106. Si Jesus Pinalayas sa Nazareth at Kanyang Pinagiginhawahan ang Kanyang Ina. Mga Repleksiyon Tungkol sa Apat na Kontemplasyon.

Ang gabi ng ika 13 ng Pebrero 1944.

¹Nakikita ko ang isang malaking kudradong silid. Tinatawag ko itong malaking silid, bagama’t nabatid ko na ito ay ang sinagoga sa Nazareth (katulad ng sinabi sa akin ng aking nasa-loob na tagapag-ulat) sapagkat wala ritong iba bagkus ang mga pinaka pader pininturahan nang malabnaw na dilaw at isang kung baga mesa sa isang tabi. Mayroon ding isang mataas na atril na may ilang rolyo sa ibabaw. Atril o istante ng libro, tawagin ito ayon sa gusto ninyo. Ito, sa madaling salita, isang klase ng nakahilig na mesa, suportado ng isang paa, sa ibabaw kung saan ay may ilang mga rolyo nakalinya. May ilang mga tao na nagdarasal, ngunit hindi ayon sa ating pagdarasal, lahat sila ay nakaharap sa isang direksiyon, na ang kanilang mga kamay hindi magkadaop, bagkus halos katulad ng isang pari na nakatayo sa altar. Sa itaas ng mesa at ng atril ay may ilang mga lampara.

Hindi ko maintindihan ang rason para sa bisyon na ito, na hindi nagbabago bagkus nananatiling nakapako nang matagal-tagal. Ngunit si Jesus ay sinasabi sa akin na isulat ito at ito ang aking ginagawa.

--------------------

²Ako ay nasa loob na muli ng sinagoga sa Nazareth. Ang rabbi ay ngayon nagbabasa. Naririnig ko ang tunog na palabas-sa-ilong, ngunit hindi ko naiintindihan ang mga salita, na binibigkas sa isang wika na hindi ko alam.

Sa pagitan ng mga tao ay naroroon din si Jesus kasama ang Kanyang mga apostol na mga pinsan at kasama ang iba na halatang mga kamag-anak, ngunit hindi ko sila kilala.

Pagkatapos ng pagbabasa ang rabbi ay tumitingin sa pulutong sa isang tahimik na pag-aanyaya.

Si Jesus ay pumunta sa harapan at hininging Siya ang magsalita sa púlong ngayon. Naririnig ko ang Kanyang magandang tinig binabasa ang linya ni Isaiah na binabanggit ng Ebanghelyo: «Ang espiritu ng Panginoon ay ibinigay sa akin...» At napapakinggan ko ang komentaryo na Kanyang ginagawa, tinatawag ang Kanyang Sarili «ang tagapagdala ng Ebanghelyo, ng batas ng pagmamahal na ang dating kabagsikan ay pinapalitan nito ng awa, upang ang kalusugan ay maipagkaloob sa lahat na gawa ng kasalanan ni Adan ay nagkasakit sa kanilang mga kaluluwa at nang di-tuwiran sa kanilang mga katawan, sapagkat ang kasalanan ay laging nagreresulta sa pagkakaroon ng mga bisyo at ang mga bisyo sa mga sakit ng katawan. Kung gayon ang lahat na mga bihag ng Masamang Espiritu ay mapalalaya. Ako ay naparito upang putulin ang kanilang mga tanikala, buksan muli ang daan patungo sa Langit, bigyan ng liwanag ang bulag na mga kaluluwa at ng pandinig ang mga bingi. Ang panahon ng Grasya ng Panginoon ay dumating na. Ang Grasya ay nasa pagitan na ninyo at nagsasalita sa inyo. Ang mga Patriyarka ay minithing makita ang araw na ito, na ang pagkakaroon nito ay iprinoklama ng Kataastaasan at ang panahon nito ay hinulaan ng mga Propeta. At nabigyang-alam sa pamamagitan ng sobrenatural na inspirasyon, nalalaman na nila na ang pagsikat ng araw na ito ay nagsimula na at ang kanilang pagpasok sa Paraiso ay malapit na at sila ay nagbubunyi sa kanilang mga kaluluwa, mga santo na nangangailangan na lamang ng Aking pagpapalà upang maging mga mamamayan ng Langit. Nakikita ninyo ito. Halikayo sa liwanag na tumaas na. Tanggalan ninyo ang inyong mga sarili ng inyong masisimbuyong damdamin upang maging maliksi sa pagsunod sa Kristo. Magkaroon ng mabuting kalooban upang makapaniwala, mapaunlad ang inyong mga sarili, mithiin ang kalusugan at kayo ay pagbibigyan ng kalusugan. Ito ay nasa Aking mga kamay. Ngunit binibigay Ko lamang ito sa mga may mabuting kalooban na tanggapin ito. Sapagkat isang pananakit sa Grasya na ibigay ito sa mga gustong ipagpatuloy ang paglilingkod kay Mammon.»

³Isang bulung-bulungan ang lumaganap sa sinagoga. Si Jesus ay tumingin sa kapaligiran. Binabasa niya ang mga mukha at ang laman ng mga puso at nagpatuloy: «Naiintindihan Ko ang inyong mga iniisip. Dahil sa Ako ay mula sa Nazareth, ibig ninyo ng pribilehiyong pabor. Ngunit gusto ninyo ito hindi gawa ng kapangyarihan ng pananampalataya, bagkus gawa ng pagkamakasarili. Kung kaya't sasabihin Ko sa inyo na walang propeta ang ginugusto ng kanyang sariling bayan. Ang ibang mga bayan ay tinanggap Ako at tatanggapin Ako nang may malaking pananampalataya, at ng mga, na ang mga pangalan ay isang iskandalo para sa inyo. Doon iipunin Ko ang Aking mga tagasunod, samantalang wala Akong magagawa kahit ano sa bayang ito, sapagkat ito ay sarado at ostil sa Akin. Ngunit ibig Ko kayong paalalahanan tungkol kina Elijah at Eliseo. Ang una ay nakatagpo ng pananampalataya sa isang Phoenician na babae, ang huli sa isang Syrian. At nagawa nilang makagawa ng isang himala para sa babae at para sa Syrian. Ang mga tao na namamatay sa pagkagutom sa Israel at ang mga ketongin sa Israel ay hindi tumanggap ng tinapay at kalinisan, sapagkat ang kanilang mga puso ay wala ng mabuting kalooban, ang pinong perlas, na makikita ng mga propeta. Ganyan din ang mangyayari sa inyo, na mga ostil at di makapaniwala sa Salita ng Diyos.»

Ang mga pulutong ay nagalit, sila ay nanunumpa at nagsisikap na maglapat ng mga kamay kay Jesus. Ngunit ang apostol na mga pinsan, sina Judas, Santiago at Simon¹ ay ipinagsasanggalang Siya at ang nagalit na mga Nazareno pagkatapos ay itinaboy Siyang palabas sa bayan. Sinundan nila Siya hanggang sa layo ng bingit ng burol, pinagbabantaan Siya, hindi lamang sa pamamagitan ng mga salita. Ngunit si Jesus ay tumalikod, ginawa silang di-makakilos sa pamamagitan ng Kanyang mala-batubalaning sulyap at naglakad Siya sa gitna nila nang di-nasasaktan at nawala Siya sa tabi ng isang landas ng isang bundok.

--------------------

⁴Nakakakita ako ng isang maliit, napakaliit na nayon. Ilan-ilan na mga bahay. Isang baryo, katulad ng ating tatawagin ito ngayon. Ito ay mas mataas pa kaysa sa Nazareth, na maaaring makita sa ibaba at ito ay kaunting milya lamang ang layo mula rito. Isang napaka-maralitang baryo.

Si Jesus ay nagsasalita sa Kanyang Ina nakaupo sa isang mababang pader malapit sa isang maliit na bahay. Baka ito ay ang bahay ng mga kaibigan o baka ng isang mapag-arugang bahay, ayon sa silanganing mga batas ng pag-aaruga. At si Jesus ay nanilungan doon pagkatapos na Siya ay palayasin sa Nazareth, naghihintay para sa Kanyang mga apostol, na tiyak na kumalat sa buong kabukiran, habang si Jesus ay kasama ang Kanyang Ina.

Ang Kanyang tatlong apostol na mga pinsan ay hindi Niya kasama ngayon-ngayon lamang. Sila ay nasa loob, sa loob ng kusina, at sila ay nakikipagusap sa isang maedad na babae na tinatawag ni Tadeo na «inay». Naintindihan ko kung gayon na ang babae ay si Maria ni Clopas². Siya kung baga ay isang maedad na babae at nakikilala ko siya bilang ang babae na kasama ng Kabanalbanalang Birhen sa kasalan sa Cana. Sina Maria ni Clopas at ang kanyang mga anak ay tiyak na doon pumunta upang sina Jesus at Maria ay maiwanang malaya na makapagsalita.

⁵Si Maria ay naghihirap ang kalooban. Napakinggan Niya kung ano ang nangyari sa sinagoga at Siya ay namimighati. Si Jesus ay pinagiginhawahan Siya. Si Maria ay pinakikiusapan ang Kanyang Anak na iwasan ang Nazareth, kung saan ang lahat ay masamâ ang pagtingin sa Kanya, kahit na ang iba nilang mga kamag-anak, na ang tingin sa Kanya ay isang baliw na nananabik na makagawa ng masamang pagtitinginan at ng mga pagtatalu-talo. Ngunit si Jesus ay sumenyas ngumingiti. Tila ang sinasabi Niya: «Mahigit pa diyan ang kakailanganin! Hindi na bale!» Ngunit si Maria ay namimilit.

Siya pagkatapos ay tumugon: «Inay, kung ang Anak ng tao ay pupunta lamang kung saan Siya minamahal, kailangan na ibaling Niya ang Kanyang hakbang mula sa mundong ito at bumalik sa Langit. Ako ay may mga kaaway kahit saan. Sapagkat ang Katotohanan ay kinapopootan, at Ako ang Katotohanan. Ngunit Ako ay hindi pumunta upang makakita ng madaling pagmamahal. Ako ay pumunta upang gawin ang kalooban ng Ama at tubusin ang tao. Kayo ay pagmamahal, Inay, Aking pagmamahal, iyan ang sumusukli sa Akin para sa lahat. Kayo, at ang maliit na kawan na ito, na lumalago ang bilang araw-araw sa pamamagitan ng maliliit na tupa na Aking naaagaw mula sa mga lobo ng masisimbuyong damdamin at Aking pinasusunod patungo sa kurál ng Diyos. Ang lahat na iba pa ay katungkulan. Ako ay naparito upang gawin ang katungkulan na iyan at kailangan na magawa Ko iyan kahit mapabangga pa sa matitigas na puso na hindi lumalambot sa kabutihan. Hindi lamang iyan, bagkus, pagkatapos na bumagsak lamang Ako, binabasa ang kanilang mga puso ng dugo, mapalalambot Ko ang mga ito, minamarkahan sila ng Aking Tanda na magkakansela sa tanda ng Kaaway. Inay, Ako ay bumaba mula sa Langit para diyan. Ako ay makapagmimithi lamang na papangyarihin iyan.»

«O! Anak! Aking Anak!» Ang tinig ni Maria ay makabagbag damdamin. Si Jesus ay hinahaplos Siya. Napuna ko na si Maria  ay nakasuot sa Kanyang ulo, bukod sa isang belo, ng Kanya ring manta. Siya ay higit pa kailanman natatalukbungan, katulad ng isang babaeng pari.

⁶«Ako ay mawawala nang matagal-tagal, upang magawa Kayong masaya. Kapag Ako ay nasa malapit, magpapadala Ako ng tao upang paalamin Kayo.»

«Ipadala si Juan. Parang nakikita Kita, kahit papaano, kapag nakikita Ko si Juan. Ang kanya ding ina ay puno ng pangangalaga para sa Akin at para sa Iyo. Totoo na umaasa siya na magkaroon ng mga ma-pribilehiyong pusisyon para sa kanyang mga anak. Siya ay isang babae at isang ina, Jesus. Kailangan na tiisin natin siya. Siya ay magsasalita din sa Iyo tungkol diyan. Ngunit siya ay sinsirong mapagmahal. At kapag napalaya na siya mula sa pagkatao na nangangasim sa loob niya katulad ng sa loob ng kanyang mga anak, katulad ng sa loob ng iba pa, katulad ng sa loob ng lahat, Aking Anak, siya ay magiging dakila sa kanyang pananampalataya. Masakit isipin na ang lahat ay kailangan na umasa na makatanggap ng makamundo ikabubuti mula sa Iyo, isang ikabubuti, na kahit na kung ito ay hindi makatao, ay makasarili. Ngunit ang kasalanan ay nasa sa mga ito kasama ang kasakiman nito. Ang pinagpalang oras, na labis na kinatatakutan, bagama’t ang pagmamahal ng Diyos at ng tao ay nagagawa Akong mithiin ito, kung kailan kakanselahin Mo ang Kasalanan, ay hindi pa dumarating! O! Ang oras na iyan! Gaano nanginginig ang puso ng Iyong Ina dahil sa oras na iyan! Ano ang kanilang gagawin sa iyo, Anak? Anak Na Tagapagtubos, kung Kanino inihula ng mga Propeta ang isang martiryo?»

«Huwag isipin tungkol diyan, Inay. Ang Diyos ay tutulungan Kayo sa oras na iyan. Ang Diyos ay tutulungan Ako at Kayo. At pagkatapos magkakaroon ng kapayapaan. Sinasabi Ko sa Inyong muli. Ngayon lumakad, sapagkat dumidilim na at malayo pa ang kailangan Ninyong lakarin. Pinagpapalà Ko Kayo.»

--------------------

 jesus sinasabi

⁷Sinasabi ni Jesus:

«Munting Juan: labis na trabaho ngayon. Ngunit tayo ay isang araw na huli na at hindi posible na kumilos nang mabagal. Iyan kung bakit binigyan kita ng lakas ngayon. Ipinagkaloob Ko sa iyo ang apat na kontemplasyon upang makapagsalita ng tungkol sa mga kapighatian ni Maria at ng Akin, sa paghahanda para sa Aking pasyon. Nakapagsalita sana Ako sa iyo ng tungkol dito kahapon, Sabado, ang araw na para sa Aking Ina. Ngunit naawa Ako sa iyo. Ngayon kailangan na mapunuan natin ang araw na nawala. Pagkatapos ng mga kapighatian na pinaalám Ko sa iyo, si Maria ay mayroon din ng mga ito. At Ako kasama Niya.

⁸Nakita ng Aking mga mata ang loob ng puso ni Judas Iskariote. Walang sinuman ang kailangan na isipin na ang Karunungan ng Diyos ay hindi naintindihan ang puso na iyon. Ngunit, katulad ng sinabi Ko sa Aking Ina, siya ay kinakailangan. Kapahamakan sa kanya sa pagiging ang traydor! Ngunit ang isang traydor ay kinakailangan. Mandaraya, tuso, sakim, mahalay, di-tapat, mas matalino at may pinag-aralan kaysa sa masa, nagawa niyang maipilit ang kanyang sarili sa lahat. Mapangahas katulad niya noon, napadali niya ang daan para sa Akin, kapag din ang daan ay isang mahirap na daan. Siya higit sa lahat gustung-gusto niya ang nangingibabaw at naipakikita na siya ay nasa pusisyon na siya ay pinagkakatiwalaan malapit sa Akin. Hindi siya kusang mapagbigay sa pagkakawang-gawa, ngunit ito ay dahil lamang sa siya ay isa sa mga matatawag mong isang “hustler”. Nagawa din siya gawa niyan na siyang tumingin sa lukbutan at makalapit sa mga babae. Dalawang bagay na gusto niya nang walang pagpipigil, kasama ang isang pangatlong bagay: pusisyon sa pagitan ng mga tao.

Ang Puro, Mapagkumbabang Birhen, Nakatikal sa panlupang kayamanan, ay bagkus makararamdam ng pagkasuklam para sa ahas na iyon. Nakararamdam din Ako ng pagkasuklam. At tanging Ako at ang Ama at ang Espiritu lamang ang nakaaalam kung ano ang kinailangan Kong lampasan upang matiis Ko siya sa tabi Ko. Ngunit sasabihin Ko sa iyo saka na.

⁹Gayon din naman nalalaman Ko ang ostilidad ng mga pari, mga Pariseo, mga Eskriba at mga Saduseo. Sila ay mga tusong lobo na nagsisikap na mapapások nila Ako sa kanilang mga lungga upang Ako ay lapain. Sila ay nauuhaw para sa Aking dugo at mailigpit Ako. Ang kanilang intriga ay tumagal nang tatlong mahahabang taon at ito ay napapayapa lamang noong kanilang malaman na Ako ay patay na. Sila ay natulog nang masaya noong gabing iyon. Ang tinig ng tagapag-akusa ay napatahimik sa habang panahon. Iyon ang kanilang akala. Hindi. Hindi pa iyon patay. Hindi ito kailanman magiging patay at ito ay kumukulog at kumukulog at isinusumpa ang mga tao na sa mga araw ngayon ay katulad nila. Gaanong kirot ang ipinaghirap ng Aking Ina sa kagagawan nila! At hindi Ko makakalimutan ang kirot na iyon.

¹⁰Na ang pulutong ay pabagu-bago, ay hindi na bago. Ito ay ang hayop na dumidila sa kamay ng domador kung siya ay armado ng latigo o nagbibigay ng isang piraso ng karne upang mapunuan ang kagutuman nito. Ngunit kung ang domador ay bumagsak at hindi na makapaghahagupit, o kung siya ay wala nang pagkain para sa kagutuman nito, diyan ito sasalakay at lalapain siya. Sapat nang sabihin ang katotohanan at maging mabait, upang kapootan ng pulutong, pagkaraan ng unang sigasig. Ang katotohanan ay isang paninita at isang babala. Ang kabutihan ay napagkakaitan ang isa ng latigo at nagagawa ang mga hindi mabubuti na hindi na matakot. Kung kaya't: “ipako Siya sa krus”, pagkatapos na sumigaw: “hosana”. Ang Aking buhay bilang isang Guro ay nalipos ng dalawang tinig na ito. At ang huling tinig ay ang “ipako Siya sa krus”. Ang hosana ay katulad ng malalim na hininga na ginawa ng manganganta bago ang mataas na mga nota. Si Maria, noong gabi ng Biyernes Santo, ay napakinggan muli sa loob Niya ang lahat na huwad na mga hosana na naging mga sigaw para sa kamatayan ng Kanyang Anak, at Siya ay tinusok ng mga ito. Hindi Ko rin iyan makakalimutan.

¹¹Ang pagkatao ng mga apostol! Gaano nito! Dala-dala Ko sa Aking mga bisig, upang maitaas sa Langit, mga batong nanghihila pababa sa lupa. Kahit na ang mga hindi nag-iisip ng posibilidad na maging mga ministro ng makalupang hari, katulad ng inisip ni Judas Iskariote, ang mga hindi nag-isip na makarating sa trono sa lugar Ko, kung kinakailangan ito, katulad ng ginawa niya, ay nananabik pa rin para sa kaluwalhatian. Ang araw ay dumating kung kailan pati si Juan at ang kanyang kapatid ay nagnasa para sa kaluwalhatian na iyan, na nang-aakit sa inyo katulad ng isang malikmata tungkol din sa selestiyal na mga bagay. Hindi iyan ang banal na paghahangad para sa Paraiso, na ibig Kong magkaroon kayo. Bagkus iyan ay isang pagkataong mithiin na malaman sana ng inyong kabanalan. Hindi lamang, bagkus iyan ay katulad ng kasakiman ng isang tagapagpalit ng pera, ng isang usurya, kung saan, bilang kapalit ng isang maliit na pagmamahal na ibigay sa Kanya kung Kanino sinabi Ko sa inyong dapat mahalin nang inyong buong sarili, mang-aangkin kayo ng isang lugar sa Kanyang kanang kamay sa Langit.

¹²Hindi, Aking mga anak. Hindi. Kailangan muna ninyong mainom ang lahat ng kalis na Aking ininom. Lahat nito: kasama ang karidad na ibinigay kapalit ng kapootan, ang pagkabasal laban sa mga panggaganyak ng kahalayan, kasama ang kabayanihan nito sa mga pagsubok, kasama ang holokausto nito para sa pagmamahal ng Diyos at ng mga kapatid. Pagkatapos, kapag nagampanan na ninyo nang ganap ang inyong tungkulin, kailangan na magsabi pa rin kayo: “kami ay walang pakinabang na mga lingkod”, at maghintay para sa Aking Ama at ninyo na pagkalooban kayo, dala ng Kanyang kabutihan, ng isang lugar sa Kanyang Kaharian. Kailangan na hubaran ninyo ang inyong sarili, katulad ng nakita ninyo Akong naghubad sa Praetorium, ng lahat ng pagkatao, pinananatili lamang kung ano ang di-maaaring wala, na paggalang sa regalo ng Diyos, ibig-sabihin sa buhay, at sa inyong mga kapatid kung kanino tayo ay baka mas may pakinabang mula sa Langit kaysa nang sa lupa, at ipinauubaya sa Diyos na maramtan kayo ng inmortal na balabal, nagawang imakulada sa dugo ng Kordero.

Naipakita Ko sa iyo ang mga kapighatian bilang paghahanda sa Aking Pasyon. Ipakikita Ko pa sa iyo ang iba pa. Bagama’t iyon ay mga kapighatian, na makapagpapahinga ang iyong kaluluwa habang pinagninilayan ito. Tama na iyan ngayon. Maging nasa kapayapaan.»

(564) 030910/012913/051513



¹ Tingnan sa sinundan na kabanata (105) ang binanggit ni Jesus na si Simon ay napagkamalan na tinawag na  apostol – RLB.

² Ang “Maria ni Clopas” at ang “Maria ni Alfeo” ay maaaring iisang tao. Kung baga ang Maria na ito na asawa ni Alfeo ay anak din ni Clopas.– RLB.

 


Sunod na kabanata.