183. Si Jesus sa Magdala. Nákatagpo Niya si Maria ng Magdala sa Ikalawang Pagkakataon.

Agosto 12 1044.

Ang buong apostoladong samahan ay nakapaligid kay Jesus. Nakaupo sa damuhan, sa loob ng malamig na lilim ng isang palumpungan, malapit sa umaagos na tubig, kumakain silang lahat ng tinapay at keso at iniinom ang malamig na malinaw na tubig ng agos. Ang kanilang mga sandalyas ay nagpapatunay na malayo ang kanilang nilakad at baka ang mga disipulo ay ibig na makapagpahinga sa matataas na sariwang mga damo.

Ngunit ang Walang-Kapagurang Lakad-nang-Lakad ay hindi ganito ang nasa isip. Kaagad nang Kanyang naisip na ang pinakamainit na oras ay tapos na, Siya ay tumayo, nagpunta sa daan at tumitingin… Pagkatapos Siya ay tumalikod at nagsabi: «Tayo na.» Wala nang iba pa.

Nang marating nila ang isang sangahang daan, kung saan apat na maalikabok na mga daan ang nagtagpu-tagpo, walang pag-aalinlangan na kinuha ni Jesus ang isang patungo sa hilagang-silangan na direksiyon.

«Babalik ba tayo ng Capernaum?» tanong ni Pedro.

Si Jesus ay tumugon: «Hindi.» Walang iba: hindi.

«Tayo ay patungong Tiberias, kung gayon» pamimilit ni Pedro, na gustung-gustong makaalam.

«Ni hindi roon.»

«Ngunit ang daan na ito ay magdadala sa isa sa Karagatan ng Galilee… at ang Tiberias at ang Capernaum ay naroroon…»

«At naroroon din ang Magdala» sabi ni Jesus na may medyo seryosong ekspresyon upang makontento ang pag-uusisa ni Pedro.

«Magdala? O!...» si Pedro ay medyo naiskandalo, na nagawa akong mag-isip na ang bayan ay hindi maganda ang pagkilala rito.

«Oo, sa Magdala. Ang tingin mo ba sa iyong sarili ay matapat-na-matapat para pumasok sa bayan na iyan? Pedro! Pedro!... Alang-alang sa kapakanan Ko kailangan mong pasukin hindi mga bayan ng pagpapakasarap bagkus tunay na mga bahay-aliwan… Si Jesus ay hindi pumunta sa lupa upang iligtas ang mga ligtas na, bagkus ang mga nawawala… at ikaw ay magiging “Pedro”, o Bato, hindi Simon, para sa pakay na iyan. Natatakot ka ba na mahawahan? Hindi! Ni ang isang ito, kita mo (at Kanyang itinuturo ang napakabatang Juan) ay hindi mamimiligro kahit na papaano. Sapagkat ayaw niya, katulad na ayaw mo, katulad na wala sa inyo pansamantala ang may gusto. Ngunit ang isa ay kailangan na panindigan at magpursige na hindi niya ito gusto. Makakakuha kayo ng lakas ng kalooban at pagpupursige mula sa Ama, sa pamamagitan ng pagdarasal na may sinsirong mga intensiyon. Hindi lahat sa inyo ang makapagdarasal nang ganyan, sa hinaharap… Ano ang iyong sinasabi, Judas? Huwag kang masyadong nagtitiwala sa sarili. Ako, Na siyang ang Kristo, ay laging nagdarasal upang magkaroon ng lakas laban kay Satanas. Mas magaling ka ba kaysa sa Akin? Ang pagmamalaki ay ang butas kung saan si Satanas nakakapasok. Maging nakabantay at mababa ang kalooban, Judas. Mateo, dahil kabisado mo ang lugar na ito, sabihin mo sa Akin: mas mabuti bang kunin ito patungo sa bayan, o mayroong ibang daan?»

«Depende ito, Guro. Kung ibig Ninyong pumunta sa lugar ng Magdala kung saan nakatira ang mga mangingisda at mga mahihirap, ito ang daan. Ngunit – sa palagay ko hindi ito ang kaso ngunit sinasabi ko ito sa Inyo upang mabigyan ko Kayo ng kumpletong kasagutan – kung ibig Ninyong pumunta kung nasaan ang mga mayayamang tao, kung gayon pagkatapos ng mga sandaang yarda, kailangan na umalis Kayo sa daang ito at kunin ang isa pa, sapagkat ang kanilang mga bahay ay medyo sa direksiyon na ito at kinakailangan na bumalik…»

«Tayo ay babalik sapagkat ibig Kong pumunta sa mga bahay-tirahan ng mayayamang tao. Ano ang sinabi mo, Judas?»

«Wala, Guro. Ito ang ikalawang beses na tinanong Ninyo ako sa napakaikling panahon. Ngunit hindi ako kailanman nagsalita.»

«Hindi sa pamamagitan ng iyong mga labì, hindi. Ngunit ikaw ay nagsalita, pabulung-bulong sa iyong puso. Bumulung-bulong ka kasama ang iyong panauhin: ang iyong puso. Hindi kinakailangan na may isang tagapagsalita, upang magsalita. Marami tayong sinasabing mga salita sa ating mga sarili… Ngunit hindi kailanman tayo dapat na umungol o manira, ni hindi sa pamamagitan ng ating kaakuhan.»

Ang grupo ay nagpapatuloy sa katahimikan. Ang pangunahing daan ay naging isang bayan, may latag ang mga kalsada ng isang dangkal na mga kudradong bato. Ang mga bahay ay nagiging mas maririkit at magaganda, napaliligiran ng namumulaklak na mga hardin at mga lootan. Nagkakaroon ako ng impresyon na ang magandang Magdala ay para sa mga Palestino isang uri ng lugar ng pagpapakasarap katulad ng ilang mga bayan sa paligid ng aming mga lawa sa Lombardy: Stresa, Gardone, Pallanza, Bellagio at iba pa. Kasama ng mayayamang Palestino ay ang maraming mga Romano, na maaaring galing sa ibang mga lugar, katulad ng Tiberias o Caesarea, posibleng mga opisyales ng Gobernador o mga mangangalakal na mga nagluluwas ng pinakamagagandang produkto ng kolonyang Palestina sa Roma.

Si Jesus ay nagpapatuloy, nakatitiyak sa Sarili, na tila nalalaman Niya kung saan pupunta. Sinusundan Niya ang daan ng lawa, na nasasalamin ang mga kabahayan at mga hardin sa mga hangganan nito.

Ang isang malakas na iyakan ng mga tao ay maririnig mula sa isang marangyang bahay. Ito ay mga tinig ng mga babae at mga bata. Ang isang matiling tinig na isang babae ay sumisigaw: «Anak ko! Anak ko!»

Si Jesus ay tumalikod at tinitingnan ang Kanyang mga apostol. Si Judas ay lumapit. «Hindi, hindi ikaw» utos ni Jesus. «Ikaw, Mateo. Lakad at tingnan mo.»

Si Mateo ay lumakad at bumalik: «Isang awayan. Guro. May isang lalaki ang namamatay. Isang Hudyo. Ang lalaking nakasugat sa kanya, isang Romano, ay tumakas. Ang kanyang asawa, ina at mga anak ay dumating upang tulungan siya… Ngunit siya ay namamatay na.»

«Tayo na.»

«Guro… Guro… Ito ay nangyari sa loob ng bahay ng isang babae… na hindi niya asawa.»

«Tayo na.»

Sa pamamagitan ng isang maluwang na nakabukas na pintuan pinasok nila ang isang maluwang na bulwagan na nagbubukas patungo sa isang magandang hardin. Ang bahay ay tila nahahati-hati sa pamamagitan ng klase ng natatakpang mga haliging ito, na puno ng mga pasong may mga halaman, mga estatuwa at mga may-dekorasyong mga gamit. Ito ay magkahalong isang bulwagan at isang bahay-hardin. Sa loob ng isang silid, na ang pinto nito ay nagbubukas patungo sa bulwagan, ay may ilang mga kababaihan na mga umiiyak. Si Jesus ay makumpiyansang pumasok. Ngunit hindi Niya binabanggit ang Kanyang dating pagbati.

Sa mga kalalakihang naroroon ay may isang mangangalakal na halatang nakakikilala kay Jesus, sapagkat nang kaagad niyang makita Siya, sinabi niya: «Ang Rabbi ng Nazareth!» at binati niya Siya nang magalang.

«Jose, ano ang nangyayari?»

«Guro, may saksak sa kanyang dibdib… Siya ay namamatay na.»

«Bakit?»

Ang isang ubaning babae na hindi maayos ang hitsura ay tumayo – siya ay nakaluhod malapit sa namamatay na lalaki hawak ang kanyang walang-buhay na kamay – at sa pamamagitan ng sirang mukha at tinig siya ay sumigaw: «Dahil sa babaeng iyan, dahil sa kanya… ginawa niya siyang isang dimonyo… Ang ina, asawa, mga anak ay wala na sa kanya! Kukunin ka ni Satanas, babae!»

Si Jesus ay tumingala at ang Kanyang mga mata ay sinusundan ang itinuturo ng nanginginig na nag-aakusang kamay at sa isang sulok, sa tabi ng isang madilim na mapulang pader, nakita Niya si Maria ng Magdala, mas lalo pang walang-hiya ang hitsura magpakailanpaman, sasabihin ko, walang saplot sa kalahatian ng kanyang katawan, sapagkat siya ay hubad mula sa baywang pataas, nakatapis ng isang may-anim na gilid na telang-kulambong damit na may mga bilugang mga bagay na nagmumukhang maliliit na perlas. Ngunit sa dahilan na siya ay nasa medyo malabong liwanag, hindi ko siya makita nang mabuti.

Ibinaba ulit ni Jesus ang Kanyang mga mata. Si Maria, nahampas ng kawalang-pakialam ni Jesus, ay tumayo, samantalang kanina siya ay tila medyo nalulungkot, at gumanti sa pamamagitan ng isang mapaglaban na tayò.

«Babae» sabi ni Jesus sa ina. «Huwag kang manumpa. Sabihin mo sa Akin. Bakit naririto ang iyong anak na lalaki?»

«Sinabi ko na sa Inyo. Sapagkat siya ay nilalandi ng babae. Ng babaeng iyan.»

«Manahimik. Kung gayon, ang iyong anak ay may pagkakasala din, sapagkat siya ay nangangalunya at di-karapat-dapat na ama ng mga inosenteng batang ito. Karapat-dapat siya kung gayon ng kanyang kaparusahan. Sa buhay na ito at sa susunod walang awang matatanggap ang mga hindi nagsisisi. Ngunit naaawa Ako sa iyong pamimighati at para sa mga inosenteng mga batang ito. Malayo ba ang inyong bahay?»

«Mga sandaang yarda.»

«Buhatin ang lalaki at dalhin siya roon.»

«Hindi ito posible, Guro» sabi ni Jose, ang mangangalakal.  «Napuputulan na siya ng kanyang hininga.»

«Gawin ang ayon sa sinasabi Ko.»

Naglagay sila ng isang tabla sa ilalim ng katawan ng namamatay na lalaki at ang prusisyon ay dahan-dahang umusod papalabas. Tinawid nila ang kalsada at nagpatungo sa malilim na hardin. Ang mga kababaihan ay nagpapatuloy sa malakas na mga pag-iyak.

Nang napasok na nila kaagad ang hardin, si Jesus ay sinasabihan ang ina. «Makapagpapatawad ka ba? Kung ikaw ay magpatawad, ang Diyos ay magpapatawad. Kailangan na tayo ay mabait, upang makakuha ng grasya. Siya ay nagkasala at magkakasala muli. Mas mabuti na sana sa kanya ang mamatay, sapagkat, kung siya ay mabubuhay, babagsak ulit siya sa pagkakasala at pananagutan din niya ang kanyang kawalang-pasasalamat sa Diyos Na nagligtas sa kanya.. Ngunit ikaw at ang mga inosenteng mga batang ito (at Kanyang itinuturo ang asawa at ang mga anak) ay magiging desperado. Ako ay naparito upang makapagligtas, hindi upang mawalan. lalaki, sasabihin Ko sa iyo: tumayo ka at maging magaling.»

Ang lalaki ay nagsisimula nang makapanumbalik. Ibinukas niya ang kanyang mga mata, nakita ang kanyang ina, ang kanyang asawa at mga anak at ibinaba ang ulo nahihiya.

«Anak, anak» sabi ng ina. «Ikaw ay patay na, kung hindi ka Niya iniligtas. Magising ka sana sa iyong ulirat. Huwag ka nang parahuyo sa isang…»

Si Jesus ay pinigil ang matandang babae. «Maging tahimik, babae. Magkaroon ng awa, katulad na ang awa ay ipinagkaloob sa iyo. Ang iyong bahay ay napabanal ng isang himala, na siyang laging ang katibayan ng presensya ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit hindi Ko iyan magagawa kung saan naroroon ang kasalanan. Ikaw, man lamang, ay kailangan na magsikap na mapanatili ito na ganyan, kahit na kung hindi ito gagawin ng iyong anak na lalaki. Asikasuhin mo na siya ngayon. Tama lamang na siya ay maghirap nang kaunti. Maging mabuti, babae. At ikaw. At kayong maliliit. Paalam.» Si Jesus ay naipatong ang Kanyang kamay sa mga ulo ng dalawang babae at ng mga bata.

Pagkatapos Siya ay lumabas dumaraan sa harapan ni Maria ng Magdala na sumunod sa prusisyon hanggang man lamang sa pamasukan ng bahay kung saan siya nanatiling nakasandal sa isang punungkahoy. Si Jesus ay binagalan ang Kanyang paghakbang na tila naghihintay Siya sa Kanyang mga disipulo. Ngunit sa palagay ko ginawa Niya ito upang mabigyan si Maria ng pagkakataon na makagawa ng hakbang. Ngunit hindi niya ito ginagawa.

Ang mga disipulo ay naabutan si Jesus at si Pedro ay hindi maiwasan ang bumulung-bulong ng isang bansag tama para kay Maria, na, ginugustong magpakita ng panlalaban, napahalakhak ng isang mahinang pananagumpay. Ngunit napakinggan ni Jesus ang mga salita ni Pedro at sinabihan siya nang mahigpit: «Pedro. Ako ay hindi nang-iinsulto. Huwag mang-insulto. Manalangin para sa mga nagkakasala. Wala nang iba pa.»

Si Maria ay itinigil ang kanyang matiling paghahalakhak, ibinaba ang kanyang ulo at tumakbong paalis, katulad ng isang gasela, patungo sa kanyang bahay.

271210

 



Sunod na kabanata