115. Ang Paggaling ng Namamatay na Maliit na Bata. Ang Sundalong si Alexander. Ang Pahiwatig kay Jesus.

Pebrero 22, 1945.

¹Ang looban ng Templo. Si Jesus ay kasama ang Kanyang mga disipulo napakalapit sa tunay at totoong Templo, ibig-sabihin, sa Banal na Lugar na tanging ang mga pari lamang ang makapapasok. Ito ay isang magandang malaking liwasan na mapapasok ng isa sa pamamagitan ng isang bulwagan at mula kung saan sa pamamagitan ng mas mayaman pang liwasan mararating ang mataas na terasa kung saan naroroon ang kubiko ng Banal.

Ang aking pagsisikap ay walang-walang magawa! Kung makikita ko ang Templo nang sanlibong beses at ilarawan ito nang dalawang libong beses, lagi akong may diperensiya sa paglalarawan sa maringal na labirinto na ito, kapwa dahil sa nakalilito ang lugar, at dahil sa aking kamangmangan tungkol sa mga pangalan at sa aking kawalang-kakayahan na makaguhit ng tsart...

Sila ay tila nagdarasal. Marami ring iba pang mga Israelita, lahat lalaki, ang naroroon na nagdarasal nang kanya-kanya. Ang gabi ng isang nakababagot na araw ng Nobyembre ay maagang dumating.

Nakaririnig ako ng mga taong nagsisigawan at nadarama ko ang dumadagundong na galít na tinig ng isang lalaki  na nagmumura rin sa salitang latin, humahalo sa matitiling tinig ng Hudyo. Ito ay katulad ng kaingayan ng isang paglalabanan at ang matiling tinig ng isang babae ay sumisigaw: «O! Paraanin siya! Sinasabi niya na maililigtas niya siya.»

Ang konsentrasyon ng marangal na bakuran ay nasira. Maraming ulo ang lumilingon patungo sa lugar na pinagmumulan ng mga tinig. Si Judas Iskariote din, na kasama ng mga disipulo, ay lumilingon. Matangkad na katulad niya, nakita niya at nagsabi: «Ang isang sundalong Romano ay nagpupumilit na makapasok! Nanlalabag siya, nalabag na niya ang Banal na Lugar! Gaano nakapangingilabot!» Marami ang gumagaya sa kanyang mga salita.

«Paraanin ako, kayong mga asong Hudyo! Si Jesus ay naririto. Alam ko! Kailangan ko Siya! Wala akong pakialam sa inyong tangang mga bato. Ang bata ay namamatay at ililigtas Niya ito. Umalis kayo! Mapagkunwaring mga ayena...»

Kaagad noong mabatid ni Jesus na Siya ay kinakailangan, Siya ay nagtungo sa bulwagan kung saan ang pagtatalu-talo ay nagaganap. Narating Niya ito at Siya’y sumigaw: «Kapayapaan at igalang ang lugar at ang oras ng pag-aalay.»

«O! Jesus! Mabuhay! Ako si Alexander. Magparaan, kayong mga aso!»

At kalmanteng sinabi ni Jesus: «Oo, magparaan. Dadalhin Ko ang pagano sa ibang lugar, dahil hindi niya nalalaman kung ano ang lugar na ito para sa atin.»

Sila ay tumabi at narating ni Jesus ang sundalo, na ang armor sa dibdib ay may mga dugo. «Nasugatan ka ba? Halika. Hindi tayo makapananatili rito» at dinala Niya siya sa ibang korte at sa kabila pa nito.

«Ako ay hindi nasugatan. Ang isang maliit na batang lalaki... Ang aking kabayo, malapit sa Antonia, ay nagwala at naapakan siya. Ang kanyang ulo ay nabiyak ng sapatos ng kabayo. Sabi ni Proculus: “Wala akong magagawa!” Ito... ito ay hindi ko kasalanan... ngunit ito ay nangyari sa pamamagitan ko at ang kanyang ina ay desperado. Nakita ko Kayong dumaraan... at papunta rito... Sinabi ko: “Hindi magagawa ni Proculus, ngunit magagawa Niya”.  Sinabi ko: «Babae, halika. Si Jesus ay pagagalingin siya”. Ang mga baliw na taong iyon ay pinigilan ako... at ang bata ay baka patay na.»

«Nasaan siya?» tanong ni Jesus.

«Sa ilalim ng arko, sa lapi ng kanyang ina» tugon ng sundalong nakita na sa Fish Gate.

«Tayo na» at si Jesus ay lumakad nang mas mabilis pa paalis, sinusundan ng Kanyang mga disipulo at ng isang linya ng mga tao.

²Sa mga baytang na naglilimita sa arko, nakasandal sa isang poste, ay ang isang naghihirap na babae, umiiyak sa kanyang namamatay na anak. Ang maliit na batang lalaki ay malamlam, ang kanyang medyo nakabukas na purpurang mga labì ay humihingang mabigat katulad ng mga taong nasaktan ang mga utak. Ang isang bendahe ay nakatali sa kanyang ulo, may mga dugo sa likuran ng kanyang leeg at sa kanyang noo.

«Ang kanyang ulo ay nabiyak sa harapan at sa likuran. Ang kanyang mga utak ay makikita. Ang isang ulo sa ganyang edad ay malambot at ang kabayo ay malaki-laki at kababakal pa lamang» paliwanag ni Alexander.

Si Jesus ay malapit sa babae, na ni hindi na nagsasalita, naghihirap katulad niya sa ibabaw ng kanyang namamatay na anak. Ipinatong Niya ang Kanyang kamay sa ulo ng babae. «Huwag umiyak, babae» sinabi Niya sa pamamagitan ng lahat na kabaitan na magagawa Niya. «Manampalataya. Ibigay mo sa Akin ang iyong anak.»

Ang babae ay tinitingnan Siya nagtataka. Ang pulutong ay sinusumpa ang Romano at kinaaawaan ang namamatay na bata at ang kanyang ina. Si Alexander ay napupuno ng gálit, dahil sa di-makatarungan na mga paratang, at naaawa at umaasa.

Si Jesus ay naupo sa tabi ng babae sapagkat nakikita Niya na ang babae ay hindi makagawa ng kahit ano. Siya ay yumuko. Kinuha Niya ang maliit na nasugatan na ulo sa Kanyang mahabang mga kamay, yumuko Siya nang mas mababa pa, sa ibabaw ng namumutlang maliit na mukha, hiningahan ang humihingang maliit na bunganga... mga ilang sandali. Pagkatapos Siya ay ngumiti, isang ngiti na halos hindi mahahalata sa pamamagitan ng Kanyang mga nakabuhol na buhok na nakalawit sa harapan. Itinuwid Niya ang Kanyang Sarili. Ang bata ay ibinukas ang kanyang maliliit na mata at kumikilos nang gustong makaupo. Ang kanyang ina ay ikinatakot na ito ay ang kanyang huling pagkilos at sumigaw idinidiin ang anak sa kanyang puso.

«Hayaan siya, babae. Anak, halika sa Akin» sabi ni Jesus, nakaupo pa rin sa tabi ng babae at iniuunat ang Kanyang mga kamay ngumingiti. At ang bata ay itinapon ang sarili nang nagtitiwala sa mga kamay na iyon at umiiyak, hindi dala ng kapighatian, bagkus dala ng takot na bumabalik sa kanyang alaala.

«Walang kabayo rito, ang kabayo ay wala rito» tinitiyak ni Jesus sa kanya. «Tapos na ang lahat. Masakit ba rito?»

«Hindi, ngunit natatakot ako, natatakot ako!»

«Kita mo, babae. Wala ito bagkus takot. Mamaya lang wala na ito. Magdala sa Akin ng ilang tubig. Ang dugo at ang mga bendahe ay naaapektuhan siya. Juan, ibigay mo sa Akin ang isa sa mga mansanas na mayroon ka... Kunin mo ito, maliit na bata. Kainin mo. Masarap iyan...»

Sila ay nagdala ng tubig. Ito ay si Alexander na nagdala nito sa loob ng kanyang helmet.

Si Jesus ay kumikilos upang alisin ang bendahe.

Si Alexander at ang ina ay nagsabi: «Huwag! Babalik ulit siya sa dati... ngunit ang kanyang ulo ay biyak!...» Si Jesus ay ngumingiti at inaalis ang bendahe. Isa, dalawa, tatlo, walong ikot. Inalis Niya ang may dugo na tela. Mula sa gitna ng kanyang noo hanggang sa likod ng kanyang leeg, sa kanyang kanang bahagi, ito ay iisang namuong dugo, malambot pa, kasama sa buhok ng bata. Si Jesus ay nagbabasa ng isang bendahe at naghuhugas...

«Ngunit sa ilalim ay nandiyan ang sugat... kung aalisin Ninyo ang namuong dugo ito ay dudugo muli» pamimilit ni Alexander.

Ang ina ay isinasara ang kanyang mga mata upang hindi makakita.

Si Jesus ay nagpapatuloy sa Kanyang paghuhugas. Ang namuong dugo ay natutunaw... ngayon ang buhok ng bata ay malinis na, ngunit walang sugat sa ilalim. At ang kanya ring noo ay magaling na. Mayroon lamang ng maliit na mapulang marka kung saan naroon ang peklat.

Ang pulutong ay sumigaw dala ng pagtataka. Ang babae ay naglakas-loob na tumingin at noong makita niya, hindi na niya mapigilan ang kanyang sarili. Itinapon niya ang kanyang sarili kay Jesus, niyayakap Siya kasama ang bata at umiiyak. Si Jesus ay nakibagay sa pagbuhos ng damdamin at sa pagbuhos ng mga luha.

«Salamat sa Inyo, Jesus» sabi ni Alexander. «Nalulungkot ako na napatay ko ang inosenteng batang ito.»

«Ikaw ay naging mabuti at mapagtiwala. Paalam, Alexander. Bumalik ka sa trabaho mo.»

³Si Alexander ay paalis na sana, nang ang ilang opisyal ng Templo at ilang mga pari ay dumating katulad ng maraming mga bagyo. «Ang Mataas na Pari ay inuutusan Ka, sa pamamagitan namin, na iwanan ang Templo, Ikaw at ang paganong nanlapastangan. Kaagad. Nabalisa Mo ang pag-aalay ng insenso. Ang lalaking iyan ay pinasok ang isang lugar na nakatalaga lamang para sa mga Judaean. Ito ay hindi ang unang pagkakataon na ang Templo ay nagambala dahil sa Iyo. Ang Mataas na Pari kasama ang mga Nakatatanda na nakatalaga ngayon, ay inuutos sa Iyo na huwag na muling pumunta rito. Lumayas Ka, at manatili sa Iyong mga pagano.»

«Kami ay hindi rin mga aso. Sinabi Niya: “May isang Diyos lamang, tagapaglikha ng mga Judaean at ng mga Romano”. Kung ito ay ang Kanyang bahay at ako ay nilikha Niya, ako ay kailangan na pahintulutan na makapunta rin» tugon ni Alexander, nasaktan ng mapanuyang tono ng pagbigkas ng mga pari ng salitang “mga pagano».

«Manahimik, Alexander. Ako ang magsasalita» pasok ni Jesus, na iniabot na muli ang bata sa kanyang ina pagkatapos na halikan ito, at ngayon nakatayo na. Sabi Niya sa grupo na nagpapalayas sa Kanya: «Walang sinuman ang makapagbabawal sa isang naniniwala, sa isang totoong Israelita, na walang makapagpapatunay na siya’y may kasalanan, na makapagdasal malapit sa Banal.»

«Ngunit sa pagpapaliwanag ng Batas sa Templo, oo, mapagbabawalan siya. Pinagpapalagay Mo ang karapatan, na wala Ka naman, at hindi Ka humihingi nito. Sino Ka? Sino ang nakakikilala sa Iyo? Anong lakas-ng-loob Mo na mang-agaw ng pangalan at pusisyon na hindi Mo naman pag-aari?»

⁴Si Jesus ay tinitingnan sila nang may-nakaaalam na mga mata, pagkatapos sinabi Niya: «Judas ng Kerioth, halika rito.»

Si Judas ay hindi lumalabas na nananabik tungkol sa tawag. Nagsikap siyang mawala kaagad noong dumating ang mga pari at ang mga opisyal ng Templo (bagaman, sila ay hindi nakasuot ng uniporme ng militar: maaaring ito ay isang sibilyan na tanggapan). Ngunit siya ay napipilitan na sumunod sapagkat itinutulak siya nina Pedro at Judas ni Alfeo.

«Judas, pakiusap na sumagot. At kayo, tingnan siya. Kilala ninyo siya. Siya ay tao ng Templo. Nakikilala ba ninyo siya?»

Sila ay obligadong tumugon: «Oo, kilala namin.»

«Judas, ano ang pinagawa Ko sa iyo noong una Akong magsalita rito? At bakit ka nagtaka? At ano ang Aking isinagot sa iyo tungkol sa iyong pagtataka? Magsalita at maging prangko.»

«Sinabi Niya sa akin: “Tawagin ang opisyal na nakatalaga upang makahingi sana Ako sa kanya ng kapahintulutan na makapagturo”. At ibinigay Niya ang Kanyang pangalan, ipinaliwanag Niya kung sino Siya at binanggit ang Kanyang tribu... at ako ay nagtaka dahil sa tingin ko ang pormalidad ay walang kabuluhan, sa dahilan na sinasabi Niya na Siya ay ang Mesiyas. At sinabi Niya sa Akin: “Ito ay kinakailangan at pagdating ng oras, alalahanin na Ako ay hindi kailanman nagkulang ng paggalang sa Templo at sa mga opisyal nito”. Oo. Iyan ang Kanyang sinabi. Kailangan kong sabihin nang ganyan upang maparangalan ang katotohanan.» Sa simula si Judas ay nagsasalita na medyo di-nakakatiyak, na tila siya ay naiinis. Pagkaraan, sa pamamagitan ng isa ng kanyang pabigla-biglang pagbabago, siya ay naging tiyak, halos arogante.

«Ako ay nagtataka na kailangan mong ipagsanggalang Siya. Pinagtaksilan mo ang aming pagtitiwala sa iyo» sabi ng isang pari kay Judas nang naninisi.

«Wala akong pinagtaksilan na sinuman. Ilan sa inyo ang tao ni Juan Bautista! Kung gayon, sila ba ay mga traydor? Ako ay tao ng Kristo. Iyan lang.»

«Bueno, Siya ay hindi kailangan na magsalita rito. Maaari Siyang makapunta rito bilang isang naniniwala. Labis na nga iyan para sa isa na mapagkaibigan sa mga pagano, sa mga puta at sa mga kolektor ng buwis...»

«Tumugon sa Akin, ngayon» sabi ni Jesus, mahigpit ngunit kalmante. «Sino ang mga Nakatatanda na nakatalaga?»

«Si Doras at si Felix, mga Judaean. Si Joachim ng Capernaum at si Jose, ang Ituraean.»

«Naintindihan Ko. Tayo na. Sabihin sa tatlong nag-aakusa, sapagkat ang Ituraean ay hindi maaaring nag-akusa, na ang Templo ay hindi lahat Israel at ang Israel ay hindi ang buong mundo, at na ang laway ng mga butiki, bagaman marami at lubos na nakalalason, ay hindi mapatatahimik nito ang Tinig ng Diyos, ni ang lason nito ay hindi makapararalisa sa Aking pakikihalo sa mga tao hanggang sa ang oras ay dumating. At pagkatapos... o! sabihin sa kanila na pagkatapos, ang mga tao ay gagawa ng katarungan sa mga tagapagpatay at itataas ang Biktima ginagawa Itong kanilang tanging pagmamahal. Lakad. At umalis na tayo.» At si Jesus ay tinakpan ang Kanyang Sarili ng Kanyang malapad na madilim na manta at lumabas nasa gitna Siya ng Kanyang mga disipulo.

⁵Sa likuran nila ay si Alexander na nanatili para sa pagdidiskusyon. Sa labas ng bakuran, malapit sa Antonia Tower, sinabi niya: «Nagpapaalam ako sa Inyo, Guro. At hinihingi ko sa Inyo na patawarin ako sa pagiging ang dahilan ng paninisi para sa Inyo.»

«O! Huwag mag-alala! Naghahanap sila ng pagsisimulan ng pag-aaway. Kung iyon ay hindi ikaw, ito ay naging ibang tao... Sa Roma kayo ay may mga laro sa Circus na may malalaking hayop at mga ahas, hindi ba? Bueno, sasabihin Ko sa iyo na walang hayop ang mas mabangis at mandaraya pa kaysa sa isang tao na ibig na pumatay ng isa pang tao.»

«At sasabihin ko sa Inyo na ako ay nakapaglakbay sa buong mga rehiyon ng Roma, sa paglilingkod sa Caesar. Ngunit wala sa libu-libong mga taong aking nakilala, nakatagpo ako ng sinuman na mas dibino pa kaysa sa Inyo. Wala, ni ang aming mga diyos ay hindi kasing dibino katulad Ninyo! Sila ay mapaghiganti, malupit, palaaway, mga sinungaling. Kayo ay mabuti. Kayo ay totoo ngang ang isang Tao, hindi tao. Mabuhay, Guro.»

«Paalam, Alexander. Magpatuloy sa Liwanag.»

Ang lahat ay nagtatapos.

(613) 200910/052313

Sunod na kabanata.