198. Nakatagpo ni Jesus ang Kanyang Ina sa Bethany.

Hunyo 23, 1945.

Si Jesus ay naglalakad nang mabilis kasama ang Kanyang mga disipulo patungo sa bayan ni Lazarus, sa tabi ng malilim na daan na nag-uugnay sa Mount of Olives sa Bethany. Masasabi ng isa na ang berdeng mga sanga ng bundok ay umuunat hanggang sa layo ng kabukiran ng Bethany. Si Jesus ay nakikilala na kahit bago pa man makapasok sa bayan at ang mga nagkukusang mensahero ay tumatakbo sa lahat ng direksiyon upang masabihan ang mga tao tungkol sa Kanyang pagdating. Kung kaya’t sina Lazarus at si Maximinus ay dumarating tumatakbo mula sa isang tabi, sina Isaac at Timoneus at si Jose mula sa kabilang tabi, at ang ikatlong grupo na dumarating ay si Martha kasama si Marcella, na itinataas ang kanyang belo upang makayuko at mahalikan ang tunika ni Jesus. Kaagad nang marating nina Maria ni Alfeo at ni Maria Salome ang lugar, binati nila ang Guro at pagkatapos niyakap nila ang kanilang mga anak. Ang maliit na si Jabez, hawak pa rin sa kamay ni Jesus, ay naitutulak kung saan-saan ng labis na mga pagmamadalian at pinagmamasdan niya ang lahat nagtataka. Si Juan ng Endor, ang pakiramdam para siyang isang estranghero, ay umatras hanggang sa dulo ng grupo at tumayo sa tabi. Pagkatapos, sa lakaran patungo sa bahay ni Simon, bigla na lamang lumabas papalapit ang Ina ni Jesus.

Si Jesus ay binitiwan Niya ang kamay ni Jabez at malumanay na itinutulak sa isang tabi ang Kanyang mga kaibigan, upang Siya ay makapagmadali patungo sa Kanyang Ina. Ang kilalang-kilala nang mga salita ay umalingawngaw, katulad ng isang solo na awit ng pag-ibig sa ibabaw ng bulung-bulungan ng pulutong: «Anak!»; «Inay!» Nagpalitan sila ng halik at sa halik ni Maria ay naroon ang hinagpis ng isang ina na matagal nang natatakot at ngayon, na ang takot na iyon na humawak sa kanya, ay natutunaw, naramdaman Niya ang pagkapagod sa pagpipigil na Kanyang ginawa, at tinitingnan ang mga peligrong Kanyang dinaanan…

Si Jesus, Na naka-uunawa, ay nilalambing Siya nagsasabing: «Bukod sa Aking sariling anghel ay naroroon ang Inyo, Inay, na nagbabantay sa Akin. Walang kapahamakan ang maaaring mangyari sa Akin.»

«Pagpalain nawa ang Panginoon gawa niyan. Ngunit naghirap Ako nang labis!»

«Ibig Ko sanang makarating nang mas maaga, ngunit upang masunod Kayo, kinailangan Kong dumaan sa ibang lugar. Ngunit iyon ay naging mabuting bagay, sapagkat ang Inyong tagubilin, Inay, ay namunga, katulad ng dati.»

«Iyon ay ang Iyong pagsunod, Anak!»

«Iyon ay ang Inyong marunong na utos, Inay…» Sila ay nagngingitian sa isa’t isa katulad ng dalawang nag-iibigan.

Posible ba na ang Babaeng ito ay ang Ina ng Lalaking ito? Nasaan ang labing-anim na kaibahan sa edad? Ang kasariwaan at kayumihan ng mukha ni Maria at ang pambirhen na katawan Niya ay nagagawa Siyang isang kapatid lamang na babae ng Kanyang Anak Na nasa ganap na kahustuhan ng isang kagandahang pagkalalaki.

«Hindi ba Ninyo Ako tatanungin kung bakit namunga ito ng mabuting bunga?» tanong ni Jesus ngumingiti lagi.

«Alam Ko na ang Aking Jesus ay walang anuman na itinatago sa Akin.»

«Aking minamahal na Ina!» Hinahalikan na muli Niya ang Kanyang Ina…

Ang mga tao ay nananatiling malayo sa kanila nang ilang mga yarda nagkukunwaring hindi nila pinagmamasdan ang eksena. Ngunit pakikipag-pustahan ako na wala sa lahat ng mga mata na tila nakatingin sa ibang lugar ang hindi nagnanakaw ng sulyap sa nagmamahalang tanawin.

Ang isa na mas interesado na nanonood ay si Jabez, na iniwan ni Jesus nang Siya ay tumakbo upang mayakap ang Kanyang Ina, at naiwanan na nag-iisa, sapagkat dala ng mabilis na pagsusunud-sunuran ng mga tanong at mga tugon, ang atensiyon ng lahat ay nawala sa kaawa-awang bata…Siya ay titingin, pagkatapos iyuyuko ang ulo, nagsisikap na mapigilan ang kanyang mga luha… ngunit hindi niya ito magawa at napaiyak, umuungol: «Inay! Inay!»

Ang lahat ay lumingon, sina Jesus at Maria ang unang-una, at ang lahat ay nagsisikap na makatulong o malaman kung sino ang batang lalaki. Si Maria ni Alfeo ay nagmadali patungo sa bata kasama si Pedro – sila ay magkasama – at kapwa sila nagtanong: «Bakit ka umiiyak?»

Ngunit bago si Jabez makapanumbalik sa kanyang paghinga at makapagsalita habang lumuluha nang husto, si Maria ay nakatakbo na sa kanya at kinarga siya nagsasabing: «Oo, Aking maliit na anak, ang iyong Ina! Huwag ka nang umiyak… at paumanhinan mo Ako kung hindi Kita nakita kanina. Aking mga kaibigan, naririto ang Aking maliit na anak na lalaki…» Halata na si Jesus, sa loob ng kaunting mga sandali habang papalapit sa bata, ay sinabihan si Maria: «Siya ay isang maliit na ulila na isinama Ko.» Alam na ni Maria ang iba pang ibig sabihin.

Ang bata ay umiiyak pa, ngunit hindi na katulad kanina, at sa dahilan na siya ay hawak-hawak ni Maria at hinahalikan, nagtapos siya sa pagngiti habang ang kanyang mukha ay basa pa ng mga luha.

«Hayaan mong punasin Ko ang mga luha mong ito. Kailangan na huwag ka nang umiyak! Bigyan mo Ako ng isang halik…»

Si Jabez ay walang ibang inaasahan bagkus iyon at pagkatapos na mahaplos ng mga may-bigoteng mga lalaki, masayang-masaya siya na mahalikan niya ang makinis na pisngi ni Maria.

Si Jesus ay kanina pa hinahanap si Juan ng Endor at nang makita Niya siya, pinuntahan Niya siya sa kanyang malayong sulok. At habang binabati ng lahat si Maria, si Jesus ay pumunta sa Kanya, hawak si Juan sa kamay at nagsabi: «Ito ang isa pang disipulo, Inay. Ang Inyong utos ay nakuha ang dalawang anak na ito para sa Inyo.»

«Iyon ay ang Iyong pagsunod, Anak» pag-ulit ni Maria at Kanyang binabati ang mamâ nagsasabing: «Kapayapaan sa iyo.»

Ang mamâ, ang magaspang na di-mapakaling mamâ ng Endor, na nagbago na nang husto mula ng umagang iyon nang ang kapritso ni Judas ay nadala si Jesus sa Endor, ay ganap na kinalimutan ang kanyang nakaraan habang yumuyuko kay Maria. Sa palagay ko ganito nga ito, sapagkat ang kanyang mukha, pagkatapos na makayuko, ay tunay na nagmumukhang mapayapa at tunay na «nasa kapayapaan».

«Lahat sila ay nagpatungo sa bahay ni Simon: si Maria karga ang bata, si Jesus hawak sa kamay si Juan ng Endor, at pagkatapos, sa paligid nila at sa likuran nila, sina Lazarus at Martha, ang mga apostol kasama sina Maximinus, Isaac, Jose, at si Timoneus.

Pinapasok nila ang bahay sa pamasukan nito kung saan ang matandang katulong ni Simon ay binabati si Jesus at ang kanyang panginoon nang may marubdob na paggalang.

«Kapayapaan sa iyo, Jose, sa bahay na ito» sabi ni Jesus, itinataas ang Kanyang kamay upang magbendisyon pagkatapos na maipatong ito sa maputing ulo ng matandang katulong.

Sina Lazarus at Martha pagkatapos ng unang pagsaad ng kanilang lugod, ay medyo malungkot at si Jesus ay tinanong sila: «Bakit, Aking mga kaibigan?»

«Sapagkat hindi Kayo tutuloy sa amin at dahil ang lahat ay dumarating sa Inyo maliban sa kaluluwa na ibig namin na mapasa-Inyo.»

«Palakasin ninyo ang inyong pagtitiyaga, ang inyong pag-asa at ang inyong mga panalangin. Matapos man ang lahat, Ako ay kasama ninyo. Ang bahay na ito!... Ang bahay na ito ay bagkus ang isang pugad mula kung saan ang Anak ng tao ay lilipad araw-araw patungo sa Kanyang mga minamahal na kaibigan, napakalapit sa distansiya, ngunit kung titingnan natin ang sitwasyon sa sobrenatural na pananaw, walang-hangganang kalapitan sa pagmamahal. Kayo ay nasa Aking puso at Ako nasa inyo.  Maaari ba tayong mas malapit pa kaysa ganyan? Ngunit magkakasama-sama tayo sa gabing ito. Pakiusap na maupo sa Aking hapag kainan.»

«O! kaawa-awang ako! At ako ay patayu-tayo lamang! Halika, Salome, marami tayong dapat gawin!» Ang bulalas ni Maria ni Alfeo ay nagawang mapatawa ang lahat habang ang butihing kamag-anak ni Jesus ay lumakad kaagad sa kanyang gawain.

Si Martha ay sinamahan siya: «Huwag ka nang mag-alala tungkol sa pagkain, Maria. Lalakad ako at ibibigay ko ang mga kinakailangang tagubilin. Ihanda mo lamang ang mesa. Magpapadala ako sa iyo ng sapat na mauupuan at kung ano pa ang kakailanganin. Halika, Marcella. Babalik ako kaagad, Guro.»

«Nakita ko si Jose ng Arimathea, Lazarus. Pupunta siya rito sa Lunes may kasamang kanyang mga kaibigan.»

«O! Bueno, Kayo ang aking panauhin sa araw na iyan!»

«Oo. Siya ay darating upang gugulin ang araw na kasama tayo, ngunit upang iayos din ang seremonya tungkol kay Jabez. Juan: dalhin mo ang bata sa taas sa terasa. Magugustuhan niya roon.»

Si Juan ni Zebedeo, na laging masunurin, ay tumayo kaagad at pagkaraan ng kaunting sandali ang bata ay maririnig pawika-wika at patakbu-takbo sa terasa na pumapaligid sa bahay.

«Ang bata» nagpapaliwanag si Jesus sa Kanyang Ina, sa Kanyang mga kaibigan, sa mga kababaihan kung saan naroroon na rin si Martha, na bumalik kaagad upang wala siyang di-masaksihang sandali ng lugod malapit sa Guro, «ay ang apo ng isa sa magbubukid ni Doras. Ako ay dumaan ng Esdraelon…»

«Totoo ba na ang mga bukid ay isang ganap na labí  at ibig niya itong ipagbili?»

«Sila ay isang labí . Kung ito man ay ibig niyang ipagbili, hindi Ko alam. Ang isa sa mga tauhan ni Johanan ay binanggit ito sa Akin. Ngunit hindi Ko alam kung ito ay tiyak.»

«Kung ito ay ipagbibili niya… Gugustuhin kong bilhin ito upang magkaroon din ng matutuluyan Ninyo sa gitna ng pugad na iyon ng mga ahas.»

«Sa palagay Ko hindi ka magtatagumpay. Si Johanan ay nakahanda na bilhin ito.»

«Makikita natin… Ngunit magpatuloy Kayo. Sino ang mga magbubukid? Ikinalat niya ang dating mga katulong.»

«Oo, ikinalat niya. Ang mga naroroon ngayon ay nanggaling sa kanyang lupa sa Judea, ang matanda man lamang, ang kamag-anak ng bata ay nanggaling doon. Ang bata ay itinago sa loob ng isang kakahuyan, katulad ng isang mabangis na hayop, upang hindi siya makita ni Doras… at matagal na siya roon mula pa nang nakaraang taglamig…»

«O! kaawa-awang bata! Ngunit bakit?» ang mga kababaihan ay lahat naantig.

«Sapagkat ang kanyang ama at ina ay nailibing ng pagguho malapit sa Emmaus. Ang buong pamilya: ama, ina at ang kanyang maliliit na kapatid na lalaki. Nakaligtas siya sapagkat wala siya sa bahay. Dinala nila siya sa matandang ama. Ngunit ano ang magagawa ng isang magbubukid ni Doras? Isaac, sa kaso rin na ito, ikaw ay nagsalita tungkol sa Akin bilang isang tagapagligtas.»

«Mali ba iyon?» tanong na may pagpapakumbaba ni Isaac.

«Tama ang ginawa mo. Ginusto iyon ng Diyos. Ang matanda ay ibinigay sa Akin ang bata, na magkaka-edad sa mga susunod na ilang araw.»

«O! kaawa-awang maliit na bata! Napakaliit para sa labing-dalawang taon na edad?! Ang aking si Judas ay doble ang laki sa edad na iyan… At si Jesus? Anong gandang bulaklak!» sabi ni Maria ni Alfeo.

At si Salome: «Ang akin ding mga anak ay mas malalakas!»

Si Martha ay bumulong: «Siya ay totoong napakaliit! Akala ko wala pa siyang sampung taon.»

«Eh! Ang gutom ay isang mapanganib na bagay. Maaaring naghirap siya sa gutom mula pa nang siya ay ipinanganak. At ngayon… Ano ang maibibigay sa kanya ng matanda, kung lahat sila roon ay namamatay sa gutom?» sabi ni Pedro.

«Oo, malaki ang kanyang ipinaghirap. Ngunit siya ay mabait at matalino. Kinuha Ko siya upang mapaginhawahan kapwa ang matanda at ang bata.»

«Aampunin ba Ninyo siya?» tanong ni Lazarus.

«Hindi. Hindi Ako maaari.»

«Bueno, kukunin ko siya.»

Si Pedro ay nakikita ang kanyang pag-asa na naglalaho at siya ay napawika ng totoong malalim na ungol: «Panginoon! Ang lahat sa kanya?»

Si Jesus ay ngumingiti: «Lazarus, nakagawa ka na ng labis at Ako ay nagpapasalamat sa iyo. Ngunit hindi Ko maipagkakatiwala ang batang ito sa iyo. Siya ay ang “aming” bata. Siya ay pag-aari naming lahat. Siya ay ang lugod ng mga apostol at ng Guro. Maliban diyan, mapalalaki siya sa karangyaan dito. Ibig Ko siyang gawing isang regalo ng Aking makaharing manta: “tapat na karukhaan”. Ang karukhaan na ibig ng Anak ng tao para sa Kanyang Sarili Mismo, upang makalapit sa pinakamahirap na paghihirap na walang napapahiyang sinuman. Nagkaroon ka rin ng isang regalo mula sa Akin kamakailan…»

«Ah! Oo! Ang matandang patriyarka at ang kanyang anak na babae. Ang babae ay masipag na masipag, ang matandang lalaki ay napakabuti.»

«Nasaan na sila ngayon? Ibig Kong sabihin: saang lugar?»

«Sila ay naririto, sa Bethany. Sa palagay ba Ninyo ilalayo ko ang pagpapalà na ipinadala Ninyo sa akin? Ang babae ay naghahabi ng linen. Magagaang magaling na mga kamay ang kinakailangan sa gawaing iyon. Sa dahilan na ang matanda ay nagpupumilit na magtrabaho, inilagay ko siya roon sa mga bahay-pukyutan. Kahapon nagkaroon siya ng mahabang ginintuang balbas, hindi ba kapatid? Ang mga pukyutan ay nagsisiksikan at kumakapit sa kanyang mahabang balbas at siya ay nagsasalita sa kanila na tila sila ay kanyang mga anak na babae. Siya ay masaya.»

«Nasisiguro Ko na siya nga! Pagpalain ka nawa!» sabi ni Jesus.

«Salamat sa Inyo, Guro. Ngunit ang batang iyan ay pagagastahin Kayo nang labis. Pahintulutan man lamang Ninyo ako na…»

«Ako ang bahala sa kanyang mga damit para sa seremonya» sigaw ni Pedro. Lahat sila ay napatawa sa kanyang biglaang reaksiyon.

«O Sige. Ngunit mangangailangan siya ng iba pang mga damit. Simon, maging mabuti. Ako ay wala ring mga anak. Pabayaan mo si Martha at ako na magkaroon ng kaunting kaligayahan inaasikaso ang ilang maliliit na kasuutan na mayari para sa kanya.»

Si Pedro, na pinakikiusapan nang ganyan, ay naantig kaagad at siya ay nagsabi: «Ang kanyang mga damit… oo… Ngunit ang kanyang damit para sa Miyerkules… kukunin ko ito. Nangako sa akin ang Guro at sinabi Niya sa akin na kasama ko ang Kanyang Ina bukas upang mamili.» Si Pedro ay ipinaliliwanag ang lahat sa detalye kung hindi baka magkaroon ng di-inaasahang pagbabago na ikalulugi niya.

Si Jesus ay ngumingiti at nagsabi: «Oo, Inay. Pakiusap na sumama kay Simon bukas. Kung hindi mamamatay siya sa atake sa puso. Bibigyan Ninyo siya ng ilang payo tungkol sa kung ano ang kanyang dapat piliin.»

«Sinabi ko: isang damit na pula at isang berdeng sintas sa baywang. Magmumukha siyang maganda. Mas mabuti kaysa sa kulay na suot niya ngayon.»

«Ang pula ay magiging tama. Si Jesus din ay dinamitan ng pula. Ngunit sasabihin Ko na ang isang pulang sintas sa baywang ay mas maganda sa isang pulang damit, o kung man lamang ito ay burdado sa pula» sabi ni Maria nang malumanay.

«Sinasabi kong berde sapagkat nakikita ko si Judas, na isang maitim-itim, na nagmumukhang makisig sa mga berdeng raya-rayang iyan sa kanyang pulang tunika.»

«Ngunit ito ay hindi berde, aking kaibigan!» si Judas ay tumatawa.

«Hindi? Anong kulay iyan kung gayon?»

«Ang kulay na ito ang tawag ay “agate vein”.»

«Papaano mo aakalain na nalalaman ko iyan?! Mukhang berde iyan sa akin. Nakikita ko rin ang kulay na iyan sa mga dahon…»

Ang Kabanalbanalang Birhen ay nakialam nang may kabaitan: «Tama si Simon. Iyan ang eksaktong kulay ng mga dahon sa unang pag-ulan sa buwan ng Tisri…»

«Iyan nga! At dahil ang mga dahon ay berde sinasabi ko na iyon ay berde» hinuhang masaya ni Pedro. Ang Matamis na Ina ay naayos din ang maliit na bagay na ito nang mapayapa.

«Maaari ba ninyong tawagin ang bata, pakiusap?» pakiusap ni Maria. At ang bata ay dumating kaagad kasama si Juan.

«Ano ang iyong pangalan?» tanong ni Maria hinahaplos siya.

«Ito ay… ito noon ay Jabez. Ngunit may inaasahan akong bagong pangalan…»

«Totoo?»

«Oo, gusto ni Jabez ng isang pangalan na ang ibig sabihin nailigtas Ko siya. Makakaisip ng isa para sa kanya, Inay. Isang pangalan ng pagmamahal at ng kaligtasan.»

Si Maria ay nag-iisip… Pagkatapos sinabi Niya: «Marjiam (Maarhgziam). Ikaw ay ang maliit na bituin sa dagat ng mga nailigtas ni Jesus. Gusto mo ba iyon? Sa gayon mapaaalalahanan ka rin niyan tungkol sa Akin bukod ng tungkol sa Kaligtasan.»

«Iyan ay maganda» sabi ng bata nang masaya.

«Ngunit hindi ba iyan ay pangalan ng isang babae?» tanong ni Bartolomeo.

«May “l” sa huli sa halip na “m”, kung ang katiting na patak na ito ng Sangkatauhan ay malaki na, mapapalitan mo na ang kanyang pangalan sa pangalan ng isang lalaki. Pansamantala nasa kanya ang pangalan na ibinigay sa kanya ng kanyang Ina. Tama ba iyan?»

Ang bata ay nagsabi ng «oo» at hinaplos siya ni Maria.

Ang Kanyang hipag ay nagsabi sa Kanya: «Ang lana na ito ay maganda» at kanyang hinipo ang manta ni Jabez. «Ngunit ang kulay! Ano sa palagay Mo? Titinahin ko ito ng napakadilim na pula. Lalabas itong maganda.»

«Gagawin natin iyan bukas na gabi. Sapagkat magkakaroon siya ng bagong manta. Hindi natin iyan mahuhubad sa kanya ngayon.»

Si Martha ay nagsabi: «Maaari ka bang sumama sa akin, aking maliit na bata? Dadalhin kita sa isang lugar na malapit dito, upang tingnan ang maraming bagay, pagkatapos tayo ay babalik dito…»

Si Jabez ay hindi tumututol. Hindi siya kailanman tumututol… ngunit tila natatakot siyang sumama sa babae na halos hindi niya kilala. Sinabi niyang nahihiya at magiliw: «Makakasama ba sa akin si Juan?»

«Siyempre…»

Sila ay umalis. At habang sila ay wala ang iba't ibang grupo ay ipinagpapatuloy ang kanilang mga paguusap-usap. Sila ay nagkukuwento, nagbibigay ng kuru-kuro at nagbubuntung-hininga tungkol sa karahasan ng tao. Si Isaac ay nagkukuwento tungkol sa nagawa niyang malaman tungkol kay Juan Bautista. Ang iba ay nagsasabi na siya ay nasa Machaerus, ang iba sa Tiberias. Ang kanyang mga disipulo ay hindi pa bumabalik…

«Ngunit hindi ba nila siya sinundan?»

«Oo. Ngunit malapit sa Doco ang mga humuli sa kanya ay tinawid ang ilog kasama ang kanilang bihag at walang naka-aalam kung sila ay pumunta sa lawa o bumaba patungong Machaerus. Sina Juan, Matias at Simeon ay paikut-ikot upang malaman ito at tiyak na hindi nila siya iiwanan.»

«At ikaw, Isaac, ay tiyak na hindi mo iiwanan ang bagong disipulong ito. Siya ay mananatiling kasama Ko pansamantala. Ibig Kong maipagdiwang niya ang Paskuwa na kasama Ko.»

«Ipagdiriwang ko ito sa Herusalem, sa bahay ni Johanna. Nakita niya ako at nag-alok siya sa akin ng isang silid na matutuluyan para sa akin at sa aking mga kasama. Lahat sila ay darating sa taon na ito. At naroroon kami kasama si Jonathan.»

«Pati rin ang manggagaling sa Lebanon?»

«Oo. Baka ang mga disipulo ni Juan ay hindi makakarating.»

«Ang mga tauhan ni Johanan ay darating, alam mo ba?»

«Darating sila? Pupunta ako sa may pintuan, malapit sa mga pari na maghahandog ng mga sakripisyo. Makikita ko sila at isasama ko.»

«Sila ay darating sa mga huling sandali. limitadung-limitado ang kanilang panahon. Ngunit sila ay may tupa.»

«Mayroon din ako. Isang napakaganda. Ibinigay ito sa akin ni Lazarus. Isasakripisyo namin ito at maitatago nila ang kanila para sa kanilang paglalakbay pabalik.»

Si Martha ay bumalik kasama si Juan at ang bata na nakasuot ng isang maliit na puting linen na damit at isang pulang kapa.  Dala sa kamay ng bata ang isang manta na mapula rin.

«Naaalaala mo ba ang mga iyan, Lazarus? Kita mo, ang mga bagay-bagay ay laging mapapakinabangan.»

Nagngingitian sila sa isa’t isa.

Si Jesus ay nagsabi: «Salamat sa iyo, Martha.»

«O! Aking Panginoon! Ako ay may hilig ng pagtatago ng mga bagay-bagay. Minana ko iyan mula sa aking ina. Marami pa ako ng mga kapa ng aking kapatid. Mahal na mahal ko ang mga iyon sapagkat hinawakan iyan ng aking ina. Paminsan kumukuha ako ng isa para ibigay sa isang bata. Ibibigay ko na ang mga iyon kay Marjiam. Medyo mahaba nga lamang sila nang kaunti para sa kanya, ngunit mapa-iiklian sila. Nang si Lazarus ay nagka-edad na, ayaw na niya iyon… Ang tipikal na lumalampas na kapritso ng isang bata… at nakukuha niya ang gusto niya sapagkat ang aking ina ay sinasamba ang kanyang Lazarus.»

Malambing na hinahaplos niya ang kanyang kapatid at si Lazarus ay kinuha ang kanyang magandang kamay, hinahalikan ito at nagsabi: «At ikaw hindi ba?» Nagngingitian sila sa isa’t isa.

«Iyan ay isang kaloob ng Probidensiya» wika ng marami.

«Oo, ang aking kapritso ay nakagawa ng mabuting bagay. Baka mapatatawad ako dahil diyan.»

Nakahanda na ang hapunan at ang lahat ay naupo sa kanya-kanyang lugar…

…Malalim na ang gabi nang si Jesus ay makapagsasalita na sa Kanyang Ina sa kapayapaan. Sila ay umakyat sa terasa, at nakaupo nang magkatabi, magkahawak ang mga kamay, sila ay nagsasalita at nakikinig sa isa’t isa. Si Jesus ang unang nagbigay ng ulat tungkol sa mga nangyari. Pagkatapos si Maria ay nagsabi: «Anak, pagkatapos ng Iyong pag-alis, kaagad pagkatapos, ang isang babae ay pumunta sa Akin… Siya ay naghahanap sa iyo. Isang malaking paghihirap. At isang malaking katubusan. Ngunit ang kaawa-awang nilikha ay kailangan na mapatawad Mo upang siya ay makapagpursige sa kanyang pasya. Ipinagkatiwala Ko siya kay Susanna nagsasabing siya ay pinagaling Mo. Iyan ay totoo. Mapananatili Ko sana siyang kasama Ko kung ang ating bahay ay hindi katulad ng isang daungan sa dagat, kung saan ang lahat na bangka ay pumupunta… at marami na may masasamang intensiyon. At ang babae ay nasusuklam tungkol sa mundo ngayon. Ibig Mo bang malaman kung sino siya?»

«Siya ay isang kaluluwa. Ngunit sabihin Ninyo sa Akin ang kanyang pangalan upang tanggapin Ko sana siya na walang pagkakamali.»

«Siya ay si Aglae. Ang Romanang mananayaw at makasalanan na Iyong sinimulang iligtas sa Hebron, na naghanap sa iyo at nakita Ka sa Clear Water at siya ay naghirap na nang husto dahil sa kanyang nabuhay-muling katapatan. Gaano siyang naghirap… Sinabi niya sa Akin ang lahat… Gaano nakakasuklam!...»

«Ang kanyang kasalanan?»

«Iyan… at masasabi Ko kung gaano pa: gaano nakakasuklam ang mundo. O! Aking Anak! Huwag Mong pagtiwalaan ang mga Pariseo sa Capernaum! Ibig nilang gamitin ang di-masayang nilikha upang masaktan Ka nila. Gagamitin nila kahit siya…»

«Alam Ko, Inay… Nasaan si Aglae?»

«Siya ay darating kasama si Susanna bago ang Paskuwa.»

«Mabuti. Magsasalita Ako sa kanya. Lagi Akong naririto sa gabi at maliban sa gabi ng Paskuwa, na Aking inilalaan para sa pamilya, maghihintay Ako rito para sa kanya. Ang tanging Inyong gagawin ay sabihin sa kanya na maghintay, kung siya’y dumating. Iyan ay isang malaking panunubos, katulad sa sinabi Ninyo. At isang gayong pagkukusa! Sasabihin Ko sa Inyong totoo na sa kakaunting mga puso ang Aking binhi ay magkakaugat na may parehong lakas katulad na ito ay nagka-ugat sa di-masayang lupang ito. At pagkaraan natulungan ito ni Andres na tumubo hanggang sa ito ay maporma nang ganap.»

«Sinabi niya sa Akin ito.»

«Inay, ano ang Inyong naramdaman nang ang labí  na iyon ay nilapitan Kayo?»

«Pagkasuklam at lugod. Ako ay tila na sa lábi ng mala-impiyernong kalaliman, at tila dinadala rin Ako sa asul na kalawakan. Ikaw ay Diyos nga, Aking Anak, kapag ginagawa Mo ang ganyang mga himala!»

Sila ay nananatiling tahimik, sa ilalim ng napakaningning na mga bituin at ng malabnaw na liwanag ng unang kaapat ng buwan, na kumikiling na maging kabilugan. Katahimikan, minamahal ang isa’t isa at namamahinga sa pagmamahal ng bawat isa.

110111

 



Sunod na kabanata