122. Si Jesus sa Clear Water: «Igalang mo ang Iyong Ama’t Ina.»

Marso 3, 1945.

¹Si Jesus ay naglalakad nang dahan-dahan pataas at pababa sa pampang ng ilog. Ito ay napakaaga ng umaga, sapagkat ang hamog ng isang matamlay na taglamig na araw ay nasa pagitan ng mga tambo sa tabi ng mga pampang ng ilog. Walang tao, hanggang sa makikita ng mata, sa magkabilang pampang ng Jordan. Naririyan lamang ang hamog, ang pagbula ng tubig sa mga tambo, ang pagbulong ng ilog, na ang tubig nito kung baga malabo dahil sa pag-ulan ng mga nakaraang araw, ang maikli, malungkot na mga tawagan ng ilan-ilang mga ibon, katulad ng madalas nilang gawin kapag ang panahon ng pag-iibigan ay tapos na at ang mga ibon ay iníp na umaalis dahil sa panahon at sa kakulangan ng pagkain.

Si Jesus ay nakikinig sa kanila at Siya ay tila interesadung-interesado sa tawag ng isang maliit na ibon, na inililingon nang nasa tiyempo ang maliit na ulo pagawing hilaga at sisiyap nang mahibik, pagkatapos ibabaling ang ulo patungong timog inuulit ang nagtatanong na siyap na hindi nakakakuha ng kahit anong tugon. Sa wakas ang maliit na ibon ay tila nakatanggap ng tugon mula sa kabilang pampang at ito ay lumipad na umalis, tinatawid ang ilog, nang may maliit na sigaw ng kagalakan. Si Jesus ay kumilos na tila upang sabihin: «Mabuti!» at nagpatuloy sa paglalakad.

«Naiistorbo ko ba Kayo, Guro?» tanong ni Juan, na dumating mula sa mga parang.

«Hindi. Ano ang kailangan mo?»

«Ibig kong sabihan Kayo... Sa palagay ko ito ay isang maliit na impormasyon na baka makapagbigay ng kagaanan sa Inyo at ako ay pumunta kaagad, at upang kunin din ang Inyong payo. Ako ay nagwawalis sa ating malaking mga silid nang si Judas Iskariote ay pumasok. Sinabi niya sa akin: “Tutulungan kita”. Ako ay nagtaka sapagkat hindi siya kailanman naging sabik na gumawa ng gayong abang mga gawain kahit na kung siya ay sabihan... ngunit ang tanging nasabi ko ay: “O! Salamat sa iyo! Mapapabilis ako at mas mabuti ang magagawa natin”. Siya ay nagsimulang magwalis at kami ay natapos nang napakabilis. Pagkatapos sinabi niya: “Tayo ay pumunta sa loob ng kakahuyan. Laging ang matatanda ang kumukuha ng mga kahoy. Hindi ito makatarungan. Pumunta tayo. Hindi ako napakagaling diyan. Ngunit kung tuturuan mo ako...» At kami ay pumunta.  At habang naroon ako nagtatali ng mga panggatong, sinabi niya sa akin: “Juan, gusto kong sabihin sa iyo ang isang bagay”. “Oo, sabihin mo” sinabi ko. At akala ko ito ay isang maliit na pagpuna. Sa halip sinabi niya: “Ikaw at ako ay ang pinakabata. Dapat tayo ay mas nagkakaisa. Ikaw ay halos natatakot sa akin, at tamang-tama ka, sapagkat ako ay hindi mabuti. Ngunit maniwala sa akin... hindi ko iyan ginagawa nang sadya. Kung minsan nararamdaman ko ang pangangailangan ng pagiging masamâ. Baka, dahil ako ay nag-iisang anak, ako ay napalalô. At ibig kong maging mabuti. Ang mas matatanda, alam ko, ay hindi nila ako gustung-gusto. Ang mga pinsan ni Jesus ay naiinis sa akin sapagkat... bueno, hindi ako umasal nang maayos sa kanila at sa kanilang pinsan din. Ngunit ikaw ay mabuti at matiyaga. Maging mabuti sa akin. Isipin na lang na ako ay iyong kapatid, isang masamang kapatid, na kailangan mong mahalin, kahit na kung siya ay masamâ. Ang Guro din ay sinasabi na tayo ay kailangan na kumilos nang ganyan. Kapag nakikita mo na hindi ko eksaktong ginagawa ang tamang bagay, sabihan mo ako. At pagkatapos huwag mo lagi akong iiwanan na nag-iisa. Kapag pumupunta ako sa nayon, sumama ka sa akin. Matutulungan mo akong hindi makagawa ng mali. Kahapon naghirap ako nang labis. Si Jesus ay nagsalita sa akin at tiningnan ko Siya. Sa kahangalang sama-ng-loob ko hindi ko tiningnan ang aking sarili o ang iba. Kahapon tiningnan ko at nakita ko... Tamang-tama sila sa pagsasabing naghihirap si Jesus... at sa pakiramdam ko ito ay akin ding kasalanan. Ayaw ko nang maging ang dahilan ng Kanyang kirot. Sumama sa akin. Sasama ka ba? Matutulungan mo ba ako na maging mabuti?” Iyan ang kanyang sinabi, at, ikinukumpisal ko ito, ang aking puso ay pumipintig katulad ng puso ng maliit na pipit na nahuli ng isang bata. Iyon ay pumipintig dala ng tuwa sapagkat magiging masaya ako kung siya ay magiging mabuti. At masaya din ako para sa Inyo, at ang aking puso ay pumipintig din dala ng takot, sapagkat... ayaw kong maging katulad ni Judas. Pagkatapos naalaala ko ang sinabi Ninyo sa akin noong araw na tinanggap Ninyo si Judas, at ako ay tumugon: “Oo, tutulungan kita. Ngunit kailangan kong sumunod kung ako ay makatanggap ng ibang mga utos...” Naisip ko, sasabihin ko na ngayon sa Guro, at kung Siya ay pumayag, sasama ako sa kanya, kung Siya ay hindi pumayag, sasabihin ko sa Kanya na utusan ako na huwag umalis ng bahay.» 

«Makinig, Juan. Pasasamahin kita. Ngunit kailangan na mangako ka sa Akin na kung maramdaman mo na may nagpapabalisa sa iyo, pupunta ka at sasabihin mo sa Akin. Nabigyan mo Ako ng malaking lugod, Juan. Naririto si Pedro dala ang kanyang isda. Lakad, Juan.»

Si Jesus ay kinakausap si Pedro: «Magandang huli?»

«H’m. Hindi masyado. Napakaliit na isda... Ngunit ang lahat ay makakatulong. Si Santiago ay bumubulung-bulong sapagkat may hayop na ngumatngat sa kanyang tali at nawala ang kanyang lambat. Sinabi ko sa kanya: “Hindi ba’t kailangan din niyang kumain? Kailangang maawa ka sa kaawa-awang hayop”. Ngunit si Santiago ay hindi nakikita iyan nang ganyan...» sabi ni Pedro tumatawa.

«Eksakto sa kung ano ang Aking sinasabi tungkol sa isa na isang kapatid ninyo. At na wala kayong kakayahan na gawin.»

«Ang tungkol ba kay Judas ang Inyong sinasabi?»

«Oo, kay Judas. At siya ay naghihirap dahil dito. Ang kanyang mga intensiyon ay mabuti ngunit ang kanyang mga buyó ay lisya. Ngunit sabihin mo sa akin ang isang bagay, Aking batikang mangingisda. Kung gusto Kong mamangka sa Jordan at marating ang lawa ng Gennesaret, ano ang kailangan Kong gawin? Magtatagumpay kaya Ako?»

«Eh! Iyan ay mahirap na trabaho! Ngunit magtatagumpay ka sa pamamagitan ng maliliit na balsa... Isang matrabahong gawáin, alam Ninyo. At isang matagal na gawáin! Kinakailangan na sukatin ang lalim nang walang tigil, bantayan ang mga pampang, ang babaw, ang maliliit na lumulutang na mga kahoy, ang agos. Ang isang panlayag ay walang silbi sa mga kasong ganyan, sa kabaligtaran... Ngunit ibig ba Ninyong bumalik sa lawa sinusundan ang ilog? Huwag kalimutan na mahirap na sumalungat sa agos. Kailangan ninyo ng maraming tao, kung hindi...»

«Tamang-tama ka. Kapag ang isang tao ay mabisyo, kailangan niyang sumalungat sa agos upang makabalik sa tuwid at makitid na landas at siya ay hindi magtatagumpay nang nag-iisa. Si Judas ay eksaktong isa sa mga ito. At hindi mo siya tinutulungan. Ang kaawa-awang tao ay ginagawa ito nang mag-isa lamang siya, sumasadsad siya sa ilalim, nasasagi niya ang mga babaw, nasasabit siya sa maliliit na lumulutang na mga kahoy, natatali siya sa mga kaguluhan. Sa kabilang dako, kung nagsusukat siya ng lalim, hindi niya kasabay na mahahawakan ang timon o magagamit ang mga sagwan. Bakit siya kung gayon kagalitan kung hindi siya makaabante? Naaawa ka sa mga estranghero, ngunit hindi sa kanya, bagama’t siya ay iyong kasamahan. Iyan ay hindi makatarungan. Tingnan mo sa banda roon, siya at si Juan ay patungo sa nayon upang kumuha ng tinapay at mga gulay. Nakiusap siya, bilang isang pabor, na huwag pumunta nang mag-isa. At pinakiusapan niya si Juan, sapagkat siya ay hindi isang tanga, at nalalaman niya kung ano ang iniisip ninyong mas matatanda tungkol sa kanya.»

«At pinasáma Ninyo siya? Halimbawa kung pati si Juan ay maging palalo?»

«Sino? Ang aking kapatid? Bakit siya magiging palalo?» tanong ni Santiago na kararating pa lamang dala ang kanyang lambat na kanyang nakuha ulit sa pulô ng mga tambo.

«Sapagkat si Judas ay lumakad kasama siya.»

«Kailan pa?»

«Magmula ngayon, at pinahintulutan Ko siyang sumama.»

«Bueno, kung pinahintulutan Ninyo siya...»

«At pinapayo Ko sa inyong lahat na ganyang ang gawin. Siya ay labis nang naiiwanang nag-iisa. Huwag maging mga tagapaghusga lamang sa kanya. Siya ay hindi naman mas malala pa kaysa sa marami. Ngunit naging palalo siya nang labis, mula pa sa kanyang pagkabata.»

«Oo, maaaring ganito ito. Kung ang kanyang naging ama ay si Zebedeo at ang kanyang ina si Salome, hindi siya naging ganyan. Ang aking mga magulang ay mabubuti. Ngunit hindi nila kinakalimutan na sila ay may mga karapatan at mga katungkulan sa kanilang mga anak.»

«Ang sinabi mo ay tama. Ako ay magsasalita tungkol diyan ngayon. ³Umalis na tayo ngayon. Nakikita Ko na ang mga pulutong ay kumikilos nang patawid sa mga parang.»

«Hindi ko malaman kung ano ang dapat nating gawin upang mabuhay. Wala nang panahon para kumain, magdasal, magpahinga... at ang pulutong ay palaki na nang palaki» sabi ni Pedro, medyo nagugulat at medyo naiinis.

«Puwede ba? Ito ay tanda na may mga tao pang naghahanap sa Diyos.»

«Oo, Guro. Ngunit naghihirap Kayo gawa nito. Kahapon din naiwan Kayo na wala kahit anong pagkain at kagabi mayroon lamang Kayo ng Inyong manta upang matakpan ang Inyong Sarili. Kung nalaman ito ng Inyong Ina!»

«Pagpapalain Niya ang Diyos Na nagdadala ng napakaraming naniniwala sa Akin.»

«At kagagalitan Niya ako na Kanyang pinakiusapan na tingnan-tingnan Kayo» hinuha ni Pedro.

Si Felipe at si Bartolomeo ay bumababa patungo sa kanila pakaway-kaway. Nakita nila si Jesus, binilisan ang kanilang páglakad at nagsabi: «O! Guro! Ano ang gagawin natin? May isang tunay na perigrinasyon: mga imbalido, mga taong umiiyak at mahihirap na tao na walang kahit anong pamamaraan, na mga nanggaling sa napakalayo.»

«Bibili tayo ng ilang tinapay. Ang mayayaman ay nagbibigay ng mga limos. Ang tanging gagawin natin ay ang gamitin ang mga ito.»

«Ang mga araw ay maikli. Ang silungan ay nagsisiksikan sa mga taong nagkakampo roon. Ang mga gabi ay basâ at malamig.»

«Tama ka, Felipe. Magsisiksikan tayo sa isa sa mga malalaking silid. Magagawa ito, at aayusin natin ang dalawa pang silid para sa mga hindi makakarating sa kanilang mga bahay bago gumabi.»

«Alam ko na! Bago magtagal hihingi tayo ng permiso sa ating mga panauhin para makapagpalit tayo ng ating mga damit. Magiging napaka-pakialamero nila na mapipilitan tayong umalis» bulong ni Pedro.

«Makakakita ka ng ibang-ibang pagdagsa, Aking mahal na Pedro! Ano ang nangyayari sa babaeng iyon?» Sila ngayon ay nasa lugar na ng giikan at nakikita ni Jesus ang isang babaeng umiiyak.

«Sino ang nakakaalam! Siya ay naririto rin kahapon at kahapon din siya ay umiiyak. Noong Kayo ay nakikipagusap kay Manaen siya ay kumilos upang pumunta sa Inyo, pagkatapos siya ay umalis. Maaaring siya ay nakatira sa nayon o sa malapit lang, sapagkat siya ay bumalik. Hindi siya nagmumukhang may-sakit...»

«Kapayapaan sa iyo, babae» sabi ni Jesus dumaraan malapit sa kanya.

At tumugon siya sa mababang tinig «At sa Inyo.» Wala nang iba pa.

Maaaring may tatlong daan katao man lamang dito. Sa ilalim ng silungan ay may mga piláy, bulág, pipi, may isang lalaki na nanginginig mula ulo hanggang paa, may isang bata-pang lalaki na kitang-kita na may pamamaga ang ulo, na ang kaninong kamay ay hawak ng isang lalaki. Wala siyang ginagawa bagkus ang umatungal, maglaway at iiling ang nagmumukhang tulalang malaking ulo.

«Siya ba kaya ay ang anak ng babaeng iyon?» tanong ni Jesus.

«Hindi ko alam. Si Simon ang tumitingin sa mga peregrino at malalaman niya.»

Tinawag nila ang Zealot at tinanong siya. Ngunit ang lalaki ay hindi ang kasama ng babae. Ang babae ay nag-iisa. «Wala siyang ginagawa bagkus ang umiyak at magdasal. Kani-kanina lamang tinanong niya ako: “Nanggagamot din ba ang Guro ng mga sakit ng puso?”» paliwanag ng Zealot.

«Baka ang kanyang asawa ay hindi naging matapat sa kanya» wika ni Pedro.

Habang patungo si Jesus sa mga maysakit, sina Bartolomeo at Mateo ay patungo sa ilog kasama ang mga peregrino para sa ritwal ng puripikasyon.

Ang babae ay umiiyak sa kanyang sulok at hindi gumagalaw.

⁴Si Jesus ay hindi nagkakait ng himala sa kahit sino. Ang ganda ng pagpapagaling sa tatanga-tangang bata kung kanino hiningahan ni Jesus ng katalinuhan, hinahawakan ang Kanyang malaking ulo sa pagitan ng Kanyang mahahabang palad. Lahat sila ay nag-ipun-ipon sa paligid Niya. Ang nakatalukbong na babae, baka dahil may malaking pagtitipon ng mga tao, ay nangahas na lumapit at nakatayo siya malapit sa umiiyak na babae. Si Jesus ay nagsabi sa tanga: «Gusto Ko na ang liwanag ng katalinuhan ay mapasaiyo upang magkaroon ng daan patungo sa liwanag ng Diyos. Makinig: sabihin nang kasabay Ko: “Jesus”. Sabihin iyan. Gusto Ko iyan.»

Ang tangang bata-pang lalaki, na dati ay makapag-aatungal lamang katulad ng isang hayop, ay bumulung-bulong nang may-kahirapan: “Jesus», o kung baga: «Jejus.»

«Ulit» utos ni Jesus hawak pa rin ang ulo na wala-sa-porma sa pagitan ng Kanyang mga palad at pinangingibabawan Niya siya sa pamamagitan ng Kanyang mga mata.

«Jes-us.»

«Ulit.»

«Jesus!» sabi sa wakas ng kaawa-awang tanga,  na ang kaninong mga mata ay hindi na ang dating walang–damdamin at ang kanyang mga labì ngayon ay ngumingiti sa ibang pamamaraan.

«Mamâ» sabi ni Jesus sa kanyang ama. «Ikaw ay nanampalataya! Ang iyong anak ay magaling na. Tanungin siya. Ang pangalan na Jesus ay mahimala laban sa mga sakit at sa masisimbuyong damdamin.»

Ang mamâ ay tinanong ang kanyang anak: «Sino ako?»

At ang bata: «Aking ama.»

Ang mamâ ay idiniin ang kanyang anak sa kanyang puso at nagwika: «Siya ay ipinanganak na ganyan. Ang aking asawa ay namatay sa panganganak at may humahadlang sa utak ng bata at sa kanyang pananalita. Ngayon nakikita Ninyo.  Oo, ako ay nanampalataya. Ako ay taga-Joppa. Ano ang kailangan kong gawin para sa Inyo, Guro?»

«Maging mabuti. At ang inyong anak din. Wala nang iba pa.»

«At mahalin Kayo. O! Tayo na at sabihin sa iyong lola. Kinumbinsi niya akong pumunta. Pagpalain nawa siya!»

Ang dalawa ay umalis na masaya. Ang tanging alaala ng nakaraang kamalasan ay ang malaking ulo ng bata. Ang kanyang damdamin at pananalita ay normal.

⁵«Ngunit siya ba ay napagaling ng Inyong kalooban o ng kapangyarihan ng Inyong Pangalan?» tanong ng marami.

«Ng kalooban ng Ama, Na laging mapagbigay-loob sa Kanyang Anak. Ngunit ang Akin ding Pangalan ay kaligtasan. Alam ninyo: ang Jesus ang ibig-sabihin ay Tagapagligtas. May isang kaligtasan ng isang kaluluwa at isang kaligtasan ng katawan. Ang sinumang bumibigkas ng Pangalan ni Jesus nang may totoong pananampalataya ay napalalaya sa sakit at kasalanan, sapagkat sa bawat espirituwal at pisikal na sakit ay may kuko ni Satanas na gumagawa ng pisikal na mga sakit upang maitulak ang mga tao sa pagrerebelde at sa kawalang-pag-asa sa pamamagitan ng mga kirot ng laman, at lumilikha siya ng moral o espirituwal na mga sakit upang madala ang mga kaluluwa sa kapahamakan.»

«Kung gayon, ayon sa Inyo, si Beelzebub ay hindi nawawala sa lahat ng mga pagdurusa ng sangkatauhan.»

«Hindi, hindi siya nawawala. Sa pamamagitan niya ang sakít at kamatayan ay nakapasok sa mundo. At ang krimen at kurupsiyon ay nakapasok din sa mundo sa pamamagitan niya. Kapag nakakakita kayo ng sinuman na pinahihirapan ng kamalasan, makatitiyak kayo na siya ay naghihirap dahil sa kanya. Kapag nakakita kayo ng sinuman na siyang ang dahilan ng kamalasan, makapaghihinuha kayo na siya ay isang instrumento ni Satanas.»

«Ngunit ang sakit ay nanggagaling sa Diyos.»

«Ang sakit ay isang kawalang-kaayusan sa kaayusan. Sapagkat nilikha ng Diyos ang tao nang malusog at perpekto. Ang kawalang-kaayusan na ginawa ni Satanas sa kaayusan na ibinigay ng Diyos, ay dinala nito ang sakit ng laman at ang mga resulta nito, ibig-sabihin, ang kamatayan o ang nakapamimighating pamana. Namana ng tao mula kina Adan at Eba ang orihinal na kasalanan. Ngunit hindi lamang iyan. At ang batik ay lumawak nang lumawak sinasakop ang tatlong sangay ng tao: ang laman na naging mas lalu’t lalo pang mabisyo at dahil dito naging mahina at nagkakasakit, ang mga moral na naging mas lalu’t lalo pang mapagmalaki at kung gayon naging marumi, ang espiritu na naging mas lalu’t lalo pang di-makapaniwala at kung gayon naging mas lalu’t lalo pang mapagsamba sa mga diyus-diyusan. Iyan kung bakit kinakailangan, katulad ng Aking ginawa sa kaawa-awang tatanga-tanga, na ituro ang Pangalan na nagpapalayas kay Satanas, iniuukit Ito sa mga isip at mga puso, inilalagay Ito sa kaakuhan ng isa bilang isang selyo ng pag-aari.»

«Ngunit Kayo ba ang nagmamay-ari sa amin? Sino Kayo, na labis Ninyong pinahahalagahan ang Inyong Sarili?»

«Sana ganito nga ito! Ngunit hindi ito ganito. Kung Ako ang nagmamay-ari sa inyo, ligtas na sana kayo. At ito ay magiging Aking karapatan. Sapagkat Ako ang Tagapagligtas at dapat nasa Akin ang mga taong nailigtas na. Ngunit maililigtas Ko ang mga taong may pananampalataya sa Akin.»

«Si Juan... Ako ay nanggaling kay Juan, sinabi niya sa akin: “Pumunta sa Kanya na nagtuturo at nagbibinyag malapit sa Ephraim at Jericho. Siya ay may kapangyarihan na magpatawad at magpanatili samantalang masasabi ko lamang sa inyo: magtika upang ang inyong kaluluwa maging maliksi sa pagsunod sa kaligtasan”» sabi ng isa na mahimalang napagaling at dati ay naglalakad na may mga saklay samantalang ngayon siya ay nakakakilos nang mabilis.

«Si Juan ba ay hindi naghihirap sa pagkawala ng mga tagasunod?» tanong ng isa.

At ang una na nagsalita kanina ay tumugon: «Naghihirap? Sinasabi niya sa bawat isa: “Lakad! Lakad! Ako ay ang bituin na lumulubog. Siya ay ang Bituin na tumataas at nakatalagang magningning nang magpasawalanghanggan. Kung ayaw ninyong maiwan sa kadiliman, pumunta sa Kanya bago maubos ang aking mitsa”.»

«Ang mga Pariseo ay hindi iyan sinasabi! Sila ay punó ng mapait na kapootan sa Inyo sapagkat nakukuha Ninyo ang mga pulutong. Nalaman ba Ninyo iyan?»

«Alam Ko» maikling tugon ni Jesus.

Nagsimula silang magtalu-talo tungkol sa mga tama at mga maling kilos ng mga Pariseo. Ngunit si Jesus ay pinutol ito kaagad nagsasabing: «Huwag mamintas» nang napakahigpit na walang tugon ang maaaring gawin.

Sina Bartolomeo at Mateo ay dumating kasama ang mga nabinyagan.

⁶Si Jesus ay nagsimulang magsalita.

«Kapayapaan sa inyong lahat.

Dahil pumupunta kayo rito sa umaga at mas komportable para sa inyo ang umalis sa katanghalian ng araw, nagpasya Akong magsalita sa inyo tungkol sa Diyos sa umaga. Naisip Ko rin na magbigay ng ospitalidad sa mga peregrino na hindi makakabalik sa kanilang mga tahanan bago gumabi. Ako ay isang peregrino Mismo at taglay Ko ang pinaka kailangang-kailangang mga bagay lamang na maibibigay sa Akin ng isang maawaing kaibigan. Mas kakaunti pa nga ang mayroon si Juan kaysa sa mayroon Ako. Ngunit ang malulusog na tao, o ang hindi masyadong may-sakit, ang pumupunta kay Juan, katulad ng mga pilay, bulag o mga pipi. Ngunit hindi ang mga namamatay, o apektado ng mataas na temperatura katulad ng pumupunta sa Akin. Sila ay pumupunta kay Juan para sa isang binyag ng pagtitika. Pumupunta rin kayo sa Akin upang mapagaling sa inyong mga katawan. Ang Batas ay nagsasabi: “Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmahal mo sa iyong sarili”. Iniisip Ko at sinasabi Ko: Papaano Ko maipakikita ang pagmamahal Ko sa Aking mga kapatid, kung isinasara Ko ang Aking puso sa kanilang mga pangangailangan at sa kanilang pisikal na mga pangangailangan? At naghihinuha Ako: ibibigay Ko sa kanila kung ano ang ibinigay sa Akin. Nakaunat ang Aking palad sa mayayamang tao, manghihingi Ako ng tinapay para sa mahihirap, pinagkakaitan ang Aking Sarili ng Aking higaan pahihigain Ko rito ang sinuman na napapagod at naghihirap.

Tayong lahat ay mga magkakapatid. At hindi kayo nagbibigay ng katibayan ng inyong pagmamahal sa pamamagitan ng mga salita bagkus ng mga gawa. Ang sinuman na isinasara ang kanyang puso sa kanyang kapwa, ay may isang pusong katulad ng kay Cain. Ang sinuman na walang pagmamahal, ay isang rebelde laban sa kautusan ng Diyos.  Tayong lahat ay magkakapatid. Ngunit nakikita Ko, at nakikita rin ninyo, na may kapootan at di-pagkakasundo sa loob ng isang pamilya, kung saan pinatutunayan ng pagkakaparehong dugo at laman ang pagkakapatiran na pinaabot sa atin mula kay Adan. Ang magkakapatid ay laban sa magkakapatid, ang mga anak ay laban sa kanilang mga magulang, at ang mga magulang ay palabán sa isa’t isa.

Ngunit upang hindi maging laging masasamang kapatid, at sa hinaharap mga mapangalunyang mga asawang lalaki at babae, kinakailangan na matutunan nila mula sa murang edad ang paggalang sa pamilya, na siyang ang pinakamaliit at pinakadakilang organisasyon sa mundo.  Ang pinakamaliit kompara sa organisasyon ng isang bayan, ng isang rehiyon, ng isang bansa, ng isang kontinente. Ngunit ang pinakadakila sapagkat ito ang pinaka matagal na; sapagkat ito ay itinatag ng Diyos, nang ang konsepto ng amangbayan, ng bansa ay wala pa, ngunit ang nukleo ng pamilya ay buhay na at aktibo, ang pinanggagalingan ng lahi at mga lahi, isang maliit na kaharian kung saan ang lalaki ay isang hari, ang babae reyna at ang mga anak mga nasasakupan. Ang isang kaharian ba ay tatagal kung ito ay hatí at mayroong samáan-ng-loob sa pagitan ng mga naninirahan dito? Hindi ito tatagal. At totoong ang isang pamilya ay hindi tatagal kung ito ay nagkukulang ng pagsunod, respeto, ekonomiya, mabuting kalooban, aktibidad, pagmamahal.

⁷”Igalang mo ang iyong ama’t ina” sabi ng Dekalogo. Papaano sila igagalang? Bakit sila kailangang igalang?

Sila ay naigagalang sa pamamagitan ng tunay na pagsunod, ng tamang pagmamahal, ng nagmamahal na paggalang, ng isang magalanging takot na hindi nagpipigil sa kompiyansa, ngunit kasabay na hindi rin tayo nagagawang tratuhin natin ang ating mga nakatatanda na tila tayo ay mga alipin at mga walang halaga. Sila ay kailangang igalang sapagkat pagkatapos ng Diyos, ang isang ama at isang ina ay siyang mga tagapagbigay ng buhay at ng lahat na materyal na kinakailangan ng buhay, sila ang unang mga tagapagturo at unang mga kaibigan ng bata na ipinanganganak sa lupa.

Sinasabi natin: “Pagpalain ka nawa ng Diyos” o “Salamat sa iyo” kung may isang pumulot sa isang bagay na ating nawaglit o nagbigay sa atin ng isang piraso ng tinapay. Hindi ba natin sasabihin, nang may pagmamahal: “Pagpalain ka nawa ng Diyos” o “Salamat sa iyo” sa mga nagbabanat ng kanilang mga buto sa pagtatrabaho para tayo mapakain, naghahabi ng ating mga damit at nagpapanatili sa mga ito na malinis, na mga bumabangon sa kanilang mga higaan upang bantayan ang ating pagtulog, na pinagkakaitan ang kanilang mga sarili ng kanilang kapahingahan upang tayo ay mapagaling, at makagawa ng mahihigaan para sa atin sa ibabaw ng kanilang mga lapi, kapag tayo ay pagod na pagod at namimighati?

Sila ay ating mga tagapagturo. Ang isang tagapagturo ay kinatatakutan at iginagalang. Ngunit ang isang titser (ng eskuwelahan) ay kinukuha tayo kapag alam na natin ang bagay na hindi kailangang mawala upang masuportahan at mapakain natin ang ating mga sarili at masabi natin ang kinakailangang mga bagay, at iniiwan niya tayo kung kailan kailangan pa natin na maturuan ng pinakamahirap na leksiyon sa buhay, ibig-sabihin, “upang mabuhay”. Ang ating mga ama’t ina ang naghahanda sa atin para sa eskuwelahan muna, at pagkatapos para sa pamumuhay.

Sila ay ang ating mga kaibigan. Ngunit alin na kaibigan ang mas mapagkaibigan pa kaysa sa isang ama? At alin ang mas mapagkaibigan pa kaysa sa isang ina? Maaari ba kayong matakot sa kanila? Masasabi ba ninyo: “Ako ay pinagtaksilan ng itay o ng inay”? Subalit naririyan ang isang tangang batang lalaki o ang mas tanga pang batang babae, na nakikipagkaibigan sa mga estranghero at isinasara ang kanilang mga puso sa kanilang ama’t ina at pinapalalo ang kanilang mga isipan at mga puso sa pamamagitan ng masasama kung hindi mga may-pagkakasalang  pakikipagkaibigan, na siyang ang dahilan ng mga luha ng ama’t ina, na katulad ng mga patak ng tunáw na tingga ay nanununog sa mga puso ng kanilang mga magulang. Ang mga luhang iyon, sasabihin Ko sa inyo, ay hindi bumabagsak sa alikabok o sa pagkalimot. Pinupulot ito ng Diyos at binibilang ito. Ang paghihirap ng damdamin ng isang niyayapakan na magulang ay tatanggap ng gantimpala mula sa Panginoon. Ngunit ang asal ng isang anak na nagpapahirap sa kanyang mga magulang ay hindi rin makakalimutan, kahit na kung ang ama at ina, sa kanilang namimighating pagmamahal, ay mangusap sa Diyos ng awa para sa kanilang nagkasalang anak.

Ito ay sinabi: “Igalang mo ang iyong ama’t ina, kung ibig mong magkaroon ng mahabang buhay sa lupa”. At dinadagdag Ko: “At sa magpasawalanghanggan sa Langit”. Ang isang maikling pamumuhay dito ay napakagaan na kaparusahan para sa mga nananakit sa kanilang mga magulang! Ang búhay na darating ay hindi isang kuwentu-kuwento lamang, at sa búhay na darating ay magkakaroon ng isang gantimpala o isang kaparusahan ayon sa kung papaano tayo namuhay. Ang nananakit sa isang magulang, ay nananakit sa Diyos, sapagkat ipinag-uutos Niya na mahalin natin ang ating mga magulang, at sinuman ang hindi nagmamahal sa kanila, ay nakagagawa ng kasalanan. Sa gayon, kaysa sa kanyang materyal na buhay, nawawala sa kanya ang totoong buhay na siyang Aking binanggit sa inyo, at papunta siya sa kamatayan, hindi, bagkus, siya ay patay na, sapagkat ang kanyang kaluluwa ay pinagkaitan na ng grasya ng Diyos, siya ay isa nang kriminal sapagkat sinasaktan niya ang pinakabanal na pagmamahal pagkatapos ng pagmamahal ng Diyos, nasa kanyang sarili mismo ang mikrobyo ng mga mapangalunya sa hinaharap, sapagkat mula sa pagiging isang masamang anak siya ay magiging isang di-matapat na asawa, taglay na niya ang insentibo na pagkaitan ng lipunan, sapagkat nanggagaling sa isang masamang anak ang magnanakaw sa hinaharap, ang mabangis na marahas na mamamatay-tao, ang manhid na usurero, ang mapangutyang hedonista, ang nakauuyam na taksil ng kanyang amangbayan, ng kanyang mga kaibigan, ng kanyang mga anak, ng kanyang asawa, ng lahat... Mapahahalagahan ba ninyo o mapagkakatiwalaan ang isang tao na napagtataksilan niya ang pagmamahal ng isang ina o napagtatawanan niya ang puting mga buhok ng isang ama?

Ngunit makinig nang kaunti pa: sa katungkulan ng mga anak ay may katapat na katungkulan ng mga magulang. Isumpa ang nagkasalang anak! Ngunit isumpa rin ang nagkasalang magulang. Huwag gawin na kayo ay pintasan at gayahin ng inyong mga anak sa paggawa ng mali. Gawin na kayo ay mahalin nila gawa ng pagmamahal na binibigay ninyo sa kanila nang may katarungan at awa. Ang Diyos ay awa. Gawin na ang mga magulang, na mga pangalawa lamang sa Diyos, na maging awa. Maging isang halimbawa at konsolasyon sa inyong mga anak. Maging kanilang kapayapaan at gabay. Maging mga unang pag-ibig ng inyong mga anak. Ang isang ina ay laging ang unang imahe ng nobya na gusto nating magkaroon. Ang isang ama  para sa kanyang mga anak na babae ay ang unang imahe ng asawa na kanilang pinapangarap. Umasal sa pamamaraan na ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay maging marunong sana sa pagpili ng kanilang magiging asawa, iniisip ang kanilang ama at ina at hinahanap sa kanilang mga asawa ang sinsirong mga birtud ng kanilang mga magulang.

Kung Ako ay magsasalita hanggang sa mapuspos ang buong paksa, ang isang buong araw at gabi ay hindi sasapat. Kung kaya't, alang-alang sa inyo, pipigilan Ko ang Aking talumpati. Harinawang ang Eternal na Espiritu ay sabihin sa inyo ang iba pa. Ikinakalat Ko ang binhi at Ako ay magpapatuloy. Ngunit sa mabubuting tao ang binhi ay magkaka-ugat at mamumunga. Humayo, Ang kapayapaan ay sumainyo.»

⁸Ang mga kailangan na umalis, ay umalis nang mabilis. Ang mga mananatili, ay pumunta sa ikatlong malaking silid at kinakain ang kanilang tinapay o ang tinapay na binigay sa kanila ng mga disipulo sa ngalan ng Diyos. Ang mga tabla at mga dayami ay nailagay na sa ibabaw ng mga pangkabukirang mga tukod upang ang mga peregrino ay makatulog doon.

Ang nakatalukbong na babae ay umalis nang may mabibilis na hakbang, ang isa pa na umiiyak kanina at umiiyak lagi habang nagsasalita si Jesus, ay palakad-lakad sa paligid, hindi makapagpasya sa kung ano ang gagawin, pagkaraan ay nagpasya at umalis.

Si Jesus ay pumunta sa kusina upang kunin ang Kanyang pagkain. Ngunit kasisimula pa lamang Niyang kumain nang sila ay kumatok sa pinto.

Si Andres, na siyang pinakamalapit dito, ay tumayo at lumabas patungo sa bakuran. Siya ay nagsasalita at pagkatapos bumalik sa loob: «Guro, ang isang babae, ang isang umiiyak, ay kailangan Kayo. Sinasabi niya na kailangan niyang umalis at kailangan na makausap Kayo.»

«Kung magpapatuloy tayo nang ganito, kailan at papaano makakain nang kaunti ang Guro?» bulalas ni Pedro.

«Sinabi mo sana sa kanya na bumalik saka na» sabi ni Felipe.

«Manahimik. Kakain Ako saka na. Magpatuloy kayong kumain.»

Si Jesus ay lumabas. Ang babae ay naroon sa labas.

«Guro... isang salita... Sinabi Ninyo... O! Halikayo sa likuran ng bahay! Masakit na sabihin ang aking kapighatian!»

Si Jesus ay pinagbibigyan siya nang walang sinasabi kahit ano. Noong Siya ay nasa likuran na ng bahay saka Siya nagtanong: «Ano ang kailangan mo sa Akin?»

«Guro... napakinggan ko Kayo dati, noong Kayo ay nagsasalita sa pagitan namin... at pagkatapos napakinggan ko Kayo noong Kayo ay nagtuturo. Kayo ay tila nagsalita nang para lamang sa akin. Sinabi Ninyo na sa bawat pisikal o moral na sakit ay naririyan si Satanas... Mayroon akong isang anak na lalaki na ang puso ay may sakit. Sana napakinggan niya Kayo nang Kayo ay nagsasalita ng tungkol sa mga magulang! Siya ang aking paghihirap. Gawa ng masasamang kaibigan siya ay naligaw at siya ang eksaktong Inyong sinabi... isang magnanakaw... sa bahay pansamantala, ngunit... siya ay palaaway, labis na mapangibabaw... Bata-pang katulad niya, sinisira niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kahalayan at mga paglalasing. Ang aking asawa ay ibig siyang palayasin. Ako... ako ang kanyang ina at ako ay namamatay na nadudurog ang puso. Tingnan kung papaano ang aking dibdib umaalsa. Ito ay ang aking puso na nadudurog gawa ng kirot. Matagal ko na Kayong ibig na makausap mula pa kahapon sapagkat... umaasa ako sa Inyo, aking Diyos. Ngunit hindi ako maglakas-loob na magsalita. Napakasakit para sa isang ina na kailangang magsabi: “Mayroon akong isang malupit na anak”!» Ang babae ay umiiyak, baluktot at naghihirap, sa harapan ni Jesus.

«Huwag nang umiyak pa. Siya ay mapapagaling sa kanyang sakit.»

«Oo, mapapagaling siya, kung mapapakinggan niya Kayo. Ngunit ayaw niyang mapakinggan Kayo. O! hindi na siya kailanman mapapagaling!»

«May pananampalataya ka ba sa Akin para sa kanya? Gusto mo bang mapunta sa kanyang lugar?»

«Bakit tanungin ako? Pumunta ako rito mula sa High Perea upang pakiusapan Kayo sa katauhan niya...»

«Kung gayon humayo. Pagdating mo sa iyong bahay, darating ang iyong anak upang salubungin ka nagsisisi.»

«Ngunit papaano?»

«Papaano? Sa palagay mo hindi magagawa ng Diyos ang Aking hinihingi? Ang iyong anak ay naroroon. Ako ay naririto. Ngunit ang Diyos ay nasa lahat na lugar. Sinasabi Ko sa Diyos: “Ama, maawa sa inang ito”. At ang tawag ng Diyos ay uugong katulad ng kulog sa loob ng puso ng iyong anak. Humayo, babae. Isang araw Ako ay dadaan sa mga nayon ng iyong kabukiran at ikaw, isang nagmamalaking ina tungkol sa iyong anak ay darating kasama siya upang salubungin Ako. At kapag siya ay umiyak sa iyong mga tuhod, humihinging siya ay patawarin mo at sabihin niya sa iyo ang misteryosong pakikibaka mula kung saan siya ay nakalabas na may bagong kaluluwa at tanungin ka kung papaano iyon nangyari, sabihin sa kanya: “Iyon ay sa pamamagitan ni Jesus na ikaw ay nakabalik sa isang tapat na pamumuhay”. Magsalita ng tungkol sa Akin sa kanya. Kung ikaw pumunta sa akin, ang ibig sabihin nito alam mo ito. Paalamin siya at gawin siyang isipin ang tungkol sa Akin upang siya ay sana magkaroon ng lakas ng kaligtasan. Paalam. Kapayapaan sa ina na may pananampalataya, sa anak na bumabalik, sa ama na masaya, sa nagkakaisang pamilya. Lakad!»

Ang babae ay nagpatungo sa nayon at ang lahat ay nagtatapos.

(654) 081010/062613

 

Sunod na kabanata.