153. Si Jesus Nagsasalita sa Kanyang mga Disipulo Tungkol sa Apostolado ng mga Babae.

May 3, 1945.

«Ano ang nangyayari sa iyo, Pedro? Mukha kang di-kontento» tanong ni Jesus, Na naglalakad sa isang daanan-ng-tao sa ilalim ng mga puno ng almendras na nasa pamumulaklak, na nagbabalita sa mga tao na ang pinakamasamang panahon ay tapos na.

«Nag-iisip ako, Guro.»

«Ikaw ay nag-iisip, alam Ko. Ngunit parang hindi ka nag-iisip tungkol sa masasayang mga bagay!»

«Sa dahilan na nalalaman Ninyo ang lahat tungkol sa amin, alam na Ninyo ang aking mga iniisip.»

«Oo, alam ko. Ang Diyos Ama rin ay nalalaman ang mga pangangailangan ng mga tao, subalit gusto Niya sa tao ang pagpapalagayang-loob na magbubunyag ng kanyang mga pangangailangan at manghihingi ng tulong. Sasabihin Ko sa iyo na nagkakamali ka sa pagkakágambala.»

«Kung gayon ang aking asawa ay hindi mas nakukulangan ng Inyong pagmamahal?»

«Siyempre hindi, Pedro. Bakit siya pagkukulangan ng pagmamahal? Marami ang mga tirahan sa Langit ng Aking Ama. At marami ang mga gawain ng mga tao sa lupa. At ang lahat ay banal, kung ang mga ito ay isinasagawa sa isang banal na pamamaraan. Magagawa Ko bang sabihin na lahat na mga babae na hindi gumagaya sa mga Maria at mga Susanna ay hindi gusto ng Diyos?»

«Tiyak na hindi! Ang akin ding asawa ay naniniwala sa Guro, subalit hindi niya ginagaya ang halimbawa ng ibang mga babae» sabi ni Bartolomeo.

«Ni hindi rin ang aking asawa o ang aking mga anak na babae. Sila ay nananatili sa bahay, subalit sila ay laging handa na bigyan tayo ng matutuluyan, katulad ng kanilang ginawa kahapon» sabi ni Felipe.

«Sa aking palagay ang aking ina ay gayon din ang gagawin. Hindi niya maiiwanan ang lahat… siya ay nag-iisa» sabi ng Iskariote.

«Totoo iyan! Nalulungkot ako sapagkat ang akin ay napaka… napakaliit… O! hindi ko maipaliwanag.»

«Huwag mo siyang pintasan, Pedro! Ang iyong asawa ay isang matapat na babae» sabi ni Jesus.

«Siya ay mahiyain. Ang kanilang ina ay pinalaki silang lahat sa ilalim ng kanyang hinlalaki, kapwa ang kanyang mga anak na babae at mga manugang-na-babae» sabi ni Andres.

«Ngunit sana nagbago na siya sa loob ng mga taon na nakasama ko siya!»

«O! Aking kapatid! Hindi ka rin naman mismo ganyan katamis na kasama, alam mo. Kung ang isang tao ay mahiyain, katulad mo ang isang rayos sa kanyang gulong. Ang aking hipag ay napakabuti at ang pinakamagandang pruweba nito lagi niyang matiyagang pinagpapasyensiyahan ang kanyang ina at ang kanyang masamang ugali, at ikaw at ang iyong pagkadominante.»

Lahat sila ay napatawa sa matapat na paghinuha ni Andres at sa nagtatakang mukha ni Pedro nang mapakinggan niya ang tungkol sa kanyang pagkadominante.

Karagdagan pa, si Jesus ay buong pusong napatawa. Pagkatapos Kanyang sinabi: «Ang mga matatapat na babae na hindi nila maiwanan ang kanilang mga bahay upang sundan Ako ay gayon din ang magiging kapakinabangan para sa Akin sa pananatili nila sa bahay. Kung lahat sila ay ibig na sumama sa Akin, kakailanganin Ko na pakiusapan ang iba sa kanila na manatili sa kanilang mga bahay. Ngayon na ang ilang mga babae ay sasama sa atin, kailangan Ko rin na tingnan ang kanilang mga pangangailangan. Ito ay hindi magiging desente o mabuti para sa mga babae na wala silang matutuluyan habang sila ay umiikot. Tayo ay makapagpapahinga kahit saan. Ang isang babae ay iba ang pangangailangan kaysa sa mga lalaki, at nangangailangan ng matutuluyan. Lahat tayo ay makatutulog sa isang lugar, ngunit hindi sila maaaring makasama sa atin, kapwa dahil sa respetong para sa kanila at dahil sa kanilang mas maselang pangangatawan. Hindi natin kailangan na subukan ang Katalagahan at ang kalikasan hanggang sa higit pa sa mga limitasyon nito. Ngayon, sa bawat mapagkaibigang bahay, kung saan naroroon ang isa sa inyong mga babae, gagawa Ako ng isang matutuluyan para sa kanilang mga kapatid na babae. Gagawin Ko iyan sa iyong bahay, Pedro, sa iyo, Felipe, sa iyo, Bartolomeo, sa iyo, Judas. Hindi natin maaaring asahan na ang ating mga babae ay maglakbay nang walang-tigil, katulad natin. Sa halip gagawin natin silang maghintay sa atin, sa isang tagpuang lugar, mula kung saan tayo ay aalis sa umaga at babalik sa gabi. Bibigyan natin sila ng mga tagubilin tungkol sa mga oras ng pagpapahinga at ang mundo ay hindi na magbubulung-bulong, kung ang mga di-masasayang babae ay pupunta sa Akin, ni hindi na rin Ako mapipigilan na makinig sa kanila. Ang mga ina at mga asawa na sumusunod sa atin ay maipagsasanggalang ang kanilang mga kapatid na babae at Ako laban sa mga paninirang-puri ng mundo. Nakikita ninyo na Ako ay gumagawa ng mabibilis na paglalakbay upang batiin ang Aking mga kaibigan o kung saan nalalaman Ko na Ako ay may mga kaibigan. Hindi Ko ginagawa ito para sa Aking sarili. Ginagawa Ko ito para sa mas mahihinang disipulo na sa pamamagitan ng kanilang kahinaan masusuportahan nila ang ating lakas at makatutulong sila sa mas marami pang mga nilikha.»

«Sinabi Ninyo na tayo ay pupunta na sa Cæsarea ngayon. Sino ang naroroon?»

«Ang mga nilikhang naghahanap sa totoong Diyos ay matatagpuan kahit saan. Ang tagsibol ay ibinalita na ng mga pamumulaklak ng klabel ng puting almendras. Ang mga malalamig na raw ay tapos na. Sa loob lamang ng ilang araw magpapasya Ako tungkol sa mga lugar kung saan tayo titigil at mapatutuloy ang mga babaeng disipulo, at magsisimula na muli tayong mag-ikot, upang ikalat ang salita ng Diyos, nang hindi nag-aalala tungkol sa ating mga kapatid na babae, nang walang anumang ikatatakot tungkol sa paninirang-puri at ang kanilang pasyensiya at kabaitan ay kapwa magiging aral para sa atin. Ang oras ng pagbabagong-ayos ng mga babae ay halos naririto na. Magkakaroon ng dakilang pamumulaklak ng mga Banal na Birhen, mga asawa at mga ina sa Aking Simbahan.»

 091110

 

 



Sunod na kabanata