132. Si Jesus sa Clear Water. Ang Pagtatapos.

Marso 17, 1945.

¹«Aking mga anak sa Panginoon, ang Kapistahan ng Puripikasyon ay malapit na, at Ako, ang Liwanag ng mundo, ay pinadadala kayo na handa na may pinakamaliit na kakailanganin upang maipagdiwang ito nang maayos. Ito ang unang liwanag ng kapistahan mula kung saan mapaliliwanagan ninyo ang iba pang mga tao. Sapagkat siya na nagkukunwaring masindihan ang maraming lampara nang hindi sa pamamaraan na masindihan ang unang lampara, ay magiging tangang-tanga. At magiging mas tangang-tanga pa ang magkukunwaring simulan ang kanyang sariling pagpapabanal mula sa pinaka mahirap na gawain na mga bagay, kinakaligtaan kung ano ang pinaka batayan ng di kailanman-mababagong  pagtatayo ng perpeksiyon: ang Dekalogo.

²Mababasa natin sa Aklat ng mga Macabeo na si Judas kasama ang kanyang mga tauhan, pagkatapos na masakop muli ang Templo at ang Siyudad sa pamamagitan ng proteksiyon ng Panginoon, ay sinira ang mga altar at ang mga templo ng banyagang mga diyos at pinadalisay ang Templo. Nagtayo siya pagkatapos ng altar, at sa pamamagitan ng pangkiskis na bato nagsindi siya ng apoy, nag-alay ng mga sakripisyo, nagsunog ng insenso, inilagay ang mga ilaw at inilatag ang tinapay ng proposisyon at pagkatapos, lahat sila ay nagpatirapa at pinakiusapan ang Panginoon na hindi na sila gawing magkasala pa at kung, dala ng kanilang kahinaan, sila ay magkasalang muli, sila ay tratuhin na may dibinong awa. At iyan ay nangyari noong ika dalawampu’t lima ng Chislev.

Ating tingnan at gamitin ang salaysay sa ating mga sarili, sapagkat ang bawat salita sa kasaysayan ng Israel, ang piniling sambayanan, ay may espirituwal na ibig sabihin. Ang buhay ay laging isang leksiyon. Ang buhay ng Israel ay isang katuruan hindi lamang para sa ating makalupang mga araw, bagkus para din sa pananakop sa eternal na mga araw.

”Sinira nila ang mga altar at ang paganong mga templo”.

Iyan ang unang operasyon. Ang isang sinabi Ko sa inyo noong Aking binanggit ang indibidwal na mga diyos na humahalili sa lugar ng totoong Diyos: ang idolatra ng pagiging makalaman, ng ginto, ng pagmamalaki, ng kapital na mga bisyo at humahantong sa kalapastanganan at kamatayan ng kaluluwa at ng katawan at sa kaparusahan ng Diyos. Hindi Ko kayo pinahirapan sa pamamagitan ng di-mabilang na mga pormularyo na ngayon siyang sumisiil sa mga naniniwala at ngayon isang balwarte laban sa totoong Batas, na sinisiil at tinatabunan ng bulto-bultong mga panlabas na mga prohibisyon, na sa pamamagitan ng pinaka paniniil nito nagagawa ang mga naniniwala na di na makita ang walang-paglihis na malinaw na tinig ng Panginoon Na nagsasabi: “Huwag manumpa. Huwag sumamba sa hindi Diyos. Huwag lumapastangan ng mga kapistahan. Huwag hamakin ang inyong mga magulang. Huwag pumatay. Huwag makiapid. Huwag magnakaw. Huwag magsinungaling. Huwag hangarin ang pag-aari ng ibang tao. Huwag hangarin ang asawa ng inyong kapwa”. Sampung mga prohibisyon. Wala nang isa pa. At ito ay ang sampung haligi ng templo ng kaluluwa. Sa itaas nito ay nagniningning ang ginto ng pinakabanal na alituntunin: “Mahalin ang inyong Diyos. Mahalin ang inyong kapwa”. Ito ang koronasyon ng templo. Ito ang proteksiyon ng mga pundasyon nito. Ito ang kaluwalhatian ng tagapagtayo nito.

Kung walang pagmamahal hindi masusunod ang sampung alituntunin at ang mga haligi ay babagsak, ang lahat nito o ang ilan, at ang templo ay babagsak, ang lahat o bahagi nito. Ngunit lagi na itong isang kasiraan at hindi na makatatanggap sa Kabanalbanalan. Gawin ang sinabi Ko sa inyo, buwagin ang tatlong kasakiman. Maging sinsiro sa pagbibigay ng pangalan sa inyong mga bisyo, katulad na ang Diyos ay sinsiro sa pagsasabi sa inyo: “ Huwag gawin ito o iyon”. Walang silbi ang pagpapaganda sa mga porma. Ang nagmamahal sa sarili nang mas higit pa kaysa sa kanyang pagmamahal sa Diyos, maging ano pa man ang pagmamahal na iyan, ay isang idolatra. Ang nananawagan sa Diyos nagsasabing siya ay Kanyang lingkod at pagkatapos hindi Siya susundin, ay isang rebelde. Ang nagtatrabaho gawa ng kasakiman sa araw ng Sabbath ay isang di-mapagkakatiwalaan na mapagbakasakaling tagapaglapastangan. Ang tumatanggi ng tulong sa kanyang mga magulang, naghaharap ng dahilan sa tunay na mga motibo, kahit na kung sasabihin niya na ang mga ito ay mga gawaing ibinibigay sa Diyos, ay isang kinapopootan ng Diyos, Na siyang naglalagay ng mga ama at mga ina bilang Kanyang imahe sa lupa. Ang pumapatay ay lagi nang isang mamamatay-tao. Ang nakikiapid ay lagi nang mahalay. Ang nagnanakaw ay lagi nang isang magnanakaw. Ang nagsisinungaling ay lagi nang hindi kanais-nais. Ang naghahangad ng hindi naman kanya, ay lagi nang isang sakim na nakasusuklam na masiba. Ang nanlalapastangan ng isang higaan ng mag-asawa ay lagi nang marumi.

Ganyan iyan. At paaalalahanan Ko kayo na pagkatapos ng pagtayo ng gintong guya, dumating ang galit ng Panginoon; pagkatapos ng idolatriya ni Solomon nagkaroon ng di-pagkakasunduan na naghati-hati at nagpahina sa Israel; at ang ating kasalukuyang kasawiang-palad ng espiritu, kapalaran at kabansaan ay dumating pagkatapos na tanggapin ang Hellinismo, hindi, bagkus, pagkatapos na ipinakilala at tinanggap ito ng di-karapat-dapat na mga Judaean sa ilalim ni Antiochus Epiphanes. Pinaaalalahanan Ko kayo na sina Nadab at Abihu, mga huwad na mga lingkod ng Diyos, ay hinampas ni Jehovah. Alalahanin na ang manna ay hindi banal sa araw ng mga Sabbath. Alalahanin sina Cam at Absalom. At inaalaala Ko ang kasalanan ni David laban kay Uriah at ang kasalanan ni Absalom laban kay Amnon. Inaalaala Ko ang katapusan nina Absalom at Amnon, ang kapalaran ni Heliodorus, isang magnanakaw, at nina Simon at Menelaus. Pinaaalalahanan Ko kayo tungkol sa walang-dangal na naging katapusan ng dalawang huwad na mga nakatatanda na nagsaksi ng kasinungalingan laban kay Susanna. At Ako ay makapagpapatuloy sa pagbibigay ng mga halimbawa nang hindi makakakita ng katapusan sa mga ito. Ngunit tayo ay bumalik sa mga Macabeo.

“At kanilang pinadalisay ang Templo”.

Hindi sapat ang magsabi: “Sinira ko”. Kinakailangan na sabihin: “Pinadalisay ko”. Sinabi Ko na sa inyo kung papaano napadadalisay ang isang tao: sa pamamagitan ng may kababaang-loob at sinsirong pagsisisi. Walang kasalanan na hindi patatawarin ng Diyos kung ang nagkasala ay totoong nagsisisi. Magkaroon ng pananampalataya sa Dibinong Kagandahang-Loob. Kung magagawa ninyong maintindihan kung ano ang Kagandahang-Loob na iyan, kahit na kung ang lahat ng mga kasalanan ng mundo ay nakapatong sa inyo, hindi kayo lalayo sa Diyos, sa kabaligtaran tatakbo kayo sa Kanyang paanan, sapagkat tanging ang Kabuti-butihang Isa ang makapagpapatawad sa hindi napapatawad ng tao.

“At sila ay nagtayo ng isa pang altar”.

O! Huwag tangkain na linlangin ang Panginoon. Huwag maging huwad sa inyong kinikilos. Huwag paghaluin ang Diyos at si Mammon. Magkakaroon kayo ng walang-laman na altar: ang altar ng Diyos. Sapagkat walang pakinabang ang magtayo ng isang bagong altar kung naroon pa ang tira ng dati. Ang Diyos o ang idolo. Mamili kayo.

“At nagpadikit sila ng apoy sa pamamagitan ng pangkiskis na bato at ng tinting”.

Ang pangkiskis na bato ay ang matatag na kalooban na maging pag-aari ng Diyos. Ang tinting ay ang mithiin na mabura sa puso ng Diyos kahit ang alaala ng inyong kasalanan sa loob ng natitirang panahon ng inyong buhay. Pagkatapos ang apoy ay pinaniningas: pagmamahal. Sapagkat ang isang anak na sa pamamagitan ng isang marangal na pamumuhay nagsisikap na maaliw ang magulang na kanyang nasaktan, ay minamahal ang kanyang ama, dahil ibig niyang siya’y maging masaya gawa ng kanyang anak, na dati ay ang dahilan ng kanyang mga luha at ngayon kanya nang lugod.

Ngayon, sa puntong ito, maaari na kayong gumawa ng mga sakripisyo, magsunog ng insenso, maglatag ng mga ilawan at mga tinapay. Ang mga sakripisyo ay magiging katanggap-tanggap ng Diyos,  at ang mga panalangin kaibig-ibig, ang altar ay totoo ngang aapoy, mayaman sa pagkain ng inyong pang-araw-araw na mga alay. Maaari kayong makapagdasal nagsasabing: “Maging aming protektor”,  sapagkat Siya ay magiging inyong kaibigan. Ngunit ang Kanyang awa ay hindi naghintay para sa inyo na hingin ito. Inasahan  nito ang inyong mithiin. At pinadala Niya sa inyo ang Awa upang sabihin: “Umasa. Sinasabi Ko sa inyo: ang Diyos ay pinatatawad kayo. Halikayo sa Panginoon”.

³Mayroon nang altar sa pagitan ninyo: ang bagong altar. Mga agos ng liwanag at kapatawaran ay dumadaloy mula rito. Katulad ng langis sila ay kumakalat, nagpapagaling, nagpapalakas. Paniwalaan ang salita na nanggagaling dito. Umiyak kasama Ako tungkol sa inyong mga kasalanan. Katulad ng isang Levita na nangunguna sa isang koro, papupuntahin Ko ang inyong mga tinig sa Diyos, at ang inyong mga hinaing, kung kaisa ng Aking tinig, ito ay hindi tatanggihan. Pinabababa Ko ang Aking Sarili kasama ninyo, ang Kapatid ng mga tao ayon sa laman, ang Anak ng Ama ayon sa espiritu, at sasabihin Ko para sa inyo at kasama kayo: “Mula sa malalim na kalalimang ito, kung saan Ako-Sangkatauhan ay bumagsak, nananawagan Ako sa Inyo, Panginoon. Pakinggan ang tinig niya na tinitingnan ang kanyang sarili at naghihinagpis, at huwag Ninyong isara ang Inyong mga tainga sa aking mga salita. O Diyos, ako ay nahihintakutan sa pagkakakita sa aking sarili. Ako ay nahihintakutan sa aking sariling mga mata! At ano ang magiging ako sa Inyong mga mata? Huwag tingnan ang aking mga pagkakamali, o Panginoon, kung hindi’y hindi ko matatagalan ang Inyong presensya, bagkus maawa sa akin. Sapagkat sinabi Ninyo: “’Ako ang Awa’. At naniniwala ako sa Inyong salita. Ang aking kaluluwa, nasugatan at nalulungkot, ay nagtitiwala sa Inyo, sa inyong mga pangako, at mula sa pagsikat ng araw hanggang sa takip-silim, mula sa aking kabataan hanggang sa aking katandaang edad ako ay aasa sa Inyo”.»

Bagaman nagkasala ng pagpatay ng tao at ng pangangalunya at pinagalitan ng Diyos, si David ay pinatawad ng Diyos pagkatapos na nanawagan siya sa Panginoon: “Maawa sa akin, hindi dala ng paggalang sa akin, bagkus para sa kaluwalhatian ng Inyong awa na walang-hangganan. At sa Inyong awa linisin ang aking kasalanan. Walang tubig na makapaghuhugas sa aking puso maliban kung ito ay kinuha mula sa malalim na tubig ng Inyong banal na kabutihan. Hugasan ako ng aking pagkawalang-katarungan at padalisayin ako sa aking karumihan. Hindi ko itinatangi na ako ay nagkasala. Hindi, bagkus ikinukumpisal ko ang aking krimen ang aking kasalanan ay laging nasa loob ng aking isip katulad ng nag-aakusang saksi. Nasaktan ko ang tao sa aking kapwa at sa aking sarili, ngunit mas lalo kong ikinalulungkot na ako ay nagkasala sa Inyo. At sana masabi nito sa Inyo na kinikilala ko na Kayo ay makatarungan sa Inyong mga salita at natatakot ako sa Inyong  paghuhukom na nagtatagumpay sa lahat ng kapangyarihan ng tao. Ngunit tingnan, o Eternal na Diyos, na ako ay ipinanganak na may pagkakasala at na siya na naglihi para sa akin ay isang makasalanan, at na ako ay Inyong minahal nang labis na Inyong ibinunyag at ibinigay sa akin ang Inyong karunungan bilang aking tagapagturo na sana maintindihan ko ang mga misteryo ng Inyong makalangit na katotohanan. At na kung Kayo ay gumawa nang labis, kailangan ko ba Kayong katakutan? Hindi. Hindi ko Kayo kinatatakutan. Wisikan ako ng kapaitan ng kapighatian at ako ay mapapadalisay. Hugasan ako ng mga luha at ako ay magiging katulad ng mga niyebe ng bundok. Gawing marinig ko ang Inyong tinig, at ang inyong napahiyang lingkod ay magbubunyi, sapagkat ang Inyong tinig ay kaluguran at kasayahan, kahit na kung ito ay naninisi. Ibaling Ninyo ang Inyong mukha sa aking mga kasalanan, at ang Inyong mga mata ay kakanselahin nito ang aking mabigat na pagkakasala. Ang pusong ibinigay Ninyo sa akin ay nilapastangan ni Satanas at ng aking pagkataong kahinaan. Maglikha ng bagong puso sa loob ko, at sirain ang naparumi sa loob ng lamang-loob ng Inyong lingkod, upang tanging ang isang matuwid na espiritu lamang ang maghari sa kanya. Huwag Ninyo akong palayasin sa Inyong presensya at huwag Ninyo akong pagkaitan ng Inyong pakikipagkaibigan, sapagkat tanging ang Inyo lamang pagliligtas ang lugod sa aking kaluluwa at ang Inyong soberanong espiritu ang konsolasyon ng aking napahiyang puso. Ako sana’y maging Inyong mensahero sa pagitan ng mga tao at makapagsabi sa kanila: “Kita ninyo kung gaano kabuti ang Panginoon. Maglakad sa loob ng Kanyang mga pamamaraan at kayo ay pagpapalain, katulad na ako ay pinagpalà, ako na pagkaagas-ng-tao na nagiging isang anak ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang grasya na ibinabalik sa akin’. At ang makasalanan ay babalik sa Inyo. Ang dugo at laman ay kumukulo at umaatungal sa loob ko. Iligtas ako sa kanila, o Panginoon, kaligtasan ng aking kaluluwa, at aawitin ko ang Inyong papuri. Hindi ko alam. Ngunit ngayon naintindihan ko. Ayaw Ninyo ng mga sakripisyo na mga lalaking tupa, bagkus ang holokausto ng isang biyak na puso. Ang isang durog at biyak na puso ay mas kaaya-aya sa Inyo kaysa ang mga lalaking tupa. Sapagkat kami ay Inyong nilikha para sa Inyong Sarili at ibig Ninyong maalaala namin iyan at ibalik sa Inyo kung ano ang Inyo. Maging mabait sa akin sa Inyong dakilang kabutihan at itayong muli ang aking Herusalem at Inyo: isang pinadalisay at pinatawad na kaluluwa kung saan ang sakripisyo, paglulubóg sa tubig at holokausto ay sana maialay para sa mga kasalanan, pagpapasalamat at pagpupuri. At harinawang ang bawat araw ko ay maging isang pag-aalay ng kabanalan na sinusunog sa Inyong altar upang makataas sa Inyo kasama ang amoy ng aking pagmamahal”.

⁴Halikayo! Pumunta tayo sa Panginoon. Ako sa harapan, kayo sa likuran. Tayo na sa nakakabuting tubig, sa banal na mga pastulan, sa lupain ng Diyos. Kalimutan ang nakaraan. Ngitian ang hinaharap. Huwag mag-alala tungkol sa pusali, tingnan ang mga bituin. Huwag sabihin: “Ako ay kadiliman”; sabihin: “Ang Diyos ay Liwanag”. Ako ay naparito upang ibalita ang kapayapaan sa inyo, upang ibigay ang Mabuting Balita sa mga aba, upang pagalingin ang mga na ang mga puso ay dinurog ng napakaraming mga bagay, upang ituro ang kalayaan sa lahat na mga alipin, at una sa lahat sa mga alipin ni Mammon, upang mapalaya ang mga bihag ng kasakiman.

Sasabihin Ko sa inyo: ang panahon ng grasya ay dumating na. Huwag tumangis, kung kayo ay malungkot dahil nalalaman ninyo na kayo ay mga makasalanan, huwag tumangis, mga napatapon ng Kaharian ng Diyos. Papalitan Ko ang inyong mga abo ng ginto, at ang inyong mga luha ng langis. Ilalagay Ko ang pinakamagagandang damit sa inyo upang ipakilala kayo sa Panginoon at sabihin sa Kanya: “Naririto ang mga tupa na Ako ay ipinadala Ninyo upang hanapin. Pumunta Ako at inipon Ko sila, binilang Ko sila, hinanap Ko ang mga naligaw at dinala Ko sila sa Inyo, pinoprotektahan sila sa ulan at hamog, kinuha Ko sila sa pagitan ng lahat na mga tao, inipon Ko sila mula sa bawat rehiyon upang pasundin sila sa Lupain na wala sa lupa, na Inyong inihanda para sa kanila, Banal na Ama, upang dalhin sila sa itaas ng makalangit na mga tuktok ng Inyong matatabang bundok, kung saan ang lahat ay liwanag at kagandahan, sa tabi ng mga agos ng selestiyal na kaluguran kung saan ang mga espiritu na Inyong minamahal ay napupuspos sa Inyo. Hinanap Ko rin ang mga nasugatan, pinagaling Ko ang mga nasaktan, pinagpanumbalik Ko ang mga mahihina, wala Akong kinaligtaan kahit isa. At dinala Ko sa Aking balikat, katulad ng isang mapagmahal na pamatok, ang babae na halos nagkapunit-punit at nilapa ng mga lobo ng pagiging-makalaman at inihiga Ko siya sa Inyong paanan, mabait na banal na Ama, sapagkat hindi na siya makalakad, ni hindi niya nalalaman ang Inyong mga salita, siya ay isang kaawa-awang kaluluwa hinahabol ng paninisi ng konsiyensya at ng mga lalaki, siya ay isang nagluluksang nanginginig na kaluluwa, katulad niya ang isang mabigat na alon na nawawasak sa baybayin. Siya ay lumalapit sa pamamagitan ng kanyang mithiin, ngunit ang kaalaman ng tungkol sa kanyang sarili ay napipigilan siya... ibukas Ninyo ang Inyong sinapupunan sa kanya, Nagmamahal na Ama, upang ang naligaw na nilalang na ito ay sana makatagpo ng kapayapaan sa loob nito. Sabihin sa kanya: ‘Halika!’ Sabihin sa kanya: ‘Ikaw ay Akin’. Siya ay pag-aari ng buong mundo, ngunit kanya itong kinasusuklaman at kinatatakutan. Sinasabi niya: ‘Ang bawat panginoon ay isang maruming upahang mamamatay-tao’. Gawin siyang magsabi: ‘Ang Hari kong ito ay nabigyan ako ng lugod ng pagiging nahúli!’ Hindi niya nalalaman kung ano ang pagmamahal. Ngunit kung tatanggapin Ninyo siya, malalaman niya na ang selestiyal na pagmamahal na ito ay ang pangkasalan na pagmamahal ng Diyos at ng pagkataong espiritu, at katulad ng isang ibon na napalaya sa hawla ng malulupit na tao, siya ay aakyat nang pataas nang pataas, hanggang sa Inyo, sa Langit, sa lugod at kaluwalhatian, umaawit: ‘Natagpuan ko ang aking hinahanap. Ang aking puso ay wala nang mithiin pa. Nagpapahinga ako at nagbubunyi sa Inyo, eternal na Panginoon, pinagpalà magpakailanman!’ “.

Humayo. Ipagdiwang ang Kapistahan ng Puripikasyon na may bagong espiritu. At harinawang ang liwanag ng Diyos ay magningning sa loob ninyo.»

Ang kongklusyon ng talumpati ni Jesus ay naging nakagagapi. Ang Kanyang mga mata ay nagniningning sa Kanyang maningning na mukha at ang Kanyang ngiti at tinig ay ng kagiliwan na hindi pa nalaman kahit kailan.

Ang mga tao ay halos narahuyo at sila ay hindi gumagalaw hanggang sa inulit Niya: «Humayo.  Ang kapayapaan ay mapasainyo.» Ang mga peregrino ay dito nagsimulang umalis nagsasalita sa isa’t isa.

⁵Ang nakatalukbong na babae ay naglakad nang mabilis paalis, katulad nang dati, sa kanyang medyo umuundayong maliliksing hakbang. Siya ay tila may mga pakpak habang pinalulobo ng hangin ang kanyang manta sa paligid ng kanyang mga balikat.

«Makikita ko na ngayon kung siya ay mula sa Israel» sabi ni Pedro.

«Bakit?»

«Sapagkat kung siya ay mananatili rito, ang ibig sabihin nito...»

«... na siya ay isang mahirap na babae na walang sariling bahay. Wala nang iba pa, tandaan iyan, Pedro.» Si Jesus ay naglalakad patungo sa nayon.

«Oo, Guro. Tatandaan ko. At ano na ang ating gagawin ngayon na sila ay mananatili sa bahay para sa Kapistahan?»

«Ang ating mga kababaihan ay ang magsisindi ng mga lampara sa lugar natin.»

«Nalulungkot ako... ito ang unang taon na hindi ko makikita ang mga ito na sinisindihan sa loob ng aking bahay, o hindi ko ito sinisindihan mismo.»

«Ikaw ay isang malaking sanggol. Sisindihan din natin ang mga lampara. Upang hindi ka na magmumukmok pa. At ikaw ang pinaka isa na magsisindi sa mga ito.»

«Ako? Hindi ako, Panginoon. Kayo ang Ulo ng ating pamilya. Para sa Inyo ito na sindihan sila.»

«Ako ay isang lampara na laging nakasindi... at ibig Ko kayong lahat na maging ganyan din. Ako ang eternal na Puripikasyon, Pedro. Nalalaman mo ba na Ako ay ipinanganak noong ika dalawampu’t lima ng Chislev?»

«Gaano kaya karaming mga lampara?» tanong ni Pedro puno ng paghanga.

«Imposibleng mabilang ang mga ito... Ang lahat na mga bituin sa kalangitan...»

«Hindi! Hindi ba nila pinagdiriwang ang Inyong araw ng kapanganakan sa Nazareth?»

«Ako ay hindi ipinanganak sa Nazareth, bagkus sa loob ng isang establero sa Bethlehem. Nakikita Ko na si Juan ay marunong kung papaano manahimik. Si Juan ay napakamasunurin.»

«At siya ay hindi mausisa, samantalang ako ay labis na ganyan! Sasabihin ba Ninyo sa Inyong kaawa-awang Simon ang lahat tungkol diyan? Kung hindi papaano ako magsasalita ng tungkol sa Inyo? Maraming beses ang mga tao nagtatanong sa akin ng napakaraming tanong, at hindi ko kailanman malaman kung ano ang sasabihin... Ang iba ay magagaling, ang ibig kong sabihin ang Inyong mga kapatid at si Simon, si Bartolomeo at si Judas ni Simon. Oo, si Tomas din ay mabuting magsalita... ang tunog niya ay katulad ng tagapagsigaw sa palengke... nagtitinda ng mga kalakal. Ngunit siya ay nakapagsasalita... Si Mateo... bueno, wala itong problema sa kanya! Ginagamit niya ang dati niyang galing sa tanggapan ng adwana upang mapiga ang mga tao at mapilitan silang sabihin: “Tama kayo”. Ngunit ako!... ang kaawa-awang Simon ni Jonas! Ano ang itinuro sa iyo ng isa? At ng lawa? Dalawang bagay... ngunit ito ay walang pakinabang: ang isda ang maging tahimik at maging mapagpursige. Nagpupursige silang makatakas sa lambat at nagpupursige akong mapanatili sila roon. Ang lawa ay tinuruan akong maging matapang at mapagbantay. At ano ang tungkol sa bangka? Tinuruan ako nitong pumukpok nang husto nang walang ipinagpapaliban sa aking mga kalamnan at ang tumayo kahit na kung ang lawa ay masalimuot at ang isa ay baka bumagsak. Ang bantayan ang polong bituin, ang hawakan ang timon nang may matatag na kamay, maging malakas, matapang, palagian, maingat, iyan ang itinuro ng aking abang buhay sa akin...»

Si Jesus ay ipinatong ang Kanyang isang kamay sa kanyang balikat at inuuga siyang tinitingnan siya nang may nagmamahal na paghanga, isang tunay na paghanga sa  gayong sinseridad at nagsabi sa kanya: «Hindi mo na naiisip na iyan ay marami na, Simon Pedro? Nasa iyo ang kinakailangan upang maging Aking “bato”. Walang kailangan na idagdag, walang kailangan na ibawas. Ikaw ang magiging eternal na nabigador, Simon. At sasabihin mo sa sinuman na darating pagkatapos mo: “Bantayan ang polong tala, ibig sabihin, si Jesus. Isang matatag na kamay sa timon, lakas, tapang, katatagan, pag-iingat, mahirap na pagtatrabaho nang walang ipinagpapaliban sa sarili, isang mata sa lahat, kakayahan na makatayo din sa masalimuot na mga karagatan...“. Ang tungkol sa pagiging tahimik... bueno... ang isda ay hindi iyan itinuro sa iyo!»

«Ang tungkol sa kung ano ang kailangan kong masabi, ako ay mas pipi pa kaysa sa isda. Ang ibang mga salita?... Ang mga madaldal na ibon din ay makapagdadaldal nang katulad ko. Ngunit sabihin Ninyo sa akin, aking Guro? Maaari bang bigyan din Ninyo ako ng isang anak na lalaki? Kami ay matanda na... Ngunit sinabi Ninyo na ang ina ni Juan Bautista ay matanda na... Ngayon ay sinabi Ninyo: “At sasabihin mo sa kanya na darating pagkatapos mo...”. Sino ang darating pagkatapos ng isang tao bagkus ang kanyang anak?» ang mukha ni Pedro ay nagsasaad ng panalangin at pag-asa.

«Hindi, Pedro. At huwag kang mabalisa dahil diyan. Nagmumukha kang katulad lamang ng iyong lawa kapag ang araw ay naitatago ng mga ulap. Mula sa pagiging maningning ito ay nagiging malabo. Hindi, Aking Pedro. Hindi ka magkakaroon ng isa, bagkus sanlibo, sampung libong mga anak, at sa bawat bansa... Hindi mo ba naaalaala ang sinabi Ko sa iyo: “Ikaw ay magiging mangingisda ng mga tao”?»

«O!... Oo... ngunit... Ang isang anak na tumatawag sa akin “ama” ay magiging napakabait!»

«Magkakaroon ka ng napakarami na hindi mo sila magagawang mabilang. At bibigyan mo sila ng eternal na buhay. At matatagpuan mo sila sa Langit at dadalhin mo sila sa Akin nagsasabing: “Naririto ang mga anak ng Inyong Pedro at ibig ko silang naroroon sa kinaroroonan ko”, at sasabihin Ko sa iyo: “Oo, Pedro. Mangyayari ang ayon sa ibig mo. Sapagkat ginawa mo ang lahat para sa Akin at gagawin Ko ang lahat para sa iyo”. Si Jesus ay napakabait sa paggawa ng gayong mga pangako.

Si Pedro ay lumunok ng laway habang iniiyakan ang namamatay na pag-asa ng isang makalupang paternidad at kasabay na iniluluha ang malugod na mga luha sa kasayahan na sinabi sa kanya. «O! Panginoon!» sabi niya. «Ngunit upang makabigay ng eternal na buhay kinakailangan na makumbinsi ang mga kaluluwa na maging mabuti. At bumalik tayo sa dating punto: hindi ako magaling sa pagsasalita.»

«Pagdating ng panahon, makapagsasalita ka nang mas maganda pa kaysa kay Gamaliel.»

«Ibig ko Kayong paniwalaan... Ngunit, gawin Ninyo ang himala, sapagkat kung ito ay kailangan na gawin ng aking sarili mismo...»

Si Jesus ay ngumingiti nang magiliw sa kanya at nagsabi: «Ngayon Ako ay ganap na sa iyo. Maglakad tayo sa nayon. Pupunta tayo at titingnan ang balo. Mayroon Akong lihim na alay. Isang singsing na kailangan na maipagbili. Alam mo ba kung papaano Ko ito nakuha? Ang isang bato ay bumagsak malapit sa Aking paanan, habang nagdarasal Ako sa ilalim ng puno ng willow na ito. Ang isang maliit na balutan ay nakatali sa bato na may munting kapiraso ng pergamino. Sa loob ng maliit na balutan ay naroon ang singsing at sa kapirasong pergamino ang salitang: “Karidad”.»

«Tingnan ko nga? O! maganda! Isang singsing ng babae. Gaano kaliit na daliri! Ngunit gaano ito kabigat!...»

«Ngayon ipagbibili mo ito. Wala Akong kakayahan. Ang tagapamahala ng otel ay bumibili ng ginto. Maghihintay Ako para sa iyo malapit sa lugar ng magtitinapay. Lakad, Pedro.»

«Ngunit... hindi ko alam kung ano ang gagawin. Ako... ginto... wala akong nalalaman tungkol sa ginto!»

«Isipin na lang na iyan ay tinapay para sa mga tao na nagugutom, at gawin mo ang pinakamagandang magagawa mo. Paalam.»

At si Pedro ay lumiko sa kanan, habang si Jesus, mas dahan-dahan, ay pumunta sa kaliwa, patungo sa nayon, na nakikita sa malayo mula sa likuran ng isang palumpungan sa kabilang tabi ng bahay ng tagapamahala.

 (712) 251010/170813

 

 

 

Sunod na kabanata.