196. Ang Sabbath sa Gethsemane.

Hunyo 21, 1945.

Ang grupo ay ginugol ang karamihang oras ng umaga ng Sabbath sa pagpapahinga ng kanilang pagod na mga katawan at sa paglilinis ng kanilang mga damit na naging maalikabok at nakasuot sa loob ng paglalakbay. May labis na nakapang-aanyayang tubig sa maluwang na mga tangke ng Gethsemane, puno ng tubig ulan, at sa mabulang Kidron, ngayon nasa pagbaha, dahil sa malakas na pag-ulan kamakailan lamang, kung saan ang tubig ay umuugong sa mga bato katulad ng isang simponya. At ang mga apostol, magkakasunod, nilalabanan ang mababang temperatura ng tubig, ay tumatalon dito at pagkatapos, nakasuot ng bagong mga damit mula ulo hanggang paa, ang kanilang mga buhok napakintab ng wisik ng agos, sila ay kumukuha ng tubig mula sa mga tangke ibinubuhos ito sa malalaking kawa kung saan kanilang napaghiwa-hiwalay na ang mga damit ayon sa kulay.

«Bueno! Kapag sila ay nababad na rito, hindi na magiging mahirap masyado para kay Maria na labhan sila.» (Sa palagay ko ang Maria na iyan ay ang babae na naninirahan sa Gethsemane). Tanging ikaw lamang, aking mahal na maliit na kaibigan, ang hindi makapagpapalit. Ngunit bukas…» Sa katunayan ang bata ay suut-suot ang isang malinis na kapa, na kinuha mula sa isang maliit na sako: napakaliit upang sapat na ito para sa mga damit ng isang manika! Ngunit ang tunika ng bata ay mas kupas pa ang kulay at punit kaysa sa isa at si Pedro ay tinitingnan ito na may pag-aalala, bumubulong: «Papaano ko siya posibleng madala sa bayan? Sa palagay ko kailangan kong tumabas sa isa sa aking mga manta, sapagkat ang manta… ay makapagtatakip sa kanya nang husto.»

Si Jesus, na nakapakinig sa maka-amang pananalita sa sarili na ito ay nagsabi: «Mas mabuti nang papagpahingahin siya ngayon. Sa gabing ito pupunta tayo sa Bethany…»

«Ngunit ibig kong ibili siya ng isang bagong kapa. Ipinangako ko iyan.»

«Tiyak na ibibili mo siya. Ngunit mas mabuti na na kunin ang payo ng Aking Ina. Alam mo na… ang mga babae… ay mas may karanasan sa ganyang mga pamímili… at magiging masaya Siya na pangalagaan ang bata… Kayo ay lalakad na magkasama.»

Si Pedro ay labis na nasisiyahan sa ikapitong langit ng kasayahan tungkol sa idea na mamimili kasama si Maria. Hindi ko masabi kung si Jesus ay naisaad ang lahat na Kanyang naiisip o kung nagpipigil Siya ng ilan, ang tungkol sa mga pagpapahiwatig na ang panlasa ng Kanyang Ina ay mas pino kaysa kay Pedro at kung gayon maiiwasan ang di-pagtugma-tugma ng nakapangingilabot na mga kulay. Ang katotohanan nakuha Niya ang Kanyang ibig mangyari na hindi napapahiya si Pedro.

Sila ay kumalat sa taniman ng mga olibo, na napakaganda sa matahimik na araw na ito ng Abril. Ang mga pag-ulan ng mga nakaraang araw ay tila nagawang mga plata ang mga punong olibo at tila nagtanim ng mga bulaklak, napakaningning ng mga dahon sa sikat ng araw at napakarami ang mga bulaklak sa paanan ng bawat punungkahoy. Ang mga ibon ay umaawit at nagliliparan kahit saan. Ang bayan ay nakalatag sa banda roon, sa kanluran ng nakatingin.

Hindi posibleng makita ang mga pulutong na nag-iipun-ipon sa loob, ngunit makikita ng isa ang mga karabana patungo sa Gate of the Fish at sa iba pang mga geyt, na ang mga pangalan ay hindi ko alam, sa silangang tabing ito, at ang mga manlalakbay ay nilululon ng bayan na tila ito ay isang gutom na bunganga.

Si Jesus ay palakad-lakad pataas at pababa pinagmamasdan si Jabez na nakikipaglaro kay Juan at sa mga nakababatang apostol. Ang Iskariote rin, na nakalabas na sa masamang timpla kahapon ay masayahin at naglalaro. Ang mga mas nakatatanda ay nanonood at ngumingiti.

«Ano ang sasabihin ng Inyong Ina tungkol sa batang ito?» tanong ni Bartolomeo.

«Sa palagay ko sasabihin Niya: “Napakapayat niya”» sabi ni Tomas.

«O! hindi! Sasabihin Niya: “kaawa-awang bata!”» tugon ni Pedro.

«Sa halip sasabihin Niya sa Inyo: “Natutuwa Ako na minamahal Mo siya”» pagtutol ni Felipe.

«Ang Kanyang Ina ay hindi kailanman pinagdudahan iyan. Ngunit hindi sa palagay ko Siya magsasalita ng kahit anuman. Ididiin Niya siya sa Kanyang puso» sabi ng Zealot.

«At Kayo, Guro, ano sa palagay Ninyo ang Kanyang sasabihin?»

«Gagawin Niya ang sinabi ninyo. Iisipin Niya ang maraming bagay, hindi, ang lahat na mga bagay na iyan, at sasabihin Niya ito sa Kanyang puso, at kapag hinahalikan Niya siya sasabihin lamang Niya: “Pagpalain ka sana” at Kanya siyang aalagaan na tila siya ay isang maliit na ibon na nahulog mula sa pugad. Isang araw, makinig, nagkuwento Siya sa Akin tungkol nang Siya ay maliit na bata pa lamang. Wala pa Siyang tatlong taon sapagkat wala pa Siya sa Templo, at ang Kanyang puso ay punung-puno ng pagmamahal, bumubukal, katulad ng mga bulaklak at mga olibo na pinipisa at dinudurog sa isang pisaan, ang lahat ng Kanyang mga langis at pabango. At sa isang labis na kasiyahan sa pagmamahal sinabi Niya sa Kanyang ina na ibig Niyang maging isang birhen upang mabigyan ng lalo pang kasiyahan ang Tagapagligtas, ngunit ibig Niyang maging isang makasalanan upang mailigtas¹, at Siya ay halos umiyak, sapagkat ang Kanyang ina ay hindi Siya maintindihan at hindi masabi sa Kanya kung papaano magiging posible na maging “puro” at maging isang “makasalanan” din. Ang Kanyang ama ay nagawa Siyang masiyahan sa pagdala para sa Kanya ng isang maliit na ibong pipit, na kanyang nailigtas nang ito ay  malulunod sana kung nahulog ito  mula sa gilid ng isang pontanya. Ipinaliwanag niya ang parabula tungkol sa maliit na ibon, nagsasabing ang Diyos ay iniligtas Siya bago pa man at kung gayon kailangan Niyang pagpalain ang Diyos nang doble. At ang maliit na Birhen ng Diyos, ang Kadakidakilang Birhen Na Maria, ay isinabuhay ang Kanyang unang espirituwal na maternidad alang-alang sa maliit na ibon, na Kanyang pinakawalan nang ito ay sapat nang malakas. Ngunit ang ibon ay hindi na kailanman umalis sa pangkusinang-hardin sa Nazareth, kung saan sa paglipad-lipad at paghuni-huni nito, napagiginhawahan nito ang malungkot na bahay at ang biyak na mga puso nina Anna at Joaquin, nang si Maria ay nasa Templo. Ito ay namatay pagkaraan ng kaunting panahon nang maputulan ng hininga si Anna… Nagawa na nito ang katungkulan nito… Ang Aking Ina ay inilaan ang Kanyang Sarili sa pagiging birhen para sa pagmamahal. Ngunit, sa dahilan na Siya ay isang perpektong nilikha, ang pagiging ina ay nasa Kanyang dugo at espiritu. Sapagkat ang babae ay nilikha upang maging isang ina at isang kalisyaan, kung siya ay bingi sa ganyang sintimyento, na pagmamahal ng ikalawang kapangyarihan…»

Ang iba rin ay lumapit nang unti-unti.

«Ano ang Inyong ibig sabihin, Guro, ng pagmamahal ng ikalawang kapangyarihan?» tanong ni Judas Tadeo.

«Aking kapatid, maraming pagmamahal at marami’t iba’t ibang kapangyarihan. Naririyan ang pagmamahal ng unang kapangyarihan: ang isang ibinibigay sa Diyos. Pagkatapos naririyan ang pagmamahal ng ikalawang kapangyarihan: ang pagmamahal ng isang ina o ng isang ama, sapagkat kung ang nauna ay ganap na espirituwal, ang isang ito ay espirituwal sa dalawang bahagi at karnal sa isang bahagi. Totoo na ang pantaong damdamin ay kahalo rito, ngunit ang mas superior na sintimyento ay ang nangingibabaw, sapagkat ang ama at ina, na ganito sa isang mabuti at banal na paraan, ay hindi lamang nagpapakain at naghahaplos sa katawan ng kanilang anak, bagkus nagbibigay din sila ng pagkain at pagmamahal sa isip at sa espiritu ng kanilang anak. At ang Aking sinasabi ay totoo, na ang mga taong inilalaan ang kanilang sarili para sa mga bata, kahit na kung sa pagbibigay lamang sa kanila ng edukasyon, ay natatapos sa pagmahal sa kanilang mga mag-aaral, na tila sila ay kanilang sariling laman.»

«Sa katunayan gustung-gusto ko ang aking mga mag-aaral» sabi ni Juan ng Endor.

«Nakikita ko na maaaring naging mabuting tagapagturo ka ayon sa pakikitungo mo kay Jabez.»

Ang mamang mula sa Endor ay yumuko at hinahalikan ang kamay ni Jesus nang hindi nagsasalita.

«Pakiusap na magpatuloy sa Inyong klasipikasyon ng mga pagmamahal» nakikiusap ang Zealot.

«Naririyan ang pagmamahal para sa sariling asawa: pagmamahal ng ikatlong kapangyarihan sapagkat ito ay – Ako ay laging nagsasalita tungkol sa mabuti at banal na mga pagmamahal – kalahati ng espiritu at kalahati ng laman. Ang isang lalaki, bukod sa pagiging asawa ng kanyang kabiyak, ay isang tagapagturo at isang ama sa kanya; at ang isang babae ay isang anghel at isang ina sa kanyang asawa, bukod sa pagiging kanyang kabiyak. Ito ang tatlong pinakamataas na pagmamahal.

«At ang pagmamahal para sa ating kapwa? Hindi ba Kayo nagkakamali? O ito’y Inyo nang nakalimutan?» tanong ng Iskariote. Ang iba ay tinitingnan siya nang natutulala at… nagagalit dahil sa kanyang mga sinabi.

Ngunit si Jesus ay tumugon nang mapayapa: «Hindi, Judas. Tingnan. Ang Diyos ay kailangan na mahalin sapagkat Siya ay Diyos, kung kaya’t walang kailangan diyan ng pagpapaliwanag upang makumbinsi ang isa na magkaroon ng ganyang pagmamahal. Siya ay Siya Na Siya nga, ibig sabihin Lahat; at ang tao: Wala, na kasali ng Lahat, dahil sa kaluluwa ng inilagay sa kanya ng Eternal Na Diyos – na kung wala ng kaluluwang ito ang tao ay magiging isa sa maraming hayop na namumuhay sa lupa, o sa tubig o sa himpapawid – kailangan na sambahin niya Siya sa pananaw na ito ay kanyang katungkulan at marapatin niya ang manatili sa Lahat, ibig sabihin ang marapatin na maging bahagi ng banal na Sambayanan ng Diyos sa Langit, isang mamamayan ng Herusalem,  Lugar na walang malalamang panlalapastangan o paninira magpakailanman.

Ang pagmamahal ng tao, at lalo na ng babae, para sa kanilang mga anak, ay ipinakita bilang isang utos na nasa mga salita ng Diyos kay Adan at kay Eba, pagkatapos na sila ay pinagpalà Niya, nakikita na nakagawa Siya ng isang “mabuting bagay”, noong malayong ikaanim na araw, ang unang ikaanim na araw ng paglilikha. Ang Diyos ay sinabi sa kanila: “Maging mabunga at magpakarami at punuin ang lupa…” Nakikita ko ang iyong ipinahihiwatig na pagtutol, at ito ang Aking tugon sa iyo: Sa dahilan na bago pa ang kasalanan ang lahat sa sangnilikha ay nakokontrolan ng pagmamahal at nakabatay sa pagmamahal, ang pagpapakaraming iyan ng mga anak ay sana naging isang banal, puro, makapangyarihan, perpektong pagmamahal. At ibinigay iyon ng Diyos bilang Kanyang unang utos sa tao: “Maging mabunga at magpakarami”.  Kung gayon, mahalin ninyo ang inyong mga anak ayon sa Akin. Ang pagmamahal, katulad na ito ay ganito na ngayon, ang kasalukuyang  manunupling ng mga bata, ay wala pa noon. Noon ay walang malisya ni ang nakasusuklam na pagkauhaw sa kahalayan. Ang lalaki ay minamahal noon ang babae at ang babae ay minamahal noon ang lalaki, sa natural na paraan, hindi sa natural na paraan ayon sa kalikasan katulad sa pagkaintindi natin nito ngayon, o kung baga, sa pagkaintindi ninyong mga lalaki nito ngayon, bagkus ayon sa kalikasan ng mga anak ng Diyos: sa sobrenatural na paraan.  Matamis ang mga araw noon ng pagmamahalan ng Dalawa na mga magkapatid, sapagkat ipinanganak ng iisang Ama, subalit mag-asawa, na nagmamahalan at nagtitinginan sa isa’t isa na may inosenteng mga mata ng magkakambal sa isang kuna; ang lalaki ay naramdaman ang pagmamahal ng isang ama para sa kanyang asawa na “buto galing sa kanyang mga buto at laman galing sa kanyang laman”, kung ano ang isang anak para sa kanyang ama; at ang babae ay naranasan ang lugod ng pagiging isang anak na babae, protektado ng isang napakataas na pagmamahal, sapagkat naramdaman niya na mayroon siya sa kanyang sarili ng isang bagay ng mabuting lalaki na nagmamahal sa kanya, nang may inosensiya at anghelikal na init, sa magandang mga parang sa Eden!

Pagkaraan, sa sunud-sunod ng mga utos na ibinigay ng Diyos, ngumingiti, sa Kanyang minamahal na mga anak, dumating kung ano ang inutos mismo ni Adan, pinagkalooban ng Grasya na may katalinuhan na mas mababa lamang sa Diyos, nagsasalita tungkol sa kanyang asawa at tungkol sa bawat babae na darating sa pamamagitan ni Eba, isang utos ng kaisipan ng Diyos, na malinaw na nasasalamin ng walang batik na salamin ng espiritu ni Adan, isang bulaklak sa kaisipan at sa salita: “Ang lalaki ay iiwanan ang kanyang ama at ina at idudugtong ang kanyang sarili sa kanyang asawa at sila ay magiging isang katawan”.

Kung hindi nagkaroon ng tatlong haligi ng tatlong binanggit na pagmamahal, magkakaroon ba ng pagmamahal para sa kapwa ng isang tao? Hindi. Hindi sana nagkaroon nito. Ang pagmamahal ng Diyos ay nagawa ang Diyos na isang kaibigan at nagtuturo ito ng pagmamahal. Ang sinuman na hindi nagmamahal sa Diyos, Na isang mabuti, ay tiyak na hindi makapagmamahal sa kanyang kapwa na sa karamihang kaso ay may diperensiya. Kung hindi nagkaroon ng pagmamahalan ng mag-asawa at ng pagiging magulang sa mundo, hindi sana nagkaroon ng mga kapwa, sapagkat ang isang kapwa ay ang anak ng tao. Kumbinsido ka na ba?»

«Oo, Guro. Hindi ko naisip iyan.»

«Totoo ngang mahirap na bumalik sa mga pinagmulan. Ang tao ay nábaon na sa putik sa loob ng libu-libong mga taon, at ang mga pinagmulang iyan ay napakataas doon sa mga tuktok! Ang nauna, higit sa lahat, ay isang pinagmulan na nanggagaling mula sa isang walang-hangganang kataasan: ang Diyos… Ngunit aakayin Ko kayo at dadalhin Ko kayo sa mga pinagmulan. Nalalaman Ko kung nasaan ang mga ito…»

«At ang iba pang mga pagmamahal?» tanong na magkasabay nina Simon Zealot at ng mamang mula sa Endor.

«Ang una sa ikalawang serye ay ang pagmamahal para sa ating kapwa. Sa katunayan iyan ang ikaapat sa kapangyarihan. Pagkatapos nariyan ang pagmamahal para sa siyensiya. Panghuli ang pagmamahal para sa trabaho.»

«Iyan lang ba?»

«Iyan lang.»

«Ngunit marami pang mga pagmamahal!» bulalas ni Judas Iskariote.

«May iba pang mga pagkagutom. Ngunit ang mga iyan ay hindi pagmamahal. Ang mga iyan ay ang mga pagkakaila ng pagmamahal. Ipinagkakaila ng mga ito ang Diyos, ipinagkakaila nito ang tao. Hindi iyan maaaring maging pagmamahal sapagkat iyan ay mga pagkakaila at ang Pagkakaila ay Kapootan.»

«Kung ipagkakaila ko ang pagpayag sa kasamaan, iyan ba ay Kapootan.» tanong muli ni Judas Iskariote.

«kaawa-awang ako! Mas makapritso ka pa kaysa sa isang eskriba! Maaari mo bang sabihin sa akin kung ano ang nangyayari sa iyo? Ang pinayaman bang hangin ng Judea ay naapektuhan ang iyong mga nerbiyo katulad ng isang pulikat?» bulalas ni Pedro.

«Hindi. Ibig kong matuto at magkaroon ng maraming malinaw na mga idea. Posibleng-posible na tayo ay baka magsalita sa mga eskriba at ayaw kong kapusin ng mga argumento…»

«At sa iyo bang palagay sa sandali ng pangangailangan mabubunot mo ang kailangang kulay mula sa sako kung saan mo iniipon ang lahat na mga basahan?» tanong ni Pedro.

«Mga basahan ang mga salita ng Guro? Ikaw ay nanunumpa?»

«Huwag kang magkunwari na na-iiskandalo ka. Hindi iyon mga basahan sa Kanyang bunganga; ngunit kapag hindi ito nagamit nang maayos natin ito ay nagiging basahan. Subukan at magbigay ng isang pirasong mamahaling byssus sa isang bata… kaagad itong magiging maruming punit na basahan. At iyan ang nangyayari sa atin. Ngayon kung ibig mong makuha sa tamang sandali ang maliit na basahan na kailangan mo, ano ang gagawin sa basahan, at ano ang gagawin sa dumi…uhm! Hindi ko malaman kung ano ang sasadyain mo.»

«Huwag kang mag-alala. Nasa sa akin na iyan.»

«O! Maaari kang makatiyak na hindi ako mag-aalala! May sapat na akong mga problema. At pagkatapos…! Masaya na ako maliban na hindi mo Siya nasasaktan. Sapagkat, kung ganyan, pakikialaman ko rin ang ginagawa mo…»

«Magagawa mo iyan kung gumagawa ako ng mali. Ngunit iyan ay hindi kailanman mangyayari, sapagkat nalalaman ko kung papaano umasal… Hindi ako mangmang…»

«Sa halip ako ang mangmang, alam ko. At dahil ako ay mangmang hindi ako nag-iipon ng kahit anong balasto, upang ipagyabang ito pagkatapos, sa tamang sandali. Bagkus pinananawagan ko ang Diyos at ang Diyos ay tutulungan ako alang-alang sa Kanyang Mesiyas, kung Kanino ako ay ang pinakamaliit at pinakamatapat na lingkod.»

«Tayo lahat ay matapat» tugon ni Judas na may pagmamataas.

«O! Ikaw ay masama! Bakit mo sinasaktan ang aking ama? Siya ay matanda na at siya ay mabait. Hindi mo dapat ginagawa iyan. Ikaw ay masama at natatakot mo ako» sabi ni Jabez na may mahigpit na hitsura, pagkatapos na maging tahimik at nakikinig nang mabuti.

«At pangalawa na iyan!» tugon ni Santiago ni Zebedeo sa mababang tinig, sinisiko si Andres.

bagama't nagsalita siya sa mababang tinig, narinig pa rin siya ng Iskariote.

«Nakikita Ninyo, Guro, kung ang mga salita ng tangang batang iyon sa magdala ay nakaiwan ng bakas» sabi ng Iskariote umiinit sa galit.

«Hindi ba mas maganda kung magpatuloy sa pakikinig sa leksiyon ng Guro, sa halip na umasal na galit ng mga paslit» tanong ng mapayapáin na si Tomas.

«Siya nga, Guro. Kuwentuhan pa Ninyo kami tungkol sa Iyong Ina. Ang Kanyang kabataan ay napakaningning! Ang pinaka-repleksiyon ng kaningningang iyon ay nagagawang puro ang aming mga kaluluwa, at ako, isang kaawa-awang makasalanan, ay labis na nangangailangan ng liwanag na iyan!» bulalas ni Mateo.

«Ano ang ikukuwento Ko sa inyo? Napakaraming mga episodyo, ang isa mas nakaaantig kaysa sa iba…»

«Sinabi ba Niya sa Inyo ang tungkol sa mga iyon?»

«Oo, ang ilan. Ngunit si Jose ay kinuwentuhan pa Ako ng marami, bilang ang pinakamagandang mga kuwento na masasabi niya sa isang bata, at si Alfeo din ni Sarah, na mas matanda nang kaunti kaysa sa Akin Ina, at Kanyang kaibigan sa loob ng maikling panahon na Siya ay nasa Nazareth…»

«O! Pakiusap, ikuwento Ninyo sa amin…» pakiusap ni Juan.

Sila ay mga nakaupo pa nang pabilog sa lilim ng mga punong olibo, na si Jabez nasa gitna nakatitig kay Jesus na tila pinakikinggan niya ang isang makalangit na kuwento.

«Ikukuwento Ko sa inyo ang tungkol sa leksiyon tungkol sa kabasalan na sinabi Niya sa Kanyang maliit na kaibigan at sa marami pang tao mga ilang araw bago Siya pumasok sa Templo. Ang isang bata-pang babae sa Nazareth, isang kamag-anak ni Sarah, ay nagpakasal sa araw na iyon at sina Joaquin at Anna ay naanyayahan din sa kasalan. Ang maliit na Maria ay sumama sa kanila, at kasama ang iba pang mga bata Siya ay kailangan na magkalat ng mga petalo ng mga bulaklak sa dadaanan ng nobya. Sinasabi nila na Siya ay napakaganda, bilang isang bata, at ang lahat ay ibig Siyang pagsawaan pagkatapos ng malugod na pagdating ng nobya. Hindi madaling makita si Maria araw-araw, sa dahilan na halos lagi Siyang nasa loob ng bahay, kung saan mayroon Siyang isang gruta na mas mahal pa Niya kaysa sa ibang mga lugar, at kahit na sa mga araw ngayon tinatawag Niya itong “ang gruta ng Kanyang kasalan”. Kung kaya’t nang Siya ay nakita sa labas, olandesa, malarosas at mabait, Siya ay pinaulanan ng mga haplos. Madalas nilang tawagin Siya “ang Bulaklak ng Nazareth” o “ang Perlas ng Galilee” o “ang Kapayapaan ng Diyos” din bilang alaala ng sa isang napakalaking bahaghari, na biglang lumitaw kaagad nang Siya ay naipanganak, Siya sa katunayan ay lahat na iyan, at mas higit pa. Siya ay ang Bulaklak ng Langit at ng sangnilikha, ang Perlas ng Paraiso at ang Kapayapaan ng Diyos… Oo, ang Kapayapaan ng Diyos.  Ako ang Kapayapaang Isa sapagkat Ako ang Anak ng Ama at ang Anak ni Maria: ang Walang-hangganang Kapayapaan at ang Matamis na Kapayapaan. Nang araw na iyon ang lahat ay ibig Siyang halikan at dalhin Siya sa kanilang mga lapi. At sa dahilan na ayaw Niya na Siya ay hahalikan at hihipuin, sinabi Niya nang may mabait na kabigatan: “Pakiusap na huwag ninyo Akong kusutin”. Akala nila Siya ay nagsasalita tungkol sa Kanyang damit na linen, na nahahawakan nang mahigpit sa Kanyang baywang, sa Kanyang mga pupulsuhan at leeg sa pamamagitan ng asul na ribon, o tungkol sa  Kanyang maliit na girnalda ng asul na mga bulaklak na iniadorno ni Anna sa Kanyang ulo upang mahawakan sa lugar ang Kanyang mga kulot na buhok, at tinitiyak nila sa Kanya na hindi nila kukusutin ang Kanyang damit o ang girnalda. Ngunit, nakatitiyak sa Kanyang Sarili, isang maliit na tatlong taong gulang na babae nakatayo sa gitna ng isang pabilog ng mga adulto, sinabi Niya nang seryoso: “Hindi Ko iniisip kung ano ang maibabalik sa dati, Ako ay nagsasalita ng tungkol sa Aking kaluluwa. Ito ay pag-aari ng Diyos. At ayaw nito na mahipo bagkus ng Diyos lamang”. Sila’y tumutol: “Ngunit Ikaw ang aming hinahalikan, hindi ang Iyong kaluluwa”. Siya’y tumugon: “Ang Aking katawan ay ang templo ng Aking kaluluwa at ang Espiritu ay ang pari nito. Ang mga tao ay hindi pinahihintulutan na pasukin nila ang bakuran ng mga pari. Pakiusap, huwag ninyong pasukin ang bakuran ng Diyos”. Si Alfeo na noon ay mga walong taong gulang at giliw na giliw kay Maria, ay humanga nang husto sa Kanyang itinugon at sa susunod na araw, nakikita niya Siya malapit sa Kanyang maliit na gruta, tinanong niya Siya: “Maria, kapag malaki ka na, pakakasalan Mo ba ako?” Si Alfeo ay nasa kanya pang isipan ang kasayahan ng kasalan na kanyang dinaluhan. At Siya ay tumugon: “Gustung-gusto Kita. Ngunit hindi kita nakikita bilang isang lalaki. May sasabihin Ako sa iyo na isang lihim. Nakikita Ko lamang ang kaluluwa ng isang nabubuhay na nilikha. At mahal-na-mahal Ko ito nang labis, nang buong puso Ko. Ngunit nakikita Ko lamang ang Diyos bilang ang “Totoong Nabubuhay na Naririyan” kung Kanino maibibigay Ko ang Aking Sarili”. Iyan ang isa sa mga episodyo.»

«”Ang Totoong Nabubuhay na Naririyan”!!! Iyan ay napakalalim na salita!» bulalas ni Bartolomeo.

At si Jesus, may kababaang-loob at ngumingiti ay tumugon: «Siya ay ang Ina ng Karunungan.»

«Siya ba?... Ngunit hindi ba’t Siya ay tatlong taon gulang?»

«Siya nga. Nabubuhay na Ako sa loob Niya, katulad na ang Diyos ay nasa loob Niya, sa pinakaperpektong Pagkakaisa at Trinidad ng Diyos, mula pa nang Siya ay ipinaglihi.»

«Mawalang galang na kung ako, isang makasalanan, ay mangangahas na magsalita, ngunit nalalaman ba nina Joaquin at Anna na Siya ay ang napiling Birhen?» tanong ni Judas Iskariote.

«Hindi, hindi nila nalalaman.»

«Sa gayong kaso, papaano nasabi ni Joaquin na ang Diyos ay iniligtas Siya bago pa man? Hindi ba’t ang tinutukoy niyan ay ang Kanyang pribilehiyo sa ibabaw ng kasalanan?»

«Oo, tinutukoy niyan. Ngunit si Joaquin ay nagsalita na pinasigla ng Diyos, katulad ng lahat na mga propeta. Siya mismo ay hindi naintindihan ang nobleng sobrenatural na katotohanan na sinabi ng Espiritu sa pamamagitan ng kanyang mga labì. Sapagkat si Joaquin ay makatarungan. Napaka-makatarungan upang naging karapat-dapat ng paternidad na iyon. At siya ay may kababaang-loob. Kinalinga niya ang kanyang Anak na Babae dala ng makaamang pagmamahal. Tinuruan niya Siya sa pamamagitan ng kanyang karunungan ng isang pari, dahil siya ay ganyan bilang siyang tagapag-alaga ng Kaban ng Diyos. Bilang isang Pontipise ikinunsagra niya Siya sa pamamagitan ng pinakamatamis na titulo: “Ang Imakuladang Isa”. At ang araw ay darating kung kailan ang isa pang maputi-ang-buhok na Pontipise ay sasabihin sa mundo: “Siya ay ang Imakulada Konsepsiyon” at ibibigay ang katotohanang ito sa mundo ng mga naniniwala, bilang isang dogma na hindi mapasisinungalingan, upang ang Kagandagandahang Birhen ng Diyos, nakokoronahan ng mga bituin, nararamtan ng mga sinag ng buwan, na hindi kasing puro Niya, mas maniningning pa kaysa sa lahat na mga bituin, ang Reyna ng Sangnilikha at ng Diyos, ay sana magningning, ganap na naibunyag, sa mundo na sa mga araw na iyon ay palubog nang palubog sa kulay-abong ulap ng mga erehiya at mga bisyo. Sapagkat ang Diyos-Hari ay may Kanyang Reyna, sa Kanyang Kaharian, si Maria.»

«Kung gayon si Joaquin ay isang propeta?»

«Siya ay isang makatarungang tao. Ang kanyang kaluluwa ay inulit nito katulad ng isang alingawngaw kung ano ang sinabi ng Diyos sa kanyang kaluluwa na minahal ng Diyos.»

«Kailan tayo pupunta sa Inang ito, aking Panginoon?» tanong ni Jabez na may nananabik na mga mata.

«Ngayong gabi. Ano ang iyong sasabihin sa Kanya kapag nakita mo Siya?»

«”Binabati ko Kayo, Ina ng Tagapagligtas”. Tama ba iyon?»

«Napakaganda» patotoo ni Jesus hinahaplos siya.

«Ngunit tayo ba ay pupunta sa Templo ngayon?» tanong ni Felipe.

«Tayo ay pupunta roon bago umalis papunta ng Bethany. At ikaw ay mananatili rito at maging mabait na bata. Magiging mabait ka ba?»

«Oo, aking Panginoon.»

Ang asawa ni Jonah, ang tagapag-alaga ng taniman ng mga olibo, na nakalapit nang tahimik ay nagsabi: «Bakit hindi mo siya isama. Ang bata ay nananabik na sumama…»

Si Jesus ay tinititigan siya na hindi nagsasalita ng kahit ano.

Ang babae ay nakaintindi at nagsabi: «Gayon! Maaaring mayroon pa ako ng maliit na manta ni Markus. Hahanapin ko ito» at siya ay tumakbong umalis.

Si Jabez ay hinatak ang manggas ni Juan: «Ang mga tagapagturo ba ay magiging mahigpit?»

«O! hindi. Huwag kang matakot. Maging ano pa man hindi ito ngayon. Pagkaraan ng isang araw, kasama ang Kanyang Ina, mas magiging marunong ka pa kaysa sa isang tagapagturo» si Juan ay pinagiginhawahan siya.

Narinig ito ng iba at sila’y ngumingiti sa pag-aalala ni Jabez.

«Ngunit sino ang magpipresenta sa kanya na tila siya ang kanyang ama?» tanong ni Mateo.

«Siyempre ako! Maliban kung… ang Guro ay gusto Niyang ipresenta siya» sabi ni Pedro.

«Hindi, Simon. Hindi Ko siya ipipresenta. Ipauubaya Ko ang karangalang iyan sa iyo.»

«Salamat sa Inyo, Guro. Ngunit… naroroon din Kayo?»

«Tiyak iyan. Tayong lahat ay kailangan na naroroon. Siya ay ang “ating” bata…»

Si Maria ni Jonah ay bumalik na may dalang madilim na biyoletang manta, na maayos pa. Ngunit anong kulay ito! Sinabi niya sa sarili niya: «Si Markus ay hindi kailanman ginusto na isuot ito sapagkat ayaw niya ang kulay.»

Hindi kataka-taka! Ito’y nakakasuklam! At ang kaawa-awang Jabez sa kanyang olibong kutis ay magmumukhang nakakatakot sa marahas na biyoletang kulay. Ngunit hindi niya nakikita ang kanyang sarili… at sa gayon siya ay masaya na kunin ang manta na maibabalot niya sa kanyang sarili katulad ng isang adulto.

«Ang pagkain ay nakahanda na, Guro. Ang babae ay kakukuha pa lamang niya ang tupa sa tuhugan.»

«Tayo na, kung gayon.»

At bumababa mula sa lugar na kanilang kinaroroonan, sila ay pumunta sa malaking kusina para sa kanilang pagkain.

110111

 

¹Tingnan ang Unang Aklat, Kabanata 7



Sunod na kabanata