulungkot para sa kanya... Ang mga paghihirap din ay kung minsan nagagawa ang mga tao na gumawa ng mga maling bagay. Tingnan Mo, ako ay naroon noong gabi noong si Judas at si Santiago ay ipinagtatanggol Ka at ang kanilang kalayaan na sundan Ka... O! anong kaguluhan! Hindi ko alam kung papaano natagalan ito ng Iyong Ina! At ng kaawa-awang babaeng iyon na si Maria ni Alfeo? Ang mga babae ay laging ang mga biktima ng ilan na mga sitwasyon ng pamilya.»

«Ang Aking mga pinsan ay naroroon na ngayon sa kanilang ama...»

«Sa kanilang ama? O! Ako ay nalulungkot para sa kanila! Ang matandang lalaki ay wala sa kanyang sarili, maaaring ito ay dala ng kanyang edad at kanyang sakit, ngunit umaasal siyang katulad ng isang baliw. Kung siya ay hindi baliw, mas lalo pa akong malulungkot para sa kanya sapagkat... sisirain niya ang kanyang kaluluwa.»

«Sa palagay mo ba tatratuhin niya nang masamâ ang kanyang mga anak?»

«Natitiyak kong gagawin niya. Nalulungkot ako para sa kanila at para sa mga babae... Saan Ka pupunta?»

«Sa bahay ni Alfeo.»

«Huwag, Jesus. Huwag Mong gawin silang maging walang-galang sa Iyo!»

«Ang Aking mga pinsan ay minamahal Ako nang mahigit pa sa kanilang mga sarili at makatarungan na gantimpalaan Ko sila ng gayon ding pagmamahal... May dalawang babae roon, na mahal sa Akin. Ako ay pupunta. Huwag mo Akong pigilan.» At si Jesus ay nagmadali patungo sa bahay ni Alfeo, samantalang ang lalaki ay nananatiling nag-iisip sa kalsada.

³Si Jesus ay naglalakad nang mabilis. Naroroon Siya, sa entrada ng pangkusinang-hardin ni Alfeo. Napapakinggan Niya ang pag-iyak ng isang babae at ang di-karapat-dapat na pagsigaw-sigaw ng isang lalaki. Si Jesus ay nilakad nang mas mabilis pa ang kaunting yarda na naghihiwalay sa kalsada sa bahay, patawid sa napakaberdeng pangkusinang-hardin. Halos nasa pamasukan na Siya ng bahay nang ang Kanyang Ina ay dumungaw sa pintuan at nakita ang Kanyang Anak.

«Inay!»

«Jesus!»

Dalawang sigaw ng pagmamahal.

Si Jesus ay papasok, ngunit si Maria ay nagsabi: «Huwag, Anak.» At Siya ay tumayo sa daan ng pamasukan na ang Kanyang mga kamay nakaunat, hinahawakan ng Kanyang mga kamay ang mga hamba ng pintuan: isang harang ng katawan at pagmamahal, at inuulit Niya: «Huwag, Anak. Huwag pumasok.»

«Papasukin Ninyo Ako Inay. Walang mangyayari.» Si Jesus ay kalmanteng-kalmante, bagama’t ang lumalalang pamumutla ni Maria ay nagpapabalisa kay Jesus. Kinuha ni Jesus ang balingkinitan na pupulsuhan ni Maria, inilayo ang Kanyang kamay mula sa hamba ng pintuan at pumasok.

Nakakalat sa sahig ng kusina, na naging malagkit na lamukot, ang mga itlog, mga ubas at ang banga ng pulot na dinala mula sa Cana. Mula sa isa pang silid ang isang mareklamong tinig ay maririnig, tinig ng isang matandang lalaki na nanunumpa, nag-aakusa, nagrereklamo sa isa sa mga atake ng init-ng-ulo ng isang ulianin, napaka-di-makatarungan, impotente at masakit tingnan, at napaka nakapamimighating batahin. «... ayan ka na, ang aking bahay ay sira na, tayo ay naging ang katatawanan ng buong Nazareth, at ako ay naririto, nag-iisa, kaawa-awa, nahampas sa aking puso, sa respetong para sa akin, sa aking mga pangangailangan!... Iyan ang naiwan para sa iyo, Alfeo, sa pagiging isang tunay na naniniwala! Bakit? Bakit? Dahil sa isang baliw na tao. Isang baliw na ginawa ang aking mga tangang anak na maging mga luku-luko. Ah! Ah! Anong kirot!»

At ang maluhang tinig ni Maria ni Alfeo ay nangungusap: «Maging mabuti, Alfeo, maging mabuti! Hindi mo ba nakikita na sinasaktan mo ang iyong sarili? Sige na, hayaan mong tulungan kitang makahiga... Ikaw ay laging mabuti, laging makatarungan... Bakit mo ginagawa ito sa sarili mo? Sa akin? Sa kaawa-awang mga bata?...»

«Hindi! Hindi! Huwag mo akong hawakan! Hindi kita kailangan! Ang mga bata mabubuti? Ah! Sila ay tiyak ngang mabubuti! Dalawang walang utang na loob na mga anak! Dinalhan nila ako ng pulot pagkatapos na punuin ako ng kapaitan. Dinalhan nila ako ng mga itlog at mga ubas, pagkatapos na manginain sa aking puso! Lumayas ka, sinasabi ko sa iyo. Layas! Hindi kita kailangan. Gusto ko si Maria. Alam Niya kung papaano gawin ang mga bagay-bagay. Nasaan ang mahinang babaeng iyon ngayon, na hindi magawa ang Kanyang Anak na sumunod sa Kanya?»

⁴Si Maria ni Alfeo, hinahabol papalabas, ay pinasok ang kusina habang si Jesus ay papasok na sa silid ni Alfeo. Nakita niya Siya at hinimatay sa Kanya, humihikbi nang husto, habang si Maria, ang Birhen, ay pumuntang mapakumbaba at matiyaga malapit sa matandang galít na lalaki.

«Huwag kayong umiyak, tiya. Papasok na Ako ngayon.»

«Huwag, huwag! Huwag Mo siyang gawing insultuhin Ka! Siya ay tila nababaliw. Siya ay may pamalo. Huwag, Jesus, huwag. Pinalo din niya ang kanyang mga anak.»

«Wala siyang gagawin na kahit ano sa Akin» at si Jesus, disidido, bagama’t may kabaitan, ay itinabi ang Kanyang tiya at pumasok.

«Kapayapaan sa iyo, Alfeo.»

Ang matandang lalaki, na nasa punto na upang mahiga na may walang-katapusan na pagrereklamo at paninisi kay Maria, sapagkat Siya ay walang kakayahan na gumawa ng kahit na ano (kanina ay kasasabi pa lamang niya na Siya lamang ang nakaaalam kung papaano gawin ang mga bagay-bagay) ay bigla na lamang nagbago. «Ikaw ay naririto? Dito upang pagtawanan ako? Pati ‘yan?»

«Hindi. Upang dalhan ka ng kapayapaan. Bakit galit-na-galit ka? Pinalalala mo ang iyong kalagayan. Inay, iwanan Ninyo siya. Bubuhatin Ko siya. Hindi kita sasaktan at hindi mo kinakailangan na magpuwersa kahit papaano. Inay, itaas ang mga blanket» At si Jesus ay maingat na hinawakan ang humahangos-nang-mabigat, mahina, masamâ, lumuluha, miserableng maliit na tumpok ng mga buto at inihiga siya nang may labis na ingat, na tila siya ay isang bagong panganak na sanggol, sa kanyang higaan.

«Ayán ka na. Katulad ng madalas Kong gawin sa aking ama. Ating itaas ang unan na ito. Maitataas ka nito at makakahinga ka nang mas mabuti. Inay, ilagay ang maliit na iyan doon, sa ilalim ng kanyang likod. Magiging mas komportable siya. At ngayon ang ilaw ganyan, upang hindi ito makasakit sa kanyang mga mata, habang pinapapasok ang sariwang hangin. Ganyan nga. Ngayon... nakakita Ako ng tinimpla sa ibabaw ng apoy. Dalhin iyon sa Akin, Inay. At gawin Ninyo iyon nang napakatamis. Kayo ay puno ng pawis at nanlalamig. Makakabuti iyan sa inyo.»

Si Maria ay masunurin na lumabas.

«Ngunit ako... ngunit ako... Bakit mabuti Ka sa akin?»

«Sapagkat minamahal Ko kayo, nalalaman ninyo iyan.»

«Noon minamahal din Kita... ngunit ngayon...»

«Ngayon hindi na ninyo Ako minamahal. Alam Ko. Ngunit minamahal Ko kayo, at iyan ay sapat na para sa Akin. Pagkaraan... mamahalin ninyo Ako...»

«Bueno kung gayon... Ah, Ah... gaano kasakit! Kung gayon kung totoo na minamahal Mo ako, bakit Mo sinasaktan ang aking katandaan?»

«Hindi Ko kayo sinasaktan, Alfeo, sa kahit anong paraan. Pinararangalan Ko kayo.»

«Pinararangalan ako? Ako ang pinagtatawanan ng Nazareth.»

«Bakit ganyan ang sinasabi ninyo, Alfeo? Sa anong paraan Ko kayo nagawang pagtawanan?»

«Magpatungkol sa aking mga anak. Bakit sila mga rebelde? Dahil sa Iyo. Bakit ako pinagtatawanan? Dahil sa Iyo.»

«Sabihin sa Akin: kung pupurihin kayo ng Nazareth dahil sa kapalaran ng inyong mga anak, mararamdaman pa rin ba ninyo ang ganyang kirot?»

«Sa ganyang kaso, hindi! Ngunit ang Nazareth ay hindi ako pinupuri. Pupurihin nila ako kung Ikaw ay isang kongkistador. Ngunit na ako ay kailangang iwanan nila dahil sa isang kulang-na-lang-nang-kaunti na maging isang baliw na naglalagalag sa mundo, kumukuha para sa kanyang sarili ng kapootan at panunuya, isang mahirap na tao sa pagitan ng mahihirap! Ah! Sino ang hindi tatawa? Ang aking abang tahanan! Anong isang katapusan para sa iyo, kaawa-awang sambahayan ni David! At kinailangan kong mabuhay nang ganito katagal upang masaksihan ang ganitong kasawiang-palad? Ang makita Ka, ang huling usbong ng maluwalhating pamilya, na maging marumi ng kabaliwan dahil sa labis-labis na pagpapaalipin! Ah! Kasawiang-palad ang binagsakan natin mula noong araw na ang aking mahinang-loob na kapatid ay pumayag na mapakasal sa di-nakawiwili ngunit mapangibabaw na babae na may ganap na kontrol sa kanya. Sinabi ko noon: “Si Jose ay hindi para sa pag-aasawa. Siya ay magiging di-masaya!” At siya nga. Nalalaman niya kung ano ang katulad nito, at hindi niya kailanman ginusto na magkaroon ng kahit na anong kaugnayan sa pag-aasawa. Isumpa ang Batas tungkol sa mga ulilang babaeng tagapagmana! Maisumpa ang katalagahan. Maisumpa ang kasalan na iyon.»

Ang “Birhen na tagapagmana” ay nakabalik na may dalang tinimpla tamang-tama upang marinig ang mahabang paghihinagpis ng Kanyang bayaw.  Siya ay mas maputla pa nga. Ngunit ang Kanyang mapagbatáng kayumihan ay hindi nababalisa. Siya ay pumunta sa malapit kay Alfeo at nang may magiliw na ngiti tinutulungan siyang makainom.

«Kayo ay hindi makatarungan, Alfeo. Ngunit malubhang-malubha ang kalagayan ninyo, na kayo ay pinatatawad sa lahat» sabi ni Jesus, itinataas ang ulo ng Kanyang tiyo.

«O! Oo! Malubhang-malubhang may sakit! Sinasabi Mo na Ikaw ay ang Mesiyas! Gumagawa Ka ng mga himala. Iyan ang sinasabi nila. Kung ako man lamang ay pinagaling Mo, upang masuklian ako para sa mga anak na kinuha Mo. Pagalingin Mo ako... at patatawarin Kita.»

«Patawarin ninyo ang inyong mga anak. Pagsikapan na unawain ang kanilang mga kaluluwa, at bibigyan kita ng kagaanan. Kung mayroon pa rin kayong sama-ng-loob laban sa kanila, wala Akong magagawa.»

«Patawarin sila?» Ang matandang lalaki ay nagkaroon ng pagsabog ng galit, na, siyempre, nagpalala sa kanyang mga aguniya sa kirot at ito ay nagawa siyang magwala ulit. «Patawarin sila? Hindi kailanman! Lumayas Ka! Layas, kung iyan ang kailangan Mong sabihin sa akin! Lumayas Ka! Ibig kong mamatay nang hindi na binibigyan ng problema pa.»

Si Jesus ay napakilos ng pagtanggap sa katotohanan. «Paalam, Alfeo, Ako ay aalis... Kailangan Ko ba talagang umalis? Tiyo... kailangan Ko ba talagang umalis?»

«Kung hindi Mo ako pagbibigyan, oo, lumayas Ka. At sabihin sa dalawang ahas na iyon na ang kanilang matandang ama ay namamatay na may sama-ng-loob laban sa kanila.»

«Hindi. Huwag ninyong gawin iyan. Huwag ninyong pabayaan na mawala ang inyong kaluluwa. Huwag Akong mahalin, kung iyan ang gusto ninyo. Huwag maniwala na Ako ang Mesiyas. Ngunit huwag mapoot, Alfeo. Pagtawanan Ako. Tawagin Akong baliw. Ngunit huwag mapoot.»

«Ngunit bakit Mo ako minamahal, kung iniinsulto Kita?»

«Sapagkat Ako ay Siya Na ayaw mong kilalanin. Ako ay ang Pag-ibig. Inay, Ako ay uuwi na.»

«Oo, Aking Anak. Hindi Ako magtatagal.»

«Iniiwan Ko ang Aking kapayapaan sa inyo, Alfeo. Kung kailangan ninyo Ako, magpasabi para sa Akin kahit anong oras, at Ako ay darating.»

Si Jesus ay lumabas, kasing kalmante katulad na tila walang nangyari. Nagmumukha lamang Siyang maputla.

«O! Jesus, Jesus, patawarin siya» ungol ni Maria ni Alfeo.

«Siyempre, Maria. Ni wala kahit pangangailangan na patawarin siya. Ang naghihirap, ay pinatatawad sa lahat. Ngayon siya ay mas kalmante na. Ang grasya ay nagtatrabaho rin nang hindi nalalaman ng puso ng isa. At pagkatapos naririyan ang inyong mga luha at tiyak ang paghihirap nina Judas at Santiago, at ang kanilang katapatan sa kanilang mga bokasyon. Harinawang ang kapayapaan ay mapunta sa inyong naghihirap na puso, tiya.» Hinahalikan Niya siya at lumabas patungo sa pangkusinang-hardin upang umuwi.

⁵Noong Siya ay maglalakad na sa daan, si Pedro ay pumasok, at sa likuran niya si Juan, humahangos na tila sila ay kanina pa tumatakbo. «O! Guro! Ano ang nangyari? Si Santiago ay nagsabi sa akin: “Tumakbo sa aking bahay. Hindi ko alam kung papaano si Jesus tinatrato!” Hindi, mali ako. Si Alfeo ay pumasok, ang lalaki sa pontanya, at nagsabi siya kay Judas: “Si Jesus ay nasa inyong bahay” at pagkatapos si Santiago ay nagsabi ng gayon. Ang Inyong mga pinsan ay napahihirapan. Hindi ko maintindihan kung ano ang lahat na ito. Ngunit nakita ko Kayo... at nabuhayan ang loob ko.»

«Wala ito, Pedro. Ang isang kaawa-awang imbalido, naging intolerante gawa ng kirot. Tapos na ang lahat ngayon.»

«O! natutuwa ako! At bakit naririto ka?» si Pedro ay tinatanong ang Iskariote, na nagmadali din doon, at ang kanyang tono ay hindi napakabait.

«Ikaw ay naririto, hindi ba?»

«Ako ay sinabihan na pumunta at ako ay pumunta.»

«Pumunta rin ako. Kung ang Mesiyas ay nanganganib, at sa loob ng Kanyang sariling amangbayan, ako, bilang nagtanggol na sa Kanya sa Judea, ay maipagtatanggol ko rin Siya sa Galilee.

«Kayang-kaya namin iyan. Ngunit walang pangangailangan sa Galilee

«Ha! Ha! Ha! Oo nga! Ang Kanyang amangbayan ay iniluluwa Siya katulad ng mabigat na pagkain. Bueno, natutuwa ako para sa inyo, na mga naiskandalo ng isang maliit na insidente, na nangyari sa Judea, kung saan Siya ay hindi kilala. Dito, sa halip!...» at si Judas ay nagtapos sumisipol ng isang tono na isang obra maestra ng isang panunuya.

«Makinig, bata. Wala ako sa tamang gana na makipagtalo sa iyo. Tigilan iyan, kung gayon... kung... mayroon kang isang bagay na mahal sa iyo. Guro, Kayo ba ay kanilang sinaktan?»

«Hindi, Aking mahal na Pedro. Matitiyak Ko sa iyo. Maglakad tayo nang mas mabilis upang mapaginhawahan ang Aking mga pinsan.»

⁶Sila ay lumakad at pinasok ang malaking talyer. Sina Judas at Santiago ay malapit sa malaking mesa ng karpintero. Si Santiago ay nakatayo. Si Judas ay nakaupo sa isang bangkito, ang kanyang siko nasa mesa, ang kanyang ulo nakapatong sa kanyang kamay. Si Jesus ay lumakad patungo sa kanila, ngumingiti, upang matiyak kaagad sa kanila na ang Kanyang puso ay minamahal sila: «Si Alfeo ay mas kalmante, ngayon. Ang kanyang mga kirot ay humuhupa at ang lahat ay mapayapa muli. Kailangan na kayo ay maging kalmante rin.»

«Nakita Mo ba siya? At ang inay?»

«Nakita Ko ang lahat.»

Nagtanong si Judas: «Ang amin din bang mga kapatid?»

«Hindi, wala sila sa loob.»

«Sila ay naroroon. Ayaw nilang sila’y makita Mo. Ngunit sa amin! O! kung kami ay nakagawa ng isang krimen, kami ay hindi sana trinato nang gayon. At kami ay lumipad mula sa Cana para sa lugod na makita siyang muli at madalhan siya ng pagkain na gustung-gusto niya! Minamahal namin siya... ngunit hindi na niya kami naiintindihan... hindi na siya naniniwala sa amin.» Si Judas ay ibinaba ang kanyang kamay at umiyak, ang kanyang ulo nasa mesa. Si Santiago ay mas malakas. Ngunit ang pahirap na nasa loob niya ay mababasa sa kanyang mukha.

«Huwag kang umiyak, Judas. At ikaw... huwag maghirap.»

«O! Jesus! Kami ay kanyang mga anak... at kami ay kanyang isinumpa. Ngunit kahit na kung winawasak niyan ang aming mga puso, hindi, hindi kami magbabago ng pasya! Kami ay para sa Iyo at mananatili kaming sa Iyo, kahit na kung kami ay kanilang bantaan ng kamatayan upang malayo sa Iyo!» bulalas ni Santiago.

«At sinabi mo na kayo ay walang kakayahan ng kabayanihan? Alam Ko. Ngunit nasabi mo ito mismo. Totoo, ikaw ay magiging matapat din laban sa kamatayan. At ikaw din» Si Jesus ay hinahaplos sila. Ngunit sila ay naghihirap. Ang mabatong kisame ay umuugong sa iyak ni Judas.

⁷At posible kung gayon para sa akin na mas makilala ang mga kaluluwa ng mga apostol.

Si Pedro, na ang kaninong matapat na mukha ay kapigha-pighati, ay bumulalas: «Oo! Ito ay masakit... Isang malungkot na sitwasyon. Ngunit, aking mahal na mga bata (at kanya silang inuuga niya nang mapagmahal) hindi lahat na tao ay nararapat ng ganyang mga salita... Ako... Nabatid ko na ako ay naging masuwerte sa aking bokasyon. Ang mabait na babaeng iyon, ang aking asawa, ay laging sinasabi sa akin: “Ito ay tila itinakwil ako, sapagkat ikaw ay hindi na sa akin. Ngunit sinasabi ko: ‘O! masayang pagtatakwil’ “. Kailangan na sabihin din ninyo iyan. Nawala sa inyo ang inyong ama, ngunit nakuha ninyo ang Diyos.»

Ang pastol na si Jose, isang ulila, walang karanasan tungkol sa pamilyang pamumuhay ay nagtataka na ang isang ama ay maaaring maging dahilan ng napakaraming mga luha, at nagsabi: «Akala ko ako ang pinaka di-masaya sa lahat, sapagkat wala akong ama. Ngunit nakikita ko na mas mabuti na ang umungol sa ibabaw ng kanyang kamatayan kaysa ipagdalamhati siya bilang isang kaaway.»

Si Juan ay hinahalikan at hinahaplos ang kanyang mga kaibigan.

Si Andres ay nagbubuntung-hininga at tahimik. Siya ay nagmimithing makapagsalita ngunit ang kanyang pagiging mahiyain ay nabubusalan siya.

Sina Tomas, Felipe, Mateo at Natanael ay nagsasalita sa mabababang tinig, na may nararapat na respeto sa tunay na kapighatian.

Si Santiago ni Zebedeo ay nagdarasal, halos maririnig lamang, na sana ang Diyos ay magkaloob ng kapayapaan.

Si Simon Zealot, o! gaano ko kagusto ang kanyang ginawa! Iniwan niya ang kanyang sulok at lumapit sa dalawang naghihirap na mga lalaki, ipinatong niya ang isang kamay sa ulo ni Judas at sa pamamagitan ng isa pa niyayakap niya ang baywang ni Santiago at nagsabi: «Huwag umiyak, anak. Si Jesus ay nagsabi sa atin, sa inyo at sa akin: “Pinagsasama Ko kayo: kayo na nawawalan ng inyong ama dahil sa Akin, at ikaw na may puso ng isang ama, na hindi nagkaroon ng kahit isang anak”. At hindi natin naintindihan kung anong propesiya ang nakalakip sa mga salita Niyang iyon. Ngunit nalalaman Niya. Ngayon: nagsusumamo ako sa inyo. Ako ay matanda na at lagi kong pinangarap ang matawag  na “ama”. Tanggapin ninyo ako bilang ganyan, at ako, bilang isang ama, ay pagpapalain kayo tuwing umaga at gabi. Pakiusap na tanggapin ako bilang ganyan.» Ang dalawang magkapatid ay tumango sa pagsang-ayon humihikbi nang mas malakas.

Si Maria ay pumasok at nagmamadali patungo sa dalawang malungkot na mga lalaki. Hinahaplos Niya ang maitim na ulo ni Judas at ang mga pisngi ni Santiago. Siya ay kasing putla ng isang liryo. Si Judas ay kinuha ang Kanyang kamay, hinahalikan ito at nagtanong: «Ano ang ginagawa ng itay?»

«Siya ay natutulog, anak. Ang inyong ina ay pinaaabot sa inyo ang kanyang mga halik» at hinahalikan Niya silang dalawa.

Ang paos na tinig ni Pedro ay sumambulat: «Makinig, halika rito nang sandali, may sasabihin ako sa iyo» at nakikita ko si Pedro na hinawakan ng kanyang malakas na kamay ang isang braso ng Iskariote at inilabas siya sa kalsada. At pagkatapos bumalik siya na nag-iisa.

«Saan mo siya pinadala?» tanong ni Jesus.

«Saan? Upang makalanghap ng sariwang hangin, o nabigyan ko sana siya mismo ng ilan, ngunit sa ibang pamamaraan... at hindi ko iyon ginawa dahil lamang sa Inyo. O! Mas maganda na ang aking pakiramdam ngayon. Ang tumatawa sa presensya ng kapighatian ay isang ahas, at dumudurog ako ng mga ahas. Kayo ay naririto... at pinadala ko lamang siya sa labas sa liwanag ng buwan. Mabuti na iyon... ngunit ako ay magiging kahit isang eskriba, isang pagbabago na tanging ang Diyos lamang ang makagagawa, dahil halos hindi ko maalaala na ako ay nasa mundong ito, ngunit siya... siya ay hindi magiging mabuti, ni hindi sa tulong ng Diyos. Si Simon ni Jonas ay masisiguro sa Inyo, at hindi ako nagkakamali. Hindi! Huwag mag-alala! Hindi siya makapaniwala na siya ay umaalis mula sa isang malungkot na sitwasyon. Siya ay mas tigang pa kaysa sa isang pangkiskis na bato sa ilalim ng araw ng Agosto. Sige na, mga bata! May isang Ina rito na ni ang Langit ay hindi nagkaroon ng mas magiliw pa. May isang Guro rito na mas mapagmahal pa kaysa sa Paraiso, at may napakaraming mga puso na sinsirong nagmamahal sa inyo. Ang mga bagyo ay nakagagawa ng labis na kabutihan: inaalis nito ang mga alikabok. Sa araw bukas mas magiging sariwa pa kayo kaysa sa mga bulaklak, mas mabibilis pa kaysa sa mga ibon, upang sundan ang ating Jesus.»

At ang lahat ay nagtatapos sa simpleng mabubuting salita na ito ni Pedro.

--------------------

jesus sinasabi

⁸Pagkatapos sinasabi ni Jesus:

«Pagkatapos ng bisyon na ito ilalagay mo ang isang binigay Ko sa iyo noong tagsibol ng 1944, ang isa kung saan tinanong Ko ang Aking Ina tungkol sa Kanyang impresyon sa mga apostol. Sa ngayon ang kanilang moral na mga karakter ay sapat nang malinaw upang mailagay ang bisyon na iyan dito nang walang naiiskandalo na sinuman. Hindi Ko kailangan ang payo ninuman. Ngunit kapag kami ay nag-iisa, at ang mga disipulo ay nakakalat sa mapagkaibigan na mga pamilya o sa mga kalapit nayon, kapag Ako ay tumitigil sa Nazareth, gaano kaganda ito na magsalita at humingi ng payo sa Aking mabait na Kaibigan: ang Aking Ina, at makuha ang kumpirmasyon mula sa Kanyang mayuming mga labì tungkol sa Akin nang nakita. Hindi Ako naging kung ano pa man bagkus ang “Kanyang Anak” kasama Siya. At sa mga ipinanganak ng isang babae hindi nagkaroon ng isang ina na mas “ina” pa kaysa sa Kanya, sa lahat na perpeksiyon ng pagiging-tao at sa moral na makainang mga birtud,  ni hindi nagkaroon ng isang anak na mas “anak” pa kaysa sa Akin kung magpatungkol sa respeto, kompiyansa at pagmamahal.

At ngayon na ikaw ay nagkaroon na ng kaunting kaalaman man lamang tungkol sa Labindalawa, tungkol sa kanilang mga birtud, mga diperensiya, mga karakter, mga pagpupunyagi, mayroon pa bang naniniwala na ito ay madaling gawain para sa Akin na panatilihin silang magkakasama, itinaas at ginagawa silang perpekto? At mayroon pa ba na ang tingin sa buhay ng isang apostol ay madali, at na upang maging isang apostol o, katulad na ganito ang kaso madalas, ang tingnan ang sarili na ganyan, nararapat siya ng isang pamumuhay na walang-problema, malaya sa mga kapighatian, mga kaibhan, mga pagkatalo? Mayroon pa ba na, dahil lamang na pinaglilingkuran niya Ako, inaasahan niya Ako na maging kanyang lingkod at gumawa ng mga himala nang walang-patíd sa pabor niya, ginagawa ang kanyang buhay na kasing ganda ng mabulaklak na alpombra, madali at maluwalhati sa pantaong pananaw? Ang Aking daan, ang Aking gawain, ang Aking paglilingkod ay ang krus, kapighatian, pagtitiis, sakripisyo. Ginawa Ko iyan. Gawin ng mga nagsasabi na sila ay “Aking” mga kaibigan na gawin din iyan. Ang sinasabi Ko sa itaas ay hindi para sa mga Juan, bagkus para sa mga di-kontento at mahihirap intindihin na mga dalubhasa.

At para din sa mga dalubhasa na may mga mapunahing mga pagtutol sasabihin Ko na ginamit Ko ang mga salitang: tiyo at tiya, na hindi pangkaraniwan sa mga wikang Palestino, upang linawin at tapusin ang isang walang-paggalang na katanungan tungkol sa Aking katayuan ng pagiging ang Bugtong na Anak ni Maria at sa Pagiging Birhen ng Aking Ina bago at pagkatapos ng kapanganakan sa Akin; Siya sa katunayan ay naipaglihi Ako sa pamamagitan ng espirituwal na dibinong pagsasama, at gawing ulitin Ko itong muli, wala Siyang nalaman na iba pang pagsasama, ni hindi Siya nanganak ng iba pang bata: Di-Nalalabag na Laman, na ni kahit Ako ay hindi Ko ito naligalig, nakasarado sa misteryo ng isang tabernakulong sinapupunan, ang trono ng Trinidad at ng Nagkatawang-Tao na Salita.»

(531)310810/051213


Sunod na kabanata.