147. Tagubilin sa mga Apostol at ang Himala sa Babaeng Taga-Sychar.

Abril 26, 1945.

Si Jesus ay naglalakad na nauuna sa mga apostol, nag-iisa, malapit sa harang na matitinik na kaktus, na ang mga dahon nito ay nagniningning sa sikat ng araw at tila pinagtatawanan nito ang iba pang mga tanim na walang mga dahon. May makikita sa mga ito na ilan pang nananatiling mga prutas na sa tagal ay nagkakulay pula ng ladrilyo at isang kakaibang napaagang bulaklak marikit na nagniningning sa dilaw na cinnabar na kulay.

Sa likuran Niya ang mga apostol ay nagbubulungan sa isa’t isa, at sa aking palagay sila ay hindi tunay na nagsasalita sa kapurihan ng Guro. Maya-maya’y bigla na lamang tumalikod si Jesus at nagwika: «Laging tingnan ang hangin at hindi kayo makapagtatanim, titigan ang mga ulap at kayo’y hindi kailanman aani. Iyan ay matandang salawikain at sinusunod Ko iyan. At nakikita ninyo na kung saan kayo natatakot tungkol sa masasamang hangin at dahil diyan ayaw ninyo tumigil, nakatagpo Ako ng matabang lupa at ang posibilidad na makapagtanim. At sa kabila ng inyong “mga ulap”, na, maaari Ko bang sabihin sa inyo, na hindi ninyo dapat ipakita kung saan ang Awa ay ibig ipakita Nito ang Kanyang liwanag, nasisiguro Kong may naani na Ako.»

«gayunpaman, walang sinuman ang humingi ng himala. Ang kanilang pananampalataya sa Inyo ay kataka-taka!»

«At sa iyong palagay ba, Tomas, na ang pananampalataya ay napatutunayan lamang ng paghiling ng mga himala? Nagkakamali ka. Ito ay ang pinaka-kabaligtaran. Kung ang isang tao ay ibig ang himala upang maniwala, ibig sabihin nito na kung wala ang madadamang katibayan ng himala, siya ay hindi maniniwala. Ang sinuman na nagsasabi sa halip: “Ako’y naniniwala” sa salita ng ibang tao, ay nagpapakita ng pinakamalaking pananampalataya.»

«Kung gayon ang mga Samaritano ay mas mabubuti pa kaysa sa amin!»

«Hindi Ko iyan sinasabi. Ngunit sa estado ng kanilang espirituwal na kapansanan sila ay nakapagpakita ng mas malaking kakayahan na maintindihan ang Diyos kaysa sa mga naniniwala sa Palestina. Matatagpuan mong madalas ang ganyan sa iyong buong pamumuhay, at hihingin Ko sa iyo na tandaan ang nangyaring ito, upang malaman mo kung papaano kumilos sa mga kaluluwa na bumabaling sa pananampalataya sa Kristo.»

«Ngunit, Jesus, patawarin Mo ako kung sasabihin ko sa iyo, sa aking palagay sa lahat ng poot laban sa iyo, hindi ito nakagagawa ng mabuti upang magkaroon ng bagong mga akusasyon. Kung ang mga miyembro ng Sanhedrin ay malaman na Ikaw ay naki…»

«Mas mabuti pang sabihin mo: “nagmahal”, sapagkat iyan ang Aking ginawa at Aking ginagawa, Santiago. At sa dahilan na ikaw ay Aking pinsan, maiintindihan mo na Ako ay bagkus makapagmamahal lamang. Naipakita Ko na sa iyo na Ako ay laging nagmamahal pati rin ng mga laban sa Akin sa pagitan ng Aking mga kapag-anak at mga kababayan. At hindi Ko ba kailangan na mahalin ang mga gumagalang sa Akin, bagama't hindi nila Ako nakikilala? Ang mga miyembro ng Sanhedrin ay magagawa ang lahat na kapinsalaang gusto nila. Subalit hindi iyan ang kaisipan ng kasamaan sa hinaharap na magpapatigil sa pagpapadaloy ng Aking laging-naririyan at laging-epektibong pagmamahal. Magkagayunpaman… kahit na kung umiwas Ako… hindi Ko mapipigilan ang Sanhedrin na makakita ng mga akusasyon sa kanilang kapootan.»

«Ngunit, Guro, nagsasayang Kayo ng Inyong panahon sa isang ma-idolatrang bansa, habang napakaraming lugar sa Israel ang mga naghihintay sa Inyo. Sinasabi Ninyo na ang bawat oras ay kailangan na ikonsagra sa Panginoon. Ang mga oras bang ginugol dito ay hindi nasayang?»

«Ang araw na ginugol sa pag-iipon sa mga nawawalang tupa ay hindi nasasayang, Ito ay hindi nasasayang, Felipe. Ito’y sinabi: “Ang isang tao ay napararami ang mga alay sa pagsunod sa Batas… subalit sa pagkakaroon ng awa siya ay nag-aalay ng sakripisyo”. Ito ay sinabi: “Magbigay sa Kataastaasan katulad ng pagbigay Niya sa iyo, lubos na mapagbigay ayon sa makakayanan mo”. Ginagawa Ko iyan, Aking kaibigan. At ang panahon na inilaan sa sakripisyo ay hindi nasasayang. Ako ay nagpapakita ng awa at ginagamit Ko ang pamamaraan na tinanggap Ko sa pag-aalay ng Aking gawa sa Diyos. Kung kaya’t maging kalmante. Magkagayunpaman… Ang may gusto ng isang hiling para sa isang himala upang makumbinsi na ang mga tao sa Sychar ay naniniwala sa Akin, ay ngayon napagbigyan na. Ang taong iyon ay tiyak na sinusundan tayo para sa kung anong dahilan. Tayo’y tumigil.»

Ang isang lalaki sa katotohanan ay papalapit sa kanila. Siya ay tila namamaluktot sa ilalim ng isang malaking sako na dala-dala niya sa kanyang mga balikat. Nang makita niya na ang grupo ay tumigil, siya ay tumigil, din.

«Ibig niya tayong saktan. Siya ay tumigil sapagkat nakita niya na napuna natin siya. O! Sila ay mga Samaritano!»

«Nasisiguro mo, Pedro?»

«Siyempre, nasisiguro ko!»

«Bueno, kung gayon. Kayong lahat ay mananatili rito. Pupunta Ako at tatagpuin siya.»

«Hindi kailanman, aking Panginoon. Kung pupunta Kayo, pupunta rin ako.»

«Halika, kung gayon.»

«Si Jesus ay naglalakad papalapit sa lalaki. Si Pedro ay medyo tumatakbo sa tabi Niya, mausisa at marahas din. Nang sila ay mga ilang yarda na lamang sa lalaki, si Jesus ay nagwika: «Ano ang gusto mo, lalaki? Sino ang iyong hinahanap?»

«Kayo.»

«Bakit hindi mo Ako hinanap nang Ako ay nasa bayan?»

«Hindi ako nangahas… Kung ako ay binigo Ninyo sa harapan ng lahat, mas masasaktan ako nang labis at mapapahiya.»

«Sana’y tinawag mo Ako nang Ako ay nag-iisa na lamang kasama ang Aking mga disipulo.»

«Umasa akong puntahan Kayo kapag Kayo ay nag-iisa, katulad ng ginawa ni Photinai. Mayroon din akong malalang rason upang masolo Kayo…»

«Ano ang gusto mo? Ano ang dala-dala mo sa iyong mga balikat na napakabigat?»

«Ang aking asawa. Ang isang espiritu ay inalihan siya at ginawa siyang isang patay na katawan at isang mapurol na isip. Kinailangan ko siyang subuan, damitan at kargahin katulad ng isang sanggol. Ito ay bigla na lang nangyari, na walang anumang karamdaman… Tinatawag nila siya na “babaeng sinapian ng dimonyo”. Ako ay labis na nasasaktan nito. At ang trabaho. Ang mga gastos. Tingnan Ninyo.» Ang lalaki ay ibinaba sa lupa ang kanyang sako na naglalaman ng isang walang-galaw na katawan nababalot ng manta, na tila ito ay isang sako, at inalisan niya ng takip ang mukha ng isang babae, na bata pa. Kung siya ay hindi huminga, masasabing siya ay patay. Ang kanyang mga mata ay sarado, ang kanyang bunganga medyo buka… ang kanyang mukha ay tila naihinga na niya ang kanyang huling hininga.

Niyukuan ni Jesus ang kaawa-awang babae na nakahiga sa lupa, tinitingnan Niya siya, tinitingnan Niya ang lalaki: «Sa palagay mo ba magagawa Ko? Bakit ka naniniwala nito?»

«Sapagkat Kayo ang Kristo.»

«Ngunit wala kang nakitang anuman upang mapatunayan ito.»

«Napakinggan ko ang Inyong salita. Sapat na iyon.»

«Pedro, naririnig mo ba siya? Ano sa palagay mo ang Akin nang gagawin ngayon, sa presensya ng ganyang kagandang pananampalataya?»

«Bueno… Guro… Kayo… Ako… Ayon sa ibig Ninyo, bagaman…» si Pedro ay hiyang-hiya.

«Oo, gagawin Ko ayon sa ibig Ko. lalaki, tumingin.» Si Jesus ay kinukuha ang babae sa kamay at nagwika: «Lumayas ka sa kanya. Gusto Ko ito.»

Ang babae, na magpahanggang ngayon ay walang-galaw, ay nayugyog ng nakatatakot na kombulsiyon: sa una, siya ay tahimik, pagkatapos siya ay sumigaw at umungol at sa huli sumigaw nang malakas, na ibinubuka ang kanyang mga mata na tila siya ay nagigising galing sa isang masamang panaginip. Pagkatapos siya ay kumalma at medyo nagtataka siya ay tumingin sa kapaligiran, tinititigang una si Jesus, ang Di-Kilalang Lalaking ngumingiti sa kanya… pagkatapos tinitingnan niya ang alikabok sa daan kung saan siya nakahiga, tinititigan niya ang isang uhay ng damo na tumubo sa gilid ng daan at kung saan ang munting puti at pulang mga ulo ng mga daisy ay tila mga perlas na malapit nang bumuka mula sa nakabilog na mga raya-raya. Tinitingnan niya ang harang na mga kaktus, ang malalim na asul na kalawakan, at tumitingin sa kapaligiran nakita niya ang kanyang asawa… na punung-puno ng pananabik na pinagmamasdan ang bawat kilos niya. Siya ay ngumiti at ngayon, ganap nang malaya, siya ay tumalon sa kanyang mga paa at nanilungan sa dibdib ng kanyang asawa, na humahaplos-haplos at yumayakap sa kanya at, umiiyak.

«Ano ito? Bakit ako naririto? Bakit? Sino ang lalaking iyon?»

«Siya ay si Jesus, ang Mesiyas. Ikaw ay may sakit at pinagaling ka Niya. Sabihin mo sa Kanya na minamahal mo Siya.»

«O! Oo. Salamat sa Inyo… Subalit ano ba ang nangyari sa akin? Ang aking mga anak… Simon… Hindi ko maalaala ang nakaraan, ngunit naaalaala ko na ako ay may ilang anak…»

Sinasabi ni Jesus: «Hindi mo na kailangan na maalaala pa ang nakaraan. Laging alalahanin ang kasalukuyan. Ang maging mabuti. Paalam. Maging mabuti at ang Diyos ay mapapasainyo.» At si Jesus ay umalis kaagad, sinusundan ng mga pagpapalà ng dalawa.

Nang marating Niya ang iba na mga nagpaiwan, malapit sa bakod na mga tanim, Siya ay hindi nagsasalita sa kanila. Subalit nagwika Siya kay Pedro: «Kung gayon ikaw ay nakasisiguro na ang taong iyon ay ibig Akong saktan, ano na ang iyong sasabihin ngayon? Simon, Simon! Gaano pa ang kakailanganin mo upang maging perpekto! Gaano pa ang kakailanganin ninyong lahat. Maliban sa kanilang kilalang-kilalang pagka-idolatra, nasa inyong lahat ang lahat na mga pagkakasala ng mga taong iyon at ang kapalaluan sa paghuhusga higit sa lahat. Kumain na tayo. Hindi natin mararating bago gumabi ang lugar na gusto Kong puntahan Tayo ay matutulog sa kung saang imbakan ng mga dayami, kung wala tayong matatagpuang mas mabuti-buti.»

Ang Labindalawa na nakukonsiyensiya, ay naupong hindi nagsasalita at kumain. Ngayon ay isang mapayapang araw at ang araw ay maningning na sumisikat sa kabukiran na humihilig pababa patungo sa isang kapatagan sa malumanay na mga pag-alun-alon ng lupa.

Pagkatapos nilang kumain sila ay tumigil nang mga ilang sandali, hanggang si Jesus ay tumayo at nagsabi: «Simon at Andres, sumama kayo sa akin. Titingnan Ko kung ang bahay na iyon ay mapagkaibigan o hindi.» At Siya ay umalis habang ang iba ay nananatili at mga nananahimik, hanggang sa si Santiago ni Alfeo ay nagsabi sa Iskariote: «Hindi ba’t ang babaeng iyon na papalapit dito ay ang babae ng Sychar?»

«Oo, siya nga. Nakikilala ko siya sa pamamagitan ng kanyang damit. Ano kaya ang kailangan niya.»

«Siya ay may pupuntahan» tugon ni Pedro na nagmumukmok.

«Hindi, siya ay nakatingin sa direksiyon natin, tinatakpan niya ang kanyang mata sa sinag ng araw.»

Pinagmamasdan nila siya hanggang sa siya ay malapit na sa kanila at nagtanong sa mababang tinig: «Nasaan ang inyong Guro?»

«Siya ay umalis. Bakit mo Siya kailangan?»

«Kailangan ko Siya.»

«Hindi Siya nag-aaksaya ng panahon sa mga babae» maginoong tugon ni Pedro.

«Alam ko. Hindi nga sa mga babae. Subalit ako ay ang kaluluwa ng isang babae na nangangailangan sa Kanya.

«Hayaan n’yo lamang siya» mungkahi ni Judas ni Alfeo. At siya ay tumugon kay Photinai: «Maghintay. Siya ay babalik agad.»

Ang babae ay pumunta sa isang sulok kung saan kumukurbada ang daan at siya ay nananatiling walang galaw at tahimik, habang walang sinuman ang umiintindi sa kanya.

Maya-maya pa nang kaunti si Jesus ay dumating at si Pedro ay nagsabi: «Naririto ang Guro. Sabihin mo sa Kanya kung ano ang kailangan mo at magmadali.

Ang babae ay ni hindi tumugon sa kanya, bagkus pumunta kaagad kay Jesus at lumuhod sa paanan Niya. Siya ay tahimik.

«Photinai, ano ang kailangan mo sa Akin?.» potinia 3

«Ang Inyong tulong, aking Panginoon. Ako ay napakahina. At ayaw ko nang magkasalang muli. Sinabihan ko na ang lalaki. Subalit ngayon na hind na ako isang nagkakasala, wala akong nalalaman. Hindi ko alam kung ano ang mabuti. Ano ang aking gagawin? Pakiusap na sabihin Ninyo sa akin. Ako ay putik. Subalit ang Inyong mga paa ay tumapak sa daan upang puntahan ang mga kaluluwa. Tapakan Ninyo ang aking putik, subalit puntahan ang aking kaluluwa dala ang Inyong payo.» Siya ay umiiyak.

«Hindi mo Ako masusundan, isang malungkot na babaeng katulad mo. Ngunit kung talagang ayaw mo nang magkasalang muli at kung ibig mong matuto kung papaano di magkasala, bumalik ka sa iyong bahay na may nagsisising isip at maghintay. Ang araw ay darating, kung saan kasama ang iba pang mga babae na mga natubos, magagawa mong mapalapit sa Tagapagtubos at matutunan ang siyensiya ng Kabutihan. Lakad na. Huwag kang matakot. Magpursige sa iyong kasalukuyang kalooban na hindi magkasala. Paalam.»

Ang babae ay hinahalikan ang lupa, tumayo, umatras nang mga ilang yarda, at pagkatapos, umalis, pagawing Sychar….


061110

 



Sunod na kabanata