138. Isang Bagong Disipulo. Pag-alis Patungong Galilee.

Abril 16, 1945.

«Aking Panginoon, wala akong ginawa bagkus ang aking tungkulin sa Diyos, sa aking panginoon at sa katapatan ng konsiyensya. Pinagmamasdan ko ang babaeng iyon habang siya ay aking panauhin at lagi ko siyang nakikitang matapat. Maaaring siya ay naging makasalanan. Ngunit hindi na siya ngayon ganyan. Bakit ako mag-iimbestiga sa isang nakaraan na kanyang pinagsisisihan at para kung saan siya ay makapagbayad-sala na? Ang aking mga anak ay magagandang bata-pang mga lalaki. Subalit ang babae ay kailanman hindi pinakita ang kanyang mukha, na totoong maganda, ni hindi niya kailanman pinarinig ang kanyang tinig. Masasabi ko na narinig ko ang tunog ng kanyang mala-platang tinig nang siya ay sumigaw sapagkat siya ay nasugatan. Kung hindi, ang maliliit na bagay na kanyang hihilingin mula sa likuran ng kanyang talukbong, at lagi siyang nakikiusap sa akin o sa aking asawa, ay kanyang ibinubulong sa napakababang tinig upang hindi namin ito halos maintindihan. Makikita rin Ninyo kung gaano siya kahinahon. Kapag natatakot siya na ang kanyang presensya ay makasasama sa kaninuman, siya ay umaalis… Nangako ako sa kanya na ipagsasanggalang at tutulungan ko siya. Ngunit ayaw niyang samantalahin ang pagkakataong iyan. Hindi. Ang isang bumagsak na babae ay hindi ganyan ang kilos! Ipagdarasal ko siya, ayon sa kanyang hiningi sa akin, kahit wala ang alaalang ito. Itago Ninyo iyan, Guro. ipanlimos na lamang Ninyo iyan, para sa ikabubuti niya. Kapag iyan ay Kayo ang mamigay, makakakuha iyan ng kapayapaan para sa kanya.»

Ang tagapangasiwa ay magalang na nagsasalita kay Jesus. Siya ay isang matabang magandang lalaki na may matapat na hitsura. Sa likuran niya ay naroroon ang anim na matitipunong mga bata-pang lalaki, ang lahat ay katulad ng kanilang ama, anim na tunay ngang matatalinong mukha, at naroroon din ang kanyang asawa, isang maliit na magiliw na balingkinitang babae, na nakikinig sa kanyang asawa na tila siya ay isang diyos, patuloy na tumatango sa pagsang-ayon.

Si Jesus ay kinuha Niya ang gintong pulseras at iniabot ito kay Pedro nagsasabing: «Iyan ay para sa mga mahihirap.» Pagkatapos kinakausap Niya ang tagapangasiwa. «Hindi lahat sa Israel ang kasing matuwid katulad mo. Ikaw ay marunong sapagkat nakikita mo kung alin ang mabuti at ang masama at sinusundan mo ang pagiging matuwid na hindi tinitingnan kung ano ang mangyayari sa iyo, kung may pakikinabangan ka ayon sa pantaong pananaw. Sa ngalan ng Eternal na Ama pinagpapalà kita, ang iyong mga anak, ang iyong asawa at ang iyong bahay. Magpursige sa ganyang espirituwal na kiling at ang Panginoon ay laging makakasama mo at magkakaroon ka ng eternal na buhay. Ako ay lalayo na ngayon, ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi na tayo magkikita ulit. Ako ay babalik at lagi kang makalalapit sa Akin. Ang Diyos ay pinagkakalooban ka ng kapayapaan para sa iyong ginawa para sa Akin at para sa kaawa-awang nilikhang iyon.»

Ang tagapangasiwa, ang kanyang mga anak at kanyang asawa ay lumuhod at hinahalikan ang paa ni Jesus, Na pagkatapos ng huling bendisyon ay umalis kasama ang Kanyang mga disipulo patungo sa nayon.

«At papaano kung ang pangit na mga taong iyon ay naroroon pa?» tanong ni Felipe.

«Hindi posible na pagbawalan ang mga tao na magsalita sa mga kalsada» tugon ni Judas ni Alfeo.

«Hindi. Subalit tayo ay mga “anatema” sa kanila.»

«O! Hindi na bale! Nag-aalala ka ba tungkol diyan?»

«Nag-aalala lamang ako tungkol diyan sapagkat ang Guro ay ayaw ang kahit na anong karahasan. At dahil nalalaman nila ito, ito’y kanilang sinasamantala» pabulong ni Pedro sa kanyang balbas. At tiyak na iniisip niya na si Jesus, Na nakikipagusap kay Simon at sa Iskariote, ay hindi ito naririnig.

Ngunit napakinggan ito ni Jesus at Siya ay lumingon, medyo mahigpit, medyo nakangiti at nagsabi: «Sa inyo bang palagay Ako ay magtatagumpay kung gagamitin Ko ang karahasan? Iyan ay mahinang pantaong sistema at nagsisilbi lamang, nang panandalian, para sa mga pantaong pananagumpay. Gaano katagal tumatagal ang paniniil?  Hanggang na sa pamamagitan nito mismo ito ay makakuha ng reaksiyon mula sa mga taong sinisiil, mga reaksiyon na naipon at naging mas malakas na karahasan ng paghihimagsik laban sa naunang paniniil. Ayaw ko ng pansamantalang kaharian. Gusto Ko ang eternal na Kaharian. Ilang beses Ko na bang sinabi sa inyo? Ilang beses Ko bang kailangang sabihin sa inyo? Makaiintindi pa kaya kayo kahit kailan?  Oo, ang sandali ay darating kung saan makaiintindi kayo.»

«Kailan, aking Panginoon? Ako ay nagmamadali na makaintindi, upang ako ay hindi na masyadong maging isang mangmang» sabi ni Pedro.

«Kailan? Kapag kayo ay giniling na katulad ng mga trigo sa pagitan ng mga bato ng kapighatian at pagsisisi. Maaari, manapa’y, kailangan na makaintindi kayo bago pa man. Subalit upang mangyari ito kailangan na pangibabawan ninyo ang inyong pantaong kalikasan at palayain ang inyong mga kaluluwa. Ngunit hindi ninyo magawa ang ganyang pagsisikap laban sa inyong sarili. Ngunit makaiintindi kayo… makaiintindi kayo. At pagkatapos maiintindihan din ninyo na hindi Ko maaaring gamitin ang karahasan, isang pantaong pamamaraan, upang itatag ang Kaharian ng Langit: ang Kaharian ng espiritu. Pansamantala huwag matakot. Ang mga taong iyon na nagpapaalala sa inyo, ay hindi gagawa nang kahit na ano. Sapat na sa kanila na Ako ay napalayas nila.»

«Subalit hindi ba mas mabuti na pasabihan ang pangulo ng sinagoga na pumunta sa bahay ng tagapangasiwa o maghintay sa atin sa pangunahing daan?»

«O! gaano katalinong tao ang Aking Tomas ngayon! Siyempre hindi ito madali. O kung baga: mas madali iyan subalit hindi tama. Nagpakita siya ng kabayanihan para sa Akin at siya ay inabuso sa loob ng kanyang bahay dahil sa Akin. Tama lang na pumunta Ako sa kanyang bahay upang aliwin siya.»

Si Tomas ay kinibit ang mga balikat at hindi na nagsalita pa.

Naririto na ang nayon. Isang malaking napakarural na nayon, na may mga bahay sa mga lootan na walang mga dahon ang mga punungkahoy sa kasalukuyan at may napakaraming kulungan ng mga tupa. Maaaring ito ay magandang lugar para sa pag-aalaga ng mga tupa, sapagkat kahit saan ay may mga humuhuning mga tupa, galing o patungo sa mga pastulan sa kapatagan. Naririyan ang pangkaraniwang sangahang-daan, na may plasa at pontanya sa gitna. Ang bahay ng pangulo ng sinagoga ay naririto.

Ang pinto ay binuksan ng isang may-edad nang babae, na ang mukha ay maliwanag na may mga bakas ng luha. Subalit, nang makita niya ang Panginoon, siya ay naging masaya at ipinatirapa ang sarili nagpapalà.

«Tumayo kayo, inang. Ako ay naparito upang magpaalam sa inyo. Nasaan ang iyong anak na lalaki?»

«Siya ay nasa loob doon…» at itinuro niya ang isang silid sa dulo ng bahay. «Kayo ba ay naparito upang aliwin siya? Hindi ko magawa ito…»

«Kung gayon, siya ay nalulungkot?  Nalulungkot ba siya na ipinagtanggol niya Ako?»

«Hindi, Panginoon. Subalit may pinangangambahan siya. Ngunit sasabihin niya sa Inyo ito. Tatawagin ko siya.»

«Hindi. Ako ang pupunta. Maghintay kayo rito, babae.»

Si Jesus ay lumakad patawid ng pasilyo, mga ilang yarda lamang ang haba, itinulak Niya ang pinto at pumasok sa silid, dahan-dahan Siyang lumapit sa isang lalaki na nakaupo, nakayuko patungo sa sahig, nakalugmok sa pagdadalamhating pagninilay-nilay.

«Kapayapaan sa iyo, Timotheus.»

«Ano! Kayo! Panginoon!.»

«Oo, Ako ito. Bakit ka nalulungkot?»

«Panginoon… Ako… Sinabi nila sa akin na ako ay nagkasala. Sinabi nila sa akin na ako ay anatema. Sinusuri ko ang aking sarili subalit tila hindi naman ako nagkasala. Ngunit sila ang mga banal sa Israel at ako ay isang abang pangulo ng sinagoga. Maaaring sila ay tama. At ngayon wala akong lakas ng loob na tumingala sa galít na mukha ng Diyos. At ako ay may ganitong pangangailangan sa oras na ito!  Pinaglilingkuran ko Siya nang may tunay na pagmamahal at nagsisikap ako na Siya ay makilala. Ako ngayon ay napagkaitan na ng pagkakataong iyon, sapagkat ang Sanhedrin ay tiyak na isusumpa ako.»

«Ngunit ano ang iyong problema? Na ikaw ay hindi na ang pangulo ng sinagoga, o na hindi na posible sa iyo na magsalita tungkol sa Diyos?»

«Ang huli ang naka-aapekto sa akin, Guro! Akala ko ang ibig sabihin Ninyo ay kung ako’y nalulungkot sa hindi na pagiging ang pangulo ng sinagoga dahil sa benepisyo at karangalan na nakukuha mula rito. Hindi ko iniintindi iyan. Nasa akin lamang ang aking ina, na ipinanganak sa Aera kung saan siya ay may maliit na bahay. Siya ay may isang bubungan doon at kung ano ang ikinabubuhay. Ako… ay bata pa. Magtatrabaho ako. Ngunit hindi na ako makapangangahas na magsalita tungkol sa Diyos muli, dahil ako ay nagkasala.»

«Bakit ka nagkasala?»

«Sinabi nila na ako ay isang kasabwat ng… Panginoon! Huwag Ninyo akong pagsalitain!...»

«Hindi, Ako ang magsasalita. Hindi. Ni hindi Ko babanggitin iyon. Ngunit tayong dalawa ay nalalaman natin ang kanilang mga akusasyon at nalalaman natin na iyon ay hindi totoo. Kung gayon ikaw ay hindi nagkasala. Sinasabi Ko ito sa iyo.»

«Kung gayon, makatitingala pa ako sa Makapangyarihan? Makatitingala pa ako…»

«Ano, anak?» Si Jesus ay lubos na magiliw nang niyukuan ang lalaki, na biglang tumigil sa pagsasalita na tila siya ay natakot. «Ano? Ang Aking Ama ay nananabik na tumingin ka sa Kanya, ibig Niyang tingnan mo Siya. At gusto Ko ang iyong puso at mga kaisipan. Oo, ang Sanhedrin ay hahampasin ka. Iniuunat Ko sa iyo ang Aking mga kamay at sinasabi Ko sa iyo: “Halika”. Ibig mo bang maging isang disipulo Ko? Nakikita Ko sa iyo ang kinakailangan upang maging isang manggagawa para sa eternal na Guro. Halika sa Aking ubasan…»

«Totohanan ba iyan, Guro? Inay… napakinggan ba ninyo? Ako ay masaya na, inay! pinagpapalà ko… ang paghihirap na iyon sapagkat nabigyan ako niyon ng lugod na ito. O! Tayo ay magsaya, inay. Sasama ako sa Guro, at babalik kayo sa inyong bahay. Ako ay sasama kaagad, aking Panginoon, Na nag-alis ng lahat ng takot ko, kapighatian at takot ko tungkol sa Diyos.»

«Hindi. Hihintayin mo ang salita galing sa Sanhedrin, na may mapayapang puso, na walang poot. Manatili sa iyong pusisyon hangga’t ikaw ay pinananatili diyan. Pagkatapos aabutan mo Ako sa Nazareth o Capernaum. Paalam. Ang kapayapaan ay sumaiyo at kasama ang iyong ina.»

«Hindi ba Kayo titigil sa aking bahay?»

«Hindi. Ako ay darating sa bahay ng iyong ina.»

«Iyon ay hindi isang napakamatapat na nayon.»

«Tuturuan Ko silang maging matapat. Paalam, ina. Masaya na ba kayo, ngayon?» Si Jesus ay nilalambing siya, katulad ng madalas Niyang gawin sa mga may-edad na babae na, napuna ko, tinatawag Niyang «ina».

«Ako ay masaya na, Panginoon. Nagpalaki ako ng isang anak na lalaki para sa Panginoon. Ngayon ang Panginoon ay kinukuha na siya mula sa akin upang maging ang lingkod ng Kanyang Mesiyas. Pagpalain nawa ang Panginoon. At pagpalain Kayo, Na Kanyang Mesiyas. Pagpalain ang sandali na Kayo ay pumunta rito. Pagpalain ang aking supling na tinawag sa paglilingkod sa Inyo.»

«Pagpalain ang ina na kasing banal ni Anna ni Elkanah. Ang kapayapaan ay sumainyo.»

Si Jesus ay papalabas sinusundan ng mag-ina. Sinamahan Niya ang Kanyang mga disipulo, nagpaalam muli at sinimulan ang Kanyang paglalakbay pabalik ng Galilee..


 



Sunod na kabanata