118. Si Jesus sa Clear Water. Mga Paghahanda para sa Pamumuhay Nang Pareho sa mga Disipulo.

Pebrero 26, 1945.

¹Kung ang maliit na mababang pangkabukiran na bahay na ito ay ikukumpara sa bahay sa Bethany, ito ay tiyak na isang kulungan ng mga tupa, katulad ng sinasabi ni Lazarus. Ngunit kung ito ay ikukumpara sa mga bahay ng mga magbubukid ni Doras, ito ay isang tunay na magandang tirahan.

Ito ay napakababa at napakalapad, gawa sa solidong istruktura, may isang kusina, ibig-sabihin, isang malaking paapuyan sa loob ng isang silid na ganap na napaitim ng usok, kung saan may isang mesa, ilang mga upuan, mga amphora at isang pangkabukiran na paminggalan na may mga pinggan at mga kopa. Ang isang malaking magaspang na kahoy na pintuan ay nagbibigay ng liwanag dito at daanan. Sa gayon ding pader na kinalalagyan ng pintuan na ito, ay may tatlo pang ibang mga pintuan, nagiging daanan patungo sa tatlong makikitid na silid, na may pinaputi-ng-pintura na mga pader at isang sahig na lupa na bugbog sa yapak ng mga paa, katulad ng nasa kusina. Sa dalawa ng mga silid ay may ilang magagaan na kama. Ang mga silid ay nagmumukhang maliliit na dormitoryo. Ang maraming bilang ng mga kawing na bakal na nakapirmi sa mga pader ay nagpapatunay na dito isinasabit ang mga kagamitan at baka pambukid na mga produkto. Ngayon ito ay nagsisilbing sabitan ng mga damit para sa mga manta at mga bag. Ang ikatlong malaking silid (ito ay isang koridor, kaysa isang silid, sapagkat ang haba nito ay wala sa proporsiyon ng lapad nito) ay walang laman. Baka ginagamit din ito bilang silungan ng mga hayop sapagkat may sabsaban dito at mga singsing na bakal sa pader, at sa sahig ay naroroon ang tipikong mga butas na nahukay ng mga paa ng hayop. Walang laman ito sa kasalukuyan.

Sa labas, malapit sa huling silid na ito, ay may isang malaking pangkabukiran na portiko, na nabubuo ng isang bubungan suportado ng magaspang na may-balat na mga katawan ng punungkahoy tinakpan ng putul-putol na mga sanga at mga pisara. Ito ay hindi talagang isang portiko, bagkus isang silungan, dahil ito ay bukas sa tatlong tabi: ang dalawang tabi ay mga sampung yarda man lamang ang haba, ang ikatlong tabi, ang makitid na tabi, ay mga limang yarda ang haba, hindi hihigit pa. Sa tag-init ang isang baging ay iniuunat ang mga sanga nito mula sa isang puno hanggang sa isa pa sa timog na tabi. Ang baging ngayon ay walang mga dahon at pinakikita ang kalansay na mga sanga nito; ang isang malaking puno din ng igos ay ngayon walang mga dahon, ngunit sa tag-init kailangang maliliman nito ang malaking sanaw sa gitna ng sahig-giikan, na tiyak na ginagamit upang mapainom ang mga hayop. Sa tabi nito ay may magaspang na bubon, ibig-sabihin, isang butas sa lupa na ang tubig nito ay kapantay ng lupa; ito ay napalilibutan ng isang hilera lamang ng plat na maputing mga bato.

Iyan ang bahay kung saan si Jesus maninirahan kasama ang Kanyang mga disipulo sa lugar na tinatawag na «Clear Water». Ito ay napaliligiran ng mga bukid, o kung baga ng mga párang at mga úbasán, at sa mga tatlong daang yarda ang layo (pakiusap na huwag tingnan na eksakto ang binibigay kong mga sukat) nakakakita ako ng isa pang bahay sa gitna ng mga bukid, na mas magandang tingnan sapagkat ito ay may isang terasa na may bubong, na wala ang bahay na ito. Ang mga taniman ng mga punong-olibo at ang mga kakahuyan sa kabila ng isa pang bahay na ito ay nagtatakip sa kung ano ang makikita pa sa kabila nito.

²Si Pedro, ang kanyang kapatid at si Juan ay puspusan ang pagtatrabaho, winawalisan ang sahig ng giikan at ang mga silid, inaayos ang mga kama at nag-iigib ng tubig. Si Pedro ay pauli-uli sa palibot ng bubon upang ayusin at palakasin ang mga tali at gawin itong mas praktikal at madali para sa pag-iigib ng tubig. Ang mga pinsan ni Jesus sa halip ay nagtatrabaho sa pamamagitan ng martilyo at pangkikil sa mga panara at panakip sa mga bintana, at si Santiago ni Zebedeo ay tinutulungan sila naglalagari at gumagamit ng palakol katulad ng isang manggagawa sa gawaan ng barko.

Si Tomas ay inaabala ang sarili sa kusina at tila isang batikáng kusinero sa pamamagitan  ng kanyang pamamaraan ng pagkontrol sa apoy at sa mga bága at dahil  sa kanyang galíng sa paglilinis ng mga gulay na ang magandang lalaking si Judas ay tinanggap na siyang magdala mula sa kalapit na nayon. Sa pagkaintindi ko ay may isang nayon, malaki o maliit, sapagkat sinasabi ni Judas na sila ay nagluluto ng tinapay dalawang beses lamang sa isang linggo at dahil dito walang tinapay sa araw na iyon.

Si Pedro ay napakinggan siya at nagsabi: «Gagawa tayo ng ilang keyk. May harina sa banda roon. Bilis, hubarin mo ang iyong tunika at masahin iyon, pagkatapos lulutuin ko iyan. Alam ko kung papaano gawin ito.» Hindi ko mapigilan na tumawa noong makita ko ang Iskariote na nakayuko sa paghahalo ng harina, suot ang kanyang pang-ilalim na tunika, ganap na napupuno ng harina.

Si Jesus ay wala roon. Sina Simon, Bartolomeo, Mateo at Felipe ay wala rin doon.

«Ngayon ay ang pinakamasamang araw» tugon ni Pedro sa pagbulung-bulong ni Judas ng Kerioth. «Magiging mas madali bukas. At sa tagsibol ang lahat ay magiging tamang-tama lamang...»

«Sa tagsibol? Mananatili ba tayo rito magpakailanman?» tanong ni Judas natakot.

«Bakit? Hindi ba’t isang bahay ito? Hindi umuulan sa loob nito. May inumin na tubig. At isang paapuyan. Ano pa ang gusto mo? Ito ay tamang-tama sa akin. At dahil din hindi ko naaamoy ang baho ng mga Pariseo at ng mga kasamahan nila...»

«Pedro, tayo na at hanguin natin ang mga lambat» sabi ni Andres at hinihila ang kanyang kapatid papalayo bago magsimulang mag-away sila ng Iskariote.

«Ang táong iyon ay hindi ako nagugustuhan» bulalas ni Judas.

«Hindi, hindi mo masasabi iyan. Napaka-prangko niya sa lahat. Ngunit siya ay mabuti. Ikaw ito na laging di-kontento» tugon ni Tomas, na, sa kabaligtaran, ay laging masayahin.

«Ang rason ay akala ko iyon ay ibang bagay...»

«Hindi ka pinipigilan ng aking Pinsan na makapunta sa ibang mga bagay» sabi ni Santiago ni Alfeo nang kalmante. «Sa palagay ko tayong lahat ay naniwala na ang sumunod sa Kanya ay isang ibang bagay, sapagkat tayo ay mga tanga. Ito ay dahil matitigas ang ulo natin at napakamapagmalaki natin. Hindi Niya kailanman itinago ang piligro at pagod sa pagsunod sa Kanya.»

Si Judas ay bumulong-bulong sa pagitan ng kanyang mga ngipin. Ang isa pang Judas, si Tadeo, na nagtatrabaho sa isang patungán sa kusina, na ibig niyang gawing isang paminggalan, ay tumugon sa kanya: «Nagkakamali ka. Ayon din sa ating kinaugalian, nagkakamali ka. Ang bawat Israelita ay kailangan na magtrabaho. At tayo ay nagtatrabaho. Ang pagtatrabaho ba ay isang mabigat na bagay sa iyo? Hindi ko ito maramdaman, sapagkat mula noong mapasama ako sa Kanya, ang lahat na gawain ay magaan.»

«Wala rin akong ikinalulungkot na kahit anong bagay. At ako ay masaya na nasa bahay lang ako ngayon» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Marami ang ating magagawa rito!..» wika ni Judas ng Kerioth nang may panunuya.

«Sa maikling pananalita, ano ang gusto mo? Ano ang inaasahan mo? Isang korte ng isang satrap? Hindi ko matagalan ang paninising ginagawa mo sa aking Pinsan. Malinaw ba iyan?» sigaw ni Tadeo.

«Manahimik ka, kapatid. Hindi sinasang-ayunan ni Jesus ang ganitong mga pagtatalu-talo. Magsalita tayo nang kaunti lamang hangga't maaari at magtrabaho nang mabuti hangga't maaari. Ito ang mas mabuti para sa lahat. Sa kabilang dako... kung Siya ay hindi magtatagumpay na mabago ang ating mga puso... makakaasa ka ba na magagawa mo ito sa pamamagitan ng iyong mga salita?» sabi ni Santiago ni Alfeo.

«Ang puso na hindi nagbabago ay ang akin, hindi ba?» pamimilit nang marahas ng Iskariote.

Ngunit si Santiago ay hindi tumutugon sa kanya. May kagat-kagat siyang isang pako sa pagitan ng kanyang mga labì at kasabay na pinupukpok nang malakas ang ilan na mga tabla, gumagawa ito ng isang malakas na ingay, na ang pagbulung-bulong ni Judas ay hindi naririnig.

Mga ilang sandali ang dumaan, pagkatapos sina Isaac at Andres ay pumasok nang magkasama, ang una ay may dalang mga itlog at isang basket ng bagong masarap na nangangamoy na mga tinapay, ang huli may dalang ilang isda sa loob ng isang basket.

«Narito» sabi ni Isaac. «Ang tagapamahala ay ipinadala ito at ibig niyang malaman kung mayroon pa tayong kailangan. Iyan ang tagubilin na kanyang tinanggap.»

«Nakikita mo ba na tayo ay hindi namamatay sa gutom?» sabi ni Tomas sa Iskariote. Pagkatapos sinabi niya: «Andres, ibigay mo sa akin ang isda. Gaano kaganda ito! Ngunit papaano mo ito lulutuin?... Hindi ko alam kung papaano ito gawin.»

«Ako ang bahala diyan» sabi ni Andres. «Ako ay isang mangingisda» at sa isang sulok nagsimula siyang alisan ito ng hasang, buháy pa.

«Ang Guro ay dumarating. Nag-ikót Siya sa nayon at sa kabukiran. Makikita ninyo na ang mga tao ay magsisimula nang dumating. Nagpagaling na Siya ng isang lalaki na ang mga mata ay may sakit. Napuntahan ko na ang buong kabukiran at sila ay nasabihan na...»

«Siyempre! Ako... Ako! Ang mga pastol ay ginagawa ang lahat... Tinalikuran natin ang isang ligtas na tahimik na pamumuhay, ako man lamang, at marami tayong ginawang mga bagay, ngunit tila wala tayong nagawa...»

Si Isaac, nagtataka, ay tinitingnan ang Iskariote ngunit... napakadunong na hindi siya tumutugon. Ang iba ay ganito rin ang ginagawa,,, ngunit sila ay kumukulo sa galit.

³«Kapayapaan sa inyong lahat.» Si Jesus ay nasa pamasukan, ngumingiti nang mapagmahal. Ang sikat ng araw ay tila lumalakas sa kaningningan sa Kanyang pagdating. «Gaano kayo kagaling! Kayong lahat ay nagtatrabaho! Matutulungan ba kita, pinsan?»

«Hindi, magpahinga. Nakatapos na ako.»

«Kami ay punó ng mga pagkain, ang lahat ay ibig na magbigay ng kahit ano. Kung ang lahat na mga tao ay may puso ng mabababang-loob na mga tao!» sabi ni Jesus medyo nalulungkot.

«O! Aking Guro. Pagpalain nawa Kayo ng Diyos!» Ito ay si Pedro na pumapasok dala-dala ang isang bungkos ng mga panggatong sa kanyang mga balikat at na mula sa ilalim ng kanyang dala-dala ay bumabati nang gayon kay Jesus.

«At harinawang pagpalain ka rin ng Diyos, Pedro. Nagtatrabaho ka na nang maigi!»

«At mas lalo na kaming magtatrabaho nang maigi sa aming libreng oras. Tayo ay may villa sa kabukiran! At gagawin namin na isang Eden ito. Pansamantala inayos ko na ang bubon, upang sa gabi nakikita natin kung nasaan ito, at matiyak na hindi tayo mawawalan ng mga pitsel kapag kumukuha ng tubig. Pagkatapos... tingnan kung gaano kagaling ang Inyong mga pinsan? Inihanda nila ang lahat na mga bagay na kailangan ng mga mamumuhay sa isang lugar nang matagal, na ang tungkol dito ako, isang mangingisda, ay walang nalalamang kahit na ano. Totoong magagaling. Si Tomas din. Makapagtatrabaho siya sa kusina ni Herodes. Si Judas din ay magaling. Gumawa siya ng magagandang keyk...»

«Ngunit wala nang silbi. May tinapay na ngayon» tugon ni Judas na nasa masamang timpla.

Si Pedro ay tinitingnan siya at umaasa ako ng isang matalas na tugon, ngunit si Pedro ay iniling ang ulo, inaayos ng mga abó at ipinapatong ang kanyang mga keyk sa ibabaw.

«Ang lahat mamaya lang ay handa na» sabi ni Tomas. At siya ay tumatawa.

«Magsasalita ba Kayo ngayong araw?» tanong ni Santiago ni Zebedeo.

«Oo, sa pagitan ng ika-anim at ika-siyam na oras. Ganito ang sinabi ng inyong mga kasamahan. Kung kaya't tayo ay kumain na kaagad.»

Pagkaraan ng ilang sandali inilagay ni Juan ang tinapay sa mesa, inaayos ang mga upuan, naglalagay ng mga kopa at mga amphora, habang dinadala ni Tomas ang pinakuluang mga gulay at ang inihaw na isda,

Si Jesus ay nasa gitna, nag-aalay at nagpapalâ, inaabot ang pagkain at lahat sila ay kumain nang magana.

Sila ay kumakain pa nang ang ilang mga tao ay lumitaw sa sahig-giikan. Si Pedro ay tumayo at pumunta sa pintuan: «Ano ang kailangan ninyo?»

«Ang Rabbi. Siya ba ay hindi magsasalita rito?»

«Oo, magsasalita Siya. Ngunit Siya ay kumakain ngayon sapagkat Siya ay isang tao rin. Maupo sa banda roon at maghintay.»

Ang maliit na grupo ay pumunta sa ilalim ng pangkabukiran na silungan.

«Ngunit lumalamig na at mapapadalas ang pag-ulan. Sa palagay ko kailangan natin na gamitin ang bakanteng establerong iyon. Nilinis ko ito nang mabuti. Ang sabsaban ay ang Kanyang magiging upuan...»

«Huwag magsalita ng kahangalan! Ang Rabbi ay isang rabbi» sabi ni Judas.

«Anong kahangalan! Kung Siya ay ipinanganak sa isang establero, makapagsasalita Siya mula sa isang sabsaban!»

«Tama si Pedro. Ngunit, pakiusap, maging mapagkaibigan sa isa’t isa» si Jesus ay tila pagód na sa pag-uulit ng mga salitang ito.

Nakatapos sila sa pagkain at si Jesus ay lumabas kaagad upang tagpuin ang maliit na pulutong.

«Sandali, Guro» si Pedro ay sumigaw sa Kanya. «Ang Inyong pinsan ay gumawa ng isang upuan para sa Inyo sapagkat ang lupa ay basa sa ilalim diyan.»

«Hindi na iyan kinakailangan. Alam mo na Ako ay nagsasalita nang nakatayo. Ang mga tao ay ibig na makita Ako at ibig Ko silang makita. Mas mabuti pang gumawa kayo ng ilang mga upuan at magagaang higaan. Ilang mga maysakit ang baka pumunta... at kakailanganin iyan.»

«Lagi Ninyong iniisip ang tungkol sa ibang mga tao, aking mabuting Guro!» sabi ni Juan, hinahalikan ang Kanyang kamay.

Si Jesus ay pumunta sa maliit na pulutong ngumingiting medyo malungkot. Ang lahat na Kanyang mga disipulo ay sumama sa Kanya.

Si Pedro, na nasa tabi ni Jesus, ay ginawa Siyang yumuko at bumulong sa Kanya: «Ang nakatalukbong na babae ay nasa likuran ng pader. Nakita ko siya. Siya ay nandiyan na mula pa noong umaga. Sinundan niya tayo mula sa Bethany. Paaalisin ko ba siya o hayaan lang siya?»

«Hayaan lang siya. Ganyang ang Aking sinabi.»

«Ngunit, kung siya ay isang espiya, katulad ng sinabi ng Iskariote?»

«Hindi siya espiya. Umasa sa sinasabi Ko sa iyo. Iwanan siya nang mag-isa at huwag magsalita ng kahit ano sa iba. At igalang ang kanyang lihim.»

«Ako ay hindi nagsalita ng kahit ano, sapagkat akala ko mas mabuti nang...»

⁴«Kapayapaan sa inyo, na mga naghahanap sa Salita» pasimula ni Jesus. At pumunta Siya sa dulo ng silungan na ang Kanyang likod nakaharap sa bahay. Siya ay nagsasalita nang dahan-dahan sa mga dalawampung katao nakaupo sa lupa o nakasandal sa mga puno, sa init ng isang malabong sinag ng araw ng Nobyembre.

«Ang tao ay humahantong sa pagkakamali kapag iniisip ang buhay at kamatayan at sa paggamit ng dalawang pangngalan na ito. Tinatawag niyang “búhay” ang loob ng panahon kung saan, ipinanganak ng kanyang ina, siya ay nagsimulang huminga, pakanin ang kanyang sarili, gumalaw, mag-isip, kumilos; at tinatawag niyang “kamatayan” ang sandali na siya ay tumigil sa paghinga, pagkain, paggalaw, pag-isip, pagkilos at siya ay naging malamig na walang pakiramdam na labí, nakahanda nang ibalik sa isang sinapupunan: isang sepulkro. Ngunit hindi ito ganito. Ibig Kong maintindihan ninyo ang “búhay”, at ipakita sa inyo ang mga pagkilos na nababagay sa pamumuhay.

Ang búhay ay hindi ang pagiging-naririyan. Ang pagiging-naririyan ay hindi búhay. Ang baging ding ito na nakasalábid sa mga posteng ito, ay naririyan. Ngunit wala ito ng búhay na Aking sinasabi. Ang humuhuning tupa ding iyon, nakatali sa malayong punungkahoy na iyon, ay naririyan. Ngunit wala ito ng búhay na Aking sinasabi. Ang búhay na Aking sinasabi ay hindi nagsisimula sa pagkabuò ng katawan at hindi nagtatapos sa pagkatapos ng laman. Ang búhay na Aking tinutukoy ay hindi nagsisimula sa sinapupunan ng isang ina. Ito ay nagsisimula kapag ang isang kaluluwa ay nilikha ng Kaisipan ng Diyos upang manirahan sa isang katawan, ito ay nagtatapos kapag ito ay pinatay ng kasalanan.

Ang tao, sa una, ay bagkus isang binhi na tumutubo, isang binhi ng laman, sa halip na gluten o utak, katulad ng mga buto ng mga palay at ng prutas. Sa una siya ay bagkus isang hayop na nagkakaroon ng hugis, embriyon ng isang hayop katulad ng isang lumalaki ngayon sa loob ng sinapupunan ng tupa na iyon. Ngunit sa sandaling ang di-materyal na bahaging ito, na siya ring ang pinaka-makapangyarihan na di-materyal na nagpapadakilang bahagi, ay inilagay sa ipinaglilihi ng tao, diyan ang hayop na embriyon hindi lamang buháy-na bilang isang tumitibok na puso, bagkus ito ay namumuhay ayon sa Naglilikhang Kaisipan, at nagiging isang tao, nilikha sa larawan at sa pagiging-katulad ng Diyos, anak ng Diyos, ang hinaharap na mamamayan ng Langit.

Ngunit iyan ang mangyayari kung ang búhay ay tumagál. Ang tao ay maaaring mabuhay nang mayroon lamang ng imahe ng tao, ngunit hindi na bilang tao. Ibig-sabihin, siya ay isang sepulkro kung saan ang búhay ay nabubulok. Iyan kung bakit Ko sinasabi: “Ang buhay ay hindi nagsisimula sa pagiging-naririyan at hindi nagtatapos sa pagtatapos ng laman”.  Ang buhay ay nagsisimula bago pa ang kapanganakan. Ang buhay, kung gayon, ay hindi kailanman natatapos, sapagkat ang kaluluwa ay hindi namamatay, ibig-sabihin, hindi ito bumabagsak sa kawalan. Namamatay ito sa patutunguhan nito, na siyang ang selestiyal na patutunguhan, ngunit pamumuhayan nito ang kaparusahan nito. Namamatay ito sa masayang patutunguhan nito, sa pagkamatay sa Grasya. Ang buhay na ito, nahampas ng kangkaro na siyang ang kamatayan sa patutunguhan nito, ay tumatagal sa buong mga siglo sa pagkakasumpa at pahirap. Ang buhay na ito, kung mapanatiling ganyan, ay mararating ang perpeksiyon ng pamumuhay, sa pagiging eternal, perpekto, masaya katulad ng Tagapaglikha nito.

⁵Mayroon ba tayong mga obligasyon sa buhay? Oo, mayroon. Ito ay isang regalo ng Diyos. Ang bawat regalo ng Diyos ay kailangan na gamitin at panatilihin nang mabuti, sapagkat ito ay kasing banal ng Nagbigay. Gagamitin ba ninyo nang hindi maganda ang regalo ng isang hari? Hindi. Ito ay pinaaábot sa mga tagapagmana, at sa mga tagapagmana ng mga tagapagmana, bilang isang kaluwalhatian ng pamilya. Bakit kung gayon maltratuhin ang isang regalo ng Diyos? Papaano ang dibinong regalong ito dapat gamitin at panatilihin? Papaano ang makalangit na bulaklak na ito ng kaluluwa pananatilihing buháy upang mapatagal ito para sa Langit? Papaano ninyo magagawang “mamuhay” sa itaas at sa kabila pa ng pagiging-naririyan?

Ang Israel ay may malilinaw na batas tungkol sa bagay na ito at kinakailangan lamang na sundin ito. Ang Israel ay may mga propeta at makatarungang mga tao na nagbigay ng mga halimbawa at nagpapaliwanag kung papaano tuparin ang mga batas. Ang Israel ay mayroon na rin ngayon ng mga santo nito. Ang Israel ay hindi maaaring magkamali, hindi kailangan na magkamali. Nakakakita Ako ng mga may-batik na puso at mga patay na mga kaluluwa namumutiktik kahit saan. Kung kaya't sasabihin ko sa inyo: magtika, ibukas ang inyong mga kaluluwa sa Salita; isabuhay ang di-mababagong Batas; bigyan ng bagong dugo ang gastadong “búhay” na nanghihina sa loob ninyo; kung ito ay patay na, lumapit sa totoong Buhay: sa Diyos. Ikalungkot ang inyong mga kasalanan. Sumigaw: ”Kaawaan!” Ngunit bumangon mula sa pagiging patay. Huwag maging mga patay na tao na búhay, upang sa hinaharap kayo ay hindi maghirap nang magpasawalanghanggan. Magsasalita lamang Ako sa inyo tungkol sa paraan upang marating at mapanatili ang búhay. Ang isa pang tao ay nagsabi sa inyo: “Magtika. Linisin ang inyong mga sarili ng di-purong apoy ng kamunduhan, ng putik ng kasalanan”. Sasabihin Ko sa inyo: Aking mga kaibigan pag-aralan natin nang magkakasama ang Batas. Ating pakinggan ditong muli, ang makaamang tinig ng totoong Diyos. At pagkatapos tayo’y magkakasamang magdasal sa Ama nagsasabing: “Harinawang ang Inyong awa ay bumaba sa aming mga puso”.

Ngayon ay makulimlim nang taglamig. Ngunit ang tagsibol ay darating na bago magtagal. Ang isang patay na kaluluwa ay mas malungkot kaysa sa isang kakahuyan na nakalbo ng pagyeyelo. Ngunit kung ang kababaang-loob, mabuting kalooban, pagtitika at pananampalataya ay pinasok kayo, ang buhay ay babalik sa inyo, katulad ng isang kakahuyan sa tagsibol, at kayo ay mamumulaklak sa Diyos, upang magkaroon ng walang-kamatayan na mga bunga ng totoong buhay sa hinaharap, sa hinaharap ng mga siglo nang walang katapusan.

Pumunta sa Buhay! Tumigil ng pagiging-naririyan lamang at magsimulang “mabuhay”. Ang kamatayan, kung gayon, ay hindi ang magiging “katapusan”, bagkus ang simula. Ang simula ng walang-katapusan na araw, ng isang mapayapang di-masusukat na lugod. Ang kamatayan ay ang magiging pananagumpay ng kung ano ang nabuhay bago ang laman, at ang pananagumpay ng laman na tinawag sa eternal na resureksiyon, upang makibahagi sa Buhay na iyan na, sa ngalan ng totoong Diyos, ipinapangako Ko sa lahat na may “gusto” ng “buhay” na iyan para sa kanilang mga kaluluwa, dinudurog sa ilalim ng kanilang mga paa ang pagkamakalaman at masimbuyong mga damdamin, upang kalugdan ang kalayaan ng mga anak ng Diyos.

Humayo. Araw-araw, sa ganitong oras, Ako ay magsasalita sa inyo tungkol sa eternal na katotohanan. Ang Panginoon ay mapasainyo.»

Ang pulutong ay naghiwa-hiwalay nang dahan-dahan gumagawa ng mga komentaryo. Si Jesus ay pumunta sa nangungulilang bahay at ang lahat ay nagtatapos.

(630) 280910/060113

Sunod na kabanata.