16. Ang Anunsiyasyon.

Marso 8, 1944.

Ang aking nakikita. Si Maria, isang napakabatang babae: mukha Siyang labinlimang taong gulang, hindi hihigit. Siya ay nasa isang rektanggulong silid: isang silid tamang-tama para sa isang batang babae. Sa tabi ng isa sa mahahabang pader, ay may isang kama: isang mababang kama, walang balangkas, natatakpan ng makakapal na sapin o mga alpombra, na lumalabas na nakapatong sa mga tabla o sa mga balag na kahoy, sapagkat tuwid na tuwid ang mga ito at walang kahit anong lundo, na pangkaraniwang mayroon ang ating mga kama. Sa tabi ng isa pang pader ay may isang parang lalagyan ng mga aklat na may lampara ng langis, ilang mga rolyo ng pergamino, ilang gawaing pananahi maayos na nakalupi: ito ay tila pagbuburdang gawain.

Sa tabi ng lalagyan ng aklat, pagawing pintuan, na nagbubukas patungo sa pangkusinang-hardin at na ngayon ay natatakpan ng isang kurtina na napapagalaw nang kaunti ng isang mahinang ihip ng hangin, ay naroroon ang Birhen nakaupo sa isang mababang bangkito. Nag-iikid Siya ng ilang linen na kasing puti ng niyebe at kasing lambot ng seda. Ang Kanyang maliliit na kamay, mas madilim lamang nang kaunti sa linen, ay pinaiikot ang ikiran nang napakabilis. Ang Kanyang magandang mukha ay medyo nakatungo at Siya ay ngumingiti nang kaunti na tila hinahaplos o sinusundan Niya ang ilang magagandang naiisip.

May dakilang katahimikan sa maliit na bahay at sa pangkusinang-hardin. May dakilang kapayapaan kapwa sa mukha ni Maria at sa kapaligiran. May kapayapaan at kaayusan. Ang lahat ay maayos at malinis at ang silid, bagama't napaka-simpleng tingnan at napaka-simpleng sinangkapan – ito ay halos walang laman katulad ng isang selda – ay may kabalasikan at kamaharlikahan dahil sa kalinisan at sa pangangalagang inilaan sa paglalagay ng lahat: ang mga damit sa ibabaw ng kama, ang mga rolyo, ang lampara, ang tansong pitsel malapit sa lampara, na may bungkos ng mga sanga na nasa pamumulaklak sa loob nito. Hindi ko alam kung ito ay mga sanga ng melokoton o ng peras. Ito ay tiyak na mga sanga ng isang namumungang-punungkahoy, na may malarosas na puting mga bulaklak.

²Si Maria ay nagsisimulang umawit sa mababang tinig, pagkatapos itinataas ito nang kaunti. Ngunit hindi Siya umaawit nang malakas. Ngunit, ito ay isang tinig pa rin na nanginginig sa maliit na silid at ang isa ay madarama ang panginginig ng Kanyang kaluluwa rito. Hindi ko maintindihan ang mga salita dahil ito ay inaawit sa Hebreo. Ngunit sa dahilan na paminsan-minsan inuulit Niya katulad ngayon ang salitang «Jehovah» napag-isip-isip ko na ito ay baka isang sagradong awit, baka isang salmo. Baka naaalaala ni Maria ang mga awit ng Templo. At maaaring ito ay isang masayang alaala sapagkat inilalagay Niya ang Kanyang mga kamay sa Kanyang lapi, habang hawak-hawak pa ang sinulid at ang ikiran, at tinitingala ang Kanyang ulo at isinasandal sa pader: ang Kanyang mukha magandang namumula at ang Kanyang mga mata nawawala sa… kung ano kayang matamis na naiisip. Ang Kanyang mga mata ay nagniningning na may mga luha, na makikita ngunit hindi umaapaw, at nagagawa nitong magmukhang mas malaki ang Kanyang mga mata. Ngunit gayunpaman ang mga matang iyon ay ngumingiti, ito ay ngumingiti sa isang naiisip na nakikita at na sa pamamagitan nito si Maria ay naihihiwalay sa makalupang daigdig. Ang mukha ni Maria, namumula at may mga tirintas na nakapaikot katulad ng isang korona sa paligid ng Kanyang ulo, ay tila isang magandang bulaklak, habang lumilitaw ito mula sa Kanyang lisong puting damit.

Ang awit ay naging isang panalangin: «Kataastaasang Panginoon Diyos, huwag nang mag-antala pa sa pagpadala sa Inyong Lingkod upang madala ang kapayapaan sa mundo. Ipagkaloob sa amin ang paborableng panahon at ang dalisay at masaganang birhen para sa pagdating ng Inyong Kristo. Ama, Banal na Ama, pagkalooban Ako, Inyong lingkod na maialay Ko ang Aking buhay para sa pakay na ito. Pagkalooban Ako na mamatay pagkatapos na makita ang Inyong Liwanag at ang Inyong Hustisya sa lupa at pagkatapos na malaman na ang aming Katubusan ay napangyari na. O Banal na Ama, ipadala ang Pangako ng mga Propeta sa lupa. Ipadala ang Tagapagtubos sa Inyong katulong-na-babae, upang sa oras ng Aking kamatayan, ang Inyong tirahan ay sana mabuksan sa Akin, dahil ang mga tarangkahan nito ay nabuksan na ng Inyong Kristo para sa lahat na umasa sa Inyo. Halikayo, halikayo, O Espiritu ng Panginoon. Pumunta Kayo sa matatapat na naghihintay sa Inyo. Halikayo, Prinsipe ng Kapayapaan!...» Si Maria ay nananatiling nakasubsob nang gayon…

³Ang kurtina ay gumalaw nang mabilis, na tila may tao sa likod hinihipan ito o ginalaw ito upang hilahin ito. At ang isang perlas-na-kaputian na liwanag na may sinag-sa-ulo ng purong pilak ay nagawa ang medyo madilaw na mga pader na maging mas maputi at ginagawa ang mga kulay ng mga tela na maging mas matingkad at ang nakatingalang mukha ni Maria mas espirituwal. At sa ganitong liwanag, habang ang kurtina ay nakabukas pa sa misteryong papapangyarihin, ang Arkanghel ay ipinatirapa ang sarili: ang kurtina ay hindi na gumagalaw: ito ay nakabiting tuwid sa mga hamba katulad ng isang pader na naghihiwalay sa nasa loob mula sa nasa labas.

anunciationAng anghel ay kinailangan na kunin ang hitsura ng isang tao. Ngunit ito ay isang pagiging-taong hitsura. Mula sa anong klaseng laman ginawa ang maganda at kumikislap na pigurang ito? Sa pamamagitan ng anong nilalaman pinorma ito ng Diyos upang ito ay mádama ng mga pandama ng Birhen? Tanging ang Diyos lamang ang maaaring magkaroon ng nilalaman na ito at gamitin ito nang perpektong-perpekto. Ito ay isang mukha, isang katawan, mga mata, isang bunganga, buhok at mga kamay katulad ng atin. Ngunit hindi ito ang ating di-magandang materyal. Ito ay isang liwanag na ginaya ang kulay ng laman, ng mga mata, buhok, mga labì, isang liwanag na gumagalaw at ngumingiti, tumitingin at nagsasalita.

«Aba, Ginoong Maria, napupuno ng Grasya, Aba!» Ang tinig ay isang matamis na kalansing ng tubig katulad ng mga perlas na itinapon sa isang mamahaling metal na sahig.

Si Maria ay nagulat at itinungo ang Kanyang ulo. At Siya ay mas nagulat pa nang makita Niya ang nagniningning na pigura na lumuluhod mga isang metro ang layo mula sa Kanya at tinitingnan Siya nang may walang-katapusang pagpipitagan, ang mga kamay naka-krus sa kanyang dibdib.

Si Maria ay napatalon na tumayo at isinisiksik ang Kanyang sarili sa pader. Siya ay namumutla at namumulang salit-salitan. Ang Kanyang mukha ay nagpapakita ng sorpresa at takot. Idinidiin Niya nang di-sinasadya ang Kanyang mga kamay sa Kanyang dibdib itinatago ang mga ito sa ilalim ng Kanyang malalaking manggas. Siya ay yumuyuko, nagsisikap na maitago hangga't maaari ang Kanyang katawan. Isang aktitud ng mayuming kahinhinan.

«Hindi. Huwag matakot. Ang Panginoon ay kasama Mo! Ikaw ay pinagpalà sa lahat ng mga babae!»

Ngunit si Maria ay patuloy sa pagiging takót. Saan nanggaling ang kakaibang nilikhang ito? Siya ba ay mensahero ng Diyos o ng Manloloko?

«Huwag Kang matakot, Maria!» pag-ulit ng Arkanghel. «Ako si Gabriel, ang Anghel ng Diyos. Ang Aking Panginoon ay pinapunta ako sa Iyo. Huwag matakot, sapagkat nakatagpo Ka ng grasya sa mga mata ng Diyos. At Ikaw ay maglilihi at magdadala ng isang Anak at tatawagin Mo Siyang “Jesus”: Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataastaasan (at ganyan nga Siya totoong magiging). At ang Panginoong Diyos ay ibibigay sa Kanya ang trono ng Kanyang Ninunong si David at Siya'y maghahari sa Sambahayan ni Jacob magpakailanman, at ang Kanyang paghahari ay hindi magkakaroon ng katapusan. Intindihin, o Banal na Birhen minamahal ng Diyos, Anak na Babaeng pinagpalà Niya, tinawag na maging ang Ina ng Kanyang Anak, anong Anak ang Iyong ipanganganak!»

«Papaano ito mangyayari, dahil wala Akong alam sa lalaki? Baka kaya ang Panginoong Diyos ay hindi na tinatanggap ang alay ng Kanyang lingkod na babae at ayaw Niya Akong maging isang Birhen para sa Kanyang pagmamahal?»

«Hindi sa pamamagitan ng gawa ng tao Ikaw magiging isang ina, Maria. Ikaw ang Eternal na Birhen, ang Banal na Birhen ng Diyos. Ang Banal na Espiritu ay pupuntahan Ka at ang kapangyarihan ng Kataastaasan ay tatakpan Ka ng Kanyang anino. Upang ang Sanggol na ipanganganak Mo ay tatawaging Banal at Anak ng Diyos. Ang ating Panginoong Diyos ay nagagawa ang lahat. Si Elizabeth, ang baog na isa, sa kanyang katandaan ay ipinaglilihi ang isang anak na lalaki na magiging ang Propeta ng Iyong Anak, at maghahanda ng Kanyang mga daan. Inalis ng Diyos ang kanyang kahihiyan at ang kanyang alaala ay mananatili sa mga tao kasama ng Iyong pangalan, dahil ang pangalan ng kanyang anak ay idudugtong sa pangalan ng Iyong Banal na Anak, at hanggang sa katapusan ng mga siglo tatawagin Kang pinagpalà, dahil sa grasya ng Panginoon na napunta sa inyong dalawa at lalo na sa Iyo, na sa pamamagitan Mo ang Grasya ay dumating sa lahat na mga tao. Si Elizabeth ay nasa kanya nang ikaanim na buwan at ang kanyang dinadala ay itinataas siya sa lugod, at itataas pa siya nang higit pa kapag mabalitaan niya ang tungkol sa Iyong lugod. Walang imposible sa Panginoon, Maria, napupuno ng Grasya. Ano ang aking sasabihin sa aking Panginoon? Huwag Kang mabalisa ng kahit anong kaisipan, maging ano pa man ito. Ipagsasanggalang Niya ang Iyong mga interes kung Siya'y Iyong pagkakatiwalaan. Ang mundo, ang Langit, ang Eternal na Ama ay naghihintay sa Iyong salita!»

Si Maria ay inilagay ang Kanyang mga kamay nang pa-krus sa Kanyang dibdib at yumuyukong malalim, sinabi Niya: «Ako ang utusan ng Panginoon. Gawing mangyari sa Akin ang inyong sinabi.»

Ang Anghel ay nagniningning sa tuwa. Siya ay lumuluhod sa pagsamba sapagkat tiyak na nakikita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababa sa Birhen Na nakayuko sa pagsang-ayon. At siya ay nawala nang ni hindi nagagalaw ang kurtina, bagkus pinababayaan itong nakasarang-nakasara sa banal na misteryo.

(79)101009/022713/032813

Sunod na kabanata.