165. Ang Pagpili sa Labindalawang Apostol.

Mayo 16, 1945.

Sumisikat na ang araw at ang malumanay na liwanag ay napapaputi ang mga bundok at tila napapalumanay ang marahas na tabi ng bundok. Tanging ang mga pagbulwak ng bumubulang agos ng tubig sa ibaba ng lambak ang maririnig, isang tunog na nagiging kakaibang tunog, kapag napa-aalingawngaw ng bundok at ng maraming mga yungib. Sa lugar kung saan ang mga disipulo namahinga, ay may malumanay na kaluskos ng mga dahon at ng mga yerba; ng unang mga ibon na nagising, o ng huling mga ibon na panggabi na bumabalik sa kanilang mga lugar. Ang isang grupo ng mga liyebre o layas na mga kuneho, nanginginain sa mabababang kumpol ng mga blackberry, ay tumakbong natakot gawa ng isang batong bumagsak. Pagkatapos sila ay maingat na bumalik, iginagalaw ang kanilang mga tainga sa lahat na direksiyon upang makuha ang bawat tunog at nang kanilang makita na ang lahat ay mapayapa, sila ay bumalik sa kumpol. Ang lahat na kadahunan at mga bato ay basa ng hamog at sa kakahuyan ay may malakas na amoy ng lumot, menta at marjoram.

Ang isang redbreast ay lumipad pababa sa gilid ng isang yungib, ang bubungan nito ay naporma sa pamamagitan ng isang malaking nakausling bato, at nakatayong tuwid sa napakamaninipis na mga paa nito, nakahanda nang lumipad, iginalaw ang maliit na ulo paikot, tumingin paloob nang yungib at sa lupa, sumisiyap na may-pagtatanong at… nagtatakaw, dahil sa ilang mumo ng tinapay sa lupa. Ngunit hindi ito nagpapasyang lumipad pababa hanggang makita nito na siya ay naunahan ng isang malaking blackbird, na nagpapatuloy paluksu-lukso nang patabi at labis na nakatatawa sa kakulitang hitsura nito ng isang matandang notaryo, na nangangailangan na lamang ng isang pares ng salamin sa mata, upang maging ang ganap na dignitaryo. Ang robin ay pagkaraan bumaba, paluksu-lukso sa likuran ng naglalakas-loob na kapwa ibon, na paminsan-minsan tinutuka ang basang lupa, sa arkeolohikal na paghahanap… ng pagkain at pagkatapos ito ay lumapit pa, pagkatapos na sumipol, katulad-na-katulad ng isang maliit na tampalasan. Ang redbreast ay binusog ang sarili ng maliliit na mumo ng tinapay at nagtaka nang makita ang blackbird, na makumpiyansang pumasok sa tahimik na yungib, lumabas na may pinagbalatan ng keso, na ipinupukpok sa isang bato upang mabasag ito at kumain ito nang husto. Ito ay bumalik ulit sa loob, tumingin-tingin sa paligid, at dahil walang makitang anuman, ito ay sumipol na nanunuya at lumipad upang kumpletuhin ang awit nito sa tuktok ng puno ng terebinto, sa asul na kalangitan ng umaga. Ang robin din ay lumipad nang paalis, dahil sa ingay mula sa loob ng yungib… at ito ay humapon sa isang sanga na umiinda-indayog nang maluwang.

Si Jesus ay nagpapatungo sa pamasukan ng Kanyang yungib at nagdudurog ng ilang tinapay, tinatawag ang mga ibon nang napakagiliw, sa pamamagitan ng minomodulang sipol, na isang napakagandang paggaya sa pagsiyap ng maraming mga ibon. Pagkatapos Siya ay lumayo, umaakyat nang pataas pa at nagpapahinga sa isang bato upang hindi Niya matakot ang Kanyang maliliit na mga kaibigan, na kaagad namang lumipad pababa: ang robin bilang una at pagkatapos marami pa ng iba’t ibang uri. Ang kawalang kibo ni Jesus at ang Kanya ring tingin ay ganyan na lamang upang pagkaraan ng kaunting sandali maraming ibon ang palukso-lukso mga ilang pulgada lamang ang layo sa Kanya. Ibig kong paniwalaan, dahil din sa aking sariling karanasan, na ang mga pinaka-di-mapagtiwalang mga hayop ay lumalapit sa mga tao kapag ang kanilang likas na pakiramdam ay sinasabi sa kanila na sila ay hindi mga kaaway bagkus mga kaibigan. Ang redbreast, na ngayon ay kontento na, ay lumipad patungo sa tuktok ng bato kung saan si Jesus nakasandal, ito ay nakahapon sa napakanipis na sanga ng clematis, umuundayo sa itaas ng ulo ni Jesus at tila nananabik na bumaba sa Kanyang magandang buhok o sa Kanyang balikat. Ang pagkain ay tapos na ngayon. Ang tumataas na araw ay napakikinang ang mga tuktok ng bundok, at pagkatapos ang mga pinakamatataas na mga sanga ng mga punungkahoy, samantalang sa ibaba, ang lambak ay ang malabong liwanag pa rin ng bukanliwayway. Ang maliliit na ibon, kontento at busog, ay lumipad patungo sa araw at umaawit sa tuktok ng kanilang mga tinig.

«At ngayon tayo ay lumakad at gisingin ang iba pang mga anak Ko» sabi ni Jesus, at Siya ay lumakad pababa, dahil ang Kanyang yungib ay ang pinakamataas, at pinapasok Niya ang iba’t ibang mga yungib nagtatawag sa mga natutulog na mga apostol sa pamamagitan ng kanilang mga pangalan.

Sina Simon, Bartolomeo, Felipe, Santiago at Andres ay tumugon kaagad. Sina Mateo, Pedro at Tomas ay nangailangan ng kaunting sandali upang makatugon. At habang si Judas Tadeo ay patungo upang tagpuin si Jesus kaagad nang kanya Siyang makita na lumitaw sa pamasukan ng kanyang gruta, sa dahilan na siya ay nakahanda na at gising-na-gising na, ang isa pang pinsan, ang Iskariote at si Juan ay mga tulog pa, upang si Jesus ay kinailangan na ugain sila sa kanilang mga higaan, gawa sa mga sanga ng punungkahoy at mga dahon, upang sila ay magising.

Si Juan, ang huling tinawag, ay tulog-na-tulog pa, upang hindi niya natanto kung sino ang tumatawag sa kanya, at sa kalabuan ng kanyang nagambalang tulog, siya ay bumubulong: «Oo, inay, ako ay darating kaagad…» Ngunit siya ay bumaling sa tabi.

Si Jesus ay ngumingiti, naupo sa magaspang na kutson gawa sa mga dahon na pinulot sa kakahuyan, Siya ay yumuko at hinahalikan ang mga pisngi ni Juan, na ibinuka ang mga mata at natulala nakikita si Jesus. Siya ay bumangon na paupo: «Kailangan Ninyo ako? Naririto ako.»

«Hindi. Ginising kita katulad ng ginawa Ko sa iba. Ngunit akala mo iyon ay ang iyong ina. Kung kaya’t hinalikan kita, katulad ng ginagawa ng mga ina.»

Si Juan medyo hubad sa kanyang pang-ilalim na tunika, sapagkat ginamit niya ang kanyang tunika at manta bilang takip ng higaan, ay niyapos ang leeg ni Jesus at ipinatong ang kanyang ulo sa pagitan ng balikat at pisngi ni Jesus: «O! Kayo ay higit pa sa isang ina! Iniwan ko siya para sa Inyo, ngunit hindi ko Kayo iiwanan para sa kanya! Dinala niya ako sa lupa. Dinadala Ninyo ako sa Langit. O! Nalalaman ko!»

«Ano ang nalalaman mo nang higit pa sa iba?»

«Kung ano ang sinabi sa akin ng Panginoon sa loob ng yungib. Tingnan, hindi ako kailanman lumapit sa Inyo at sa aking palagay sinabi sa akin ng aking mga kasamahan na iyon ay gawa ng kawalang-interes at pagmamalaki. Ngunit wala akong pakialam tungkol sa kung ano ang kanilang iniisip. Nalalaman ko na nalalaman Ninyo ang katotohanan. Ako ay hindi patungo kay Jesucristo, ang nagkatawang-tao na Anak ng Diyos, bagkus sa kung ano Kayo sa sinapupunan ng Apoy na siyang ang eternal na Pag-ibig ng Kabanal-banalang Trinidad, ang Kalikasan Nito, ang Esensiya Nito, ang Tunay na Esensiya Nito – O! Hindi ko masasabi, ngunit, ang aking naintindihan sa loob ng madilim na malungkot na kuwebang ito na napuno ng liwanag para sa akin, sa loob ng malamig na grutang ito, kung saan ako ay sinunog ng isang walang-hugis na apoy na bumaba sa kailaliman ng aking pagkatao at nagpaapoy sa akin na may matamis na martiryo, sa loob ng tahimik na yungib na ito, na, bagama't, umawit ng selestiyal na mga katotohanan sa akin – bagkus sa kung ano Kayo, ang Ikalawang Persona ng di-maipahahayag na Misteryo, na siya ngang ang Diyos at na aking nalagos sapagkat ang Diyos ay kinuha ako sa Kanya at lagi ko na Siyang nakakasama.  At ibinuhos ko ang lahat na aking mga mithiin, lahat na aking mga luha, lahat na aking mga hinihiling sa Inyong dibinong sinapupunan, Salita ng Diyos. Sa maraming salita na napakinggan ko na sa Inyo, walang kasing lawak sa saklaw ng isang sinabi Ninyo sa akin dito, Kayo, Diyos Anak, Kayo, Diyos katulad ng Ama, Kayo, Diyos katulad ng Espiritu Santo, Kayo, sentro ng Trinidad…O! Baka ako ay nakapag-lalapastangan, subalit iyan ang aking naiisip, sapagkat kung Kayo ay hindi ang pag-ibig ng Ama at ang pag-ibig para sa Ama, kung gayon ang Pag-ibig, ang Dibinong Pag-ibig ay mawawala, at ang Dibinidad ay hindi na magiging sang-tatlo at magkukulang ito ng pinaka-kailangang-kailangang pagkakakilanlan ng Diyos: ang Kanyang pag-ibig! O! Labis ang nasa akin sa loob dito, ngunit katulad nito ang isang bumubulwak na tubig laban sa isang dike at hindi makalabas… at ako ay tila namamatay gawa nito, napakamarahas at napakabanal ang kaguluhan sa loob ng aking puso, mula ng maintindihan ko Kayo… ngunit ayaw kong mapalaya ako rito para sa buong mundo… Hayaan Ninyo akong mamatay sa pag-ibig na ito, aking matamis na Diyos!» si Juan ay ngumingiti at tumatangis, humihikbi, napaapoy ng kanyang pagmamahal, nagpapahinga sa dibdib ni Jesus, na tila siya ay nawalan ng lakas gawa ng alab. At si Jesus ay hinahaplus-haplos siya, umaapoy sa pag-ibig Siya Mismo.

Si Juan ay inaayos ang kanyang sarili at na may taos na kababaang-loob siya ay nakikiusap: «Huwag Ninyong sabihin sa iba kung ano ang aking nasabi sa Inyo. Natitiyak ko na sila rin ay nakipamuhay sa Diyos katulad ko sa loob ng mga nakaraang araw na ito. Subalit hayaan ang bato ng katahimikan sa aking lihim.»

«Huwag kang mag-alala, Juan. Walang sinuman ang maka-aalam ng iyong pagkakakasal sa Pag-ibig. Magbihis ka, halika. Kailangan na nating umalis.»

Si Jesus ay lumabas patungo sa landas kung saan ang iba pa ay nagka-ipun-ipon na. Ang kanilang mga mukha ay nagmumukhang mas kapita-pitagan at mapayapa. Ang mga nakatatanda ay nagmumukhang mga patriyarka, ang mga nakababata ay nagkaroon ng kagulangan at dignidad, na dati ay naitatago ng kanilang kabataan. Ang Iskariote ay tinitingnan si Jesus na may nahihiyang ngiti sa kanyang mukha na namamarkahan ng mga luha. Si Jesus ay hinahaplos siya dumaraan. Si Pedro… ay tahimik. At ang kanyang katahimikan ay kakaiba at ito ay mas kapansin-pansin kaysa sa iba pang pagbabago sa kanya. Tinitingnan niya si Jesus nang maasikaso, subalit nang may bagong dignidad na nagagawa ang kanyang panot na noo na magmukhang mas malapad at ang kanyang mga mata mas mahigpit, samantalang noon ito ay puno ng malumanay na katalinuhan lamang. Si Jesus ay tinawag siya sa malapit sa Kanya at pinananatili siya roon habang hinihintay si Juan, na sa wakas ay lumabas. Hindi ko masabi kung ang kanyang mukha ay mas nagmumukhang maputla o mas namula, ito ay tiyak na nasusunog ng apoy na hindi nagpapabago sa kanyang kulay, subalit ito ay kitang-kita.

«Halika rito, Juan, malapit sa Akin. At ikaw din, Andres, at ikaw, Santiago ni Zebedeo. Pagkatapos ikaw, Simon, at ikaw Bartolomeo, Felipe, at kayo, Aking mga pinsan, at si Mateo. Si Judas ni Simon dito, sa harapan Ko. Tomas halika rito. Maupo. Kailangan Kong magsalita sa inyo.»

Lahat sila ay naupong tahimik, katulad ng mabubuting bata, lahat nakalugmok sa kanilang panloob na mga daigdig subalit nakikinig nang maasikaso kay Jesus, na hindi nila kailanman nagawa dati.

«Nalalaman ba ninyo kung ano ang Aking ginawa sa inyo? Nalalaman ninyong lahat. Ang inyong mga kaluluwa ay nagsalita sa inyong mga isip. Ngunit ang inyong mga kaluluwa, na siyang mga reyna nang mga nakaraang araw na ito, ay itinuro sa inyong mga isip ang dalawang dakilang birtud: kababaang-loob at katahimikan, ang anak ng kababaang-loob at kahinahunan, na siyang mga anak na babae ng karidad. Nang walong araw pa lamang ang nakalipas maaaring kayo ay lumakad upang iproklama ang inyong galing at inyong kaalaman, katulad ng magagaling na bata na nananabik na makagulat ang mga tao at makatalo ang kanilang mga karibal. Ngayon kayo ay mga tahimik. Kayo ay gumulang mula sa pagiging mga bata patungo as pagiging mga adulto at ngayon nalalaman na ninyo na ang ganyang proklamasyon ay maaaring makapagpahiya sa isang kasama na baka hindi masyadong natutulungan ng Diyos, at kung gayon hindi kayo magsasalita.

Kayo ay katulad din ng mga nagdadalagang babae. Ang banal na katimpian, tungkol sa pagbabago na nagbubunyag sa pangkasalang misteryo ng mga kaluluwa sa Diyos, ay naipanganak sa inyo. Ang mga yungib na ito ay tila maginaw, marahas at nakakawalang gana sa unang araw… ngayon tinitingnan ninyo ito na tila ito ay nagniningning na pinabanguhang pangkasalang mga silid. Nakita ninyo ang Diyos sa loob ng mga ito. Noon kayo’y may nalalaman tungkol sa Kanya. Ngunit hindi ninyo Siya nakikilala sa málapitan na nagsasama sa dalawa sa iisa na lang. Ang iba sa inyo ay maraming taon na na may asawa, ang iba ay nagkaroon bagkus nakabibigong relasyon sa mga babae, ang iba mga basal dahil sa iba’t ibang dahilan. Subalit ang mga basal sa inyo ay ngayon nalaman na kung ano ang perpektong pagmamahal, katulad na ito’y alam ng mga may-asawa. Hindi, masasabi Ko na walang nakaaalam kung ano ang perpektong pagmamahal, katulad na ito ay alam ng walang nalalaman tungkol sa makalamang kahalayan. Sapagkat ang Diyos ay ibinubunyag ang Kanyang ganap na Sarili sa mga dalisay, dahil Siya, ang Pinaka-Purong Isa, ay nakatatagpo ng bahagi Niya sa nilikha na malaya sa kahalayan, at dahil ibig Niyang suklian ang nilikha ng kung ano ang kanyang ipinagkakait sa sarili para sa Kanyang pagmamahal.

Sinasabi Ko sa inyong totoo na dahil sa pagmamahal na mayroon Ako para sa inyo at sa karunungan na taglay Ko, kung hindi Ko kailangan na gawin ang gawain ng Ama, pananatilihin at sasamahan Ko kayo rito, malayo sa lahat, dahil natitiyak Ko na kaagad makagagawa Ako ng mga dakilang santo mula sa inyo, at hindi na muli kayo mapapailalim sa kalituhan, mga pagtitiwalag, mga kabiguan, mga panghihina, mga paulit-ulit. Ngunit hindi Ko magagawa. Kailangan Kong magpatuloy. At kayo ay magpatuloy. Ang mundo ay naghihintay sa atin. Ginusto Kong makilala ninyo an Diyos, upang sana mahalin ninyo Siya nang higit pa sa pagmamahal ninyo sa mundo, na ang lahat na mga pagmamahal nito ay hindi nagkakahalaga ni isang ngiti ng Diyos. Ginusto Kong maging posible sa inyo na pagnilay-nilayan kung ano ang mundo at kung ano ang Diyos, upang sana mithiin ninyo kung ano ang mas maganda. Sa kasalukuyang sandali minimithi lamang ninyo ang Diyos. O! Sana mapanatili Ko ang inyong pagmimithi sa kasalukuyan! Ngunit ang mundo ay naghihintay sa atin. At tayo ay pupunta sa mundo, na naghihintay sa atin, alang-alang sa banal na Karidad na sa pamamagitan ng Aking utos ipadadala kayo sa mundo katulad ng ito ay ipinadala Ako. Ngunit sinasamo Ko kayo! Susian sa loob ng inyong mga puso, katulad ng ito ay isang perlas sa isang baul, ang tagong-yaman ng nakaraan mga araw kung saan inyong sinuri, ginamot, itinaas, binago at isinama ang inyong mga sarili sa Diyos. At itago at panatilihin ang mga mahahalagang alaalang ito sa inyong mga puso, katulad ng mga saksing bato na itinayo ng mga Patriyarka sa pag-alaala sa pakikipag-alyansa sa Diyos.

Magmula ngayon kayo ay hindi na ang Aking mga paboritong mga disipulo, bagkus ang mga apostol, ang mga hepe ng Aking Simbahan. Ang lahat na mga herarkiya ng Simbahan, sa loob ng mga siglo, ay bababa mula sa inyo, at tatawagin kayong mga guro, na ang kanilang bilang Guro ay ang inyong Diyos sa Kanyang makaitlo kapangyarihan, karunungan at karidad. Hindi Ko kayo pinili dahil kayo ay ang pinaka-karapat-dapat, bagkus para sa ilang mga rason na hindi ninyo kailangan na malaman. Pinili Ko kayo sa lugar ng mga pastol na Aking mga naging disipulo mula pa nang Ako ay ipinanganak. Bakit Ko ginawa ito? Sapagkat tama na gawin ito. Sa pagitan ninyo ay may mga Galilean at mga Judaean, may pinag-aralan at walang pinag-aralan, mayaman at mahirap na mga tao. At iyan ay dahil sa mundo, na ito ay hindi sana magsabi na ang pinili Ko ay sa isang kategoriya lamang, Ngunit kayo ay hindi sasapat sa lahat na kailangang gawin. Ni ngayon, o pagkatapos.

Hindi lahat sa inyo ang nakakaalaala sa isang pasahe sa Aklat. Paaalalahanan Ko kayo. Ikalawang Aklat ng Kronika, Kabanata 29, nagsasabi kung papaano ni Hezekiah, Hari ng Juda, pinadalisay ang Templo, at pagkatapos na mapadalisay ito, nag-alay siya ng mga sakripisyo bilang pagbabayad-sala, para sa kanyang kaharian, para sa Templo at para sa buong Juda, at pagkatapos nagsimula ang mga pag-aalay ng bawat indibidwal. Ngunit sa dahilan na ang mga pari ay hindi sapat para sa mga pagsasakripisyo, ang mga Levita, na mga ikinunsagra na may mas maikling ritwal kaysa sa mga pari, ay tinawag.

Iyan ang Aking gagawin. Kayo ang mga pari, na Aking inihanda mismo, ang Eternal na Pontipise, nang masugid at sa loob ng matagal na panahon. Ngunit hindi kayo sasapat para sa gawain, na isang mas malawak kaysa sa sakripisyo ng mga pag-aalay ng mga indibidwal sa Panginoong kanilang Diyos.  Kung kaya’t Aking isasama sa inyo ang mga disipulo na mananatiling ganyan, ang mga naghihintay sa atin sa paanan ng bundok, ang mga mas nakatataas na, ang mga nakakalat sa buong Israel at iyan pagkatapos ay kakalat sa buong mundo. Sila ay pagkakatiwalaan ng katumbas na mga katungkulan, sapagkat ang misyon ay iisa lamang, subalit ang kanilang mga pusisyon ay magiging iba sa mata ng mundo. Ngunit hindi sa mga mata ng Diyos, kung saan ay may katarungan, upang ang hindi masyadong nakikitang disipulo, nakakalimutan ng mga apostol at ng kanyang mga kapatid, na nabubuhay sa isang banal na pamumuhay nagdadala ng mga kaluluwa sa Diyos, ay magiging mas dakila kaysa sa kilalang apostol, na mayroon lamang ng pangalan na apostol ngunit ibinababa ang kanyang apostoladong dignidad para sa pantaong mga pakay.

Ang gawain ng mga apostol at mga disipulo ay magiging pareho pa rin katulad ng gawain ng mga pari at mga Levita ni Hezekiah: upang isagawa ang mga ritwal ng pagsamba, upang gibain ang mga idolatriya, upang mapadalisay ang mga puso at mga lugar, upang ipahayag ang Diyos at ang Kanyang Salita. Wala nang ibang mas banal pang gawain sa lupa. Ni wala nang mas mataas pang dignidad kaysa ng inyo. Kung kaya’t sinabi Ko sa inyo: “Pakinggan ang inyong mga sarili at suriin ang inyong mga sarili”.

Kapahamakan ang darating sa apostol na babagsak! Mahihila niya ang maraming mga disipulo kasama niya, at sila ay makahihila ng malaking bilang ng mga naniniwala at ang pagkasira ay lalaki-nang-lalaki katulad ng isang bumabagsak na avalanche o isang bilog na lumalawak  sa lawa kapag ilang bato ang itinapon sa iisang lugar.

Kayo bang lahat ay magiging perpekto? Hindi. Ang espiritu ba ng kasalukuyang sandali ay magtatagal? Hindi. Ang mundo ay itatapon ang mga galamay nito upang sakalin ang inyong mga kaluluwa. Iyan ang magiging tagumpay ng mundo: upang patayin ang liwanag sa mga puso ng mga santo; ang mundo, isang anak ni Satanas sa lima sa kasampu, isang alipin ni Satanas, sa tatlong kasampu pa, walang pakialam sa Diyos ang natitirang dalawa sa kasampu. Ipagtanggol ninyo ang inyong sarili laban sa inyong sarili, laban sa mundo, sa laman at sa dimonyo. Higit sa lahat, ipagtanggol ninyo ang inyong sarili sa inyong sarili. Laging magbantay, Aking mga anak, laban sa pagmamalaki, sensuwalidad, pagdadalawang-mukha, pagiging maligamgam, kaantukang espirituwal, at laban sa kasakiman! Kapag ang inyong mas mababang kaakuhan ay magsasalita at umuungol dahil sa sabing kalupitan dito, patahimikin ninyo ito sa pagsasabing: “Para sa sandaling paghihirap, na ibinibigay ko sa iyo ngayon, makukuha ko para sa iyo, at para sa walang-hanggan, ang bangkete ng labis na kaligayahan na iyong tinamasa sa yungib sa bundok nang katapusan ng buwan ng Shebat”.

Umalis na tayo. Lumakad na tayo at tagpuin ang iba na sa malaking bilang ay naghihintay sa Aking pagdating. At pagkatapos Ako ay pupunta para sa ilang mga oras sa Tiberias at kayo, ipinapahayag Ako, ay pupunta at maghihintay sa Akin sa paanan ng bundok na nasa daan ng nanggagaling sa Tiberias patungo sa dagat. Ako ay tataas doon upang magpahayag. Kunin ang inyong mga bag at mga manta. Ang retiro ay tapos na at ang pagpili ay nagawa na.»

                                                -------------------------------------------------------------

Mayo 17, 2945.

jesus sinasabi

Sinasabi ni Jesus:

«Hindi mabuti ang iyong pakiramdam at iiwanan kita sa kapayapaan. Ibig Ko lamang sabihin sa iyo kung papaano ang isang pangungusap na kinaligtaan o isang salita na maling kinopya nakapagbabago sa lahat. At ikaw, Aking tagasulat, ay buháy at magagawa ang pagtatama kaagad. Kung kaya’t isipin at sikapin na intindihin kung gaano napagkaitan ng dalawampung siglo ang Ebanghelyo, ang apostoladong Ebanghelyo, ng mga bahagi na hindi nakasasakit sa doktrina, subalit napigilang maintindihan kaagad. Ito – kung tayo ay babalik sa pinagsimulan makikita natin na ito ay gawa pa rin ng Kawalang-Kaayusan – ay naipaliliwanag nito ang tungkol sa maraming bagay at nagpapahiwatig na ito'y gawa mismo ng mga anak ng Kawalang-Kaayusan para sa napakarami pang mga bagay. At nakikita mo kung gaano kadali na makagawa ng mga pagkakamali sa pagkukopya… Munting Juan, maging mabuti ngayong araw. Ikaw ay isang wasak na bulaklak, Ako ay darating saka na at aayusin Ko ang iyong tangkay. Kailangan Ko ang mga luha ng iyong sugat ngayon, Ang Diyos ay kasama mo.»

201110

 



Sunod na kabanata