116. Si Jesus Nagsasalita kay Nicodemus, sa Gabi, sa Gethsemane.

Pebrero 24, 1945.

¹Si Jesus ay nasa loob ng kusina ng maliit na bahay sa taniman ng mga olibo, kumakain ng hapunan kasama ang Kanyang mga disipulo. Pinag-uusapan nila ang mga nangyari noong araw, na, bagaman, ay hindi ang espesyal na nangyari na kasasalarawan pa lamang, sapagkat napapakinggan ko sila na nagsasalita ng tungkol sa ibang mga pangyayari, kasama rito ay ang paggaling ng isang ketongin malapit sa mga sepulkro, sa tabi ng daan patungong Bethpage.

«May isang senturyong Romano rin na nanonood» sabi ni Bartolomeo. At siya ay nagpapatuloy: «Tinanong niya ako, habang nakasakay sa kabayo: “Ang tao bang inyong sinusundan ay madalas gawin ang mga bagay na iyon?” at noong sumagot ako ng pasang-ayon, siya ay bumulalas: “Kung gayon mas dakila pa Siya kaysa kay Aesculapius at magiging mas mayaman pa kaysa kay Croesus”. Ako ay tumugon: “Siya ay magiging mahirap lagi, ayon sa mundo, sapagkat hindi Siya kailanman tumatanggap, bagkus nagbibigay at gusto lamang Niya ang mga kaluluwa na madala sa totoong Diyos”. Ang senturyon ay tiningnan akong nagtataka, pagkatapos pinakilos ang kanyang kabayo at pinatakbong paalis.»

«Mayroon ding isang binibining Romano sa isang kamilya. Maaaring iyon ay isang babae. Ang mga kurtina ay hindi nakahatak ngunit siya ay sumisilip dito. Nakita ko siya» sabi ni Tomas.

«Oo, iyon ay malapit sa itaas ng paliko ng daan. Sinabihan niya sila na tumigil noong ang ketongin ay sumigaw: “Anak ni David, maawa sa akin!” Ang isa sa mga kurtina ay hinatak at nakita ko siya na tinitingnan Kayo sa pamamagitan ng isang mamahalin na mga lente, pagkatapos siya ay tumawang may panunuya. Ngunit noong makita niya na pinagaling Ninyo ang ketongin sa pagbibigay lamang ng isang utos, tinawag niya ako at tinanong ako: “Siya ba ang isa na tinatawag nilang ang totoong Mesiyas?” Ako ay tumugon ng “Oo” at sinabi niya sa akin: “Ikaw ba ay kasama Niya?” at pagkatapos nagtanong siya: “Siya ba ay totoong mabuti?”» sabi ni Juan.

«Kung gayon nakita mo siya! Ano ang hitsura niya?» tanong ni Pedro at ni Judas.

«Bueno!... Isang babae...»

«Anong malaking tuklas!» sabi ni Pedro tumatawa. At ang Iskariote ay namimilit: «Ngunit siya ba ay maganda, bata, mayaman?»

«Oo. Sa palagay ko siya ay bata pa at maganda rin. Ngunit aking tinitingnan si Jesus kaysa ang babae. Ibig kong makita kung ang Guro ay lalakad na muli...»

«Tanga!» ungot ni Judas sa pagitan ng kanyang mga ngipin.

«Bakit?» tanong ni Santiago ipinagtatanggol ang kanyang kapatid. «Ang aking kapatid ay hindi isang pusturyoso na naghahanap ng babae. Siya ay tumugon dala ng paggalang. Ngunit hindi siya nagkukulang sa kanyang unang kalidad.»

«Alin?» tanong ng Iskariote.

«Kalidad ng isang disipulo, na ang tanging pag-ibig ay ang Guro lamang.»

Si Judas, buwisit na buwisit, ay itinungo ang ulo.

²«Maging ano pa man... hindi tamang bagay ang makita na nakikipagusap sa mga Romano» sabi ni Felipe. «Tayo ay kanila nang inaakusahan ng pagiging mga Galilean, at kung gayon mas “di-puro” kaysa sa mga Judaean. At iyan ay dahil sa ating kapanganakan. Pagkatapos inaakusahan nila tayo ng pagiging madalas sa Tiberias, isang tagpuang lugar ng mga Hentil, mga Romano, mga Phoenician, mga Syrian... at pagkatapos... o! ilang bagay ang kanilang iniaakusa sa atin!...»

«Ikaw ay mabuti, Felipe, at nilalagyan mo ng isang talukbong ang kagaspangan ng katotohanan ng iyong sinasabi. Ngunit ang katotohanan, na walang talukbong, ay ito: ilang mga bagay ang kanilang iniaakusa sa Akin» sabi ni Jesus Na nagiging tahimik magpahanggang ngayon.

«Sa kahuli-hulihan, sila ay hindi ganap na mali. Napakaraming pakikihalubilo sa mga pagano» sabi ng Iskariote.

«Sa palagay mo ba tanging ang hindi lamang nabigyan ng batas ni Moses ang mga pagano?” tanong ni Jesus.

«Bueno, sinong iba pa?»

«Judas!...Mapanunumpaan mo ba sa ating Diyos na ikaw ay wala ng pagiging-pagano sa loob ng iyong puso? At mapanunumpaan mo ba na ang pinaka kilalang-kilalang Israelita ay wala nito?»

«Guro... hindi ko alam ang tungkol sa iba... ngunit mapanunumpaan ko ang tungkol sa aking sarili.»

«Ayon sa iyo, ano ang pagiging-pagano?» tanong muli ni Jesus.

«Ito ay ang pagsunod sa huwad na relihiyon, ang sumamba sa mga diyos» tugon ni Judas nang marahas.

«Na siyang mga alin?»

«Ang mga diyos ng Gresya at Roma, ang mga diyos ng Ehipsiyo... ibig-sabihin ang mga diyos na may libu-libong pangalan, at talagang mga tao na wala naman, na ayon sa mga pagano, ang siyang pumupuno sa kanilang Olympus.»

«Wala nang iba pang mga diyos ang naririyan? Tanging ang mga diyos lamang ng Olympus?»

«Alin pang iba? Hindi ba’t napakarami na nito?»

«Napakarami, oo. Ngunit napakarami pang iba at ang insenso ay sinusunog sa kanilang mga altar ng bawat tao, gayon din ng mga pari, mga Eskriba, mga Pariseo, mga Saduseo, mga Herodian, lahat ng tao ng Israel, tama ba Ako? Hindi lang iyan, bagkus sinusunog din ng Aking mga disipulo.»

«Ah! Tiyak na hindi!» sinasabi nilang lahat.

«Hindi? Aking mga kaibigan... sino sa inyo ang walang lihim na kulto, o ilang lihim na mga kulto? Ang isa ay may kulto ng kagandahan at kagalingan. Ang isa pa ng pagmamalaki ng kanyang kaalaman. Ang isa ay nagsusunog ng insenso sa kanyang pag-asa ng pagiging isang dakilang tao, ayon sa pantaong pananaw. Ang isa pa ay sumasamba sa mga babae. Ang isa pa ang pera... ang isa pa ay lumuluhod sa harapan ng kanyang kaalaman... at patuloy pa.  Sasabihin Ko sa inyong totoo na walang tao ang walang bahid ng idolatra. Bakit kung gayon kasuklaman ang mga naging pagano gawa ng kamalasan, habang kayo ay nananatiling mga pagano sa pamamagitan ng inyong sariling kalooban, bagama’t kayo ay nasa totoong Diyos?»

«Ngunit kami ay mga tao, Guro» bulalas ng marami sa kanila.

«Iyan ay totoo. Kung gayon... maging mapagkawanggawa sa lahat sapagkat Ako ay naparito para sa lahat at kayo ay hindi mas higit pa kaysa sa Akin.»

«Gayunpaman, kami ay inaakusahan at ang Inyong misyon ay nahahadlangan.»

«Mangyayari pa rin iyan, gayunpaman.»

³«Ang tungkol sa mga babae» sabi ni Pedro, na baka dahil nakaupo siya sa tabi ni Jesus, ay ngayon napakamasayahin, na siya ay napakabuti. «Mga ilang araw na, at lalo na mula noong Kayo ay nagsalita sa Bethany sa unang-unang pagkakataon pagkatapos na makabalik tayo sa Judaea, ang isang babae, ganap na may takip ng belo, ang laging sumusunod sa atin. Hindi ko malaman kung papaano niya nalalaman ang ating mga binabalak. Alam ko na siya ay halos laging nasa hulihan ng mga taong nakikinig sa Inyo kapag Kayo ay nagsasalita, o sa likuran ng mga pulutong na sumusunod sa Inyo kapag Kayo ay nag-iikot sa paligid, o kahit sa likuran pa namin kapag ibinabalita namin Kayo sa kabukiran, Sa Bethany, sa unang pagkakataon, siya ay bumulong sa akin nang may talukbong: “Ang tao na sinasabi mong magsasalita, siya ba ay totoong si Jesus ng Nazareth?” Tumugon ako na Siya nga at noong gabi siya ay nasa likuran ng isang puno ng kahoy nakikinig sa Inyo. Pagkatapos nawala siya sa aking paningin. Ngunit ngayon, dito sa Herusalem, nakita ko siya nang dalawa o tatlong beses. Ngayon tinanong ko siya: “Kailangan mo ba Siya? May sakit ka ba? Kailangan mo ba ng limos?” Lagi niyang iniiling ang kanyang ulo, sapagkat hindi siya kailanman nagsasalita sa kahit sino.»

«Isang araw nagsabi siya sa akin: “Saan si Jesus nakatira?” at sinabi ko sa kanya: “Sa Gethsemane”» sabi ni Juan.

«Magaling na tanga! Hindi mo sana sinabi. Sana sinabi mo: “Ipakita mo ang iyong mukha. Ipakilala mo ang iyong sarili at sasabihin ko sa iyo”» sabi ng Iskariote, masama ang timpla.

«Ngunit kailan pa tayo nagtatanong ng ganyang mga bagay?!» bulalas ni Juan, simpleng-simple at inosente.

«Nakikita mo ang ibang mga tao. Siya ay laging may talukbong. Siya ay maaaring isang espiya o isang ketongin. Kailangan na hindi niya tayo sinusundan at hindi siya kailangan na may malaman tungkol sa atin. Kung siya ay nag-iispiya, ito ay upang masaktan tayo. Baka siya ay binabayaran ng Sanhedrin para diyan...»

«Ah! Ang Sanhedrin ba ay gumagamit ng ganyang mga pamamaraan?» tanong ni Pedro. «Nakakatiyak ka?»

«Tiyak na tiyak. Ako ay taga-Templo at nalalaman ko.»

«Maganda! Akmang-akma iyan katulad ng isang guwantes na siyang kasasabi pa lamang ng Guro» wika ni Pedro.

«Ano?» si Judas ay namumula na sa galit.

«Na sa mga kaparian ay may mga pagano rin.»

«Ano ang kaugnayan niyan sa pagbabayad sa isang espiya?»

«Malaking malaki! Labis-labis, sa totoo lang! Bakit sila nagbabayad? Upang mapalayas ang Guro at managumpay sa ibabaw Niya. Kung gayon inilalagay nila ang kanilang sarili sa altar kasama ang kanilang nangangamoy na kaluluwa sa ilalim ng kanilang malilinis na damit» tugon ni Pedro na may mabuting sentido komun.

«Bueno, ang katunayan ay» mabilis na pasok ni Judas «ang babaeng iyon ay delikado sa pulutong at sa atin. Sa pulutong kung siya ay isang ketongin, sa atin kung siya ay isang espiya.

«Ibig-sabihin, sa Kanya, pagdating ng araw» tugon ni Pedro.

«Ngunit kung Siya ay bumagsak, tayo ay babagsak din...»

«Ah! Ah!» tawa ni Pedro at naghihinuha: «At ang diyus-diyusan ay mawawasak, kung ito ay bumagsak, at masasáyang ang ating panahon, ang ating reputasyon at baka ang ating mga buhay, pagdating niyan. Ah! Ah! Mas mabuti nang subukan at huwag itong bumagsak o... umalis na sa tamang oras, tama ba iyon? Ako sa halip... tingnan, niyayakap ko Siya nang mas malapit. Kung Siya ay bumagsak, pinalayas ng mga traydor ng Diyos, ibig kung bumagsak kasama Siya» at si Pedro ay niyayakap si Jesus sa loob ng kanyang maiikling braso.

«Hindi ko naisip na nakagawa ako nang labis na kapinsalaan, Guro» sabi ni Juan nang napakalungkot: kaharap niya si Jesus. Hampasin Ninyo ako, maltratuhin ako, ngunit iligtas ang Inyong Sarili. Nakakatakot kung ako ang magiging dahilan ng Inyong kamatayan!... hindi ko kailanman mapapatawad ang aking sarili. Sa pakiramdam ko ang mga luha ay mag-iiwan ng nagbabagang mga bakas sa aking mga pisngi at babanlian nito ang aking mga mata. Ano ang aking nagawa! Tama si Judas: ako ay isang tanga.»

«Hindi, Juan, hindi ka ganyan, at ginawa mo ang tamang bagay. Hayaan ang babaeng pumunta. Lagi. At igalang ang kanyang talukbong. Baka sinusuot ito bilang isang proteksiyon sa gitna ng pakikibaka sa pagitan ng kasalanan at ng mithiin na matubos. Alam mo ba kung anong mga sugat ang nagagawa sa isang nilikha kung ang ganyang pakikibaka ay nangyayari? Alam mo ba kung gaano ang isa umiiyak at namumula? Ikaw, Juan, isang mahal na anak na may puso ng isang mabuting bata, sinabi mo na ang iyong mukha ay mamamarkahan ng mga luha kung makagagawa ka ng kapinsalaan sa Akin. Ngunit kailangang malaman mo na kapag ang nakapanumbalik na konsiyensya ay nagsimulang ngatngatin nito ang laman, na dati makasalanan, upang sirain ito at managumpay kasama ang kaluluwa nito, kailangan nitong ubusin ang lahat na nang-aakit sa laman, at ang tao ay magmumukhang matanda at maglalaho sa ilalim ng init ng nanununog na apoy. Tanging pagkatapos lamang, kapag ang panunubos ay kumpleto na, ang ikalawa, banal at mas perpektong kagandahan ay mapoporma, sapagkat ito ay ang kagandahan ng kaluluwa na makikita sa mga mata, sa ngiti, sa tinig at sa tapat na pagmamalaki sa noo kung saan ang kapatawaran ng Diyos ay bumaba at nagniningning katulad ng isang diyadema.»

«Kung gayon hindi ko nagawa ang maling bagay?...»

«Hindi, hindi mo nagawa. Ni si Pedro din. Hayaan lang ang babae nang mag-isa. ⁴Ngayon makalalakad na kayong lahat at magpahinga. Ako ay mananatiling kasama sina Juan at Simon, kung kanino ibig Kong magsalita. Lakad.»

Ang mga disipulo ay umalis. Baka sila ay matutulog sa gawaan ng langis. Hindi ko alam. Sila ay umalis, at sila ay tiyak na hindi bumalik sa Herusalem, kung saan ang mga geyt ay naisara na para sa mga oras na ito.

«Sinabi mo, Simon, na si Lazarus ay pinadala sina Isaac at Maximinus sa iyo ngayon, noong Ako ay nasa Tore ni David. Ano ang kailangan niya?»

«Ibig niyang sabihin sa Inyo na si Nicodemus ay nasa kanyang bahay at ibig na makipagusap sa Inyo nang lihim. Nangahas akong sabihin: “Hayaan siyang pumunta. Ang Guro ay maghihintay sa kanya sa gabi”. Makapag-iisa lamang Kayo sa gabi. Iyan kung bakit sinabi ko sa Inyo: “Paalisin na Ninyo silang lahat, maliban kay Juan at ako”. Kailangan natin si Juan upang pumunta sa tulay ng Kidron at  maghintay kay Nicodemus na nasa isa sa mga bahay ni Lazarus, sa labas ng pader. Kinailangan kong manatili upang maipaliwanag ang sitwasyon. Nagawa ko ba ang maling bagay?»

«Hindi, nagawa mo ang tamang bagay. Lakad, Juan, sa iyong lugar.»

Sina Jesus at Simon ngayon ay nag-iisa na lang. Si Jesus ay nag-iisip. Si Simon ay nirerespeto ang Kanyang pananahimik. Ngunit si Jesus ay pinutol ito nang bigla at, na tila hinihinuha ang Kanyang naiisip sa isang malakas na tinig, sinabi Niya: «Oo. Iyan ang pinakamagandang gawin. Si Isaac, si Elias at ang iba pa ay sapat na upang mapanatiling buháy ang idea na nakikilala na sa pagitan ng mabubuti at mabababang-loob na mga tao. Para sa malalakas... may ibang pamamaraan. Naririyan si Lazarus, si Chuza, si Jose, at ang iba pa... Ngunit ang malalakas... ay ayaw sa Akin. Sila ay nanginginig at natatakot para sa kanilang kapangyarihan. Ako ay lalayo mula sa mga pusong Judaean na ito, na palabán na nang palabán sa Kristo.»

«Tayo ba ay babalik sa Galilee?»

«Hindi, ngunit lalayo tayo sa Herusalem. Ang Judaea ay kailangan na maibanghelyuhan. Ito ay bahagi rin ng Israel. Ngunit dito, nakikita mo ang nangyayari... Ang lahat ay nagsisilbi upang akusahan Ako. Ako ay aalis. At para sa ikalawang beses...»

⁵«Guro, naririto si Nicodemus» sabi ni Juan pumapasok na una.

Sila ay nagpalitan ng pagbati, pagkatapos si Simon ay kinuha si Juan at lumabas sa kusina, iniiwan ang dalawa na mag-isa.

«Guro, patawarin ako kung kailangan kong makipagusap sa Inyo nang lihim. Hindi ko pinagkakatiwalaan ang maraming tao nang tungkol sa Inyo at sa aking sarili. Hindi ako ganap na kumikilos dala ng karuwagan. Ito ay kahinahunan din at mithiin na mas maging malaking tulong sa Inyo, kaysa kung ako ay mapasainyo nang lantaran. Marami Kayong mga kaaway. Ako ay isa sa iilan dito na humahanga sa Inyo. Kinuha ko ang payo ni Lazarus. Si Lazarus ay makapangyarihan sa pamamagitan ng kapanganakan, siya ay kinatatakutan sapagkat mataas ang pagtingin sa kanya ng mga Romano, siya ay makatarungan sa mga mata ng Diyos, siya ay marunong gawa ng nagkagulang na katalinuhan at pag-aaral, siya ay isang totoong kaibigan Ninyo at akin. Iyan ang mga rason kung bakit ibig kong makipagusap sa kanya. At masaya ako na siya ay humantong sa gayon din na konklusyon katulad ng akin. Pinaalam ko siya ng tungkol sa huling... mga paguusap-usap sa Sanhedrin tungkol sa Inyo.»

«Ang huling mga akusasyon. Sabihin ang lisong katotohanan.»

«Ang huling mga akusasyon. Oo, Guro. Sasabihin ko sana: “Bueno, ako ay isa sa mga sumusunod din sa Kanya” upang isa man lamang ay nasa Inyong panig sa asamblea na iyon. Ngunit si Jose, na nasa katabi ko, ay bumulong: “Manahimik. Huwag natin ilantad ang ating naiisip. Ipaliliwanag ko saka na”. At nang kami ay lumabas sinabi niya: “Mas mabuti na ang ganyan. Kung malaman nila na tayo ay Kanyang mga disipulo, pamamalagiin nila tayo sa dilim tungkol sa kanilang naiisip at mga disisyon, at makapamiminsala sila sa Kanya at sa atin. Kung, sa halip, iniisip nila na gusto lamang natin makaalam ng tungkol sa Kanyang pamumuhay, hindi sila gagamit ng palihim na mga paraan”. Naisip ko na tama siya. Sila ay napaka... samâ! Ako ay may mga interes din at mga katungkulan din... at si Jose ay may kanya rin... Naiintindihan Ninyo, Guro...»

«Hindi kita sinisisi ng kahit na ano. Sinasabi Ko iyan kay Simon, bago ka dumating dito. At Ako ay nagpasyang lumayo sa Herusalem.»

«Kinapopootan Ninyo kami sapagkat hindi namin Kayo minamahal!»

«Hindi. Hindi Ako napopoot kahit na sa Aking mga kaaway.»

«Iyan ang sinasabi Ninyo. Totoo iyan. Tama Kayo. Gaano nakapamimighati para sa akin at kay Jose! At kay Lazarus? Ano ang sasabihin ni Lazarus, na ngayon ay nagpasya nang pabayaan Kayong iwanan ang lugar na ito at pumunta Kayo sa isa sa kanyang pag-aaring mga bahay sa Zion. Si Lazarus ay isang napakayamang tao. Ang malaking bahagi ng bayan ay pag-aari niya katulad ng maraming lupain sa Palestina. Ang kanyang ama, ay idinagdag sa kanyang sariling kayamanan at sa kayamanan ni Eucheria, na kasapi sa Inyong tribu at pamilya, ang gantimpalang binigay ng mga Romano sa kanilang matapat na paglilingkod, at ibinigay niya ang napakalaking pamana sa kanyang mga anak. At ang mas mahalaga, ay ang di-nakikita ngunit mabagsik na pakikipagkaibigan sa Roma. Kung wala ito, walang makapagliligtas sa sambahayan laban sa pag-aabuso, pagkatapos ng nakakahiyang ginawa ni Maria, ang kanyang diborsiyo, na ipinagkaloob lamang kay Maria dahil sa kanyang pusisyon, ang kanyang walang-pagpipigil sa kahalayan na pamumuhay sa bayan na iyon na nasa pag-aari ni Lazarus, at sa Tiberias, ang eleganteng aliwang bayan na ginawa ng Roma at Athena na isang pugad ng prostitusyon para sa maraming pilíng mga tao. Totoo, na kung ang Syrian na si Theophilus ay naging mas kumbinsidong proselito, hindi sana niya naibigay sa kanyang mga anak ang Helenistang pagpapalaki na pumapatay sa labis na birtud at nagtuturo ng labis na pagpapakasarap, at na, matapos na mainom at mailuwa nang walang anumang resulta kay Lazarus at lalo kay Martha, ito ay nakahawa at kumalat sa walang-pagpipigil na si Maria at nagawa siyang ang kahihiyan ng kanyang pamilya at ng Palestina! Hindi, kung wala ang makapangyarihang pabor na pananakip ng Roma, sila ay naisumpa na sana nang higit pa sa mga ketongin. Ngunit sa dahilan na ang sitwasyon ay ganyan, samantalahin ito.»

«Hindi. Ako ay aalis. Ang may gusto sa Akin ay pupunta sa Akin.»

«Sana hindi na ako nagsalita!» Si Nicodemus ay nalulungkot.

«Hindi. Maghintay at makumbinsi» at si Jesus ay may binuksan na pinto at tumawag: «Simon! Juan! Halikayo rito.»

Ang dalawang disipulo ay nagmadaling pumasok.

«Simon, sabihin kay Nicodemus kung ano ang Aking sinasabi sa iyo noong siya ay parating.»

«Na ang mga pastol ay sapat na para sa mabababang-loob na mga tao, si Lazarus, si Nicodemus at si Jose kasama si Chuza para sa malalakas at na Kayo ay aalis sa Herusalem nang hindi iniiwan ang Judaea. Iyan ang Inyong sinasabi. Bakit ibig Ninyong ulitin ko ito? Ano ang nangyari?»

«Wala. Si Nicodemus ay natatakot na Ako ay aalis dahil sa kanyang sinabi sa Akin.»

«Sinabi ko sa Guro na ang Sanhedrin ay palabán nang palabán, at na kailangan Niyang ilagay ang Kanyang Sarili sa ilalim ng pagpoprotekta ni Lazarus. Naprotektahan niya ang iyong ari-arian dahil ang Roma ay nasa kanyang tabi. Mapoprotektahan din niya si Jesus.»

«Iyan ay totoo. Iyan ay mabuting payo. Bagama’t ang aking lipì ay hindi rin gusto ng Roma, ang isang salita ni Theophilus ay naisalba ang aking ari-arian sa loob ng panahon ng pagbabawal sa akin at ng aking ketong. At si Lazarus ay napaka-mapagkaibigan sa Inyo, Guro.»

«Alam Ko. Ngunit Ako ay nakapagpasya na. At ginagawa Ko kung ano ang Akin nang sinabi.»

«Mawawala Kayo sa amin, kung gayon!»

«Hindi, Nicodemus. Ang mga tao ng lahat na sekta ay pumupunta kay Juan Bautista. Ang mga tao ng lahat na sekta at pusisyon ay makapupunta sa Akin.»

«Kami ay pumunta sa Inyo sapagkat Kayo ay mas dakila kaysa kay Juan.»

«Maaari pa rin kayong pumunta. Ako ay magiging isang nag-iisang rabbi katulad ni Juan, at Ako ay magsasalita sa mga pulutong na ibig na makarinig sa tinig ng Diyos at makapaniniwala na Ako ay ang Tinig na iyon. At ang iba ay makakalimutan Ako. Kung makagagawa man lamang sila ng ganyan.»

⁶«Guro, Kayo ay malungkot at di-nasisiyahan. At tama Kayo. Ang lahat ay nakikinig sa Inyo. At naniniwala sila sa Inyo nang labis at dahil dito sila ay nakakakuha ng mga himala. Kahit na ang isa sa mga tauhan ni Herodes, na ang kaninong natural na kabutihan ay maaaring naparumi ng insestuwosong korteng iyon, kahit na ang mga sundalong Romano ay naniniwala sa Inyo. Tanging kami lamang sa Zion ang napakatigas... Ngunit hindi lahat. Nalalaman Ninyo... Guro, alam namin na Kayo ay nanggaling sa Diyos, na Kayo ay ang Kanyang doktor, at walang mas mahigit pa kaysa sa Inyo. Si Gamaliel ay iyan din ang sinasabi. Walang makagagawa ng mga himala na ginagawa Ninyo maliban na lang kung ang Diyos ay nakakasama niya. Ang mga may-pinag-aralan din na mga tao katulad ni Gamaliel ay pinaniniwalaan iyan. Bakit kung gayon hindi kami magkaroon ng gayon ding pananampalataya katulad ng mayroon ang mga mapagpakumbabang mga tao ng Israel? O! Sabihin sa akin. Hindi ko Kayo pagtataksilan, kahit na kung kailangan Ninyong sabihin sa akin: “Ako ay nagsinungaling upang madagdagan ang Aking marurunong na salita ng isang tatak na walang sinuman ang makapagpapasinungaling”. Kayo ba ang Mesiyas ng Panginoon? Ang Hinihintay na Isa? Ang Salita ng Ama, nagkatawang-tao upang turuan at tubusin ang Israel ayon sa Tipan?»

«Itinatanong mo ba iyan dahil sa iyong sarili, o may ibang nagpadala sa iyo upang itanong iyan?»

«Ng aking sarili, Panginoon. May bagyo at isang pagpapahirap sa loob ko. Magkakaibang mga hangin at mga tinig. Bakit ako, isang may-gulang na tao, wala ng mapayapang katiyakan na mayroon ang taong ito, bagama’t siya ay halos walang pinag-aralan at isang bata, bakit wala ako ng katiyakan na nagbibigay ng ganyang ngiti sa kanyang mukha, ganyang liwanag sa kanyang mga mata, ganyang sinag sa kanyang puso? Papaano ka naniniwala, Juan, na maging lubos na nakatitiyak? Ituro sa akin, anak, ang iyong lihim, na sa pamamagitan nito nakikita mo at naiintindihan mo na si Jesus ng Nazareth ay ang Mesiyas!»

Si Juan ay naging kasing pula ng istroberi, pagkatapos kanyang itinungo ang kanyang ulo, na tila siya ay humihingi ng paumanhin sa pagsasabi ng dakilang salitang iyon, at tumugon nang simple: «Sa pagmamahal.»

«Sa pagmamahal! At papaano ikaw, Simon, isang matuwid na tao, na nasa pintuan na ng pagtanda, ikaw, isang may-pinag-aralan na tao, lubos na may karanasan upang mahikayat na katakutan mo ang pandaraya kahit saan?»

«Sa pagninilay-nilay.»

«Pagmamahal! Pagninilay-nilay! Ako rin ay nagmamahal at nagninilay-nilay at ako ay hindi pa makatiyak!»

⁷Si Jesus ay sumingit sa usapan nagsasabing: «Sasabihin Ko sa iyo ang totoong sekreto. Nalalaman nila kung papaano maipanganak muli, nang may bagong espiritu, malaya sa lahat na mga pagkakatali, birhen sa lahat na mga idea. At kung gayon naintindihan nila ang Diyos. Kung ang isa ay hindi maipanganak muli, hindi niya makikita ang Kaharian ng Diyos o maniwala sa Hari nito.»

«Papaano ang isang malaki-nang tao maipapanganak muli? Nailabas na mula sa sinapupunan ng kanyang ina, hindi na siya muli makakabalik dito. Baka kaya ang Inyong tinutukoy ay ang reenkarnasyon, kung saan maraming pagano ang naniniwala? Hindi, hindi ito posible sa Inyo. Maging ano pa man ito ay hindi ang pagbabalik sa isang sinapupunan, bagkus isang reenkarnasyon sa kabila ng panahon. Ibig-sabihin, hindi ngayon. Papaano?»

«Mayroon bagkus isang buhay lamang ng katawan sa mundo at isang eternal na buhay ng kaluluwa sa kabila ng mundo. Ngayon Ako ay hindi nagsasalita ng tungkol sa laman at dugo, bagkus ng inmortal na espiritu, na naipanganganak sa tunay na buhay sa pamamagitan ng dalawang bagay: sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu. Ngunit ang mas dakila ay ang Espiritu, na kung wala Ito ang tubig ay bagkus isang simbolo lamang. Siya na napalinis na ng tubig, ay pagkatapos kailangan na mapadalisay sa pamamagitan ng Espiritu at sa pamamagitan ng Espiritu siya ay kailangan na umapoy at suminag, kung ibig niyang mamuhay sa sinapupunan ng Diyos dito at sa eternal na Kaharian. Sapagkat kung ano ang ipinanganak ng laman, ay mananatiling laman, at mamamatay kasama ang laman pagkatapos na mapagsilbihan ito sa mga panlaman na mga kasakiman at mga kasalanan. Ngunit kung ano ang ipinanganak ng espiritu ay espiritu at ito ay namumuhay bumabalik sa Espiritu na nagpanganak dito, pagkatapos na palakihin nito ang sariling espiritu sa perpektong edad. Ang Kaharian ng Langit ay pamumuhayan lamang ng mga nilikhang iyan na nakarating sa perpektong espirituwal na edad. Huwag magtaka, kung gayon, kung sabihin Ko: “Kinakailangan para sa iyo na maipanganak muli”. Ang dalawang ito ay nalalaman kung papaano maipanganak muli. Ang isa ay pinatahimik ang laman at ginawa ang kanyang espiritu na makapanumbalik sa paglalagay sa kanyang kaakuhan sa sunugáng-poste ng pagmamahal. Ang lahat na materyal ay nasunog. Mula sa mga abo ay lumitaw ang kanyang bagong espirituwal na bulaklak, isang magandang helianthus na lumilingon sa eternal na Araw. Ang mas matandang isa ay ginamit ang palakol ng tapat na pagninilay-nilay sa ugat ng kanyang lumang paraan ng pag-iisip, binunot niya ang lumang tanim iniiwan lamang ang usbong ng mabuting kalooban, na sa pamamagitan nito nagawa niyang maipanganak ang bagong mga kaisipan. Minamahal na niya ngayon ang Diyos sa pamamagitan ng isang bagong espiritu at nakikita niya Siya. Ang bawat isa ay may kanyang sariling pamamaraan upang marating ang daungan. Ang bawat hangin ay mabuti maliban kung nalalaman ng isa kung papaano iladlad ang mga panlayag. Nararamdaman mo ang hangin na umiihip,  at ayon sa direksiyon nito itatama mo ang mga tali ng mga panlayag. Ngunit hindi mo masasabi kung saan nanggagaling ang hangin, ni hindi mo rin matatawag ang hangin na kailangan mo. Ang Espiritu din ay nagtatawag at ito ay dumarating nagtatawag at dumaraan. Ngunit tanging ang alerto lamang ang nakasusunod dito. Ang isang anak ay kilala ang tinig ng kanyang ama, ang espiritu ay nalalaman ang tinig ng Espiritu mula kung saan ito naipanganak.»

«Papaano iyan mangyayari?»

«Ikaw, isang tagapagturo sa Israel, ay tinatanong Ako? Hindi mo ba nalalaman ang mga bagay na ito?  Tayo ay nagsasalita ng tungkol at nagbibigay saksi sa kung ano ang ating nalalaman at nakita. Ngayon, kung gayon, Ako ay nagsasalita tungkol at nagbibigay saksi sa kung ano ang nalalaman Ko. Papaano ka kailanman makapaniniwala sa kung ano ang hindi mo nakita, kung hindi mo napaniniwalaan ang pagsasaksi na binibigay Ko sa iyo? Papaano ka makapaniniwala sa Espiritu, kung hindi ka naniniwala sa Nagkatawang-Tao na Salita? Ako ay bumaba upang umakyat muli at maisama Ko ang mga nasa ibaba rito. Isa lamang ang bumaba mula sa Langit: Ako, ang Anak ng Tao. Alalahanin si Moses, nagtaas siya ng isang ahas sa disyerto upang mapagaling ang mga sakit ng Israel. Kapag Ako ay naitaas, ang mga tao na ngayon ay bulag, bingi, pipi, baliw, mga ketongin dahil sa lagnat ng kasalanan, ay gagaling at sinuman ang maniniwala sa Akin ay magkakaroon ng eternal na buhay. Ang mga naniniwala din sa Akin, ay magkakaroon ng maligayang-maligayang buhay na iyan. Huwag mong itungo ang iyong noo, Nicodemus. Ako ay naparito upang makapangligtas, hindi mawalan. Ang Diyos ay hindi pinadala ang Kanyang Kaisa-isang mahal na Anak sa mundo upang ang mga nasa mundo ay maisumpa, bagkus na ang mundo ay sana mailigtas sa pamamagitan Niya. Sa mundo nakita Ko ang lahat na kasalanan, lahat na maling mga pananampalataya, lahat na idolatriya. Ngunit ang langaylangayan ba na lumilipad nang mabilis sa ibabaw ng alikabok ay marurumihan ang mga balahibo nito? Hindi. Dinadala lamang nito sa malungkot na mga daan ng lupa ang isang maliit na kapiraso ng asul ng kalangitan, at ang amoy ng kalangitan, ito ay sumisigaw upang gisingin ang mga tao at maitaas nila ang kanilang mga mata mula sa putik at sundan ang paglipad nito na bumabalik sa kalangitan. Ganyan din ang Aking ginagawa. Ako ay naparito upang maisama kayo. Halikayo!... Ang naniniwala sa Bugtong na Anak ay hindi huhusgahan. Siya ay ligtas na, sapagkat ang Anak ay nagsasalita para sa kanya sa Ama at nagsasabi: “’Minahal niya Ako”. Ngunit walang silbi ang isagawa ang banal na mga gawain, kung ang isa ay hindi naniniwala. Siya ay nahúsgahan na sapagkat hindi siya naniniwala sa pangalan ng Bugtong na Anak ng Diyos. Alin ang Aking Pangalan, Nicodemus?»

«Jesus.»

«Hindi. Tagapagligtas. Ako ay Kaligtasan. Ang sinuman na hindi naniniwala sa Akin, ay tinatanggihan ang kanyang kaligtasan at hinuhusgahan ng eternal na Hustisya. At ito ang husga: “Ang Liwanag ay pinadala sa iyo at sa mundo, upang mailigtas kayo, ngunit ikaw at ang mga tao ay ginusto ang kadiliman kaysa sa liwanag, sapagkat mas ginusto ninyo ang masamang mga kilos, na kaugalian na sa inyo,  kaysa ang mabubuting kilos na ipinakita Niya sa inyo, na sana masundan ninyo ang mga ito at kayo ay maging mga santo”. Kinapootan ninyo ang Liwanag sapagkat ang mga gumagawa ng masasamâ ay mahal ang kadiliman para sa kanilang mga krimen, at iniiwasan ninyo ang liwanag upang hindi sana matanglawan ang inyong nakatagong mga sugat. Hindi ikaw ang Aking tinutukoy, Nicodemus. Ngunit iyan ang katotohanan. At ang parusa ay magiging proporsiyonado sa hatol, kapwa para sa mga indibidwal at para sa mga komunidad. Ang tungkol sa mga nagmamahal sa Akin, at nagsasabuhay ng katotohanan na Aking tinuturo, at kung gayon naipanganak sa kanilang mga espiritu sa ikalawang beses, sa pamamagitan ng isang mas tunay na kapanganakan, sasabihin Ko na sila ay hindi natatakot sa liwanag, sa kabaligtaran sila ay lumalapit dito, sapagkat ang kanilang sariling liwanag ay pinalalaki ang liwanag na tumatanglaw sa kanila, isang katumbas na kaluwalhatian na nagagawa ang Diyos na masaya sa Kanyang mga anak at sa mga anak sa Ama. Hindi, ang mga anak ng Liwanag ay hindi natatakot ng pagiging naliliwanagan. Hindi lamang iyan, bagkus sa loob ng kanilang mga puso at sa pamamagitan ng kanilang mga gawa sinasabi nila: “Hindi ako, Siya, ang Ama, Siya, ang Anak, Siya, ang Espiritu, ang gumawa ng kabutihan sa loob ko. Kaluwalhatian sa kanila, magpakailanman”. At mula sa Langit ay tumutugon ang eternal na awit ng Tatlo Na nagmamahalan sa isa’t isa sa kanilang perpektong Pagkakaisa: “Eternal na pagpapalà sa iyo, totoong anak ng Aming Kalooban”. Juan, tandaan ang mga salitang iyan kapag dumating na ang oras na isulat ang mga ito.. Nicodemus, Nakumbinsi ka ba?»

«Oo, Guro, nakumbinsi ako. Kailan ko kayo muli makakausap?»

«Malalaman ni Lazarus kung saan ka dapat dalhin. Ako ay pupunta sa kanya bago Ako umalis dito.»

«Lalakad na ako, Guro. Pagpalain ang Inyong lingkod.»

«Ang Aking kapayapaan ay mapasaiyo.»

Si Nicodemus ay lumabas kasama si Juan.

Si Jesus ay kinakausap si Simon: «Nakikita mo ba ang gawa ng kapangyarihan ng Kadiliman? Katulad ng gagamba, naglalagay ito ng patibong at nasasabit at nabibihag dito ang hindi nakaaalam kung papaano mamatay upang maipanganak muli katulad ng isang paruparo, na napakalakas sa pagsira sa bumabalot na maitim na sapot at lampasan ito, dala-dala sa ibabaw ng kanyang ginintuang mga pakpak ang mga kapiraso ng nagniningning na lambat-lambat bilang isang alaala ng pananagumpay dito, katulad ng mga bandila at mga sagisag na kinuha mula sa kaaway. Ang mamatay upang mabuhay. Ang mamatay upang mabigyan kayo ng lakas na mamatay. Halika, Simon, at magpahinga. At ang Diyos ay mapasaiyo.»

Ang lahat ay nagtatapos.

(617) 200910/052513

Sunod na kabanata.