150. Si Jesus sa Nazareth. «Anak. Sasama Ako sa iyo.»

Abril 30, 1945.

Si Jesus ay nag-iisa. Siya ay naglalakad nang mabilis sa tabi ng pangunahing daan malapit sa Nazareth. Pinasok Niya ang nayon at ang Kanyang mga paghakbang ay patungo sa Kanyang bahay. Nang Siya ay malapit na rito nakita Niya ang Kanyang Ina. Si Maria din ay patungo sa bahay at kasama Niya ang Kanyang pamangkin na si Simon, may dala-dalang isang bigkis ng mga panggatong na kahoy. Si Jesus ay tinawag Niya si Maria: «Inay!»

Si Maria ay lumingon bumulalas: «O! Mahal Kong Anak!» at kapwa sila tumakbo upang tagpuin ang isa’t isa, habang si Simon ay binibitawan ang mga panggatong sa lupa at katulad ni Maria siya ay tumakbo patungo kay Jesus at binati niya Siya nang buong puso.

«Inay, naririto na Ako. Masaya na ba Kayo ngayon?»

«Napakasaya, Anak. Ngunit… Kung Ikaw ay pumunta dahil pinakiusapan kita, sasabihin Ko sa iyo na hindi ito tama para sa Akin o para sa iyo na makinig sa tawag ng dugo, kaysa sa Iyong misyon.»

«Hindi, Inay. Ako ay naparito para din sa ibang mga dahilan.»

«Totoo ba ito, Anak? Akala Ko, ibig Kong maniwala na iyon ay mga bali-balita lamang at na Ikaw ay hindi labis na kinapopootan…» At may mga luha sa tinig ni Maria at sa Kanyang mga mata.

«Huwag Kayong umiyak, Inay. Labis Akong nahihirapan niyan. Kailangan Ko ang Inyong mga ngiti.»

«Oo, Anak. Totoo iyan. Nakikita Mo ang napakaraming mararahas na mukha ng mga kaaway, na kailangan Mo ang labis na ngumingiting pagmamahal. Ngunit dito, kita Mo? Naririto Siya na nagmamahal sa iyo para sa lahat…» Si Maria ay medyo nakasandal sa Kanyang Anak, Na niyayakap ang Kanyang mga balikat, at habang naglalakad nang mabagal patungo sa bahay, nagsisikap Siyang ngumiti, upang maalis ang lahat na kapighatian sa puso ni Jesus.

Si Simon ay nakuha na muli ang bigkis na panggatong at naglalakad nang katabi ni Jesus.

«Kayo ay maputla, Inay. Labis ba nila Kayong pinamimighati? Nagkasakit ba Kayo? Pinagod ba Ninyo nang labis ang Inyong sarili?»

«Hindi, Anak, walang sinuman ang nagpamighati sa Akin. Ang tanging kapighatian Ko lamang ay na Ikaw ay malayo sa Akin at hindi Ka nila minamahal. Dito ang lahat ay mabait sa Akin. Ni hindi Ko na nga babanggitin si Maria at si Alfeo; Alam Mo kung ano ang katulad nila. Si Simon din, kita Mo kung gaano siya kabuti. Siya ay laging ganyan. Natulungan niya Ako sa loob ng mga nakaraang buwan na ito. Siya ngayon ay tinutustusan Ako ng panggatong. Napakabuti niya. Si Jose rin. Sila ay napakamaalalahanin sa kanilang Maria.»

«Pagpalain ka nawa ng Diyos, Simon, at sana pagpalain din Niya si Jose, pinatatawad Ko kayo sa hindi pa ninyo pagmahal sa Akin bilang Mesiyas. O! Darating din ang araw na mamahalin ninyo Ako bilang Kristo! Subalit papaano Ko kayo patatawarin sa hindi pagmahal sa Kanya?»

«Tama lang at kapayapaan ang mahalin si Maria, Jesus. Ikaw ay minamahal din… kaya lang, kita Mo, labis kaming natatakot para sa iyo.»

«Oo, minamahal ninyo Ako sa pantaong pagmamahal. Darating kayo sa isa pang pagmamahal.»

«Ikaw, din, Anak, ay maputlang tingnan at payat.»

«Oo, mas matanda Kang tingnan. Nakikita ko rin iyan» wika ni Simon.

Sila ay pumasok sa bahay, at si Simon, matapos na ilagay ang mga panggatong sa lugar nito, ay umalis nang hindi nagpahalata.

«Anak, ngayon na tayo ay mag-isa na lang, sabihin Mo sa Akin ang katotohanan. Ang buong katotohanan. Bakit Ka pinalayas nila?» Si Maria ay nagsasalita ang Kanyang mga kamay nasa mga balikat ni Jesus at tinititigan ang Kanyang payat na mukha.

Si Jesus ay ngumingiting may-kabaitan subalit may-kalungkutan: «Sapagkat sinikap Kong dalhin ang isang lalaki sa katapatan, katarungan at sa totoong relihiyon.»

«Ngunit sino ang mga nag-aakusa sa iyo? Ang taumbayan?»

«Hindi, Inay, ang mga Pariseo at mga eskriba, maliban sa ilan-ilan na mga makatarungan sa kanila.»

«Subalit ano ang Iyong nagawa upang mapunta sa iyo ang kanilang mga paratang?»

«Sinabi Ko sa kanila ang katotohanan. Nalalaman ba Ninyo na iyan ang pinakamalaking pagkakamali sa mga tao?»

«Ano ang nasasabi nila upang mapanindigan ang kanilang mga paratang?»

«Sila ay nagsalita ng mga kasinungalingan. Ang mga kilala Ninyo at marami pang iba.»

«Sabihin Mo sa Iyong Ina. Ilagay Mo ang Iyong kapighatian, lahat na kapighatian Mo sa sinapupunan Ko. Ang sinapupunan ng isang ina ay sanay sa kapighatian at masaya na ubusin ito, upang maalis ito sa puso ng kanyang anak. Ibigay Mo sa Akin ang Iyong kapighatian, Jesus. Halika rito, katulad ng ibig Mong gawin nang Ikaw ay isa pa lamang bata, at iwanan Mo ang lahat mong kapaitan.»

Si Jesus ay naupo sa isang maliit na bangkito sa paanan ni Maria at sinasabi Niya sa Kanya ang lahat na tungkol sa mga buwan na ipinamalagi Niya sa Judea, na walang sama ng loob at walang itinatagong anuman.

Si Maria ay hinahaplus-haplos ang Kanyang buhok na may kabayanihang ngiti sa Kanyang mga labì upang mapaglabanan ang mga luha na nagniningning sa Kanyang asul na mga mata.

Si Jesus ay binabanggit din ang pangangailangan na lapitan ang mga babae upang matubos sila at ang Kanyang kapighatian na hindi ito magawa dahil sa kasamaan ng mga tao.

Si Maria ay tumatango sa pagsang-ayon at pagkatapos Siya ay nagpasya: «Anak, kailangan na huwag Mo Akong pagkaitan ng gusto Ko. Mula ngayon Ako ay sasama sa iyo kapag aalis Ka. Ako ay sasama anumang oras, sa anumang panahon, sa anumang lugar. Ipagsasanggalang kita sa mga maling akusasyon. Ang simpleng presensya Ko ay mapapabagsak ang putik. At si Maria ay sasama sa Akin. Siya ay labis na nananabik. Iyan ang kakailanganin malapit sa Banal na Isa, laban sa dimonyo at laban sa mundo: isang puso ng ina.»

071110




Sunod na kabanata