120. Si Jesus sa Clear Water: «Hindi Ka Magkakaroon ng Ibang mga Diyos sa Presensya Ko.»

Pebrero 28, 1945.

¹«Ito ay sinabi: “Hindi ka magkakaroon ng ibang mga diyos sa presensya Ko. Hindi ka gagawa sa sarili mo ng isang inukit na imahe o anumang nakakatulad ng kahit na ano sa langit o sa ibabaw ng lupa sa ibabá o sa mga tubig sa ilalim ng lupa. Hindi ka yuyuko sa kanila o maglilingkod sa kanila. Dahil Ako, ang Panginoon mong Diyos, ay malakas at mapanibughuing Diyos at pinarurusahan Ko ang mga pagkakamali ng ama sa mga anak, sa mga apo, at sa mga apo ng mga apo ng mga napopoot sa Akin, ngunit nagpapakita Ako ng kabaitan hanggang sa ikasanlibong henerasyon ng mga nagmamahal sa Akin at sumusunod sa Aking mga utos”.» Ang tinig ni Jesus ay umuugong sa loob ng malaking silid na nagsisiksikan sa mga tao;  sa katunayan umuulan at lahat sila ay nanilungan sa loob nito. Sa unang hanay ay may apat na imbalido, ibig-sabihin, isang bulág ákay ng isang babae, isang bata puno ng mga sugat, isang babae na naninilaw sa sakit sa apdo, at isang lalaki na dinala roon sa ibabaw ng isang estretser. 

Si Jesus ay nagsasalita nakasandal sa walang-laman na sabsaban. Si Juan at ang dalawang pinsan, sina Mateo at Felipe ay malapit sa Kanya, habang sina Judas, Pedro, Bartolomeo, Santiago at si Andres ay nasa pamasukan nagpapapasok sa mga huling dumaraing. Sina Tomas at Simon ay umiikot sa pagitan ng mga tao nagsasabi sa mga bata na manahimik, nangungulekta ng mga limos at nakikinig sa mga hiling ng mga tao.

²«”Hindi ka magkakaroon ng mga diyos sa presensya Ko”.

Napakinggan ninyo kung papaano ang Diyos nasa lahat-na-lugar sa pamamagitan ng Kanyang mga mata at ng Kanyang tinig. Totoo, tayo ay laging nasa Kanyang presensya. Maging tayo man ay nakasarado sa loob ng isang silid o nasa pagitan ng mga pulutong sa loob ng Templo, tayo ay nasa Kanyang presensya. Kung tayo ay nakatagong gumagawa ng mabuti tinatago ang ating mukha sa mga tao ring ating tinutulungan, o tayo ay mga mamamatay-tao na lumulusob at pumapatay ng mga naglalakbay sa isang liblib na bangin, tayo ay laging nasa loob ng Kanyang presensya. Ang isang hari sa gitna ng kanyang korte, ang isang sundalo sa gitna ng digmaan, ang isang Levita sa loob ng Templo, ang isang marunong na tao na nakabuhos ang sarili sa kanyang mga aklat, ang isang magbubukid sa loob ng mga daang-araro, ang isang mangangalakal sa kanyang mesa, ang isang inang nakabantay sa isang kuna, ang isang nobya sa loob ng kanyang pangkasalan na silid, ang isang birhen sa kalihiman ng tirahan ng kanyang ama, ang isang batang nag-aaral sa eskuwelahan, ang isang matandang lalaking humihiga upang mamatay, lahat sila ay nasa loob ng Kanyang presensya. Lahat sila ay nasa loob ng Kanyang presensya at ang mga ikinikilos din ng mga tao ay nasa loob ng Kanyang presensya.

Ang lahat na ikinikilos ng mga tao! Isang nakapangingilabot na salita! Isang nakapagpapaginhawang salita! Nakapangingilabot kung ang mga kilos ay makasalanan, nakapagpapaginhawa kung ito ay banal. Ang malaman na ang Diyos ay nakikita tayo, ay nakapagpipigil sa atin na gumawa ng masama at nakapanghihikayat sa atin na gumawa ng mabuti. Nakikita ng Diyos na ginagawa ko ang tamang bagay. Alam ko na hindi Niya makakalimutan ang Kanyang nakikita. Naniniwala ako na Kanyang ginagantimpalaan ang mabubuting gawa. Nakatitiyak ako kung gayon na ako ay gagantimpalaan at mamamahinga ako sa katiyakan na iyan. Bibigyan ako nito ng isang masayang pamumuhay at isang tahimik na kamatayan, sapagkat kapwa sa buhay at sa kamatayan ang aking kaluluwa ay pagiginhawahan ng maningning na liwanag ng pakikipagkaibigan ng Diyos. Iyan ang pangangatwiran ng isang tao na gumagawa ng mabuti. Ngunit bakit ang mga gumagawa ng masama ay hindi tinitingnan na ang idolatriya ay isa sa ipinagbabawal na mga bagay? Bakit hindi nila sinasabi: “Nakikita ng Diyos na habang nagpapanggap ako ng isang banal na kulto, sumasamba ako sa isang huwad na diyos o huwad na mga diyos, para kung kanino ako ay nagtayo ng isang altar di-nalalaman ng mga tao ngunit nalalaman ng Diyos”?

Alin na mga diyos, maaaring tumutol kayo, kung kahit na sa loob ng Templo ay wala roon ng imahe ng Diyos? Alin-alin ang mga mukha ng mga diyos na ito, kung imposible para sa amin na bigyan ng isang mukha ang totoong Diyos? Oo, imposibleng detalyehin ang isang mukha, sapagkat ang Perpekto at Kapuru-puruhang Isa ay hindi maisasalarawan nang mabuti ng tao. Tanging ang espiritu lamang ang nakakakita ng isang sulyap ng di-materyal at makalangit na kagandahan at nakaririnig sa Kanyang tinig at damhin ang mga haplos na Kanyang binibigay sa isang banal na tao na karapat-dapat ng gayong dibinong kontakto. Ngunit ang paningin, ang pandinig, ang kamay ng tao ay hindi makakakita o makaririnig, at kung gayon hindi mauulit nito sa pamamagitan ng tunog ng lira, sa pamamagitan ng malyete at ng isang sinsel sa marmol, kung ano ang Panginoon. O! walang-katapusang kasayahan kapag kayo, mga kaluluwa ng makatarungang mga tao, ay makita ang Diyos! Ang unang sulyap ay ang pagsimula ng kabanalan na siyang magiging inyong kasa-kasama sa loob ng mga siglo na walang katapusan. Subalit ang hindi natin nagagawa para sa totoong Diyos ay ginagawa ng tao para sa huwad na mga diyos. At ang isa ay nagtatayo ng altar para sa babae; ang isa pa para sa ginto; ang isa pa sa kapangyarihan; ang isa pa sa siyensiya; ang isa pa sa mga pananagumpay militar; ang isa ay sinasamba ang isang mayaman na tao, kapantay niya sa kalikasan, ngunit mas sikat sa kayabangan o suwerte; ang isa pa ay sinasamba ang kanyang sarili at nagsasabi: “Walang katulad ko”. Ganyan ang mga diyos ng mga tao ng sambayanan ng Diyos.

Huwag magtaka sa mga pagano na sumasamba sa mga hayop, sa mga reptil at sa mga bituin. Gaano karaming mga reptil, gaano karaming mga hayop, gaano karaming patay na mga bituin ang inyong sinasamba sa loob ng inyong mga puso! Ang mga labì ay bumibigkas ng mga kasinungalingan upang makapambola, makapanghimok, makapagpasamà. Hindi ba’t ito ang mga panalangin ng mga lihim na mga idolatra? Ang mga puso ay pinaninimdiman ang mga kaisipan ng paghihiganti, ng ilegal na mga pangangalakal, ng prostitusyon. Hindi ba’t ito ang mga kulto na inilalaan sa di-purong mga diyos ng kahalayan, kasakiman, kasamaan?

³Ito ay sinabi: “Wala kang ibang sasambahin bagkus ang iyong totoo, isa, eternal na Diyos”. Ito ay sinabi: “Ako ay isang malakas na mapanibughuin na Diyos”.

Malakas: walang ibang lakas ang mas mahigit pa ng sa Kanya. Ang tao ay malayang nakakakilos. Si Satanas ay malayang nakapanunukso. Ngunit kapag sinabi ng Diyos: “Tama na” ang tao ay hindi na makagagawa ng mali, si Satanas hindi na makapanunukso. Ang hulí ay naitataboy pabalik sa kanyang impiyerno, ang una napatitigil sa mali niyang paggawa ng masamang gawain, kung saan ito ay may hangganan, na ang lumampas pa rito ay hindi ipinahihintulot ng Diyos sa sinuman.

Mapanibughuin. Ng ano? Ng aling paninibugho? Ng kaawa-awang paninibugho ng kaawa-awang mga tao? Hindi. Ang banal na paninibugho ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ang makatarungan, nagmamahal na paninibugho. Nilikha Niya kayo. Minamahal Niya kayo. Gusto Niya kayo. Nalalaman Niya kung ano ang makapipinsala sa inyo. Nalalaman Niya kung ano ang makapaghihiwalay sa inyo mula sa Kanya. At naninibugho Siya sa kung ano ang nakikialam sa pagitan ng Ama at sa Kanyang mga anak at nagliligaw sa kanila mula sa tanging pagmamahal ang Kanyang kabaitan na siyang ang kalusugan at kapayapaan: ang Diyos. Intindihin na ang paninibugho na hindi nanghahamak, ay hindi kalupitan, hindi naglilimita ng kalayaan. Ito ay walang-hangganang pagmamahal, walang-hangganang kabutihan, walang-hangganang kalayaan, na ibinibigay ang Sarili Nito sa may-limitasyon na nilikha, upang mailapit ito sa Sarili Nito at sa Sarili Nito magpasawalanghanggan, at maisama ito sa kawalang-hangganan Nito. Ang isang mabuting ama ay ayaw na kalugdan niya mismo ang kanyang kayamanan. Bagkus gusto niya na kalugdan ito ng kanyang mga anak kasama siya. Matapos man ang lahat siya ay nag-ipon ng kayamanan mas para sa kanyang mga anak kaysa para sa kanyang sarili. Ang Diyos ay ganyan din ang ginagawa ngunit inilalakip Niya sa Kanyang pagmamahal at mithiin ang perpeksiyon na nasa lahat ng Kanyang pagkilos.

⁴Huwag biguin ang Panginoon. Nangangako Siya ng kaparusahan sa nagkasalang mga ama at sa mga anak ng mga nagkasalang mga anak. At lagi Niyang ginagawa ang Kanyang mga pangako. Ngunit huwag mawalan ng pag-asa, o mga anak ng tao at ng Diyos. Makinig sa isa pang pangako at magbunyi: “Nagpapakita Ako ng kabaitan hanggang sa ika-sanlibong henerasyon ng mga nagmamahal sa Akin at sumusunod sa Aking mga utos”. Hanggang sa ika-sanlibong henerasyon ng mabubuting tao. At sa ika-sanlibong pagkakamali ng kaawa-awang mga anak ng tao, na bumagsak hindi dahil ng kasamaan bagkus ng kanilang kawalang-pag-iisip at ng mga patibong ni Satanas. At mas dakila pa nga ang Kanyang kabaitan. Sasabihin Ko sa inyo na iuunat Niya ang Kanyang mga kamay patungo sa inyo, kung nang may nagsisising mga puso at may mga mukhang hinugasan ng mga luha sasabihin ninyo: “Ama, ako ay nagkasala. Alam ko. Pinabababá ko ang aking sarili at ipinagtatapat ko sa Inyo ang aking kasalanan. Patawarin ako. Ang Inyong kapatawaran ay ang aking magiging lakas upang makapagsimulang ‘ikabuhay muli’ ang totoong buhay”.

Huwag matakot. Bago kayo nagawa ng mga kasalanan gawa ng kahinaan, alam na Niya na kayo ay magkakasala. Ang Kanyang puso ay nakasarado lamang kung mamamalagi kayo sa inyong kasalanan at gusto ninyong magkasala, kung gayon ginagawa ang isang kasalanan o ang maraming kasalanan na maging inyong mga diyos ng tákot. Sirain ang bawat diyus-diyusan, gumawa ng lugar para sa Totoong Diyos. Siya ay bababa sa Kanyang kaluwalhatian upang ikonsagra ang inyong mga puso, kung makikita Niya na Siya lamang ang tanging isa sa loob ninyo.

Ibalik sa Diyos ang Kanyang tirahan. Ang Kanyang luklukan ay hindi sa loob ng mga templong gawa sa mga bato, bagkus sa loob ng mga puso ng mga tao. Hugasan ang mga pamasukan nito, linisin ang looban nito ng lahat na walang silbi o makasalanang mga dekorasyon. Ang Diyos lamang. Siya lamang. Siya ay ang lahat! Hindi mas imperyor sa Paraiso ang puso ng isang tao kung saan ang Diyos ay naninirahan, ang puso ng isang tao na inaawit niya ang kanyang pagmamahal sa dibinong Panauhin.

Gawin ang bawat puso na isang Langit. Simulan ang inyong pakikipamuhay sa Kataastaasan. Sa inyong eternal na hinaharap ito ay uunlad sa kapangyarihan at lugod. Ngunit kahit na rito lalampasan nito ang panginginig sa pagtataka ni Abraham, ni Jacob at ni Moses. Sapagkat hindi na ito ang nakasisilaw, nakatatakot na pakikipagkita sa Makapangyarihan na Isa, bagkus ang permanenteng pamumuhay kasama ang Ama at ang Kaibigan Na bumaba upang sabihin: “Isang lugod para sa Akin na makasama ng mga tao. Ginagawa mo Akong masaya. Salamat sa iyo, anak”.»

⁵Ang pulutong, mahigit sandaan katao, ay nagising mula sa pagkabalani pagkaraan nang kaunti. Ang iba ay nalaman na sila ay umiiyak, ang iba na sila ay ngumingiti sa gayon ding pag-asa ng kaluguran. Sa wakas ang pulutong ay tila gumigising, tila sila bumubulong, nagbubuntung-hininga nang mabigat, at sa hulí sumigaw nang katulad ng pagkakalaya: «Pagpalain nawa Kayo! Binubuksan Ninyo para sa amin ang daan ng kapayapaan!»

Si Jesus ngumingiti ay tumugon: «Ang kapayapaan ay kasama ninyo, kung magmula ngayon susundan ninyo ang kabutihan.»

Pagkatapos Siya ay pumunta sa mga imbalido. Hinipo Niya ang bata, ang bulag na lalaki, ang babae na ganap na dilaw ang kulay, niyukuan ang paralitiko at nagsabi: «Gusto Ko ito.»

Ang lalaki ay tiningnan Siya, at pagkatapos sumigaw: «May init sa aking patay na mga galamay!» at siya ay tumayo, katulad ng kung ano na siya ngayon, hanggang sa kinuha nila ang blanket mula sa kanyang maliit na higaan at itinakip sa kanya, at ang ina ay binuhat ang kanyang anak, na wala nang mga sugat, at ang bulag ay kumurap sa unang pagkakita ng liwanag, at ang babae ay sumigaw: «Si Dina ay hindi na kasing dilaw ng mantikilya.»

Ang lugar ay nasa ganap na kalituhan. Ang ilang mga tao ay sumisigaw, ang ilan nagpapalâ, ang ilan ay tumutulak upang makakita, ang ilan ay nagsisikap na makalabas at sabihan ang nayon, si Jesus ay dinudumog mula sa lahat na direksiyon.

Si Pedro ay nakita na halos iniipit na nila Siya at siya ay sumigaw: «Mga bata! Naiipit nila ang Guro! Halikayo at gumawa tayo ng espasyo» at sa pamamagitan ng malaking pagsisikap ang labindalawang disipulo ay gumamit ng mga siko upang makaraan sa pulutong, naninipa rin ng ilang lulod, at napalaya at nailabas Siya. «Aasikasuhin ko ang tungkol dito bukas» sabi niya. «Kayo ay mamamalagi sa pintuan at ang iba sa dulo ng silid. Nasaktan ba nila Kayo?»

«Hindi.»

«Sila ay tila naging mga baliw. Anong mga aso!»

«Hayaan sila. Sila ay masaya... at gayon din Ako. Pumunta sa mga ibig na mabinyagan. Ako ay pupunta sa bahay. Judas, ikaw at si Simon ay magbibigay ng mga limos sa mahihirap. Ibigay sa kanila ang lahat. Mayroon na tayo ng higit pa sa makatarungan para sa mga apostol ng Panginoon. Pedro, lakad. Huwag matakot na makagawa nang labis. Pangangatwiranan kita sa Ama, sapagkat inuutusan kita na gawin iyan. Paalam, mga kaibigan.»

At si Jesus, pagod at basa sa pawis, ay pumunta sa bahay, habang ang bawat isa sa mga disipulo ay ginagawa ang kanyang katungkulan sa pagitan ng mga peregrino.

(644) 081010/060713

Sunod na kabanata.