137. Pagbabalik sa «Clear Water».

Abril 15, 1945.

Si Jesus ay tinatawid ang patag na mga kabukiran sa Clear Water kasama ang Kanyang mga apostol. Isang maulan na araw ngayon at ang lugar ay walang mga tao. Maaaring magtatanghaling oras ngayon, sapagkat ang mahinang araw na paminsan-minsan lumalabas sa likuran ng kulay-abong mga ulap, ay sumisikat nang tuwirang pababa.

Si Jesus ay kinakausap ang Iskariote na Kanyang binibigyan ng mga tagubilin tungkol sa pagpunta sa nayon upang bilhin ang lubos na kakailanganing mga bagay. Nang siya ay nag-iisa na lamang, si Andres ay lumapit sa Kanya at, laging mahiyaing, nagsabi sa Kanya sa mahinang tinig. «Maaari ba sanang makinig Kayo sa akin, Guro?»

«Oo. Halika, mauna na tayo» at binilisan Niya ang Kanyang paghakbang sumusunod ang Kanyang apostol, hanggang sa sila ay mga ilang yarda na ang layo.

«Ang babae ay wala na roon, Guro!» malungkot na sabi ni Andres. At siya ay nagpapaliwanag. «Sinaktan nila siya at siya ay lumayas. Siya ay may sugat at dumudugo ito. Ang tagapangasiwa ay nakita siya. Ako ay umuna, nagsasabing ibig kung malaman kung may mga patibong, ngunit sa katunayan ibig kong makita ang babae kaagad. Umaasa ako nang labis na madala ko siya sa Liwanag! Labis akong nagdasal sa loob ng mga nakaraang araw na ito para diyan!... Ngayon siya ay lumayas na! Maliligaw siya. Kung alam ko lamang kung nasaan siya, pupuntahan ko siya… Hindi ko sasabihin ito sa iba, subalit sinasabi ko sa Inyo, sapagkat nauunawaan Ninyo ako. Nalalaman Ninyo na walang sensuwalidad sa paghahanap na ito, bagkus ang mithiin lamang na mailigtas ang isa kong kapatid na babae, isang mithiin na napakalakas upang ito ay nagiging isang pagpapahirap…»

«Alam Ko, Andres, at sinasabi Ko sa iyo: kahit ngayon, pagkatapos ng kung ano ang nangyari, ang iyong mithiin ay mangyayari. Ang isang panalangin na ginawa para sa pakay na iyan ay hindi kailanman mawawala. Ang Diyos ay ginagamit ito at siya ay maliligtas.»

«Sinasabi Ninyo iyan? Ang aking pagsasakit ay kahit na papaano naiibsan!»

«Ayaw mo bang malaman kung ano ang nangyari sa kanya? Wala bang anuman sa iyo kung hindi ikaw ang makapaghatid sa kanya sa Akin? Hindi mo ba itatanong kung papaano magtatagumpay ang maghahatid sa kanya sa Akin?» Si Jesus ay ngumiti na may kabaitan habang ang Kanyang asul na mga mata ay sumisinag nang maningning nang Kanyang tinitingnan ang apostol na naglalakad sa tabi Niya. Isa sa mga ngiti at mga tingin na iyon na siyang  mga lihim ni Jesus sa paggapi ng mga puso.

Si Andres ay tinitingnan niya Siya sa pamamagitan ng kanyang mabait na kulay-kapeng mga mata at nagsabi: «Sapat na ang malaman ko na siya ay napunta sa Inyo. Ano naman ang problema kung ako o ibang tao ito? Papaano siya magtatagumpay? Nalalaman Ninyo at hindi ko na kailangan na malaman pa. Ang Inyong pagtitiyak ay ang lahat at ako ay masaya na.»

Si Jesus ay inakbayan siya at kinabig siya sa Kanyang Sarili sa isang mapagmahal na yakap, na napapunta si Andres sa isang lubos na kagalakan. At hawak-hawak siyang ganito sinabi Niya: «Iyan ang katangian ng isang tunay na apostol. Kita mo, Aking minamahal na kaibigan, ang iyong pamumuhay at ang pamumuhay ng mga apostol sa hinaharap ay laging magiging ganyan. Kung minsan malalaman ninyo na kayo ang mga naging “mga tagapagligtas”. Subalit sa kadalasan naililigtas ninyo na hindi ninyo nalalaman ang pinaka-tao mismo na inyong pinananabikan na mailigtas. Sa Langit lamang ninyo makikita ang mga taong inyong nailigtas na sumasalubong sa inyo o pumapasok sa eternal na Kaharian. At ang lugod ng inyong pinagpalang mga kaluluwa ay lalago sa bawat taong naililigtas. Kung minsan malalaman ninyo habang kayo ay nasa lupa pa. Iyan ang lugod na ipinagkakaloob Ko sa inyo upang pasukin kayo ng mas malaking sigla para sa bagong mga maililigtas. Subalit pinagpalà ang paring hindi nangangailangan ng ganoong pagpapasigla upang gawin ang kanyang tungkulin! Pinagpalà siya na hindi pinanghihinaan ng loob dahil wala siyang nakikitang tagumpay at hindi nagsasabing: “Hindi na ako magtatrabaho ulit sapagkat wala naman akong napapalang kasiyahan mula rito”. Ang apostoladong kasiyahan, na tinitingnan na siyang tanging pampasigla upang magtrabaho, ay nagpapakita ng kakulangan ng apostoladong pagkahubog, pinabababa ang pagiging apostol, na isang espirituwal na misyon, sa pagiging kapantay ng pangkaraniwang pantaong gawain. Hindi kayo kailangan kailanman na bumagsak sa idolatriya ng inyong ministeryo. Hindi kayo ang kailangan na sambahin, bagkus ang Panginoong inyong Diyos. Ang kaluwalhatian ng mga nailigtas na kaluluwa ay tanging sa Kanya lamang. Ang gawain ng pagliligtas ay inyong tungkulin, at ang kaluwalhatian ng pagiging ang “mga tagapagligtas” ay kailangan na pigilin muna hanggang kayo ay nasa Langit na. Ngunit sinasabi mo sa Akin na ang babae ay nakita ng tagapamahala. Sabihin mo sa Akin.»

«Tatlong araw pagkaraan nang tayo ay nakaalis, may ilang mga Pariseo na naghahanap sa Inyo. Siyempre, hindi nila tayo natagpuan. Sila ay umikot sa nayon at sa mga kabahayan sa kabukiran nagsasabing gusto nilang makita Kayo. Ngunit walang naniwala sa kanila. Sila ay nagparaos ng sama ng loob sa hotel, may-kayabangan na pinalalabas ang lahat na mga tao na nasa loob, dahil sabi nila, ayaw nilang mapadikit sa sinuman na estranghero, na baka makapagparumi sa kanila. At sila ay pumupunta sa bahay araw-araw. Pagkaraan ng ilang araw natuklasan nila ang kaawa-awang babae, na laging pumupunta roon, dahil baka umaasa siya na makikita Kayo at ang kanyang kapayapaan. At ginawa nila na siya ay lumayas, hinabol hanggang sa kanyang kanlungan sa establero ng tagapangasiwa. Hindi nila siya nilusob kaagad, sapagkat ang tagapangasiwa ay lumabas kasama ang kanyang mga anak na lalaki, na lahat armado ng pumukpok. Ngunit sa gabi, nang ang babae ay lumabas, sila ay bumalik may kasamang ibang mga tao, at nang siya ay nasa pontanya, binato nila siya, tinatawag siyang “puta” at pinakikita siya sa mga taga-nayon upang kasuklaman siya. At dahil siya ay tumatakas siya ay kanilang minaltrato nang siya ay kanilang inabutan, pinunit nila ang kanyang talukbong at manta upang ang lahat ay makita siya, sinaktan siya nilang muli, at sa pamamagitan ng kanilang awtoridad iginiit nila ang kanilang sarili sa pangulo ng sinagoga, hinihiling na ang pangulo ay kailangan na isumpa ang babae, upang siya ay pagbabatuhin, at hiniling din nila na Kayo ay kanyang isumpa sa Inyong pagdala sa babae sa nayon. Ngunit siya ay tumutol na gawin ito at siya ngayon ang naghihintay ng sumpa ng Sanhedrin. Ang sabi ng tagapangasiwa ang babae ay bata pa at maganda, bagama't siya ay maputlang-maputla at payat. Hinanap niya siya sa kabukiran, sapagkat ang babae ay grabeng nasugatan. Ngunit hindi niya siya nakita. At hindi niya malaman kung papaano siya makalalayo nang husto. Baka siya ay patay na, kung saan lugar… at hindi niya nailigtas ang kanyang sarili…»

«Hindi.»

«Hindi? Siya ay hindi patay? O siya ay hindi nawawala?»

«Ang kanyang kalooban na matubos ang sarili ay isa nang absulusyon. Kahit na kung siya ay namatay, siya ay patatawarin sapagkat hinahanap niya ang Katotohanan, tinatapakan ang Pagkakamali. Ngunit siya ay hindi patay. Inaakyat niya ang unang mga dalisdis ng bundok ng katubusan. Nakikita Ko siya… Siya ay nakabaluktok sa ilalim ng mga luha ng pagsisisi; ngunit ang kanyang mga luha ay nagagawa siyang lumakas pa nang lumakas, habang ang kanyang dinadala ay pagaan nang pagaan. Nakikita Ko siya. Siya ay nagpapatuloy patungo sa Araw. Kapag naakyat na niya ang lahat na mga bundok, siya ay mapupunta sa kaluwalhatian ng Araw-Diyos. Siya ay umaakyat… Tulungan mo siya sa pamamagitan ng iyong mga panalangin.»

«O! aking Panginoon!» si Andres ay halos namamangha tungkol sa kaisipan na siya ay makatutulong sa isang kaluluwa sa pagpapabanal nito.

Si Jesus ay mas lalo pang ngumiti nang magiliw. Sinabi Niya: «Kailangan na ibukas natin ang ating mga kamay at mga puso sa inuusig na pangulo ng sinagoga at tayo rin ay kailangan na pumunta at pagpalain ang mabuting tagapangasiwa. Tayo na sa iyong mga kasama at sabihin sa kanila.»

Ngunit habang sila ay naglalakad pabalik upang marating ang sampung disipulo na tumigil sa isang distansiya nang mapuna nila na si Andres ay nagkakaroon ng pribadong pakikipagusap sa Guro, ang Iskariote ay dumating na lubos na nagmamadali. Kamukha niya ang isang malaking paru-parong tumatakbo sa parang, habang siya ay kumikilos nang mabilis at ang kanyang manta kumakaway sa likuran niya at siya ay gumagawa ng malalaking pagkaway sa pamamagitan ng kanyang mga kamay.

«Anong nangyayari sa kanya?» tanong ni Pedro. «Nasira na ba ang kanyang ulo?»

Bago ang sinuman makatugon sa kanya, ang Iskariote, na malapit na sa kanila, ay nakasigaw na parang sinasakal ang kanyang tinig: «Tigil, Guro. Makinig sa akin bago pumunta sa bahay… May patibong. O! ang mga duwag!...» at nagpatuloy siya sa pagtakbo. Nakarating na siya. «O! Guro, Hindi posible na tayo ay pumunta roon! Ang mga Pariseo ay nasa nayon at pumupunta sila sa bahay araw-araw. Sila ay naghihintay sa Inyo para saktan Kayo. Pinaaalis nila ang mga dumating na mga naghahanap sa Inyo. Tinatakot nila sila ng nakakatakot na mga sumpa. Ano ang ibig Ninyong gawin? Kayo ay uusigin dito at ang Inyong gawa ay mapapawalang-saysay. Ang isa sa kanila ay nakita ako at sinugod ako. Isang pangit na malaki ang ilong na matanda na nakakakilala sa akin, sapagkat siya ay isa sa mga eskriba sa Templo. Sapagkat ang ilan ding mga eskriba ay naririto. Sinugod niya ako, hinawakan niya ako ng kanyang mga pangalmot at iniinsulto ako sa katulad-ng-lawin na tinig. Ang pag-iinsulto at pangangalmot niya sa akin, tingnan… (at nagpapakita siya ng isang pupulsuhan at isang pisngi na may mga malilinaw na marka ng kuko) ay walang anuman sa akin. Subalit nang siya ay dinuraan Kayo, hinawakan ko siya sa leeg…»

«Ngunit Judas!» sumigaw si Jesus.

«Hindi, Guro. Hindi ko siya sinakal. Pinigilan ko lamang siyang murahin Kayo pagkatapos pinakawalan ko siya. Ngayon natatakot na siya sa kanyang ginawa… Ngunit, pakiusap, umalis na tayo rito. Ano pa man ang mangyari, wala na rin makapupunta sa Inyo…»

«Guro!»

«Ngunit ito ay nakakikilabot!»

«Tama si Judas.»

«Katulad nila ang mga asong-gubat na mga nagbabantay upang manalakay!»

«Apoy ng Langit na bumagsak sa Sodom, bakit hindi ka bumalik muli?»

«Alam mo ba, bata, na naging matapang ka? Sayang na wala ako roon; natulungan sana kita.»

«O! Pedro! Kung nandoon ka, ang maliit na lawin na iyon ay nalagasan sana ng mga balahibo at nawalan ng tinig sa habang panahon.»

«Ngunit papaano ang ginawa mo… na hindi mo tinapos ang lahat?»

«Sino ang naka-aalam!... Isang kislap sa aking isip: isang kaisipan na hindi ko alam kung mula saang parte ng aking puso: “Ang Guro ay isinusumpa ang karahasan” at ako’y tumigil. At ito ay mas matindi ang tama sa akin kaysa sa tama ko sa pader nang maitapon ako ng Eskriba nang siya’y sumugod. Ang pakiramdam ko nalagutan ako ng mga litid… kung kaya’t pagkatapos wala na akong lakas upang kamuhian siya. Gaano kahirap ang pigilan ang sarili!...»

«Ikaw ay totoong naging matapang! Hindi ba, Guro? Hindi ba Ninyo sasabihin sa amin ang Inyong palagay?» Si Pedro ay tuwang-tuwa tungkol sa ginawa ni Judas, upang hindi niya napuna na ang mukha ni Jesus, na kanina ay maningning, ay naging mabigat at madilim tingnan, habang hinihigpitan Niya ang Kanyang labì upang ang Kanyang bunganga ay nagmumukhang maliit.

Binuksan Niya ang Kanyang mga labì upang sabihin: «Sasabihin Ko sa inyo na Ako ay mas nauyam sa paraan ng inyong pag-iisip kaysa sa inásal ng mga Judaean. Sila ay mga misirableng tao na nasa kadiliman. Kayo, na kasama ang Liwanag, ay matitigas, pabulung-bulong, mararahas, at sumasang-ayon kayo sa brutal na ganti katulad nila. Sinasabi Ko sa inyo na binibigyan ninyo Ako ng katibayan na kayo ay eksaktong kayo pa rin katulad nang una ninyo Akong nakita. At ito ay nagpapasakit sa Akin. Ang tungkol sa mga Pariseo, kailangan na malaman ninyo na ang Kristo ay hindi tumatakas. Maaari kayong tumiwalag. Walang sinuman ang kailangan na magsabi na hindi Ko ginawa ang lahat upang mapalapit Ko ang mga tao sa Akin. Sila ay mga anak din ni Abraham. Ginagawa Ko ang Aking katungkulan, hanggang sa katapusan. Ang kanilang kapahamakan ay mapangyayari lamang ng kanilang sariling kasamaang-loob at hindi ng anumang kapabayaan Ko sa kanila.» At si Jesus ay lumakad patungo sa bahay, na ang mababang bubong nito ay makikita sa kabila ng isang hilera ng mga panot na punungkahoy.

Ang mga apostol ay sinusundan Siya na mga nakatungo ang ulo, nagsasalitang hindi nagpapahalata.

Sila ay nasa bahay na at pinasok nang tahimik ang kusina. At naging abala sila sa paligid sa paapuyan. Si Jesus ay abala sa Kanyang mga iniisip.

Malapit na silang kumain, nang ang isang grupo ng mga tao ang lumitaw sa pintuan. «Naririto na sila» bulong ng Iskariote.

Si Jesus ay tumayo kaagad at nilapitan sila. Siya ay maringal na maringal na ang maliit na grupo ay napaatras nang isang sandali. Subalit ang pagbati ni Jesus ay napatatag sila: «Harinawang ang kapayapaan ay sumainyo. Ano ang ibig ninyo?»

Ang mga duwag pagkatapos ay inisip na makapangangahas sila ng lahat at nagpapalagay na sinabi nila: «Sa ngalan ng Banal na Batas inuutos namin sa Inyo na iwanan ang lugar na ito, dahil Ikaw ay tagapaggambala ng mga konsiyensya, isang tagapaglabag ng Batas, isang tagasira ng kapayapaan sa mga bayan sa Judea. Hindi Ka ba natatakot sa kaparusahan ng Langit, Ikaw na tagagaya ng Makatarungang Isa na nagbibinyag sa Jordan, Ikaw na protektor ng mga puta? Lumayas sa banal na lupain ng Judea! Upang sana ang Iyong hininga ay hindi makarating sa mga pader ng banal na Siyudad.»

«Ako ay walang anumang ginagawang masama. Ako ay nagtuturo bilang isang rabbi, nanggagamot Ako bilang tagagawa ng himala, at nagpapalayas Ako ng mga dimonyo bilang isang tagapagpalayas ng mga ito. Ang mga kategoriyang ganito ay naririyan din sa Judea. At ang Diyos, Na gusto ang mga ito, ay ginawa silang irespeto sila at ipagbunyi ninyo. Hindi Ako humihingi ng pagbubunyi. Hinihingi Ko lamang na Ako ay pahintulutan na gumawa ng mabuti sa mga naghihirap sa mga sakit sa kanilang katawan, sa kanilang isip o sa kanilang kaluluwa. Bakit ninyo Ako pinagbabawalan?»

«Ikaw ay may sapi ng masamang espiritu. Lumayas Ka.»

«Ang insulto ay hindi isang tugon. Tinanong Ko kung bakit ninyo Ako pinagbabawalan, habang pinahihintulutan ninyo ang iba.»

«Sapagkat Ikaw ay may sapi at nagpapalayas Ka ng mga dimonyo at gumagawa ng mga himala sa tulong ng mga dimonyo.»

«At ano ang tungkol sa inyong mga tagapagpalayas ng mga dimonyo? Sa pamamagitan ng kaninong tulong ginagawa nila ito?»

«Sa pamamagitan ng kanilang banal na mga pamumuhay. Ikaw ay isang makasalanan. At upang mapalakas ang Iyong kapangyarihan, ginagamit Mo ang prostitusyon, sapagkat ang pag-aari ng maka-demonyong lakas ay napalalakas nito ang pakikipag-isa. Ang aming kabanalan ay napadalisay ang lugar ng Iyong mga kasabwat. Ngunit hindi Ka namin papayagan na manatili rito, upang hindi Ka na makaakit ng iba pang mga babae.»

«Ngunit ang bahay bang ito ay sa inyo?» tanong ni Pedro na nakalapit na sa Guro na may nananakot na tingin.

«Ito ay hindi namin bahay. Subalit ang buong Judea at ang buong Israel ay nasa banal na mga kamay ng mga dalisay na tao ng Israel.»

«At kayo iyon, ibig sabihin!» paghinuha ng Iskariote, na nakalapit na rin sa pintuan, at pagkatapos umismid sa kanila. Nagtanong din siya: «At nasaan ang isa ninyong kaibigan? Nanginginig pa rin ba siya? Kayong nakakahiyang grupo, lumayas kayo! Kaagad. Kung hindi magsisisi kayo sa….»

«Manahimik; Judas. At ikaw, Pedro, bumalik kayo sa mga lugar ninyo. Makinig, mga Pariseo at mga Eskriba. Para sa inyong kapakanan, para sa kapakanan ng inyong mga kaluluwa, pinakikiusapan Ko kayo na huwag labanan ang Salita ng Diyos. Lumapit kayo sa Akin. Hindi Ko kayo kinapopootan. Nauunawaan Ko ang inyong pag-iisip at Ako ay nalulungkot dahil dito. Subalit ibig Kong dalhin kayo sa bagong pag-iisip, na makapagpapabanal sa inyo at makapagbibigay ng Langit sa inyo. Sa palagay ba ninyo Ako ay naparito upang labanan kayo? O! hindi! Ako ay naparito upang iligtas kayo. Iyan ang dahilan kung bakit Ako naparito. Inilalagay Ko kayo sa Aking puso. Hinihingi Ko sa inyo na magmahal at mag-unawa. Sa dahilan na kayo ang pinakamarurunong na tao sa Israel, maaaring mas naiintindihan ninyong mabuti ang katotohanan kaysa sa sino pa man. Maging mga kaluluwa, hindi lamang mga katawan. Kailangan Ko bang lumuhod at makiusap sa inyo nang nakaluhod? Ang nakataya, ang inyong mga kaluluwa, ay may ganoong halaga na ilalagay Ko ang Aking sarili sa ilalim ng inyong mga paanan upang maagaw ito para sa Langit, sapagkat natitiyak Ko na ang Ama ay hindi titingnan ang Aking pagpapakahiya na isang pagkakamali. Magsalita ng isang salita sa Akin Na naghihintay!»

«Isumpa Ka, iyan ang aming sinasabi.»

«O sige. Nasabi na iyan. Maaari na kayong makaalis. Ako ay aalis, din.» At si Jesus ay tinalikuran sila at bumalik sa Kanyang upuan. Iniyuko Niya ang Kanyang ulo sa mesa at umiyak.

Si Bartolomeo ay isinara ang pinto upang wala sa mga malulupit na tao na nang-insulto sa Kanya ang sana makakita sa Kanyang mga luha, mga tao na ngayon ay umaalis nagbabanta at nagmumura sa Kristo,.

Nagkaroon ng matagal na katahimikan pagkatapos si Santiago ni Alfeo ay hinahaplus-haplos ang ulo ni Jesus at nagsabi: «Huwag Kang umiyak. Minamahal Ka namin, at para din sa kanila.»

Si Jesus ay tumingala at nagsabi: «Hindi Ako umiiyak para sa Sarili Ko. Ako ay umiiyak para sa kanila, pinapatay nila ang kanilang sarili, mga binging katulad nila sa bawat paanyaya.»

«Ano na ang ating gagawin ngayon?» tanong ng isa pang Santiago.

«Tayo ay pupunta sa Galilee. Aalis tayo bukas nang umaga.»

«Hindi ngayon, Panginoon?»

«Hindi. Kailangan Kong magpaalam sa mabubuting tao rito. At kayo ay sasama sa Akin.»

 


 Sunod na kabanata