107. Si Jesus sa Bahay ni Johanna ni Chuza Kasama ang Kanyang Ina.

Pebrero 13, 1945.

¹Nakikita ko si Jesus patungo sa bahay ni Johanna ni Chuza. Nang makita ng bantay sa pintuan kung Sino ang dumarating, siya ay napasigaw ng gayong sigaw ng galak na ang buong sambahayan ay nagkagulo. Si Jesus ay pumasok ngumingiti at nagbibigay ng Kanyang pagpapalà.

Si Johanna ay nagmadali mula sa hardin na puno ng mga bulaklak upang itapon ang kanyang sarili sa paanan ni Jesus at halikan ang mga paa. Si Chuza rin ay dumating, at siya ay yumuko muna nang malalim at pagkatapos hinalikan ang laylayan ng tunika ni Jesus.

Si Chuza ay isang magandang lalaki mga apatnapung taong gulang. Hindi siya napakataas ngunit matipuno, ang kanyang buhok ay maitim na may tanging bahid ng platang-abuhin na kulay sa kanyang mga sentido. Ang kanyang mga mata ay buháy at madilim, ang kanyang kutis maputla at ang kanyang madilim na kudradong-tabas na balbas ay alagang-alaga.

Si Johanna ay mas mataas sa kanyang asawa. Ang tanging bakas na lamang ng kanyang pagkakasakit ay ang kanyang kapuna-punang kapayatan, na, bagaman, ay hindi masyadong patpatin kaysa dati. Nakakamukha niya ang isang manipis na malambot na puno ng palmera nakoronahan ng kanyang magandang ulo na may napakaitim na napakagandang mga mata. Mayroon siyang makapal na balumbon ng maitim na buhok na nakakaakit ang pagkakaayos. Ang kanyang makinis na malaking noo ay mukhang mas maputi pa sa ilalim ng ganyang tunay na kaitiman at ang kanyang maayos na pagkakorteng maliit na bunganga ay nangingibabaw kasama ang malusog na mapulang mga labì sa pagitan ng malambot na maputlang mga pisngi, na nakakatulad ang mga petalo ng iskarlatang mga camellia. Siya ay isang magandang babae... ang babaeng nagbigay ng lukbutan kay Longinus sa Kalbaryo. Noon siya ay umiiyak, naghihirap ang kalooban at ganap na natatakpan ng kanyang belo. Ngayon siya ay ngumingiti at walang takip ang ulo. Ngunit siya iyon.

«Saan ako nagkakautang ng loob para sa lugod ng pagpunta Ninyo sa akin bilang aking panauhin?» tanong ni Chuza.

«Sa Aking pangangailangan na tumigil upang hintayin ang Aking Ina. Ako ay nanggaling sa Nazareth... at kinailangan Kong papuntahin ang Aking Ina na makasama Ko nang matagal-tagal. Pupunta Ako sa Capernaum kasama Siya.»

«Bakit hindi rito sa akin? Ako ay hindi karapat-dapat, ngunit...» sabi ni Johanna.

«Ikaw ay hustong karapat-dapat. Ngunit ang Aking Ina ay kasama ang Kanyang hipag, na ang kaninong asawa ay namatay mga ilang araw pa lamang ang nakararaan.»

«Ang bahay ay sapat na malaki para tumanggap ng higit pa sa isang panauhin. At nabigyan Ninyo ako ng gayong lugod na walang bahagi nito ang hindi sa Inyo ipauukupa. Ibigay Ninyo ang Inyong mga utos, Panginoon, dahil napalayas Ninyo ang kamatayan sa tirahan na ito at naibigay Ninyo rito ulit ang mayuming namumulaklak na rosas» sabi ni Chuza, sinusuportahan ang kanyang asawa, na maaaring kanyang lubos na kinagigiliwan. Naiintindihan ko ito sa kung papaano niya tingnan siya.

«Hindi Ako nagbibigay ng mga utos. Ako ay tumatanggap. Ang Aking Ina ay pagod at naghirap nang labis kamakailan lang. Siya ay nag-aalala tungkol sa Akin, at ibig Kong ipakita sa Kanya na may mga tao na nagmamahal sa Akin.»

«Bueno! Dalhin Ninyo Siya rito, kung gayon. Mamahalin ko Siya bilang isang anak na babae at isang katulong» bulalas ni Johanna.

Si Jesus ay pumayag.

Si Chuza ay lumabas upang ibigay kaagad ang kinakailangan na mga tagubilin at habang ang bisyon ay nahahati sa dalawa, iniiwan si Jesus sa magandang hardin, ábalá  sa pakikipagusap kay Chuza at sa kanyang asawa, ²sinusundan ko at nakikita ko ang pagdating ng komportableng mabilis na bagon na ginamit ni Jonathan upang pumunta sa Nazareth at kunin si Maria.

Ang bayan, siyempre, ay napalagay sa isang kalituhan tungkol sa bagay na ito. At nang si Maria at ang Kanyang hipag, tinatanghal bilang mga reyna ni Jonathan, ay umakyat sa bagon, pagkatapos na maibigay ang susi sa bahay kay Alfeo ni Sarah, ang kaguluhan ay lumaki. Ang bagon ay umalis, habang si Alfeo ay ginagawa ang kanyang paghihiganti sa magaspang na pagtrato kay Jesus sa sinagoga, sa pamamagitan ng pagsasabing: «Ang mga Samaritano ay mas mabubuti pa kaysa sa atin! Nakita ninyo kung papaano ang isang tauhan ni Herodes pinagpipitagan ang Kanyang Ina!... Samantalang tayo...! Ikinahihiya ko ang pagiging isang Nazareno.»

Nagkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng dalawang partido. Ang ilan ay umalis sa oposisyon na partido at sumapi kay Alfeo at labis-labis ang kanilang paghingi ng kapatawaran.

«Siyempre» tugon ni Alfeo. «Mga panauhin sa bahay ng Prokurador. Napakinggan ninyo ang sinabi ng kanyang tagapamahala: “Ang aking panginoon ay pinakikiusapan Kayo na parangalan ang kanyang bahay”. Siya ay napararangalan, kita ninyo? At siya ay ang mayaman at makapangyarihan na si Chuza, at ang kanyang asawa ay isang maharlikang prinsesa. At siya ay napararangalan! At tayo, ibig-sabihin kayo, ay nagtapon ng mga bato sa Kanya. Nakakahiya!»

Ang mga Nazareno ay hindi tumutugon at si Alfeo ay nagpapatuloy nang mas malakas: «Siyempre, ang makuha Siya ay ang magkaroon ng lahat! At walang suporta ng tao ang kinakailangan. Ngunit sa palagay ba ninyo walang pakinabang ang maging kaibigan si Chuza? Maganda bang pangitain ang kamuhian niya? Nababatid ba ninyo na siya ay ang Prokurador ng Tetrarka? Iyan ay wala, hindi ba? Makipaglaro bilang mga Samaritano sa Kristo! Makukuha ng inyong mga sarili ang poot ng malalakas. At pagkatapos... matutuwa akong makita ko kayo! Nang walang tulong mula sa Langit o mula sa lupa! Mga tanga! Masasamang mali ang pinaniniwalaan!» Ang bagyo ng mga insulto at mga paninita ay nagpapatuloy, habang ang mga Nazareno ay umaalis yukayok katulad ng pinalo na mga aso. Si Alfeo ay nag-iisa sa pintuan ng bahay ni Maria katulad ng isang naghihiganting arkanghel...

³Malalim na ang gabi noong sa daan sa tabi ng lawa ang bagon ni Jonathan ay dumating sa pagtrote ng malalakas na kabayo. Ang mga katulong ni Chuza, na mga itinalaga na para magbantay sa pintuan, ay ibinigay ang hudyat at sila ay nagmadali dala ang mga lampara, kung gayon dumadagdag sa liwanag ng buwan.

Sina Johanna at Chuza ay nagmadali roon. Si Jesus din ay lumitaw, ngumingiti, kasama ang grupo ng mga apostol sa likuran Niya. Noong si Maria ay bumaba, si Johanna ay pinatirapa ang sarili sa lupa at bumati: «Papuri sa bulaklak ng maharlikang pamilya. Papuri at pagpapalà sa Ina ng Salita na Tagapagligtas» at si Chuza ay yumuko nang napakababa, na hindi na siya makayuyuko nang mas mababa pa ni sa harapan ni Herodes, at sinabi niya: «Pagpalain ang oras na ito na nagdala sa Inyo sa akin. Pagpalain Kayo, Ina ni Jesus.»

Si Maria ay tumugon nang mabait at mababa ang loob: «Pagpalain ang Ating Tagapagligtas at pagpalain ang mabubuting tao na nagmamahal sa Aking Anak.»

Lahat sila ay pumasok sa bahay, tinatanggap na may malalim na pagpapakita ng paggalang. Si Johanna ay hinahawakan ang kamay ni Maria at ngumingiti sa Kanya nagsasabing: «Pahihintulutan Ninyo ako na paglingkuran ko Kayo, hindi ba?»

«Hindi Ako, bagkus Siya. Laging paglingkuran at mahalin Siya. At mabibigyan mo na Ako ng lahat. Ang mundo ay hindi Siya minamahal... Iyan ang Aking kapighatian.»

«Alam ko. Bakit ang di pagka-gustong ito mula sa isang bahagi ng mundo, samantalang ang iba ay ibibigay ang kanilang buhay para sa Kanya?»

«Sapagkat Siya ay ang tanda ng kontradiksyon para sa marami. Sapagkat Siya ay ang apoy na nagpapadalisay sa metal. Ang ginto ay napapadalisay. Ang iskoma ay bumabagsak sa ilalim at itinatapon. Ako ay sinabihan mula pa noong Siya ay maliit na bata... At araw-araw ang hula ay nagkakatotoo...»

«Huwag Kayong umiyak, Maria. Mamahalin at ipagtatanggol namin Siya» pagpapaginhawa ni Johanna.

Ngunit si Maria ay ipinagpapatuloy ang Kanyang tahimik na pagluha na tanging si Johanna lamang ang nakakakita sa medyo madilim na sulok kung saan sila nakaupo.

Ang lahat ay natapos.

(569) 030910/051513

Sunod na kabanata.