204. Si Jesus sa mga Hentil: Ang Pananampalataya ay Itinatayo Katulad ng Inyong mga Templo

Hunyo 29, 1945.

Sa kapayapaan ng Sabbath si Jesus ay nagpapahinga malapit sa isang bukid ng lino na pag-aari ni Lazarus. Kaysa «malapit» kailangan kong sabihin na Siya ay nakalubog sa matataas na tanim na lino, at nakaupo sa gilid ng isang daang-araro Siya ay nakalubog sa pag-iisip. Tanging iisang kakaibang tahimik na paru-paro ang palipad-lipad malapit sa Kanya o isang butiking kumakaluskos sa malapit, tumitingin sa Kanya sa pamamagitan ng maitim na mga mata nito, itinataas ang maliit na triyanggulong ulo nito na ang lalamunan nito ay pumipintig nang kaunti. Wala nang iba pa. Sa kalaliman ng hapon ang pinakamaliit na ihip ng hangin ay naging tahimik sa pagitan ng matataas na tangkay ng lino.

Mula sa malayo, baka mula sa hardin ni Lazarus, ang awit ng isang babae ay maririnig at ang masayang pagsigaw din ng batang lalaki na nakikipaglaro sa kung kanino. Pagkatapos isa, dalawa, tatlong mga tinig ang tumatawag: «Guro! Jesus!»

Si Jesus ay ginising ang Sarili at tumayo. bagama't ang ganap nang magulang na lino ay napakataas, si Jesus ay lumitaw na mas mataas pa sa ibabaw ng asul-na-berdeng karagatan.

«Naroroon Siya, Juan!» sigaw ng Zealot.

At si Juan din ay tumawag: «Inay! Ang Guro ay naririto, sa taniman ng mga lino.»

At habang papalapit si Jesus sa landas na maghahatid sa mga kabahayan, si Maria ay dumating.

«Ano ang kailangan Ninyo, Inay?»

«Aking Anak, ilan na mga Hentil ay dumating may kasamang ilan na mga binibini. Sinasabi nila na nalaman nila mula kay Johanna na Ikaw ay naririto. Sinasabi din nila na matagal na silang naghihintay para sa iyo sa loob ng mga nakaraang araw na ito malapit sa Antonia...»

«Ah! Alam Ko na! Pupunta Ako kaagad. Nasaan sila?»

«Sa bahay ni Lazarus, sa loob ng kanyang hardin. Siya ay minamahal ng mga Romano at hindi niya nararamdaman ang pagkasuklam sa kanila na nararamdaman natin. Pinabayaan niyang makapunta sila sa malaking hardin kasama ang kanilang mga kariton, upang walang sinuman ang maiskandalo...»

«Sige, Inay. Sila ay mga sundalong Romano at mga binibini. Alam Ko.»

«At ano ang kanilang kailangan mula sa iyo?»

«Kung ano ang ayaw ng marami sa Israel: liwanag.»

«Ngunit papaano at ano ang kanilang pinaniniwalaan na Ikaw? Diyos kaya?»

«Oo, sa kanilang pamamaraan ng pag-iisip. Mas madali para sa kanila na tanggapin ang idea tungkol sa engkarnasyon ng isang diyos sa mortal na laman, kaysa ito ay mahirap para sa atin.»

«Kung gayon naniniwala sila sa Iyong pananampalataya...»

«Hindi pa, Inay. Kailangan na sirain Ko muna ang kanila.  Sa pansamantala tinitingnan nila Akong isang marunong na tao, isang pilosopo, katulad ng sinasabi nila. Ngunit kapwa ang kanilang mithiin na malaman ang pang-pilosopong mga doktrina at ang kanilang kiling na paniwalaan ang engkarnasyon ng isang diyos bilang posibleng mangyari, ay malaking tulong sa Akin na madala sila sa totoong Pananampalataya. Maniwala sa Akin, mas magaling sila sa kanilang pamamaraan ng pag-iisip, kaysa sa maraming mga Israelita.

«Ngunit sila ba ay sinsiro? Kumakalat ang mga sabi-sabi na si Juan Bautista...»

«Hindi. Kung iyon ay naging para sa kanila, si Juan ay naging malaya at ligtas sana. Ang mga taong hindi umaalsa ay pinababayaan sa kapayapaan. Sa kabaligtaran matitiyak Ko sa Inyo na para sa kanila ang maging isang propeta – sinasabi nilang isang pilosopo sapagkat ang kataasan ng sobrenatural na karunungan ay isang pilosopiya pa rin sa kanila – ay isang garantiya ng paggalang. Huwag mag-alala, Inay. Walang masamang mangyayari sa Akin na magmumula sa kanila...»

«Ngunit ang mga Pariseo... kung malaman nila, ano ang kanilang sasabihin tungkol kay Lazarus din? Ikaw ay Ikaw... at dapat Mong dalhin ang Salita sa mundo. Ngunit si Lazarus!... Nasaktan na nila siya nang labis...»

«Ngunit hindi nila siya mahihipo. Nalalaman nila na siya ay protektado ng Roma.»

«Pababayaan Kita, Anak. Naririto si Maximinus, dadalhin Ka niya sa mga Hentil» at si Maria, na naglakad sa tabi lagi ni Jesus , ay mabilis na umalis, at nagtungo sa bahay ng Zealot. Si Jesus sa kabilang dako ay dumaan sa isang maliit na pintong bakal sa loob ng hardin, patungo sa malayong bahagi ng hardin, kung saan ito ay sa katunayan naging isang lootan at eksaktong malapit sa lugar kung saan si Lazarus ay ililibing pagkaraan.

Si Lazarus din ay naroroon, ngunit wala nang iba pa. «Guro, nangahas na akong bigyan sila ng pag-aruga...»

«Ginawa mo ang tamang bagay. Nasaan sila?»

Sa banda roon, sa lilim ng mga kahon at ng mga laurel. Katulad ng nakikita Ninyo sila ay mga limang daang hakbang man lamang mula sa bahay.»

«Iyan ay tama lang... Mapunta sana sa inyong lahat ang Liwanag.»

«Mabuhay, Guro!» bati ni Quintilian na nakasuot ng mga damit sibilyan.

Ang mga binibini ay tumayo upang batiin si Jesus. Sila ay sina Plautina, Valeria at Lydia; mayroon ding isang maedad na babae, ngunit hindi ko kilala kung sino siya o kung siya ay nasa gayon din na ranggo katulad ng iba. Lahat sila ay nakasuot ng napakalisong mga damit na walang tanda ng kahit na anong kaibahan.

«Kami ay nananabik na mapakinggan Kayo, ngunit hindi Kayo kailanman dumating. Ako ay nakaposte nang Kayo ay dumating. Ngunit hindi ko man lamang Kayo nakita.»

«Ni hindi Ko nakita sa Gate of the Fish ang isang sundalo, na isang kaibigan Ko. Ang kanyang pangalan ay Alexander...»

«Si Alexander? Hindi ko masiguro kung siya ang isang aking iniisip. Alam ko na minsan nang nakaraan, upang mapakalma ang mga Hudyo, kinailangan namin na mag-alis ng isang sundalo na siyang may kagagawan ng... pakikipagusap sa Inyo. Siya ay nasa Antioch ngayon. Ngunit baka siya bumalik ulit dito. Gaano sila nakakasawa... ibig nilang maghari kahit na ngayon na sila ay nasasakupan! Ang isa ay kailangan na maging magaling upang maiwasan ang mas malaking problema... Ginagawa nilang mas mahirap para sa amin ang aming buhay... Ngunit Kayo ay mabuti at marunong. Maaari bang magsalita Kayo sa amin? Baka iiwanan ko na ang Palestina, at ibig kong magkaroon ng kahit ano na magpapaalaala sa akin tungkol sa Inyo.»

«Oo, magsasalita Ako sa inyo. Wala Akong binibigong sinuman. Ano ang ibig ninyong malaman?»

Si Quintilian ay tinitingnan nang may pagtatanong ang mga babae.

«Anuman ang ibigin Ninyo, Guro» sabi ni Valeria.

Si Plautina ay tumayo ulit at nagsabi: «Matagal na akong nag-iisip nang husto... napakarami ang ibig kong malaman... lahat, upang makapaghusga. Ngunit kung maaari akong magtanong, ibig kong malaman kung papaano ang isang pananampalataya, ang sa Inyo, halimbawa, maitatayo sa isang lugar na sinabi Ninyo na walang totoong pananampalataya. Sinabi Ninyo na ang aming mga paniniwala ay walang katuturan. Kung gayon kami ay wala. Papaano kami makagagawa ng kahit ano?»

«Gagawin Ko bilang halimbawa ang isang bagay na mayroon kayo. Ang inyong mga templo. Ang inyong totoong magagandang sagradong mga gusali, na ang tanging kakulangan lamang ay nakalaan ito sa Wala, ay matuturuan kayo kung papaano ang isa makakakuha ng pananampalataya at kung saan ito ilalagay. Tingnan. Saan sila itinayo? Aling lugar, kung ito man lamang ay posible, ang pipiliin para sa kanila? Papaano sila itatayo? Ang lugar ay sa pangkalahatan kailangan maluwag, bukás at mataas. At kung ang lugar ay hindi maluwag at hindi bukás, ginagawa itong ganito sa paggiba ng nagpapasikip at nagtatakip dito. Kung ito ay hindi mataas, dinadagdagan nila ang taas nito sa pamamagitan ng isang pundasyon na mas mataas kaysa sa normal na tatlong-hakbang na taas na ginagamit para sa mga templo na nakatayo sa isang natural na elebasyon. Ang mga templo  sa pangkalahatan ay pinalilibutan ng isang sagradong bakuran, na pinorma ng sunud-sunod na mga poste at mga portiko sa loob nito kung saan ay naroon ang mga punungkahoy na sagrado sa mga diyos, ang mga pontanya at mga altar, ang mga estatuwa at mga makakapal na tablang bato at pangkaraniwan na may nauuna rito na isang entrada o hanay ng mga gusali na sa kabila nito ay ang altar kung saan ang mga panalangin sa diyos ay sinasabi. Sa harapan ng altar ay naroon ang lugar para sa sakripisyo, sapagkat ang sakripisyo ay nauuna sa panalangin. Kadalasan, at lalo na sa mas magagandang altar, isang sunud-sunod na mga poste ang nakapalibot sa mga ito na may dekorasyon ng mamahaling mga marmol. Sa loob ay naroon ang harapan na bestibulo; sa labas o sa loob ng sunud-sunod na mga poste, ay naroon ang selda ng diyos at ang likuran na bestibulo. Ang mga marmol, mga estatuwa, mga pedimento, mga “acroterion” at mga gablete, lahat pinakinis, mamahálin at may dekorasyon, ay nagagawa ang templo na maging siyang pinaka nobleng gusali para din sa pinakamagaspang na lugar. Hindi ba’t ganito ito?»

«Oo, ganito ito, Guro. Nakita at napag-aralan Ninyo sila nang mabuti»  patotoo ni Plautina pinupuri si Jesus.

«Ngunit alam natin na hindi Siya kailanman umalis sa Palestina!?» bulalas ni Quintilian.

«Hindi Ako umalis sa Palestina upang pumunta sa Roma o sa Athena. Ngunit alam Ko ang arkitektura ng Gresya at Roma at Ako ay naroroon nang ang henyo ng tao ay nilagyan ng dekorasyon ang Parthenon sapagkat Ako ay naroroon saan man mayroong buhay o isang manipestasyon ng buhay. Saan man ang isang marunong na tao nagninilay-nilay, ang isang eskultor naglililok, ang isang makata nagsusulat, ang isang ina na umaawit sa tabi ng isang kuna, ang isang tao na nagtatrabaho sa mga bukid, ang isang doktor na nakikipaglaban sa mga sakit, ang isang buháy na nilikha na humihinga, ang isang hayop na namumuhay, ang isang puno na tumutubo, Ako ay naroroon kasama Siya mula kung Kanino Ako nanggaling. Sa hugong ng lindol o sa dagundong ng kulog, sa liwanag ng mga bituin o sa paglaki at sa pagliit ng tubig, sa paglipad ng mga agila o sa paghiging ng mga lamok, Ako ay naroroon kasama ang Kataastaasang Tagapaglikha.»

«Kung gayon... Kayo... Nalalaman Ninyo ang lahat. Kapwa ang mga naiisip at ginagawa ng mga tao?» tanong ni Quintilian muli.

«Oo, nalalaman Ko.»

Ang mga Romano ay nagkakatinginan sa isa’t isa namamangha. Nagkaroon ng matagal na katahimikan pagkaraan si Valeria ay natatakot na nakikiusap: «Ipaliwanag ang Inyong idea, Guro, upang malaman sana namin ang aming gagawin.»

«Oo. Ang pananampalataya ay itinatayo katulad ng pagtayo nila ng mga templo na inyong lubos na ipinagmamalaki. Gumagawa sila ng lugar para sa templo, inaalis nila ang mga nakasagabal, itinataas nila ito.»

«Ngunit nasaan ang templo kung saan kailangan na ilagay ng isa ang pananampalataya, ang totoong diyos?» tanong ni Plautina

«Ang pananampalataya, Plautina, ay hindi isang diyos. Iyan ay isang birtud. Walang mga diyos sa totoong pananampalataya. Mayroon lamang na Isa at Totoong Diyos.»

«Kung gayon... Siya ay nasa itaas doon, sa Kanyang Olympus, nag-iisa lamang? At ano ang Kanyang ginagawa kung Siya ay nag-iisa?»

«Siya ay sapat sa Sarili at siyang nag-aalaga sa lahat sa sangnilikha. Kasasabi Ko pa lamang sa inyo na Siya ay nasa paghiging din ng mga lamok. Siya ay hindi naiinip, hindi nag-aalala. Siya ay hindi isang mahirap na tao, ang panginoon ng isang malaking imperyo sa loob kung saan ang pakiramdam niya siya ay kinapopootan at namumuhay nang nanginginig sa takot. Siya ay Pagmamahal at namumuhay na nagmamahal. Ang Kanyang Buhay ay patuloy na Pagmamahal. Napakarami ang mga bagay na nilikha na nabubuhay dahil sa Kanyang patuloy na kalooban, na Siya ay walang panahon na manlumo.  Ang inip ay ang bunga ng kawalang-magawa at bisyo. Sa Langit ng Totoong Diyos ay wala ng kawalang-magawa o bisyo. Malapit na, na sa karagdagan ng mga anghel na ngayon ay naglilingkod sa Kanya, magkakaroon Siya ng malaking pulutong ng makatarungan na mga tao na magbubunyi sa Kanya at ang pulutong ay lálaki at lálaki pa sa pamamagitan ng mga maniniwala sa Totoong Diyos sa hinaharap.»

«Ang mga anghel ba ay mga ‘genie’?» tanong ni Lydia.

«Hindi, sila ay mga espirituwal na mga nilikha katulad ng Diyos Na naglikha sa kanila.»

«Ano ang mga genie, kung gayon?»

«Ayon sa inyong imahinasyon, sila ay kasinungalingan. Sila ay wala naman, ayon lang sa paglikha ng inyong isip. Ngunit gawa ng likas na pangangailangan ng mga tao na hanapin ang katotohanan, nabatid din ninyo na ang tao ay hindi lamang laman at na mayroon itong isang bagay na inmortal sa kanyang mabubulok na katawan. At iyan ang resulta ng panggaganyak ng kaluluwa, na buháy at nasa mga hentil din, at naghihirap sa loob nila, dahil nabibigo ito sa mga mithiin nito, sapagkat ito ay gutom-na-gutom naghahanap para sa Totoong Diyos Na naaalaala nito, sa loob ng katawan kung saan ito naninirahan at ginagabayan ng isang paganong isip. At ganito rin ang nangyayari sa mga bayan at mga nasyon. At ganyan kayo naniniwala, nararamdaman ninyo ang pangangailangan na maniwala sa mga “genie”. At ganyan ninyo binibigyan ang inyong mga sarili ng indibidwal na mga henyo, isang pamilya, isang bayan, isang pambansang henyo. Mayroon kayo ng “henyo ng Roma”, ng “henyo ng emperador”. At sinasamba ninyo sila bilang mas maliliit na diyos. Pumunta kayo sa totoong pananampalataya. Makikilala ninyo at magiging kaibigan ninyo ang inyong anghel, na inyong pagpipitaganan, ngunit hindi sasambahin. Tanging ang Diyos lamang ang sinasamba.»

«Sinabi Ninyo: “Panggaganyak ng kaluluwa na buháy at nasa mga hentil din, at naghihirap sa loob nila dahil ito ay nabibigo”. Ngunit kanino nanggagaling ang kaluluwa?» tanong ni Publius Quintilian.

«Mula sa Diyos. Siya ang Tagapaglikha.»

«Ngunit hindi ba’t tayo ay ipinanganganak ng babae sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa lalaki?  Ang amin ding mga diyos ay ipinanganganak nang ganyan.»

«Ang inyong mga diyos ay wala naman talaga. Sila ay mga guniguni ng inyong isip na nangangailangan na maniwala. Sapagkat ang ganyang paniniwala ay mas hindi matatanggihan kaysa ng pangangailangan na huminga. Pati rin siya, na nagsasabi na hindi siya naniniwala, ay naniniwala. Naniniwala siya sa isang bagay. Ang simpleng salita: “Hindi ako naniniwala sa Diyos” ay nagpapahiwatig ng ibang pananampalataya. Baka sa kanyang sarili, o sa kanyang sariling mapagmalaking isip. Ngunit ang isa ay laging naniniwala. Ito ay katulad ng pág-iisíp. Kung sasabihin ninyo: “Ayaw kong mag-isip”, o “Hindi ako naniniwala sa Diyos”, sa pamamagitan ng dalawang mga pangungusap na iyan pinatutunayan ninyo na kayo ay nag-iisip na ayaw ninyong maniwala sa Kanya Na inyong nalalaman na naririyan at na ayaw ninyong mag-isip. Ang tungkol sa tao, upang masabi ang konsepto nang tama kailangan ninyong sabihin: “Ang tao, katulad ng lahat na hayop, ay ipinanganganak sa pamamagitan ng pagtatalik ng lalaki at babae. Ngunit ang kaluluwa, na siyang ang bagay na nagpapaiba sa hayop-tao sa hayop-hayop, ay nagmumula sa Diyos. Ito ay Kanyang nililikha habang ang tao ay nalilikha at kapag ang isang tao ay lilikhain., o kung baga, kapag siya ay ipinaglilihi sa loob ng sinapupunan at inilalagay Niya ito sa katawan na kung hindi’y magiging hayop lamang”.»

«At mayroon kami nito? Kaming mga pagano? Ayon sa Inyong mga kababayan ito ay hindi maaaring ganito...» sabi ni Quintilian nang may panunuya.

«Ang bawat tao na ipinanganak ng babae ay mayroon nito.»

«Ngunit sinabi Ninyo na ang kasalanan ay pinapatay ito. Kung gayon, papaano ito magiging buháy sa loob namin na mga makasalanan?» tanong ni Plautina.

«Hindi kayo nagkakasala laban sa pananampalataya, sapagkat naniniwala kayo na kayo ay nasa Katotohanan. Kapag nalaman na ninyo ang Katotohanan at magpapatuloy kayo sa inyong pagkakamali, diyan kayo makagagawa ng kasalanan. gayon din naman, maraming bagay na makasalanan para sa mga Israelita, ay hindi ganito para sa inyo. Sapagkat walang dibinong batas ang nagbabawal sa inyo. Ang isa ay nagkakasala kapag ang isa ay sadyang nagrerebelde laban sa utos na ibinigay ng Diyos at nagsasabi: “Alam ko na ang aking ginagawa ay mali. Ngunit gusto ko pa rin gawin ito”. Ang Diyos ay makatarungan. Hindi Niya maparurusahan ang isa na gumagawa ng maling bagay iniisip na ginagawa niya ang tamang bagay. Pinarurusahan Niya ang mga, na nakapagsasabi kung ano ang Mabuti at ang Masama, ay pinipili ang huli at nagpupursige rito.»

«Kung gayon kami ay may kaluluwa at ito ay buháy at nasa amin?»

«Oo, ganyan iyan.»

«At ito ay naghihirap? Talaga bang sa isip Ninyo naaalaala nito ang Diyos? Hindi namin matandaan ang sinapupunan na nagdala sa amin. Hindi namin masabi kung ano ang katulad ng nasa loob nito. Kung naintindihan ko Kayo nang tama, ang kaluluwa ay espirituwal na ipinanganganak ng Diyos. Posible bang maalaala nito ang Diyos kung ang aming katawan ay hindi maalaala ang mahabang panahon nang ito ay nasa loob ng isang sinapupunan?»

«Ang kaluluwa ay hindi materyal, Plautina. Ang embryo ay materyal. Sa katunayan ang kaluluwa ay inilalagay kapag ang peto ay naporma na¹. Ang kaluluwa ay, katulad ng Diyos, eternal at espirituwal. Ito ay eternal mula sa sandali na ito ay nilikha, samantalang ang Diyos ay ang Pinaka Perpektong Eternal na Naririyan at kung gayon walang simula sa panahon at hindi magkakaroon ng katapusan. Ang kaluluwa, ang malinaw, matalino, espirituwal na gawa ng Diyos, ay nakaaalaala. At ito ay naghihirap, sapagkat hinahanap nito ang Diyos, ang Totoong Diyos, mula kung Kanino ito nanggaling, at nagugutom ito para sa Diyos. Iyan kung bakit pinakikilos nito ang manhid na katawan na magsikap na lapitan ang Diyos.»

«Kung gayon kami ay may kaluluwa katulad ng inyong sinasabi na mayroon “ang makatarungang sambayanan” ng inyong nasyon? Eksaktong pareho?»

«Hindi, Plautina. Depende ito sa ibig mong sabihin. Kung ang ibig mong sabihin ang ayon sa pinanggalingan at kalikasan, ito ay eksaktong pareho ng mga kaluluwa ng aming mga santo. Ngunit kung ang tinutukoy mo ay ang pormasyon nito, sasabihin Ko kung gayon na ito ay iba. At kung ang ibig mong sabihin ang ayon sa perpeksiyon na naabot bago ang kamatayan, diyan ito ganap na iba. Ngunit ito ay hindi lamang para sa inyong mga pagano. Ang isang anak din ng aming sambayanan ay maaaring maging ganap na iba sa mga santo, sa hinaharap na buhay. Ang isang kaluluwa ay nakapailalim sa tatlong pagbabago. Ang una ay ang paglilikha. Ang ikalawa isang bagong paglilikha. Ang ikatlo ay perpeksiyon. Ang una ay pare-pareho sa lahat na tao. Ang ikalawa ay kaiba sa makatarungang sambayanan na sa pamamagitan ng kanilang kalooban itinataas ang kanilang mga kaluluwa sa mas kumpletong panunumbalik, isinasama ang kanilang mabubuting gawa sa perpeksiyon ng gawa ng Diyos, kung saan ang kanilang mga kaluluwa ay espirituwal na mas perpekto at gumagawa ng dugtungan ng una at ng ikatlong pagbabago. Ang ikatlo ay kaiba sa pinagpalang mga kaluluwa, o mga santo, kung iyan ang gusto mo, na nalampasan nang sanlibong antas ang panimulang kalagayan ng kanilang mga kaluluwa, isang kalagayan na angkop sa tao, at nabago nila ito sa pagiging isang bagay na aangkop na pagpapahinga sa Diyos.»

«Papaano kami gagawa ng lugar, espasyo at elebasyon para sa aming mga kaluluwa?»

«Sa pagsira ng mga walang-silbing bagay na nasa inyong “kaakuhan”. Linisin ito ng lahat ng maling kaalaman, at sa pamamagitan ng mga labí gawin ang elebasyon para sa banyagang templo. Ang kaluluwa ay kailangan na madala nang pataas pa nang pataas, sa tatlong mga baytang. O! Kayong mga Romano ay gustung-gusto ang mga simbolo. Tingnan ang tatlong mga baytang sa simbolong liwanag. Masasabi nila sa inyo ang kanilang mga pangalan: pagtitika, tiyaga, pagpupursige. O: kababaang-loob, kadalisayan, katarungan. O: karunungan, kagandahang-loob, awa. O, pánghulí, ang maningning na may tatlong pangalan: pananampalataya, pag-asa, karidad. Tingnan din ang simbolo ng ma-arteng malakas na bakuran na nakapalibot sa lugar ng templo. Kailangan na palibutan ninyo ang inyong kaluluwa, ang reyna ng katawan, ang templo ng Eternal na Espiritu, ng isang harang na kailangang ligtas at malaya sa pagmamahal at mithiin ng kung ano ang mas mababa: ng laman at dugo, at kailangan na tangkain kung ano ang mas mataas: ang espiritu. Ang sinsel ng kalayaan ay ang kapangyarihan ng inyong kalooban, na mag-aalis ng mga nakausli, at mga gatla, mantsa at mga depekto sa marmol ng inyong kaakuhan, upang ito ay maging perpekto sa paligid ng inyong mga kaluluwa. At kasabay, ang bakuran na nagpoprotekta sa templo ay kailangan na gamitin ninyo bilang isang maawaing kanlungan para sa mas di-masasayang tao na hindi nakaaalam kung ano nga ang Karidad. Ang mga portiko: sila ang pagdaloy ng pagmamahal, ng habag, ng inyong mithiin na mas maraming tao ang sana makapunta sa Diyos, at ito ay katulad ng nagmamahal na mga kamay na nakaunat katulad ng isang belo sa ibabaw ng kuna ng isang ulila. At sa kabila ng bakuran: ang pinakamaganda at pinaka pinabanguhang mga punungkahoy ay isang paggalang sa Tagapaglikha. Ang mga punungkahoy, itinanim sa isang lupa na dati tigang at pagkatapos inayos ay kumakatawan sa lahat na klase ng mga birtud at siyang pumoporma sa ikalawang buháy na mabulaklak na bakuran sa paligid ng santuwaryo; at sa pagitan ng mga punungkahoy, ibig-sabihin sa pagitan ng mga birtud, ay naririyan ang mga pontanya, isa pang daluyan ng pagmamahal at isa pang pagpapadalisay bago lapitan ang entrada sa templo malapit kung saan ang isa ay kailangan na isakripisyo ang kanyang pagka-makamundo at itakwil ang lahat na porma ng kasakiman bago tumaas sa altar. At pagkatapos makapagpapatuloy pa kayo, sa altar at ilatag ang inyong alay doon at sa huli, tinatawid ang bestibulo, maaari ninyong lapitan ang selda, kung nasaan ang Diyos. At magiging ano ang katulad ng selda? Kasaganaan ng espirituwal na kayamanan, sapagkat hindi ninyo kailanman maaadornohan ang Diyos nang labis. Naintindihan ninyo? Tinanong ninyo Ako kung papaano itinatayo ang Pananampalataya. Sinabi Ko sa inyo: “Ginagaya ang pamamaraan na ginagamit sa pagtayo ng mga templo” Nakikita ninyo na ito ay totoo. Mayroon pa ba kayong ibig na itanong sa Akin?»

«Wala, Guro. Sa palagay ko naisulat ni Flavia ang sinabi Ninyo. Ibig na malaman ni Claudia. Naisulat mo ba ang lahat?»

«Naisulat ko ang lahat nang tamang-tama» tugon ng babae inaabot ang waks na mga tabla.

«Ang mga waks ay tatagal at posibleng basahin ito.»

«Iyan ay waks. Madali iyan mawala. Isulat ang lahat sa loob ng inyong mga puso. Hindi iyan kailanman mawawala.»

«Guro, nagsisiksik ito ng walang kabuluhan na mga templo. Ibinabato namin ang Inyong mga salita laban sa mga ito upang masira ang mga ito. Ngunit ito ay isang matagal na gawain» sabi ni Plautina nagbubuntung-hininga. At naghihinuha siya: «Alalahanin kami sa Inyong Langit...»

«Makaaasa kayo na gagawin Ko iyan. Iniiwan Ko kayo. Ibig Kong malaman ninyo na ang inyong pagdalaw ay napakamahal sa Akin. Paalam, Publius Quintilian. Alalahanin si Jesus ng Nazareth.»

Ang mga binibini ay nagpapaalam at sila ang unang mga umalis. Pagkatapos si Quintilian, na medyo nag-iisip, ay umalis.

«Ano ang Inyong iniisip, Guro?» tanong ni Lazarus.

«Na maraming di-masayang tao sa mundo.»

«At ako ay isa sa kanila.»

«Bakit, Aking mahal na kaibigan?»

«Sapagkat ang lahat ay pumupunta sa Inyo, maliban kay Maria. Siya ba ang pinakamalaking pagkasira?»

Si Jesus ay tinitingnan siya at ngumingiti.

«Kayo ay ngumingiti? Hindi ba Kayo nalulungkot na si Maria ay hindi mapabalik ang loob sa Diyos? Hindi ba Kayo nalulungkot na ako ay naghihirap? Si Martha ay wala nang ginawa bagkus ang umiyak mula ng gabi ng Lunes. Sino ang babaeng iyon? Hindi ba Ninyo nalalaman na sa buong araw kami ay umaasa na siya iyon?»

«Ako ay ngumingiti sapagkat ikaw ay isang di-makapaghintay na bata... At Ako ay ngumingiti sapagkat sa palagay Ko nagsasayang kayo ng enerhiya at mga luha. Kung iyon man ay naging siya, sinabi Ko na sana sa inyo kaagad.»

«Kung gayon hindi siya iyon?»

«O! Lazarus!...»

«Tama Kayo. Tiyaga! Tiyaga pa rin!... Guro, naririto ang mga alahas na binigay Ninyo sa akin upang ipagbili. Naging pera na sila para sa mga mahihirap. Magaganda sila. Mga alahas ng mga babae.»

«Pag-aari iyan ng babaeng “iyon”.»

«Iyan ang inisip ko. Ah! Kung iyon ay naging si Maria... Ngunit siya!... Nawawalan na ako ng pag-asa, aking Panginoon!...»

Si Jesus ay niyayakap siya nang hindi nagsasalita nang ilang sandali. Pagkatapos sinabi Niya: «Pakiusap na huwag mong banggitin ang mga alahas na iyan sa sinuman. Ang babae ay kailangan na mawala, nang hindi hinahangaan o hindi na pinagnanasaan pa, katulad ng isang ulap na dinadala sa kung saang lugar ng hangin, na hindi nag-iiwan ng kahit na anong bakas sa asul na kalangitan.»

«Maaari Kayong makatiyak, Guro... at, bilang kapalit, dalhin Ninyo sa akin si Maria, ang aming di-masayang Maria...»

«Kapayapaan sa iyo, Lazarus. Tutuparin Ko ang Aking pangako.»

300111


¹Ang intensiyon ni Jesus sa pagsasalita sa mga binibining Romano ay hindi ang ipaliwanag ang sandali ng paglalagay ng kaluluwa sa isang katawan, bagkus ang patunayan ang pagkakaroon ng kaluluwa, ang espirituwal na kalikasan nito at ang dibinong pinagmulan nito, bilang iba sa materyal na kalikasan at pantaong pinanggagalingan ng katawan, at upang maliwanagan iyon Kanyang sinasabi na ang kaluluwa ay inilalagay sa embryo kapag ang embryo ay sapat nang naporma na tanggapin ang kaluluwa, na malinaw na matalinong katulad nito, ito ay may mga kislap ng alaala tungkol sa pinanggalingan nito mula sa Diyos bago inilagay sa isang katawan.

 



Sunod na kabanata