199. Si Jesus Pumunta sa mga Ketongin ng Siloam at ng Ben Hinnom. Ang Kapangyarihan ng Salita ni Maria.

Hunyo 24, 1945.

Ang magandang umaga ay inaanyayahan ang mga tao na iwanan ang kanilang mga tahanan at mga higaan at lumabas at maglakad-lakad at ang mga taong naninirahan sa bahay ng Zealot ay bumangon nang maaga at katulad ng mga pukyutan sa pagsikat ng araw, sila ay lumabas upang langhapin ang dalisay na hangin sa lootan ni Lazarus sa paligid ng mapag-arugang bahay. Sila ay pagkaraan sinamahan ng mga panauhin ni Lazarus, ibig sabihin, sina Felipe, Bartolomeo, Mateo, Tomas, Andres at si Santiago ni Zebedeo. Ang araw ay sumisikat nang malugod sa mga bintana at maluluwang na nakabukas na mga pinto at pinaliliwanagan nito ang simpleng maaayos na mga silid nang may ginintuang kulay, na nagpapaningning sa mga kulay ng mga damit at binubuhay ang mga kulay ng mga buhok at mga mata.

Sina Maria ni Alfeo at Salome ay abala sa pagsisilbi sa mga kalalakihan na kinasisiyahan ang kanilang gana sa pagkain.  Si Maria sa halip ay pinagmamasdan ang isa sa mga katulong ni Lazarus na nag-aayos sa buhok ni Marjiam, pinuputol ito nang may kahusayan kasya sa ginawa ng kanyang unang barbero. «Maaari na iyan pansamantala» sabi ng katulong. «Pagkaraan, matapos na maihandog mo na sa Panginoon ang mga kulot ng iyong pagkabata, paiikliin ko pa iyan. Ang mainit na panahon ay parating na at magiging mas maganda ang iyong pakiramdam nang walang buhok sa iyong leeg. At ang iyong buhok ay lalagong mas malakas. Iyan ay tuyo, mahina at napabayaan. Kita Ninyo, Maria? Nangangailangan ito ng atensiyon. Maglalagay ako ng kaunting langis dito upang manatili ito sa lugar. Naaamoy mo ba ang mabangong amoy, aking bata. Iyan ay ang langis na ginagamit ni Martha. Napakaganda niyan. Almendras, palmera at medulla ng pinakapinong kalidad na may pambihirang esensiya. Sinabi sa akin ng sinyora na itago ang maliit na bangang ito para sa bata. O! Ayan ka na! Kamukha mo na ngayon ang isang anak ng isang hari» at ang katulong, na maaaring ang barbero ni Lazarus, ay tinapik-tapik si Marjiam sa pisngi, binabati si Maria at umalis na nagmumukhang kontentung-kontento.

«Halika at mabihisan Kita» sabi ni Maria sa bata na suot lamang ang maikling tunika na may maikling mga manggas. Sa palagay ko ito ay isang kamiseta o ginagamit na kamiseta nang mga araw na iyon. Sa pamamagitan ng pinong linen nito sa palagay ko ito ay pag-aari ni Lazarus nang siya ay bata pa. Si Maria ay inaalis ang tuwalya na ibinalot kay Marjiam at binihisan siya ng isang linen na damit na hinigpitan sa paligid ng leeg at sa mga pupulsuhan, at isang pulang delanang kapa na may maluwang na leeg at mga manggas. Ang nagniningning na kaputiang-niyebeng linen ay umuusli mula sa leeg at sa mga manggas ng pulang di-maningning na pulang damit. Ang magaling na mga kamay ni Maria ay maaaring iniklian ang haba at ang mga manggas ng kapa noong gabi, at ito ay kaysa na sa bata, lalo na nang nilagyan ni Maria ang baywang ng isang malambot na pambaywang  na bigkis na may adornong delanang puti at pulang palawit. Ang bata ay hindi na nagmumukhang katulad ng kaawa-awang maliit na nilikha ng mga ilang araw kamakailan lamang.

«Ngayon lumakad at maglaro, ngunit huwag kang magpakarumi, habang naghahanda Ako» sabi ni Maria, hinaplos siya. At ang bata ay tumalong masaya, hinahanap ang kanyang malalaking kaibigan.

Si Tomas ang unang nakakita sa kanya: «Anong ganda mo naman! Bagay para sa isang kasalan! Ako ay nagmumukhang pangit» sabi ng bilugang si Tomas na laging masayahin at mapagkaibiganin. Kinuha niya ang bata sa kamay nagsasabing: «Tayo na at tingnan natin ang mga babae. Hinahanap ka nila upang pakainin ka.»

Sila ay pumunta sa kusina at si Tomas ay nagawa ang dalawang Maria, na nakayuko sa kalan, na magulat, nang siya ay sumigaw sa kanyang malakas na tinig: «Mayroong binata rito na naghahanap sa inyo» at tumatawa ipinakilala niya ang bata na nagtatago sa kanyang makisig na likod.

«O! Mahal! Halika rito upang mahalikan kita! Tingnan mo, Salome, gaano siya kaganda!» bulalas ni Maria ni Alfeo.

«Siya nga, totoo! Ang kakailanganin na lang niya ngayon ay ang tumaba-taba. Ngunit ako ang bahala niyan. Halika rito, upang mahalikan din kita.» tugon ni Salome.

«Ngunit siya ay ipagkakatiwala ni Jesus sa mga pastol…» pagtutol ni Tomas.

«Hindi sa buhay mo! Ang aking Jesus ay nagkakamali rito. Ano ang magagawa ninyong mga lalaki o magkunwaring magagawa ninyo? Mabuti lang kayo sa pag-aaway-away – sapagkat, siya nga pala, kayo ay kung baga mga palaaway… katulad ng maliliit na kambing na gustung-gusto ang isa’t isa at nagsusuwagan – sa pagkain, pagsasalita at kayo ay may sanlibong pangangailangan at ibig ninyo na ang Guro ay bigyan kayo ng lahat ng Kanyang atensiyon … kung hindi magmumukmok kayo… Ang mga bata ay nangangailangan ng mga ina. Tama ba iyon? Ano ang pangalan mo?»

«Marjiam.»

«Siyanga naman! Ngunit pagpalain ang aking Maria! Binigyan ka sana Niya ng mas madaling bigkasin na pangalan!»

«Iyan ay halos katulad ng Kanyang pangalan!» bulalas ni Salome.

«Oo, ngunit ang Kanya ay mas simple. Iyon ay wala ng mga titik sa gitna ng pangalan… Napakarami nito…»

Ang Iskariote, na kapapasok pa lamang, ay nagsabi: «Nagbigay Siya ng pangalan na iksakto ang ibig sabihin, ayon sa tunay na matandang wika.»

«O Sige. Ngunit ito ay mahirap, at aalisin ko ang isang letra at sabihin Marziam. Mas madali ito at ang mundo ay hindi magugunaw dahil diyan. Tama ba iyon, Simon?»

Si Pedro, na nagdaraan sa may bintana nagsasalita kay Juan ng Endor, ay tumingin sa loob at nagtanong: «Ano ang kailangan mo?»

«Sinasabi ko na tatawagin ko ang bata ng Marziam. Mas madali ito.»

«Tama ka, babae. Kung ako ay pahihintulutan ng Ina, tatawagin ko siya ng ganyan din. Ngunit gaano ka kagandang tingnan! Gayon din ako, eh! Tingnan!»

Sa katunayan siya ay perpektong maayos, ang kanyang mga pisngi ay inahitan, ang kanyang buhok pinutulan, at kanyang balbas pinantay at pinabanguhan ng langis, ang kanyang damit ay hindi nagpapakita ng mga lupi at ang kanyang mga sandalyas ay napakalinis upang nagmumukha itong mga bago. Hindi ko alam kung ano ang ginamit niya upang kumintab ito. Ang mga kababaihan ay hinahangaan siya at siya ay tumatawang masaya.

Ang bata ay nakatapos na sa pagkain at lumabas upang tagpuin ang kanyang dakilang kaibigan, na lagi niyang tinatawag na: “Ama”.

At naririyan na si Jesus parating mula sa bahay ni Lazarus kasama ang huli. Ang bata ay tumatakbo patungo sa Kanya at si Jesus ay nagsabi: «Kapayapaan sa atin, Marjiam. Magpalitan tayo ng halik ng kapayapaan.»

Si Lazarus, binabati ang bata, ay hinahaplus-haplos siya at binigyan niya siya ng isang matamis na kakanín.

Lahat sila ay nag-ipun-ipon sa paligid ni Jesus. Si Maria, rin, nakasuot ng isang turkesang delanang damit na sa ibabaw nito isang mas madilim na manta ang nakatakip, ay lumalapit sa Kanyang Anak ngumingiti.

«Makaaalis na tayo, kung gayon» sabi ni Jesus. «Ikaw, Simon, kasama ang Inay at ang bata, kung ibig mo pa rin na bumili ng kanyang kapa, ngayon na si Lazarus na ang bahala niyan.»

«Siyempre, ibibili ko! At pagkatapos… Masasabi ko na minsan naglakad ako katabi ang Inyong Ina. Isang malaking karangalan.»

«Lumakad, kung gayon. Simon (Zealot), dadalhin mo Ako sa mga kaibigan mong ketongin…»

«Totoo, Guro? Kung gayon, kung hindi Ninyo mamasamain, uuna na ako, upang ipunin sila… Aabutan Ninyo ako. Nalalaman Ninyo kung nasaan sila…»

«O sige, lakad. Ang iba ay magagawa nila ang gusto nila Kayong lahat ay malaya hanggang Miyerkules na umaga. Sa ikatlong oras ang lahat ay kailangan na nasa Golden Gate

«Sasama ako sa Inyo, Guro» sabi ni Juan.

«Ako rin» sabi ng kanyang kapatid.

«At kami rin» sabi ng dalawang pinsan.

«Sasama rin ako» sabi ni Mateo, at si Andres pagkatapos niya.

«At ako? Ibig ko rin sumama… ngunit kung pupunta ako sa pamimili, hindi ako makakasama…» sabi ni Pedro, naiipit ng dalawang mithiin.

«Maaari ‘yan. Pupunta muna tayo sa mga ketongin, habang ang Aking Ina at ang bata ay patungo sa bahay sa Ophel. Aabutan natin Siya saka na at ikaw ay sasama sa Kanya, habang ang iba at Ako ay pupunta sa bahay ni Johanan. Tayo ay magkikita-kita sa Gethsemane para sa pagkain natin at patungo sa pag-uumaga babalik tayo rito.»

«Kung ako ay pahihintulutan Ninyo, ako ay lalakad upang makita ang ilang mga kaibigan…» sabi ni Judas Iskariote.

«Nasabi Ko na sa inyo. Gawin ang ibig ninyo.»

«Kung gayon, pupunta ako sa aking mga kamag anak. Baka ang aking ama ay dumating na. Kung siya ay naroroon, dadalhin ko siya upang makita Kayo» sabi ni Tomas.

«Papaano kaming dalawa? Anong masasabi mo, Felipe? Makalalakad tayo at matingnan si Samuel.»

«Maganda» tugon ni Felipe kay Bartolomeo.

«At papaano ka, Juan?» tanong ni Jesus sa mamâ ng Endor. «Mas gusto mo bang manatili rito at ayusin ang iyong mga aklat, o ibig mong sumama sa Akin?»

«Totoo, mas gusto kong sumama sa Inyo… Ang aking mga aklat… Totoong hindi na ako masyadong haling sa mga ito. Mas gusto kong basahin Kayo, ang Buhay na Aklat.»

«Sumama ka, kung gayon. Paalam, Lazarus…»

«Sasama rin ako. Ang aking mga paa ay medyo mabuti-buti na, at pagkatapos na makita natin ang mga ketongin, iiwanan ko na Kayo at pupunta ako sa Gethsemane at maghihintay sa Inyo roon.»

«Tayo na. Kapayapaan sa inyo, mga babae.»

Nananatili silang magkakasama hanggang malapit na sila sa Herusalem. Pagkatapos sila ay naghiwalay, ang Iskariote ay nagsarili at pinasok ang bayan baka sa pamamagitan ng geyt malapit sa Antonia Tower; sina Tomas, Felipe at Natanael ay naglakad ng mga sampung yarda kasama si Jesus at ang kanilang mga kasama at pagkatapos pinasok ang bayan sa pamamagitan ng arabal ng Ophel, kasama sina Maria at ang bata.

«At ngayon, tayo na at tingnan ang di-masasayang mga tao!» sabi ni Jesus, at tumatalikod sa bayan Siya ay nagpatungo sa isang malungkot na lugar sa dalisdis ng isang mabatong burol na nasa pagitan ng dalawang daan mulang Jericho patungong Herusalem. Isang kakaibang lugar, katulad ng isang magkakasunod na mga baytang pagkatapos ng isang dalisdis na paakyat sa isang landas, kung kaya’t mayroong  pabagsak na lugar na mga tatlong yarda man lamang ang bagsak mula sa unang terasa patungo sa daanan, at ganito rin mula sa ikalawang terasa.

Ito ay isang tuyo, patay… sukdulang malungkot na lugar.

«Guro» sigaw ni Simon Zealot «Ako ay naririto. Tumigil Kayo sa kinaroroonan Ninyo, upang maipakita ko sa Inyo ang daan…» at ang Zealot, na nakasandal sa isang bato upang mapapunta sa lilim, ay lumapit at pinasunod si Jesus pataas sa mga baytang ng isang landas na maghahatid sa isa patungong Gethsemane, ngunit nakahiwalay dito sa pamamagitan ng kalsada na mula sa Mount of Olives ay patungong Bethany.

«Naririto na tayo. Ako ay namuhay kasama ang mga puntod ng Siloam at ang aking mga kaibigan ay naririto. Ilan sa kanila. Ang iba ay nasa Ben Hinnom, ngunit hindi makapupunta… kakailanganin nilang tawirin ang kalsada at makikita sila.»

«Pupunta rin tayo sa kanila.»

«Salamat sa Inyo! Mula sa kanila at mula sa akin.»

«Sila ba ay marami?»

«Ang taglamig ay pinatay ang marami sa kanila. Ngunit dito ay may lima pa ng aking mga nasabihan. Sila ay naghihintay sa Inyo. Naroroon sila, sa gilid ng kanilang kulungan…»

Maaaring may sampung mga halimaw. Sasabihin ko «maaari» sapagkat kung lima, sa mga nakatayo, ay kitang-kita, ang iba, dahil sa medyo pagka-abo ng kulay ng kanilang balat, at sa pagkasira ng kanilang mga mukha at ang katotohanan na halos hindi sila lumalabas mula sa batong harang, ay hindi mabibilang nang iksakto at maaaring mas mahigit pa ito sa lima o kulang pa sa lima. Sa mga nakatayo ay may iisang babae lamang. Masasabi lamang ito ng isa sa pamamagitan ng kanyang gulong puting mga buhok nakalawit nang magaspang at marumi sa ibabaw ng kanyang mga balikat hanggang sa kanyang baywang. Walang ibang palatandaan upang masabi ang kanyang kasarian, sapagkat ang sakit, na nasa abanteng kalagayan na, ay nagawa siyang halos isang kalansay, sinisira ang lahat na mga porma ng pagkababae. gayon din naman ang mga kalalakihan, tanging iisa na lamang ang may mga bakas ng mga bigote at balbas. Ang lahat na iba pa ay naalisan na ng buhok gawa ng sakit.

Sila ay sumisigaw: «Jesus, aming Tagapagligtas, maawa sa amin!» at inuunat nila ang kanilang nawala-sa-porma o naagnas na mga kamay. «Jesus, Anak ni David, maawa sa amin!»

«Ano ang ibig ninyong gawin Ko sa inyo?» tanong ni Jesus nakatingin sa kanilang paghihirap.

«Ibig namin na iligtas Ninyo kami sa aming pagkakasala at sa sakit na ito.»

«Ang inyong kalooban at pagsisisi ay ililigtas kayo sa inyong pagkakasala…»

«Ngunit kung gugustuhin Ninyo, makakansela Ninyo ang aming mga pagkakasala. Iyon man lamang, kung ayaw Ninyong pagalingin ang aming mga katawan.»

«Kung sasabihin Ko sa inyo: “Piliin ang isa o ang isa”, ano ang gugustuhin ninyo?»

«Ang kapatawaran ng Diyos, Panginoon. Upang hindi kami masyadong malungkot.»

Si Jesus ay may pagkilos ng pagsang-ayon. Siya ay ngumingiting nagniningning, itinaas ang Kanyang mga kamay at sumigaw: «Ipagkaloob ito. Gusto Ko ito.»

Ipagkaloob! Ang grasya ay baka maipagkaloob para sa kanilang mga pagkakasala, o para sa kanilang sakit o para sa dalawa, at ang limang di-masasayang tao ay nananatiling di-nakatitiyak. Ngunit ang mga apostol ay walang di-pagkakatiyak at sila ay bagkus maisisigaw lamang ng kanilang mga hosana nang kanilang makita ang ketong na nawawalang kasing bilis ng isang patak ng niyebe na bumabagsak sa isang apoy. Ang lima kung gayon ay naintindihan na ang ganap na grasya ay ipinagkaloob sa kanila. Ang kanilang mga pagsigaw ay umaalingawngaw katulad ng isang sigaw ng pananagumpay. Sila ay nagyayakapan at nagtatapon ng mga halik kay Jesus, sa dahilan na hindi sila makapagpapatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos sila ay hinarap ang kanilang ibang mga kasamahan nagsasabing: «At hindi pa rin kayo makapaniwala? Anong miserableng mga kaawa-awang tao kayo?»

«Mabuti! Maging mabuti! Ang inyong kaawa-awang mga kapatid ay nangangailangan ng panahon na makapag-isip. Huwag magsalita ng anuman sa kanila. Ang pananampalataya ay hindi ipinipilit, ito ay ipinapahayag na may kapayapaan, kabaitan, tiyaga at pagpupursige. Iyan ang inyong gagawin pagkatapos ng inyong pagpapadalisay, eksaktong katulad ng ginawa ni Simon sa inyo. Sa katunayan, ang himala ay nagpapahayag sa pamamagitan nito mismo. Kayong mga gumaling, ay pupunta sa pari kaagad hangga’t maaari. Kayo, na mga may sakit pa, ay maghintay para sa amin ngayong gabi. Dadalhan namin kayo ng ilang pagkain. Ang kapayapaan ay sumainyo.»

Si Jesus ay bumababa na muli patungo sa kalsada sinusundan ng mga pagpapalà ng lahat.

«At ngayon pumunta na tayo sa Ben Hinnom» sabi ni Jesus.

«Guro… Ibig ko sanang sumama. Ngunit nabatid ko na hindi ako makakasama. Ako ay pupunta sa Gethsemane» sabi ni Lazarus.

«Lakad, Lazarus. Ang kapayapaan ay sumaiyo.»

Habang si Lazarus ay unti-unting naglalakad palayo, ang apostol na si Juan ay nagsabi: «Guro, sasamahan ko siya. Nahihirapan siyang maglakad at ang daan ay hindi napakaganda. Sasamahan ko na lang kayo saka na sa Ben Hinnom.»

«Oo, makakalakad ka. Tayo na.»

Tinawid nila ang Kidron, naglalakad sa timog na tabi ng Mount Tophet at pinasok ang maliit na lambak na may nakakalat na mga nitso at dumi. Wala rito ni isang punungkahoy o anumang lilim sa araw, na sumisikat sa katimugang tabing ito pina-iinit ang mga bato ng mala-impiyernong mga terasa kung saan ang nangangamoy na nasusunog na basura ay pinalalakas pa nito ang init. At sa loob ng mga sepulkro, katulad ng krematoryo, ay may mga kaawa-awang katawan, na naaagnas… Ang Siloam ay maaaring di-kaaya-aya sa taglamig, basang katulad nito at nakaharap sa hilaga, ngunit ang lugar na ito ay maaaring nakakatakot sa tag-init…

Si Simon Zealot ay nagpalabas ng malakas na sigaw tinatawag sila, at una tatlong ketongin, pagkatapos dalawa, pagkatapos isa, at isa pa ang dumating, hangga’t sa magagawa nila, sa ipinahihintulot na limitasyon. May dalawang babae rito, at ang isa sa kanila ay may hinahawakan sa kamay na isang nakakatakot tingnan na batang lalaki na ang mukha ay lalo nang apektado ng ketong. Siya ay bulag na… At mayroon ditong isang nobleng tingnan na lalaki, sa kabila ng kanyang nakakaawang kalagayan. Siya ang nagsasalita sa katauhan ng lahat: «Pagpalain nawa ang Mesiyas ng Panginoon, Na bumaba sa aming Gehenna, upang mapalaya rito ang mga umaasa sa Kanya. Iligtas kami, o Panginoon, sapagkat kami ay naglalaho! Iligtas kami, Tagapagligtas! Hari ng Sambahayan ni David, Hari ng Israel, maawa sa Inyong nasasakupan. O! Supling ng Lahi ni Jesse, ang tungkol kung Kanino ay sinabi na sa Inyong panahon hindi magkakaroon ng kasamaan, iunat ang Inyong kamay at pulutin ang labí  ng Inyong sambayanan. Iwaksi ang kamatayang ito mula sa amin, punasin ang aming mga luha, sapagkat iyan ang sinasabi tungkol sa Inyo. Tawagin kami, Panginoon, sa Inyong masarap na mga pastulan, sa Inyong sariwang mga tubig, dahil kami ay mga nauuhaw. Dalhin kami sa eternal na mga burol kung saan walang kasalanan o kapighatian. Maawa, Panginoon…»

«Sino ka?»

«Si Juan, isa sa taga-Templo. Ako ay maaaring naapektuhan ng isang ketongin. Ayon sa Inyong nakikita nakuha ko ang sakit kamakailan lamang. Ngunit ang mga ito!... Ang ilan sa kanila ay matagal nang naghihintay ng kamatayan, at ang maliit na batang babaeng ito ay pumunta rito hindi pa man lamang siya nakapaglalakad. Hindi niya nalalaman kung ano ang sangnilikha ng Diyos. Ang kanyang nalalaman o naaalaala tungkol sa mga kababalaghan ng Diyos ay ang mga nitsong ito, ang malupit na araw na ito at ang mga bituin sa gabi. Maawa sa nagkasala at sa mga inosente, o Panginoon, aming Tagapagligtas.» Lahat sila ay mga nakaluhod nakaunat ang kanilang mga kamay.

Si Jesus ay lumuluha sa labis na paghihirap. Kanyang iniunat pagkatapos ang Kanyang mga kamay sumisigaw: «Ama, gusto Ko ito: kalusugan, buhay, paningin at kaligtasan para sa kanila.» Siya ay nananatiling nakaunat ang Kanyang mga kamay nananalanging marubdob kasama ang lahat ng Kanyang espiritu.  Siya ay tila mas payat at tila tumataas sa pananalangin, isang apoy ng pagmamahal, maputi at makapangyarihan sa loob ng makapangyarihang ginto ng sinag ng araw.

«Inay, nakakakita ako!» ay ang unang sigaw, na tinugunan ng sigaw ng ina na niyayakap ang kanyang gumaling na maliit na batang babae sa kanyang puso; pagkatapos ang sigawan ng iba at ng mga apostol… ang himala ay napangyari.

«Juan, dahil ikaw ay isang pari, pangungunahan mo ang iyong mga kasamahan sa ritwal. Ang Kapayapaan ay sumainyo. Kapag malapit na ang gabi magdadala kami ng ilan ding makakain para sa inyo.» Siya ay nagbebendisyon at papaalis na sana.

Ngunit si Juan, ang ketongin, ay sumigaw: «Ibig kong sundan ang Inyong mga yapak. Sabihin Ninyo kung ano ang kailangan kong gawin, saan ako kailangan na magtungo upang ipahayag Kayo!»

«Sa malungkot na tuyong lupain na ito, na kailangan na tumanaw sa Panginoon. Gawin ang bayan ng Herusalem na maging iyong larangan. Paalam.»

«At ngayon tayo na sa Aking Ina» sinabi Niya sa mga apostol.

«Ngunit nasaan Siya?» tanong ng marami sa kanila.

«Sa isang bahay na alam ni Juan. Sa bahay ng maliit na batang babae na napagaling nang nakaraang taon.»

Pinasok nila ang bayan, nalakbay ang malaki-laking bahagi ng nagsisiksikan-sa-tao na arabal ng Ophel hanggang sa marating nila ang isang maliit na puting bahay.

Sa pamamagitan ng Kanyang pangkaraniwang pagbati pinasok Niya ang bahay, na ang pinto nito ay medyo nakabukas at maririnig ng isa ang matamis na tinig ni Maria, ang malaplatang tinig ni Annaleah at ang makapal na tinig ng kanyang ina. Ang batang babae ay nagpatirapa sumasamba at ang kanyang ina lumuluhod. Si Maria ay tumayo.

Ibig nilang mapanatili ang Guro kasama ang Kanyang Ina. Ngunit si Jesus ay nangangako na babalik sa ibang araw, Siya ay nagpapalà at nagpapaalam. Si Pedro ay umalis kasama si Maria at napakasaya. Kapwa sila nakahawak sa bata sa kamay at nagmumukha silang isang masayang pamilya. Maraming tao ang lumilingon upang tingnan sila. Si Jesus ay pinagmamasdan silang umaalis ngumingiti.

«Si Simon ay masaya!» bulalas ng Zealot.

«Bakit Kayo ngumingiti, Guro?» tanong ni Santiago ni Zebedeo.

«Sapagkat nakakakita Ako ng dakilang pangako sa grupong iyan.»

«Aling pangako, Kapatid? Ano ang Iyong nakikita?» tanong ni Tadeo.

«Ito ang Aking nakikita: na Ako ay makaaalis na may mapayapang kaisipan, kapag dumating ang panahon. Hindi Ako kailangan na matakot tungkol sa Aking Simbahan. Sa panahon na iyan ito ay maliit at payat katulad ni Marjiam. Ngunit ang Aking Ina ay naririyan upang hawakan ito sa kamay at maging ang Ina nito; at naririyan si Pedro bilang ama nito. Sa kanyang matapat na magaspang na kamay mailalagay Ko ang kamay ng Aking nagsisimulang Simbahan na walang anumang pag-aalala. Bibigyan niya ito ng lakas ng kanyang proteksiyon. Ang Aking Ina ang lakas ng Kanyang pagmamahal. At ang Simbahan ay lalago… katulad ni Marjiam… Siya ay totoo ngang ang simbolong bata! Pagpalain nawa ng Diyos ang Aking Ina, ang Aking Pedro at ang kanila at ating bata! Tayo na sa bahay ni Johanan.»

… At sa muli, sa gabi, kami ay nasa loob ng bahay sa Bethany. Marami na ang mga umalis upang makapagpahinga, sapagkat sila ay mga napagod. Si Pedro ay paakyat-panaog sa daanan, madalas tumitingin pataas sa terasa kung saan sina Jesus at Maria ay nakaupo naguusap. Si Juan ng Endor, sa halip, ay nakikipagusap sa Zealot nakaupo sa ilalim ng isang puno ng granada na nasa ganap na pamumulaklak. Si Maria ay nakapagsalita na nang marami-rami sapagkat naririnig ko si Jesus nagsasabi: «Ang lahat na sinabi Ninyo sa Akin ay makatarungan at aalalahanin Ko ang katarungan nito. At sasabihin Ko rin na ang Inyong payo tungkol kay Annaleah ay tama. Iyan ay isang mabuting tanda na ang lalaki ay tinanggap ito kaagad. Totoo na ang mga tao sa itaas sa Herusalem ay mapupurol at mainggitin, masasabi Ko rin na sila ay marurumi. Ngunit sa mga mabababa-ang-kalooban na mga tao ay may mga perlas na may di-malamang halaga. Natutuwa Ako na si Annaleah ay masaya. Siya ay mas para sa Langit kaysa sa lupa, at baka ang lalaki, na nakaiintindi na ngayon sa idea ng tungkol sa espiritu, ay nauunawaan iyan at kanya niyang nirerespeto si Annaleah nang halos maka-relihiyoso. Ang kanyang intensiyon na pumunta sa ibang lugar, upang ang pantaong sintimyento ay hindi makapaggambala sa purong panata ng kanyang katipan, ay pinatutunayan ito.»

«Oo, Aking Anak. Ang lalaki ay nadadama ang pabango ng mga birhen… Naaalaala Ko si Jose. Hindi Ko malaman kung anong mga salita ang gagamitin. Wala siyang nalalaman tungkol sa Aking lihim… Subalit tinulungan niya Akong isiwalat ito nang may pagkaunawa ng isang santo. Nadama niya ang amoy ng Aking kaluluwa… Pati rin si Juan, kita Mo?... Gaano na siya kapayapa ngayon! At ang lahat ay hinahanap siya. Kahit na si Judas ng Kerioth, bagama't… Hindi, Anak. Si Judas ay hindi nagbago. Alam Ko at alam Mo. Ngunit kahit na kung hindi tayo nagsasalita, alam natin… at kahit na kung hindi tayo nagsasalita, nadadama ito ng iba… O! Aking Jesus! Ang mga nakababatang mga apostol ay sinabihan Ako ngayon, sa Gethsemane, ng tungkol sa episodyo sa Magdala at ang tungkol sa isa pa noong umaga ng Sabbath… ang inosenteng mga bata ay nagsasalita… sapagkat nakikita nila sa pamamagitan ng mga mata ng mga anghel. Ngunit pati rin ang matatanda ay mayroong mga idea… Sila ay hindi nagkakamali. Siya ay isang madulas na nilikha… Ang lahat ay madulas sa kanya… at Ako ay natatakot sa kanya at nasa Aking mga labì ang gayon ding mga salita ni Benjamin sa Magdala at ni Marjiam sa Gethsemane, sapagkat nararamdaman Ko ang gayon ding pagkasuklam para kay Judas katulad ng pagkasuklam ng mga bata.»

«Hindi lahat ang maaaring maging Juan!...»

«Hindi Ko ipinagkukunwari iyan! Sa ganyang kaso, magiging paraiso ang lupa. Ngunit, tingnan, sinabihan Mo Ako tungkol sa isa pang Juan… Isang tao na pumatay… ngunit nalulungkot lamang Ako para sa kanya. Si Judas ay nakapananakot sa Akin.»

«Mahalin Ninyo siya, Inay! Mahalin Ninyo, alang-alang sa Akin!»

«Oo, Anak, gagawin Ko. Subalit ni ang Aking pagmamahal ay makatutulong. Mapaghihirap lamang niya Ako at magagawa siyang siya ang may kagagawan. O! Bakit siya pumunta sa iyo? Nababalisa niya ang lahat, nasasaktan niya si Pedro na karapat-dapat ng lahat na paggalang.»

«Oo, si Pedro ay napakabuti. Gagawin Ko ang kahit na ano para sa kanya, sapagkat karapat-dapat siya nito.»

«Kung Ikaw ay kanyang narinig, sasabihin niya ng may kanyang mabuting prangkong ngiti: “Ah! Aking Panginoon, hindi iyan totoo!” At magiging tama siya.»

«Bakit, Inay?» Ngunit si Jesus ay ngumingiti, sapagkat naintindihan na Niya.

«Sapagkat hindi Mo siya pinagbibigyan na magkaroon ng isang anak. Sinabi niya sa Akin ang lahat ng kanyang inaasahan, ang kanyang mga minimithi… at ang tungkol sa Iyong mga pagtanggi.»

«At hindi ba niya sinabi sa Inyo ang mga rason na nagbibigay ng katwiran sa mga iyon?»

«Oo, sinabi niya at idinagdag pa niya: “Totoo iyan… ngunit ako ay isang tao, isang abang tao. Si Jesus ay nagpupumilit na makakita ng isang dakilang tao sa akin. Ngunit nalalaman ko na ako ay isang abang tao, at kung gayon… mabibigyan Niya ako ng isang anak. Ako ay nag-asawa upang magkaroon ng mga anak… at ako ay mamamatay na wala kahit isa”. At sinabi niya – itinuturo ang bata na, natutuwa gawa ng magandang damit na binili ni Pedro, ay hinalikan siya, nagsasabing: “Minamahal na ama” – sinabi niya: “Kita Ninyo, nang ang maliit na nilikhang ito, na nang nakaraang sampung araw pa lamang ay hindi ko kilala, ay nagsasabi sa akin ng ganyan, ang pakiramdam ko nagiging mas malambot pa ako kaysa sa isang mantikilya at mas matamis pa kaysa sa pulot at ako ay naiiyak, sapagkat… ang bawat araw na dumaraan ay inilalayo nito ang bata sa akin”.»

Si Maria ay naging tahimik, pinagmamasdan si Jesus, pinag-aaralan ang Kanyang mukha, naghihintay ng isang salita… Ngunit si Jesus ay ipinatong Niya ang Kanyang siko sa Kanyang tuhod, ipinapatong ang Kanyang ulo sa Kanyang kamay at tahimik, tinitingnan ang berdeng kalawakan ng lootan.

Si Maria ay kinuha ang kamay ni Jesus at hinahaplos ito Siya ay nagsabi: «Na kay Simon ang dakilang mithiin na ito… Nang Ako ay sumama sa kanya, wala siyang ginawa kundi ang magsalita sa Akin tungkol diyan, at ang kanyang mga rason ay napakabuti na… wala Akong masabi upang mapatahimik Ko siya. Iyon ay parehong mga rason na iniisip ng lahat na mga babae at mga ina. Ang bata ay hindi malakas. Kung siya ay malakas katulad nang Ikaw ay noon… O! mahaharap niya ang pamumuhay ng isang disipulo na walang anumang pagkatakot. Ngunit napakapayat niya!... Siya ay napakatalino, napakabuti…ngunit wala nang iba pa. Kapag ang isang kalapati ay napakaselan, hindi natin ito maitatapon sa hangin upang mapalipad ito nang napakaaga, katulad na magagawa natin sa malalakas. Ang mga pastol ay mabubuti… ngunit sila ay mga lalaki pa rin. Ang mga bata ay nangangailangan ng mga babae. Bakit hindi Mo siya iwanan kay Simon? Habang pinagkakaitan Mo siya ng isang anak ng sarili niya, ipinanganak sa kanya, naiintindihan Ko ang rason. Ang isang anak ay katulad ng isang angkla. At si Simon, na nakatalaga sa gayong malaking gawain, ay hindi dapat na mahadlangan ng mga angkla. Ngunit kailangan Mong sumang-ayon na siya ay ang magiging “ama” ng lahat na mga anak na iiwanan Mo sa kanya. Papaano siya magiging isang ama kung wala siyang pagsasanay sa isang anak? Ang isang ama ay kailangan na maging matamis. Si Simon ay mabuti, ngunit hindi matamis. Siya ay mabiglain at walang pasyensiya. Tanging ang isang maliit na nilikha lamang ang makapagtuturo sa kanya ng pinong sining ng pagiging isang matiyaga sa sinuman na mahina… Tingnan ang magiging kapalaran ni Simon… Siya ay ang Iyong magiging kapalit matapos ang lahat! O! Kailangan na hindi Ko sabihin ang malupit na salitang iyan! Ngunit para sa lahat na kapighatian na nagagawa nito sa Akin kapag sinasabi ito, makinig sa Akin. Hindi Kita kailanman papayuhan ng kahit na ano maliban kung ito ay mabuti. Si Marjiam… Ibig Mo siyang maging isang perpektong disipulo… Ngunit siya ay isa pa lamang bata. Ikaw…  Ikaw ay aalis bago pa man siya maging isang lalaki. Kanino Mo siya kung gayon ibibigay, upang makumpleto ang pagpoporma sa kanya, na mas maganda pa kaysa kay Simon? Panghuli, ang kaawa-awang Simon, alam Mo na kung gaanong problema ang nagkaroon siya, sa kanyang biyanang babae, dahil din sa iyo. Ngunit sa kabila nito wala siyang pinulot kahit kakatiting ng kanyang nakaraan, ng kanyang kalayaan nang nakaraang taon, upang mapabayaan sa kapayapaan ng kanyang biyanang babae, na kahit na Ikaw ay hindi nakapagpabago sa kanya. At ang kanyang kaawa-awang asawa? Ninanasa niya nang labis na makapagmahal at mahalin. Ang kanyang ina… O! Ang Kanyang asawa? Isang mahal na mapagdominang lalaki. Walang pagmamahal ang kailanman naibigay sa kanya nang walang labis na kapalit… kaawa-awang babae!... Iwanan Mo sa kanya ang bata. Makinig, Anak. Pansamantala isasama natin siya. Ako ay pupunta rin sa Judea. Dadalhin Mo Ako sa isa sa Aking mga kasamahan sa Templo, na halos isang kamag-anak, sapagkat siya ay hindi mula sa Sambahayan ni David. Siya ay naninirahan sa Bethzur. Malulugod Akong makita siya, kung siya ay buhay pa. Pagkatapos, kapag bumalik na tayo sa Galilee, ibibigay natin siya kay Porphirea. Kapag malapit na tayo sa Bethsaida dadalhin siya ni Pedro. Kapag pumupunta tayo rito, napakalayo, ang bata ay mananatili sa kanya. Ah! Ngumingiti Ka na ngayon! Kung gayon pagbibigyan Mo na ang Iyong Ina. Salamat sa iyo, Aking Jesus.»

«Oo, mangyari iyan, ayon sa ibig Ninyo.» Siya ay tumayo at tumawag nang malakas: «Simon ni Jonas: halika rito.»

Si Pedro ay nagulat at nagmadali pababa sa mga baytang. «Ano ang Inyong kailangan, Guro?»

«Halika rito, ikaw na mang-aagaw at maninira!»

«Ako? Bakit? Ano ang aking nagawa, Panginoon?»

«Sinira mo ang Aking Ina. Iyan kung bakit ibig mong mag-isa. Ano ang gagawin Ko sa iyo?»

Ngunit si Jesus ay ngumingiti at si Pedro ay nagkakumpiyansa muli.

«O!» sabi niya. «Totoong natakot Ninyo ako! Ngunit ngayon Kayo ay tumatawa… Ano ang ibig Ninyo mula sa akin, Guro? Ang aking buhay? Iyan lang ang mayroon ako, sapagkat nakuha na Ninyo ang lahat… Ngunit kung ibig Ninyo, ibibigay ko ito sa Inyo.»

«Ayaw Kong kumuha ng kahit na ano mula sa iyo. Ibig Kitang bigyan ng isang bagay. Ngunit huwag mong samantalahin ang iyong tagumpay at huwag mong sasabihin ang lihim sa iba, ikaw na napakagaling na tao na tumatalo sa Guro sa pamamagitan ng armas ng salita ng Aking Ina. Makukuha mo ang bata, ngunit…»

Si Jesus ay hindi na makapagsasalita pa, sapagkat si Pedro, na nakaluhod na dati, ay napatalon at hinahalikan ang Guro nang gayong pagsasaya na nagagawa niyang mamatay ang mga salita sa Kanyang mga labì.

«Pasalamatan mo Siya, hindi Ako. Ngunit tandaan na ito ay dapat na makatutulong sa iyo, at hindi isang sagabal…»

«Aking Panginoon, hindi Kayo kailanman magsisisi tungkol sa regalo…O! Maria! Pagpalain nawa Kayo, Kayo na banal at mabuti…» At si Pedro, na napaluhod muli, ay lumuluha, hinahalikan ang kamay ni Maria…

240111

 



Sunod na kabanata