103. Si Jesus sa Lebanon Kasama ang mga Pastol na Sina Benjamin at Daniel.

Pebrero 10, 1945.

¹Si Jesus ay naglalakad sa tabi ni Jonathan sa isang berdeng malilim na binundok. Ang mga apostol ay nasa likuran naguusap-usap. Ngunit si Pedro ay humiwalay sa kanila at pumunta sa harapan at, prangkong katulad ng dati, tinanong niya si Jonathan: «Ngunit hindi ba’t ang daan patungong Caesarea Philippi ay ang mas mabilis? Kinuha natin ang isang ito... ngunit kailan tayo darating? Dumaan ka roon kasama ang iyong sinyora, hindi ba?»

«Kasama ang isang imbalido pangangahasan ko ang lahat. Ngunit kailangan na maintindihan mo na ako ay isang alalay ni Antipas, at si Philip pagkatapos ng masagwang insesto na iyon, ay hindi sumasang-ayon sa mga alalay ni Herodes... Alam n’yo, hindi ako natatakot para sa aking sarili. Ngunit ayaw kong makagawa ng problema para sa inyo, at lalo na para sa Guro, at makagawa ng mga kaaway para sa inyo. Sa loob ng Tetrarka ni Philip, ang Salita ay kailangan, katulad sa Tetrarka ni Antipas... at kung kinapopootan nila kayo, papaano na kayo? Sa inyong pagbabalik makadadaan kayo sa daan na ito, kung gugustuhin ninyo.»

«Pinapupurihan Ko ang iyong kahinahunan, Jonathan. Ngunit sa pagbabalik binabalak Kong dumaan sa rehiyon ng Phoenicia» sabi ni Jesus.

«Sila ay nababalot sa kadiliman ng mga pagkakamali.»

«Pupunta Ako sa hangganang mga lugar upang paalalahanan sila na may isang Liwanag.»

«Sa palagay ba Ninyo si Philip ay maghihiganti sa isang katulong para sa kamalian na kanyang tinanggap mula sa kanyang kapatid?»

«Oo, Pedro. Sila ay magkatulad. Sila ay napaghaharian ng pinakamababang mga instinto at wala silang pinipili. Sila ay tila mga hayop, hindi mga tao, maniwala sa akin.»

«Gayunpaman kailangan na maging mapagmahal siya sa amin, ibig kong sabihin, sa Kanya, isang kamag-anak ni Juan. Si Juan ay nagsalita pa nga sa ngalan niya at sa katauhan niya, noong siya ay nagsasalita sa ngalan ng Diyos.»

«Ni hindi siya magtatanong sa inyo kung saan kayo nanggaling o kung sino kayo. Kung kayo ay makita kasama ako, kung ako ay kanyang makilala o itinuro sa kanya ng isang kaaway ng sambahayan ni Antipas bilang ang katulong ng kanyang Procurator, kayo ay ipakukulong kaagad. Kung nalalaman lang ninyo kung gaanong putik ang nasa likuran ng purpurang mga damit! Paghihiganti, pag-aabuso ng kapangyarihan, mga pagtataksil, kahalayan, pagnanakaw ang ikinabubuhay ng kanilang mga kaluluwa. Mga kaluluwa?... Bueno! Sabihin na natin na ganyan. Sa palagay ko sila ay wala nang mga kaluluwa. Makikita ninyo. Iyon ay nagtapos nang maayos. Ngunit bakit si Juan napalaya? Dahil sa alitan ng dalawang opisyal ng korte. Ang isa, upang mawala ang isa, na pinapaboran nang labis ni Antipas na si Juan ay nailagay sa kanyang pangangalaga, ay nagbigay ng malaking halaga ng pera at napabuksan ang kulungan sa gabi... Sa palagay ko nilagyan niya ng gamot ang alak ng kanyang kaaway, at sa sumunod na umaga... ang kaawa-awang tao ay pinugutan ng ulo sa halip na si Juan Bautista na nakatakas. Kasuklam-suklam. Sinasabi ko sa iyo.»

«At ang iyong panginoon ay namamalagi roon? Siya ay tila isang mabuting tao.»

«Mabuti siyang tao. Ngunit wala siyang magagawang iba. Ang kanyang ama at ang kanyang lolo ay nasa korte ni Herod the Great, at ang anak ay napilitan na mapunta roon. Siya ay hindi sumasang-ayon. Ngunit mailalayo lamang niya ang kanyang asawa sa mabisyong korte na iyon.»

«Hindi ba niya masasabi: “Kasuklam-suklam ka” at umalis?»

«Magagawa niya. Ngunit, bagama’t siya ay mabuti, hindi pa niya kaya ang ganyang gawain. Ito ay tiyak na mangangahulugan ng kamatayan. At sino ang nananabik na mamatay dahil sa katapatan ng kanyang kaluluwa,  naitaas sa pinakamataas na antas? Isang santo katulad ni Juan Bautista. Ngunit tayo, kaawa-awang mga tao!»

²Si Jesus, Na pinabayaan silang magsalita nang sila-sila lamang, ay nakihalo: «Bago magtagal sa lahat na kilalang mga lugar ng mundo ang mga santo na masayang mamamatay para sa ganyang katapatan sa Grasya at para sa pagmamahal ng Diyos ay magiging kasing kapal ng mga bulaklak sa isang parang sa Abril.»

«Talaga? O! ibig kong batiin ang mga santong iyan at sabihin sa kanila: “Ipagdasal ang kaawa-awang si Simon ni Jonas!”» sabi ni Pedro.

Si Jesus ay tinitingnan siya nang walang-tigatig ngumingiti.

«Bakit Ninyo ako tinitingnan nang ganyan?»

«Sapagkat makikita mo sila bilang kanilang mga katulong at makikita mo sila kapag tinutulungan ka nila.»

«Para sa ano, Panginoon?»

«Na maging ang Bato kinunsagra ng Aking Sakripisyo, kung saan ang Aking Testimonya ay ipagdiriwang at itatayo.»

«Hindi ko Kayo maintindihan.»

«Maiintindihan mo.»

Ang iba pang mga disipulo, na mga lumapit at nakinig, ay naguusap-usap.

Si Jesus ay lumingon: «Sasabihin Ko sa inyong totoo na kayong lahat ay susubukan ng isang pagpapahirap o ng iba pa. Pansamantala ito ay ang pagtalikod sa mga kaginhawahan, sa mga minamahal, sa materyal na kita. Pagkatapos ito ay magiging sa mas malaki at mas malaki pang bagay, hanggang sa makalangit na bagay na magkokorona sa inyo ng inmortal na diyadema. Maging tapat. At kayong lahat ay magiging tapat. At iyan ang kakamtin ninyo.»

«Ang mga Hudyo kaya, ang Sanhedrin, ay papatayin kami dahil sa aming pagmamahal para sa Inyo?»

«Ang Herusalem ay hinuhugasan nito ang mga pamasukan ng Templo nito sa dugo ng mga Propeta at mga Santo nito. Ngunit ang mundo rin ay naghihintay para mahugasan... May napakaraming templo ng nakapangingilabot na mga diyos. Ang mga ito ay magiging mga templo ng totoong Diyos sa hinaharap, at ang ketong ng paganismo ay malilinis ng nagpapadalisay na tubig gawa sa dugo na mga martir.»

«O! Kataastaasang Diyos! Panginoon! Guro! Hindi ako karapat-dapat ng labis! Ako ay napakahina! Natatakot ng kasamaan! O! Panginoon!... Ang Inyong walang silbing lingkod ay palayasin Ninyo o bigyan Ninyo siya ng lakas. Ayaw kong Kayo ay magkaroon ng masamang imahe sa pamamagitan ng aking karuwagan.» Si Pedro ay itinapon ang sarili sa paanan ng Guro at totoong pinakikiusapan niya Siya sa pamamagitan ng makabagbag-damdamin na mga salita.

«Tumayo ka, Aking mahal na Pedro. Huwag kang matakot. Malayo pa ang pupuntahan mo... at ang panahon ay darating kung saan gugustuhin mo lamang na tiisin ang huling pagsubok sa iyo. At pagkatapos makukuha mo ang lahat, mula sa Langit at mula sa iyong sarili. Titingin Ako sa iyo na punó ng paghanga.»

«Sinasabi Ninyong ganyan... at pinaniniwalaan ko iyan. Ngunit ako ay isang ganyang kaawa-awang tao!»

³Sila ay nagpapatuloy sa paglalakad...

... at pagkaraan ng matagal na pagkaputol ng bisyon nagsimula ulit akong makakita kung saan sila ay nakaalis na sa kapatagan upang akyatin ang napakataas na kakahuyan ng bundok. Baka ito ay ni hindi na ang parehong araw, sapagkat habang kanina ito ay isang napakatuyong umaga, ngayon ang isang magandang umaga ay nagagawa ang munting diyamanteng mga tubig na kumislap sa lahat ng mga tangkay. Ang isang walang-katapusan na mga koniperong kakahuyan ay nalampasan at ang kanilang kataasan ang nangingibabaw at katulad ng berdeng mga katedral tinatanggap nila sa kanilang mga haligi ang walang-kapaguran na mga peregrino.

Ang Lebanon ay totoong isang magandang kabit-kabit na mga bundok. Hindi ko alam kung ang buong kabit-kabit ay ang Lebanon o ang bundok lamang na ito. Alam ko na nakikita ko ang punó ng mga kakahuyan na kabit-kabit na mga bundok na may salu-salubong ng mga palupo at mga bangin, may mga lambak at mga kapatagan, sa tabi kung saan ang mga agos ng tubig katulad ng malabnaw na berdeng-asul na mga ribon ay dumadaloy at pagkatapos bumabagsak sa mga lambak. Ang lahat na uri ng mga ibon ay pinupuno nito ang mga kakahuyan ng konipero sa pamamagitan ng kanilang mga huni at mga paglipad, at ang hangin ng umaga ay napababanguhan ng mga resina. Sa pagliko patungo sa lambak, o kung baga, patungo sa kanluran, makikita ng isa ang malawak, tahimik, solemneng karagatan, napakagandang tingnan, at ang dalampasigan, na umuunat nang pahilaga at patimog, kasama ang mga bayan nito, mga daungan, at ang ilan na mga daan ng mga tubig, na dumadaloy sa karagatan, at nagmumukhang maningning na mga koma sa tigang na lupa, napakakaunti ang kanilang mga tubig na natuyo ng araw, at nagmumukhang manilaw-nilaw na mga marka ng daliri sa asul na dagat.

«Ito ay magagandang lugar» wika ni Pedro

«At ni hindi dito napakainit» sabi ni Simon.

«Ang araw ay hindi problema dahil sa mga punungkahoy» dagdag ni Mateo.

«Dito ba nila kinuha ang mga sedro ng Templo?» tanong ni Juan.

«Oo. Ang mga kakahuyan na ito ang nagbibigay ng pinakamagagandang kahoy. Ang panginoon nina Daniel at Benjamin ang nagmamay-ari ng karamihan nito pati na rin ng malalaking kawan. Nilalagari nila ang mga puno sa lugar mismo at pagkatapos dinadala sa lambak sa tabi ng mga barangka na iyon o sa pamamagitan ng lakas ng mga braso. Mahirap na trabaho kung ang mga troso ay gagamitin na ganap na walang balat, katulad ng ginamit sa Templo. Ngunit mabuti siyang magbayad at marami ang nagtatrabaho para sa kanya. At saka napakabuti niya. Hindi siya katulad ng malupit na si Doras. Kaawa-awang Jonah!» tugon ni Jonathan.

«Bakit ang kanyang mga katulong halos lahat mga alipin? Noong sinabi ko kay Jonah: “Iwanan mo siyang mahirapan at sumama ka sa amin. Si Simon ni Jonas ay lagi nang may tinapay para sa iyo”; siya ay tumugon: “Hindi ko magagawa, maliban kung matubos ko ang aking sarili”. Ano ang sitwasyon?»

«Si Doras, at hindi lamang siya ang nag-iisa sa Israel, ay madalas gawin ito: kapag nakakakita siya ng isang mabuting katulong, gagawin niya siyang alipin sa pamamagitan ng masuring katusuhan. Palalabasin siyang nagkakautang ng huwad na mga halaga ng pera, na hindi mababayaran ng kaawa-awang tao, at kapag ang halaga ay malaki na sasabihin niya: “Ikaw ay aking alipin sa pamamagitan ng pagkakautang”.»

«O! Kahiya-hiya! At siya ay isang Pariseo!»

«Oo, hangga't si Jonah ay may naiipon, siya ay nakakabayad... pagkatapos... isang taon iyon ay isang pag-ulan-ng-yelo, ang sumunod na taon tagtuyot. Ang taniman ng mga butil at ng mga ubas ay namunga nang kaunti at si Doras ay pinalaki ang sira nang sampung beses, at nang sampung beses pa ulit... Pagkatapos si Jonah ay nagkasakit dahil sa labis na pagod. At si Doras ay pinahiram siya ng pera para sa pagpapagamot, ngunit humingi siya ng kabayaran na labindalawa sa isa, at sa dahilan na si Jonah ay hindi makabayad, idinagdag niya ito sa iba pa. Sa madaling salita: pagkatapos ng ilang taon nagkaroon na siya ng utang na nagawa siyang isang alipin. At hindi niya siya pakawalan... Lagi siyang nakakakita ng mga dahilan at iba pang mga pagkakautang...» si Jonathan ay nalulungkot iniisip ang kanyang kaibigan.

«At ang iyo pang panginoon ay hindi...»

«Ano? Na tratuhin siyang isang tao? At sino ang sasalungat sa mga Pariseo? Si Doras ay isa sa mga malalakas; Sa palagay ko siya ay isa ring kamag-anak ng Mataas na Pari... Iyan man lamang ang kanilang sinasabi. Minsan, nang siya ay pinahagupit nang halos mamatay, at ako ay napasabihan, ako ay labis na umiyak na si Chuza ay nagsabi sa akin: “Tutubusin ko siya upang maging masaya ka”. Ngunit si Doras ay tinawanan siyang harap-harapan at ayaw tumanggap ng kahit ano. Eh! Ang tampalasan na iyon... Siya ang nagmamay-ari ng pinakamagagandang bukid sa Israel... ngunit matitiyak ko sa Inyo: ang mga iyon ay naaabonohan ng dugo at mga luha ng kanyang mga katulong.»

Si Jesus ay tinitingnan ang Zealot at ang Zealot ay tinitingnan Siya. Kapwa sila namimighati.

«At ang panginoon ba ni Daniel ay mabuti?»

«Siya man lang ay tao. Siya ay mapaghanap, ngunit hindi siya naniniil. At, sa dahilan na ang mga pastol ay matatapat, tinatrato niya sila nang may damdamin. Sila ang may pananagutan para sa mga pastulan. Kilala niya ako at iginagalang dahil ako ay isang katulong ni Chuza... at maaaring may-pakinabang ako sa kanya... Ngunit bakit, aking Panginoon, ang tao ay napakamakasarili?»

«Sapagkat ang pagmamahal ay sinakal sa makalupang Paraiso. Ngunit Ako ay naparito upang luwagan ang tali at maibalik ang buhay sa pagmamahal.»

⁴«Naririto na tayo sa ari-arian ni Elisha. Ang mga pastulan ay malayo pa. Ngunit sa mga oras na ito ang mga tupa ay halos laging nasa loob ng kulungan dahil sa init. Pupunta ako at titingnan kung sila ay naroroon.» At si Jonathan ay tumakbong umalis.

Siya ay bumalik pagkaraan nang kaunti may kasamang dalawang matipunong ubanin na mga pastol, na totoong nagmamadali pababa sa dalisdis upang makita si Jesus.

«Kapayapaan sa inyo.»

«O! O! Ang ating Sanggol ng Bethlehem!» sabi ng isa, at ng isa pa: «Harinawang ang kapayapaan ng Diyos, na pumunta sa atin, ay pagpalain.» Ang dalawang lalaki ay nakasubsob ang mga mukha sa damo. Ang pamimitagan sa isang altar ay hindi napakalalim katulad ng kasalukuyang pamimitagan para sa Guro.

«Tumayo. Gumaganti Ako sa inyong pagpapalà, at masaya Akong gawin ito sapagkat bumababa itong malugod sa sinuman na karapat-dapat nito.»

«O! Kami karapat-dapat!»

«Oo, karapat-dapat kayo, sapagkat kayo ay laging naging matapat.»

«At sino ang hindi magiging matapat? Sino ang makakalimot sa oras na iyon? Sino ang makapagsasabi: “Hindi totoo ang nakita namin? “ Sino ang makakalimot na Kayo ay ngumiti sa amin sa loob ng maraming buwan, kapag madalas namin Kayong pinupuntahan sa gabi, kapag kami ay bumabalik kasama ang aming mga tupa at ipinapalakpak Ninyo ang Inyong mga kamay sa tunog, ng aming mga plawta?... Naaalaala mo ba, Daniel? Halos laging nakadamit ng puti sa loob ng mga braso ng Inyong Ina, nagpapakita Kayo sa amin sa loob ng mga sinag ng araw sa parang ni Anna o sa bintana, at nagmumukha Kayong isang bulaklak sa niyebeng-kaputian na damit ng Inyong Ina.»

«At minsan dumating Kayo, ginagawa ang Inyong unang mga hakbang, upang haplusin ang isang maliit na kordero, hindi masyadong kulot katulad Ninyo! Gaano Kayo kasaya noon! At hindi namin malaman kung ano ang aming gagawin sa aming pangkabukiran na mga pagkatao. Gustung-gusto namin na kami ay naging mga anghel upang hindi kami masyadong magagaspang...»

«O! Aking mga kaibigan. Nakita Ko ang inyong mga puso, at nakikita Ko pa rin ito ngayon.»

«At Kayo ay ngumingiti sa amin katulad ng ginagawa Ninyo noon!»

«At Kayo ay pumunta rito upang tingnan kaming abang mga pastol!»

«Pumunta Ako sa Aking mga kaibigan. Masaya na Ako ngayon. Natagpuan Ko na kayong lahat at hindi Ko na kayo pakakawalan pa ulit. Makapagbibigay ba kayo ng ospitalidad sa Anak ng tao at sa Kanyang mga kaibigan?»

«O! Panginoon! Kailangan ba Ninyo kaming tanungin? Hindi kami nagkukulang sa tinapay at gatas. Ngunit kung kami ay may iisang mumo lamang, ibibigay namin ito sa Inyo, upang makasama namin Kayo. Tama ba iyon, Benjamin?»

«Ibibigay namin sa Inyo ang aming mga puso bilang pagkain, aming matagal-nang hinihintay  na Panginoon!»

«Tayo na kung gayon. Tayo ay magsasalita tungkol sa Diyos...»

«At ang Inyong mga kamag-anak, Panginoon. Si Jose, napakabuti! Si Maria... O! Siya: ang Ina! Tumingin, tingnan ang mahamog na narcissus na ito. Ito ay maganda at puro at ang tuktok nito ay katulad ng isang diyamanteng bituin. Ngunit Siya... O! ang bulaklak na ito ay walang kuwenta kung ikukumpara sa Ina! Ang isang ngiti Niya ay isang pagdadalisay, ang makita Siya ay isang kapistahan, ang makinig sa Kanya ay ang mapabanal. Naaalaala mo rin ba ang Kanyang mga salita, Benjamin?»

«Oo, at mauulit ko ang mga ito para sa iyo. Sapagkat ang sinabi Niya sa atin, sa loob ng mga buwan na tayo ay nakakapakinig sa Kanya, ay nakasulat dito (at kanyang dinadagukan ang kanyang dibdib). Ito ay ang pahina ng aming karunungan. At naiintindihan din namin ito, sapagkat iyon ay isang salita ng pagmamahal.  At ang pagmamahal... o! ang pagmamahal ay naiintindihan ng lahat! Halikayo, Panginoon, pasok at pagpalain ang aming masayang tirahan.»

Pinasok nila ang isang silid malapit sa malaking kulungan ng mga tupa at ang lahat ay nagtatapos.

(548) 020910/051313

Sunod na kabanata.