121. Si Jesus sa Clear Water: «Hindi mo Gagamitin ang Aking Pangalan Nang Walang Katuturan.»

Marso 1, 1945.

¹Ang lahat na mga disipulo ay nasa ganap na kalituhan. Sila ay hindi mapakali na nagmumukha silang katulad ng isang bahay ng pukyutan na nabalisa. Sila ay nagsasalita at patingin-tingin nang patagilid sa lahat ng direksiyon... Si Jesus ay wala rito. Sa wakas nagpasya sila tungkol sa nagpapabalisa sa kanila at sinabi ni Pedro kay Juan: «Lakad at hanapin ang Guro. Siya ay nasa kakahuyan malapit sa ilog. Sabihin sa Kanya na pumarito kaagad o sabihin sa atin kung ano ang kailangan nating gawin.» Si Juan ay tumakbong umalis.

Ang Iskariote ay nagsabi: «Hindi ko maintindihan ang dahilan ng labis na pagkakagulo at kagaspangan. Kung ako ito pupuntahan at sasalubungin ko ang lalaki nang may ganap na parangal... Ang kanyang pagdalaw ay isang karangalan para sa atin. Kung gayon...»

«Hindi ko alam. Maaaring iba siya sa kanyang kinakapatid na lalaki... Ngunit... ang sinumang namumuhay kasama ang mga ayena ay nakukuha ang kanilang amoy at katutubong ugali. Maging ano pa man, gusto mong palayasin ang babaeng iyon... Ngunit isipin ang gagawin mo! Ayaw ito ng Guro, at kinakailangan kong protektahan siya. Kung pakikialaman mo siya... ako ay hindi ang Guro... para sa kaalaman mo lamang.»

«O! Sino ang babae kung gayon?!!! Baka kaya ang magandang si Herodias?»

«Huwag maging palabiro.»

«Huwag mo akong sisihin. Gumawa ka ng isang maharlikang pagbabantay sa kanya, katulad ng isang reyna...»

«Sinabi sa akin ng Guro: «Tiyakin na siya ay hindi nagagambala at igalang siya”. At iyan ang aking ginagawa.»

«Ngunit sino siya? Kilala mo?» tanong ni Tomas.

«Hindi ko kilala.»

«Sige na, sabihin sa amin... Alam mo...» pamimilit ng marami sa kanila.

«Sinusumpa ko na wala akong nalalaman na kahit ano. Tiyak na alam ng Guro. Ngunit hindi ko alam.»

«Kailangan na gawin natin si Juan na tanungin Siya. Sinasabi Niya sa kanya ang lahat.»

«Bakit? Ano ang espesyal tungkol kay Juan? Ang kapatid mo ba ay isang diyos?»

«Hindi, Judas. Siya ang pinakamagaling sa ating lahat.»

«Huwag na kayong mag-aksaya ng panahon» sabi ni Santiago ni Alfeo. «Ang aking kapatid ay nakita siya kahapon, noong siya ay bumabalik mula sa ilog dala ang isda na binigay sa kanya ni Andres, at tinanong niya si Jesus. At Siya ay tumugon: “Siya ay walang mukha, Siya ay isang kaluluwa naghahanap sa Diyos. Siya ay wala nang iba pa para sa Akin at gusto Kong siya ay ganyan para sa lahat”. At sinabi Niya: “Gusto Ko” sa pamamaraan, na pinapayo ko sa inyo na huwag mamilit.»

«Pupuntahan ko siya» sabi ng Iskariote.

«Subukan lang, kung magagawa mo» sabi ni Pedro, namumula katulad ng isang tandang.

«Maglalaro ka bang isang espiya at sasabihan mo si Jesus?»

«Iniiwan ko ang propesyon na iyan para sa mga taga-Templo. Kami, mga tao ng lawa, ay sa pagtatrabaho nakukuha ang aming tinapay, hindi sa pag-uulat. Huwag kailanman matakot sa isang akusasyon galing kay Simon ni Jonas. Ngunit huwag mo akong pilitin at huwag mangahas na suwayin ang Guro, dahil ako ay naririto....»

«At sino ka? Isang abang taong katulad ko.»

«Oo. Hindi lang iyan, bagkus, ako ay mas mahirap pa, mas magaspang, at mas mangmang pa kaysa sa iyo. Alam ko, ngunit hindi ako nag-aalala tungkol diyan. Mag-aalala ako kung ako ay katulad mo kung puso ko ang pag-uusapan. Ngunit ang Guro ay ibinigay sa akin ang tungkulin na iyan at ginagawa ko iyan.»

«Katulad ko kung ang iyong puso ang pag-uusapan? Ano ang nasa loob ng puso ko na napaka-kasuklam-suklam? Magsalita, akusahan ako, saktan ako...»

«Alang-alang sa langit, tigilan iyan» sigaw ng Zealot at ni Bartolomeo. «Tigilan iyan, Judas. Igalang ang puting buhok ni Pedro.»

«Iginagalang ko ang lahat, ngunit ibig kong malaman kung ano ang nasa loob ko...»

«Paglilingkuran kita kaagad... Hayaan akong magsalita... May pagmamalaki diyan, sapat na mapuno ang kusinang ito, may kasinungalingan diyan at kahalayan.»

«Ako sinungaling?»

Lahat sila ay sumasagot at si Judas ay napilitan na manahimik.

Si Simon ay nagsalita nang tahimik kay Pedro: «Mawalang galang na, aking kaibigan, kung ako ay magsalita ng isang bagay sa iyo. Siya ay may kanyang mga pagkakamali, ngunit mayroon ka rin ng ilan. At ang isa rito ay hindi mo tinitiis ang nakababatang mga tao. Bakit hindi mo isipin ang kanilang edad, ang kanilang kapanganakan... maraming bagay? Kita mo, ikaw ay kumikilos para kay Jesus. Ngunit hindi mo ba nababatid na ang ganitong mga pagtatalo ay pinapagod Siya? Hindi ko siya pinakikiusapan (at tinuturo niya si Judas) ngunit nakikiusap ako sa iyo, isang may-gulang at tapat na tao. Labis na ang Kanyang problema dahil sa Kanyang mga kaaway. Bakit dagdagan natin ang Kanyang mga paghihirap? May labis nang karahasan sa paligid Niya... Bakit natin palakihin din ito sa loob Kanyang sariling pugad?»

«Totoo iyan. Napakalungkot ni Jesus at nangayayat din Siya» sabi ni Judas Tadeo. «Sa gabi napapakinggan ko Siyang pagulung-gulong sa Kanyang higaan, at nagbubuntung-hininga. Mga ilang gabi na ang nakararaan ako ay bumangon at nakita ko Siyang umiiyak habang nagdarasal. Tinanong ko Siya: “Ano ang problema?” At niyakap Niya ako at nagsabi: “Maging mapagkaibigan sa Akin. Gaanong nakakapagod ang maging isang ‘Tagapagtubos’!”»

«Nasalubong ko rin Siya sa loob ng kakahuyan malapit sa ilog pagkatapos na Siya ay halatang-halatang umiyak» sabi ni Felipe. «At sa aking nagtatanong na sulyap Siya ay tumugon: “Nalalaman mo ba kung ano ang nagpapaiba sa Langit kompara sa lupa, bukod sa kaibahan gawa ng pagkukulang ng nakikitang presensya ng Diyos? Ito ay ang pagkukulang ng pagmamahalan sa pagitan ng mga tao. Ako ay sinasakal nito katulad ng isang lubid na nakaikot sa Aking leeg. Ako ay naparito upang magbudbod ng mga butil sa maliliit na ibon at upang mahalin ng mga nilikhang nagmamahal sa isa’t isa”.»

Si Judas Iskariote (maaring siya ay medyo nasisiraan ng ulo) ay itinapon ang sarili sa lupa at umiiyak katulad ng isang bata.

²Sa sandaling iyon si Jesus ay pumasok kasama si Juan: «Ano ang nangyayari? Bakit umiiyak?...»

«Kasalanan ko ito, Guro. Nagkamali ako. Pinagalitan ko si Judas nang husto» sabi ni Pedro nang prangko.

«Hindi ako... ako ang dapat sisihin. Ginagawan ko Kayo ng problema... Ako ay hindi mabuti... Nanggagambala ako, nagagalit ko ang mga tao, sumusuway ako, ako ay... tama si Pedro. Ngunit tulungan Ninyo ako na maging mabuti! Sapagkat mayroon ako ng kung anong bagay dito, sa loob ng aking puso, na ginagawa ako nito na gawin ko ang mga bagay na ayaw kong gawin. Ito ay mas malakas kaysa sa akin... at nakagagawa ako ng problema sa Inyo... Maniwala sa akin! Totoo iyan...»

«Siyempre, Judas. Wala akong pagdududa. Ikaw ay pumunta sa Akin nang may sinsirong puso, nang may tunay na pananabik. Ngunit ikaw ay bata pa... Walang nakakikilala sa iyo, hindi mo nakikilala ang iyong sarili nang mabuti katulad ng pagkakakilala Ko sa iyo. Tumayo ka at halika rito. Mamaya tayo ay mag-uusap nang tayong dalawa lamang. Pansamantala ating pagusapan ang tungkol sa bagay kung bakit ninyo Ako pinatawag. Anong makasasama kung si Manaen din ay pumunta? Ang isang kamag-anak ba ni Herodes ay hindi nauuhaw para sa totoong Diyos? Natatakot ba kayo para sa Akin? Huwag, huwag matakot. Manampalataya sa Aking salita. Ang lalaking iyon ay pumunta para sa isang tapat na pakay.»

«Bakit hindi niya pinakilala ang kanyang sarili kung gayon?» tanong ng mga disipulo.

«Eksakto dahil siya ay naparito bilang isang ‘kaluluwa’ at hindi bilang isang kinakapatid ni Herodes. Siya ay nananahimik sapagkat iniisip niya na ang relasyon sa isang hari ay walang halaga sa harapan ng salita ng Diyos... Ating igagalang ang kanyang pananahimik.»

«Ngunit kung, sa halip, siya ay kanyang pinadala?...»

«Nino? Ni Herodes? Hindi. Huwag matakot.»

«Sino ang nagpadala sa kanya kung gayon? Papaano siya nakáalam tungkol sa Inyo?»

«Sa pamamagitan ng Aking pinsan na si Juan. Sa palagay ba ninyo noong siya ay nasa kulungan siya ay hindi nagsalita ng tungkol sa Akin? Sa pamamagitan ni Chuza... Sa pamamagitan ng tinig ng mga pulutong... Sa pamamagitan ng pinaka-kapootan mismo ng mga Pariseo... Ang mga dahon din ng mga punungkahoy at ang hangin ay nagsasalita ng tungkol sa Akin, ngayon. Ang isang bato ay itinapon sa walang-galaw na tubig at ang isang patpat ay hinampas ang tanso. Ang pabilog na alún-alón ay palaki nang palaki ipinaaábot ang pagbubunyag sa malalayong tubig at ang tunóg ay ipinagkakatiwala sa espasyo... Ang lupa ay natotong magsabi: “Jesus” at hindi ito titigil sa pagbanggit nito. Humayo at maging mabait sa kanya katulad na kayo ay mabait sa kahit na sino. Lakad. Ako ay mananatili rito kasama si Judas.»

Ang mga disipulo ay lumabas.

³Si Jesus ay tinitingnan si Judas na umiiyak pa rin at tinanong siya: «Bueno? Wala ka bang sasabihin sa Akin? Nalalaman Ko ang lahat tungkol sa iyo. Ngunit ibig Kong mapakinggan ito mula sa iyo. Bakit ka umiiyak? At higit sa lahat, bakit ang kabaliwan na ito kung saan lagi kang labis na di-nasisiyahan?»

«Oo, Guro! Nasabi Ninyo ito. Ako ay seloso. Tiyak na nalalaman Ninyo. At naghihirap ako nakikitang... nakikita ang napakaraming mga bagay. Nagagawa ako nitong balisá at... di-makatarungan. At ako ay nagiging masama samantalang ayaw kong...»

«Huwag magsimulang umiyak muli! Saan ka naninibugho? Masanay kang magsalita sa pamamagitan ng iyong totoong kaluluwa. Marami ka kung magsalita, sobra-sobra pa nga. Ngunit papaano? Sa pamamagitan ng iyong katutubong ugali at ng iyong isip. Sinusundan mo ang isang mahirap at liku-likong daan upang masabi ang ibig mong sabihin: Ako ay nagsasalita ng tungkol sa iyo, tungkol sa iyong kaakuhan, sapagkat tungkol sa kailangan mong sabihin tungkol sa ibang mga tao, o sa kanila mismo, ikaw ay hindi nagpapakita ng pagpipigil o limitasyon. Ni hindi ka nagpapakita ng pagpipigil o limitasyon sa iyong laman. Ito ay ang iyong baliw na kabayo. Katulad mo ang isang karosero na binigyan ng namamahala ng karera ng dalawang baliw na kabayo. Ang isa ay ang iyong kahalayan, ang isa pa... sasabihin Ko ba sa iyo kung ano ang isang iyon? Sasabihin Ko? Ito ay ang pagkakamali na ayaw mong paamuin. Ikaw ay isang may-kakayahan ngunit walang-ingat na karosero, umaasa ka sa iyong kakayahan at akala mo ito ay sapat na. Ibig mong maging una... ayaw mong mag-aksaya ng panahon na palitan kahit isa man lamang na kabayo. Sa kabaligtaran pinabibilis mo sila at pinapalo. Ibig mong ikaw ang “manalo”. Nananabik kang mapalakpakan.... Hindi mo ba nababatid na ang tagumpay ay tiyak kung ito ay nakukuha sa pamamagitan ng pálagian, matiyaga at mahinahon na pagtatrabaho? Magsalita sa iyong kaluluwa. Gusto Ko na ang iyong pangungumpisal ay diyan nanggagaling. O kailangan Ko bang sabihin sa iyo kung ano ang naririyan sa loob mo?»

«Nakikita ko na Kayo ay hindi rin makatarungan o pálagian, at ako ay naghihirap dahil diyan.»

«Bakit mo Ako inaakusahan? Saan Ako nagkulang sa iyong paningin?»

«Kung gusto ko Kayong dalhin sa aking mga kaibigan, umaayaw Kayo nagsasabing: “Mas gusto Kong makasama ang mabababang-loob na mga tao”. Pagkatapos sina Simon at si Lazarus ay nagsabi sa Inyo na mas mabuti nang kunin ang proteksiyon ng ilang malalakas na tao at Kayo ay pumayag. Kayo ay kumikiling kay Pedro, kay Simon, kay Juan... Kayo...»

«Ano pa?»

«Wala nang iba pa, Jesus.»

«Kahangalan!... Mga bulubok sa bula ng mga alon. Ako ay nalulungkot para sa iyo, sapagkat ikaw ay isang kaawa-awang sawing-palad na pinahihirapan ang iyong sarili, samantalang nagbubunyi ka sana. Masasabi mo ba na ang lugar na ito ay maluho? Mapapasinungalingan mo ba na may madalian na dahilan kung bakit napilitan Ako na tanggapin ito?  Kung ang Zion ay hindi naging marahas na ina-sa-labas sa mga propeta nito, mapupunta ba Ako rito, nagtatagong katulad ng isang natatakot sa katarungan ng tao at naninilungan sa isang santuwaryo?»

«Hindi.»

«Bueno, kung gayon? Masasabi mo ba na hindi kita pinagkatiwalaan ng mga misyon katulad ng ginawa ko sa iba? Masasabi mo ba na Ako ay naging mahigpit sa iyo kung ikaw ay mali? Ikaw ay hindi naging sinsiro... Ang mga úbasán!... O! Ang iyong mga úbasán! Ano ang mga pangalan ng mga úbasán na iyon? Hindi ka maawain sa mga naghihirap o sa mga tinutubos ang kanilang mga sarili. Ni hindi ka mapaggalang sa Akin. At ang iba ay napupuna ito... Subalit iisang tinig lamang ang nagsasanggalang sa iyo: ang Akin. Ang iba ay may karapatan na manibugho, sapagkat kung may isa na pinoprotektahan, ang isang iyan ay ikaw.»

Si Judas ay umiiyak nang nalulungkot at naaantig.

«Ako ay aalis na. Ito ang oras kung kailan Ako ay pag-aari ng lahat. Manatili ka rito at magnilay-nilay.»

«Patawarin Ninyo ako, Guro. Hindi ako magkakaroon ng kapayapaan hangga't hindi Ninyo ako pinatatawad. Huwag Kayong malungkot dahil sa akin. Ako ay isang masamang bata... Nagmamahal ako at nagpapahirap... Sa akin ina... at sa Inyo. At magagawa ko rin ang ganito sa aking asawa kung ako ay mag-aasawa... Mas mabuti pa kung ako ay mamatay!...»

«Mas mabuti pa kung binago mo ang iyong mga pamamaraan. Ngunit ikaw ay pinatatawad. Paalam.» Si Jesus ay lumabas at isinara ang pinto.

Si Pedro ay nasa labas: «Halikayo, Guro. Malalim na ang araw. At may napakaraming tao. Mamaya lamang ay madilim na.  At wala pa Kayong kinakain kahit na ano... Ang batang iyon ay ang dahilan ng lahat.»

«Ang “batang” iyon ay kailangan kayong lahat upang hindi na siya maging ang dahilan ng lahat ng ito. Subukan at tandaan iyan, Pedro. Kung siya ay anak mo, maaawa ka ba sa kanya?...»

«H’m! Baka at baka hindi. Maaawa ako sa kanya... ngunit... bagama’t siya ay malaki na, tuturuan ko siya ng isang bagay, na tila siya ay isang makulit na bata. Kung siya ay aking anak, hindi siya magiging ganyan...»

«Tama na ‘yan.»

«Oo, tama na iyan, aking Panginoon. Naroon si Manaen. Ang isa na ang manta ay napakadilim na pula na tila ito ay itim. Ibinigay niya ito sa akin para sa mahihirap at tinanong niya ako kung siya ay makapananatili at makatutulog dito.»

«Ano ang sinabi mo sa kanya?»

«Ang katotohanan: “May mga higaan lamang tayo para sa ating sarili. Pumunta ka sa nayon”.»

Si Jesus ay walang sinasabi kahit ano. Ngunit iniwan Niya si Pedro sa alanganin at pumunta kay Juan, kung kanino may sinasabi siyang isang bagay.

⁴Pagkatapos pumunta siya sa Kanyang lugar at nagsimulang magsalita.

«Kapayapaan sa inyong lahat at harinawang ang liwanag at kabanalan ay pumunta sa inyo dala ang kapayapaan. Ito ay sinabi: “Hindi mo gagamitin ang Aking pangalan nang walang katuturan”.

Kailangan ito nagagamit ng isa nang walang katuturan? Kapag ito ba ay sinusumpa lamang ng isa? Hindi. Kapag ito ay binibigkas din ng isa na hindi niya ginagawa ang sarili na karapat-dapat ng Diyos. Ang isang anak ba ay makapagsasabi: “Minamahal at pinararangalan ko ang aking ama” kung ang ginagawa niya ay ang pinaka kabaligtaran ng gusto ng kanyang ama sa kanya? Hindi minamahal ng isa ang kanyang ama sa pagsasabing: “ama, ama”. Hindi minamahal ng isa ang Diyos, sa pagsasabing: “Diyos, Diyos”.

Sa Israel, katulad ng naipaliwanag Ko sa inyo noong araw bago kahapon, kung saan may napakaraming mga diyus-diyusan sa kalihiman ng mga puso, ay may isang paimbabaw din na papuri sa Diyos, kung saan ang mga gawa ng pumupuri ay hindi tumutugma. May isang uso rin sa Israel: nakakakita sila ng napakaraming kasalanan sa panlabas na mga bagay at ayaw na makita ito kung nasaan talaga ang mga ito, sa panloob na mga bagay. Sa Israel ay may isa ring kahangalang pagmamalaki, isang kaugaliang kontra sa tao at kontra sa espiritu: tinitingnan nilang isang panunumpa ang pagbigkas sa Pangalan ng Diyos ng paganong mga dila at pinagbabawalan nila na makalapit sa totoong Diyos ang mga Hentil, sapagkat ito ay tinitingnan na isang paglalapastangan.

Iyan ang sitwasyon magpahanggang ngayon. Ngunit ngayon ito ay hindi na ganyan...

Ang Diyos ng Israel ay ang Diyos din Na naglikha sa lahat na mga tao. Bakit pigilan ang mga nilikha na maramdaman ang pang-aakit ng kanilang Tagapaglikha? Sa palagay ba ninyo ang mga pagano ay walang nararamdaman sa kalaliman ng kanilang mga puso, isang nararamdaman na hindi nasisiyahan, sumisigaw, lumilikot, naghahanap? Kanino? Ano? Ang di-kilalang Diyos. Sa palagay ba ninyo na kung ang isang pagano ay kumilos patungo sa altar ng di-kilalang Diyos, sa di-materyal na altar na siyang ang kaluluwa kung saan mayroon lagi ng alaala ng tungkol sa Tagapaglikha nito, ang kaluluwa na umaasa na malukuban ng kaluwalhatian ng Diyos, katulad ng Tabernakulo na itinayo ni Moses ayon sa utos na ibinigay sa kanya, ang kaluluwa na umiiyak habang ang panlulukob na iyon ay hindi pa nangyayari, sa palagay ba ninyo ang Diyos ay tatanggihan ang alay ng pagano katulad ng pagtanggi ng isa sa isang nanlalapastangan? At tinitingnan ba ninyo na isang kasalanan ang pagkilos na ibinunsod ng tapat na mithiin ng isang kaluluwa na ginising ng selestiyal na mga tawag nagsasabing: “Darating ako” sa Diyos Na nagsasabi rito: “Halika”, habang tinitingnan ninyo na kabanalan ang bulok na kulto ng isang Israelita na inaalay sa Templo kung ano ang tira mula sa kanyang mga pagpapakasarap, at pupunta sa presensya ng Diyos at babanggitin ang pangalan ng Kataastaasan na Isa, sa pamamagitan ng katawan at kaluluwang narumihan ng di-mabilang na mababahong kasalanan?

Hindi. Sasabihin Ko sa inyong totoo na ang perpektong panlalapastangan ay nagagawa ng Israelita na sa pamamagitan ng kanyang di-dalisay na kaluluwa ginagamit ang Pangalan ng Panginoon nang walang kapararakan. Ang Kanyang Pangalan ay ginamit nang walang katuturan, kung nalalaman ninyo, at kayo ay hindi naman mga tanga, na binibigkas ninyo ito nang walang katuturan dahil sa kalagayan ng inyong mga kaluluwa. O! nakikita Ko ang galít na mukha ng Diyos na naiinis bumabaling sa iba kapag ang isang mapagkunwari ay tumatawag sa Kanya o ang isang di-nagsisising kaluluwa ay binabanggit Siya! At Ako ay nahihintakutan bagama’t hindi Ako nararapat ng dibinong gálit.

Nababasa Ko sa loob ng maraming puso ninyo ang kaisipan na ito: “Bueno, maliban sa mga bata, walang sinuman ang makapagbabanggit ng pangalan ng Diyos, sapagkat sa lahat na mga tao ay may di-kadalisayan at kasalanan” Hindi, huwag sabihin iyan. Ang Pangalan na iyan ay kailangan na panawagan ng mga nagkakasala. Ito ay kailangan na panawagan ng mga tao na ang pakiramdam sila ay sinasakal ni Satanas at gustong mapalaya ang kanilang mga sarili sa kasalanan at sa Manunukso.

Ito ay sinasabi sa Genesis na ang Serpiyente ay tinukso si Eba noong ang Panginoon ay hindi naglalakad sa Eden. Kung ang Diyos ay napunta sa Eden, si Satanas ay hindi sana napunta roon. Kung si Eba ay pinanawagan ang Diyos, si Satanas ay lumayas sana. Laging ilagay ang kaisipan na iyan sa inyong mga puso. At tawagin ang Panginoon nang may sinseridad. Ang Pangalan na iyan ay kaligtasan. Marami sa inyo ang ibig na bumaba sa ilog upang mapadalisay. Padalisayin ang inyong mga puso, nang walang tigil, isinusulat sa ibabaw nito, sa pamamagitan ng pagmamahal, ang salita: Diyos. Walang huwad na mga panalangin. Walang kinasanayan nang mga pagsasabuhay. Bagkus sabihin ang Pangalan: Diyos, sa pamamagitan ng inyong mga puso, inyong mga kaisipan, inyong mga gawa, sa pamamagitan ng inyong buong mga sarili. Ulitin ito upang hindi kayo nag-iisa. Ulitin ito upang masuportahan. Ulitin ito upang mapatawad.

Intindihin ang ibig-sabihin ng salita ng Diyos ng Sinai: ang pangalan ng Diyos ay nagagamit “nang walang katuturan” kapag sa pagsasabing “Diyos” ay hindi pinakakahulugan ang isang pagbabago para sa mas mabuti. Diyan ito isang kasalanan. Ito ay hindi ginagamit “nang walang katuturan”, kapag, katulad ng pagtibok ng inyong mga puso, sa bawat minuto ng inyong araw, sa bawat tapat na gawain, pangangailangan, panunukso, kapighatian ay nadadala sa inyong mga labì ang pilyal na salita ng pagmamahal: “Halikayo, aking Diyos!” Diyan, sa katotohanan, hindi kayo nagkakasala sa pagbanggit ng banal na pangalan ng Diyos.

Humayo. Ang kapayapaan ay sumainyo.»

⁵Walang mga maysakit. Si Jesus ay nananatili sa ilalim ng silungan, kung saan ang mga anino ng gabi ay bumabagsak, nakasandal sa pader, nakakursomano. Pinagmamasdan Niya ang mga umaalis nakasakay sa kanilang mga asno, o mga nagmamadali patungo sa ilog upang mapadalisay o mga papunta sa kanilang mga nayon sa kabila ng mga bukid.

Ang lalaki na nakasuot ng napakadilim na pulang manta ay tila hindi nakatitiyak kung ano ang dapat gawin. Si Jesus ay pinagmamasdan siya. Ang lalaki sa wakas ay kumilos at lumakad patungo sa kanyang kabayo; siya sa katunayan, ay may isang magandang maputing kabayo adornado ng isang pulang burdadong damit nakalaylay sa ilalim ng may mga boton na siyá.

«Mamâ, maghintay sa Akin» sabi ni Jesus at Siya ay lumakad patungo sa kanya. «Dumidilim na. May lugar ka ba na matutulugan? Malayo ba ang pinanggalingan mo? Nag-iisa ka ba?»

Ang lalaki ay tumugon: «Mula sa napakalayo... at ako ay pupunta... hindi ko alam... Sa nayon, kung makakita ako... kung hindi... sa Jericho. Iniwan ko ang aking konsorte roon, dahil hindi ko sila pinagkakatiwalaan.»

«Huwag. Binibigay Ko sa iyo ang Aking higaan. Ito ay handa na. Mayroon ka bang kahit anong pagkain?»

«Wala, wala ako kahit ano. Ako ay umaasa na makatatagpo ng isang mas mapag-arugang lugar...»

«Hindi ito nagkukulang ng kahit ano.»

«Kahit ano. Kahit na ang kapootan para kay Herodes. Nalalaman ba Ninyo kung sino ako?»

«May iisang pangalan lamang para sa mga naghahanap sa Akin: mga kapatid sa Ngalan ng Diyos. Halika. Pagsasaluhan natin ang aming tinapay. Mailalagay mo ang iyong kabayo sa loob ng malaking silid na iyon. Ako ay matutulog doon at babantayan Ko iyan para sa iyo...»

«Hindi. Hindi ko kailanman ipahihintulot iyan. Matutulog ako roon. Tinatanggap ko ang Inyong tinapay ngunit wala nang iba pa. Hindi ko ilalagay ang aking di-malinis na katawan kung saan Ninyo pinapagpahinga ang Inyong banal na katawan.»

«Sa palagay mo ba Ako ay banal?»

«Alam ko na Kayo ay banal. Si Juan, si Chuza... ang Inyong mga gawa... ang Inyong mga salita... Ang makaharing palasyo ay umuugong sa mga ito katulad sa isang kabibi na ibinubulong ang ingay ng dagat. Ako ay madalas na pumunta kay Juan... pagkatapos nawala siya sa akin. Ngunit siya ay nakapagsabi sa akin: “Ang Isa Na mas dakila kaysa sa akin ay kukunin ka at itataas ka”. Ito ay bagkus Kayo. Ako ay pumunta noong malaman ko kung nasaan Kayo.»

Sila ay nag-iisa sa ilalim ng silungan. Ang mga disipulo ay naguusap-usap sa mabababang tinig malapit sa kusina at pasulyap-sulyap sa kanila.

Ang Zealot, na siyang ang tagapagbinyag ngayon, ay bumalik mula sa ilog kasama ang mga taong nabinyagan nang huli. Si Jesus ay pinagpapalà sila at pagkatapos nagsabi kay Simon: «Ang lalaking ito ay ang peregrino na naghahanap ng matutuluyan sa ngalan ng Diyos. At sa ngalan ng Diyos binabati natin siya bilang isang kaibigan.»

Si Simon ay yumuko at ang lalaki ay gayon din ang ginawa. Sila ay pumunta sa malaking silid at si Manaen ay itinali ang kanyang kabayo sa sabsaban. Si Juan, na tinawag ni Jesus, ay nagmadaling pumasok may dalang ilang damo at isang balde ng tubig. Si Pedro din ay pumasok na may dalang maliit na langis na lampara, sapagkat madilim na.

«Sasapat na ito nang mabuti. Gantimpalaan nawa kayo ng Diyos» sabi ng maginoo at pagkatapos sa pagitan ni Jesus at ni Simon pinasok niya ang kusina kung saan ang isang bungkos ng panggatong, na kasisindi pa lamang, ay nagbibigay ng liwanag.

Ang lahat ay nagtatapos.

(647) 081010/061013

 

Sunod na kabanata.