164. Patungo sa Retiro sa Bundok Bago ang Pagpili sa mga Apostol.

Mayo 15, 1945.

Ang mga bangka nina Pedro at Juan ay naglalayag sa payapang lawa, sinusundan, sa aking palagay, ng lahat na mga bangka na mayroon ang dalampasigan ng Tiberias, sapagkat napakarami nila, malaki at maliit, pauli-uli, nagsisikap na maabutan at maunahan ang bangka na kinalulunanan ni Jesus at pagkatapos popormahin ang mahabang linya sa likuran nito. Mga panalangin, pakiusap, hiling at hiyawan ay maririnig sa ibabaw ng asul na mga alon.

Si Jesus ay nangangako, tumutugon at nagpapalà. Sa Kanyang bangka ay naroroon din si Maria at ang ina nina Santiago at Judas, samantalang sa isa pang bangka si Maria Salome kasama ang kanyang anak na si Juan at si Susanna. «Oo, Ako ay babalik. Nangangako Ako sa inyo. Maging mabuti. Tandaan ang Aking mga salita, upang maidugtong ninyo iyan sa Aking sasabihin sa inyo saka na. Hindi Ako mawawala nang matagal. Huwag maging makasarili. Ako ay naparito rin para sa ibang mga tao. Maging mabuti! Masasaktan ninyo ang inyong mga sarili. Oo, magdarasal Ako para sa inyo. Lagi ninyo Akong makakasama. Ang Panginoon ay sumainyo. Siyempre, maaalaala Ko ang inyong mga luha at kayo ay mapagagaanan. Kailangan ninyong umasa at magkaroon ng pananampalataya.»

At ganyan, nagpapalà at nangangako habang ang bangka ay gumagalaw, narating nila ang dalampasigan. Ito ay hindi Tiberias, bagkus isang munting nayon, iilan-ilang mga kaawa-awang halos nangungulilang mga bahay. Si Jesus at ang Kanyang mga kasamahan ay bumaba at ang mga bangkang pinangangasiwaan ng mga katulong at ni Zebedeo ay bumalik. At ang iba pang mga bangka ay ginagaya sila, subalit marami sa mga taong dating nakasakay dito ay bumaba at ibig na sundan si Jesus anuman ang mangyari. Kasama rito nakikita ko si Isaac at ang kanyang dalawang protehido: sina Jose at Timoneus. Wala na akong makilalang iba pa sa karamihan ng mga tao ng lahat na mga edad, mula sa mga kabataan hanggang sa mga matatanda.

Si Jesus ay iniiwan ang nayon, ang ilan na di-maayos ang pananamit na mga tagaroon ay nananatiling labis na walang pakialam. Si Jesus ay nakapagbigay na ng ilang limos sa kanila at pagkatapos kinuha ang pangunahing daan. Siya ay tumigil. «Ngayon tayo ay maghiwa-hiwalay» sabi Niya. «Inay, Kayo kasama si Maria ni Salome ay pupunta sa Nazareth. Si Susanna ay makapupunta sa Cana. Ako ay babalik agad. Alam Ninyo kung ano ang dapat gawin. Ang Diyos ay sumainyo!»

Subalit para sa Kanyang Ina Siya ay may espesyal na pagpapaalam, isang pagpupugay na lahat ngiti at nang si Maria ay lumuhod, nagbibigay halimbawa sa lahat, upang pagpalain, si Jesus ay ngumiting napakabait. Ang mga babae, kasama sina Alfeo ni Sarah at si Simon, ay patungo sa kanilang bayan.

Si Jesus ay kinakausap ang mga mananatili: «Iniiwan Ko kayo, ngunit hindi Ko Kayo pinaaalis. Iniiwan Ko kayo para sa maikling panahon, sa dahilan na Ako ay magreretiro kasama ang Aking mga disipulo sa mga bangin ng bundok na iyon, na inyong makikita sa banda roon. Ang ibig na maghintay sa Akin ay magagawa ito sa kapatagan na ito. Sa mga ayaw na maghintay, sila ay maka-uuwi na. Ako ay magreretiro upang magdasal sapagkat Ako ay nasa dapit-hapon ng malalaking pangyayari. Ang mga nagmamahal sa kapakanan ng Ama ay kailangan manalangin, sinasamahan Ako sa Aking espiritu. Ang kapayapaan ay sumainyo, Aking mga anak. Isaac, nalalaman mo na kung ano ang kailangan mong gawin. pinagpapalà kita, Aking munting pastol.» Si Jesus ay ngumingiti sa nangayayat na Isaac, na siya na ngayon ang pastol ng mga tao na nag-iipun-ipon sa paligid niya.

Si Jesus ay naglalakad ngayon papalayo na sa lawa, disididong ibinabaling ang Kanyang mga hakbang patungo sa isang bangin sa pagitan ng mga burol, na umuunat na magkaka-agapay sa dalawang linya, sasabihin ko, mula sa lawa pakanluran. Ang isang maliit subalit napakaingay na bumubulang agos ng tubig ay bumababa sa pagitan ng isang mabatong magaspang na burol at ng isa pang katabi nito, na napakatarik upang ito ay magmukhang isang labasan ng tubig patungong dagat. Sa itaas ng agos ng tubig ay naroon ang mabangis na bundok na may pangit-tingnan na mga halaman, na mga tumubo sa lahat ng direksiyon, saan man nila magagawang tumubo, sa mga puwang ng magkakatabing bato. Ang isang napakakitid na matarik na landas ay paakyat sa mas magaspang na burol. At si Jesus ay ito ang kinuha.

Ang mga disipulo ay sinusundan Siya nang may kahirapan, sa iisang linya, sa nakamamatay na katahimikan. Tanging kapag si Jesus ay tumitigil lamang upang makapagpanumbalik sila sa paghinga, kung saan ang daan, na nagmumukhang isang gasgas lamang sa di-maukaang tabi ng bundok, ay lumuluwang, nagagawa nilang magkatinginan nang walang binibigkas kahit isang salita. Ang kanilang mga sulyap ay nagsasabi: «Ngunit saan Niya tayo dinadala?» ngunit hindi sila nagsasalita. Nagkakatinginan lamang sila nang palungkot-nang-palungkot habang nakikita nila si Jesus na ipinagpapatuloy ang paglalakad pataas ng bangin, na maraming mga yungib, mga puwang at mga bato, kung saan mahirap maglakad, at dahil din ng mga palumpong at matitinik na mga tanim, na kumakapit sa kanilang mga damit sa lahat ng banda, at nagagasgasan sila at nagagawa sila na madapa at masaktan ang kanilang mga mukha. Ang mga nakababata din, kargado ng mabibigat na sako, ay nawalan na ng kanilang pagka-mabiruin.

Sa wakas si Jesus ay tumigil at nagsabi: «Tayo ay titigil dito sa loob ng isang linggo para sa pagdarasal, upang maihanda kayo para sa isang dakilang pangyayari. Iyan ang dahilan kung bakit ibig Kong mapawalay tayo sa isang disyertong lugar na ito, malayo sa lahat na mga kalsada at mga nayon. Ang mga gruta rito ay naging kapaki-pakinabang na sa mga tao ng mga nakaraan. Kapaki-pakinabang din ang mga ito sa inyo. Ang tubig dito ay malamig at marami, samantalang ang lupa ay tuyo. Tao ay may sapat na tinapay at pagkain para sa panahon ng ating pamamalagi. Ang mga nakasama Ko nang nakaraang taon sa disyerto ay alam kung papaano Ako nabuhay doon. Ito ay isang makaharing palasyo kompara sa lugar na iyon, at ang panahon, na ngayon ay malumanay na, ay hindi apektado ng matinding kagat ng pagyeyelo o ng nakasusunog na init ng araw. Kayo, kung gayon, ay makapananatili rito nang masaya. Baka hindi na tayo muli magkakasama-sama nang ganito at nag-iisa. Ang pagreretirong ito ay kailangan na mapag-isa kayo, ginagawa kayong hindi labindalawa, bagkus iisang institusyon lamang.

Hindi ba kayo magsasalita ng kahit ano? Hindi ba kayo magtatanong ng kahit anong tanong? Ilapag sa batong iyon ang inyong mga dala-dalahan at itapon sa ibaba ng lambak na iyon ang iba pang dala-dala na mayroon kayo sa inyong mga puso: ang inyong pagiging tao.

Dinala Ko kayo rito upang makipagusap sa inyong mga espiritu, upang pakainin ang inyong espiritu, upang gawin kayong espirituwal. Hindi Ako magsasalita nang marami. Nakapagsalita na Ako sa inyo ng napakarami sa loob ng mahigit-kumulang santaon na nakasama ninyo Ako! Tama na iyan. Kung kailangan Kong mabago kayo sa pamamagitan ng mga salita, kailangan na panatilihin Ko kayo nang sampung taon… sandaang taon, at kayo ay magiging di-perpekto pa rin. Panahon na ngayon na gamitin Ko na kayo. Gagamitin Ko ang dakilang gamot, ang dakilang armas: panalangin. Ako ay laging nanalangin para sa inyo. Ngunit ngayon ibig Kong manalangin kayo sa pamamagitan ng inyong sarili. Hindi Ko pa ituturo sa inyo ang Aking panalangin. Ngunit sasabihin Ko sa inyo kung papaano manalangin at kung ano ang panalangin. Ito  ay ang pakikipagusap ng mga anak sa Ama, ng mga espiritu sa Espiritu, isang bukás, mainit, mapagtiwala, tahimik at prangkong pakikipagusap. Ang panalangin ay ang lahat: ito ay pangungumpisal, kaalaman tungkol sa ating mga sarili, pagsisisi, isang pangangako sa ating mga sarili at sa Diyos, isang paghiling sa Diyos, lahat ginagawa sa paanan ng Ama. At hindi ito magagawa sa isang kaguluhan, sa gitna ng mga istorbo, maliban na ang isa ay isang higante sa pananalangin. At kahit na ang mga higante ay naghihirap mula sa pakikipagbanggaan sa mundo sa panahon ng kanilang pananalangin. Kayo ay hindi mga higante, bagkus mga unano. Kayo ay bagkus mga sanggol sa inyong mga espiritu. Kayo ay may-pagkukulang sa inyong mga espiritu. Mararating ninyo rito ang edad ng espirituwal na pangangatwiran. Ang iba pa ay darating saka na. 

Sa umaga, sa katanghalian at sa gabi, tayo ay magsasama-sama upang dasalin ang lumang mga salita ng Israel at upang bahaginin ang tinapay, at pagkatapos ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang gruta, sa harapan ng Diyos at ng kanyang kaluluwa, sa harapan ng kung ano ang Aking sinabi sa inyo tungkol sa inyong misyon at sa inyong mga kakayahan. Timbangin ang inyong mga sarili, pakinggan ang inyong mga sarili, magpasya kayo. Sinasabi Ko sa inyo sa huling pagkakataon. At pagkatapos, kailangan na gawin ninyo na maging perpekto, hangga’t magagawa ninyo, nang walang kapaguran at wala ang inyong pagiging tao. Pagkatapos kayo ay hindi na magiging si Simon ni Jonah at Judas ni Simon. Hindi na Andres o Juan, Mateo o Tomas. Bagkus kayo ay magiging Aking mga ministro.

Lakad. Ang bawat isa sa kanyang sarili. Ako ay naroroon sa yungib na iyon. Ako ay laging naroroon. Ngunit huwag pumunta na walang magandang dahilan. Kailangan na matutunan ninyo na gumawa ng mga bagay sa pamamagitan ng inyong mga sarili at maging lahat sa pamamagitan ng inyong sarili. Sapagkat sinasabi Ko sa inyong totoo na nang nakaraang taon tayo ay sana magkakakilala na sa isa’t isa, at sa loob ng dalawang taon tayo ay maghihiwa-hiwalay na. Kapahamakan ang darating sa inyo at sa Akin kung kayo ay hindi pa natutong kumilos sa pamamagitan ng inyong mga sarili. Ang Diyos ay mapasainyo.

Judas, Juan dalhin ang mga pagkain sa loob ng Aking yungib, ang isang iyon. Kailangan na tumagal iyan at ipamamahagi Ko iyan.»

«Hindi iyan sapat!...» pagtutol ng kung sino.

«Sapat na iyan upang hindi mamatay. Ang isang punó ang tiyan ay pumupurol ang espiritu. Ibig Ko kayong itaas at hindi maging mga patay na bigat.»

 201110

 



Sunod na kabanata