152. Sa Bahay ni Zebedeo. Si Salome Tinanggap Bilang Isang Disipulo

Mayo 2, 1945.

Si Jesus ay nasa loob ng isang bahay, na, ayon sa mga sinasabi ng mga taong nakatira rito, naiintindihan ko na ito ay bahay nina Juan at Santiago. Kasama ni Jesus, bukod sa dalawang apostol, ay naririyan sina Pedro at Andres, si Simon Zealot, ang Iskariote at si Mateo. Hindi ko nakikita ang iba.

Sina Santiago at Juan ay masayang-masaya. Sila ay papunta-punta sa kanilang ina, kay Jesus, papalit-palit, katulad ng mga paruparo na hindi malaman kung saan sa kapwa paboritong bulaklak pupunta. Si Maria Salome, na masayang-masaya din, ay laging hinahaplos ang kanyang dalawang malalaking anak, habang si Jesus ay ngumingiti.

Maaaring sila ay nakakain na, sapagkat ang mesa ay may mga nakalapag pa. Ngunit ang dalawang disipulo ay hangga’t maaari ibig nilang makakain si Jesus ng ilang buwig ng puting ubas, na binuro ng kanilang ina at maaaring kasing tamis ng pulot. Ano ba ang hindi nila maibibigay kay Jesus?

Ngunit si Salome ay ibig na magbigay at tumanggap ng mas maganda kaysa mga ubas at mga haplos. At pagkaraan ng pagkawala-sa-isip nang ilang sandali, nakatingin siya kay Jesus, at pagkatapos kay Zebedeo, nagpasya ang kanyang isip. Siya ay lumapit kay Jesus Na nakaupong nakatalikod sa mesa, at lumuhod sa harapan Niya.

«Ano ang kailangan mo, babae?»

«Guro, Kayo ay nagpasya na ang Inyong Ina, at ang ina nina Santiago at Judas ay kailangan na sumama sa Inyo, at si Susanna rin ay sasama, at ang dakilang Johanna ni Chuza ay tiyak na sasama rin. Kung isang babae lamang ang sasama, ang lahat na iba pa na nagbubunyi sa Inyo, ay sasama na rin. Ibig kong maging isa sa kanila. Kunin Ninyo ako, Jesus. Paglilingkuran ko Kayo sa pamamagitan ng lahat ng aking pagmamahal.»

«Mayroon kang Zebedeo na kailangan asikasuhin. Hindi mo na ba siya minamahal?»

«O! Siyempre mahal ko siya. Ngunit mas mahal ko Kayong lalo. O! Hindi ko ibig sabihin na mahal ko Kayo bilang isang lalaki. Ako ay animnapung taong gulang na, ako ay naging isang asawa sa loob ng halos limampung taon na. Hindi ako masisiraan ng ulo ngayon na ako ay matanda na. Ni ang pagmamahal ko sa aking Zebedeo ay hindi matatapos dahil sa aking katandaan. Ngunit Kayo… Ako ay hindi magaling sa pagsasalita. Ako ay isang abang babae. Sasabihin ko sa Inyo sa pinakamaganda nang magagawa ko. Kaya: Minamahal ko si Zebedeo sa pamamagitan ng aking namamalaging likas na pagiging babae. Minamahal ko Kayo sa pamamagitan ng espiritu na Inyong napukaw sa akin gawa ng Inyong mga salita at ng kung ano ang nasabi sa akin nina Santiago at Juan. Ito ay ganap na iba… subalit napakaganda.»

«Ito ay hindi magiging kasing napakaganda katulad ng pagmamahal ng isang napakabuting asawa.»

«O! Hindi. Ito ay mas mahigit na maganda. O! Huwag mong masamain ito, Zebedeo! Minamahal pa rin kita nang buong puso. Ngunit minamahal ko Siya ng isang bagay, na Maria pa rin, subalit ito ay hindi na Maria, ang iyong kaawa-awang asawa, ito ay mas mahigit pa rito… O! hindi ko alam kung  papaano ko sasabihin sa iyo!»

Si Jesus ay hindi ngumingiti sa babae na ayaw na masaktan ang kanyang asawa, ngunit hindi maitago ang kanyang bagong pag-ibig. Si Zebedeo din ay ngumingiti nang grabe, at lumapit sa kanyang asawa, na, nasa kanyang mga tuhod pa rin, ay lumingon upang tingnan ang kanyang asawang si Zebedeo at si Jesus salit-salitan.

«Hindi mo ba nababatid, Maria, na kailangan mong iwanan ang iyong bahay? At labis mo itong ipinagmamalaki? Ang iyong mga kalapati, ang iyong mga bulaklak… ang mga baging na ito na mga nagbubunga ng matatamis na ubas na labis mong ipinagmamalaki… ang iyong mga bahay-pukyutan, na siyang kilalang-kilala sa nayon… at mawawala na sa iyo ang iyong habihan kung saan nakapaghabi ka ng napakaraming linen at labis na delana para sa iyong mga mahal sa buhay… At papaano ang iyong mga maliliit na pamangkin? Ano ang gagawin mo kung wala sila?»

«O! Aking Panginoon! Ano ang kahalagahan ng lahat ng ito: mga pader, mga kalapati, mga bulaklak, mga baging, mga bahay-pukyutan, mga habihan, lahat ito ay mabubuti at mga mahal na mga bagay, subalit napakawalang-kuwenta kung ikukumpara sa Inyo at sa pagmamahal sa Inyo?! Ang aking maliliit na pamangkin… Bueno! Oo! Malulungkot ako na hindi ko na sila mapapatulog sa aking lapi o mapapakinggang tumatawag sa akin… Ngunit lubos Kayong mas mahalaga! O! Mas mahalaga Kayong lubos kaysa sa lahat ng mga bagay na Inyong binanggit! At kung ang lahat na mga iyan ay sama-samang titingnan at gawa ng aking kahinaan maging kasing mahal o mas mahal ko pa kaysa paglingkuran at sundan Kayo, kalilimutan ko itong lahat, nang may mga luha ng isang babae, upang sundan Kayo nang may ngiti ng aking kaluluwa. Kunin Ninyo ako, Guro. Santiago, Juan, maaari bang sabihin ninyo sa Kanya… at ikaw din, aking asawa. Maging mabuti. Tulungan ninyo ako.»

«O sige. Kasama ka ng iba. Ibig Kong pagnilay-nilayan mong mabuti ang nakaraan at ang kasalukuyan, ang kung ano ang iiwanan mo at ano ang makukuha mo. Ngunit halika, Salome. Ikaw ay may gulang na upang pumasok sa Aking pamilya.»

«O! May gulang na! Ako ay mas maliit pa kaysa sa isang bata. Ngunit patatawarin Ninyo ang aking mga pagkakamali at hawakan Ninyo ako sa kamay. Kayo… sapagkat, magaspang na katulad ko, mas mahihiya ako sa harapan ng Inyong Ina at sa harapan ni Johanna. Ako ay mahihiya sa harapan ng lahat. Maliban sa Inyo. Sapagkat Kayo ay ang Mabuting Isa at Kayo ay nakaiintindi, kinaaawaan at pinatatawad Ninyo ang lahat.»

071110




Sunod na kabanata