149. Si Jesus Tinuturuan ang mga Apostol.

Abril 28, 1945.

«Aking Panginoon, bakit hindi Kayo nagpapahinga sa gabi? Kagabi ako ay bumangon at hindi ko Kayo nakita. Kayo ay wala sa Inyong higaan.»

«Bakit mo Ako hinahanap, Simon?»

«Ibig kong ibigay sa Inyo ang aking manta. Ako’y nag-aalala na baka Kayo giniginaw sa malinaw ngunit napakalamig na gabi.»

«At ikaw ba ay hindi giniginaw?»

«Sa loob ng maraming taon nasanay na ako sa di-maayos na pananamit, di-maayos na pagkain at di-maayos na tinutuluyan… Ang lambak na iyon ng mga patay!... Gaano nakakatakot! Sa ngayon hindi ito ang kaso. Ngunit sa muli nating pagpunta sa Herusalem, sapagkat tiyak na tayo ay pupunta roon, halikayo, aking Panginoon, sa lugar na iyon ng mga patay. Napakarami ang mga taong di-masaya roon… at ang kanilang pisikal na paghihirap ay hindi ang pinakamahirap… Ang mas nagpapahirap at umuubos sa kanila ay ang kanilang kawalang-pag-asa… Hindi kaya sa Inyong palagay, aking Panginoon, na ang mga ketongin ay natatratong napakalupit?»

Ang Iskariote ay ang tumugon sa Zealot, na ipinakikiusap ang tungkol sa kanyang dating mga kasamahan, bago makatugon si Jesus: «Kung gayon pababayaan mo sila na makasama ang mga taumbayan? Kalabisan iyan sa kanila kung sila ay mga ketongin!»

«Iyan ang ating kailangan upang maging mga martir ang mga Hudyo! Gaano kaganda ito na may mga ketongin na palakad-lakad sa mga kalsada kasama ang mga sundalo at iba pang mga bagay!...» bulalas ni Pedro.

«Sa palagay ko tama lang at mabuting hakbang ang panatilihin silang nakabukod» wika ni Santiago ni Alfeo.

«Oo. Subalit kailangan na gawin iyan sa may habag na pamamaraan. Hindi ninyo nalalaman kung papaano ang maging isang ketongin. Kung tama lang na bigyan ng pag-asikaso ang ating mga katawan, bakit hindi rin natin bigyan ng pag-asikaso ang mga kaluluwa ng mga ketongin? Sino ang nagsasalita sa kanila tungkol sa Diyos? At Diyos lamang ang nakaaalam kung gaano nila kailangan na isipin ang tungkol sa Diyos at tungkol sa kapayapaan sa kanilang nakaririmarim na pangungulila!»

«Simon, tama ka. Pupunta Ako sa kanila. Sapagkat iyan ay makatarungan at upang maturuan kayong lahat ng ganyang awa. Magpahanggang ngayon napagaling Ko pa lamang ang mga ketongin na natagpuan Ko na hindi sinasadya. Magpahanggang ngayon, ibig sabihin, hanggang sa Ako ay napalayas sa Judea, sa dahilan na sila itong labis na napapalayo at nasa higit na pangangailangan ng katubusan, upang maging tulong sa Tagapagtubos. Sa dahilan na Ako ay kumbinsidung-kumbinsido na ang ganyang pagtatangka ay lubos na walang silbi, inaabandona Ko ito, hindi Ko na tututukan ang malalakas, bagkus ang mas mabababa at mga miserableng tao sa Israel. At ang mga ketongin sa lambak ng mga patay ay isa sa mga ito. Hindi Ko bibiguin ang pananampalataya na mayroon ang mga tao sa Akin, ang mga taong pinagpahayagan ng mapagpasalamat na ketongin.»

«Papaano Ninyo nalaman, aking Panginoon, na ginawa ko iyon?»

«Katulad sa nalalaman Ko kung ano ang mga naiisip ng mga kaibigan at mga kaaway tungkol sa Akin, na ang kanilang mga puso ay Aking tinitingnan.»

«Mahabaging Diyos! Totoo ngang nalalaman Ninyo ang lahat tungkol sa amin. Guro!» pasigaw na wika ni Pedro.

«Oo, nalalaman Ko. At na ikaw din, at hindi lamang ikaw, ang may gustong palayasin si Photinai. Hindi ba ninyo nalalaman na hindi kayo pinahihintulutan na ilayo ang kaluluwa sa kabutihan? Hindi ba ninyo nalalaman na upang marating ang puso ng isang bayan kailangan na kayo ay maging mabait at maawain din sa mga taong tinatawag at hinuhusgahan ng lipunan bilang mga di-karapat-dapat ng awa, ng lipunan na hindi banal sapagkat ito ay hindi napagkikilala na kasama ng Diyos? Ngunit huwag mabalisa sa dahilan na nalalaman Ko ang lahat na iyan. Malungkot lamang kayo na ang mga damdamin ng inyong mga puso ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos at magsikap na hindi na ito mangyari sa hinaharap. Nasabi Ko na sa inyo na ang unang taon ay tapos na. Sa loob ng bagong taon Ako ay magpapatuloy sa Aking daan nang may bagong mga porma. Sa loob ng ikalawang taon kailangan na kayo ay umunlad din. Kung hindi magiging walang saysay para sa Akin na mágpagod sa pag-eebanghelyo, at labis-na-labis na pag-eebanghelyo sa inyo, Aking mga pari sa hinaharap.»

«Kayo ba ay umalis para magdasal, Guro? Nangako Kayo sa amin na ituturo Ninyo sa amin ang Inyong mga panalangin. Gagawin ba Ninyo ito ngayong taon?»

«Gagawin Ko. Subalit ibig Kong turuan kayo na maging mabuti. Ang kabutihan ay isang panalangin na. Ngunit gagawin Ko ito, Juan.»

«At tuturuan din ba Ninyo kami na gumawa ng mga himala ngayong taon?» tanong ng Iskariote.

«Ang mga himala ay hindi naituturo. Ang mga ito ay hindi isang laro ng isang salamangkero. Ang himala ay nanggagaling sa Diyos. Ang sinuman na may grasya sa mga mata ng Diyos ay makakakuha nito. Matututo kayo kung papaano maging mabuti, magkakaroon kayo ng grasya at makakakuha ng mga himala.»

«Ngunit hindi Ninyo sinasagot ang aming tanong. Si Simon ay tinanong Kayo at si Juan ay tinanong Kayo, ngunit hindi pa Ninyo sinasabi sa amin kung saan Kayo pumunta kagabi. Delikado na lumabas na nag-iisa sa loob ng isang bansa ng mga pagano.»

«Ako’y umalis upang gawing masaya ang isang matuwid na kaluluwa at dahil siya ay nakatalaga nang mamatay, lumakad Ako upang kunin ang kanyang pamana.»

«Kinuha Ninyo? Ito ba ay malaki?»

«Oo, Pedro, napakalaki at may malaking halaga. Ang bunga ng gawa ng isang tunay na makatarungang tao.»

«Ngunit wala akong nakitang anuman sa loob ng Inyong bag. Ito ba ay mga alahas na suut-suot Ninyo?»

«Oo, mga alahas na labis na mahal sa Aking puso.»

«Tingnan namin, Panginoon.»

«Mapapasa-Akin ang mga ito kapag ang taong nakatalagang mamatay ay mamatay. Pansamantala kailangan niya ang mga ito, at kailangan Ko ang mga ito, iniiwan ito kung nasaan ang mga ito.»

«Ito ba ay kanyang ipinuhunan na may interes?»

«Sa iyo bang palagay tanging pera lamang ang mahalagang bagay? Iyan ay ang pinaka-walang-kuwenta at maruming bagay sa lupa. May pakinabang lamang iyan para sa mga materyal na bagay, sa mga krimen at para sa impiyerno. Pambihira lamang gamitin iyan ng tao para sa mabuting pakay.»

«Bueno, kung ito ay hindi pera, ano ito?»

«Tatlong mga disipulo na pinorma ng isang santo.»

«Kayo ay pumunta kay Juan Bautista. O! Bakit?»

«Bakit? Lagi ninyo Akong nakakasama. At kayong lahat magkakasama ay hindi kasing halaga ng isang daliri ng Propetang iyon. Hindi ba tama na dalhin Ko ang pagpapalà ng Diyos sa banal na isa sa Israel upang palakasin siya sa kanyang martiryo?»

«Subalit kung siya ay banal… hindi siya nangangailangan na palakasin. Makapag-iisa siya!…»

«Ang araw ay darating kung kailan ang “Aking” mga santo ay ihaharap sa mga hukuman at itatalagang mamatay. Sila ay magiging mga santo, sa grasya ng Diyos, pinagagaanan ng pananampalataya, pag-asa at karidad. Subalit naririnig Ko na ang kanilang mga sigaw, ang sigaw ng kanilang mga kaluluwa: “Panginoon, tulungan Ninyo kami sa oras na ito!”. Tanging sa tulong Ko lamang ang Aking mga santo magiging malakas sa loob ng mga pag-uusig.»

«Hindi kami ang Inyong tinutukoy, hindi ba? Sapagkat ako ay lubos na walang kakayahan sa paghihirap.»

«Totoo iyan. Wala kang kakayahan sa paghihirap. Subalit, Bartolomeo, hindi ka pa nabibinyagan.»

«Nabinyagan na.»

«Sa tubig. Nangangailangan ka pa ng isang binyag. Pagkatapos magagawa mong maghirap.»

«Matanda na ako.»

«At kapag napakatanda na, magiging mas malakas ka pa kaysa sa isang binata.»

«Ngunit tutulungan pa rin Ninyo kami, gayunpaman, hind ba?»

«Ako ay laging makakasama ninyo.»

«Magsisikap na akong masanay sa paghihirap» sabi ni Bartolomeo.

«Ako ay lagi nang magdarasal, mula ngayon, upang makuha ang grasyang ito mula sa Inyo» sabi ni Santiago ni Alfeo.

«Ako ay matanda na at ang aking tanging hinihiling ay ang mauna ako sa Inyo at mapasok ang kapayapaan kasama Kayo» sabi ni Simon Zealot.

«Ako… ako hindi ko malaman kung ano ang gugustuhin ko. Kung mauna sa Inyo o málapit sa Inyo at mamatay na magkasama» sabi ni Judas ni Alfeo.

«Hindi ako magiging masaya kung mahuhuli ako sa Inyo. Subalit mapagagaanan ako ng pagpapahayag sa Inyo sa mga tao» paglalahad ng Iskariote.

«Parehas kami ng opinyon ng Inyong pinsan» sabi ni Tomas.

«Ako, sa halip, ay pareho kay Simon Zealot» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Ang ano ang sa iyo, Felipe?»

«Bueno… sasabihin ko na hindi ko alam kung ano ang aking iisipin tungkol diyan. Ang Eternal na Ama ay ibibigay sa akin ang pinakamabuti.»

«O! Tumahimik kayo. Iniisip ninyo na ang Guro ay malapit nang mamatay! Ayaw kong isipin ang tungkol sa Kanyang kamatayan!» bulalas ni Andres.

«Tamang-tama ka, aking mahal na kapatid. Kayo ay bata pa at malusog, Jesus. Kayo ang maglilibing sa aming lahat, ibig kong sabihin sa mas nakatatanda sa Inyo.»

«Papaano kung pinatay nila Ako?»

«Huwag na mangyari iyan sa Inyo, ngunit ipaghihiganti ko kayo.»

«Papaano? Sa pamamagitan ng madugong paghihiganti?»

«Bueno… sa pamamaraan din na ganyan, kung pahihintulutan Ninyo ako. Kung hindi, sa pamamagitan ng paglalahad ko ng aking pananampalataya sa Inyo sa mga tao, sasagutin ko ang mga akusasyon na iniharap laban sa Inyo. Ang mundo ay mamahalin Kayo sapagkat hindi ako mapapagod sa pagpapahayad tungkol sa Inyo.»

«Iyan ay totoo at iyan ang mangyayari. At ano ang tungkol sa iyo, Juan, at ikaw, Mateo?»

«Kailangan kong maghirap at maghintay hanggang nahugasan ko na nang labis ang aking kaluluwa» sabi ni Mateo.

«At ako… hindi ko alam. Ibig kong mamatay kaagad upang hindi ko Kayo makitang naghihirap. Ibig kong maging malapit sa Inyo at paginhawahan Kayo sa Inyong paghihirap. Ibig kong mabuhay nang mahabang panahon na mapaglingkuran Kayo. Ibig kong mamatay kasama Kayo upang mapasok ang Langit na kasama Kayo. Ibig ko ang lahat, sapagkat minamahal ko Kayo. At sa aking palagay ako, ang pinaka-aba sa aming magkakapatid, ay magagawa ang lahat na ito, kung malalaman ko kung papaano Kayo mamahalin nang tama. Jesus, palakihin Ninyo ang Inyong pagmamahal!» sabi ni Juan.

«Ang ibig mong sabihin: “Palakihin ang aking pagmamahal”» wika ng Iskariote.

«Hindi. Sinasabi ko: “Palakihin ang Inyong pagmamahal”. Sapagkat habang mas dinadarang tayo ng Kanyang pagmamahal, mas lalo tayong makapagmamahal.»

Si Jesus ay kinakabig ang purong mapagmahal na Juan sa Kanyang sarili at hinahalikan ang kanyang noo nagsasabing: «Naibunyag mo ang isang misteryo ng Diyos tungkol sa pagpapabanal ng mga puso. Ang Diyos ay pinadadaloy ang Kanyang Sarili sa mga makatarungang kaluluwa, at habang mas sumusuko sila sa Kanyang pagmamahal, mas lalo Niya itong pinalalaki at ang kanilang kabanalan ay lumalaki. Iyan ang mahiwaga at di-maipapahayag na gawa ng Diyos at ng mga kaluluwa. Ito ay naisasagawa sa makalangit na katahimikan, at ang kapangyarihang nito, na hindi maipaliliwanag ng pantaong mga salita, ay nakalilikha ng di-mailalarawang mga obra-maestra ng kabanalan. Iyon ay hindi isang pagkakamali, bagkus isang may-dunong na panalangin, ang hingin sa Diyos na palakihin ang Kanyang pagmamahal sa puso ng isang tao.»

061110




Sunod na kabanata