112. Si Jesus sa Loob ng Bahay ni Lazarus. Si Martha Nagsasalita ng Tungkol kay Magdalena.

Pebrero 19, 1945. 

¹Nakikita ko ang liwasan ng palengke sa Jericho, ang mga punungkahoy nito at ang mga sumisigaw na mga nagtitinda. Sa isang sulok ay naroroon si Zacchaeus, ang kolektor ng buwis, ábalá sa kanyang legal at ilegal na mga pangongotong. Maaaring nakikipagtransaksiyon din siya ng mga alahas sapagkat nakikita ko siyang nagtitimbang at nagháhalaga ng mga batong-hiyas at ng mahahalagang bagay, hindi ko alam kung ang mga ito ay ibinigay sa kanya bilang kabayaran sa buwis, sa halip na pera, o ito ay ipinagbibili para sa ibang mga pangangailangan.

Sa pilahan ng mga tao panahon na ngayon ng isang balingkinitan na babae, na ganap na nababalot ng isang malaking kulay-kalawang na abuhin na manta. Ang kanya ring mukha ay natatakpan ng isang manilaw-nilaw na magandang pagkahábing byssus¹ na pumipigil sa kanyang mukha na makita ito. Makikita lamang ng isa ang kabalingkinitan ng kanyang pigura sa pamamagitan ng malaking abuhing kapa na bumabalot sa kanya. Maaaring siya ay bata pa, ayon man lamang sa kakaunting aking nakikita, ibig-sabihin, ang isang kamay na kanyang inilalabas mula sa kanyang manta upang iabot ang isang gintong pulseras, at ng kanyang mga paa, nakasuot ng kung baga mas maarteng mga sandalyas, na may mga pang-ibabaw at nagsasala-salabid na mga balat na istrap, upang ang makikita lamang ay ang kanyang makikinis na mura-pang mga daliri ng paa at ang bahagi ng kanyang balingkinitan na mga bukung-bukong. Ibinigay niya ang kanyang pulseras nang walang sinasabing isang salita, kinuha ang pera nang walang anumang pagtutol at tumalikod upang makaalis.

Ngayon ko napuna na sa likuran niya ay naroon ang Iskariote, na nagmamasid sa kanya nang mabuti at nang ang babae ay paalis na, nagsalita ang Iskariote sa kanya ng isang salita, na hindi ko narinig. Ngunit ang babae ay hindi tumugon, na tila siya ay pipi, at nagmadaling umalis balót sa loob ng dami ng kanyang mga damit.

Si Judas ay tinanong si Zacchaeus: «Sino siya?»

«Hindi ko tinatanong ang aking mga suki ng kanilang mga pangalan, lalo na kung sila ay kasing bait niya.»

«Bata pa, hindi ba?»

«Parang.»

«Siya ba ay isang Judaean?»

«Sino ang nakaaalam?! Ang ginto ay dilaw sa lahat na mga bansa.»

«Ipakita mo sa akin ang pulseras na iyon.»

«Ibig mo bang bilhin ito?»

«Hindi.»

«Bueno, walang mangyayari. Ano sa palagay mo? Na iyan ay magsasalita sa katauhan niya?»

«Ibig kong subukan kung malalaman ko kung sino siya...»

«Interesadung-interesado ka ba? Ikaw ba ay isang nigromante na nanghuhula, o isang aso na nang-aamoy? Lumayas ka, kalimutan mo siya. Kung siya ay ganyan, maaaring siya ay tapat at di-masaya, o siya ay isang ketongin. Kung kaya't... walang mangyayari.»

«Hindi ako nananabik para sa isang babae» tugon ni Judas nang galit.

«Baka... ngunit sa mga tingin ng iyong mukha mahirap ko yatang paniwalaan iyan. Bueno, kung wala kang ibang kailangan, pakiusap na tumabi. May iba pa akong mga taong kailangang harapin.»

Si Judas ay umalis nang galít at tinatanong ang isang nagtitinda ng tinapay at ang isang nagtitinda ng prutas kung nakikilala nila ang babae na kabibili pa lamang ng ilang tinapay at mansanas mula sa kanila, at kung alam nila kung saan siya nakatira.

Hindi nila alam. Sila ay tumugon: «Matagal-tagal na siyang pumupunta rito, sa tuwing dalawa o tatlong araw. Ngunit hindi namin nalalaman kung saan siya nakatira.»

«Ngunit papaano siya kung magsalita?» pamimilit ni Judas.

Ang dalawa ay tumawa at tumugon: «Sa pamamagitan ng kanyang dila.»

²Si Judas ay inaabuso sila at lumayas... at napapunta sa grupo ni Jesus at kasama ang mga disipulo, na parating upang bumili ng ilang tinapay at pagkain para sa kanilang pang-araw-araw na panustos. Ang pagkagulat ay magkapareho... hindi masyadong masaya.

Si Jesus ay nagsabi lamang: «Naririto ka?» at habang si Judas ay nagbibigkas ng kung ano, si Pedro ay tumawa nang malakas at nagsabi: «Dito ako ay bulág at hindi makapaniwala. Hindi ko makita ang mga úbasán. At hindi ako naniniwala sa himala...»

«Ano ang sinasabi mo?» tanong ng dalawa o tatlong disipulo.

«Sinasabi ko ang katotohanan. Walang mga úbasán dito. At hindi ako makapaniwala na si Judas, sa lahat ng mga alikabok dito, ay makapangunguha ng mga ubas sa simpleng dahilan na siya ay isang disipulo ng Rabbi.»

«Ang pag-ani ng mga ubas ay matagal nang natapos» tugon nang magaspang ni Judas.

«At ang Kerioth ay milya-milya ang layo» hinuha ni Pedro.

«Ako ay iyong inaatake kaagad. Ikaw ay palaban sa akin.»

«Hindi. Hindi ako ganyan katanga katulad ng iniisip mo.»

«Tama na iyan» utos ni Jesus. Siya ay mahigpit. Kinakausap niya si Judas: «Hindi Ako umaasa na makita kita rito. Akala Ko ikaw ay nasa Herusalem para sa mga Tabernakulo.»

«Ako ay papunta roon bukas. Naghihintay ako rito nang matagal na para sa isang kaibigan ng aming pamilya, na...»

«Pakiusap, tama na iyan.»

«Hindi ba Kayo naniniwala sa akin, Guro? Sinusumpa ko...»

«Hindi kita tinanong ng kahit ano, at pakiusap na huwag nang magsalita ng kahit ano. Ikaw ay naririto. Sapat na iyan. Iniisip mo ba na sumama sa amin o mayroon ka pang kailangan na asikasuhin? Tumugon nang prangko.»

«Hindi... nakatapos na ako. Maging ano pa man ang taong iyon ay hindi na darating at ako ay papunta sa Herusalem para sa Kapistahan. At saan Kayo pupunta?»

«Sa Herusalem.»

«Ngayon?»

«Pupunta Ako sa Bethany ngayong gabi.»

«Sa bahay ni Lazarus?»

«Oo, sa bahay ni Lazarus.»

«Bueno, pupunta rin ako.»

«Oo, sumama hanggang sa layo ng Bethany. Pagkatapos si Andres kasama sina Santiago ni Zebedeo at si Tomas ay pupunta sa Gethsemane upang gumawa ng mga paghahanda at maghihintay para sa aming lahat, at ikaw ay sasama sa kanila.» si Jesus ay dinidiin ang huling mga salita sa pamamaraan na si Judas ay hindi maka-alma.

«At papaano kami?» tanong ni Pedro.

«Sasama kayo sa Aking mga pinsan at kay Mateo sa kung saan Ko kayo papupuntahin at babalik kayo sa gabi. Sina Juan, Simon, Bartolomeo at Felipe ay mananatiling kasama Ko, ibig-sabihin, sila ay lalakad at magbabalita sa Bethany na ang Rabbi ay dumating na at magsasalita sa mga tao sa ika-siyam na oras.»

Sila ay naglakad nang mabilis patawid ng tigang na kabukiran. May parating na bagyo, hindi sa maliwanag na kalangitan, bagkus sa kanilang mga puso, nalalaman nilang lahat ito, at sila ay nagpapatuloy nang tahimik.

Noong marating nila ang Bethany, at nanggagaling sa Jericho ang bahay ni Lazarus ang unang matatagpuan, si Jesus ay pinaalis ang grupo na pupunta sa Herusalem at pagkatapos ang isa pa na Kanyang pinadadala sa Bethlehem nagsasabing: «Lumakad at huwag mag-alala. Sa kalahatian ng daan matatagpuan ninyo si Isaac, si Elias, at ang iba pa. Sabihin sa kanila na Ako ay mapupunta sa Herusalem sa loob ng maraming araw at inaasahan Ko sila upang pagpalain sila.»

Pansamantala si Simon ay kumatok sa pintuan at pinabuksan ito. Ang katulong ay binigyang-alam si Lazarus na pumunta naman kaagad.

Si Judas, na nauna na nang mga ilang yarda, ay bumalik nang may dahilan na sabihin kay Jesus: «Nasaktan ko Kayo, Guro. Nabatid ko ito. Patawarin Ninyo ako» at kasabay na sumulyap sa hardin at sa bahay sa pamamagitan ng nakabukas na geyt.

«Oo. Hindi na bale. Lakad. Huwag mong papaghintayin ang iyong mga kasamahan.»

At si Judas ay kailangang umalis.

Si Pedro ay bumubulong: «Umaasa siya na magkakaroon ng pagbabago sa mga tagubilin.»

«Hindi kailanman, Pedro. Alam Ko ang Aking ginagawa. Ngunit tiisin mo ang taong iyon...»

«Susubukan ko. Ngunit hindi ako makapangangako... Paalam, Guro. Halika, Mateo at kayong dalawa. Bilis.»

«Mapasainyo lagi ang Aking kapayapaan.»

³Si Jesus ay pumasok kasama ang natitira pang apat at pagkatapos na mahalikan si Lazarus pinakikilala Niya si Juan, si Felipe at si Bartolomeo, at pagkatapos pinaalis sila at nananatiling mag-isa kasama si Lazarus.

Sila ay naglakad patungo sa bahay. Sa pagkakataon na ito, sa ilalim ng magandang portiko ay may isang babae. Siya ay si Martha. Siya ay kayumanggi at matangkad, bagama’t hindi napakataas katulad ng kanyang kapatid na babae, na olandesa at malarosas; ngunit siya ay isang magandang babae na may balanse at maayos na napormang bilugan na katawan, maitim-itim ang buhok, may makinis na dekapeng noo. Ang kanyang mga mata ay maamo, banayad, madilim na mahaba ang korte at kasing lambot ng isang pelus, sa pagitan ng kanyang maiitim na pilikmata. Ang kanyang ilong ay medyo nakatungo at ang kanyang mga labì mapulang-mapula sa kaligiran ng kanyang madidilim na pisngi. Siya ay ngumingiti pinakikita ang malalakas na niyebeng-kaputian na mga ngipin.

Siya ay nakasuot ng isang madilim na delanang damit na may pula at madilim na berdeng mga laso sa paligid ng leeg at sa dulo ng kanyang malapad na maikling mga manggas, mula kung saan dalawa pang mga manggas ang lumalabas, ng napakapinong puting linen, nabigkisan at nalupian sa mga pupulsuhan sa pamamagitan ng maliliit na tali. Ang kanyang napakapinong puting blusa ay lumalabas din sa itaas ng kanyang dibdib, sa paligid ng mas mababang bahagi ng kanyang leeg kung saan ito nahahawakan nang mahigpit ng isang tali. Bilang isang sinturon nakasuot siya ng isang balabal na asul, pula at berde, ng isang pinong tela na nakatali sa paligid ng mas mataas na bahagi ng kanyang mga balakang at nakabitin sa kanyang kaliwa bilang isang bungkos ng mga palawit. Isang mayaman na basal na damit.

«Ako ay may kapatid na babae, Guro. Naririto siya, si Martha, siya ay mabuti at relihiyosa. Siya ang konsolasyon at karangalan ng pamilya at ang lugod ng abang Lazarus. Dati siya ang aking una at tanging lugod. Ngayon siya ay ikalawa, sapagkat Kayo ang una.»

Si Martha ay nagpatirapa sa sahig at hinahalikan ang laylayan ng tunika ni Jesus.

«Kapayapaan sa mabuting kapatid na babae at sa basal na babae. Tumayo ka.»

Si Martha ay tumayo at pumasok sa bahay kasama si Jesus at si Lazarus. Pagkatapos siya ay nagpaalam na umalis upang asikasuhin ang bahay.

«Siya ang aking kapayapaan...» bulong ni Lazarus, at kanyang tinitingnan si Jesus. Isang mapagtanong na tingin. Ngunit si Jesus ay nagkukunwaring hindi Niya ito nakikita.

Si Lazarus ay nagtanong: «At si Jonah?»

«Siya ay patay na.»

«Patay? Kung gayon...»

«Nakuha Ko siya nang siya ay namamatay na. Ngunit siya ay namatay na isang malayang tao at masaya sa loob ng Aking bahay, sa Nazareth, sa pagitan Ko at ng Aking Ina.»

«Si Doras ay parang pinatay niya siya para sa Inyo bago niya siya iniabot!»

«Oo, sa pamamagitan ng pagod at mga hagupit din.»

«Siya ay isang dimonyo at kinapopootan Kayo. Ang ayenang iyon ay kinapopootan ang buong mundo... Hindi ba niya sinabi sa Inyo na kinapopootan niya Kayo?»

«Oo, sinabi niya.»

«Huwag Ninyo siyang pagtiwalaan, Jesus. Makagagawa siya ng kahit ano, Panginoon... ano ang sinabi sa Inyo ni Doras? Hindi ba niya sinabi sa Inyo na iwasan ako? Hindi ba niya hinamak ang kaawa-awang Lazarus?»

«Sa palagay Ko nakikilala mo na Ako nang sapat upang maintindihan na naghuhusga Ako para sa Aking Sarili at ayon sa katarungan, at na kung Ako ay magmahal, nagmamahal Ako nang hindi tinitingnan kung ang gayong pagmamahal ay makabubuti o makasasama sa Akin ayon sa mga pananaw ng mundo.»

«Ngunit ang taong iyon ay malupit at siya ay nanunugat at nananakit nang husto... Pinahirapan din niya ako mga ilang araw ang nakararaan. Siya ay pumunta rito at sinabi sa akin... O! ako ay pinagagalit na nang husto! Bakit ibig din niya na mailayo Kayo sa akin?»

«Ako ang kaginhawahan ng mga pinahihirapan at ang kasama ng mga nangungulila. Ako ay naparito sa iyo para din diyan...»

«Ah! Kung gayon nalalaman Ninyo?... O! kahihiyan sa akin!»

«Hindi. Bakit sa iyo? Alam Ko. Kung gayon, ano? Itatakwil ba kita, na naghihirap? Ako ay Awa, Kapayapaan, Kapatawaran, Pagmamahal para sa lahat; at magiging ano Ako para sa mga inosente? Ang kasalanan na ipinaghihirap mo ay hindi iyo. Ako ba ay kailangan na maging walang-habag sa iyo kung naaawa din Ako para sa kapatid mong babae?...»

«Nakita ba Ninyo siya?»

«Nakita Ko siya. Huwag umiyak.»

Ngunit si Lazarus, ang kanyang ulo nakapatong sa kanyang nakaluping mga braso, ay lumuluha, humihikbing napakasakit.

⁴Si Martha ay lumitaw sa pintuan at tumingin sa loob. Si Jesus ay tumango sa kanya na maging tahimik. At si Martha ay umalis na may malalaking luhang dumadaloy nang tahimik sa kanyang mga pisngi.

Si Lazarus ay kumalma nang unti-unti at humihingi ng paumanhin para sa kanyang kahinaan. Si Jesus ay pinagiginhawahan siya at sa dahilan na ang Kanyang kaibigan ay ibig na umalis muna nang isang sandali, Siya ay lumabas patungo sa hardin at naglalakad sa pagitan ng mga taniman ng mga bulaklak, kung saan ang ilang purpurang mga rosas ay nasa pamumulaklak pa.

Si Martha ay sinamahan Siya pagkaraan nang kaunti. «Guro, nagsalita ba sa Inyo si Lazarus?»

«Oo, Martha, nagsalita siya.»

«Si Lazarus ay hindi mapakali ang isip mula noong malaman niya na nalalaman Ninyo at na siya ay nakita Ninyo...»

«Papaano niya nalaman?»

«Una, ang lalaking iyon na kasama Ninyo at nagsasabing siya ay Inyong disipulo: ang bata-pang isa, matangkad, kayumanggi, walang balbas... pagkatapos si Doras. Ang hulí ay hinampas Kayo sa pamamagitan ng kanyang mga paninira, ang una ay nagsabi lamang na nakita Ninyo siya sa lawa... kasama ang kanyang mga mangingibig...»

«Huwag kang umiyak dahil diyan! Sa palagay ba ninyo hindi Ko nalalaman ang inyong sugat? Alam Ko na iyan mula pa noong makasama Ko ang Ama... Huwag panghinaan ng loob, Martha. Itaas mo ang iyong puso at ulo.»

«Manalangin para sa kanya, Guro. Nananalangin ako... ngunit hindi ako makapagpatawad nang ganap at baka tinatanggihan ng Eternal na Ama ang aking panalangin.»

«Tama ka: kailangan mong magpatawad upang mapatawad at mapakinggan. Ako ay nagdarasal na para sa kanya. Ngunit ibigay mo sa Akin ang iyong pagpapatawad at ang kay Lazarus. Ikaw, isang mabuting kapatid, ay makapagsasalita at makagagawa nang higit pa kaysa sa magagawa Ko. Ang kanyang sugat ay sariwang-sariwa at masakit para hipuin nang kahit magaan ng Aking kamay. Magagawa mo ito. Ibigay mo sa Akin ang iyong ganap na banal na pagpapatawad, at gagawin Kong...»

«Magpatawad... Hindi namin magagawa. Ang aming ina ay namatay gawa ng kapighatian sa pamamagitan ng kanyang masasamang gawain at... ang mga ito ay maliit pa kompara sa mga kasalukuyang ginagawa. Nakikita ko ang pagpapahirap sa aking ina... ito ay laging nasa akin. At nakikita ko kung ano ang ipinaghihirap ni Lazarus.»

«Ang kapatid mo ay may sakit, Martha, at baliw. Patawarin siya.»

«Siya ay nalulukuban, Guro.»

«At ano ang panlulukob ng dimonyo bagkus isang sakit ng espiritu na hinawáhan ni Satanas hanggang sa ito ay maging masamâ sa pagiging isang makadimonyong espiritu? Papaano maipaliliwanag sa ibang paraan ang ilang mga kalisyaan ng tao? Mga kalisyaan na nagagawa ang tao na maging mas malala pa kaysa sa mga hayop sa kabangisan, mas malalaswa pa kaysa sa mga unggoy sa kahalayan, atbp, at nakagagawa ito ng isang hibrido, kung saan magkakasama ang tao, hayop at dimonyo. Iyan ang kapaliwanagan tungkol sa nakapagpapataka sa atin na di-maintindihan na kaibahan sa napakaraming mga nilalang. Huwag umiyak. Magpatawad. Nakikita Ko. Sapagkat ang Aking paningin ay mas matalas kaysa sa paningin ng mata o ng puso. Nakikita Ko ang Diyos. Nakikita Ko. Sasabihin Ko sa iyo: magpatawad, sapagkat siya ay may sakit.»

«Pagalingin siya, kung gayon!»

«Pagagalingin Ko siya. Manampalataya. Gagawin Ko kayong masaya. Ngunit magpatawad at sabihin kay Lazarus na magpatawad. Patawarin siya. Mahalin siya. Makipagkasundo sa kanya. Makipagusap sa kanya na tila siya ay katulad ninyo. Magsalita sa kanya ng tungkol sa Akin...»

«Papaano Ninyo siya maaasahan na maiintindihan Kayo, ang Banal na Isa?»

«Baka tila hindi siya makaiintindi. Ngunit ang Aking pangalan, kahit sa pamamagitan Nito lamang, ay kaligtasan. Gawin siya na mag-isip tungkol sa Akin at mabanggit ang Aking Pangalan. O! si Satanas ay lumalayas kapag ang isang puso ay naiisip ang Aking Pangalan. Ngumiti, Martha, sa pag-asang ito. Tingnan ang rosas na ito. Ang ulan ng mga nakaraang araw ay nasira ito, ngunit tingnan, ang araw ngayon ay nabuksan ito, at ito ay mas maganda pa sapagkat ang mga patak ng ulan sa mga petalo nito ay naadornohan ito ng mga brilyante. Ang inyong bahay ay magiging ganyan... Mga luha at kapighatian ngayon, at pagkatapos... lugod at kaluwalhatian. Lakad! Sabihin kay Lazarus, habang Ako, sa kapayapaan ng inyong hardin, ay mananalangin sa Ama para kay Maria at para sa inyo...»

Ang lahat ay nagtatapos nang gayon.

(598) 160910/052113



¹ Byssus: mga gahiblang galamay na ginagamit ng mga mollusks upang makapangunyapit sa mga bato sa ilalim ng dagat o tubig – Gabby’s dictionary.




Sunod na kabanata.