190. Mulang Nain Patungong Esdraelon. Si Jesus Nanatili sa Bahay ni Micah.

Hunyo 15 1945.

Ang araw ay palubog sa isang mapulang kalawakan nang si Jesus ay lumitaw sa pananaw ng mga bukid ni Johanan.

«Bilisan natin ang ating paglakad, Aking mga kaibigan, bago lumubog ang araw. At ikaw, Pedro, lumakad kasama ang iyong kapatid upang paalamin ang ating mga kaibigan, ang mga tauhan ni Doras.

«Lalakad nga ako, upang makita rin kung ang anak ay totoong umalis na.» Si Pedro ay idinidiin ang salitang «anak». At siya ay lumakad.

Pansamantala si Jesus ay nagpapatuloy sa mabagal na paglakad, tumitingin sa paligid kung may mga tauhan ni Johanan sa kapaligiran. Ngunit Kanyang nakikita lamang ang matabang mga bukid, kung saan ang mga tainga ng grano ay maayos nang naporma.

Sa wakas, isang mukha, na basa ng pawis, ang lumitaw sa pagitan ng mga dahon ng baging at ang isang pagbulalas ay narinig: «O! Pinagpalang Panginoon» at ang magbubukid ay tumakbong palabas mula sa ubasan at nagpatirapa sa paanan ni Jesus.

«Kapayapaan sa iyo, Isaiah!»

«O! Naalaala din Ninyo ang aking pangalan?»

«Iyan ay nakasulat sa Aking puso. Tumayo ka. Nasaan ang iyong mga kasama?»

«Sa banda roon. Sa mga lootan ng mansanas. Ngunit sasabihan ko sila kaagad. Kayo ay magiging aming panauhin, hindi ba? Ang panginoon ay wala rito at mapapatuloy namin Kayo. ano pa man ang mangyari… ano kung may takot, ano kung may lugod… mabuti na iyan. Isipin na lang, binigyan niya kami ng kordero sa taon na ito at pahihintulutan kaming makapunta sa Templo! Binigyan niya kami ng anim na araw lamang… ngunit tatakbo kami lagi… Kami ay mapupunta rin sa Herusalem… Isipin!... At salamat sa Inyo.» Ang mamâ ay nasa kanyang ikapitong langit ng kasayahan sapagkat siya ay trinatong isang tao at isang Israelita.

«Wala Akong ginawa, hanggang sa Akin nalalaman…» sabi ni Jesus ngumingiti.

«Eh! hindi! Malaki ang Inyong nagawa. Si Doras, at ang mga bukid ni Doras, at ang mga isang ito rito, na sa halip ay naging magaganda sa taon na ito… si Johanan ay napagsabihan ng tungkol sa Inyong pagdalaw, at siya ay hindi isang tanga. Siya ay natatakot at… siya ay natatakot.»

«Ng ano!»

«Natatakot siya na ang nangyari kay Doras ay baka mangyari sa kanya. Kapwa tungkol sa kanyang buhay at sa kanyang ari-arian. Nakita ba Ninyo ang mga bukid ni Doras?»

«Ako ay nanggaling sa Nain…»

«Kung gayon hindi Ninyo nakita ang mga ito. Ito ay isang ganap na pagkasira. (Ang mamâ ay ibinulong ito sa mababang tinig, katulad ng isa na nagsasabi ng isang lihim tungkol sa isang bagay na nakakatakot.) Lahat iyon ay sira! Walang dayami, walang kumpay, walang prutas. Ang mga baging at mga lootan natuyo… Patay… ang lahat ay patay… katulad ng Sodom at Gomorrah… Halikayo, ipapakita ko sa Inyo.»

«Hindi na kailangan. Napunta Ako upang makita ang mga magbubukid…»

«Ngunit sila ay wala na rito! Hindi ba Ninyo nalaman? Si Doras, ang anak ni Doras, ay ikinalat sila o pinaalis sila, at ang kanyang mga ipinadala sa ibang mga kabukiran na lugar na pag-aari niya, ay kailangan na huwag magsalita sa Inyo, o sila ay hahagupitin… Hindi magsalita sa Inyo! Iyan ay mahirap! Si Johanan din ay nagsabi sa amin ng ganyan.»

«Ano ang kanyang sinabi?»

«Sinabi niya: “Hindi ako napakatanga katulad ni Doras at hindi ko sasabihin sa inyo: ‘Ayaw kong magsalita kayo tungkol sa Nazareno’. Ito ay walang mangyayari, sapagkat gagawin pa rin ninyo iyan at ayaw kong mawala kayo sa akin sa paghahagupit sa inyo hanggang kamatayan katulad ng di-maaamong hayop. Sa kabaligtaran sinasabi ko sa inyo: ‘Maging mabuti katulad na itinuturo sa inyong tiyak ng Nazareno at sabihin ninyo sa Kanya na tinatrato ko kayo nang maayos’. Ayaw kong maisumpa rin”. Siyempre, nakita niya kung ano ang mga bukid na ito pagkatapos na pinagpalà Ninyo ang mga ito, at kung ano ang katulad ng mga bukid na Inyong isinumpa. O! Naririto ang mga nag-araro ng bukid para sa akin…» at ang mamâ ay tumakbo upang salubungin sina Pedro at Andres.

Ngunit si Pedro ay binati lamang siya nang panandalian at nagpatuloy sa kanyang daan at nagsimulang sumigaw: «O! Guro! Walang natira kahit isa! Lahat sila ay bagong mga mukha. At ang lahat ay nakatiwangwang na sira! Maigi na sa kanya na wala kahit anumang magbubukid dito. Ito ay mas malala pa kaysa sa Salt Sea!...»

«Alam Ko. Sinabi ni Isaiah sa Akin.»

«Ngunit halikayo at tingnan! Anong tanawin…»

Si Jesus ay pinagbigyan siya pagkatapos na masabi kay Isaiah: «Ako ay mananatili kasama ninyo. Sabihin sa iyong mga kasama. Ngunit huwag nang mag-abala pa ng kahit ano. May sapat Akong pagkain. Ang tanging kailangan lang namin ay isang kamalig na matutulugan at ang inyong pagmamahal. Ako ay babalik agad.»

Ang tanawin ng mga bukid ni Doras ay totoong nakalulungkot. Ang mga bukid at mga parang ay tuyo at walang anuman, mga ubasan ay natuyo, ang mga kadahunan at mga bunga ng mga punungkahoy ay ganap na nasira ng milyun-milyon na mga insekto ng lahat na uri. Ang lahat na lootang hardin malapit sa bahay ay nagmumukhang abandonadong namamatay na kakahuyan. Ang mga magbubukid ay pagala-gala nagbubunot ng mga sukal, nagpipisa ng mga higad, kabibi, uod at ang mga katulad nito, nag-uuga ng mga sanga sa ilalim kung saan naglalagay ng mga palanggana puno ng tubig upang malunod ang maliliit na paruparo, mga insektong sumisipsip ng katas sa mga tanim at iba pang mga parasito na nakatakip sa mga dahon at kumakain ng mga tanim hanggang sa ito ay mamatay. Nagsisikap silang makatagpo ng tanda ng buhay sa mga usbong ng baging, na nadudurog katulad ng tuyong kahoy kaagad kapag ito ay mahawakan at kung minsan nalalaglag mula sa punong sanga, na tila ang mga ugat ay nilagari. Ang kaibhan sa mga bukid, ubasan at mga lootan ni Johanan ay kitang-kita at ang pagkasira ng naisumpang mga bukid ay tila mas kagulat-gulat kung ikukumpara sa kasaganaan ng pamumunga ng ibang mga bukid.

«Ang kamay ng Diyos ng Sinai ay isang mabigat na kamay» bulong ni Simon Zealot.

Si Jesus ay kumilos na tila upang sabihin: «Gaano ka ka-tama!» ngunit hindi Siya nagsasalita ng anuman. Nagtanong lamang Siya: «Papaano ito nangyari?»

Ang isang magbubukid ay tumugon nang pigil: «Mga nangangatngat na hayop, mga balang, mga uod… ngunit umalis na Kayo! Ang tagapamahala ay matapat kay Doras… Huwag Ninyo kaming gawan ng problema…»

Si Jesus ay nagbuntung-hininga at umalis.

Ang isa pang magbubukid, na nakabaluktot sa ilalim ng isang puno ng mansanas nilalagyan ito ng lupa, sa pag-asa na mailigtas ito, ay nagsabi: «Mararating namin Kayo bukas… kapag ang tagapamahala ay pumunta sa Jezreel para sa panalangin… pupunta kami sa bahay ni Micah.»

Si Jesus ay gumagawa ng pagkilos ng pagpapalà at umalis.

Nang bumalik Siya sa sangahan ng daan, ang lahat na magbubukid ni Johanan ay naroroon at mga nalulugod at masasaya pinalibutan nila ang kanilang Mesiyas at dinala nila Siya sa kanilang abang mga tirahan.

«Nakita ba Ninyo, sa banda roon?»

«Oo, nakita Ko. Ang mga magbubukid ni Doras ay pupunta bukas.»

«Siyempre, kapag ang asong Aprikano ay umalis upang magdasal… Ginagawa namin iyan sa tuwing Sabbath… at kami ay Kayo ang pinag-uusapan. Binabanggit namin kung ano ang aming narinig mula kay Jonah, kay Isaac, na madalas dumadalaw sa amin, at kung ano ang aming natutuhan mula sa Inyo sa Tishri. Nagsasalita kami hanggang sa magagawa namin nang maayos. Sapagkat imposible na hindi magsalita ng tungkol sa Inyo. At habang mas naghihirap kami, habang mas pinagbabawalan kami, mas lalo kaming nagsasalita tungkol sa Inyo. Ang kaawa-awang mga taong iyon… umiinom sila ng esensiya ng buhay tuwing Sabbath… Ngunit gaano karami ang nasa kapatagan na ito na nangangailangan na makaalam, na makilala man lamang Kayo, subalit hindi sila makapunta rito…»

«Aasikasuhin Ko rin ang tungkol sa kanila. At sana pagpalain ka sa ginagawa mo.»

Ang araw ay lumulubog habang pinapasok ni Jesus ang isang kusina na napaitim ng usok. Ang pagpapahinga ng Sabbath ay nagsisimula na.

040111

 

 



Sunod na kabanata