162. Si Jesus sa Bahay sa Capernaum Pagkatapos ng Himala kay Elisha.

May 13, 1945.

Mula sa gulayang-hardin, na nagsisimula nang yumabong sa lahat na mga bungkal nito, si Jesus ay pinapasok ang isang napakaluwang na kusina kung saan ang dalawang nakatatandang mga Maria (Maria ni Clopas at Maria ni Salome) ay nagluluto ng hapunan.

«Kapayapaan sa inyo!»

«O! Jesus! Guro!» Ang dalawang babae ay lumingon at binabati Siya, ang isa hawak sa kanyang mga kamay ang isang magandang isda, na kanyang inaalisan ng hasang, ang isa hawak pa ang isang kaldero puno ng mga gulay, na kumukulo, na kanyang inalis sa apoy upang tingnan kung ito’y luto na. Ang kanilang mababait na tumatanda nang mga mukha, namumula sa apoy at sa pagtatrabaho, ay nakangiti gawa ng lugod at tila nagiging mas bata at mas maganda sa kanilang kasayahan.

«Magiging handa na ito sa isang sandali na lamang, Jesus. Pagod Ka ba? Maaaring gutom Ka» sabi ng tiya Maria, nang may kasanayan ng isang kamag-anak at nagmamahal kay Jesus nang higit pa, sa palagay ko, sa kanyang pagmamahal sa sarili niyang mga anak.

«Hindi nang higit pa sa dati. Subalit Ako ay tiyak na kakain na may gana ng pagkain na inihanda ninyo ni Maria para sa Akin. At ang iba ay ganyan din. Naririto na silang dumarating.»

«Ang Iyong Ina ay nasa itaas. Alam Mo! Si Simon ay pumunta rito… O! Ako ay kasing saya ng isang langaylangayan ngayong gabi! Hindi. Hindi gaano sapagkat… Nalalaman Mo kung kailan ako magiging masaya katulad ng isang hari.»

«Oo, nalalaman Ko.» Si Jesus ay kinabig ang Kanyang tiya malapit sa Kanyang Sarili at hinahalikan ang kanyang noo at pagkatapos nagsabi: «Nalalaman Ko ang iyong mithiin at ang iyong walang-pagkakasalang inggit kay Salome. Subalit ang araw ay darating kung kailan masasabi mong katulad niya: «Ang lahat na mga anak ko ay lahat kay Jesus”. Ako ay pupunta sa Aking Ina.»

Siya ay lumabas, inakyat ang maliit na hagdanan at pumunta sa terasa, na nakakasakop sa kalahatian ng bahay, samantalang ang kalahati pa ay nasasakop ng isang napakaluwang na silid, mula kung saan lumalabas ang malalakas na tinig ng mga lalaki, at sa pagitan, ang malumanay na tinig ni Maria, ang malinaw na birheng tinig ng isang dalaga, na hindi naapektuhan ng maraming mga taon, ang tinig din na iyon na nagsabi: «Ako ang katulong na babae ng Panginoon» at siyang umawit ng mga oyayi sa Kanyang Sanggol.

Si Jesus ay lumalapit nang walang ingay, ngumingiti sapagkat ang Kanyang Ina ay nagsasabi: «Ang Aking tahanan ay ang Aking Anak. Hindi Ako naghihirap ng pagiging malayo sa Nazareth, maliban kung Siya ay nasa malayo. Ngunit kung Siya ay malapit sa Akin… O! Wala na Akong pangangailangan pang iba. At hindi Ako natatakot para sa Aking bahay… Ikaw ay naroroon…»

«O! Tingnan N’yo, naririyan si Jesus!» sigaw ni Alfeo ni Sarah, na dahil nakaharap sa pintuan, siya ang unang nakakita kay Jesus.

«Oo, naririto Ako. Kapayapaan sa inyong lahat. Inay!» Hinahalikan Niya ang Kanyang Ina sa noo at hinahalikan din Siya Niya. Pagkatapos nilingon Niya ang hindi inaasahang mga panauhin, ang Kanyang pinsan na si Simon, si Alfeo ni Sarah, si Isaac ang pastol at isang Jose na tinanggap ni Jesus sa Emmaus pagkatapos ng hatol ng Sanhedrin.

«Kami ay pumunta sa Nazareth at si Alfeo ay sinabi sa amin na pumunta kami rito. Kami ay pumunta. At si Alfeo ay ibig na sumama sa amin, at si Simon din» paliwanag ni Isaac.

«Hindi ako makapaniwala na ako ay paparito» sabi ni Alfeo.

«Ibig ko rin na makita Ka, mamalagi nang kaunting panahon kasama Ka at si Maria» pagtatapos ni Simon.

«At Ako ay masayang-masaya na makasama kayo. Tama ang Aking ginawa na hindi na magtagal pa katulad ng mithiin ng sambayanan ng Kedesh, kung saan Ako nakarating mula sa Gherghesa patungong Merom at umikot sa kabilang banda ng lawa.»

«Diyan ba Kayo nanggaling?»

«Oo, dinalaw Ko ang mga lugar na Akin nang napuntahan at ang malalayo pa. Nakarating Ako hanggang sa layo ng Giscala.»

«Anong habang daan!»

«Subalit anong dakilang ani! Alam mo ba, Isaac. Kami ay naging mga panauhin ng rabbi na si Gamaliel. Napakabait niya sa amin. At pagkatapos natagpuan Ko ang pangulo ng sinagoga ng Clear Water. Siya ay sasama rin. Ipinagkakatiwala Ko siya sa iyo. At pagkatapos… at pagkatapos nakakuha Ako ng tatlong disipulo…» si Jesus ay ngumingiting prangko, masayang-masaya.

«Sinu-sino sila?»

«Isang maliit na lalaki sa Korazim. Natulungan Ko siya nang matagal na, at ang abang lalaki, na isang tunay na Israelita na walang prehuwisyo, upang ipakita sa Akin ang kanyang pagmamahal, ay trinabaho ang kanyang lugar, katulad ng isang perpektong mag-aararo ng lupa. May isang batang lalaki, limang taong gulang, baka mahigit nang kaunti. Matalino at matapang. Nagsalita din Ako sa kanya nang una Kong marating ang Bethsaida at siya ay nakaalaalang mas mabuti pa kaysa sa mga adulto. Ang ikatlo ay ang isang matandang ketongin. Pinagaling Ko siya malapit sa Korazim isang gabi matagal na at pagkatapos iniwan Ko siya. Natagpuan Ko siyang muli, ibinabalita Ako sa pamamagitan ng kung ano ang natira sa kanyang kamay, gumaling ngunit may bahaging may kapansanan, at ng kanyang mga paa na gumaling subalit may wala sa porma, subalit malayo ang kanyang mga nilalakad. Ang mga tao ay nababatid kung gaano siya nagkaroon ng diperensiya kapag nakikita ang natira sa kanya at pinaniniwalaan nila ang kanyang mga salita na nararamtan ng damit ng pagpapasalamat. Madali para sa Akin na magsalita roon, sapagkat mayroong isa na gumagawang makilala Ako at madala ang ibang mga tao na maniwala sa Akin. At nangyaring makagawa Ako ng maraming himala. Labis ang magagawa ng isa na totoong naniniwala…»

Si Alfeo ay tumatango na hindi nagsasalita, patuloy na nawawala sa sarili, habang si Simon ay ibinababa ang ulo sa ilalim ng pahiwatig na paninisi, at si Isaac ay buong pusong nagsasayang dahil sa lugod ng kanyang Guro, Na malapit nang sabihin ang tungkol sa himala na ginawa kani-kanina pa lamang sa maliit na apo ni Eli.

Subalit ang hapunan ay nakahanda na, at ang mga kababaihan, kasama si Maria, ay inihahanda ang mesa sa loob ng maluwang na silid at dinadala ang mga pagkain doon at pagkatapos sila’y bumaba. Tanging ang mga lalaki lamang ang nananatili at si Jesus ay nag-aalay, nagbebendisyon at nag-aabot ng mga binahaging pagkain.

Ngunit kakaunti pa lamang ang nakakain, nang si Susanna ay umakyat nagsasabing: «Si Eli ay dumating may kasamang mga katulong at may dalang mga regalo. Ngunit ibig niyang makausap Kayo.»

«Pupunta Ako kaagad, o mas mabuti pa siguro, sabihin mo sa kanya na umakyat.»

Si Susanna ay umalis at bumalik pagkaraan ng kaunting sandali kasama ang matandang Eli at dalawang katulong na siyang mga nagbubuhat ng isang malaking basket. Sa likuran nila ay ang mga kababaihan, maliban sa Kabanalbanalang Birhen Maria, mausisang pasulyap-sulyap.

«Ang Diyos ay sumainyo, aking tagapagbigay-biyaya» pagbati ng Pariseo.

«At sa iyo, Eli. Pumasok ka. Ano ang kailangan mo? Ang iyo bang apo ay may sakit ulit?»

«O! Siya ay magaling-na-magaling na. Siya ay patalun-talon sa kusina katulad ng isang batang tupa. Bago nito ako ay tulala at litung-lito upang hindi ko nagampanan ang aking tungkulin. Ibig kong ipakita sa iyo ang aking pagpapasalamat at nakikiusap ako sa iyo na huwag tanggihan ang kaunti na aking inaalay sa iyo. Isang kaunting pagkain para sa iyo at sa iyong mga kaibigan. Iyan ay ang ani ng aking mga bukiring lupa. At… ibig kong… At ibig kong anyayahan Ka sa aking hapag-kainan bukas. Upang pasalamatan Kayong muli at parangalan Kayo, kasama ang aking mga kaibigan. Huwag tanggihan, Guro. Naiintindihan ko na hindi Ninyo ako minamahal at na kung pinagaling Ninyo si Elisha, iyon ay para lamang sa kabutihan niya, at hindi para sa akin.»

«Salamat. Subalit wala nang mga regalo ang kinakailangan.»

«Ang bawat dakila at may-pinag-aralang tao ay tinatanggap iyan. Iyan ang kaugalian.»

«At tinatanggap Ko. Ngunit iisang regalo lamang ang gustung-gusto Kong tanggapin, hindi, hinahanap Ko.»

«Ito ay? Kung maibibigay ko, ibibigay ko sa Inyo.»

«Ang inyong mga puso, inyong mga kaisipan. Ibigay ninyo ito sa Akin. Para sa inyong sariling kabutihan.»

«Subalit ikinunsagra ko ang akin sa Inyo, pinagpalang Jesus! Mapagdududahan ba Ninyo ito? Oo, ako… ako ay nakagawa sa Inyo ng mali. Subalit ngayon naintindihan ko na. Napakinggan ko rin ang tungkol sa kamatayan ni Doras, na nanakit sa Inyo… Bakit Kayo ngumingiti, Guro?»

«Naaalaala Ko ang isang bagay.»

«Akala ko hindi Ninyo pinaniniwalaan ang aking sinasabi.»

«O! Hindi. Alam Ko na kayo ay nayanig ng kamatayan ni Doras. Mas higit pa kaysa ng himala ngayong gabi. Ngunit huwag matakot tungkol sa Diyos, kung naiintindihan mo na, at kung mula ngayon ibig mo na maging Aking kaibigan.»

«Nakikita ko na Kayo nga ay tunay na isang propeta. Totoo iyan, ako ay mas natatakot… Ako ay patungo sa Inyo mas dala ng takot tungkol sa kaparusahan katulad ng kay Doras, kaysa ng tungkol sa aksidente. At ngayong gabi sinabi ko: “Naririyan ka na. Ang kaparusahan ay dumating na. At ito ay mas matindi pa, sapagkat hindi nito hinampas ang matandang terebinto sa sariling buhay nito, bagkus sa pag-ibig nito, sa lugod nito para sa buhay, sa paghampas sa maliit na terebinto na aking kinasisiyahan”. Naintindihan ko na iyon ay naging mas makatarungan sana katulad na iyon ay para kay Doras…»

«Naintindihan mo na iyon ay sana naging mas makatarungan. Ngunit hindi pa kayo noon naniniwala sa Kanya Na mabuti.»

«Tama Kayo. Ngunit hindi na ito ganito ngayon. Ngayon ay naintindihan ko na. Kung gayon, Kayo ba ay pupunta sa bahay ko bukas?»

«Eli, Ako ay nakapagpasya nang umalis pagsikat ng araw. Ngunit Aking ipagpapaliban ang Aking pag-alis nang isang araw, upang hindi mo sana isipin na kinasusuklaman kita. Makakasama mo Ako bukas.»

«O! Kayo nga ay totoong mabuti. Lagi kong tatandaan iyan.»

«Paalam, Eli. Salamat para sa lahat. Ang prutas na ito ay maganda, at ang keso ay maaaring kasing lasa ng mantikilya, at ang alak ay tiyak na napakasarap. Subalit naibigay mo sana ang lahat sa mga mahihirap sa ngalan Ko.»

«Mayroon para sa kanila, kung iyan ang ibig Ninyo, sa ibaba, sa ilalim ng lahat na iyan. Iyan ay isang pag-aalay para sa Inyo.»

«Bueno, ipamamahagi natin ito bukas nang magkasama, bago o pagkatapos ng kainan, ayon sa ibig mo. Ang gabi ay sana maging isang mapayapa para sa iyo, Eli.»

«At para sa Inyo. Paalam» at siya ay umalis kasama ang kanyang mga katulong.

Si Pedro, na ang panggagaya-gaya ay kuhang-kuha niya, ay kinuha ang laman ng basket, upang ibalik ito sa mga katulong, inilagay ang lukbutan sa mesa sa harapan ni Jesus at nagsasabi, na tila tinatapos ang isang nasa-loob niya na talumpati: «At ito ang unang pagkakataon na ang matandang kuwago ay nagbibigay ng limos.»

«Totoo iyan» pagpapatotoo ni Mateo. «Ako ay sakim, ngunit nalampasan niya ako. Nadoble niya ang kanyang puhunan sa pamamagitan ng pagpapatubo nang labis.»

«Bueno… kung babaguhin niya ang kanyang mga pamamaraan… Magandang bagay ito, hindi ba?» sabi ni Isaac

«Tunay na magandang bagay iyan. At tila ganito nga ito» sabi nina Felipe at Bartolomeo.

«Ang matandang Eli isang nagbalik-loob sa Diyos! Ah! Ah!» si Pedro ay tumatawang bigay na bigay.

Si Simon, ang pinsan, na laging nag-iisip, ay nagsabi: «Jesus, ibig kong… ibig kong sundan Ka. Hindi katulad ng mga taong ito. Bagkus katulad man lamang ng ginagawa ng mga babae. Hayaan Mong sumama ako sa aking ina at sa Iyong Ina. Lahat sila ay sumasama… ako, ako, isang kamag-anak… hindi ako umaasa na magkaroon ng lugar sa pagitan ng Iyong mga disipulo. Ngunit… ngunit isang kaibigan man lamang…»

«Pagpalain ka nawa ng Diyos, aking anak! Gaano na ako katagal naghihintay na mapakinggan na sasabihin mo iyan!» sigaw ni Maria ni Alfeo.

«Halika. Wala Akong tinatanggihang sinuman, o pinipilit na sinuman. Ni hindi Ako nagpapataw ng lahat sa lahat. Kinukuha Ko kung ano ang maibibigay mo sa Akin. Mabuting bagay ito dahil ang mga babae ay hindi laging mag-iisa, kapag kami ay pumupunta sa mga lugar na hindi nila alam. Salamat sa iyo, kapatid.»

«Sasabihin ko ito kay Maria» sabi ng ina ni Simon at dagdag pa niya: «Siya ay nasa maliit na silid sa ibaba nagdarasal. Magiging masaya Siya.»

… Napakabilis ang pagdilim. Nagsindi sila ng lampara upang makababa sa hagdanan na madilim na sa takipsilim, at ang ilan ay nagpatungo sa kanan, ang iba sa kaliwa, upang magpahinga.

Si Jesus ay lumabas, at naglalakad patungo sa baybayin ng lawa. Ang nayon ay tahimik, ang mga kalsada ay walang mga tao, walang sinuman ang nasa baybayin o nasa lawa sa walang-buwan na gabi. May mga bituin lamang na makikita sa kalawakan at mga bulong ng alon na mapapakinggan sa mabatong baybayin. Si Jesus ay sumakay sa nakadaong na bangka, naupo, inilagay ang isang kamay sa gilid at ipinatong ang Kanyang ulo rito. Hindi ko alam kung siya ay nag-iisip o nananalangin.

Si Mateo ay nilalapitan Siya nang napakatahimik: «Guro, Kayo ba ay natutulog?» nagtanong siya sa mababang tinig.

«Hindi, Ako ay nag-iisip. Halika rito sa tabi Ko, dahil ikaw ay hindi natutulog.»

«Akala ko Kayo ay balisa at sinundan ko Kayo. Hindi ba Kayo nasisiyahan sa Inyong isang araw na gawain? Nahipo Ninyo ang puso ni Eli, nakuha Ninyo si Simon ni Alfeo bilang isang disipulo…»

«Mateo, ikaw ay hindi isang simpleng tao katulad ni Pedro at ni Juan. Ikaw ay matalisik at may pinag-aralan. Maging prangko din. Magiging masaya ka ba dahil sa mga nakuhang iyan?»

«Ngunit… Guro… sila ay mas lagi nang mabuti kaysa sa akin at sinabi Ninyo sa akin, noong araw na iyon, na Kayo ay masayang-masaya dahil sa aking kombersiyon…»

«Oo. Subalit ikaw ay tunay na nagbalik-loob sa Diyos. At ikaw ay tunay sa iyong ebolusyon patungo sa Diyos. Ikaw ay pumunta sa Akin na walang ano pa man na pag-aaral ng kaisipan, ikaw ay pumunta sa pamamagitan ng kalooban ng iyong espiritu. Ngunit si Eli ay hindi katulad niyan… ni si Simon. Tanging ang pang-ibabaw lamang ng una ang nahipo: ang taong-Eli ay nagulat. Hindi ang espiritung-Eli. Iyan ay laging ganyan pa rin. Kapag ang pagkakapukaw na nagawa ng kamatayan ni Doras at ng kanyang apo ay makalampas na, siya ay magiging si Eli pa rin ng kahapon at katulad ng lagi. Si Simon!... siya, rin, ay walang iba bagkus isang tao. Kung nakita niya na Ako ay ininsulto sa halip na pinuri, kinaawaan sana niya Ako, at katulad ng dati lagi, iniwanan na sana niya Ako. Ngayong gabi napakinggan niya na ang isang maliit na lalaki, isang bata, isang ketongin ay nagagawa kung ano ang hindi niya magawa, bagama't siya ay isang kamag-anak; nakita niya ang pagmamalaki ng isang Pariseo na yumuko sa harapan Ko at siya ay nagpasya: “Ako rin”. Subalit ang mga kombersiyon na iyon na nangyari gawa ng pantaong pag-iisip-isip, ay hindi ang nakapagpapasaya sa Akin. Sa kabaligtaran ito’y nagpapahina ng loob sa Akin. Manatili ka sa tabi Ko, Mateo. Ang gabing ito ay walang buwan, subalit ang mga bituin man lamang ay kumikislap. Sa Aking puso ngayong gabi ay walang iba bagkus mga luha. Hayaan ang iyong pakikisama na maging ang bituin ng iyong nahihirapang Guro…»

«Guro, kung magagawa ko… Nakikita Ninyo! Ang problema ay ako’y laging ang kaawa-awang miserableng tao, isang mabuti para sa wala. Ako ay nagkasala nang labis upang makapagbigay ng lugod sa Inyo.  Ako ay hindi magaling sa pananalita. Hindi ko pa nga alam kung papaano sabihin ang bago, puro, banal na mga salita, ngayon na iniwanan ko na ang lumang wika ng pandaraya at kahalayan. At natatakot ako na hindi ko kailanman magagawang magsalita sa Inyo o tungkol sa Inyo.»

«Hindi, Mateo. Ikaw ay tao, na may lahat na masasakit na karanasan ng isang tao. Ikaw ay ang tao, na, bilang nakatikim ng putik at nakatitikim na ngayon ang selestiyal na pulot, ikaw ang makapagsasabi ng kaibahan ng dalawang lasa, at makapagbibigay ang tunay na pagsusuri at ito’y maiintindihan mo, at maiintindihan ng kapwa mo mga tao ngayon o isang araw. At paniniwalaan ka nila, sapagkat ikaw ay ang tao, ang kaawa-awang tao, na sa pamamagitan ng kanyang sariling kalooban, ay naging makatarungang tao na ninanais ng Diyos. Hayaan Ako, ang Tao-Diyos, na sumandal sa iyo, ang sangkatauhan na Aking minahal hanggang sa iwanan Ko ang Langit para sa iyo, at mamatay para sa iyo.»

«Hindi, hindi upang mamatay. Huwag Ninyong sabihin na Kayo ay magpapakamatay para sa akin!»

«Hindi para sa iyo, Mateo, bagkus para sa lahat na mga Mateo ng mundo at ng mga siglo. Yakapin mo Ako Mateo, halikan mo ang iyong Kristo, para sa iyong sarili at para sa lahat. Pagaanan mo ang Aking kapaguran ng isang hindi-maunawaang Tagapagtubos. Pinagaanan kita ng iyong kapaguran ng isang nagkakasala. Punasin mo ang Aking mga luha, sapagkat ang Aking kapaitan, Mateo, ay ang napakaliit na pagkaka-intindi nila sa Akin.»

«O! Panginoon, Panginoon! Oo. Siyempre!...» at si Mateo, nakaupo malapit sa Guro niyayakap Siya sa pamamagitan ng isang kamay, ay pinagiginhawahan ang Guro ng kanyang pagmamahal…

 

 



Sunod na kabanata