2. Sina Joachim at Anna Gagawa ng Pangako sa Panginoon.

Agosto 22, 1944.

Nakikita ko ang loob ng isang bahay. Sa loob ay may isang may-edad na babae na nakaupo sa isang habihan. Sasabihin ko, tinitingnan ang kanyang buhok, na dati ay tiyak na maitim na maitim, at ngayon abuhing-abuhin at ang kanyang mukha, bagama't hindi kulubot, ay may kabigatan gawa ng pagtanda, na siya ay maaaring limampu’t limang taong gulang. Hindi hihigit.

Sa pagtantsa ng edad ng isang babae, binabasi ko ang kalkulasyon sa mukha ng aking ina, na ang kaninong larawan ay higit pa kailanman nasa akin pa sa mga panahon na ito na nagpapaalaala sa akin ng tungkol sa kanyang mga huling araw sa tabi ng aking kama… Sa araw sa makalawa ay magiging isang taon na mula nang huli ko siyang nakita… Ang aking ina ay may napakabatang mukha, ngunit napaagang naging ubanin. Nang siya ay limampung taong gulang na siya ay naging kasing ubanin katulad nang siya ay nasa katapusan na ng kanyang buhay. Ngunit, maliban sa kagulangan ng kanyang hitsura, walang makapagsasabi ng tungkol sa kanyang edad. Ako kung gayon ay maaaring magkamali sa pagtantsa ng edad ng isang may-edad na babae.

Ang babaeng nakikita kong naghahabi sa isang silid,  maningning gawa ng liwanag na nanggagaling sa isang lubos na nakabukas na pintuan patungo sa isang malaking hardin – isang maliit na matatawag kong pag-aari sapagkat ito ay malinis na tumataas at bumababa sa isang berdeng dalisdis - ang babae ay maganda sa kanyang tiyak na Judiong mga katangian. Ang kanyang mga mata ay maitim at malalim at habang hindi ko alam kung bakit, nagpapaalaala ang mga ito sa akin ng tungkol kay Juan Bautista. Subalit, bagama't ang mga ito ay kasing mapagmalaki katulad ng mga mata ng isang reyna, ito ay magigiliw din, na tila ang isang asul na talukbong ay inilagay sa isang pagkisap ng isang agila: magiliw at medyo malungkot, katulad ng isang tao na nag-iisip at pinanghihinayangan ang mga nawalang bagay. Ang kanyang balat ay kulay kape, ngunit hindi labis-labis. Ang kanyang bunganga, medyo may kalakihan, ay maayos ang pagkaporma at walang-galaw sa isang seryosong tagpo, ngunit hindi kahigpítan na tagpo. Ang kanyang ilong ay mahaba at manipis, medyo tumutungo, isang ilong na katulad ng tuka ng agila, na bumabagay sa kanyang mga mata. Siya ay matatag ang pangangatawan, ngunit hindi mataba, maayos ang proporsiyon at sa palagay ko matangkad, tinitingnan siya sa nakaupong pusisyon.

Sa palagay ko naghahabi siya ng isang kurtina o isang alpombra. Ang maraming kulay na mga lansadera ay mabilis ang galaw sa kulay-kapeng hinahabi, at ang nahabi na ay nagpapakita ng isang marikit na tirintas na gawa ng Griyego na mga palawit at mga hugis rosas kung saan, ang dilaw, pula at malalim na asul na mga kulay ay nagsasalit-salitan at nagsasama-sama katulad sa isang mosayko.

Ang babae ay nakasuot ng isang napakalisong madilim na damit, isang mapulang biyoletang kulay, ang kulay ng isang espesyal na mga uri ng pansi.

²Siya ay tumayo noong narinig niya na may kumakatok sa pinto.

Siya ay totoong matangkad. Binuksan niya ang pinto.

Ang isang babae ay tinanong siya: «Anna, maaari bang ibigay mo sa akin ang iyong amphora?¹ Pupunuin ko iyan para sa iyo.»

Ang babae ay may kasamang isang magandang limang-taong gulang na batang lalaki, na kaagad kumapit sa damit ni Anna, at hinahaplos siya ni Anna habang patungo si Anna sa isa pang silid, at bumalik na may dalang isang magandang tansong amphora na kanyang iniabot sa babae nagsasabing: «Ikaw ay laging mabait sa matandang Anna, ikaw nga talaga. Harinawang gantimpalaan ka ng Diyos sa pamamagitan ng batang ito at sa iba pang mga anak na darating sa iyo, ikaw na masuwerteng tao!»

Ang babae ay tinitingnan siya at hindi malaman kung ano ang kanyang sasabihin sa tagpong ito. Upang maibaling ang atensiyon mula sa nakalulungkot na sitwasyon na nalalaman niya, siya ay nagwika: «Iiwanan ko si Alfeo sa iyo, kung walang anuman sa iyo, upang ako ay mapabilis at maparami ang aking mapunong banga at pitsel para sa iyo.»

Si Alfeo ay tuwang-tuwang maiwan at ang dahilan ay malinaw. Nang kaagad ang kanyang ina ay nawala, si Anna ay kinarga siya at dinala sa lootan, itinaas siya sa isang pergola² ng mga ubas na kasing kulay-ginto ng isang topasyo at nagsabi sa kanya: «Kain, kain, sapagkat masarap iyan», at kanya siyang hinahalikan sa kanyang maliit na mukha na may katas ng mga ubas na kinakain nang may-katakawan ng bata. Pagkatapos si Anna ay tumawang bigay-na-bigay at kaagad siyang nagmukhang mas bata dahil sa magagandang ngipin na naipakikita niya, at ng lugod na nagniningning sa kanyang mukha, naaalis ang kanyang katandaan, habang nagtatanong ang bata: «At ano ang ibibigay mo na sa akin ngayon?» at ang bata ay tinititigan siya sa pamamagitan ng bukang-bukang mga mata na may malalim na abuhing-asul na kulay. Si Anna ay tumatawa at nakikipaglaro sa bata yumuyukong nakaluhod at patuloy na nagsasabi: «Ano ang ibibigay mo sa akin kung ibibigay ko?... Kung ibibigay ko sa iyo?... hulaan?» At ang bata ipinapalakpak ang kanyang maliliit na kamay, nang may ngiti ay tumugon: «Mga halik, mga halik ang ibibigay ko sa iyo, mabait na Anna, mabuting Anna, nanay Anna!»

Si Anna, noong mapakinggan ang batang nagsabi: «nanay Anna» ay napasigaw sa tunay na kagalakan ng pagmamahal at niyakap ang bata nagsasabing: «Aking mahal! Mahal! Mahal! Mahal!» Sa bawat «mahal» isang halik ang bumababa sa malarosas na mga pisngi.

Pagkatapos sila ay nagtungo sa isang paminggalan at mula sa isang pinggan kumuha siya ng ilang mga keyk na may pulot-pukyutan. «Ginawa ko iyan para sa iyo, mahal ng kaawa-awang Anna, sapagkat minamahal mo ako. Ngunit sabihin mo sa akin, gaano mo ako kamahal?» At ang bata, iniisip kung ano ang pinakamaganda sa kanya, ay nagsabi: «Kasing laki ng Templo ng Panginoon.» Si Anna ay hinalikan siya muli sa kanyang masiglang maliliit na mata, sa kanyang maliliit na mapulang mga labì at ang bata ay kumapit sa kanya katulad ng isang kuting.

Ang ina ng bata ay pauli-uli na may dalang punóng banga at ngumingiti nang hindi nagsasalita ng kahit ano. Pinababayaan sila sa kanilang paglalambingan.

Ang isang maedad na lalaki ay pumasok mula sa lootan. Siya ay mas maliit nang kaunti kay Anna, at ang kanyang makapal na buhok ay ganap na maputi na. Ang kanyang mukha ay makinis na may kudradong pagkatabas na balbas; ang kanyang mga mata ay katulad ng asul ng mga turkesa at ang kanyang mga pilikmata ay malabnaw na kulay-kape, halos maputi. Ang kanyang kapa ay madilim na kulay-kape.

Si Anna ay hindi nakikita ang lalaki sapagkat nakatalikod siya sa pintuan at ang mamâ ay nilalapitan siya mula sa likuran nagtatanong: «At wala para sa akin?» Si Anna ay humarap at nagsabi: «O Joachim! Nakatapos ka na sa gawain mo?» Ang maliit na Alfeo ay kasabay na tumakbo sa mga tuhod ng mamâ  bumubulalas: «Sa iyo rin, sa iyo rin.» At noong ang mamâ ay yumuko upang halikan siya, ang bata ay kumapit sa kanyang leeg, ginugulo ang kanyang balbas sa pamamagitan ng kanyang maliliit na kamay at ng kanyang mga halik.

Si Joachim ay may kanya ring regalo. Ipinakita niya ang kanyang kaliwang kamay mula sa kanyang likuran at inialok sa bata ang isang gayong kagandang mansanas, na tila ito ay gawa sa pinakapinong porselana. Ngumingiti sinabi niya sa bata na ang mga kamay ay nanghihingi nang nananabik: «Sandali, hihiwain ko ito para sa iyo! Hindi iyan makakain nang ganyan. Mas malaki pa iyan sa iyo!» Sa pamamagitan ng isang maliit na pampungos na kutsilyo, na dala-dala niya sa kanyang sinturon, hiniwa-hiwa niya nang maliliit ang mansanas. Siya ay tila nagpapakain ng isang sisiw, ganoon ang kanyang maingat na pagsubo ng mga kapiraso ng mansanas sa maliit na bukang-bukang bunganga na kumakagat at ngumunguya.

«Tingnan mo ang kanyang mga mata, Joachim! Hindi ba’t kamukha niyan ang dalawang maliliit na alon ng Dagat ng Galilee kapag ang hangin sa gabi ay naglalagay ng talukbong ng ulap sa kalangitan?» Si Anna ay nagsasalita, nakapatong ang isang kamay sa balikat ng kanyang asawa, at medyo nakasandal din sa kanya: isang aktitud na nagpapakita ng malalim na pagmamahal ng isang asawang babae, isang pagmamahal na perpekto pa rin pagkaraan ng maraming mga taon ng kasal.

At si Joachim ay mapagmahal na tinitingnan siya at sumasang-ayon, nagsasabing: «Napakaganda! At ang kanyang mga kulot? Hindi ba’t iyan ang kulay ng ani na natuyo sa araw? Tingnan, naririyan ang halô ng ginto at tanso.»

«Ah! Kung tayo ay may anak, gusto ko siya na ganyan: may ganitong mga mata at ganitong buhok…» Si Anna ay yumuko, sa katunayan nakaluhod na at hinahalikan nang may malalim na pagbuntung-hininga ang dalawang malalaking abuhing-asul na mga mata.

Si Joachim din ay nagbubuntung-hininga. Ngunit ibig niyang paginhawahan si Anna. Inilagay niya ang kanyang kamay sa ibabaw ng makapal na kulot na abuhing-buhok ni Anna at bumulong sa kanya: «Kailangan nating magpatuloy sa pag-asa. Magagawa ng Diyos ang lahat. Habang tayo ay buhay pa, ang himala ay maaari pang mangyari, lalo na kapag minamahal natin Siya at tayo ay nagmamahalan sa isa’t isa.» Si Joachim ay idinidiin ang huling mga kataga.

Ngunit si Anna ay tahimik, nalulungkot, at siya ay nakatayo, ang kanyang ulo nakatungo, upang itago ang dalawang luhang bumababa sa kanyang mukha. Tanging ang maliit na Alfeo lamang ang nakakakita sa mga ito at siya ay naguguluhan at namimighati na ang kanyang dakilang kaibigan ay lumuluha, katulad niya kung minsan. Itinaas niya ang kanyang mga kamay at pinupunas ang mga luha.

«Huwag kang umiyak, Anna! Masaya pa rin tayo, kahit ganito. Ako man lamang, dahil nasa akin ka.»

«Ikaw ay nasa akin din. Ngunit hindi kita nabigyan ng anak… Sa palagay ko nasaktan ko ang Panginoon, kaya't ginawa Niyang baog ang aking sinapupunan…»

«O aking asawa! Papaano mo maaaring nasaktan ang Panginoon, ikaw na banal na babae? Makinig. Pumunta tayong muli sa Templo. Para sa dahilan na ito. Hindi lamang para sa mga Tabernakulo! Tayo'y magdasal nang matagal… Baka mangyari sa iyo ang nangyari kay Sarah… katulad na ito ay nangyari kay Anna ni Elkanah. Sila ay naghintay nang matagal at tiningnan ang kanilang mga sarili na mga pinagtampuhan dahil sila ay mga baog. Sa halip isang banal na anak na lalaki ang lumalaki para sa kanila sa mga Kalangitan ng Diyos. Ngumiti, aking asawa. Ang iyong pag-iyak ay mas malaki pang kapighatian para sa akin kaysa ang pagiging walang anak… Isasama natin si Alfeo. Gagawin natin siyang magdasal, dahil siya ay inosente… at ang Diyos ay pakikinggan ang kanyang panalangin at ang atin din at ito'y ipagkakaloob.»

«Oo, gumawa tayo ng pangako sa Panginoon. Ang anak ay magiging Kanya. Basta’t ito'y Kanyang ipagkaloob. O! Ang mapakinggan na ako ay tinatawag na “inay”!»

At si Alfeo, isang nagtataka at inosenteng manonood, ay bumulalas: «Tatawagin kitang ganyan!»

«Oo, aking mahal… ngunit naririyan ang iyong ina, at ako ay walang anak…»

Ang bisyon ay dito tumitigil.

Naintindihan ko na ang pagdating ng kapanganakan kay Maria ay nagsisimula na. At ako ay masayang-masaya sapagkat gustung-gusto ko ito. At sa aking palagay magiging masaya rin kayo³.

(8)070510/020313



¹Amphora: Isang may dalawang hawakan na banga na pangkaraniwang gamitin ng mga Griyego at mga Romano.

²Pergola: mga baging ng ubas suportado ng mga tikin at napoporma ang isang klase ng bubungan sa pamamagitan ng mga dahon nito.

³Kailangang tandaan na si Maria Valtorta ay madalas tukuyin ang kanyang pang-espirituwal na gabay na pari habang ginagawa ang kanyang gawain.



Sunod na kabanata.