205. Ang Parabula Tungkol sa Alibughang Anak.

Hunyo 30, 1945.

«Juan ng Endor, halika’t sumama ka sa Akin. Kailangan kitang makausap» sabi ni Jesus dumudungaw sa pintuan.

Ang mamâ ay nagmamadali patungo kay Jesus iniiwan ang bata kung kanino siya ay nagpapaliwanag ng isang bagay.

«Ano ang ibig Ninyong sabihin sa akin, Guro?» nagtanong siya.

«Sumama ka sa Akin sa itaas.»

Sila ay umakyat  sa terasa at naupo sa pinakamalilim na bahagi, sapagkat ang sikat ng araw ay malakas na, bagama't maaga pa lamang. Si Jesus ay pinagagala ang Kanyang paningin sa nalinang na bukid, kung saan ang trigo ay nagiging kulay-ginto at ang mga bunga sa mga punungkahoy nahihinog. Siya ay tila kumukuha ng ilang maiisip mula sa nagbabagong-anyong mga tanim.

«Makinig, Juan. Sa palagay Ko si Isaac ay darating ngayon upang dalhin sa Akin ang mga magbubukid ni Johanan bago sila umalis. Sinabi Ko kay Lazarus na pahiramin si Isaac ng karwahe upang mapadali ang kanilang paglalakbay pabalik at kung gayon maiwasan ang pagka-antala na maaaring maghatid sa kanila ng kaparusahan. At si Lazarus ay pumayag, sapagkat kanyang ginagawa ang lahat na sinasabi Ko sa kanya. Ngunit may isang bagay pa Akong gusto mula sa iyo. Mayroon Ako ritong kaunting pera na ibinigay sa Akin  ng isang tao para sa mga mahihirap ng Panginoon. Kadalasan ang isa sa Aking mga apostol ang namamahala sa pera at sa pamimigay nito. Sa pangkalahatan ito ay si Judas ng Kerioth; kung minsan ang isa sa iba. Ngunit si Judas ay wala rito ngayon. Ayaw Kong malaman ng iba ang ibig Kong gawin. Hindi Ko rin masasabihan nito si Judas. Gagawin mo ito, sa ngalan Ko…»

«Ako, aking Panginoon?... Ako?... O! Hindi ako karapat-dapat!...»

«Dapat masanay ka na sa pagkilos sa ngalan Ko. Hindi ba’t iyan ang dahilan kung bakit ka sumama?»

«Oo, subalit akala ko kailangan kong trabahuhing maitayong muli ang aking kaawa-awang kaluluwa.»

«At ibibigay Ko sa iyo ang pamamaraan. Laban sa kung saan ka nagkasala? Laban sa Awa at Pagmamahal. Sinira mo ang iyong kaluluwa sa pamamagitan ng poot. Itatayo mo itong muli sa pamamagitan ng pagmamahal at awa. Ibibigay Ko sa iyo ang materyales. Gagamitin Kita lalo na sa mga gawain ng awa at pagmamahal. Ikaw ay nakagagamot din, at nakapagsasalita. Kung gayon may kakayahan kang mapangalagaan ang pisikal at moral na mga paghihirap at magagawa mo ito. Magsisimula ka sa pagkilos nang ganyan. Naririto ang lukbutan. Ibibigay mo ito kay Micah at sa kanyang mga kaibigan. Paghati-hatiin mo ito sa magkakaparehong halaga. Ngunit ipamigay mo iyan ayon sa sasabihin Ko. Gumawa ng sampung bahagi at ibigay ang apat kay Micah, isa para sa kanyang sarili at tig-isa-isa sina Saul, Joel at Isaiah. Ibigay ang anim pang natitira kay Micah na may tagubilin na ibigay ito sa matandang ama ni Jabez, para sa kanyang sarili at sa kanyang mga kasamahan. Sila kung gayon ay magkakaroon ng kaunting kaginhawahan.»

«O sige. Ngunit ano ang aking sasabihin sa kanila upang mapangatwiranan ito?»

«Sabihin: “Ito ay upang mapaalalahanan kayo na magdasal para sa isang kaluluwa na tinutubos ang sarili”.»

«Ngunit baka isipin nila na iyon ay ako! Hindi ito tama!»

«Bakit? Ayaw mo bang matubos mo ang iyong sarili?»

«Hindi tama na isipin nila na ako ang nagbibigay.»

«Hindi na bale, gawin ang sinasabi Ko sa iyo.»

«Susundin ko Kayo… subalit hayaan Ninyo na ako ay magbigay ng kaunti rin. Ano pa man ang mangyari… wala na akong kahit anong pangangailangan ngayon. Hindi na ako bumibili ng mga aklat at hindi na ako nagpapakain ng mga manok. Ako ay kontento na sa kaunting-kaunti. Kunin Ninyo ito. Guro. Nagtitira lamang ako ng kaunti para sa gagastahin sa aking mga sandalyas…» at mula sa isang lukbutan nakakabit sa kanyang sinturon naglabas siya ng ilang salapi na kanyang idinagdag sa pera ni Jesus.

«Pagpalain ka nawa ng Diyos sa iyong awa… Juan, bago magtagal tayo ay maghihiwalay, sapagkat sasama ka kay Isaac.»

«Ako ay nalulungkot gawa niyan, Guro. Ngunit ako ay susunod.»

«Ako ay nalulungkot din na mapalayo ka. Ngunit labis ang Aking pangangailangan ng mga mag-iikut-ikot na disipulo. Ako ay hindi na sasapat. Malapit Ko nang ipadala ang Aking mga apostol at pagkatapos ang mga disipulo. Maraming kabutihan ang iyong magagawa. Gagamitin Kita sa espesyal na mga misyon. Pansamantala mapoporma kang kasama ni Isaac. Siya ay mabuti at ang Espiritu ng Diyos ay totoong nabigyan siya ng mga tagubilin sa loob ng kanyang matagal na pagkakasakit. At siya ang tao na laging nagpapatawad ng lahat… Sa kabilang dako, ang katunayan na kailangan tayong maghiwalay ay hindi ibig sabihin na hindi na tayo muli magkikita. Madalas tayong magkikita, at sa tuwing tayo ay magkikita, Ako ay magsasalita ng tanging para sa iyo lamang, alalahanin iyan…»

Si Juan ay yumukong napakababa, itinatago ang kanyang mukha sa kanyang mga kamay, napaluha nang mapait at umungol: «O! Kung gayon magsalita Kayo kaagad sa akin ng isang bagay na magtitiyak sa akin na nakatagpo na ako ng kapatawaran… na makapaglilingkod ako sa Diyos… Kung nalalaman lamang Ninyo kung papaano ko nakikita ang aking kaluluwa, ngayon na ang usok ng kapootan ay nawala na… at kung papaano ko naiisip ang Diyos…»

«Alam Ko, huwag kang umiyak. Maging mababa ang kalooban, ngunit huwag panghinaan ng loob. Ang panghihina ng loob ay pagmamalaki pa rin. Maging mababa ang kalooban, iyan lang. Magsaya, huwag umiyak…»

Si Juan ng Endor ay unti-unting kumalma…

Nang makita ni Jesus na siya ay kumalma na, sinabi Niya: «Halika, pumunta tayo sa ilalim ng palumpungan ng mga puno ng mansanas na iyon at ipunin natin ang ating mga kasamahan at ang mga kababaihan. Ako ay magsasalita sa lahat, ngunit sasabihin Ko sa iyo kung papaano ka minamahal ng Diyos.»

Sila ay bumaba, iniipon ang iba pa habang sila ay nagpapatuloy, at lahat sila ay naupo nang paikot sa ilalim ng lilim ng lootan ng mansanas. Si Lazarus din, na nakikipagusap sa Zealot, ay sumali sa grupo. Sila ay mga dalawampung katao lahat.

«Makinig. Ito ay isang magandang parabula na maggagabay sa inyo sa pamamagitan ng liwanag nito sa maraming mga kaso.

May isang tao na may dalawang anak. Ang panganay ay isang seryoso, magiliw, masunurin sa kanyang trabaho. Ang bunso ay mas matalino kaysa sa kanyang kapatid na sa katunayan ay medyo mapurol at mas gustong siya’y ginagabayan kaysa pagurin ang kanyang sarili sa paggawa ng mga disisyon sa pamamagitan niya mismo, ngunit ang bunso ay mapagrebelde rin, wala sa pag-iisip, mahilig sa karangyaan at sa pagpapakasarap, isang waldas at tamad. Ang katalinuhan ay isang dakilang regalo ng Diyos. Ngunit iyan ay isang regalo na kailangang gamitin nang may karunungan. Kung hindi iyan ay magiging katulad ng ilang gamot, na kung iinumin sa maling pamamaraan, ay papatay sa halip na makapagpagaling. Ang kanyang ama, sa dahilan na ito ay kanyang karapatan at katungkulan, ay madalas na panawagan siya sa mas matinong pamumuhay. Ngunit ang lahat ng ito ay sa walang mangyari, ang tanging naging resulta lamang ay ang kanyang panunumbat at katigasan sa kanyang masasamang idea.

Sa bandang huli, isang araw, pagkatapos ng mainitang pag-aaway, ang bunso ay nagsabi: “Ibigay ninyo ang aking bahagi ng ari-arian. Upang hindi ko na mapakinggan ang inyong paninisi at ang mga reklamo ng aking kapatid. Mapunta na sa bawat isa kung ano ang kanya at tapos na ang lahat”. “Mag-ingat” tugon ng ama, “sapagkat masisira ka na. Ano ang gagawin mo pagkatapos? Isipin na hindi ako papanig sa kaninuman upang mapaboran ka at wala akong kukunin kahit na isang pera sa iyong kapatid para maibigay sa iyo”.  “Wala akong hihingin ng kahit ano mula sa inyo. Makatitiyak kayo. Ibigay ninyo sa akin ang aking bahagi”.

Ang ama ay pinakuwenta ang lupain at ang mga may-halagang bagay, at sa dahilan na ang pera at mga alahas ay kasing halaga ng mga lupa’t bahay, ibinigay niya sa panganay ang mga bukid at mga ubasan, ang mga kawan at mga punong olibo, at sa bunso ang pera at mga alahas, na kaagad namang pinapalitan ng pera. Pagkatapos na magawa ito, ang bunso ay pumunta sa isang malayong bayan kung saan siya ay namuhay na katulad ng isang panginoon, inuubos ang kanyang pera sa pagpapakasarap, kahalayan, paglalasing, kaliluhan, pinaniniwala ang mga tao na siya ay anak ng isang hari, sapagkat ikinahihiya niyang tanggapin na siya ay isang tagabukid at ikinaiila niya ang kanyang ama. Mga bangkete, mga kaibigan, mga babae, mga magaganda kapa, mga alak, mga laro… namuhay siya nang walang kaayusan. Pagkaraan nakita niya na nauubos na ang kanyang pera at ang karukhaan ay nalalapit na. At upang magawang malala ang sitwasyon, ang bayan ay dumanas ng matinding tag-gutom, upang napilitan siyang gastahin ang kanyang huling sentimos. Ibig sana niyang bumalik sa bahay ng kanyang ama. Ngunit siya’y mapagmataas at nagpasyang huwag na lang. Kung kaya’t pumunta siya sa isang mayaman na tao sa bayan, isang kaibigan noong masasayang araw pa niya, at nakiusap siya nagsasabing: “Isama mo ako sa iyong mga katulong, iniisip ang mga araw na iyong kinalugdan sa aking kayamanan”.  Kita ninyo kung gaano katanga ang tao! Mas gusto niya ang hagupit ng isang panginoon kaysa sabihin sa kanyang ama: “Patawarin ako. Nagkamali ako!” Ang binata ay maraming natutuhang mga walang kuwentang bagay sa pamamagitan ng kanyang katalinuhan, ngunit ayaw niyang matutunan ang sinasabi ng Ecclesiasticus: “Gaano makikilalang masama siya na tumatalikod sa kanyang ama at gaano isusumpa ng Panginoon siya na nanggagalit sa kanyang ina”. Siya ay matalino, ngunit hindi marunong.

Ang tao na kanyang pinakiusapan, bilang kapalit ng kasiyahan na kanyang tinamasa sa pamamagitan ng kayamanan ng tangang binata, ay ginawa siyang tagapag-alaga ng kanyang mga baboy, sapagkat iyon ay isang paganong bayan at marami roong mga baboy. Kung kaya’t siya’y ipinadala upang magpakain ng mga kawan ng mga baboy. Marumi, nakasuot ng mga basahan, nangangamoy at nagugutom – ang pagkain sa katunayan ay kakaunti para sa lahat na mga katulong at lalo na sa pinakamabababang katulong at siya, isang banyagang kinukutyang tagapag-alaga ng mga baboy ay tinitingnang ganyan – nakita niya na ang mga baboy ay nagpapakasawa sa bunga ng terebinto at siya’y nagbuntung-hininga: “Sana mapuno ko ang aking tiyan ng bungang ito! Ngunit napakapait ng mga bungang ito! Ni ang pagkagutom ay hindi ito magagawang makakain”.  At siya ay umiyak inaalaala ang masasarap na mga bangkete nang siya ay nagkukunwaring isang “dakilang sinyor” kamakailan pa lamang, tumatawa, umaawit, sumasayaw... pagkatapos kanyang naiisip ang matapat na sapat na mga kainan sa kanyang malayong tahanan, ang walang-kinikilingang pamamahagi ng pagkain na ginagawa ng kanyang ama para sa lahat, ang pinakamaliit na bahagi naiiwan para sa kanya, masayang nakikita ang maganang pagkain ng kanyang mga anak… at naalaala niya ang mga paglagay ng pagkain ng kanyang makatarungang ama mismo sa pinggan ng mga katulong at siya ay nagbuntung-hininga: “Ang mga katulong ng aking ama, kahit na ang pinakamababa sa lahat, ay nagkakaroon ng maraming tinapay… at ako ay namamatay dito sa gutom…”. Isang mahabang pagninilay-nilay, isang mahabang pakikipaglaban upang mapanaigan ang kanyang pagmamataas…

Sa wakas ang araw ay dumating, nang ang kanyang kababaang-loob at karunungan ay nabuhay muli at siya ay tumayo at nagsabi: “Babalik ako sa aking ama! Ang pagmamataas kong ito ay kalokohan, dahil pinagkakaitan ako nito ng aking kalayaan. At bakit? Bakit kailangan kong maghirap sa aking katawan at lalo na sa aking puso kung ako ay mapatatawad at makatatanggap ng kaginhawahan? Babalik ako sa aking ama. Iyan ang aking pasya. At ano ang aking sasabihin sa kanya? Ano ang natutuhan ko sa loob ng aking puso rito, sa loob ng kahirapang ito, sa loob ng karumihang ito, tinitiis ang mga kirot ng kagutuman! Sasabihin ko sa kanya: ‘Ama, ako ay nagkasala laban sa Langit at sa inyo, hindi na ako karapat-dapat na tawaging inyong anak; tratuhin ninyo ako kung gayon bilang ang pinakamaliit sa inyong mga katulong, ngunit tiisin ninyo ako na makapamalagi sa ilalim ng inyong bubungan. Upang sana nakikita ko kayong kumikilos sa paligid… ‘hindi ko masabi sa kanya:’… sapagkat minamahal ko kayo? Hindi niya ako paniniwalaan. Ngunit ang aking mga kilos ay sasabihin ito sa kanya at maiintindihan niya ito at bago siya mamatay pagpapalain niya akong muli… O! Sana nga. Sapagkat minamahal ako ng aking ama”. At nang siya ay bumalik sa bayan noong gabi nagbitiw siya sa kanyang trabaho at nanghihingi ng limos sa daan siya ay umuwi. At nakita niya ang mga bukid ng kanyang ama… at ang bahay… at ang kanyang ama pinamamahalaan ang pagtatrabaho… siya ay tumanda na, pinangayayat ng paghihirap ng damdamin ngunit laging mabait at mabuti… Ang nagkasalang anak nakikita ang kasiraan na nagawa niya ay tumigil na nahihintakutan… ngunit ang ama, lumilingon sa likod, ay nakita siya at tumakbo upang salubungin siya, sapagkat siya ay nasa malayo pa. At nang siya ay inabutan ng ama, niyakap siya sa leeg at hinalikan siya. Tanging ang ama lamang ang nakakilala sa kanyang anak sa hitsurang iyon ng isang kaawa-awang pulubi at tanging siya lamang ang naantig ng pagmamahal.

Ang anak, yakap ng mga kamay ng kanyang ama, ang kanyang ulo nakapatong sa balikat ng ama, bumulong nang humihikbi: “Ama, hayaan ninyong magpatirapa ako sa paanan ninyo”. “Hindi, anak! Hindi sa aking paanan. Magpahinga sa aking puso, na labis na naghirap dahil sa wala ka, at ngayon nangangailangan na madama muli ang iyong init sa aking dibdib”. At ang anak, umiiyak nang mas malakas ay nagsabi: “O! Ama! Ako ay nagkasala laban sa Langit at sa inyo, hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo. Ngunit payagan akong makapanirahang kasama ang inyong mga katulong, sa ilalim ng inyong bubungan, nakikita kayo, kinakain ang inyong tinapay, pinaglilingkuran kayo, at kayo ang magiging hininga ng aking buhay. Sa tuwing isinusubo ko ang mumo ng inyong tinapay, sa tuwing humihinga kayo, ang aking puso, na labis na naging masama, ay magbabago at ako ay magiging matapat…”

Ngunit ang ama, laging yakap siya, ay dinala siya patungo sa mga katulong, na mga nagkaipun-ipon nagmamasid mula sa malayo at kanyang sinabi sa kanila: “Bilis, magdala rito ng pinakamagandang kapa, at mga palanggana na may pinabanguhang tubig, at hugasan siya, wisikan siya ng pabango, bihisan siya, lagyan ang kanyang mga paa ng bagong mga sandalyas at isang singsing sa kanyang daliri. Magdala ng pinatabang tupa at patayin iyan. At maghanda ng isang bangkete. Sapagkat ang aking anak na ito ay namatay at nabuhay muli, siya ay nawala at nakita muli. Ngayon ibig kong matagpuan niyang muli ang inosenteng pagmamahal ng isang bata, at ang aking pagmamahal at ang pagdiriwang ng sambahayan para sa kanyang pagbalik ay kailangan na maibigay ito sa kanya. Kailangan niyang madama na siya ay laging ang aking tinatanging bunsong anak, katulad noong siya ay bata pa matagal nang panahon, kung kailan madalas siyang magpaika-ika sa tabi ko ginagawa niya akong masaya sa pamamagitan ng kanyang ngiti at pautal-utal”. At ang mga katulong ay ginawa ito.

Ang panganay na anak ay nasa bukid at wala siyang nalalaman tungkol dito hanggang sa kanyang pagbalik. Parating sa bahay noong gabi, nakita niya na ang bahay ay nagniningning sa kaliwanagan at napakinggan niya ang mga tunog ng mga instrumento at ng mga pagsasayawan. Tinawag niya ang isang katulong na abala sa paligid at tinanong niya: “Ano ang nangyayari?” At ang katulong ay tumugon: “Ang iyong kapatid ay bumalik! Ang iyong ama ay pinapatay ang isang pinatabang tupa sapagkat nakabalik nang ligtas ang kanyang anak at gumaling sa kanyang kasamaan at nag-utos siya ng isang pagdiriwang. Naghihintay lamang sila sa iyo upang makapagsimula”. Ngunit ang panganay ay galit-na-galit sapagkat sa isip niya ang gayong pagpipista para sa kanyang kapatid ay hindi tama, sa dahilan na ang kanyang kapatid ay hindi lamang mas bata, bagkus naging masama pa. At ayaw niyang pumasok, sa kabaligtaran siya ay papaalis na sa bahay.

Ngunit ang kanyang ama, nasabihan ng tungkol sa sitwasyon, ay tumakbo at inabutan siya at nagsisikap na kumbinsihin siya, nakikiusap na huwag sirain ang kanyang lugod. Ang panganay ay tumugon sa kanyang ama: “At umaasa kayo na hindi ako mababalisa? Kayo ay hindi patas sa inyong panganay at iniinsulto ninyo siya. Kayo ay aking pinaglingkuran mula pa nang ako ay nakakapagtrabaho na, at ginawa ko ito sa loob ng maraming taon. Wala ako ni isang utos ninyo na hindi ko sinunod, ni isang simpleng mithiin ninyo. Ako ay nanatiling laging malapit sa inyo, at minahal ko kayo para sa dalawang tao, upang makapanumbalik kayo sa sama ng loob na ibinigay sa inyo ng aking kapatid. At hindi ninyo ako binigyan kahit isang tupa upang makaharap ko ang aking mga kaibigan. Ngayon pinararangalan ninyo ang aking kapatid at nagpapatay kayo ng pinakamagandang tupa para sa kanya, na nanakit at nag-abandona sa inyo, at naging tamad na waldas, at ngayon bumalik sapagkat siya ay nagugutom. May pakinabang nga ang maging masipag na manggagawa! Hindi ninyo dapat ginawa iyan sa akin”.

Ang ama pagkatapos, niyayakap siya sa kanyang puso, ay nagsabi: “Anak! Naniniwala ka ba na hindi kita minamahal, sapagkat hindi ko ipinagdiriwang ang iyong pagkamasunurin? Ang iyong mga ginagawa ay mga banal mismo, at ang mundo ay pinupuri ka gawa ng mga ito. Ang iyong kapatid, sa halip, ay kailangan na maibalik kapwa sa mga mata ng mundo at sa kanyang sarili. At sa palagay mo ba hindi kita minamahal sapagkat wala akong binibigay sa iyo ng nakikitang gantimpala? Ngunit sa araw at gabi, sa bawat sandali ng aking buhay, ikaw ay nasa loob ng aking puso, at pinagpapalà kita sa bawat sandali. Nasa iyo ang aking walang-patid na gantimpala na laging nakakasama mo, at kung ano ang akin ay sa iyo. Ngunit tama lamang na magkaroon ng kapistahan, isang pagdiriwang para sa iyong kapatid na patay na at bumalik sa mabuting pamumuhay, nawala at bumalik sa ating pagmamahal”. At ang panganay ay pumayag sa mithiin ng kanyang ama.

At iyan, Aking mga kaibigan, ang nangyayari sa loob ng Bahay ng Aking Ama. At sinuman na ang pakiramdam ay katulad siya ng bunso sa parabula, ay kailangan na maniwala na kung gagayahin niya siya sa pagpunta sa Ama, ang Ama ay sasabihin sa kanya: “Hindi sa paanan Ko. Bagkus magpahinga sa Aking puso, na labis na naghirap gawa ng iyong pagkawala at na ngayon ay masaya na sapagkat ikaw ay bumalik”. Ang sinuman na nasa sitwasyon ng panganay at wala ni anumang pagkukulang sa Ama, ay hindi kailangan na manibugho sa kaluguran ng Ama, bagkus makibahagi rito at mahalin ang natubos na kapatid.

Iyan lang. Ikaw, Juan ng Endor at ikaw, Lazarus, pakiusap na manatili rito. Ang iba ay makalalakad na at ayusin ang mga mesa. Hindi kami magtatagal.»

Lahat sila ay umalis. Nang si Jesus, si Lazarus at si Juan ng Endor ay nag-iisa na lang, sinabi ni Jesus sa kanila: «Iyan ang mangyayari sa minamahal na kaluluwa na iyong hinihintay, Lazarus, at iyan ang nangyayari ng sa iyo, Juan. Ang kabutihang-loob ng Diyos ay walang hangganan…»

…Ang mga apostol, kasama si Maria at ang mga kababaihan, ay patungo sa bahay, pinangungunahan ni Marjiam na ibig na mauna nangangapkap. Ngunit pagkaraan ay bumalik at kinuha ang kamay ni Maria nagsasabi sa Kanya: «Sumama Ka sa akin. May sasabihin ako sa Inyo, kapag nag-iisa na lang tayo.» At si Maria ay sinundan siya. Sila ay lumiko patungo sa isang bubon, na nasa sulok ng isang maliit na bakuran, at ganap na natatakpan ng isang makapal na balag na magmula sa lupa ay gumagapang patungo sa terasa pinoporma ang isang arko. Sa likuran nito, ang Iskariote ay naroroon.

«Judas, ano ang kailangan mo? Lakad, Marjiam… Magsalita. Ano ang kailangan mo?»

«Ako ay nagkasala…. Hindi ako makapaglakas-loob sa Guro o sa aking mga kasamahan… Tulungan Ninyo ako…»

«Tutulungan Kita. Ngunit hindi mo ba naiisip kung gaanong sama ng loob ang ginagawa mo sa iba? Ang Aking Anak ay lumuluha gawa mo. At ang iyong mga kasamahan ay naghihirap. Ngunit halika. Walang sinuman ang magsasalita tungkol sa iyo. At, kung magagawa mo, huwag mo nang gawin ulit ang mga kasalanang ginagawa mo. Iyan ay nakakahiya para sa isang tao at isang paglalapastangan laban sa Salita ng Diyos.»

«At patatawarin ba Ninyo ako, Ina?»

«Ako? Ako ay walang kuwenta sa ganang sa iyo, sapagkat sa isip mo ikaw ay napakadakila. Ako ang pinakamaliit sa mga lingkod ng Panginoon. Papaano ka makapag-aalala tungkol sa Akin, kung wala kang habag para sa Aking Anak?»

«Sapagkat ako ay may ina rin, at kung patatawarin Ninyo ako, ang pakiramdam ko ay parang pinatawad na rin niya ako.»

«Wala siyang nalalaman tungkol sa pagkakasala mong ito.»

«Ngunit ginawa niya akong mangako na ako ay maging mabuti sa Guro. Ako ay isang manloloko. Nararamdaman ko ang kaluluwa ng aking ina na pinagagalitan ako.»

«Nararamdaman mo ‘yan, siyanga ba? Ngunit hindi mo ba nararamdaman ang sinasabi at paninisi ng Ama at ng Kanyang Salita? Ikaw ay nakakahiya, Judas! Pinaghihirap mo ang iyong sarili at ang mga tao na nagmamahal sa iyo.»

Si Maria ay seryosong-seryoso at nalulungkot. Nagsasalita Siya nang walang kapaitan ngunit may labis na kabigatan. Si Judas ay umiiyak.

«Huwag umiyak. Ayusin mo ang iyong sarili. Halika» at kinuha Niya siya sa kamay at pumasok sa kusina.

Ang lahat ay nagtataka. Ngunit napigilan ni Maria ang anuman na posibleng di-magandang sasabihin. Sinabi Niya: «Si Judas ay bumalik. Kumilos katulad ng panganay pagkatapos ng sinabi ng ama. Juan, lumakad at sabihan si Jesus.»

Si Juan ni Zebedeo ay tumakbong umalis. Ang katahimikan ay mabigat na nakabitin sa kusina… Pagkatapos si Judas ay nagsabi: «Patawarin ninyo ako, lahat kayo, at ikaw, Simon, una sa lahat. Ang iyong puso ay maka-amang maka-ama. At ako ay isang ulila rin.»

«Oo, pinatatawad kita. Pakiusap, na huwag nang magsalita pa tungkol diyan. Tayo ay magkakapatid… at ayaw ko ang paulit-ulit na pagpapatawad at paggawa ng pagkakamaling ito. Napapahiya nito kapwa ang nagkakamali at ang nagpapatawad. Naririto si Jesus. Pumunta sa Kanya. Iyan lang.»

Si Judas ay umalis at si Pedro, na wala nang magawa pang iba, ay nagsimulang magbiyak ng kahoy nang may pagmamadali…

300111

 



Sunod na kabanata