143. Si Photinai, ang Samaritana.

Abril 22, 1945.             

«Ako ay titigil dito. Pumunta kayo sa bayan at bilhin kung ano ang kakailanganin para sa ating pagkain. Tayo ay kakain dito.»

«Lalakad ba kaming lahat?»

«Oo, Juan. Mas mabuti na sigurong kayo ay magkakasama.»

«At papaano Kayo? Maiiwan Kayong mag-isa… Sila ay mga Samaritano…»

«Hindi sila ang magiging pinakamasamang mga kaaway ng Kristo. Lakad na. Ako ay magdarasal, habang naghihintay sa inyo. Ako ay mananalangin para sa inyo at para sa kanila.»

Ang mga disipulo ay nag-aalangan na umalis, at sila ay lumingon nang mga tatlo o apat na beses upang tingnan si Jesus, Na naupo sa isang maliit na pader, nakalantad sa araw, malapit sa malapad na gilid ng isang balon. Ito ay isang malaking balon, napakalapad na tila ito ay isang tangke. Sa tag-init ito ay nalililiman ng isang mataas na punungkahoy, na ngayon ay walang mga dahon. Hindi posibleng makita ang tubig, ngunit ang maliliit na tubog at ang mga pabilog na marka ng basang mga pitsel sa lupa malapit sa balon, ay malinaw na tanda na may nag-igib ng tubig. Si Jesus ay naupo at nagninilay-nilay, sa Kanyang dating hitsura, ang Kanyang mga siko nakapatong sa Kanyang mga tuhod, ang Kanyang mga kamay nakaunat at magkakabit, ang Kanyang katawan medyo nakatungo paharap at ang Kanyang ulo nakayuko. Nang Kanyang maramdaman ang medyo mainit na sinag ng araw, pinabayaan Niyang malaglag ang Kanyang manta mula sa Kanyang ulo at mga balikat at inikot ito sa Kanyang baywang. Itinaas Niya ang Kanyang ulo at nginingitian ang isang paglipad ng mga nagtataltalang mga pipit pinag-aawayan ang isang malaking mumo ng tinapay, na nailaglag ng kung sino malapit sa balon. 

Ngunit ang mga ibong pipit ay lumipad nang ang isang babae ay dumating malapit sa balon. Sa pamamagitan ng kanyang kaliwang kamay hawak niya ang isang walang-laman na pitsel sa isa sa mga hawakan nito, habang ang kanyang kanang kamay ay hinawi nang may pagkagulat ang kanyang talukbong upang tingnan kung sino ang lalaking nakaupo roon. Si Jesus nginingitian ang mga tatlumpu’t lima o apatnapung taong gulang na matandang babae. Siya ay matangkad, na may kitang-kitang magandang pigura. Isang tipong Kastila, sasabihin natin: isang maputlang olibong kutis, medyo matingkad na pulang mga labì, madidilim na mga mata na halos napakalaki, napakaitim na mga pilikmata at buhok, nakikita sa pamamagitan ng kanyang nasisinag na talukbong. Ang kanya ring medyo bilugang hitsura ay tipong silanganin at malambot nang kaunti, katulad sa kinaugalian ng mga babaing Arabo. Ang kanyang damit ay maraming kulay na raya-rayang bata, na mahigpit na natatalian sa kanyang baywang at sa kanyang bilugang mga panabi at sa dibdib, at pagkatapos bumabagsak sa lupa sa isang uri ng alun-alon na mga palawit. Siya ay may suot na ilang mga singsing sa kanyang medyo bilugang maiitim na mga daliri at mga pulseras sa kanyang mga pupulsuhan, na lumilitaw mula sa ilalim ng kanyang linen na mga manggas. Nakaikot sa kanyang leeg suot niya ang isang mabigat na kuwintas mula kung saan ilang mga medalya ang nakabitin; tatawagin ko itong mga amuleto sapagkat ito ay sari-sari ang korte. Mabibigat na hikaw ang nakabitin hanggang sa layo ng kanyang leeg at nagniningning sa ilalim ng kanyang talukbong.

«Ang kapayapaan ay mapasaiyo, babae. Mabibigyan mo ba Ako ng ilang tubig na maiinom? Malayo ang Aking nilakad at Ako ay nauhaw.»

potinai«Ikaw ay hindi ba't isang Judaean? At tinatanong Mo ako, isang babaeng Samaritano, kung mabibigyan kita ng maiinom? Ano ang nangyari? Kami ba ay napagpanibago, o kayo ay napasuko? Isang malaking pangyayari ang maaaring naganap,  kung ang isang Judaean ay mabait na nakikiusap sa isang babaeng Samaritano. Ngunit kailangan kong sabihin sa iyo: “Hindi kita mabibigyan ng kahit ano, upang maparusahan sa loob Mo ang lahat na mga insulto ng mga Judaean na itinatambak sa amin sa loob ng maraming siglo”.»

«Tama ka. Isang malaking pangyayari ang nangyari. At dahil dito maraming bagay ang nagbago at marami pa ang magbabago. Ang Diyos ay nagkaloob ng isang dakilang regalo sa mundo at sa pamamagitan nito maraming bagay ang nagbago. Kung nalalaman mo ang regalo ng Diyos at kung Sino ang nagsasabi sa iyo ng: “Bigyan mo Ako ng maiinom”, baka pakiusapan mo Siya na bigyan ka Niya ng maiinom at ibibigay Niya  sa iyo ang buháy na tubig.»

«Ang buháy na tubig ay nasa mga ugat ng lupa. Iyan ay nasa balon na ito. Ngunit ito ay amin.» Ang pananalita ng babae ay mapanuya at arogante.

«Ang tubig ay nanggagaling sa Diyos. Katulad na ang biyaya ay nanggagaling sa Diyos. Katulad na ang buhay ay nanggagaling sa Diyos. Ang lahat ay pag-aari ng Iisa Lamang na Diyos, babae. At ang lahat na tao ay nanggagaling sa Diyos: ang mga Samaritano at mga Judaean. Hindi ba’t ito ay ang balon ni Jacob? At hindi ba’t si Jacob ay ang ulo ng ating lahi? Kung pagkatapos tayo ay nahati gawa ng pagkakamali, hindi nito nababago ang ating pinanggalingan.»

«Siyempre, iyon ay aming pagkakamali, hindi ba?» ang babae ay nagtanong nang marahas.

«Ni hindi namin o ninyo. Iyon ay pagkakamali ng isa na nawalan ng paningin sa Karidad at Katarungan. Hindi Ko ibig na masaktan ka o ang inyong lahi. Bakit ibig mong magpakita ng mapanakit na aktitud?»

«Ikaw ang unang Judaean na napakinggan ko na nagsasalita nang ganyan. Ang iba… Ngunit kung babalikan natin ang balon, oo, ito ay kay Jacob at ang tubig nito ay napakarami at malinaw na kaming mga taga-Sychar ay mas gusto ito kaysa iba pang mga pontanya. Ngunit ito ay napakalalim. Ni wala Kayong amphora o balde. Papaano Kayo, kung gayon, makakakuha ng buhay na tubig para sa akin? Mas dakila pa ba Kayo sa ating banal na Patriyarkang si Jacob, na nakakuha sa mayamang ugat na ito para sa kanyang sarili, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga baka at iniwan sa amin bilang kanyang ala-ala at regalo?»

«Tama ka. Subalit sinuman ang makainom ng tubig na ito, ay mauuhaw muli. Ako sa halip ay may tubig at sinuman ang iinom nito ay hindi na mauuhaw pang muli. Ngunit ito ay Akin lamang. At ibibigay Ko ito sa sinuman na hihingi nito sa Akin. At sinasabi Ko sa iyong totoo na sinuman ang mayroon ng tubig na ibibigay Ko, ay laging masisiyahan at hindi na muli mauuhaw, sapagkat ang Aking tubig ay ang hindi naglalahong eternal na bukal.»

«Ano? Hindi ko maintindihan. Kayo ba ay isang salamangkero? Papaano ang isang tao magiging isang bukal? Ang isang kamelyo ay umiinom at naglalagay ng panustos na tubig sa kanyang malaking tiyan. Subalit kanya itong ginagamit at ito ay hindi tumatagal sa buong pamumuhay niya. At sinasabi Ninyo na ang Inyo ay tatagal nang buong pamumuhay?»

«Kahit mas matagal pa: ito ay tatagal hanggang eternal na buhay. Sa loob ng mga iinom nito, ito ay bubukal hanggang eternal na buhay at magbibigay ng mikrobyo ng eternal na buhay, sapagkat ito ay isang bukal ng eternal na kalusugan.»

«Bigyan Ninyo ako ng ilan ng tubig na iyan, kung totoong mayroon Kayo nito. Pagod na ako nang kapaparito. Kung mayroon ako nito, hindi na ako mauuhaw pang muli at hindi na ako kailanman magkakasakit o tatanda.»

«Iyan lang ba ang bagay na kinapapaguran mo? Wala ng iba pa? At nararamdaman mo lamang ang pangangailangan na makakuha ng tubig na maiinom at masiyahan ang iyong kaawa-awang katawan? Isipin mo ang tungkol dito. Mayroon pang mas mahalaga kaysa ng iyong katawan. Ang iyong kaluluwa. Si Jacob ay hindi lamang nakuha ang tubig ng lupa para sa kanyang sarili at sa kanyang mga anak. Nananabik siya na maging banal at makapagbigay ng kabanalan, ang tubig ng Diyos.»

«Tinatawag ninyo kaming mga hentil… Kung ang sinasabi Ninyo ay totoo, hindi kami magiging mga banal…» Ang tinig ng babae ay hindi na nang-iinsulto at balintuna at siya ay mapagpasakop at medyo lito.

«Ang mga hentil din ay maaaring maging mabirtud. Ang Diyos, Na makatarungan, ay gagantimpalaan siya para sa kabutihan na kanyang ginawa. Ito ay magiging kumpletong gantimpala, subalit masasabi Ko sa iyo na sa pagitan ng isang nagkasalang naniniwala at ng isang inosenteng hentil, titingnan ng Diyos ang huli na walang masyadong kahigpitan. At kung nalalaman mo na ikaw ay gayon, bakit hindi ka pumunta sa Totoong Diyos? Anong pangalan mo?»

«Photinai.»

«Bueno, sabihin mo sa Akin, Photinai, nalulungkot ka ba na hindi ka makapagsikap patungo sa kabanalan dahil ikaw ay isang hentil, ayon sa sinasabi mo, o dahil ikaw ay nasa kalabuan ng lumang pagkakamali, ayon sa sinasabi Ko?»

«Oo, nalulungkot ako.»

«Bueno, kung gayon, bakit hindi ka man lamang mamuhay bilang isang mabirtud na hentil?»

«Panginoon!...»

«Oo, mapasisinungalingan mo ba ito? Lumakad at tawagin mo ang iyong asawa at bumalik kang kasama siya rito.»

«Ako ay walang asawa.» Ang pagkakapahiya ng babae ay lumalaki.

«Nakapagsalita ka ng katotohanan. Ikaw ay walang asawa. Ngunit nagkaroon ka ng limang lalaki at may kasama kang isa ngayon na hindi mo asawa. Iyan ba ay kinakailangan? Ang inyo ring relihiyon ay kinasusuklaman ang kahalayan. Nasa inyo rin ang Dekalogo. Bakit, kung gayon, Photinai, nabubuhay ka nang ganyan? Hindi ka ba napapagod ng pagpupumilit ng pagiging laman para sa lahat, sa halip ng pagiging ang matapat na asawa ng isang lalaki lamang? Hindi ka ba natatakot sa gabi ng iyong buhay, kung kailan ikaw ay mag-iisa na lang kasama ang iyong mga alaala at mga kalungkutan? At kasama ang iyong mga kinatatakutan? Oo, lahat iyan. Tákot sa Diyos at tákot sa mga multo. Nasaan ang iyong mga anak?»

Ang babae ay ganap na iniyuko ang ulo at hindi tumutugon.

«Wala ka niyan sa mundong ito. Subalit ang kanilang maliliit na kaluluwa, na pinagkaitan mong makita nila ang araw ng kanilang kapanganakan, ay kinagagalitan ka. At lagi nilang gagawin ito. Mga alahas… magagandang damit… isang maringal na bahay… isang punong hapag-kainan… Subalit kawalan, at mga luha, ang paghihirap sa loob. Ikaw ay nangungulila, Photinai. At tanging sa pamamagitan lamang ng pagsisisi, sa pamamagitan ng kapatawaran ng Diyos at dahil dito sa pamamagitan ng kapatawaran ng iyong mga anak, maaari kang maging mayaman muli.»

«Panginoon, nakikita ko na Kayo ay isang propeta. Ako ay nahihiya…»

potinai a«At nang ikaw ay gumagawa ng masasamang bagay, hindi ka ba nahihiya tungkol sa sarili mo sa harapan ng Ama Na nasa Langit? Huwag kang umiyak dala ng kalumbayan sa harap ng Tao… Halika rito, Photinai. Halika sa malapit sa Akin. Magsasalita Ako sa iyo tungkol sa Diyos. Baka hindi mo Siya nakikilala nang mabuti. At iyan ang dahilan kung bakit labis kang nagkakamali. Kung nalaman mo nang mabuti ang Totoong Diyos, baka hindi mo labis na napababa ang iyong sarili. Nakapagsalita sana Siya sa iyo at nasuportahan ka…»

«Panginoon, ang aming mga ninuno ay nagsamba sa bundok na ito. Sinasabi ninyo na ang isa ay kailangan na sumamba lamang sa Herusalem. Subalit sinasabi Ninyo na naririyan lamang ang Iisang Diyos. Tulungan Ninyo akong makita kung ano ang kailangan kong gawin at kung saan…»

«Babae, maniwala ka sa Akin. Bago magtagal ang Ama ay sasambahin hindi sa bundok sa Samaria o sa Herusalem. Sinasamba ninyo Siya nang hindi ninyo Siya nakikilala. Sinasamba namin Siya Na nakikilala namin, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judaean. Paaalalahanan kita tungkol sa mga Propeta. Subalit ang panahon ay darating, hindi, ito ay dumating na, kung saan ang totoong mga sasamba ay sasambahin ang Ama sa espiritu at katotohanan, hindi ayon sa lumang ritwal, bagkus sa bago, kung saan wala nang pagsasakripisyo ng mga hayop na inuubos ng apoy. Magkakaroon ng eternal na sakripisyo ng Imakuladang Biktima na uubusin ng Apoy ng Karidad. Ito ay maiintindihan ng mga makapagsasamba sa espiritu at katotohanan. Ang Diyos ay espiritu. Ang mga sasamba sa Kanya ay kailangan na gawin ito sa espiritu.»

«Kayo ay nagsasalita ng mga banal na salita. Alam ko, sapagkat mayroon din kaming nalalaman, na ang Mesiyas ay parating na: ang Mesiyas, Siya Na tinatawag ding “Kristo”. Kapag Siya ay dumating, ituturo Niya sa amin ang lahat. Hindi malayo mula rito ay may isa rin na sinasabing ang Kanyang Precursor. At marami ang pumupunta at nakikinig sa kanya. Ngunit siya ay napakahigpit! Kayo ay mabait… at ang mga kaluluwa ng abang mga tao ay hindi matatakot sa Inyo. Sa aking palagay ang Kristo ay magiging mabait. Sinasabi nila na Siya ay ang Hari ng Kapayapaan. Magtatagal pa ba bago Siya dumating?»

«Nasabi Ko na sa iyo na ang Kanyang oras ay nakarating na.»

«Papaano Ninyo nalalaman? Kayo kaya ay isa sa Kanyang mga disipulo? Ang Precursor ay maraming mga disipulo. Ang Kristo rin ay magkakaroon ng mga ito.»

«Ako, Na nagsasalita sa iyo, ay si Jesucristo.»

«Kayo!... O!...» Ang babae na naupo malapit kay Jesus, ay tumayo at tatakbo na sanang paalis.

«Babae, bakit ka tatakbong paalis?»

«Sapagkat ako ay nahihintakutan ng pagkakalapit sa Inyo. Kayo ay banal.»

«Ako ang Tagapagligtas. Ako’y naparito, bagama't hindi na ito kinakailangan, sapagkat alam Ko na ang iyong kaluluwa ay pagod na sa paglalagalag. Ikaw ay naiinis na sa iyong pagkain… Ako ay naparito upang bigyan ka ng bagong pagkain, na maka-aalis sa iyong pagsusuka at kapaguran. Naririto na ang Aking mga disipulo bumabalik may dala ng Aking pagkain. Subalit Ako ay nakakain na sa pagbibigay sa iyo ng unang mga mumo ng iyong katubusan.»

Ang mga disipulo ay sinusulyapan ang babae sa sulok ng kanilang mga mata, kahit na papaano may kahinahunan, subalit walang nagsasalita. Siya ay umalis nakakalimutan ang kanyang amphora at ang tubig.

«Naririto, Guro» sabi ni Pedro. «Ang mga tao ay trinato kaming mabuti. Naririto ang ilang keso, bagong tinapay, mga olibo at mga mansanas. Kunin Ninyo ang ibig Ninyo. Mabuti na naiwanan ng babaeng iyon ang kanyang amphora. Mas mapapabilis ang ating pagkuha ng tubig kaysa ng ating maliliit na prasko. Iinom tayo pagkatapos pupunuin natin ang mga ito. At hindi na natin kakailanganin na humingi ng ano pa man sa mga Samaritano. Ni hindi na rin tayo lalapit sa kanilang mga pontanya. Hindi ba Kayo kumakain? Ibig kong kumuha ng ilang isda para sa Inyo, ngunit wala akong makita. Baka mas gusto Ninyo iyon. Nagmumukha Kayong pagod at maputla.»

«Mayroon Akong pagkain na hindi ninyo nalalaman. Kakain Ako ng ilan nito at ito ay makapagpapanubalik sa Akin nang malaki.»

Ang mga disipulo ay nagkakatinginan na may pagtatanong.

Si Jesus ay tinutugunan ang kanilang tahimik na mga katanungan: «Ang Aking pagkain ay ang gawin ang kalooban Niya Na nagpadala sa Akin at papangyarihin ang ibig Niya sa Akin na tapusin. Kapag ang maghahasík ay inihahasik ang butil, masasabi ba niya na nagawa na niya ang lahat at sa gayon masasabi niya na makukuha niya ang ani? Tiyak na hindi. Gaano pa ang kakailanganin na gawin bago niya masabi: “Ang aking gawain ay tapos na”. At siya ay hindi makapagpapahinga hanggang sa sandaling iyon. Tingnan ninyo ang maliliit na mga bukirin na ito sa loob ng maningning na liwanag ng katanghalian. Nang isang buwan pa lamang, ni wala pang isang buwan, ang lupa ay lantad at maitim sapagkat ito ay basa ng ulan. Ngayon tingnan ninyo. Ito ay tila natatakpan ng isang magaan na maputing talukbong, gawa ng maraming maputlang-berdeng mga tangkay ng trigo, na mga kalalabas pa lamang at nagmumukhang mas maputla pa gawa ng matingkad na sinag ng araw. Iyan ang ani sa hinaharap at nakikita ito sasabihin ninyo: “Anihan na sa loob ng apat na buwan. Ang mga maghahasík ay uupa ng mga tagapagputol, sapagkat kung labis na sapat na ang isang tao na maghasik sa kanyang bukirin, maraming tao ang kakailanganin upang gapasin ang ani. At lahat sila ay masaya. Kapwa ang tao na naghasik ng isang maliit na sako ng trigo at ngayon kailangan nang maghanda ng kanyang mga imbakan upang iimbak ang kanyang ani, at ang mga tao na sa loob ng kaunting mga araw ay kikita ng sapat upang mabuhay sa loob ng kaunting mga buwan”. Sa espirituwal din na bukirin ang mga gagapas ng Aking itinanim ay magsasayang kasama Ko at katulad Ko, ibibigay Ko sa kanila ang kanilang mga upa at mga aning para sa kanila. Ibibigay Ko sa kanila kung ano ang kanilang ikabubuhay sa Aking eternal na Kaharian. Kailangan lamang ninyo bagkus maggapas. Nagawa Ko na ang pinakamahirap na trabaho. Subalit sasabihin Ko sa inyo: “Halikayo. Gapasin ang ani sa Aking bukirin. Natutuwa Ako na kailangan na pasakitan ninyo ang inyong sarili ng mga bigkis ng Aking trigo. Kapag naani na ninyo ang lahat na trigo na Aking naitanim, nang walang kapaguran, saan mang lugar, diyan magkakaroon ng kaganapan ang kalooban ng Diyos at Ako ay uupo sa bangkete sa Selestiyal na Herusalem”. Naririto na ang mga Samaritano dumarating kasama si Photinai. Maging mabait sa kanila. Sila ay mga kaluluwa na pumupunta sa Diyos. »


041110

 



Sunod na kabanata