17. Ang Pagsuway ni Eba at ang Pagsunod ni Maria.

Marso 5, 1944.

jesus sinab

¹Sinasabi ni Jesus:

«... Hindi ba natin nababasa sa Genesis na ginawa ng Diyos ang tao ang maghahari sa lahat sa lupa, ibig sabihin sa lahat maliban sa Diyos at sa Kanyang anghelikal na mga ministro? Hindi ba natin nababasa na ginawa Niya ang babae ang kasa-kasama ng lalaki sa kanyang lugod at sa kanyang paghahari sa lahat na nabubuhay na nilikha? Hindi ba natin nababasa na pinahihintulutan silang kumain ng lahat maliban sa púno ng kaalaman tungkol sa Mabuti at Kasamaan? Bakit? Ano ang ibig-sabihin ng mga salitang: “na sana siya ay maghari”? At ano ang ibig-sabihin ng púno ng kaalaman tungkol sa Mabuti at Kasamaan? Naitanong mo ba ang mga tanong na ito, ikaw tao, na nagtatanong ng napakaraming walang-kabuluhang mga tanong at hindi kailanman tinanong ang iyong kaluluwa tungkol sa makalangit na mga katotohanan? Sasabihin sa iyo ng iyong kaluluwa, kung ito ay buhay pa, sapagkat ang isang kaluluwa na nasa grasya ay hinahawakan katulad ng isang bulaklak ng mga kamay ng iyong anghel, at katulad ng isang bulaklak ito ay hinahalikan ng araw at winiwisikan ng hamog ng Banal na Espiritu, Na nagpapainit at nagtatanglaw dito, siyang nagwiwisik at  nagdedekorasyon dito ng makalangit na mga liwanag. Gaano karaming katotohanan ang sasabihin sa iyo ng iyong kaluluwa, kung nalalaman mo lamang kung papaano makipagusap dito, kung minahal mo ang iyong kaluluwa na nagagawa kang makatulad mo ang Diyos, Na isang espiritu, katulad na ang iyong kaluluwa ay isang espiritu. Anong isang dakilang kaibigan ang nagkaroon ka sana kung minahal mo ang iyong kaluluwa sa halip na kinapopootan ito hanggang sa sukdulan na patayin ito; anong dakila at makalangit na kaibigan na makakausap mo sana tungkol sa selestiyal na mga bagay, dahil kayong mga tao ay nananabik na magsalita at sinisira ninyo ang isa’t isa sa pamamagitan ng mga pakikipagkaibigan na, kung sila ay hindi di-karapat-dapat na mga pakikipagkaibigan (katulad na kung minsan sila ay di-karapat-dapat), sila ay halos laging walang-pakinabang at sila ay nagiging isang walang-kabuluhan at masamang pagkakagulo ng makamundong mga salita.

Hindi ba’t sinabi Ko: “Kung may nagmamahal sa Akin isasabuhay niya ang Aking salita, at ang Aking Ama ay mamahalin siya, at kami ay pupunta sa kanya at maninirahan Kami sa kanya”? Ang kaluluwa na nasa grasya ay nagtataglay ng pagmamahal, at sa pagtaglay ng pagmamahal tinataglay nito ang Diyos, ibig sabihin ang Ama Na nagpapanatili dito, ang Anak Na nagtuturo dito, ang Espiritu Na nagtatanglaw dito. Kung gayon nagtataglay ito ng Kaalaman, Siyensiya, Karunungan, Liwanag. Isipin kung gayon kung anong uri ng mga paguusap ang gagawin ng iyong kaluluwa sa iyo. Ang ganyang mga paguusap ang siyang pumupuno sa katahimikan ng mga piitan, sa katahimikan ng mga selda, sa katahimikan ng mga bahay ng mga monghe, sa katahimikan ng mga silid ng banal na mga taong may sakit. Ang ganyang mga paguusap ay ang konsolasyon ng mga napipiit na naghihintay ng kanilang kamatayan ng isang martir, konsolasyon ng nagkukulong na mga monghe at mga madre na naghahanap para sa Katotohanan, konsolasyon ng mga ermitanyo na naghahanap para sa abanteng kaalaman tungkol sa Diyos, konsolasyon ng mga may-sakit sa pagdadala, hindi, bagkus, sa pagmamahal sa kanilang mga krus.

³Kung alam mong magtanong sa iyong kaluluwa, sasabihin sa iyo na ang totoo, malawak na ibig-sabihin – kasing lawak ng sangnilikha mismo – ng mga salitang “na sana siya ay maghari” ay ito: “Na sana maghari ang tao sa lahat, ibig sabihin sa tatlong estado. Ang mas mababang estado, ang estado ng hayop. Ang gitnang estado, ang moral na estado. Ang mas superyor na estado, ang espirituwal na estado.  At ang lahat na tatlong ito ay kailangan na iukol para sa isang pakay lamang: ang taglayin ang Diyos”. Ang taglayin Siya sa paraang marapatin Siya sa pamamagitan ng istriktong pagpipigil na magpapayukò sa lahat ng kapangyarihan ng kaakuhan ng isang tao at gamitin ito para sa isang tanging pakay lamang: ang marapatin na taglayin ang Diyos. Sasabihin sa iyo ng iyong kaluluwa na ipinagbawal ng Diyos ang kaalaman tungkol sa mabuti at kasamaan, sapagkat naipagkaloob na Niya ang mabuti nang libre sa Kanyang mga nilalang, at ayaw Niyang malaman ninyo ang kasamaan, sapagkat ito ay isang matamis na prutas sa panlasa, ngunit kapag ang katas nito ay naging bahagi na ng inyong dugo, gumagawa ito ng lagnat na papatay sa inyo at gumagawa ng matinding pagkauhaw, upang habang mas umiinom ang isa ng huwad na katas na ito, mas lalo siyang mauuhaw.

³Baka tumutol ka: “At bakit pa Niya nilagay iyon doon?” Sapagkat ang kasamaan ay isang lakas na nagkukusang lumabas mismo katulad ng ilang nakakatakot na mga sakit sa pinaka-malusog na katawan.

Si Lucifer ay isang anghel, ang pinaka-maganda sa lahat na mga anghel, isang perpektong espiritu, mas mababa lamang sa Diyos, gayunpaman sa Kanyang maningning na esensiya isang singaw ng pagmamalaki ang tumaas at hindi niya iyon ikinalat. Sa kabaligtaran iyon ay kanyang inupuan at nilimliman. At ang Kasamaan ay naipanganak sa paglimlim na iyon. Nandoon na ito bago pa ang tao. Si Lucifer ay pinalabas ng Diyos sa Paraiso, ang isinumpang tagapaglimlim ng Kasamaan, na naglapastangan sa Paraiso. Ngunit siya ay ang eternal na tagapaglimlim ng Kasamaan at sa dahilan na hindi na niya marurumihan ang Paraiso, nirumihan niya ang lupa.

⁴Ang metaporikong punongkahoy na iyon ay pinatutunayan ang katotohanang ito. Sinabi ng Diyos sa lalaki at sa babae: “Nalalaman ninyong lahat ang mga batas at mga misteryo ng paglilikha. Ngunit huwag pakialaman ang Aking katapatan ng pagiging ang Tagapaglikha ng tao. Ang Aking pagmamahal ay sasapat na para sa pagpapalawig ng lahi ng tao at ito ay kakalat sa pagitan ninyo at pagaganahan ang bagong mga Adan ng lahi nang wala kahit anong kahalayan ng mga pandama bagkus sa pamamagitan ng mapagkawanggawang mga pintig. Naibigay Ko na sa inyo ang lahat. Itinatabi Ko lamang para sa Aking Sarili ang misteryong ito ng pagporma ng tao”.

⁵Si Satanas ay gustong pagkaitan ang tao ng intelektuwal na pagkabirhen na ito at sa pamamagitan ng kanyang makamandag na dila binola niya at hinaplos ang mga galamay ni Eba at ang mga mata, binubuhay ang mga imahinasyon at ang katalasan ng paningin na wala sila dati, sapagkat sila ay hindi pa noon nalalasing ng malisya.

Si Eba ay “nakakita”. At nakakakita, gusto niyang subukan. Ang kanyang laman ay uminit. O! Kung tumawag siya sa Diyos! Kung siya ay nagmadali sa Kanya nagsasabing: “Ama! Ang Serpiyente ay hinaplos ako at ako ay balisá”. Pinadalisay sana siya ng Ama at pinagaling sa pamamagitan ng Kanyang hininga, na nakapaglagay sana ng bagong inosensiya sa kanya katulad ng naglagay ito ng buhay. At nagawa sana siya nitong makalimutan niya ang lason ng ahas, hindi lamang, bagkus, nakapaglagay sana ito sa kanya ng pagkamuhi para sa Serpiyente, katulad na ito ang nangyayari sa mga tao na nagkaroon ng likas na pagkamuhi para sa mga sakit mula kung saan sila ay kagágalíng pa lamang. Ngunit si Eba ay hindi pumupunta sa Ama. Si Eba ay bumalik sa Serpiyente. Ang pakiramdam ay isang masarap na pakiramdam para sa kanya. “Nakikita na ang prutas ng punungkahoy ay masarap kainin at kaaya-aya at maganda sa mata, kinuha niya ito at kinain”.

At “siya ay nakaintindi”. Ngayon ang malisya ay nasa loob na niya at ngumangatngat sa kanyang mga bituka. Nakita niya sa pamamagitan ng bagong mga mata at narinig sa pamamagitan ng bagong mga tainga ang mga kaugalian at mga tinig ng mga hayop. At nananabik siya para sa kanila nang may baliw na kasakiman.

⁶Sinimulan niya ang kasalanan sa pamamagitan niya mismo. Ginawa niya ito kasama ang kanyang kasama. Iyan kung bakit mas mabigat na sentensiya ang inilapat sa babae. Dahil sa kanya, ang lalaki ay naging mapagrebelde laban sa Diyos at nalaman nito ang kahalayan at kamatayan. Dahil sa kanya, hindi na magawa ng tao na pagharian ang kanyang tatlong kaharian: ang kaharian ng espiritu, sapagkat pinahintulutan niya ang espiritu na suwayin ang Diyos; ang moral na kaharian, sapagkat pinahintulutan niya ang masisimbuyong damdamin na alipinin siya; ang kaharian ng laman, sapagkat pinabába niya ito sa likas na lebel ng mga hayop. “Ang Serpiyente ay nirahuyo ako” sabi ni Eba. “Ang babae ay inialok sa akin ang prutas at kinain ko ito” sabi ni Adan. At ang tripleng katakawan ay ang naghari sa tatlong kaharian mula noon.

⁷Tanging ang Grasya lamang ang magpapaluwag sa hawak ng mabangis na halimaw na ito. At kung ang Grasya ay buháy, hindi lamang, bagkus, buháy-na-buháy, at pinananatiling mas buháy-na-buháy pa sa pamamagitan ng mabuting kalooban ng isang tapat na anak, matagumpay nitong masasakal ang halimaw at mawawalan na siya ng katatakutan pa ulit. Hindi na niya katatakutan ang mga tiranong nasa loob, na siyang ang laman at ang masisimbuyong damdamin; ni hindi na niya katatakutan ang mga tiranong nasa labas,  ito ay ang mundo at ang malalakas na tao sa lupa. Hindi nito katatakutan ang mga pang-uusig o kamatayan. Ito ay magiging ang katulad ng sinabi ni Pablo ang Apostol: “Wala akong kinatatakutan sa mga bagay na ito, ni hindi ko pinakikialaman ang aking buhay nang higit pa sa pangangalaga ko para sa aking sarili, basta’t maisagawa ko ang misyon at ang ministeryo na binigay sa akin ng Panginoong Jesus, at iyan ay ang magbigay saksi sa Mabuting Balita ng Grasya ng Diyos”. (...)»

                                                                                                                                                                                                                                                                ----------------

Marso 8, 1944.

mary sinab

⁸Sinasabi ni Maria:

«Sumunod Ako sa Aking lugod, sapagkat noong maintindihan Ko ang misyon patungo kung saan Ako tinawag ng Diyos, Ako ay napuno ng lugod, ang Aking puso ay nagbukas katulad ng isang saradong liryo at pinadanak nito ang dugo na iyon na siyang ang magiging lupa para sa Binhi ng Panginoon.

⁹Ang lugod ng pagiging isang ina.

Ikinunsagra Ko ang Aking Sarili sa Diyos mula pa nang Aking pagkabata, sapagkat ang liwanag ng Kataastaasan ay pinakita sa Akin ang dahilan ng kasamaan sa mundo at, hanggang sa ito ay nasa Aking kapangyarihan, gusto Kong maalis sa Aking Sarili ang bawat bakas ni Satanas.

Hindi Ko alam noon na Ako ay walang bahid. Hindi Ko maisip na Ako ay wala. Ang simpleng kaisipan na iyon ay naging pagpapalagay sana at pagmamalaki, sapagkat, sa dahilan na Ako ay pinanganak ng taong mga magulang, hindi tama para sa Akin na isipin na Ako ay ang Piniling Tangi na maging ang Walang Pagkakasalang Isa. Ang Espiritu ng Diyos ay sinabi sa Akin ang kirot ng Ama dahil sa pagpapakarumi ni Eba, na ibinaba ang sarili sa lebel ng mas mabababang nilalang, samantalang siya ay isang nilikha ng grasya. Naging intensiyon Ko na pahupain ang kirot na iyon sa pamamagitan ng pananatiling hindi nalalapastangan ng mga kaisipang pantao, mga hiling at mga pakikipagkontakto at kung gayon pinanunumbalik ang anghelikal na kadalisayan ng Aking katawan. Ang mga pagpintig ng Aking puso ay tanging para sa Kanya lamang, at tanging para sa Kanya lamang ang kabuuan ng Aking pagkatao.

Ngunit kung walang pasyon ng laman sa Akin, nariyan pa rin ang sakripisyo ng hindi pagiging isang ina. Si Eba rin ay pinagkalooban ng Amang Tagapaglikha ng regalo ng maternidad, isang maternidad na wala ng kung ano ang ngayon nagpapababa rito. Ang matamis at purong maternidad na walang sensuwal na pabigat! Naranasan Ko ito! Gaano ang ipinagkait ni Eba sa kanyang sarili sa pagpabaya sa gayong kayamanan! Mahigit pa sa inmortalidad. At huwag isipin na Ako ay nag-eeksahera! Si Jesus at Ako, ang Kanyang Ina, kasama Siya, ay naranasan ang pananamlay sa kamatayan. Ako, ang matamis na pananamlay ng isang pagód na tao na nakakatulog, si Jesus, ang matinding pananamlay ng isang namamatay nasentensiyahan ng kamatayan. Kung kaya't naranasan din namin ang kamatayan. Ngunit tanging Ako lamang, ang bagong Eba, ang nakaranas ng maternidad na walang kahit anong klaseng paglalapastangan, na sana masabi Ko sa mundo kung gaano katamis ang kapalaran ng isang babae na tinawag na maging isang ina nang walang kahit na anong sakit sa katawan. At ang mithiin para sa ganyang purong maternidad ay posible at talagang nasa Birhen Na buung-buong deboto sa Diyos, sapagkat ang maternidad na iyan ay ang kaluwalhatian ng babae.

Kung inyong iisipin kung gaano kataas ang pagtingin ng mga Israelita sa isang ina, mas mauunawaan pa ninyo kung anong sakripisyo ang Aking ginawa nang ikinunsagra Ko ang Aking Sarili sa pagiging birhen. Ngayon ang Eternal na Mabuting Ama ay ipinagkaloob sa Akin, Kanyang lingkod, ang regalong ito, nang hindi Ako hinuhubaran ng kadalisayan na idinamit Ko sa Aking Sarili upang maging isang bulaklak sa Kanyang trono. At nagbubunyi Ako nang may dobleng lugod ng pagiging ang ina ng isang tao at ang Ina ng Diyos.

¹⁰Ang lugod ng pagiging ang Babae na sa pamamagitan Nino ang kapayapaan ay muling naitatag sa pagitan ng Langit at lupa.

O! Anong lugod na minithi ang kapayapaang ito alang-alang sa Diyos at sa mga tao at ang malaman na ito ay parating sa mundo sa pamamagitan Ko, ang abang katulong-na-babae ng Kataastaasan! Anong lugod ang makapagsabi: “Mga tao, huwag nang umiyak pa. Dala Ko ang lihim na magpapasaya sa inyo. Hindi Ko masabi kung ano ito sapagkat nakaselyo ito sa Akin, sa loob ng Aking puso, katulad na ang Anak ay nakapaloob sa Aking di-nalapastangang sinapupunan. Ngunit dinadala Ko na ito sa inyo, at ang sandali kung kailan makikita ninyo Siya at mapapakinggan ang Kanyang Banal na pangalan ay papalapit nang papalapit”.

¹¹Ang lugod ng nagawa ang Diyos na masaya: ang lugod ng naniniwala para sa kanyang Diyos na nagawang masaya.

O! Ang lugod ng maalis mula sa puso ng Diyos ang kapaitan ng pagsuway ni Eba, pagmamalaki at kawalang-paniniwala!

¹²Ang Aking Jesus ay pinaliwanag ang pagkakasala na sa pamamagitan nito ang unang Magkapareha ay nabahiran. Natubos Ko ang kasalanan na iyon sa pag-akyat sa pareho ding mga baytang na kanilang binabaan.

Ang pagsuway ay ang simula ng pagbagsak: “Huwag kumain at huwag humipo sa punungkahoy na iyon” sabi ng Diyos. At ang lalaki at babae ay hindi iginalang ang pagbabawal na iyon, bagamat bilang mga hari ng sangnilikha sila ay pinahihintulutan na humipo at kumain sa lahat maliban sa punungkahoy na iyon sapagkat ginusto ng Diyos na sila ay maging mas mababa lamang sa mga anghel.

Ang punungkahoy: ang paraan upang masubukan ang kanilang pagsunod. Ano ang pinahihiwatig ng pagsunod sa mga utos ng Diyos? Pinahihiwatig nito ang lahat na posibleng kabutihan, sapagkat walang ibang inuutos ang Diyos bagkus mabuti. Ano ang pagsuway? Ito ay kasamaan, sapagkat nagdadala ito ng isang mapagrebeldeng kalagayan ng pag-iísip kung saan si Satanas ay maaaring maging aktibo.

Si Eba ay nilapitan ang punungkahoy, na, kung iniwasan, ay nakabuti sana sa kanya, kung sinadya, makasisira sa kanya. Pumunta siya roon tulak ng pambatang pag-uusisa na makita kung ano ang espesyal tungkol doon, at gawa ng pagmamadali na nagawa siyang isipin ang utos ng Diyos na isang walang-kabuluhang utos dahil siya ay malakas at puro, ang reyna ng Eden, kung saan ang lahat ay nagpapailalim sa kanya at walang kahit na ano ang makapananakit sa kanya. Ang kanyang pag-aakala ang kanyang naging kasiraan. Ang pag-aakala ay ang lebadura ng pagmamalaki.

Sa punungkahoy natagpuan niya ang Manunukso, na inaawit ang kanyang mga kasinungalingan sa kanyang kawalang-karanasan, sa kanyang magandang kawalang-karanasan, sa kanyang di-mabuting nababantayan na kawalang-karanasan. “Sa akala mo ba may kasamaan dito? Wala, walang kasamaan dito. Iyan ang sinabi ng Diyos sa inyo sapagkat gusto Niyang manatili kayong mga alipin sa ilalim ng Kanyang kapangyarihan. Akala ba ninyo kayo ay mga hari at reyna? Ni hindi nga kayo malaya katulad ng mababangis na hayop. Ang mga hayop ay nakapagmamahal sa isa’t isa sa pamamagitan ng totoong pagmamahal. Kayo hindi. Ang mga hayop ay pinagkalooban ng regalo ng pagiging mga tagapaglikha katulad ng Diyos. Ang mga hayop ay nakapanganganak ng maliliit na hayop at nakikita ang kanilang mga pamilya na lumalaki hanggang sa gusto nila. Kayo hindi. Kayo ay pinagkaitan ng lugod na ito. Bakit pa kayo gawing lalaki at babae kung kayo ay kailangan na mamuhay nang ganyan? Maging mga diyos. Hindi ninyo nalalaman ang lugod ng pagiging dalawa sa isang laman, na nakapaglilikha ng pangatlo at mas marami pa. Huwag kayong maniwala sa Diyos noong nangako Siya sa inyo ng angkánang darating nakikita ang inyong mga anak na gumagawa ng bagong mga pamilya, iniiwan ang kanilang ama’t ina para sa kanilang mga pamilya. Binigyan Niya kayo ng pagkukunwaring pamumuhay: ang tunay na buhay ay ang malaman ang mga batas ng buhay. Diyan kayo magiging katulad ng mga diyos at makapagsasabi sa Diyos: ‘Kami ay kapantay Ninyo’”.

At ang panrarahuyo ay nagpapatuloy sapagkat walang kalooban na patigilin ito, sa kabaligtaran, naroon ang kalooban na ipagpatuloy ito at matutunan kung ano ang hindi pag-aari ng tao. At ang pinagbabawal na punungkahoy ay naging talagang mortal para sa lahi ng tao sapagkat mula sa mga sanga nito ay nakabitin ang prutas ng mapait na kaalaman na nanggagaling kay Satanas. At ang babae ay naging isang babae at dala ang lebadura ng kaalaman ni satanas sa kanyang puso, siya ay nagpatuloy upang parumihin si Adan. Na ang kanilang mga katawan at mga kaluluwa napabába at ang mga moral naging marumi, nalaman nila ang kapighatian at ang kamatayan ng kapwa kanilang mga kaluluwa na pinagkaitan ng Grasya at ng kanilang mga katawan na hinubaran ng inmortalidad. At ang sugat ni Eba ay nagdala ng paghihirap, na hindi titigil hanggang sa ang huling magkapareha sa lupa ay mamatay.

¹³Pinuntahan Ko ang daan ng dalawang nagkasala, ngunit sa pasalungat na direksiyon: Ako ay sumunod. Sumunod Ako sa bawat paraan. Ang Diyos ay pinasigla Ako na maging isang birhen. Ako ay sumunod. Noong minahal Ko na ang pagiging birhen na nagawa Akong kasing dalisay ng unang babae bago niya natagpuan si Satanas, ang Diyos ay hiningi sa Akin na magpakasal. Ako ay sumunod, itinataas ang kasal sa antas ng kadalisayan na ginusto ng Diyos noong nilikha Niya ang Unang mga Magulang. Nakumbinsi Ako pagkatapos na ang Aking kapalaran ay pangungulila sa kasal at sa panunuya ng mga tao dahil sa Aking banal na kabaugan, noong ang Diyos ay hiningi sa Akin na maging isang Ina. Ako ay sumunod. Naniwala Ako na iyon ay posible at na ang salita ay nanggaling sa Diyos, sapagkat napuno Ako ng kapayapaan noong mapakinggan Ko ito. Hindi Ko inisip: “Karapat-dapat Ako nito”. Hindi Ko sinabi: “Ngayon ang mundo ay hahangaan Ako, sapagkat nakakatulad Ko ang Diyos, nililikha ang laman ng Diyos”. Hindi, hindi Ko ginawa ito. Pinababába Ko ang Aking Sarili sa Aking kababaang-loob.

Ang lugod ay sumulpot mula sa Aking puso katulad ng isang tangkay ng rosas. Ngunit kaagad itong nagkaroon ng matutulis na tinik at kumapit sa sabid-sabid na kapighatian, katulad ng mga sangang nabalot ng mga baging ng convolvuli¹. Kapighatian para sa kirot ng Aking esposo: sinasakal nito ang Aking lugod. Kapighatian para sa kirot ng Aking Anak: isang tinik na tumutusok sa Aking lugod.

Si Eba ay ginusto ang kasarapan, tagumpay, kalayaan. Tinanggap Ko ang kapighatian, kahihiyan, pagkaalipin. Binitiwan Ko ang Aking mapayapang pamumuhay, ang mataas na pagtingin ng Aking esposo, ang Aking sariling kalayaan. Wala Akong itinabi para sa Aking Sarili. Ako ay naging katulong ng Diyos sa laman, sa mga moral, sa espiritu, umaasa sa Kanya hindi lamang para sa paglilihi ng isang birhen, bagkus para rin sa proteksiyon ng Aking karangalan, para sa konsolasyon ng Aking esposo, para sa angkop na pamamaraan na maitaas din siya sa pagpapadakila ng kasal, upang maibalik namin ang lalaki at babae sa kanilang nawalang dignidad. Niyapos Ko ang kalooban ng Panginoon para sa Aking Sarili, sa Aking esposo at sa Namumuong nasa loob ng Aking sinapupunan.

¹⁴Sinabi Ko “Oo” para sa buong tatlo, dahil nakatitiyak Ako na hindi babaliin ng Diyos ang Kanyang pangako upang matulungan Ako sa Aking kapighatian ng isang esposa na nakababatid na siya ay tinitingnan na nagkasala, at ng isang ina na alam niya na siya ay magluluwal ng isang Bata upang madala sa kapighatian. Sinabi Ko “oo” at wala nang iba pa. Ang “Oo” na iyon ay kinansela ang “Hindi” ni Eba sa utos ng Diyos. “Oo, Aking Panginoon, ayon sa ibig Ninyo. Malalaman Ko ang gusto Ninyong malaman Ko. Mamumuhay Ako ayon sa gusto Ninyong mamuhay Ako. Magbubunyi Ako kung gugustuhin Ninyo. Maghihirap Ako para sa gusto Ninyong ipaghirap Ko. Oo, magpakailanman, Aking Panginoon, mula noong sandali na ang Inyong sinag ay ginawa Akong isang Ina hanggang sa sandali na tawagin na Ninyo Akong pabalik sa Inyo. ‘Oo’, magpakailanman ‘Oo’. Ang lahat na mabubuting tinig ng laman, ang lahat na mabubuting masimbuyong damdamin ng espiritu ay nasa ilalim ng bigat ng Aking perpetwong ‘Oo’. At sa itaas, sa ibabaw ng isang diyamanteng pedestal, ay naroon noon ang Aking espiritu, nagkukulang ng mga pakpak upang makalipad patungo sa Inyo, ngunit iyon ay ang panginoon ng buong ‘kaakuhan’ na pinasuko at ginawang Inyong katulong. Katulong sa lugod, katulong sa kapighatian. Ngunit ngumiti, o Diyos. At maging masaya. Ang Pagkakasala ay natalo na. Ito ay naalis at nasira. Ito ay nakahiga sa ilalim ng Aking sakong, nahugasan ito sa Aking mga luha at nasira ng Aking pagsunod. Ang bagong Punungkahoy ay ipanganganak ng Aking sinapupunan at tataglayin nito ang Prutas na nakaaalam sa lahat na kasamaan sapagkat ipinaghirap Nito ang lahat na ito sa Sarili Nito Mismo at ibibigay Nito ang lahat na mabuti. Ang lahat na mga tao ay makalalapit Dito at Ako ay magiging masaya kung sila ay pipitas Dito, kahit na kung hindi nila maalaala na Iyon ay pinanganak Ko. Maliban na ang tao ay maliligtas at ang Diyos mamahalin, gawing mangyari sa Kanyang katulong-na-babae kung ano ang ginagawa sa isang tigkal na lupa kung saan ang isang punungkahoy ay tinatanim: isang tuntungan upang makataas”.

¹⁵Maria, tayo ay kailangan na laging maging mga tuntungan upang ang ibang mga tao ay makataas sa Diyos. Hindi na bale kung mayapakan nila tayo, maliban na magtagumpay silang maabot ang Krus. Ang bagong punungkahoy ang mayroong kaalaman tungkol sa Mabuti at Kasamaan, sapagkat sinasabi nito sa tao kung ano ang mabuti at kung ano ang kasamaan upang siya ay sana makapamili at mamuhay at ito ay ang gamot din na magpapagaling sa mga nalasing ng kasamaan na ginusto nilang tikman. Gawin ang ating mga puso na mapailalim sa mga paa ng mga tao, upang ang bilang ng mga natubos ay sana lumaki at ang Dugo ng Aking Jesus ay hindi sana napadanak nang walang kabuluhan. Iyan ang kapalaran ng mga katulong-na-babae ng Diyos. Ngunit dahil diyan karapat-dapat nating tanggapin ang banal na Ostiya sa ating mga puso at sabihin sa paanan ng Krus basà ng Kanyang Dugo at ng ating mga luha: “Naririto, o Ama, ang imakuladang Ostiya na aming inaalay sa Inyo para sa kaligtasan ng mundo. Tingnan kami, Ama, tinunaw kasama Ito at ibigay sa amin ang Inyong pagpapalà para sa walang-hangganang mga merito Nito”.

At binibigay Ko sa iyo ang Aking mga haplos. Magpahinga na ngayon, Aking anak. Ang Panginoon ay kasama mo.»

                                                                --------------------------------

jesus sinab

¹⁶Sinasabi ni Jesus:

«Ang mga salita ng Aking Ina ay kailangan na mapalinaw ang mga kalabuan ng kaisipan sa mga isip din na ginulo at pinalabo ng huwad na siyensiya [...].

Sinabi Ko: “metaporikong punungkahoy”. Ngayon sasabihin Ko: “symbolical na punungkahoy”. Baka mas maiintindihan ninyo nang mas mabuti. Ang simbolo nito ay maliwanag: ang kiling sa mabuti at sa kasamaan ng dalawang anak ng Diyos, ay maiintindihan sa pamamagitan ng kanilang saloobin sa punungkahoy. Katulad ng ‘aqua regia’ na sumusubok sa ginto at ng mga timbangan ng platero-ng-ginto na sumusukat sa kilatis nito, ang punungkahoy na iyon, sa utos ng Diyos, ay naging paraan ng pagsubok at nagbigay ito ng sukat ng simbolong kadalisayang-metal ni Adan at ni Eba.

¹⁷Napapakinggan Ko ang inyong pagtutol: “Ang kaparusahan kaya ay hindi labis-labis at ang paraang ginamit upang sila’y hatulan pambata?”

Hindi gayon. Ang aktuwal na pagsuway sa inyo, na kanilang mga eredero, ay hindi masyadong grabe katulad na ito ay sa kanila. Kayo ay Aking natubos. Ngunit ang lason ni Satanas ay laging nakahandang lumabas muli, katulad ng ilang mga sakit na hindi ganap na nawawala sa dugo. Ang Unang mga Magulang ay nagtataglay ng Grasya nang hindi kailanman napápalapít sa Disgrasya. Sila kung gayon ay mas malakas at mas matatag na nasusuportahan ng Grasya na nagpapalabas ng pagmamahal at inosensiya. Ang regalong binigay sa kanila ng Diyos ay walang-hangganan. Mas grabe kung gayon ang kanilang pagbagsak sa kabila ng regalong iyon.

¹⁸Ang prutas din na inialok at kinain ay symbolical. Iyon ay ang prutas ng isang karanasan na gusto nilang magkaroon sa panghihikayat ni Satanas na suwayin ang utos ng Diyos. Hindi Ko pinagbawal sa mga tao ang pagmamahal. Gusto Ko lamang na sila ay magmahalan sa isa’t isa nang walang malisya; katulad na minahal Ko sila sa Aking kabanalan, kinailangan na mahalin nila ang isa’t isa sa kabanalan ng mga damdamin na hindi narurumihan ng kahalayan.

¹⁹Kailangan na huwag kalimutan na ang Grasya ay liwanag, at sinuman na nagtataglay nito ay nalalaman kung ano ang mabuti at may-pakinabang na malaman. Si Maria, Napupuno ng Grasya, ay alam ang lahat noon, sapagkat tinuruan Siya ng Karunungan, ang Karunungan na siyang Grasya, at alam Niya noon kung papaano mamuhay sa isang banal na paraan. Si Eba rin ay alam noon kung ano ang mabuti para sa kanya na malaman. Ngunit hindi ang mas higit pa rito, sapagkat walang-halaga ang malaman kung ano ang hindi mabuti. Ngunit wala siyang pananampalataya sa salita ng Diyos, at hindi siya naging tapat sa kanyang pangako ng pagsunod. Naniwala siya kay Satanas, binali niya ang kanyang pangako, ginusto niyang malaman kung ano ang hindi mabuti, nagustuhan niya ito nang walang pagsisisi, ginawa niya ang pagmamahal na maging isang bagay na marumi at mababa, na Aking sa halip ipinahintulot bilang isang bagay na banal. Isang narumihang anghel, nagbabad siya sa putik at nagkalat, samantalang nakatatakbo sana siyang masaya sa pagitan ng mga bulaklak ng makalupang Paraiso at nakita sana niyang lumalago ang kanyang mga anak sa paligid niya, katulad ng isang halaman na puno ng bulaklak nang hindi niyuyuko ang mga dahon nito sa pulasi.

²⁰Huwag maging katulad ng tangang mga bata na Aking binanggit sa Ebanghelyo; napakinggan nila ang ibang mga bata na umaawit at tinakpan nila ang kanilang mga tainga, napakinggan nila silang tinutugtog ang plawta at sila ay hindi sumayaw, napakinggan nila silang umiiyak at ginusto nilang tumawa. Huwag maging makikitid ang isip, huwag maging mga tagapagtatwa. Tanggapin ang Liwanag nang walang malisya at katigasan-ng-ulo, nang walang ironiya at pagka-di-makapaniwala. Sapat na ang nasabi tungkol diyan.

²¹Upang magawa kayong maintindihan ninyo kung gaano kayo kailangan na maging mapagpasalamat sa Kanya Na namatay upang maitaas kayo sa Langit at matalo ang kiling-sa-pagkakasala ni Satanas, ginusto Kong magsalita sa inyo, sa panahong ito ng preparasyon para sa Muling-Pagkabuhay, tungkol sa kung ano ang unang kawing  ng tanikala na sa pamamagitan nito ang Salita ng Ama ay kinaladkad patungo sa kamatayan, ang Dibinong Kordero papunta sa bahay-katayan. Ginusto Kong magsalita sa inyo tungkol dito, sapagkat sa kasalukuyan nubenta pursiyento sa inyo ay katulad ni Eba nalasing ng hininga at mga salita ni Lucifer, at hindi kayo nabubuhay upang mahalin ang isa’t isa, bagkus ang busugin ang inyong mga sarili ng sensuwalidad, hindi kayo nabubuhay para sa Langit bagkus para sa dumi, hindi na kayo ang mga nilalang na niregaluhan ng kaluluwa at pangangatwiran, bagkus mga aso na walang kaluluwa at walang pangangatwiran. Sinasabi Ko sa inyong totoo na ang mga hayop ay nalalampasan kayo sa katapatan ng kanilang pagmamahal.»

¹ Isang uri ng umaakyat na mga tanim, kasama ang bindweed.

(82) 090610/030213/032813

Sunod na kabanata.