110. Si Jesus sa Bahay ni Jacob Malapit sa Lake Merom.

Pebrero 17, 1945.

¹Sasabihin ko na ang Palestina, bukod sa lawa ng Galilee at sa Dead Sea, ay may isa pang maliit na lawa o sanaw, sa maikling pananalita isang latag ng tubig, na ang pangalan nito ay hindi ko alam. Ako ay hindi kailanman magaling sa pagkalkula ng mga sukat, ngunit sa pamamagitan ng aking mga mata lamang sasabihin ko na ang maliit na katawan ng tubig na ito ay may sukat na mga dalawang milya ang haba at isa’t kalahating milya ang lapad. Napakaliit, katulad ng makikita ng isa. Ngunit ang mga berdeng baybayin nito ay maganda at ang ibabaw din nito na asul-na-asul at kalmante na tila ito ay isang malaking piraso ng sky-blue na enamel na may guhit sa gitna ng isang mas magaan at medyo mas alun-alon na pasada ng bras, baka dahil sa agos ng ilog na dumadaloy patungo rito sa hilaga at lumalabas sa timog, at, dahil sa kagaanan ng tubig, na higit sa lahat hindi sa palagay ko ito napakalalim, hindi tumitigil ang pag-agos nito, bagkus katulad ng isang buháy na agos sa gitna ng walang-galaw na mga tubig, pinakikita nito ang sigla at ang presensya nito sa pamamagitan ng isang ibang kulay at ng magaang mga alun-alon ng tubig.

Walang mga panlalayag-na-bangka sa maliit na lawa, bagkus ilan-ilang pananagwang bangka lamang, kung saan ang nag-iisang mangingisda ay nagtatapon o nagbabanton ng kanyang pangingisdang mga basket, o nagtatawid ng isang manlalakbay na ibig na makatipid sa oras ng paglalakbay. At mayroon dito ng walang-katapusang bilang ng mga kawan ng tupa, na tiyak na bumaba mula sa mga pastulan sa bundok sa pagtanaw ng parating na taglagas, at mga nanginginain sa berde at mayamang mga pastulan sa mga baybayin.

Sa gawing timog na dulo ng lawa, na korteng obalo ang hugis, ay may pangunahing daan na tumatakbo mula sa silangan patungong kanluran, o kung baga mula sa hilagang silangan patungo sa timog kanluran. Ito ay mabuting namamantini at abalang-abala sa mga manlalakbay patungo sa mga nayon na nakakalat sa lugar. ²Si Jesus ay nagpapatuloy sa daan na ito kasama ang Kanyang mga disipulo.

Ito kung baga ay isang nakababagot na araw at si Pedro ay nagwika: «Mas mabuti pa siguro kung hindi tayo pumunta sa babaeng iyon. Ang mga araw ay paikli nang paikli at ang panahon palala nang palala... at ang Herusalem ay napakalayo pa.»

«Tayo ay makakarating sa oras. At maniwala sa Akin, mas nasusunod natin ang Diyos sa paggawa ng isang mabuting gawain kaysa ng panlabas na seremonya. Ang babaeng iyon ay ngayon pinagpapalà ang Diyos kasama ang lahat ng kanyang mga anak, sa paligid ng ulo ng pamilya, na nakapanumbalik nang napakabuti na siya ay makakapunta sa Herusalem para sa Kapistahan ng mga Tabernakulo, samantalang sa mga oras na ito siya sana ay natutulog sa ilalim ng mga bendahe at mga pamahid sa loob ng isang sepulkro. Huwag kailanman parumihin ang pananampalataya sa pamamagitan ng panlabas na hitsura ng mga kilos. Huwag kailanman mamintas. Papaano ka magtataka sa mga Pariseo kung ikaw din ay bumabagsak sa isang pagkakamali ng pagkukulang sa awa at isinasara mo ang iyong puso sa iyong kapwa at nagsasabi: “Pinaglilingkuran ko ang Diyos at sapat na iyan”?»

«Tama Kayo, Guro. Ako ay mas mangmang pa kaysa sa isang maliit na buriko.»

«At pinananatili kita sa Akin upang magawa kang marunong. Huwag matakot. Si Chuza ay inialok sa Akin ang bagon hanggang sa layo halos ng Jabbok. Isang maikling lakbayin mula roon hanggang sa piyordo. Nagpilit siya nang labis at sa pamamagitan ng gayong balidong mga rason, kinailangan Kong tanggapin iyon, bagama’t para sa Akin ang Hari ng mahihirap ay kailangan na gamitin ang mga pamamaraan ng mahihirap. Ngunit ang kamatayan ni Jonah ay nakagawa ng isang pagka-antala at kinailangan Kong baguhin ang Aking mga plano ayon sa di-inaasahan na mga pangyayaring ganyan.»

Ang mga disipulo ay pinag-uusapan si Jonah, kinahahabagan ang kanyang kaawa-awang pamumuhay at kinaiinggitan ang kanyang masayang kamatayan. Si Simon Zealot ay bumubulong: «Hindi ko siya nagawang masaya at nabigyan ang Guro ng isang tunay na disipulo na nagkagulang sa matagal na pagiging martir at matibay na pananampalataya... at ako ay nalulungkot. Ang mundo ay nasa pangangailangan ng ganyang matatapat na nilikha, naniniwala kay Jesus, upang matimbangan ang maraming tao na nagkakaila at magkakaila!»

«Hindi na bale, Simon» tugon ni Jesus. «Siya ay mas masaya na ngayon. At mas aktibo. At nagawa mo ang higit pa sa magagawa ng sino pa man para sa kanya at para sa Akin. Pinasasalamatan din kita sa katauhan niya. Nalalaman na niya ngayon kung sino ang nagpalaya sa kanya. At pinagpapalà ka niya.»

«Bueno isinusumpa rin niya si Doras, kung gayon» bulalas ni Pedro.

Si Jesus ay tiningnan siya at nagsabi: «Sa palagay mo ba?» nagkakamali ka. Si Jonah ay isang makatarungan na tao. Ngayon siya ay isa nang santo. Siya ay hindi napoot o nanumpa noong siya ay buháy.  Hindi siya napopoot o nanunumpa ngayon. Mula sa kanyang lugar ng paghihintay, nakatingin siya sa Paraiso, at sa dahilan na nalalaman na niya ngayon na malapit nang palabasin ng Limbo ang mga naghihintay, siya ay nagbubunyi. Wala na siyang ginagawa pang iba.»

«At si Doras... siya ba ay mahahampas ng Inyong anathema[1]

«Sa anong paraan, Pedro?»

«Bueno... sa paggawa sa kanya na mag-isip-isip at magbago... o sa pagpaparusa sa kanya.»

«Ipinagkatiwala Ko na siya sa katarungan ng Diyos. Ako, ang Pag-ibig, ay inabandona na siya.»

«Diyos na maawain! Ayaw kong maging siya.»

«Ni ako!»

«O ako!»

«Walang sinuman ang gugustuhin ito, sapagkat magiging ano ang katulad kailanman ng hustisya ng Perpektong Diyos?» sabi ng mga disipulo.

«Ito ay magiging ekstasi para sa mabuti, isang kidlat para sa mga satanas, Aking mga kaibigan. Sasabihin Ko sa inyong totoo: ang maging isang alipin, isang ketongin, isang pulubi para sa buong buhay ay makaharing kaligayahan, kompara sa isang oras, iisang oras, ng dibinong kaparusahan.»

³«Umuulan na, Guro. Anong gagawin natin? Saan tayo pupunta?» Sa katunayan ang unang malalaking patak ng ulan ay bumabagsak at tumatalbog sa lawa, na naging madilim nasasalamin ang kalangitan, ngayon makulimlim, at mukhang uulan nang mas malakas.

«Sa kung saan bahay. Makikiusap tayo ng masisilungan sa ngalan ng Diyos.»

«At umasa tayo na makatatagpo tayo ng kasing bait ng Romano. Hindi ko inisip na sila ay katulad natin... Lagi ko silang iniiwasan bilang mga di-puro at nakikita ko... na kung titingnan ko ang lahat, sila ay mas mabubuti pa kaysa sa marami sa atin» sabi ni Pedro.

«Nagugustuhan mo ba ang mga Romano?» tanong ni Jesus.

«Eh!... Nakikita ko na sila ay hindi mas malalâ kaysa sa atin. Ngunit sila ay mga Samaritano...»

Si Jesus ay ngumingiti ngunit hindi nagsasalita ng kahit ano.

Nakasalubong sila ng isang babae na nagtataboy ng pitong tupa sa harapan niya.

«Babae, masasabi mo ba sa amin kung saan kami makakakita ng masisilungan?...» tanong ni Pedro.

«Ako ay isang katulong ng isang kaawa-awang malungkot na lalaki. Ngunit kung ibig ninyong sumama... sa palagay ko ang aking panginoon ay tatanggapin kayo nang may kabaitan.»

«Tayo na.»

Sila ay nagpatuloy sa loob ng malakas na ulan, naglalakad nang mabilis sa gitna ng mga tupa na tumutrote sa pamamagitan ng kanilang matatabang katawan upang matakasan ang buhos ng ulan. Iniwan nila ang pinakadaan upang kunin ang isang maliit na landas patungo sa isang mababang bahay. Nakikilala ko ang bahay ng magbubukid na si Jacob, ang magbubukid nina Matias at Maria, ang dalawang maliit na mga ulila ng bisyon ng buwan ng Agosto, sa palagay ko.

«Ito ay nasa banda roon! Tumakbong mauna na habang dinadala ko ang mga tupa sa kulungan. Sa kabila ng pader ay may bakuran na sa pamamagitan nito makapupunta kayo sa bahay. Siya ay nasa kusina. Huwag ninyong pansinin kung siya ay hindi madaldal... Siya ay maraming problema.»

Ang babae ay nagtungo sa isang maliit na kubo na nasa gawing kanan. Si Jesus ay nagtungo sa kaliwa kasama ang kanyang mga disipulo.

Naroon ang sahig-giikan na may bubon at batong hurno sa mas malayong dulo at ang púno ng mansanas sa isang tabi at naroon ang maluwang na nakabukas na pintuan ng kusina kung saan may ningas ang gatong na kahoy at ang isang lalaki ay may kinukumpuning gamit sa págbubukíd.

«Kapayapaan sa bahay na ito. Hinihingi Ko sa inyo na magbigay ng matutuluyan sa gabing ito para sa Akin at sa Aking mga kasamahan» sabi ni Jesus sa pamasukan ng pintuan.

Ang mamâ ay tumingala. «Pasok Kayo» sabi niya, «at harinawang ibalik sa Inyo ng Diyos ang kapayapaan na Inyong ibinibigay. Ngunit... ang kapayapaan dito! Matagal-tagal nang kaaway ni Jacob ang kapayapaan. Pasok Kayo. Pasok Kayo!... Pasok kayong lahat. Ang apoy lamang ang maibibigay ko sa inyo nang marami... sapagkat... O! ngunit... Ngunit Kayo, ngayon na inalis na Ninyo ang Inyong takip sa ulo (si Jesus ay kanina tinakpan Niya ang Kanyang ulo sa pamamagitan ng gilid ng Kanyang manta, hinahawakan ito nang mahigpit sa ilalim ng Kanyang baba) nakikita ko Kayo nang mabuti... Kayo ay, oo, Kayo ang Galilean na Rabbi, ang isa na tinatawag na Mesiyas at gumagawa ng mga himala... Kayo ba ito? Sa ngalan ng Diyos sabihin sa akin.»

«Ako si Jesus ng Nazareth, ang Mesiyas. Kilala mo ba Ako?»

⁴«Napakinggan ko Kayo na nagsalita noong nakaraang buwan sa bahay ni Judas at ni Anna... kasama ako ng mga nag-aani ng mga ubas sapagkat... ako ay mahirap... Isang kabit-kabit na mga kamalasan: ulan na yelo, mga uod, pagkakasakit ng mga tanim at mga kawan... Kung ano ang mayroon ako noon ay sapat na para sa akin, dahil ako ay nag-iisa, na may isang katulong lamang na babae. Ngunit ngayon ako ay nagka-útang sapagkat ako ay inusig ng kamalasan... Upang maiwasan na maipagbili ko ang lahat ng aking mga tupa, nagtrabaho ako sa bahay ng ibang mga tao... Pagkatapos ng lahat... ang aking mga bukid!... Nagmukha itong katulad na tila rito nangyari ang isang digmaan, ito ay sunog-na-sunog, at ang mga baging at mga punong-olibo ay walang kabunga-bunga. Mula nang ang aking asawa ay namatay, at ito ay anim na taon na ang nakararaan, si Mammon ay tila inaaliw ang kanyang sarili rito. Kita Ninyo? Ginagawa ko ang pang-ararong ito. Ngunit ang kahoy ay lahat sira. Ano ang aking gagawin? Ako ay hindi isang karpintero at lagi ko na lamang tinatalian ito. Ngunit ito ay walang silbi. At kailangang ingatan ko na rin ang aking mga barya ngayon... Ipagbibili ko ang isa pang tupa upang maipagawa ang mga kagamitan. Ang bubong ay tumutulo... ngunit mas mahalaga sa akin ang bukid kaysa sa bahay. Nakakaawa! Ang mga tupa ay lahat buntis... at umaasa ako na mapapalitan ang aking kawan... Sino ang nakaaalam?»

«Nakikita Ko na Ako ay dumating upang maistorbo kayo, marami na kayong mga alalahanin.»

«Kayo istorbo? Hindi. Napakinggan ko Kayo na nagsalita at... nasa akin pang puso ang sinabi Ninyo. Totoo na ako ay nagtrabaho nang tapat, subalit... Ngunit sa palagay ko ako ay hindi pa sapat na mabuti. Sa palagay ko baka ang asawa ko ang mabuti, dahil naaawa siya sa lahat, ang aking kaawa-awang Leah, na namatay nang napakaaga, napakaaga para sa kanyang asawa... Sa palagay ko ang kayamanan noong mga nakaraang araw na iyon ay nanggaling sa Langit dahil sa kanya. At ibig kong maging mas mabuti, dahil sa Inyong sinasabi at magaya ko ang aking asawa. At ako ay hindi nanghihingi nang labis... ang makapanatili lamang sa bahay na ito, kung saan siya namatay, kung saan ako pinanganak... at magkaroon ng isang piraso ng tinapay para sa aking sarili at sa babae na nagtatrabaho bilang aking katulong at bilang isang pastol at tumutulong nang mabuti hangga't sa magagawa niya. Wala akong katulong na lalaki. Mayroon ako dati ng dalawa at sila ay sapat na, dahil nagtatrabaho din ako sa mga bukid at sa lootan... Ngunit mayroon lamang akong tinapay para sa aking sarili, at ni hindi rin labis...»

«Huwag mong pagkaitan ang iyong sarili niyan, upang ibigay iyan sa amin...»

«Hindi, Guro. Kung ako ay may iisang mumo na lang, ibibigay ko ito sa Inyo. Isang karangalan para sa akin ito na makasama Kayo...  Hindi ako kailanman umaasa nang labis. Ngunit sinasabi ko sa Inyo ang aking mga problema sapagkat Kayo ay mabuti at nakaiintindi.»

«Oo, naiintindihan Ko. Ibigay mo sa Akin ang pamukpok na iyon.. Hindi mo gagawin iyan nang ganyan. Masisira mo ang kahoy. Ibigay mo rin sa Akin ang pantusok na iyan, ngunit pabagahin mo iyan. Mas madaling makagawa ng butas sa kahoy at maipapasok natin ang pasak nang walang anumang problema. Hayaan mong gawin Ko ito. Ako ay dating isang karpintero...»

«Ibig Ninyong magtrabaho para sa akin? Hindi!»

«Hayaan mong gawin Ko ito. Binibigyan mo Ako ng pag-aruga at ibig Kong tulungan ka. Ang mga tao ay kailangan na magmahalan sa isa’t isa, binibigay ng isa kung ano ang kanyang maibibigay.»

«Nagbibigay Kayo ng kapayapaan, karunungan at gumagawa Kayo ng mga himala. Nagbibigay na Kayo ng malaking bagay, malaking bagay nga!»

«Binibigay Ko rin ang Aking pagtatrabaho. Halika, gawin ang sasabihin Ko sa iyo...» At si Jesus, Na suot lamang ang Kanyang tunika, ay kumikilos nang mabilis at may-kagalingan sa nabiyak na kahoy. Gumagawa Siya ng mga butas, nagdudugtong at nagpapasak at sinusubukan ito hanggang sa ito ay matatag na. «Matagal mo pang magagamit iyan. Hanggang sa susunod na taon. Pagkatapos makakabili ka na ng bago.»

«Sa palagay ko rin. Ang ararong iyan ay napasakamay Ninyo at pagpapalain niyan ang aking lupa.»

«Hindi dahil diyan, Jacob, na pagpapalain iyan.»

«Bakit kung gayon, aking Panginoon?»

«Dahil sa ikaw ay maawain. Hindi ka nagtatanim ng sama-ng-loob ng pagkamakasarili at inggit, bagkus tinatanggap mo ang Aking doktrina at sinasabuhay mo ito. Pagpalain ang maawain. Makatatanggap sila ng awa.»

«Sa anong paraan ako nagiging maawain sa Inyo, Panginoon? Ako sa katotohanan ay walang lugar o pagkain para sa Inyong pangangailangan. Ang tanging mayroon ako ay ang aking mabuting kalooban at hindi ko pa kailanman noon ikinalungkot ang pagiging mahirap, katulad na ako ay nalulungkot ngayon, sapagkat hindi ko Kayo maparangalan at ang Inyong mga kaibigan.»

«Ang iyong mabuting kalooban ay sapat na para sa Akin. Sasabihin Ko sa iyong totoo na ang isang kopa ng tubig ibinigay sa ngalan Ko ay isang malaking bagay sa mga mata ng Diyos. Ako ay isang manlalakbay na inabutan ng isang bagyo, at binigyan mo Ako ng ospitalidad. Dumating ang hapunan at sinabihan mo Ako: “Binibigay ko sa Inyo kung ano ang mayroon ako”. Dumating ang gabi, at binigyan mo Ako ng mapagkaibigang masisilungan. Ano pa ang ibig mong gawin? Magtiwala, Jacob. Ang Anak ng tao ay hindi nakatingin sa karangyaan ng pagtanggap o ng pagkain, bagkus nakatingin Siya sa mga nararamdaman ng puso ng isang tao. Ang Anak ng Diyos ay nagsasabi sa Ama: “Ama, pagpalain ang Aking mga may-kaloob at ang lahat na sa ngalan Ko ay maawain sa kanilang mga kapatid”. Iyan ang Aking sinasabi para sa iyo.»

⁵Ang katulong na nakipagusap sa kanyang panginoon habang si Jesus ay nagtatrabaho sa araro ay bumalik may dalang ilang tinapay, ilang bagong gatas, ilang tuyong mga mansanas at isang trey ng mga olibo.

«Iyan lamang ang mayroon ako» humihingi ng paumanhin ang mamâ.

«O! Sa iyong pagkain nakakakita Ako ng isang pagkain na hindi mo nakikita! At kinakain Ko ito sapagkat ito ay may makalangit na lasa.»

«Kayo kaya, Anak ng Diyos, ay kumakain ng ilang pagkain na dinadala sa Inyo ng mga anghel? Baka nabubuhay Kayo sa pagkain ng espiritu.»

»Oo, ang espiritu ay mas may halaga kaysa sa katawan, at hindi lamang sa Akin. Hindi Ako kumakain ng anghelikal na pagkain, bagkus sa pagmamahal ng Ama at ng mga tao. Iyan din ang Aking natatagpuan sa iyong hapag-kainan at pinagpapalà Ko ang Ama na nagpadala sa Akin sa iyo nang may pagmamahal, at pinagpapalà kita sapagkat tinanggap mo Ako nang may pagmamahal at binibigyan mo Ako ng pagmamahal. Iyan ang Aking pagkain at ang gawin din ng kalooban ng Ama.»

«Kung gayon pagpalain at ialay ang pagkain sa Diyos sa katauhan ko. Ngayong araw Kayo ang ulo ng aking pamilya at Kayo lagi ang magiging aking Panginoon at Kaibigan.»

Si Jesus ay kinuha ang tinapay at nakataas ito sa mga palad ng kanyang mga kamay, binibigkas Niya ang isang salmo, sa palagay ko. Pagkatapos Siya ay naupo, pinipira-piraso at iniaabot ito...

Ang lahat ay nagtatapos nang gayon.

(589) 070910/051913


¹ Anathema - matinding sumpa - RLB.




Sunod na kabanata.