173. Ang Sermon sa Bundok. Ang mga Beatitude (Ikaapat na Bahagi).

Mayo 27, 1945. Ang Sermon sa Bundok nagpapatuloy.

Ang pulutong ay palaki na nang palaki habang dumaraan ang mga araw. Naririto ang mga kalalakihan, kababaihan, matatanda, mga kabataan, mayayaman at mahihirap din. Ang magkasamang sina Stephen at Hermas, ay laging naririto, bagama't hindi pa nakakasama ng mga dating disipulo na pinangungunahan ni Isaac. At naririto rin ang magkasama na pinorma kahapon: ang matandang lalaki at ang babae. Sila ay nasa pinaka-unahan, malapit sa kanilang Tagapag-aruga at labis silang nagmumukhang mas masaya kaysa kahapon. Ang matandang lalaki, upang mapunuan ang maraming taon kung kailan siya pinabayaan ng kanyang anak na babae, ay ipinatong ang kanyang kulubot na kamay sa mga tuhod ng babae at hinahaplus-haplos ito ng babae dala ng likas na makainang udyok ng isang may mabuting moralidad na malakas na babae.

Si Jesus ay dumaraan sa harapan nila upang akyatin ang Kanyang pangkabukiran na pulpito, at habang nagdaraan Kanyang hinaplus-haplos ang ulo ng matandang lalaki na tumitingin sa Kanya na tila nakita na niya ang Diyos.

Si Pedro ay nagsalita ng kung ano kay Jesus Na sumenyas na tila ibig Niyang sabihin: «Hindi na bale.» Ngunit hindi ko naiintindihan kung ano ang sinasabi ng apostol. Si Pedro ay nananatiling malapit kay Jesus, at sina Judas Tadeo at Mateo ay sinamahan siya. Ang ibang mga apostol ay nakakalat sa pulutong.

«Kapayapaan sa inyong lahat!

Kahapon Ako ay nagsalita tungkol sa panalangin, sa panunumpa, sa pag-aayuno. Ngayon ibig Kong turuan kayo sa iba pang mga perpeksiyon. Ang mga ito ay panalangin, tiwala, sinseridad, pagmamahal, relihiyon din.

Ang unang bagay na Aking tatalakayin sa inyo ay ang tamang paggamit ng mga kayamanan, binabago ito sa pagiging kasing daming kayamanan sa Langit sa pamamagitan ng mabuting kalooban ng matapat na tagapaglingkod. Ang mga kayamanan ng lupa ay hindi nagtatagal. Ngunit ang mga kayamanan ng Langit ay eternal. Mahal-na-mahal ba ninyo kung ano ang sa inyo? Nalulungkot ba kayong mamatay dahil hindi na ninyo maaasikaso ang inyong pag-aari kapag iiwanan na ninyo ito? Kung gayon ilipat ninyo iyan sa Langit. Maaaring sabihin ninyo: “Kung ano ang sa lupa ay hindi makakapasok sa Langit at itinuro Ninyo sa amin na ang pera ay ang pinakamaruming bagay sa lupa. Papaano namin ililipat ito sa Langit?” Hindi. Hindi ninyo madadala ang pera, materyal na katulad nito, patungo sa Kaharian kung saan ang lahat ay espirituwal. Ngunit magagawa ninyong madala ang bunga ng pera.

Kapag binigay ninyo sa isang bangkero ang inyong pera, bakit ninyo ginagawa ito? Upang sana magawa niya ito na kumita ng interes. Ayaw ninyong mawalan kayo nito, kahit na pansamantala, na sana maibalik sa inyo ang gayon ding halaga. Ngunit sa sampung talento ibig ninyo na ibalik niya ito sa inyo na sampu may dagdag na isa o mas higit pa. Pagkatapos kayo ay masaya at pinupuri ninyo ang bangkero. Kung hindi sasabihin ninyo: “Siya ay matapat, ngunit siya ay tanga”. At, kung sa halip na sampu na may dagdag na isa, bibigyan kayo ng siyam, nagsasabing: “Nawala ko ang iba”, pagsasabihan ninyo siya ng di-maganda at ipakukulong ninyo siya. Ano ang bunga ng pera? Ang inyo bang bangkero ay itinatanim ito at pinatutubigan upang ito’y lumaki? Hindi. Ang bunga ay ang resulta ng magaling na paghawak ng negosyo, upang sa pamamagitan ng mga sangla at pagpapautang na may interes, ang pera ay napalalaki sa pamamagitan ng prima na tamang hinihingi para sa pagpapahiram ng ginto. Hindi ba’t ganito ito?

Ngayon makinig. Ang Diyos ay binigyan kayo ng makalupang mga kayamanan. Sa ibang mga tao nagkaloob Siya ng malaki, sa ilan tanging sapat lamang ayon sa kanilang pangangailangan para mabuhay, at Kanyang sinasabi sa inyo: “Ngayon ito ay nasa sa inyo na. Naibigay Ko na iyan sa inyo. Kumita sa pamamagitan ng pamamaraang iyan ayon sa ibig ng Aking pagmamahal para sa inyong sariling kabutihan. Ipinagkatiwala Ko iyan sa inyo, ngunit hindi para magawa ninyo iyan na masamâ. Gawing kumita ng interes ang inyong kayamanan, para sa tunay na Amangbayan na ito, kapwa dahil sa reputasyon na napasainyo gawa Ko, at dala ng pasasalamat para sa Aking mga regalo”.

At naririto ang pamamaraan upang marating ang tinutukoy na ito.

Huwag ipunin ang inyong mga kayamanan sa lupang ito, nabubuhay para sa mga ito, nagiging malulupit para sa mga ito, isinusumpa ng inyong kapwa at ng Diyos dahil sa mga ito.  Hindi ito nararapat niyan. Ang mga kayamanang iyan ay hindi kailanman ligtas sa mundo. Ang mga magnanakaw ay lagi na kayong pagnanakawan. Ang apoy ay laging tutupukin ang inyong mga bahay. Ang mga sakit ng mga tanim at ng mga hayop ay malilipol ang inyong mga kawan at mga lootan. Ilang mga bagay ang makasisira sa inyong ari-arian! Maging ito man ay mga ari-ariang real at di-basta-basta mawawala, katulad ng mga bahay at ginto; maging ang kalikasan ng pag-aari ay maaaring masira, katulad ng mga nabubuhay na mga bagay, mga gulay at mga hayop, o mamahaling mga tela, lahat na ito ay mawawasak.  Ang mga kidlat, apoy at mga baha ay nakasisira ng mga bahay; ang mga magnanakaw, peste, tuyong panahon, mga nangangatngat at mga insekto ay makasisira ng mga bukirin;  ang magkasakit, magka-lagnat, magkaroon ng pilay, ng sakit ng mga baka ay makasisira sa mga hayupan; ang mga gamugamo at mga daga ay nakasisira ng mahahalagang piraso ng tela at mamahaling piraso ng muwebles; ang paghalò ng oksiheno ay nakasisira ng mga plorera, mga pabitin na mga ilawan at mga dekoradong tarangkahan; ang lahat ay nakatalagang masira.

Ngunit kung gawin ninyo ang mga makalupang kaginhawahan na maging sobrenatural na bagay, diyan ito magiging libre sa lahat na pagkasira gawa ng panahon, ng tao at ng mga kalamidad. Mag-ipon kayo ng inyong mga kayamanan sa Langit, kung saan ang mga magnanakaw ay hindi makakapasok, at kung saan walang mga kalamidad ang dumarating. Magtrabaho nang may maawaing pagmamahal para sa lahat na paghihirap sa mundo. Maaari ninyong haplus-haplusin ang inyong pera at halikan ito kung ibig ninyo, maaari kayong magsaya sa masaganang ani, sa mga ubasan na puno ng mga ubas, sa di-mabilang na mga olibo na nagpapayukò sa mga sanga ng punong olibo, at sa inyong pala-anak na mga tupa na may malulusog na suso. Maaari kayong magsaya sa lahat ng iyan, subalit hindi sa isang baog o pantaong paraan. Magsaya na may pagmamahal at paghanga, na may sobrenatural na sayá at pananaw.

“Salamat sa inyo aking Diyos, sa perang ito, sa mga aning ito, sa mga tanim, mga tupa at sa negosyong ito! Salamat sa inyo, mga tupa, mga tanim, mga burol, negosyo, na tumutulong sa akin nang napakabuti. Pagpalain sana kayong lahat, sapagkat sa pamamagitan ng Inyong kabutihan, o Eternal na Ama, at sa pamamagitan ninyo, o mga bagay ko, makagagawa ako nang labis para sa mga nagugutom, o mga hubad, walang-matirhan, may-sakit, nag-iisa… Nang nakaraang taon nakagawa ako ng sampu. Sa taon na ito – dahil marami akong pera, bagama't nakapagbigay ako ng malaki bilang limos, at ang ani ay naging mas malaki at ang mga kawan mas lumaki – magbibigay ako ng dalawa, tatlong ulit kaysa nang nakaraang taon. Upang ang lahat, pati na rin ang mga walang kayamanan na sarili nila, ay makasama sa aking lugod at pagpalain nila ako kasama ang Eternal na Panginoon”.  Iyan ang panalangin ng isang makatarungang tao. Isang panalangin na ikinabit sa inyong mga gawa, na maglilipat ng inyong mga kayamanan sa Langit, at hindi lamang ito mapananatiling eternal para sa inyo, bagkus matatagpuan ninyo itong pinalaki ng banal na bunga ng pagmamahal.

Ipunin ninyo ang inyong kayamanan sa Langit upang ang inyong puso ay sana mapapunta rin doon, mataas at di-maaabot ng piligro na hindi lamang ang inyong ginto, inyong mga bahay, mga bukirin at mga kawan ang maaaring sirain nito, bagkus baka pati ang inyong pinaka-puso ay atakihin at looban, agnasin, sunugin at patayin ng espiritu ng mundo. Kung gagawin ninyo iyan, mapupunta ang inyong kayamanan sa inyong puso sapagkat mapapasainyo ang Diyos sa loob ninyo hanggang sa pinagpalang araw kung kailan makakasama ninyo Siya.

Ngunit upang hindi mapaliit ang bunga ng karidad, alagaan na maging mapagkawang-gawa sa isang sobrenatural na espiritung pamamaraan. Ang Aking sinabi tungkol sa panalangin at sa pag-aayuno ay gayon din tungkol sa karidad at sa ano pa man na ibang mabuting kilos na magagawa ninyo.

Pangalagaan ang mabuting nagagawa ninyo na maging malaya sa nakapaninirang kasiyahan ng mundo, gawin itong manhid sa pantaong pagpuri. Huwag dumihan ang napabangóng rosas ng inyong karidad at ng inyong mabuting mga gawa, dahil ito ay ang tunay na insenso ng mga pabangong kaayun-ayon sa Panginoon. Ang mabuti ay narurumihan ng isang mapagmalaking espiritu, ng mithiin na mapuna kapag gumagawa ng mabuti at ng pagsisikap na makakuha ng papuri. Ang rosas ng karidad ay diyan patatalbug-talbugin at ngangatngatin ng malaking malahod na mga susò ng nasiyahan na pagmamalaki at ang insenso ay mapupuno ng mabahong basura kung saan ang mapagmalaking tao ay magbibilad katulad ng isang busog-na-busog na hayop.

O! ang mga gawang iyon ng karidad ginawa upang mapuna ng mga tao! Mas mabuti pa, mas mabuti pang higit, kung hindi na lang ginawa ang mga iyon! Ang hindi gumagawa ng mga iyon, ay nakagagawa ng pagkakasala ng kagaspangan. Ang gumagawa ng mga iyon pinaaalam sa mga tao ang halagang ibinigay at ang pangalan ng tao na pinagbigyan, at nanghihingi ng papuri, ay nakagagawa ng kasalanan ng pagmamalaki sa paggawang malaman kung ano ang inialay, dahil sinasabi niya: “Kita ninyo kung gaano ang aking maibibigay?”, nagkakasala laban sa karidad sapagkat pinanliliit niya ang taong tumanggap sa paggawang malaman ang kanyang pangalan, at nakagagawa ng kasalanan ng espirituwal na kasakiman sa dahilan na ibig niyang makaipon ng pantaong mga papuri… iyan ay dayami, walang iba bagkus dayami. Hayaan ang Diyos at ang Kanyang mga anghel na purihin kayo.

Kapag nagbibigay kayo ng limos, huwag ninyo itong itrumpeta sa harapan ninyo, upang makuha ang pansin ng mga nagdaraan at makuha ang kanilang pagpuri, katulad ng ginagawa ng mga mapagkunwari, na ibig na mapuri ng mga tao at kung gayon nagbibigay ng mga limos lamang kung saan makikita sila ng maraming tao. Sila rin ay nakatanggap na ng kanilang gantimpala at hindi na magkakaroon ng isa pa mula sa Diyos. Huwag ninyong gawin ang ganyan ding kasalanan at huwag maging labis na mapangahas. Bagkus kung magbibigay kayo ng limos, ang inyong kaliwang kamay ay hindi kailangan na malaman nito ang ginagawa ng kanan, gawing malihim at mahiyain ang inyong paglilimos at pagkatapos kalimutan ang tungkol dito. Huwag magbabad hinahangaan ang inyong ginawa, namimintog dito katulad ng palaka na pinagninilayan ang sarili na may mga mata na may-belo sa sanaw at nakikita rin ang mga ulap, ang mga punungkahoy at isang tsart malapit sa pampang na nasasalamin sa walang-galaw na tubig at kapag makita nito na siya ay napakaliit kompara sa mga ito, na mga napakalaki, siya’y mamimintog hanggang sa siya’y sumabog. At ang inyo ring karidad ay wala kung ikukumpara sa Walang-hangganan, na siyang ang Karidad ng Diyos, at kung ibig ninyong maging katulad Niya at gawin ang inyong maliliit na karidad na maging napakalaki upang maging kapareho ng Kanya, pupunuin ninyo ang inyong mga sarili ng hangin ng pagmamalaki at magtatapos kayo nang namamatay.

Kalimutan ang tungkol dito. Kalimutan ang tungkol sa paglimos mismo. Isang liwanag, isang matamis na tinig ang laging mapapasainyo at gagawin nito ang inyong araw na maningning, matamis at masaya.  Sapagkat ang liwanag na iyan ay ang ngiti ng Diyos, ang pulot ay ang espirituwal na kapayapaan, na nanggagaling pa rin sa Diyos, ang tinig ay ang tinig ng Diyos, ang Ama Na magsasabi sa inyo: “Salamat sa iyo”. Nakikita Niya ang nakatagong kasamaan at ang itinagong kabutihan at bibigyan kayo ng gantimpala para sa mga limos ninyo. Magagawa Kong…»

«Guro, pinasisinungalingan Ninyo ang Inyong sariling mga salita!» Ang biglang mapagsalungat na salita ay nanggaling sa gitna ng pulutong.

Lahat sila ay lumingon patungo sa direksiyon ng tinig. Nagkaroon ng ilang kalituhan. Si Pedro ay nagsabi: “Sinabi ko sa Inyo! Eh! Kapag mayroong isa ng mga iyon doon… ang lahat ay nasisira!» Maraming tao sa pulutong ang sumusutsot at bumubulung-bulong laban sa nananalungat.

Si Jesus lamang ang nag-iisa na nananatiling kalmante. Itiniklop Niya ang Kanyang mga braso sa Kanyang dibdib at nakatayo, matangkad na katulad Niya,  sa Kanyang bato, na ang sinag ng araw nasa harapan Niya, suot ang Kanyang madilim na asul na tunika.

Ang tagasalungat, hindi pinakikinggan ang reaksiyon ng pulutong, ay nagpatuloy: «Kayo ay isang masamang Guro sapagkat itinuturo Ninyo kung ano ang hindi Ninyo ginagawa at…»

«Manahimik! Lumayas ka! Nakakahiya!» sumigaw ang pulutong. At muli: «Bumalik ka sa iyong mga Eskriba! Ang Guro ay sapat-na-sapat na para sa amin! Hayaan ang mga mapagkunwari sa mga mapagkunwari! Kayong mga huwad na guro! Mga usurya!...» at sila ay nagpapatuloy ngunit si Jesus ay dumagundong: «Katahimikan! Hayaan siyang magsalita» at ang mga pulutong ay hindi na sumisigaw ngunit ibinubulong nila ang kanilang mga pag-insulto pinandidilatan siyang sabay.

«Oo. Itinuturo Ninyo kung ano ang hindi Ninyo ginagawa. Sinabi Ninyo sa amin na kailangan kaming magbigay ng limos nang hindi kami nakikita, at kahapon sa presensya ng buong pulutong sinabi Ninyo sa dalawang mahirap na tao: “Manatili at patatahimikin Ko ang inyong pagkagutom”.»

«Ang sabi Ko: “Hayaan ang dalawang kaawa-awang tao na manatili rito. Sila ang magiging pinagpalang mga panauhin na siyang magbibigay ng lasa sa ating tinapay”. Wala nang iba. Hindi Ko sinabi na gusto Kong mapunuan ang kanilang pagkagutom. Aling mahirap na tao ang wala kahit kaunting tinapay man lamang? Aking lugod ang ipaabot sa kanila ang aming mabuting pakikipagkaibigan.»

«Siyempre! Kayo ay tuso at makapag-aanyo kayong ang tupa!...»

Ang matandang lalaki ay tumayo, lumingon at itinataas ang kanyang tungkod siya’y sumigaw: «Mala-impiyernong dila na umaakusa sa Banal Na Isa, iniisip mo ba na nalalaman mo ang lahat at maaakusahan mo Siya sa pamamagitan ng nalalaman mo? Sa dahilan na hindi mo nalalaman kung sino ang Diyos at kung sino Siya Na iyong iniinsulto, hindi mo nalalaman ang Kanyang mga ginagawa. Tanging ang mga anghel lamang at ang aking pusong labis na nalulugod ang nakaaalam. Makinig, mga tao, makinig ang lahat at tingnan kung si Jesus ay ang sinungaling at ang mapagmalaking tao na siyang ang sinasabi ng traydor ng Templo na ito.  Siya…»

«Manahimik, Ishmael! Manahimik alang-alang sa Akin! Kung nagawa kitang masaya, pakiusap na gawin mo Akong masaya ng pananahimik ninyo» si Jesus ay pinakikiusapan siya.

«Sinusunod ko Kayo, Banal Na Anak. Ngunit hayaan na aking sabihin lamang ito: ang pagpapalà ng isang matandang Israelita ay nasa Kanya Na tumulong sa akin sa ngalan ng Diyos at ang Diyos ay inilagay ang pagpapalang iyan sa aking mga labì para sa akin at para kay Sarah, ang aking bagong anak na babae. Ngunit walang magiging pagpapalà sa iyong ulo. Hindi kita isusumpa. Hindi ko dudumihan, sa pamamagitan ng panunumpa, ang aking bunganga na kailangang magsabi sa Diyos: “Tanggapin Ninyo ako”. Hindi ko ito ginawa sa babaeng nagkaila sa akin, at nakatanggap na ako ng dibinong gantimpala para diyan. Ngunit may Isa na papalit sa lugar ng Inosente na iyong inaakusahan at sa lugar Ishmael, ang kaibigan ng Diyos, Na tumutulong sa Kanya.»

Ang isang koro ng mga sigawan ang nagsara sa talumpati ng matandang lalaki na nauupo nang muli, habang may isang tao na patagong umaalis, sinusundan ng mga insulto. Ang mga pulutong pagkatapos ay sumigaw kay Jesus: Magpatuloy Kayo, magpatuloy Kayo, Banal Na Guro! Makikinig kami sa Inyo lamang. Makinig sa amin hindi sa mga isinumpang mga ibon na iyon ng masamang pangitain! Sila ay naninibugho, sapagkat mas minamahal namin Kayo kaysa sa kanila! Ngunit Kayo ay banal, sila ay masasamâ. Magpatuloy Kayo, magsalita sa amin. Nakikita Ninyo na kami ay walang ibang hiling bagkus ang mapakinggan Kayo. Ang aming mga tahanan, aming mga negosyo? Sila ay wala, iniwan namin sila upang pakinggan Kayo.»

«Oo, Ako ay magsasalita sa inyo. Ngunit huwag mabalisa ng kung ano ang nangyari, Magdasal para sa mga kaawa-awang taong iyon, Patawarin sila katulad ng ginagawa Ko. Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga pagkakamali ng mga tao, ang Diyos Na nasa Langit ay patatawarin din ang inyong mga kasalanan. Ngunit kung nagkikimkim kayo ng sama-ng-loob sa mga tao at hindi ninyo sila pinapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng Ama ng inyong mga pagkukulang. At ang lahat ay nangangailangan ng kapatawaran.

Sinasabi Ko sa inyo kanina na ang Diyos ay bibigyan kayo ng gantimpala, kahit na kung hindi kayo humihingi ng gantimpala para sa mabuti na inyong ginawa. Ngunit huwag kayong gumawa ng mabuti upang makatanggap ng gantimpala, upang magkaroon ng siguridad bukas.  Huwag gumawa ng mabuti napipigilan na makagawa nang malaki gawa ng takot: “Magkakaroon pa ba ako ng sapat para sa aking sarili pagkatapos? Makakakita ba ako ng tao na gagawin niya ang aking ginawa? At kung hindi na ako nakapagbibigay, mamahalin pa kaya ako?”.

Tingnan ninyo: Ako ay may malalakas na kaibigan sa pagitan ng mayayamang tao at may mga kaibigan Ako sa pagitan ng mahihirap na tao ng mundo. At sasabihin Ko sa inyong totoo na ang malalakas ay hindi ang mga mahal-na-mahal. Ako ay pumupunta sa kanila hindi para sa kapakanan Ko o para kumita. Bagkus mabibigyan nila Ako ng labis para sa mga wala. Ako ay mahirap. Ako ay wala. Ibig Ko sanang mapasaakin ang lahat na kayamanan ng mundo at gawin itong tinapay para sa mga nagugutom, gawin itong mga bahay para sa mga walang matirhan, gawin itong mga damit para sa mga hubad at gawin itong mga gamot para sa mga may sakit. Maaaring sabihin ninyo: “Nakagagamot Kayo ng mga tao”. Oo, magagawa Ko iyan at iba pang mga bagay. Ngunit hindi Ako laging nakatatagpo ng pananampalataya sa mga tao, at hindi Ko magagawa Kong ano ang nagagawa Ko at ibig Kong gawin, katulad na kung ang mga puso ng tao ay may pananampalataya sa Akin. Ibig Ko rin sanang tulungan ang mga walang pananampalataya. At sa dahilan na hindi sila humihingi sa Anak ng tao ng mga himala, ibig Ko sana, bilang isang tao sa isang tao, na matulungan sila. Ngunit Ako ay wala. Iyan ang dahilan kung bakit inuunat Ko ang Aking kamay sa mga mayayaman at nakikiusap Ako sa kanila: “Bigyan ninyo Ako ng ilang limos, sa ngalan ng Diyos”. At iyan ang dahilan kung bakit may mga kaibigan Ako na nasa matataas na kalagayan sa lipunan. Bukas, kapag Ako ay wala na sa lupa, magkakaroon pa rin ng mga mahihirap na tao, ngunit wala na Ako upang makagawa ng mga himala para sa mga may pananampalataya, o makapagbigay ng mga limos upang makapag-akay patungo sa pananampalataya. Ngunit ang Aking mayayamang kaibigan, na nakikipag-ugnayan sa Akin, ay matututo na kung papaano tumulong, at ang Aking mga apostol, pagkaraan ng kanilang karanasan kasama Ako, ay matututo nang magbigay ng mga limos dala ng pagmamahal para sa kanilang mga kapatid. At ang mahihirap ay laging makakakuha ng tulong.

Kahapon, Ako ay nakatanggap mula sa isang wala, nang mahigit pa kaysa sa mga naibigay sa Akin ng mayayaman. Siya ay isang kaibigan, at kasing hirap Ko. Ngunit binigyan niya Ako ng isang bagay na hindi mabibili ng pera, at nakapagpasaya ito sa Akin, ibinabalik sa Akin ang napakaraming mapapayapang oras ng Aking kabataan at kasiglahan, kung kailan sa tuwing gabi inilalagay sa Aking ulo ang mga kamay ng Makatarungang Isa at Ako ay natutulog kasama ang kanyang pagpapalà bilang bantay sa Aking pagtulog. Kahapon ang mahirap Kong kaibigang ito ay ginawa Akong hari sa pamamagitan ng kanyang pagpapalà. Makikita ninyo kung gayon na wala sa Aking mayayamang kaibigan ang nakapagbigay sa Akin ng kanyang ibinigay. Kung kaya’t, huwag matakot. Kahit na kung wala na sa inyo ang kapangyarihan ng pera, maliban na kayo ay may pagmamahal at kabanalan, makatutulong pa rin kayo sa kanino man na mahirap, pagod at nahihirapan ang kalooban.

Kung kaya’t sinasabi Ko sa inyo: huwag mag-alala nang labis dahil natatakot kayo ng pagkakaroon ng napakaliit. Laging magkakaroon kayo ng kung ano ang kinakailangan. Huwag masyadong mag-alala tungkol sa hinaharap. Walang nakaaalam kung gaanong hinaharap ang nasa unahan niya. Huwag mag-alala kung ano ang inyong kakainin upang masuportahan ang inyong buhay o kung anong damit ang inyong susuutin upang mapanatiling mainit ang inyong mga katawan. Ang buhay ng inyong mga kaluluwa ay malayong mas mahalaga pa kaysa sa inyong mga tiyan at inyong mga galamay, mas malayong mahalaga pa ito kaysa sa inyong pagkain at sa inyong mga damit, eksaktong katulad na ang materyal na buhay ay mas mahalaga pa kaysa pagkain at ang katawan mas mahalaga pa kaysa sa mga damit nito. Kailangan na nalalaman din ninyo ito. Tingnan ninyo ang mga ibon sa kalawakan. Sila ay hindi nagtatanim o umaani o nag-iipon sa mga imbakan, subalit sila ay hindi namamatay sa gutom sapagkat ang Amang nasa Langit ay pinakakain sila. At kayo mga tao, ang mga paboritong nilikha ng Ama, ay malayong mas mahalaga kaysa sa kanila.

Sino sa inyo, kasama ang kanyang lahat na talino, ang makadadagdag ng kahit isang siko¹ sa kanyang taas? Kung hindi ninyo magawang dagdagan ang inyong taas ng kahit isang dangkal, papaano mangyayaring mababago ninyo ang inyong mga kalagayan sa hinaharap, dinadagdagan ang inyong kayamanan, upang masiguro na kayo ay mabubuhay sa isang mahaba at masayang katandaan? Masasabihan ba ninyo ang kamatayan: “Pupunta ka sa akin kapag gusto ko na”? Hindi ninyo masasabi iyan. Bakit, kung gayon, mag-alala tungkol sa inyong hinaharap? At bakit pagkaabalahan nang labis na baka kayo maiwanan nang walang mga damit? Isipin ang mga liryong tumutubo sa mga parang: sila ay hindi nagtatrabaho o naghahabi, hindi sila namimili ng kahit anong tela sa mga nagtitinda, subalit titiyakin Ko sa inyo na kahit si Solomon sa lahat ng kanyang regalia ay hindi nasuutan ng kapa nang katulad sa isa sa mga liryong ito. Ngayon kung ang Diyos ay ganyan damtan ang mga damo sa parang, na naririyan ngayon at itatapon sa apoy bukas o gagamitin upang mapakain ang mga baka at kung gayon magtatapos sa abo o dumi, mas gaano pa Niya kayong aasikasuhin, Kanyang mga anak?

Huwag maging may maliliit na pananampalataya. Huwag mag-alala tungkol sa walang-katiyakang hinaharap nagsasabing: “Ano ang aking kakainin kapag matanda na ako? Ano ang aking iinumin? Papaano ko daramtan ang aking sarili? Iwanan ang ganyang mga pag-aalala sa mga Hentil, na wala ng nobleng katiyakan ng dibinong paternidad. Mayroon kayo nito at nalalaman ninyo na ang Ama ay nalalaman Niya ang inyong pangangailangan at minamahal kayo. Kung gayon pagtiwalaan Siya. Una munang hanapin kung ano ang tunay na kakailanganin: pananampalataya, kabutihan, karidad, kababaang-loob, awa, kadalisayan, pagpapakumbaba, ang tatlo at ang apat na pangunahing mga birtud, at ang lahat na iba pa rin, upang maging mga kaibigan ng Diyos, at magkaroon ng karapatan sa Kanyang Kaharian. At matitiyak Ko sa inyo na ang lahat na iba pa ay maibibigay din sa inyo, na hindi na kakailanganin na hingin ito. Walang mayaman na tao na mas mayaman pa sa isang santo o walang kahit sinong tao ang mas ligtas pa kaysa sa kanya. Ang Diyos ay kasama ang santo at ang santo ay kasama ng Diyos. Siya ay walang hinihingi para sa kanyang katawan, at ang Diyos ay nagtutustos ng kung ano ang kakailanganin. Ngunit siya ay nagtatrabaho para sa kanyang kaluluwa, at ang Diyos ay binibigay ang Kanyang Sarili sa kanya sa mundong ito, at ang Paraiso sa susunod na mundo.

Kung kaya’t huwag pagkaabalahan kung ano ang hindi sulit sa inyong pagpapaka-abalá. Gawin ang inyong imperpeksiyon na pamighatiin kayo, hindi ang inyong kakatiting na makalupang mga pamamaraan. Huwag mag-alala tungkol sa bukas. Ang bukas ay siyang bahala sa sarili nito, at aasikasuhin ninyo ito kapag pamumuhayan na ninyo ito. Bakit mag-alala ngayon? Ang buhay ba ay hindi pa puno ng mga malulungkot na alaala ng kahapon at ng mga problema ngayon, na kailangan pa nating idagdag ang masasamang panaginip ng kawalang-katiyakan ng bukas? Hayaan sa bawat araw ang sariling problema nito! Laging magkakaroon sa buhay ng mas maraming kirot kaysa sa gugustuhin natin, na hindi idinadagdag ang kasalukuyang mga kirot sa mga kirot sa hinaharap! Laging sabihin ang dakilang salita ng Diyos: “Ngayon”. Kayo ay ang Kanyang mga anak, nilikha sa Kanyang larawan. Kung kaya’t sabihing kasama Siya: “Ngayon”.

At ngayon binibigay Ko sa inyo ang Aking pagpapalà. Nawang samahan kayo nito hanggang sa pagsimula ng isang bagong ngayon: ng bukas, ibig sabihin kung kailan bibigyan Ko kayong muli ng Aking kapayapaan sa ngalan ng Diyos.»


¹Lumang sukat, mga 17 hanggang 21 pulgada.



Sunod na kabanata