104. Si Jesus sa Baybaying-Bayan Tinanggap ang mga Sulat Tungkol kay Jonah.

Pebrero 11, 1945.

¹Si Jesus ay nasa magandang baybaying-bayan, na sa mapa ay may natural na malawak at magandang napoprotektahan na golpo, na may kapasidad na tumanggap ng maraming barko, nagagawa pang mas ligtas sa pamamagitan ng isang masibong pader ng puwerto. Maaaring mas gamit din ito para sa mga dahilang militar, sapagkat nakakakita ako ng mga Romanong barkong pandigma na may nakasakay na mga sundalo. Sila ay bumababa, bagama’t hindi ko alam kung papalitan nila ang mga tropa o palalakasin nila ang puwersa ng garison. Ang puwerto, ibig-sabihin ang daungan, ay medyo nagpapaalaala sa akin tungkol sa Naples, na napaghaharian ng Vesuvian mountains.

Si Jesus ay nakaupo sa loob ng isang abang bahay malapit sa puwerto. Ito ay tiyak na bahay ng mga mangingisda, baka mga kaibigan nina Pedro at Juan, sapagkat nakikita ko sila na sila ay tila nasa sariling bahay. Hindi ko nakikita ang pastol na si Jose. At, siyempre, hindi ko nakikita ang Iskariote, na hanggang ngayon ay wala pa. Si Jesus ay nagsasalitang maluwag sa mga miyembro ng pamilya at sa ibang mga tao na mga pumunta upang makinig sa Kanya. Ngunit ito ay hindi tunay na sermon. Ang Kanyang mga salita ay punó ng payo at kaginhawahan, katulad na Siya lamang ang makapagbibigay.

Si Andres ay pumasok, siya ay tila galing sa pagsagawa ng ilang mga tagubilin, sapagkat may dala siyang ilang mga tinapay. Siya ay namumula noong lumalapit, sapagkat maaaring tunay na pasakit sa kanya ang makuha niya ang atensiyon ng ibang mga tao, at sa halip na magsalita siya ay bumubulong: «Guro, maaari ba Kayong sumama sa akin? May... may ilang mabuting bagay na kailangang magawa. Ngunit Kayo lamang ang makagagawa nito.»

Si Jesus ay tumayo na ni hindi na nagtatanong kung ano ang mabuting bagay na kailangang gawin.

Ngunit si Pedro ay nagtanong: «Saan mo Siya dinadala? Siya ay pagod-na-pagod. Maghahapunan  na. Makapaghihintay sila para sa Kanya hanggang bukas.»

«Hindi... kailangan itong gawin kaagad. Ito ay...»

«Bakit hindi ka magsalita, ikaw na takót na gasela? Papaano ang isang dakilang malaking matipunong tao magiging ganyan!... Nagmumukha kang isang maliit na isda na nahuli sa lambat!»

Si Andres ay mas lalo pang namumula. Si Jesus ay ipinagtanggol siya kinakabig siya sa Sarili Niya. «Gusto Ko siya na ganyan. Hayaan lang siya. Ang iyong kapatid ay katulad ng isang malusog na tubig. Ito ay tumatrabaho nang walang-ingay sa mga kalaliman, lumalabas ito mula sa lupa katulad ng isang napakapinong agos, ngunit napagagaling nito ang mga lumalapit dito. Tayo na, Andres.»

«Sasama rin ako. Ibig kong makita kung saan Kayo niya dadalhin» pagpilit ni Pedro.

Si Andres ay nakiusap: «Hindi, Guro. Tanging Kayo lamang at ako. Kung magkakaroon ng pulutong ito ay imposible. Ito ay isang bagay ng pagmamahal...»

«Ano iyon? Naglalaro ka na ba ng isang abay-sa-kasal ngayon?»

Si Andres ay hindi tumutugon sa kanyang kapatid. Sinabi niya kay Jesus: «Ang isang lalaki ay ibig na itakwil ang kanyang asawa at... at ako ay nagsalita. Ngunit wala akong kakayahan. Ngunit kung Kayo ang magsasalita... o! magtatagumpay Kayo, sapagkat ang lalaki ay hindi masamang tao. Siya ay... siya ay... sasabihin niya sa Inyo.»

Si Jesus ay lumabas kasama si Andres nang wala nang sinasabi pang iba.

Si Pedro ay medyo hindi makapagpasya, pagkatapos sinabi niya: «Pupunta ako. Malaman ko man lamang kung saan sila pupunta.» At siya ay lumabas, bagama’t ang iba ay sinasabihan siya na huwag.»

Si Andres ay papalabas na mula sa isang makipot na kalsada na punó ng mga tao. At si Pedro ay sinusundan siya. Siya ay umikot sa isang maliit na liwasan na punó ng matatandang babae. At si Pedro ay sinusundan siya. Nagpapatuloy siya sa paglalakad dumaraan sa isang malaking pintuan na nagbubukas patungo sa isang malapad na bakuran napaliligiran ng maralitang mabababang bahay. Tinatawag ko itong malaking pintuan sapagkat dito ay may isang arko. Ngunit walang pintuan. At si Pedro ay sinusundan siya. Si Jesus ay pinapasok ang isa sa maliliit na bahay kasama si Andres. Si Pedro ay nananatili sa paghihintay sa labas. Ang isang babae ay nakita siya at nagtanong: «Ikaw ba ay isang kamag-anak ni Aava? At ang dalawang iyon? Pumunta ba kayo upang kunin siya?»

«Manahimik, kayong putak nang putak na manok! Hindi ako kailangan na makita.»

Ang mapatahimik ang isang babae! Ito ay isang mahirap na gawain. At sa dahilan na si Pedro ay binibigyan siya nang nakapanliliit na mga sulyap, binalingan ng babae ang isa pang matandang babae para may makausap. Ang kaawa-awang Pedro ay kaagad napalibutan ng mga babae, mga bata at mga kalalakihan, na ang simpleng pagsabihan ang mga taong ito na manahimik, ay makagagawa ka ng ingay upang lalong malaman ang presensya mo. Si Pedro ay nauupos sa galit... ngunit wala siyang magawa.

²Ang buo, kalmante, magandang tinig ni Jesus ay lumalabas mula sa loob ng bahay, kasabay ang isang putul-putol na tinig ng isang babae at ang paos na tinig ng isang lalaki. «Kung siya ay naging laging isang mabuting asawa, bakit mo siya itatakwil? Ikaw ba babae ay nagkamali kahit kailan sa kanya?»

«Hindi, Guro, sinusumpa ko! Minahal ko siya katulad ng balintatao ng aking mata» ungol ng babae.

Ang lalaki, matalas at matigas: «Hindi. Hindi siya sa akin kailanman nagkamali maliban sa pagiging baog. At gusto ko ng mga anak. Ayaw ko ng sumpa ng Diyos sa aking pangalan.»

«Hindi ito kasalanan ng iyong asawa, kung siya ay ganyan.»

«Pinagbibintangan niya ako. Ako at ang aking mga kamag-anak, na tila kami ay nagtaksil...»

«Babae, maging sinsiro. Nalaman mo ba na ikaw ay baog?»

«Hindi. Ako noon at ngayon ay katulad ng lahat ng ibang babae. At ang doktor din ay iyan ang sinabi. Ngunit hindi ako magtagumpay na magkaroon ng mga anak.»

«Nakikita mo na hindi ka niya pinagtaksilan. Siya ay naghihirap din dahil dito. Makasasagot ka ba nang sinsiro din: kung siya ay isang ina, itatakwil mo ba siya?»

«Hindi. Sinusumpa ko ito. Walang dahilan. Ngunit ang rabbi ay sinabi ito, at ng eskriba rin: “Ang isang baog na babae ay ang sumpa ng Diyos sa isang bahay at karapatan at katungkulan mo na hiwalayan siya at hindi masaktan ang iyong pagkalalaki sa pagkait mo sa sarili mo ng mga anak”. Ginagawa ko kung ano ang sinasabi ng Batas.»

³«Hindi. Makinig, Ang Batas ay nagsasabi: “Huwag gumawa ng pangangalunya” at malapit mo nang magawa ito. Iyan ang orihinal na kautusan at wala nang iba pa. At kung dahil sa kagagawan ng katigasan ng iyong mga puso ipinagkaloob ni Moses ang diborsiyo, ito ay upang maiwasan ang mga intriga at pagkakaroon ng mga kabit na kapootpoot sa Diyos. Pagkatapos ang inyong mga bisyo ay pinalaki pa nang pinalaki nito ang sugnay ni Moses, nililikha ang masasamang tanikala at ang mga batong pumapatay na siyang ang kasalukuyang kapalaran ng mga babae, laging mga biktima ng inyong arogansiya, ng inyong mga kapritso, ng inyong kabingihan at kabulagan sa mga damdamin. Sasabihin Ko sa iyo: hindi ayon sa batas ang gusto mong gawin. Ang iyong kilos ay isang pananakit sa Diyos. Si Abraham ba kaya ay itinakwil si Sarah? At si Jacob, si Rachel? At si Elkanah, si Anna? At si Manoah, ang kanyang asawa? Kilala mo ba si Juan Bautista? Kilala mo? Bueno: ang kanya bang ina ay hindi baog hanggang sa kanyang katandaan at pagkatapos nanganak ng isang banal na tao ng Diyos, katulad ng asawa ni Manoah na nanganak kay Samson, at si Anna ni Elkanah kay Samuel, at si Rachel kay Jose, at si Sarah kay Isaac? Sa kahinahunan ng lalaking asawa, sa kanyang habag para sa kanyang baog na asawa, sa kanyang katapatan sa kasal, ang Diyos ay nagkaloob ng isang premyo, at isang premyo na ipinagdiriwang sa loob ng maraming siglo, dahil nagkakaloob Siya ng konsolasyon sa umiiyak na baog na mga babae, hindi na mga baog o nalulungkot, bagkus maluwalhati sa pagbubunyi ng pagiging mga ina. Hindi ka pinahihintulutan na saktan ang kayang pagmamahal. Maging makatarungan at matapat. Ang Diyos ay gagantimpalaan ka nang higit pa sa iyong merito.»

«Guro, Kayo lamang ang isa na nakapagsalita nang ganyan... hindi ko nalalaman. Tinanong ko ang mga doktor at sila’y nagsabi sa akin: “Gawin mo iyan”. Ngunit ni walang isang salita upang sabihin sa akin na naggagantimpala ang Diyos sa isang mabuting gawa sa pamamagitan ng mga regalo. Kami ay nasa kanilang mga kamay... at kanilang isinasara ang aming mga mata at mga puso sa pamamagitan ng isang kamay na bakal. Ako ay hindi masamang tao. Huwag Kayong magalit sa akin.»

«Ako ay hindi galít. Nalulungkot Ako para sa iyo nang higit pa kaysa para sa umiiyak na babaeng ito. Sapagkat ang kanyang kirot ay matatapos kasabay ng kanyang buhay. Ang iyo ay magsisimula pa lang diyan, upang tumagal nang habang panahon. Isipin mo iyan.»

«Hindi, iyan ay hindi magsisimula. Ayaw kong magsimula iyan. Makapanunumpa ba Kayo sa Diyos ni Abraham na ang Inyong sinasabi ay ang katotohanan?»

«Ako ang Katotohanan at Karunungan. Ang naniniwala sa Akin ay nagkakaroon ng katarungan, karunungan, pagmamahal at kapayapaan.»

«Ibig ko Kayong paniwalaan. Oo, gusto kong paniwalaan Kayo. Sa pakiramdam ko may isang bagay sa Inyo na wala sa iba. Bueno, pupunta na ako ngayon sa pari at sasabihin ko sa kanya: “Hindi ko na siya itatakwil. Pananatilihin ko siya at hihingin ko lamang sa Diyos na ako ay tulungan upang mas kaunting sakit lamang ang aking maramdaman sa pagiging walang anak”. Aava: huwag umiyak. Hihingin natin sa Guro na pumunta rito muli upang mapanatili akong mabuti, at ikaw... ipagpatuloy mong mahalin ako.»

Ang babae ay umiyak nang mas malakas, dahil sa malaking kaibhan ng kanyang dating kapighatian at ng kanyang kasalukuyang lugod.

Si Jesus sa halip ay ngumingiti. «Huwag umiyak. Tingnan mo Ako. Tingnan mo Ako babae.»

Siya ay tumingala. Tinitingnan niya ang Kanyang maningning na mukha sa kabila ng kanyang mga luha.

«Halika rito, lalaki. Lumuhod sa tabi ng iyong asawa. Kayo ngayon ay Akin nang pagpapalain at ang inyong pagsasama Aking pababanalin. Makinig: “Panginoong Diyos ng aming mga ama, Na gumawa kay Adan sa pamamagitan ng alikabok ng lupa at nagbigay sa kanya ng Eba bilang isang katulong, na sana mapuno nila ang lupa ng mga tao, pinalalaki sila sa Inyong banal na takot, bumaba dala ang Inyong pagpapalà at ang Inyong awa, buksan at tamnan ang sinapupunan na isinara ng Kaaway upang madala sila sa dobleng pagkakasala ng pangangalunya at kawalang-pag-asa. Maawa sa dalawang batang ito, Banal na Ama, Kataastaasang Tagapaglikha. Gawin silang masaya at banal. Siya sana ay maging kasing mabunga ng isang úbasán, at ang kanyang asawa kanyang protektor, katulad na ang púno ng olmo ay sumusuporta sa baging. Bumaba, o Buhay, upang magbigay ng buhay. Bumaba, o Apoy, upang magpa-apoy. Bumaba, o Kapangyarihan, upang magpakilos. Bumaba! Pagkalooban sila niyan para sa kapistahan ng papuri para sa mabungang mga ani sa susunod na taon maialay sana nila ang kanilang buháy na tungkos, ang kanilang unang supling, isang anak na lalaki, sagrado sa Inyo, Eternal na Ama, Na nagpapalà sa mga umaasa sa Inyo”.» Si Jesus ay nananalangin sa isang kumukulog na tinig, ang Kanyang mga kamay nakaunat sa kanilang mga nakayukong ulo.

⁴Ang mga tao ay hindi nagpipigil sa kanilang mga sarili at sila'y nag-ipun-ipon. Si Pedro nasa harapan nilang lahat.

«Tumayo. Manampalataya at maging banal.»

«O! Manatili, Guro!» pagsumamo ng napagkasundong mag-asawa.

«Hindi Ako makapananatili. Babalik Ako. Mapupunta Ako rito nang madalas.»

«Manatili, manatili. Magsalita din sa amin!» sigaw ng pulutong. Si Jesus ay nagpapalà ngunit hindi tumitigil, nangangako lamang Siya na babalik kaagad. At pumunta siya sa mapag-arugang bahay, sinusundan ng isang maliit na pulutong.

«Usisador na lalaki: ano ang Aking gagawin sa iyo?» tinatanong Niya si Pedro sa daan.

«Anuman ang gusto Ninyo. Gayunpaman, ako ay naroroon...»

Pinasok nila ang bahay, pinaalis nila ang pulutong na gumagawa ng mga komentaryo tungkol sa mga salitang kanilang narinig, at sila ay naupo upang maghapunan.

Si Pedro ay mausisa pa rin. «Guro, magkakaroon ba talaga ng isang anak na lalaki?»

«Nakita mo na ba Akong nangako na hindi nagkatotoo? Sa palagay mo ba mangangahas Akong gamitin ang kompiyansa sa Ama upang magsinungaling at manloko?»

«Hindi... ngunit... magagawa ba Ninyo iyan sa lahat na mga mag-asawa?»

«Magagawa Ko. Ngunit ginagawa Ko lamang iyan kung saan nakikita Ko na ang isang anak na lalaki ay magiging isang panggaganyak sa kabanalan. Hindi Ko ginagawa iyan kung saan iyan ay magiging isang hadlang.»

Si Pedro ay kinukusot ang kanyang abuhing buhok at naging matahimik.

⁵Ang pastol na si Jose ay pumasok. Siya ay punó ng alikabok katulad ng isa na naglakad nang malayo.

«Ikaw? Bakit ka naririto?» tanong ni Jesus pagkatapos ng isang halik na pagbati.

«Mayroon akong ilang mga sulat para sa Inyo. Ang Inyong Ina ay ibinigay ang mga ito sa akin at ang isa ay mula sa Kanya. Naririto ito.» At si Jose ay iniabot sa Kanya ang tatlong maliliit na rolyo ng isang uri ng manipis na pergamino, nakatali sa maliit na ribon. Ang pinakamalaki sa lahat ay may selyo din. Ang ikalawa ay may buhol lamang, ang ikatlo ay nagpapakita ng sirang selyo. «Ang isang ito ay mula sa Inyong Ina» sabi ni Jose, tinuturo ang isang may buhol.

Si Jesus ay binubuksan ito at binabasa. Una sa mababang tinig at pagkatapos sa malakas. «“Sa Aking pinakamamahal na Anak, kapayapaan at mga pagpapalà. Ang isang mensahero mula sa Bethany ay dumating dito sa unang oras ng unang araw ng buwan ng Elul. Ito ay ang pastol na si Isaac, kung kanino ibinigay Ko ang halik ng kapayapaan at mga pampalamig sa ngalan Mo at dala ng pagpapasalamat sa Aking parte. Dinala niya sa Akin ang dalawang sulat na ito na pinadadala Ko sa Iyo, at sinabi niya sa Akin na ang Iyong kaibigan na si Lazarus ng Bethany ay pinipilit Ka na sumang-ayon sa kanyang hinihiling. Aking pinakamamahal na Jesus, pinagpalang Anak at Panginoon, mayroon din Akong dalawang bagay na hihingin sa Iyo. Ang isa ay ang paalalahanan Ka na nangako Ka na tatawagin Mo ang Iyong abang Ina upang maturuan Siya sa Salita. Ang isa pa ay huwag Kang pupunta sa Nazareth nang hindi muna Ako kinakausap”.»

Si Jesus ay tumigil nang bigla, Siya ay tumayo, at pumunta kina Santiago at Judas. Niyayakap Niya sila nang mahigpit at nagtapos sa pag-uulit nang madamdamin ng mga salitang: «Si Alfeo ay bumalik na sa sinapupunan ni Abraham sa huling kabilugan ng buwan, at malaki ang pagluluksa ng bayan...» Ang dalawang anak ay umiiyak sa ibabaw ng dibdib ni Jesus. Siya ay nagpapatuloy: «”Sa huling oras ay hinanap Ka niya. Ngunit Ikaw ay napakalayo. Ngunit iyan ay isang konsolasyon para kay Maria, na tinitingnan ito na isang tanda ng pagpapatawad ng Diyos, at kailangan na makapagbigay din ito ng kapayapaan sa Aking mga pamangkin”. Napakinggan ninyo? Sinasabi Niya iyon. At nalalaman Niya ang Kanyang sinasabi.»

«Ibigay sa akin ang sulat» nangungusap si Santiago.

«Hindi, makasasakit ito sa iyo.»

«Bakit? Ano ang masasabi nito nang mas masakit pa kaysa sa kamatayan ng isang ama?...»

«Na tayo ay kanyang isinumpa» buntung-hininga ni Judas.

«Hindi. Hindi ganyan» sabi ni Jesus.

«Sinasabi Mo iyan... upang hindi kami masaktan. Ngunit iyan ay ganyan.»

«Basahin, kung gayon.»

At binabasa ni Judas: «”Jesus: nagsusumamo Ako sa Iyo, at si Maria din ay nagsusumamo sa Iyo:  huwag pumunta sa Nazareth hangga't hindi natatapos ang pagluluksa. Ang kanilang pagmamahal para kay Alfeo ay nagagawa ang mga Nazareno na maging di-makatarungan sa Iyo at ang Iyong Ina ay umiiyak dahil diyan. Ang ating mabuting kaibigan na si Alfeo ay pinagiginhawahan Ako at pinakakalma ang bayan. Ang balita ni Aser at ni Ishmael tungkol sa asawa ni Chuza ay gumawa ng malaking kaguluhan. Ngunit ang Nazareth ay ngayon isang karagatan na nababagabag ng iba't ibang hangin. pinagpapalà Kita, Aking Anak, at hinihiling Ko sa iyo ang Iyong kapayapaan at pagpapalà para sa Aking kaluluwa. Kapayapaan sa Aking mga pamangkin. Inay”.»

Ang mga apostol ay gumagawa ng kanilang mga komentaryo at pinagiginhawahan ang umiiyak na magkapatid.

⁶Ngunit si Pedro ay nagsabi: «Hindi ba Ninyo babasahin ang mga iyon?»

Si Jesus ay tumatango sa pagsang-ayon at binubuksan ang sulat ni Lazarus. Tinawag Niya si Simon Zealot. Binabasa nila nang magkasama, sa isang sulok. Binuksan nila ang isa pang rolyo at binasa din ito, naguusap silang dalawa; at nakikita ko na ang Zealot ay nagsisikap na kumbinsihin si Jesus tungkol sa kung anong bagay, ngunit siya ay hindi nagtagumpay.

Si Jesus, na ang mga rolyo nasa Kanyang kamay, ay pumunta sa gitna ng silid at nagsabi: «Makinig, mga kaibigan. Tayo ay isang pamilya at walang mga lihim sa pagitan natin. At kung pagka-awa ang pagtakpan ang kasamaan, katarungan ang ipaalam ang mabuti. Makinig sa kung ano ang isinulat ni Lazarus ng Bethany: “Sa Panginoong Jesus kapayapaan at pagpapalà, at kapayapaan at kalusugan sa aking kaibigan na si Simon. Natanggap ko ang Inyong sulat at, katulong katulad ko, inilagay ko ang aking puso, aking pagsasalita at ang lahat ng aking pamamaraan sa paglilingkod sa Inyo upang magawa Kayong masaya at mapasaakin ang karangalan ng pagiging  hindi isang walang-pakinabang na katulong. Ako ay pumunta kay Doras, sa kanyang kastilyo sa Judea, upang hingin sa kanya na ipagbili sa akin ang kanyang katulong na si Jonah, ayon sa ibig Ninyo. Ipagtatapat ko na kung ako ay hindi pinakiusapan ni Simon, isang matapat na kaibigan, sa katauhan Ninyo, hindi ko haharapin ang nanghahamak, malupit, lapastangan na asong-gubat na iyon. Ngunit para sa Inyo, aking Guro at Kaibigan, pakiramdam ko mahaharap ko rin kahit na si Mammon. Sapagkat sa palagay ko ang magtrabaho para sa Inyo, ay ang málapit sa Inyo at dahil diyan protektado. At ako ay tiyak na natulungan, sapagkat laban sa mga inaasahan, nanalo ako. Ang paguusap ay isang mahirap na paguusap at ang kanyang unang mga pagtanggi ay nakapagpapaliit. Tatlong beses kinailangan kong yumuko sa makapangyarihan na mapagpasakit-sa-mga-katulong na iyon. Pagkatapos ako ay kanyang pinilit na maghintay nang mga ilang araw. Sa wakas naririto ang sulat. Ito ay angkop sa ahas na siya nga. At halos nangahas akong huwag magsabi sa Inyo: ‘Pumayag Kayo upang makuha Ninyo ang Inyong gusto’ sapagkat hindi siya karapat-dapat na Kayo ay makipagkita sa kanya. Ngunit walang ibang pamamaraan. Tinanggap ko ito sa katauhan Ninyo at ako ay lumagda. Kung nagawa ko ang isang maling bagay, pagalitan Ninyo ako. Ngunit maniwala sa akin: sinubukan kong paglingkuran Kayo hangga't sa magagawa ko. Kahapon ang isang Judaean na disipulo Ninyo ay dumating, nagsasabing siya ay pumunta sa ngalan Ninyo upang malaman kung may anumang balita na kailangan maihatid sa Inyo. Sinabi niya na siya ay si Judas ng Kerioth. Ngunit mas ginusto kong maghintay para kay Isaac upang maipadala ang sulat. At ako ay nagtaka na nagpadala Kayo ng iba, sa dahilan na alam Ninyo na si Isaac ay pumupunta rito sa tuwing Sabbath upang magpahinga. Wala na akong iba pa na sasabihin sa Inyo. Kaya lang, hinahalikan ang Inyong banal na mga paa, nakikiusap ako sa Inyo na dalhin Ninyo ang mga ito sa Inyong lingkod at kaibigan na si Lazarus, ayon sa Inyong ipinangako. Kalusugan kay Simon. Sa Inyo, Guro at Kaibigan, isang halik ng kapayapaan at isang panalangin para sa pagpapalà. Lazarus”.

At ngayon ang isa pa: “Kalusugan kay Lazarus. Ako ay nagpasya. Mapapasaiyo si Jonah para sa doble ng halaga. Ngunit ginagawa ko ang sumusunod na mga kasunduan at hindi ko papalitan ang mga ito sa kahit ano pang rason. Ibig kong matapos ni Jonah ang mga pag-aani ng taon, ibig-sabihin siya ay ibibigay sa buwan ng Tishri, sa katapusan ng buwan. Ibig ko na si Jesus ng Nazareth ay pumunta nang personal upang kunin siya, at hihingin ko sa Kanya na pumasok sa aking bahay, upang sana makilala ko Siya. Gusto ko ng bayad kaagad pagkatapos na malagdaan ang kontrata. Paalam. Doras”.»

⁷«Anong peste!» sigaw ni Pedro. «Ngunit sino ang magbabayad? Iniisip ko kung magkano kaya ang gusto niya at tayo... tayo ay laging wala ng isang sentimos!»

«Si Simon ang nagbabayad. Upang magawa Ako at ang kaawa-awang Jonah na masaya. Binibili lamang niya ang labí ng isang tao, na hindi maglilingkod sa kanya kahit kailan. Ngunit kumikita siya ng malaking merito sa Langit.»

«Ikaw? O!» lahat sila ay nasorpresa. Kahit ang mga anak ni Alfeo ay nakalimutan ang kanilang kapighatian dahil sa kanilang pagtataka.

«Siya ito. Makatarungan na ito ay kailangan na malaman.»

«Magiging makatarungan din kung malaman bakit si Judas Iskariote pumunta kay Lazarus. Sino ang nagpadala sa kanya? Kayo ba?»

Ngunit si Jesus ay hindi tumutugon kay Pedro. Siya ay mahigpit na mahigpit at nag-iisip. Siya ay lumabas lamang sa Kanyang pag-iisip upang sabihin: «Bigyan ng ilang pampalamig si Jose at pagkatapos tayo ay umalis na at magpahinga. Maghahanda Ako ng tugon para kay Lazarus... Si Isaac ba ay nasa Nazareth pa?»

«Siya ay naghihintay para sa akin.»

«Tayo ay pupunta.»

«Hindi. Ang Inyong Ina ay nagsasabi...» Lahat sila ay nasa lubos na pagkakagulo.

«Manahimik. Iyan ang gusto Ko. Ang Aking Ina ay nagsasalita sa pamamagitan ng Kanyang nagmamahal na puso. Ako ay naghuhusga sa pamamagitan ng Aking rason. Mas gusto Kong gawin iyan habang si Judas ay malayo. At ibig Kong mag-abot ng mapagkaibigan na kamay sa Aking mga pinsan na sina Simon at Jose, at makiramay sa kanila bago matapos ang pagluluksa. Tayo pagkatapos ay pupunta sa Capernaum, sa Gennesaret, ibig-sabihin sa lawa, sa paghihintay para sa katapusan ng buwan ng Tishri. At isasama natin ang mga Maria. Ang inyong ina ay nangangailangan na pagmamahal. Ibibigay natin iyan sa kanya. At ang Akin ay nangangailangan ng kapayapaan. Ako ang Kanyang kapayapaan.

«Sa palagay ba Ninyo ganyan sa Nazareth?...» tanong ni Pedro.

«Wala Akong iniisip na kahit ano.»

«O! Bueno! Sapagkat, kung sasaktan nila Siya, o gawan Siya ng kapighatian!... Makakaharap nila ako!» sabi ni Pedro ganap na nababalisa.

Si Jesus ay hinahaplos siya, ngunit Siya ay nawawala sa Kanyang naiisip, sasabihin ko. Pagkatapos Siya ay pumunta sa pagitan nina Judas at Santiago at umupo niyayakap sila upang paginhawahan sila.

Ang iba ay nagsasalita sa mababang tinig upang huwag magambala ang kanilang kapighatian.

(553)020910/051313


Sunod na kabanata.