155. Ang Pagpagaling sa Maliit na Batang Babaeng Romano sa Cæsarea.

Mayo 5, 1945.

«Munting Juan, sumama ka sa Akin, dahil kailangan Kong isulat mo ang isang aral para sa mga konsagradong mga tao ng pangkasalukuyang panahon. Manood at magsulat.»

Si Jesus ay nasa Karagatan pa rin sa Cæsarea. Siya ay wala sa dating liwasan katulad kahapon, bagkus paloob pa sa kalupaan, mula kung saan ang daungan at ang mga barko ay makikita pa rin. Dito ay may napakaraming bodega at mga tindahan at dahil may mga nakalatag lamang na mga sapin sa lupa, sa bukas na lugar na ito, kung saan nakakalat ang iba't ibang mga paninda, nabatid ko na ito ay malapit sa lugar ng palengke, na baka inilagay dito malapit sa daungan at mga bodega, para sa kaluwagan ng mga mandaragat at ng mga taong bumibili ng mga panindang galing sa dagat. Maraming mga sigawan at pauli-uli ng mga tao. Si Jesus kasama si Simon at ang Kanyang mga pinsan, ay naghihintay para sa iba na bumibili ng mga pagkaing kakailanganin. May ilang mga bata na mausisang tumitingin kay Jesus, Na humahaplos sa kanila habang nakikipagusap sa Kanyang mga apostol. Sabi ni Jesus: “Nalulungkot Akong makakita ng di-pagkakontento  dahil nilalapitan Ko ang mga Hentil. Subalit ang Aking ginagawa ay bagkus ang kailangan Kong gawin at ang maging mabuti sa lahat. Kayo man lamang tatlo at si Juan ay kailangan na magsikap na maging mabuti; ang iba ay susundan kayo at gagayahin kayo.»

«Papaano ang isa magiging mabuti sa lahat?  Sa kabila na tayo ay hinahamak at sinisiil nila, hindi nila tayo naiintindihan, sila ay puno ng mga bisyo…» sabi ni Santiago ni Alfeo nang may paumanhin.

«Papaano ito gagawin ng isa? Ikaw ba ay masaya na ipinanganak ka nina Alfeo at Maria?»

«Siyempre, masaya ako. Bakit Mo ako tinatanong?»

«At kung halimbawang tinanong ka ng Diyos bago ka ipinaglihi, pinili mo kaya ang maipanganak ka nila?»

«Tiyak iyon. Ngunit hindi ko maintindihan.»

«Kung sa halip, ikaw ay ipinanganak ng isang Hentil, at narinig mo na may taong nag-aakusa sa iyo ng kagustuhan mong maipanganak ng isang Hentil na ama, ano kaya ang naisagot mo?»

«Nasabi ko sigurong… Nasabi ko sigurong: “Hindi ko kasalanan ito. Ako’y pinanganak niya, ngunit maaaring naipanganak ako ng iba”. Nasabi ko sigurong: “Hindi tama ang iyong akusasyon sa akin. Kung wala akong masamang ginagawa sa iyo, bakit mo ako kinapopootan?”.»

«Eksakto, ang mga tao ding ito, na hinahamak mo sapagkat sila ay mga pagano, ay masasabi rin iyan. Hindi sa merito mo na ikaw ay ipinanganak kay Alfeo, isang totoong Israelita. Mapasasalamatan mo lamang ang Eternal na Ama, Na nagkaloob sa iyo ng dakilang regalo, at dala ng pagpapasalamat at kababaang-loob maaari kang magsikap na madala sa totoong Diyos ang mga hindi tumanggap ng ganyang regalo.  Ang isa ay kailangan na maging mabuti.»

«Mahirap mahalin ang hindi natin kakilala.»

«Hindi. Hindi ito mahirap. Tingnan ninyo. Ikaw, na maliit na bata, halika rito.»

Ang isang maliit na batang lalaki, mga walang taong gulang ang edad, na naglalaro sa isang sulok kasama ang dalawa pang katulad niya, ay lumapit kay Jesus. Siya ay isang malakas na bata, na may maitim na buhok at  maputing balat.

«Sino ka?»

«Ako si Lucius, Caius Lucius, ni Caius Marius, isang Romano, anak ng Decurion ng mga guwardiya, na namamalagi rito pagkatapos na siya ay masugatan.»

«At sino naman ang mga iyon?»

«Sila ay sina Isaac at Toby. Ngunit hindi kami kailangan na magsabi, sapagkat sila ay hindi pinahihintulutan na makipaglaro sa amin. Ang mga Hudyo ay papaluin sila.»

«Bakit?»

«Sapagkat sila ay mga Hudyo at ako ay isang Romano. Sila ay pinagbabawalan na makihalo sa amin.»

«Ngunit ikaw ay nakikipaglaro sa kanila. Bakit?»

«Sapagkat kami ay magkakalaro. Lagi kaming naglalaro ng betu-beto o luksuhan. Ngunit kailangan namin na magtago.»

«At mamahalin mo kaya Ako? Ako ay isang Hudyo, rin, at hindi Ako isang bata. Isipin mo lang: Ako ay isang Guro, katulad halimbawa ng isang pari.»

«Anong pakialam ko? Kung mahal Mo ako, mamahalin din kita. At mamahalin Kita sapagkat minamahal Mo ako.»

«Papaano mo nalalaman?»

«Sapagkat Ikaw ay mabuti. Ang sinuman na mabuti, nagmamahal.»

«Kita ninyo, Aking mga kaibigan. Iyan ang lihim upang makapagmahal: ang maging mabuti. Pagkatapos makapagmamahal kayo nang hindi tinitingnan kung anong pananampalataya ang mayroon ang ibang tao.»

At si Jesus, hawak-hawak si Caius Lucius sa kamay, ay lumakad at hinaplus-haplos ang maliliit na mga batang Hudyo, na natatakot at nagtatago sa isang maliit na daanan at sinabi Niya sa kanila: «Ang mabubuting bata ay mga anghel. Ang mga anghel ay may iisang amangbayan lamang: ang Paraiso. Sila ay may iisang relihiyon lamang: ang relihiyon ng Iisang Diyos. Sila ay may iisang Templo lamang: ang Puso ng Diyos. Katulad ng maliliit na mga anghel, sila ay laging nagmamahalan sa isa’t isa.»

«Ngunit kapag makita nila kami papaluin nila kami…»

Si Jesus ay iniiling ang Kanyang ulo na nalulungkot ngunit hindi na tumugon…

Ang isang may-hitsura ang katawan na babae ay tinatawag si Lucius, na iniiwan si Jesus nagsasabing: «Ang aking ina!» at sumigaw siya sa babae: «Mayroon akong malaking kaibigan. Siya ay isang Guro!...»

Ang babae ay hindi umaalis na kasama ang kanyang anak, sa kabaligtaran, siya ay lumapit kay Jesus at tinanong Siya: «Mabuhay. Kayo ba ang Galilean na nagsalita sa daungan kahapon?»

«Oo, Ako nga.»

«Hintayin Ninyo ako, kung gayon. Babalik ako sandali lang» at siya ay umalis kasama ang kanyang maliit na anak na lalaki.

Pansamantala ang iba pang apostol ay dumating na rin, maliban kina Mateo at Juan, at sila ay nagtanong: «Sino ang babae?»

«Isang Romano, sa aking palagay» tugon ni Pedro at ng iba.

«Ano ang ibig niya?»

«Sinabi niya na maghintay kami rito. Malalaman natin.»

May ilang mga tao ang lumapit sa kanila pansamantala at mga naghihintay na may pag-uusisa.

Ang babae ay dumating may kasamang ibang mga Romano. «Kung gayon Kayo ang Guro?» tanong ng isa na mukhang isang katulong ng isang mayamang pamilya. Pagkatapos na makatanggap ng tugon ng pagsang-ayon, siya ay nagtanong: «Mababalisa ba Kayo kung kailangan Ninyong gamutin ang maliit na anak na babae ng isa sa mga kaibigan ni Claudia? Ang bata ay napupupusan ng paghinga hanggang sa maaaring mamatay at ang doktor ay hindi malaman kung ano ang dahilan nito. Mabuti ang lagay niya kagabi. Ngayong umaga siya ay naghihirap.»

«Tayo na.»

Naglakád sila nang kaunti sa isang kalsada patungo sa lugar kung saan sila naroroon kahapon at narating nila ang maluwang na nakabukas na pangunahing pamasukan ng isang bahay kung saan mga Romano ang tila nakatira.

«Sandali lamang.» Ang lalaki ay nagmadaling pumasok at halos kaagad-agad dumungaw muli at nagsabi: «Pasok kayo.»

Ngunit bago makapasok si Jesus ang isang parang dalagang babae ay lumabas. Ang kanyang kalunus-lunos na kalagayan ay kitang-kita. Hawak sa kanyang mga braso ang isang maliit na bata, mga ilang buwan pa lamang ang edad, ganap na di-gumagalaw, nangingitim dahil hindi makahinga. Masasabi ko na ang bata ay naghihirap sa matinding pagbabara ng lalamunan at malapit nang mawalan ng hininga. Ang babae ay kumapit sa dibdib ni Jesus katulad ng isang nalulunod na kumakapit sa bato. Ang kanyang mga luha ay nakapagpipigil sa kanya na makapagsalita.

Si Jesus ay kinuha ang sanggol, na ang maputlang maliliit na kamay na may mga kukong nagkukulay na ng asul ay nanginginig sa pag-aagaw-buhay, at itinaas siya. Ang kanyang maliliit na braso ay nakabitin na walang buhay. Ang ina, hindi isang mapagmataas na Romano sa harapan ng mga Hudyo, ay bumagsak sa paanan ni Jesus, sa alikabok, umiiyak, ang kanyang mukha nakatingala, ang kanyang buhok gulung-gulo, hinihigit ang tunika at manta ni Jesus ng kanyang mga nakaunat na kamay. Sa likuran at sa paligid niya ay naroon ang mga Romano ng sambahayan at mga kababaihang Hudyo ng bayan, tinitingnan siya.

Si Jesus ay binasâ ng laway ang Kanyang hintuturo, isinuot ito sa humahangos na maliit na bunganga, idinidiin ito pababa sa lalamunan.

Ang bata ay namilipit at nangitim ang mukha. Ang ina ay sumigaw: «Huwag! Huwag!» at siya ay namimilipit na tila siya ay tinutusok ng espada. Ang mga tao ay nakatigil ang kanilang paghinga.

Si Jesus ay inalis ang Kanyang daliri na may nakakabit na isang masa ng nabubulok na mga laman. Ang bata ay hindi na namimilipit, ito ay umiyak nang ilang sandali, pagkatapos kumalma at ngumiting walang nalalaman, ikinakaway ang mga kamay, at pinagagalaw ang kanyang mga labì katulad ng isang maliit na ibon, na sumisiyap na ikinakaway ang maliliit na pakpak habang naghihintay na mapakain.

«Kunin mo siya, babae. Pasusuhin mo siya. Magaling na siya.»

Ang babae ay litung-litong kinuha ang bata at nakaluhod pa sa alikabok hinahalikan niya ito at hinahaplus-haplos at pinasususo ang bata. Siya ay tila wala sa kanyang sarili, na tila nakalimutan niya ang lahat maliban sa kanyang anak.

Ang isang Romano ay tinanong si Jesus: «Papaano Mo ginawa iyon? Ako ang doktor ng Proconsul at ako ay magaling. Sinikap kong alisin ang nakabara, subalit ito ay napakalalim!... Ngunit Kayo… napaka…»

«Ikaw ay magaling. Ngunit ang Totoong Diyos ay hindi mo kasama. Pagpalain nawa Siya. Paalam.» At si Jesus ay papalabas na sana.

Subalit ang isang maliit na grupo ng mga Israelita ay sa pakiramdam nila kailangan nilang makialam. «Bakit ginawa Mo ang kalayaan na lapitan ang mga banyaga? Sila ay mga bulok at di-malinis, ang sinuman na lumapit sa kanila ay nagiging ganyan din.»

Sila ay tatlo at tinititigan sila ni Jesus nang mahigpit at pagkatapos sinabi Niya: «Hindi ba’t ikaw ay si Haggai, ang lalaking taga-Azotus,  na pumunta rito nang nakaraang Tishri upang asikasuhin ang negosyo kasama ang isang mangangalakal sa pundasyon ng lumang pontanya? Hindi ba’t ikaw ay si Jose ng Ramah, na pumunta rito upang hingin ang payo ng isang Romanong doktor, at nalalaman mo, katulad na nalalaman Ko, kung bakit ka nakipagkita? Kung gayon? Ang pakiramdam mo ba ay di-malinis?»

«Ang isang doktor ay hindi kailanman isang estranghero. Nanggagamot siya ng mga katawan at lahat na mga katawan magkakapareho.»

«At lalo na ang mga kaluluwa. At ano ba ang Aking pinagaling? Ang inosenteng katawan ng isang sanggol at sa pagpapagaling na ito umaasa Ako na mapapagaling Ko ang mga kaluluwa ng mga estranghero, na hindi mga inosente. Kung gayon kapwa bilang isang doktor at ang Mesiyas malalapitan Ko ang kahit sino.»

«Hindi, hindi Mo magagawa iyan.»

«Hindi, Haggai? At bakit ka nakikipagtransaksiyon sa mga mangangalakal na Romano?»

«Nilalapitan ko lamang sila sa pamamagitan ng kalakal at pera.»

«At sa dahilan na hindi mo hinihipo ang kanyang katawan, bagkus ang hinihipo lamang ng kanyang mga kamay, sa iyo bang palagay hindi ka narurumihan. O! Gaano kabulág at kalupít kayong lahat!

Makinig, ang lahat. Sa mismong aklat ng Propeta, na ang pangalan ay dala ng taong ito, dito ay nakasulat: “Tanungin ang mga pari ng katanungang ito tungkol sa Batas: ‘Kung ang isang lalaki ay nagdadala ng konsagradong karne sa loob ng kanyang kapa at sa pamamagitan ng kapang ito nadikitan nito ang tinapay, sabaw, alak o kahit na anong klaseng pagkain, ang mga pagkain bang ito ay nagiging banal? Ang mga pari ay tumugon: ‘Hindi, hindi ito nagiging banal”. Si Haggai kung gayon ay nagsabi: ‘Kung ang isang tao na nagawang di-malinis sa pagkakadikit sa isang patay ay nahipo ang alin man nito, ito ba ay nagiging di-malinis?’. Ang mga pari ay sumagot: ‘Oo, ito ay nagiging di-malinis’.”

Sa pamamagitan ng ganyang palipat-lipat, mali, pabagu-bagong sistema, hinahadlangan ninyo at sinusumpa ang Kabutihan at tinatanggap lamang ninyo kung ano ang may-pakinabang sa inyo. Pagkatapos wala nang pagkasuklam, wala nang pandidiri, wala nang nakakatakot. Maliban na hindi makasasama sa inyong personal na pangangailangan, nagpapasya kayo kung ang isang bagay ay malinis o di-malinis, kung ito ay nakapagpapalinis o hindi. At papaano kayo, mga sinungaling katulad ninyo, makapagsasabi na ang mapadikit sa banal na laman o ilang banal na mga bagay ay hindi nito mapababanal ang madidikitan nito; at kung ano ang mapadikit sa isang di-malinis na bagay ay magagawa nitong maging di-malinis ang madidikitan nito?

Hindi ba ninyo nababatid na pinasisinungalingan ninyo ang inyong sarili, mga huwad na mga ministro ng Batas ng Katotohanan, mga tagapagsamantala ng mismong Batas na iyan,  na inyong pinipilipit na tila ito ay isang tali na abaka, kapag nakikita ninyo na may kikitain kayo rito, kayong mapagkunwaring mga Pariseo? Sa ilalim ng mga dahilan na pang-relihiyon inilalabas ninyo ang inyong pantaong mainggitin na malisya, na ganap na pantao, kayong mga tagapaglapastangan ng kung ano ang pag-aari ng Diyos, mga tagapagbatikos at mga kaaway ng Mensahero ng Diyos. Sasabihin Ko sa inyong totoo na ang bawat aksiyon ninyo, bawat kongklusyon, bawat pagkilos ay gawa ng isang komplikadong tuso na mekanismo, kung saan ang mga roleta, mga kuwerdas, mga pabigat at mga baras ay ang inyong pagkamakasarili, inyong masisimbuyong damdamin, inyong pagkukunwari, inyong poot, inyong pananabik na mapangibabawan ang mga tao, inyong inggit.

Nakakahiya! Sakim, nanginginig, mapanikis, nabubuhay kayo sa labis na takot na kayo ay mapangibabawan ng isa na hindi ninyo kagrupo. Kayo kung gayon ay nararapat na maging katulad ng nananakot at nambubuwisit sa ninyo! Katulad ng sinasabi ni Haggai, sa isang tumpok ng dalawampung sukat kumikita kayo ng isa sa sampu, at sa limampung bariles kumikita kayo ng labindalawa, at binubulsa ninyo ang sobra, samantalang upang makapagbigay ng halimbawa sa mga tao at para maibigay ang pagmamahal sa Diyos, kailangan na magdagdag kayo ng galing sa inyong sarili mismo sa tumpok ng mga sukat at sa bilang ng mga bariles, para sa kabutihan ng mga nagugutom, sa halip na alisin ito. Kayo kung gayon ay nararapat na maging mga baog sa pamamagitan ng nanununog na hangin at ng kalawang at mga ulang yelo, sa lahat na gawa ng inyong mga kamay.

Sino ang mga nasa pagitan ninyo na pumupunta sa Akin? Ang mga tinitingnan ninyo na tae at basura, na napakamangmang na ni hindi nila nalalaman na may totoong Diyos, pumupunta sila sa Isa Na nagdadala sa kanila ng Diyos na iyan, Na naroroon sa Kanyang mga gawa at sa Kanyang mga salita. Kayo, sa halip ay nagtayo ng nitso para sa inyong mga sarili at naninirahan kayo roon, kasing tuyo at kasing lamig ng mga diyus-diyusan naghihintay ng insenso at pagsamba. At sa dahilan na tinitingnan ninyo ang inyong mga sarili na mga diyos, tiningnan ninyong walang-kabuluhan ang isipin ang Totoong Diyos, katulad na ito ang dapat na isipin ng isa tungkol sa Kanya, at tinitingnan ninyong mapanganib na ang ibang mga tao na hindi katulad ninyo, ay pangahasan ang hindi ninyo pinangangahasan. Sa katunayan hindi kayo makapangahas, sapagkat kayo ay mga estatuwa at mga lingkod ng Estatuwa. Ngunit siya na nangangahas, ay nagagawa ito, sapagkat hindi siya, bagkus ang Diyos ang tumatrabaho sa Kanya.

Humayo! Sabihin sa mga nagpadala sa inyo na tiktikan Ako, na hinahamak Ko ang mga mangangalakal na ang mga pakiramdam hindi sila narurumihan kung ipinagbibili nila ang kanilang mga kalakal o ang kanilang amangbayan o ang Templo sa mga tao mula kung kanino tumatanggap sila ng pera. Sabihin sa kanila na naiinis Ako sa mga halimaw, na ang sinasamba ay ang kanilang sariling laman at dugo lamang, na para sa pagpapagaling nito hindi nila tinitingnan na nakapagpáparumi ang kontakto sa isang banyagang doktor. Sabihin sa kanila na ang sukat ay pare-pareho sa lahat at walang dalawang sukat. Sabihin sa kanila na Ako, ang Mesiyas, ang Makatarungan na Admirableng Tagapayo, kung Kanino ang Espiritu ng Panginoon ay pupunta kasama ang Kanyang pitong mga regalo, Na hindi manghuhusga sa pamamagitan ng kung ano ang nakikita ng mga mata, bagkus sa pamamagitan ng mga lihim ng mga puso, Na hindi magkukundina ng ayon sa napapakinggan ng Kanyang mga tainga, bagkus sa pamamagitan ng espirituwal ng mga tinig na Kanyang mapapakinggan mula sa bawat tao, Na kákampi sa mapagpakumbaba at huhusgahan ang mahirap nang may pagkamakatwiran, ang Isa Na Ako nga, sapagkat iyan kung Sino Ako, ay nanghuhusga na at hinahampas ang mga nasa lupa na walang iba bagkus lupa. At ang hinga ng Aking lábi ay kikitilin ang masama at sisirain ang kanilang mga lungga, ngunit magiging Buhay at Liwanag, Kalayaan at Kapayapaan para sa mga na mapagmithi ng katarungan at pananampalataya pupunta sa Aking Banal na Bundok upang papagsawain sa Siyensiya ng Panginoon. Iyan ay si Isaiah, hindi ba?

Aking sambayanan. Ang lahat ay nanggaling kay Adan at si Adan ay nanggaling sa Aking Ama. Ang lahat kung gayon ay gawa ng Ama at Aking katungkulan na ipunin ang lahat na tao para sa Ama. At dinadala Ko silang lahat sa Inyo, o Banal, Eternal, Makapangyarihang Ama. Ibabalik Ko sa Inyo ang naliligaw na mga anak, pagkatapos na maipon Ko silang lahat sa pamamagitan ng mapagmahal na mga salita, sa ilalim ng Aking tungkod ng pastol, katulad ng tungkod na itinaas ni Moses laban sa nakamamatay na mga ahas. Upang sana mapasa-Inyo ang Kaharian at ang Inyong Sambayanan. At hindi Ako namimili sapagkat sa kailaliman ng lahat ng mga tao may nakikita Akong nagniningning na mas maningning pa kaysa sa apoy: isang kaluluwa, isang kislap ng Inyong Eternal na Kaningningan. O Aking eternal na mithiin! O Aking walang-kapagurang kalooban!

Ito ang Aking gusto at ang Aking mithiin. Na ang buong kalupaan ay sana awitin ang Inyong Pangalan. Na ang sangkatauhan ay sana tawagin Kayong Ama. Isang Katubusan na magliligtas sa lahat. Isang pinatibay na kalooban na magagawa ang bawat tao na maging masunurin sa Inyong kalooban. Isang eternal na pananagumpay na magpupuno sa Paraiso ng walang-katapusan na hosana… O! Kulumpol ng mga Kalangitan! Tingnan, nakikita Ko ang ngiti ng Diyos… at iyan ang gantimpala na sumusukli para sa lahat ng kalupitan ng tao.»

Ang tatlong kalalakihan ay umalis sa loob ng ulan ng paninita. Ang lahat na iba pa, ang mga Romano at mga Hudyo, ay nakanganga. Ang babaeng Romano, kasama ang kanyang anak, na napasuso na nang busog at natutulog na nang mahimbing sa lapi ng kanyang ina, ay naroroon pa rin sa kanyang dating kinalalagyan, halos nasa paanan ni Jesus, umiiyak, napangingibabawan ng maka-inang lugod at espirituwal na emosyon. Marami ang napaluhá sa huling mga salita ni Jesus Na tila kumikislap sa kaluwalhatian ng Kanyang labis na kaligayahan.

At si Jesus, ibinababa ang Kanyang mga mata at bumabalik sa lupa mula sa Langit kasama ang Kanyang espiritu, ay nakita ang pulutong at ang ina… at habang dumaraan, pagkatapos na kumaway ng pagpapaalam sa lahat, ay hinahaplos nang kaunti ang ulo ng ina, pinagpapalà siya para sa kanyang pananampalataya. At Siya ay umalis kasama ang Kanyang mga disipulo, habang ang mga pulutong, nagtataka pa rin, ay nananatili sa kanilang kinalalagyan…

 (Ang bata-pang babaeng Romano, maliban kung ito ay isang pagkakahawig lamang, ay isa sa mga babaeng Romano na kasama ni Johanna ni Chuza sa daan ng patungong Kalbaryo. Sa dahilan na wala ritong tumawag sa kanya sa pangalan, hindi ako nakatitiyak).

 091110

 

 



Sunod na kabanata