163. Ang Tanghalian sa Bahay ni Eli, ang Pariseo ng Capernaum.

May 14, 1945.

Ang bahay ni Eli ay abalang-abala ngayon. Ang mga katulong lalaki’t babae ay paparoo’t parito at sa pagitan nila ay naroroon ang maliit na si Elisha, isang aktibong maliit na batang lalaki. Pagkatapos ay naririyan ang dalawang maringal na personahe at dalawa pa. Kilala ko ang unang dalawa, bilang ang dalawang kasama ni Eli sa bahay ni Mateo. Hindi ko kilala ang dalawang huli, ngunit naririnig ko na sila ay tinatawag bilang Samuel at Joaquin. Si Jesus ang huling dumating kasama ang Iskariote.

Pagkatapos ng solemneng pambungad na mga pagbati, ay nagkaroon ng tanong: «Ito lang ang tanging kasama Ninyo? At ang iba?»

«Ang iba ay nasa kapaligiran ng kabukiran. Sila ay darating sa gabi.»

«O! Ikinalulungkot ko. Akala iyon ay… Totoo, kagabi Kayo lamang ang aking inimbita, ibig sabihin pati rin ang ibang kasama Ninyo. Ngayon ako ay natatakot na baka sila ay nasaktan, o… baka di nila minamarapat na pumunta sa aking bahay, gawa ng mga nakaraang di-pagkaka-intindihan… eh! Eh!» Ang matanda ay tumatawa…

«O! Hindi! Ang Aking mga disipulo ay hindi nila kinasisiyahan ang mapagmalaking pagtatampo o ang di-maalis na sama-ng-loob.

«Siyempre! Siyempre! Mabuti. Pumasok na tayo kung gayon.»

Ang karaniwang pagpapadalisay na seremonya at pagkatapos sila ay nagtungo sa komidor, na nagbubukas patungo sa maluwang na bakuran, kung saan ang unang mga rosas ay naghahatid ng masayang nota.

Si Jesus ay nilalaro ang maliit na Elisha, na naglalaro sa bakuran at may apat na maliliit na pulang marka na lamang sa kanyang kamay galing sa nakaraang problema. Ni hindi na niya naaalaala ang nakaraang takot, subalit naaalaala niya si Jesus at ibig niyang halikan Siya at siya ay mahalikan Niya, nang may naturalesa ng mga bata. Na ang kanyang maliliit na kamay nakapaikot sa leeg ni Jesus, siya ay nagsasalita sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang buhok, ipinagtatapat na kapag siya ay malaki na, siya ay pupunta sa Kanya at magtatanong: «Gusto Mo ba ako?»

«Ibig Ko ang lahat. Maging mabuti at ikaw ay sasama sa akin.»

Ang bata ay umalis patalun-talon sa paligid.

Sila ay naupo sa mesa at ibig ni Eli na maging perpekto na ginawa niyang makatabi si Jesus at sa kabila si Judas, upang siya ay napagigitnaan ni Eli at ni Simon, katulad na si Jesus ay nasa gitna nina Eli at Uriah.

Ang kainan ay nagsimula. Ang kanilang paguusap sa una ay walang halaga. Pagkaraan ito ay naging kaakit-akit. At sa dahilan na ang mga sugat ay mahapdi at ang mga tanikala ay mabibigat, ang paguusap ay napunta sa eternal na paksa ng pagka-alipin ng Palestina sa ilalim ng Roma. Hindi ko alam kung ito ay ginawang sadya o walang anumang masamang pakay. Alam ko na ang limang Pariseo ay nagrereklamo tungkol sa bagong mga pag-aabuso ng Roma, katulad ng isang paglalapastangan, at ibig nila na si Jesus ay maakit sa paguusap-usap.

«Alam n’yo! Ibig nilang pakialaman ang ating kinikita, hanggang sa pinakahuling sentimos. At dahil napupuna nila na tayo ay nagkikita-kita sa loob ng sinagoga upang pagusapan iyan at ang tungkol sa kanila, ngayon sila ay nagbabantang pumasok, na walang anumang pagrespeto. Natatakot ako na papasukin din nila ang mga bahay ng mga pari, isang araw ngayon!» sigaw ni Joaquin.

«Anong masasabi Ninyo tungkol diyan? Hindi ba Kayo naiinis?» tanong ni Eli.

Si Jesus ay tumugon sa direktang tanong: «Bilang isang Israelita, oo, bilang isang tao hindi.»

«Bakit ang pagkakaibang iyan? Hindi ko maintindihan. Kayo ba ay dalawa sa iisa?»

«Hindi. Subalit may laman at dugo sa Akin: ibig sabihin, ang hayop. At naririyan ang espiritu. Ang espiritu ng isang Israelita, ang pagsunod sa Batas, ay nasasaktan dahil sa ganyang mga paglabag. Ang laman at dugo ay hindi nasasaktan, sapagkat nagkukulang Ako ng dahilan na nakapag-pasasakit sa inyo.»

«Alin ‘yun?»

«Interes. Sinabi ninyo na kayo ay nagkikita-kita sa loob ng sinagoga upang pagusapan din ang tungkol sa negosyo nang walang katatakutang pakialamerong mga tainga. At kayo ay natatakot na hindi na ninyo ito magagawa at gayon din natatakot kayo na hindi na ninyo maitatago kahit na ang isang sentimos sa mga nangungulekta ng buwis at na kayo ay sisingilin nang eksakto ayon sa inyong mga ari-arian. Ako ay walang pag-aari. Ako ay nabubuhay sa karidad ng Aking mga kapwa at sa Aking pagmamahal sa kanila. Ni wala Akong ginto, mga bukiring lupa, mga ubasan, mga bahay, maliban sa bahay ng Aking Ina sa Nazareth, na napakaliit at aba na hindi ito papansinin ng mga asesor ng buwis. Dahil dito Ako ay hindi natatakot na malaman nila kung ang Aking listahan ng kita ay hindi tama at na Ako ay pagmumultahin at parurusahan. Ang tanging Aking pag-aari ay ang Salita na ibinigay sa Akin ng Diyos at na Aking ibinibigay. Ngunit ito ay isang mataas na bagay na ang tao ay walang anumang pamamaraan na mapakialaman niya ito.»

«Ngunit kung Kayo ay nasa katayuan namin ano ang Inyong gagawin?»

«Bueno, huwag ninyong mamasamain kung sasabihin Ko sa inyo nang prangko ang Aking opinyon, na ibang-iba ng sa inyo. Sasabihin Ko sa inyong totoo na iba ang Aking gagawin.»

«Papaano?»

«Hindi nananakit laban sa banal na katotohanan. Ito ay laging isang dakilang birtud, kahit na kung ito ay ilalapat sa pantaong mga bagay katulad ng buwis.»

«Subalit… pagkatapos…! Gaano nila tayo pagnanakawan! Ngunit hindi Ninyo tinitingnan na ang aming pag-aari ay malaki at kakailanganin namin na magbayad ng malaki!»

«Nasabi mo. Ang Diyos ay pinagkalooban kayo ng malaki. Sa proporsiyon kailangan na magbigay kayo ng malaki. Bakit kumikilos kayo nang napakasama, katulad na ito ay nakalulungkot na ginagawa ng marami, upang ang mahihirap na tao ay nabubuwisan nang wala sa proporsiyon? Nalalaman natin ang sitwasyon. Gaano karaming buwis sa Israel, ating mga buwis, ang hindi makatarungan! Ang mga malalakas, na labis na ang kanila, ang siyang nakikinabang dito. Samantalang sila ang ipinaghihirap ng kalooban ng mga mahihirap na siyang nabubuntunan na magbayad at kinailangan na magutom upang kitain ang pera. Ang pagmamahal sa ating kapwa ay hindi iyan ang iminumungkahi. Tayong mga Israelita ay kailangan na labis na alalahanin na ilagay sa ating sarili ang nagpapabigat sa mahihirap.»

«Iyan ang Inyong sinasabi dahil Kayo ay mahirap, din.»

«Hindi, Uriah. Sinasabi Ko iyan sapagkat iyan ay makatarungan. Bakit ang Roma nagagawa tayong apihin nang ganyan? Sapagkat tayo ay nagkasala at tayo ay nahati ng kapootan. Ang mayaman ay kinapopootan ang mahirap, ang mahirap ay kinapopootan ang mayaman. Sapagkat walang katarungan at ang kaaway ay sinasamantala ang sitwasyon at ginapi tayo.»

«Nagbanggit Kayo ng iba’t ibang mga dahilan… Mayroon pa bang iba?»

«Ayaw Kong masalungat ang katotohanan sa pagpilipít sa kalikasan ng isang lugar na ikinunsagra sa relihiyon at ginagawa ito sa halip na ligtas na kanlungan para sa pantaong mga bagay.» 

«Kayo ba ay kinagagalitan kami?»

«Hindi. Ako ay tumutugon sa inyo. Makinig sa inyong sariling mga konsiyensya. Kayo ay mga dalubhasa kung gayon…»

«Sasabihin ko na panahon na upang mag-alsa, magrebelde, magparusa sa mga mananakop at ibalik ang ating kaharian.»

«Totoo, totoo! Tama ka, Simon. Ngunit ang Mesiyas ay naririto. Kailangan na gawin Niya ito» tugon ni Eli.

«Ngunit ang Mesiyas, pansamantala, patawarin Ninyo ako, Jesus, ay tanging Kabutihan lamang. Ipinapayo Niya ang lahat, maliban ang pagrerebelde. Gagawin nating…»

«Makinig, Simon. Alalahanin ang aklat ng mga Hari. Si Saul ay nasa Gilgal, ang mga Pilisteo ay nasa Michmash, ang sambayanan ay natatakot at naikalat, ang propetang si Samuel ay hindi darating. Si Saul ay nagpasyang pangunahan ang lingkod ng Diyos at siya mismo ang nag-alay ng sakripisyo. Naaalaala mo ba ang itinugon ni Samuel, nang siya dumating, kay Saul na naging di-mahinahon: “Ikaw ay kumilos katulad ng isang tanga at hindi mo isinagawa ang utos na ibinigay sa iyo ng Panginoon. Kung iyon sana ay ginawa mo, nailagay na sana sa iyo ngayon ng Panginoon ang paghahari sa buong Israel magpakailanman. Ngunit ngayon ang iyong paghahari ay hindi magtatagal”. Ang wala-sa-panahon at mapagmalaking kilos ay hindi nakabuti sa hari o sa sambayanan. Ang Diyos ay alam ang oras. Ang tao hindi. Alam ng Diyos ang pamamaraan, ang tao hindi. Iwanan ang mga bagay-bagay sa Diyos at marapatin ang Kanyang tulong sa pamamagitan ng banal na mga pagkilos. Ang Aking Kaharian ay hindi isang kaharian ng paghihimagsik at kabangisan. Subalit ito ay maitatatag. Hindi ito nakatalaga para sa iilang mga tao. Ito ay magiging unibersal. pinagpalà ang mga pupunta roon, na hindi madadala sa pagkakamali gawa ng Aking abang hitsura, ayon sa espiritu ng mundo, at makikita ang Tagapagligtas sa Akin. Huwag matakot. Ako ay magiging Hari. Ang Hari na nanggaling sa Israel. Ang Hari na paabutin ang Kanyang Kaharian sa buong sangkatauhan. Subalit kayo, mga dalubhasa ng Israel, ay kailangan na huwag ninyong pagkamalan ang Aking mga salita at ang mga salita ng mga Propeta na nagbalita tungkol sa Akin. Walang pantaong kaharian, gaano man ito ka-makapangyarihan, ang unibersal at eternal. Ang mga Propeta ay nagsabi na ang Akin ay magiging ganyan. Iyan ay kailangan na makapagpaliwanag sa inyo tungkol sa katotohanan at sa pagiging espirituwal ng Aking Kaharian. Iniiwan Ko kayo. Ngunit Ako ay may isang hiling kay Eli. Ito ay ang iyong lukbutan. Sa panilungan ni Simon ni Jonas ay may ilang mahihirap na mga nanggaling kung saan-saan. Sumama ka sa Akin upang ibigay ang mga limos ng pagmamahal sa kanila. Ang kapayapaan ay mapasainyong lahat.»

«Tumagal pa Kayo nang kaunti» pakiusap ng mga Pariseo.

«Hindi Ko magagawa. May mga tao na ang mga katawan at mga puso ay may karamdaman, at sila ay mga naghihintay upang mapagaanan. Bukas Ako ay aalis. Ibig Ko na ang lahat makita Akong umaalis na walang sinumang nabigo.»

«Guro, Ako… ay matanda na at pagod. Pakiusap na humayo sa aking pangalan. Kasama Ninyo si Judas ni Simon, at kilalang-kilala namin siya. Gawin Ninyo itong mag-isa. Ang Diyos ay sumainyo.»

Si Jesus ay lumabas kasama si Judas na, nang sila’y nasa liwasan na, kaagad nagsabi: «Ang matandang ahas! Ano ang ibig niyang sabihin?»

«Kalimutan mo ang tungkol diyan! O mas mabuti pa: isipin na lamang na ibig ka niyang papurihan.»

«Imposible, Guro! Ang mga bungangang iyon ay hindi kailanman pumupuri sa sinuman na gumagawa ng mabuti. Ibig kong sabihin, hindi kailanman sinsiro. At ang tungkol sa kanyang pagsama!... Ito ay sapagkat pinandidirihan niya ang mahihirap at natatakot siya ng kanilang mga panunumpa. Napahirapan niyang madalas ang mahihirap dito. Maisusumpa ko ito na walang anumang pagkatakot. At kung gayon…»

«Maging mabuti, Judas. Maging mabuti. Hayaan ang Diyos na maghusga.»

201110

 



Sunod na kabanata