207. Mula sa Bethany Hanggang sa Gruta ng Bethlehem.

Hulyo 3, 1945.

Ang pagsikat ng araw ay nagsisimula pa lamang na ngumiti nang si Jesus ay iniiwan ang Bethany at ibinaling ang Kanyang mga paghakbang pagawing Bethlehem kasama ang Kanyang Ina, si Maria ni Alfeo, si Maria Salome, sinusundan ng mga apostol at pinangungunahan ng bata, na nakatagpo ng dahilan upang malugod tungkol sa lahat na kanyang nakikita: ang mga paruparo na nagigising, maliliit na ibon na umaawit o tumutuka sa daan, mga bulaklak na nagniningning gawa ng diyamanteng mga hamog, isang kawan na natatanaw kung saan maraming naghuhunihang maliliit na kordero. Pagkatapos na matawid ang agos ng tubig, na bumubulang masaya sa mga bato, sa timog ng Bethany, ang grupo ay pumagawing Bethlehem, sa tabi ng daan na tumatakbo sa pagitan ng dalawang kabit-kabit na mga burol, ganap na natatakpan ng mga  berdeng puno ng olibo at mga ubasan, at ng ilang maliliit na mga bukid kung saan ang ginintuang mga tainga ng trigo ay halos nakahanda na para sa anihan. Ang lambak ay malamig at ang daan komportableng-komportable.

Si Simon ni Jonah ay pumunta sa harapan, narating niya ang grupo ni Jesus at nagtanong: «Ito ba ang daan patungong Bethlehem? Sinabi ni Juan na nang nakaraan iba ang inyong dinaanan.»

«Totoo iyan» tugon ni Jesus. «Ngunit iyon ay dahil nanggagaling kami sa Jerusalem. Ang isang ito ay mas maikli. Pagdating sa sepulkro ni Rachel, na ibig makita ng mga kababaihan, tayo ay maghihiwalay, ayon sa inyong ipinasya noong matagal na. Tayo ay magkikitang muli sa Bethzur, kung saan ibig ng Aking Ina na tumigil.»

«Oo, sinabi namin iyan… lalo na ng Inyong Ina… sapagkat, pagkatapos ng lahat, Siya ay ang Reyna ng Bethlehem at ng Gruta, at alam-na-alam Niya ang lahat… kung napakinggan namin ang kasaysayan mula sa Kanya… ito’y ibang-iba, iyan ang ibig kong sabihin…»

Si Jesus ay ngumingiti tinitingnan si Simon, na may kabaitan na binigkas ang kanyang mithiin.

«Aling gruta, ama?» tanong ni Marjiam.

«Ang Gruta kung saan si Jesus ay ipinanganak.»

«O! Maganda! Ako ay sasama rin!...»

«Magiging maganda nga!» sabi ni Maria ni Alfeo at ni Salome.

«Magiging maganda ito!... Ibig sabihin nito bumabalik sa panahon… nang ang mundo ay hindi pa Kayo kilala, totoo iyan, ngunit hindi pa Kayo kinapopootan… Ibig sabihin nito matatagpuan muli ang pagmamahal ng mga simpleng tao na bagkus nakapagmamahal at nakapaniniwala, na may kababaang-loob at pananampalataya… At maitatabi Ko ang bigat na ito ng kapaitan na matagal nang mabigat na nasa Aking puso mula pa nang malaman Ko na Ikaw ay kinapopootan nang labis, at ilalatag Ko ito sa Iyong sabsaban… Ang kabaitan ng Iyong mga mata, ng Iyong hininga, ng Iyong ngiting bata ay maaaring naroroon pa rin… at hahaplusin ng mga ito ang Aking puso… Ito ay namimighating-namimighati!...» Si Maria ay nagsasalita nang dahan-dahan, sa mababang tinig nagsasaad ng mithiin at kalungkutan.

«Kung gayon, tayo ay pupunta roon, Inay. Pamumunuan Ninyo kami. Kayo ang Tagapagturo sa araw na ito at Ako ang Munting Bata Na natututo.»

«O! Anak! Hindi! Ikaw lagi ang Guro…»

«Hindi, Inay. Si Simon ni Jonah ay tamang-tama. Sa lupain ng Bethlehem Kayo ang Reyna. Iyon ay ang Inyong unang kastilyo. Maria, ng sambahayan ni David, dalhin ang maliit na grupong ito sa Inyong luklukan.»

Ang Iskariote ay nasa punto na ng pagsasalita, ngunit siya ay nanatiling tahimik. Si Jesus, Na nakapuna at nakaintindi, ay nagsabi: «Kung mayroon man na ayaw sumama, sapagkat siya ay pagod o kung para sa iba pang dahilan, ay malayang makauna na sa Bethzur.» Ngunit walang sinuman ang tumugon.

Sila ay nagpatuloy nang pakanluran, sa tabi ng malamig na lambak. Pagkatapos ang daan ay lumikong kaunti patungo sa hilaga sa tabi ng nakausling burol at kung gayon narating nila ang daan na magdadala sa isa mula sa Herusalem patungong Bethlehem, malapit sa isang maliit na korteng kahon na gusali na may naka-amkob na maliit na simboryo, na siyang ang libingan ni Rachel. Lahat sila ay lumapit dito at nagdasal nang marubdob.

«Si Jose at Ako ay tumigil dito… Ang lahat ay eksaktong katulad pa rin noon. Ang panahon lamang ang tanging iba. Noon ay isang malamig na araw ng buwan ng Chislev. Umulan noon at ang daan ay maputik, pagkatapos ang hangin na kasing lamig ng yelo ay nagsimulang umihip at baka nang gabi na ay nagkaroon ng nagyelong hamog. Ang mga daan ay nanigas, ngunit naguhitan ng mga gulong ng mga kariton at nagsisiksikan sa mga tao, ito ay katulad ng karagatan na nagsisiksikan sa mga bangka at ang Aking maliit na asno ay nahirapan sa pagpapatuloy…»

«At Kayo ay hindi ba nahirapan, Inay?»

«O! Nasa Akin Ka!...» at Kanya Siyang tinitingnan na may magiliw na masayang ngiti. Pagkatapos Siya ay nagpatuloy sa pagsasalita: «Dumidilim na at si Jose ay alalang-alala… ang nangangagat na ihip ng hangin ay palakas na nang palakas… Ang mga tao ay nagmamadali patungo sa Bethlehem, nagtutulakan at marami ang nang-aabuso sa Aking maliit na asno sapagkat iyon ay naglalakad nang napakabagal sa paghahanap ng tamang lugar para matingnan ang mga sapatos nito… Tila nalalaman nito na Ikaw ay naroroon… at na Ikaw ay natutulog sa huling pagkakataon sa loob ng Aking sinapupunan. Malamig noon… Ngunit Ako ay hindi giniginaw. Nararamdaman Ko na Ikaw ay parating… Parating? Masasabi Mo: “Inay, naroroon Ako nang siyam na buwan”. Oo. Ngunit ngayon Ikaw ay tila parating mula sa Langit. Ang Langit ay niyuyukuan Ako at nakikita Ko ang kaningningan nito… Nakikita Ko ang Diyos na umaapoy sa lugod sa Iyong parating na kapanganakan at ang mga apoy  na ito ay nilalagos Ako, sinusunog Ako, inaalis Ako mula sa lahat… Ang lamig… ang hangin… ang mga pulutong… ang lahat na iyon… ay wala! Nakita Ko ang Diyos…  Paminsan-minsan, sa pagsisikap, nananagumpay Akong maibalik ang Aking espiritu sa lupa at ngingiti Ako kay Jose, na natatakot na baka Ako giniginaw at napapagod, at kanyang ginagabayan ang asno na kung hindi’y baka ito matapilok at binalot niya Ako sa blanket dahil baka Ako sipunin… Ngunit walang maaaring mangyari sa Akin. Wala Akong nararamdamang pag-úgà. Ako ay tila dumaraan sa isang mabituing daan, sa gitna ng niyebeng kaputiang mga ulap, suportado ng mga anghel… At Ako ay ngingiti… Una sa iyo… Titingnan Kita, sa pamamagitan ng nakaharang na laman, habang Ikaw ay natutulog, na ang Iyong maliliit na kamao nakasarado, sa Iyong kuna ng buháy na mga rosas, Aking bukong-liryo… Pagkatapos ngingiti Ako sa Aking esposo, na problemadung-problemado, upang mapasaya siya… Pagkatapos sa mga tao na mga hindi nag-aalam na nalalanghap na nila ang hanging ng Tagapagligtas…

Tumigil kami malapit sa libingan ni Rachel upang mapahingahan ang asno nang sandali at makakain kami ng kaunting tinapay at kaunting olibo, ang baon ng mahihirap na tao. Ako ay hindi gutom. Hindi Ako maaaring magutom…  Ako ay napapakain ng Aking lugod… Bumalik ulit kami sa daan… Halikayo. Ipakikita Ko sa inyo kung saan namin nasalubong ang pastol… Huwag mag-alala, hindi Ako maaaring magkamali. Nabubuhay na ulit Ako sa oras na iyon at makikita Ko ang bawat lugar sapagkat nakikita Ko ang lahat sa pamamagitan ng isang maningning na anghelikal na liwanag. Baka ang anghelikal na grupo ay naririto na muli, hindi makita ng ating mga katawan, ngunit makikita ng ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng kaningningan ng mga ito, at ang lahat ay ibinubunyag at malinaw. Hindi sila maaaring magkamali, at pinasusunod nila Ako… para sa Aking lugod at sa inyo. Narito: si Elias ay nagmula sa bukid na iyon patungo sa isang ito kasama ang kanyang tupa, at si Jose ay humingi sa kanya ng kaunting gatas para sa Akin. At kami ay tumigil sa banda roon, sa bukid na iyon, habang kinukuha niya ang mainit na makapagpapalakas na gatas at binibigyan ng ilang payo si Jose.

Halikayo, halikayo… Naririto ang daan patungo sa huling maliit na lambak bago ang Bethlehem. Kinuha namin ito sapagkat ang pangunahing daan ay isang kalituhan ng mga tao at mga kabayo, malapit sa bayan… Naririyan ang Bethlehem! O! Mahal na lupain ng Aking mga ama, ibinigay ninyo sa Akin ang unang halik ng Aking Anak! Ibinukas ninyo ang inyong pintuan, na kasing sarap at bango katulad ng tinapay na ang pangalan¹ ay taglay ninyo upang magbigay ng Totoong Tinapay sa mundo na namamatay sa pagkagutom! Katulad ng isang ina, kung kanino naririyan pa rin ang makainang pagmamahal ni Rachel niyakap ninyo Ako, o banal na lupain ng Bethlehem ni David, unang templo ng Tagapagligtas, ng Tala sa umaga na ipinanganak ni Jacob upang ipakita sa sangkatauhan ang daan patungo sa Langit!! Tingnan ninyo kung gaano siya kaganda ngayon sa tagsibol! Ngunit maganda rin siya noon, bagama't ang mga bukid at mga ubasan ay walang mga bunga’t dahon! Ang manipis na namuong hamog ay kumikislap sa mga hubad na mga sanga, na nagmumukhang tila tinakpan ng mga diyamanteng alikabok, nababalot ng isang makalangit na di-madadamang belo. Ang mga tsiminea ng bawat bahay ay umuusok habang inihahanda ang hapunan at ang usok, tumataas mula sa isang terasa patungo sa isa pa hanggang sa gilid ng burol na ito, ay nagagawa ang bayan na magmukhang may belo din… Ang lahat ay basal, magiliw, naghihintay… Para sa iyo, Anak! Ang lupa ay nadama ang Iyong pagdating… At nadama Ka rin sana ng sambayanan ng Bethlehem, sapagkat sila ay hindi masama, kahit na kung hindi kayo maniwala. Hindi nila kami mabigyan ng matutuluyan… Ang mabuting matatapat na mga bahay sa Bethlehem ay nagsisiksikan sa manhid na mapagmataas na mga tao, na laging mga arogante, arogante pa rin hanggang ngayon, at hindi nila Ikaw madama… Ilang mga Pariseo, Saduseo, Herodian, mga eskriba, Essene ang naroroon! O! Ang kanilang pagiging mapurol sa kasalukuyan ay ang resulta ng kanilang pagiging may matigas na puso noon. Isinara nila ang kanilang mga puso sa pagmamahal para sa kanilang abang kapatid na babae nang gabing iyon… at sila ay nanatili sa kadiliman at nasa kadiliman pa rin. Tinanggihan nila noon ang Diyos, sa kanilang pagtanggi sa pagmamahal para sa kanilang kapwa.

Halikayo. Pumunta tayo sa Gruta. Walang silbi ang pasukin ang bayan. Ang pinakamabuting mga kaibigan ng Aking Anak ay wala na roon. Ang mapagkaibigang Kalikasan ay sapat-na-sapat na upang makagawa ng apoy, sa pamamagitan ng mga bato nito, ng ihip ng hangin nito, ng mga kahoy nito. Ang Kalikasan ay nadama ang pagdating ng Panginoon nito… Ayon… halikayo nang walang pag-alinlangan… Iikot tayo rito… Ayón, sa banda roon ay ang labí  ng Tore ni David. O! Mas mabuti na ito para sa Akin kaysa sa isang makaharing palasyo! Pinagpalang mga labí ! Pinagpalang agos ng tubig! Pinagpalang punungkahoy sapagkat, na tila sa pamamagitan ng himala, pinahintulutan mo ang hangin na makapaglaglag ng napakaraming mga sanga upang makakuha kami ng panggatong at makapagpadikit ng apoy!»

Si Maria ay bumaba kaagad patungo sa Gruta, tinawid Niya ang maliit na agos ng tubig sa pamamagitan ng isang tabla na tumatayong isang tulay, tumakbo Siya sa bukas na lugar sa harapan ng mga labí  sa pamasukan ng Gruta, Siya ay lumuluhod at hinahalikan ang lupa. At iba ay sinusundan Siya. Sila ay naantig ang damdamin… Ang bata, na hindi kailanman iniwan Siya ni isang sandali, ay tila nakikinig sa isang magandang kuwento at ang kanyang maliliit na maiitim na mata ay umiinom sa mga salita at mga kilos ni Maria na walang pinalalampas kahit isa sa mga ito.

Si Maria ay tumayo at pumasok nagsasabing: “Ang lahat ay gayon pa rin katulad noon!... Ngunit noon ay gabi… Si Jose ay nagsindi ng lampara nang Ako ay pumasok. Tanging noon lamang, bumababa sa asno nalaman Ko kung gaano Ako kapagod at kalamig… Ang isang toro ay binati kami, at nilapitan Ko ito, upang maramdaman ang init nito at sumandal sa mga dayami… Si Jose ay inilatag ang mga dayami rito, sa kinatatayuan Ko ngayon, upang makagawa ng isang kama para sa Akin, at kanyang pinatuyo ang mga dayami para sa Akin at para sa iyo, Anak, sa apoy na kanyang pinagdikit sa sulok na iyon… sapagkat kasing buti niya ang isang ama sa kanyang pagmamahal ng isang anghelikal na esposo… At magkahawak ang aming mga kamay, katulad ng magkapatid na nawala sa dilim ng gabi, kinain namin ang aming tinapay at keso, pagkatapos pumunta siya sa banda roon upang magpadikit ng apoy at kinuha niya ang kanyang manta upang masaraduhan ang pamasukan… Sa katunayan naglagay siya ng belo sa harapan ng kaluwalhatian ng Diyos na bumababa mula sa Langit. Ikaw, Aking Jesus… at Ako ay humiga sa dayami, sa init ng dalawang hayop, nakabalot sa Aking manta at natatakpan ng isang delanang blanket… Aking mahal na esposo!... Sa oras na iyon ng pag-aalala nang Ako ay lubos na nag-iisa sa harapan ng misteryo ng Aking unang maternidad, isang oras na puno ng kawalang-katiyakan para sa bawat babae, at sa kaso Ko, sa Aking tanging maternidad, puno iyon ng misteryo tungkol sa magiging kung ano ito na makita ang Anak ng Diyos na lumabas mula sa mortal na laman, siya, si Jose, ay katulad ng isang ina, isang anghel sa Akin… siya ang Aking kaginhawahan noon at lagi pagkatapos noon… Pagkatapos ang katahimikan at ang tulog ay binalot ang makatarungang lalaki… upang hindi sana niya makita ang kung ano para sa Akin ay ang pang-araw-araw na halik ng Diyos…

At ang tungkol sa Akin, pagkatapos ng sandali ng pantaong mga pangangailangan, dumating ang di-masusukat na mga alon ng lubos na kasiyahan mula sa isang makalangit na dagat at itinaas Ako ng mga ito nang pataas pa nang pataas sa ibabaw ng kanilang maningning na mga taluktok dinadala Akong pataas kasama sila patungo sa karagatan ng liwanag, ng lugod, ng kapayapaan, ng pagmamahal, hanggang sa Ako ay mawala sa dagat ng Diyos, ng sinapupunan ng Diyos… Ang isang tinig mula sa lupa ay bumulong: “Natutulog Ka ba, Maria?”. O! Napakalayo nito!... Isang alingawngaw, isang alaala tungkol sa lupa!... At napakahina nito upang ang Aking kaluluwa ay hindi nagambala, at hindi Ko alam kung papaano Ako tumugon, habang Ako ay tumataas, tumaas pa Ako nang mas mataas patungo sa kalaliman ng apoy, ng kawalang-hangganang beatitude, ng abanteng kaalaman tungkol sa Diyos… pataas sa Kanya… O! Ipinanganak ba Kita nang gabing iyon, o Ako ay ipinanganak ng sang-tatlo na kaliwanagan? Binigyan ba Kita o nasipsip Mo Ako upang maipanganak Ako? Hindi Ko alam… At pagkatapos ang pagbaba, mula sa koro patungo sa isa pa, mula sa isang bituin hanggang sa susunod, mula sa isang ulap patungo sa isa pa, isang matamis, dahan-dahan, masaya, mapanatag na pagbaba, katulad ng isang bulaklak na dinadala ng isang agila sa kalawakan at pagkatapos inihulog, bumababang dahan-dahan, sa mga pakpak ng hangin, ginawa pang mas maganda sa pamamagitan ng isang patak ng ulan, ng isang piraso ng bahagharing ninakaw mula sa kalawakan… bumababa sa pinanggalingang lupa… Aking diyadema: Ikaw! Ikaw sa ibabaw ng Aking puso…

Nakaupo rito, pagkatapos na sambahin Ka nang nakaluhod, minahal Kita. Sa wakas mamamahal Kita na walang harang ng laman, at Ako ay lumakad mula rito upang dalhin Ka sa pagmamahal niya, na, katulad Ko, ay karapat-dapat na maging ang isa sa una na magmamahal sa iyo. At dito, sa pagitan ng dalawang pangkabukirang mga haligi, inialay Kita sa Ama. At dito Ikaw ay namahinga sa unang pagkakataon sa dibdib ni Jose… Pagkatapos nilampinan Kita at magkasama kami inihiga Ka namin dito… At inuugoy Kita habang si Jose ay nagpapatuyo ng mga dayami sa apoy at nang ang mga dayami ay mainit na inilagay namin iyon sa Iyong dibdib at pagkatapos kapwang sinamba Ka namin, niyuyukuan Ka, katulad ng Aking ginagawa ngayon, upang langhapin ang Iyong hininga, pinagninilayan ang pagkápahiya na pinagkapadalhan ng pagmamahal at lumuluha ng mga luha na tiyak na iniluluha rin sa Langit para sa di-maubos na lugod sa pagkakakita sa Diyos.»

Si Maria, na pauli-uli habang binabalikan ang nakaraan, itinuturo ang mga lugar, humihinga nang malalim nang may pagmamahal, may maningning na mga luha sa Kanyang asul na mga mata at ngiti ng lugod sa Kanyang mga labì, ay niyukuan ang Kanyang Jesus, Na naupo sa isang malaking bato pinakikinggan ang Kanyang pagsasariwa ng mga nakaraan, at hinalikan ang ulo ni Jesus, lumuluha, sumasamba katulad ng Kanyang ginawa noon…

«At pagkatapos ang mga pastol… sila ay naririto, sumasamba kasama ang kanilang mabuting mga kaluluwa at ang malalim na buntung-hininga ng lupa na pumasok kasabay nila, kasama ang amoy ng pagiging tao, ng mga kawan at mga dayami; at sa labas ay naroroon ang mga anghel, kahit saan, na sumamba sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal, at sa pamamagitan ng pagmamahal ng Langit, kasama ang hangin ng Langit na pumasok kasabay nila, sa lahat ng kanilang kaningningan… ang Iyong kapanganakan, Pinagpalang Anak!...»

Si Maria ay lumuhod sa tabi ng Kanyang Anak at lumuluha nang marubdob na ang Kanyang ulo nasa mga tuhod ni Jesus. Walang sinuman ang naglakas-loob na magsalita sa loob ng ilang mga sandali. Mga naaantig ang damdamin kahit na papaano lahat sila ay tumitingin sa kapaligiran umaasa na makita ang tanawin na naiguhit sa mga sapot at magagaspang na bato…

Si Maria ay inayos ang sarili at nagsalita: «Ngayon, nasabi Ko sa inyo ang simpling-simple at dakilang-dakilang kapanganakan ng Aking Anak. Sa pamamagitan ng Aking puso ng isang babae, hindi ng karunungan ng isang dalubhasa. Wala nang iba pa, sapagkat iyon ang pinakadakila na mayroon sa lupa, natatago sa ilalim ng napaka-ordinaryong mga hitsura.»

«Ngunit nang araw pagkatapos? At sa mga sumunod na araw pa?» marami ang nagtatanong, kasama rito ang dalawang Maria.

«Nang sumunod na araw? O! Simpling-simple! Ako ang isang ina na nag-aalaga sa kanyang sanggol, hinuhugasan siya at nilalampinan siya, katulad ng ginagawa ng bawat ina. Nagpapainit Ako ng tubig na galing sa agos sa apoy sa labas doon, upang ang usok ay hindi makapanakit sa Kanyang maliliit na asul na mga mata, at sa pinaka-natatakpang sulok  hinuhugasan Ko ang Aking Anak sa loob ng isang lumang malaking palanggana at binabalot Ko Siya ng bagong mga lampin. Nilalabhan Ko ang Kanyang mga lampin sa agos at binibilad Ko ito sa araw…  at pagkatapos – at ito ay ang Aking pinakamalaking lugod – pinasususo Ko Siya at Siya ay sususo at nagiging mas malarosas at mas masaya… Nang unang araw, sa pinakamainit na oras, Ako ay naupo sa labas doon upang makita Siya nang mabuti. Ang liwanag ay kumukurap dito sa loob, hindi ito nakakapasok nang diretso at ang lampara at ang sinag ng apoy ay nagagawa ang mga bagay na magmukhang kakaiba. Lumabas Ako roon, sa ilalim ng araw… at tiningnan Ko ang Nagkatawang-Tao Na Salita. At Ako ay naging isang babae at isang nagsasamba… Pagkatapos ang bahay ni Anna… ang mga araw malapit sa Iyong kuna, ang Iyong unang mga hakbang, ang Iyong unang salita… Ngunit iyan ay nangyari pagkaraan, pagdating ng araw… At wala, walang katulad ang oras ng Iyong kapanganakan… Tanging kapag Ako ay bumalik na sa Diyos matatagpuan Ko ulit ang kapunuan na iyon…» 

«Ngunit… bakit umalis sa huling sandali! Gaano Ka naman ka-pabaya! Bakit hindi kayo naghintay? Ang dekreto ay nagbigay daan estensiyon para sa espesyal na mga kaso katulad ng panganganak o mga sakit. Iyan ang sinabi ni Alfeo…» sabi ni Maria ni Alfeo.

«Naghintay? O! hindi! Nang gabing iyon, nang dinala ni Jose ang balita, Ako at Ikaw, Anak, ay napatalon sa tuwa. Iyon ang tawag… sapagkat Ikaw ay kailangan na maipanganak dito, at hindi sa kung saan pang lugar, ayon sa hinulaan ng mga Propeta, at ang biglaan na dekretong iyon ay tila ibig ng mahabaging Langit na mabura kahit na ang ala-ala ng pagsuspetsa ni Jose. Iyon ang Aking hinihintay, para sa iyo, para sa kanya, para sa daigdig ng mga Hudyo at para sa hinaharap na mundo, magpasawalanghanggan. Kami ay nagpasya. At kumilos kami ayon diyan. Maghintay! Maaantala ba ng nobya ang pinapangarap na kasalan? Bakit maghintay?»

«Bueno… kahit na ano ay maaaring nangyari…» sabi muli ni Maria ni Alfeo.

«Wala Akong kinatatakutang anuman. Nakasandal Ako sa Diyos.»

«Ngunit nalaman Mo ba na ang lahat ay mangyayari nang gayon?»

«Walang nagsabi sa Akin. At hindi Ko kailanman inisip ang tungkol diyan, at upang mapasigla si Jose, hinayaan Ko siya at ikaw na magduda na may panahon pa para sa panganganak. Ngunit alam Ko, totoong alam Ko na ang Liwanag ng Mundo ay kailangan na maipanganak sa loob ng kapistahan ng Dedikasyon.»

«At kayo, inay, bakit hindi kayo sumama kay Maria? At bakit ang itay hindi nag-isip ng tungkol diyan? Gayunpaman kayong dalawa ay papunta rin dito! Hindi ba tayo pumunta lahat?» tanong nang mahigpit ni Judas Tadeo.

«Ang iyong itay ay nagpasyang pumunta pagkatapos ng Dedikasyon at sinabi niya iyan sa kanyang kapatid. Ngunit si Jose ay ayaw na maghintay.»

«Ngunit kayo man lamang…» paggiit ni Tadeo.

«Huwag mo siyang sisihin, Judas. Napagkasunduan namin na tama lang na lagyan ng belo ang misteryo ng kapanganakang ito.»

«Nalaman ba ni Jose na iyon ay mangyayari kasama ang mga tanda na iyon? Kung hindi Ninyo nalaman, papaano niya iyon malalaman?»

«Wala kaming nalalaman, bukod sa Siya ay ipanganganak.»

«Kung gayon?»

«Kung gayon ang Karunungan ay ginabayan kami, katulad na tama lamang na gabayan kami Nito. Ang kapanganakan ni Jesus at ang Kanyang presensya sa mundo ay kailangan na lumabas na wala ng pambihirang mga katangian, na maaaring makapanggising kay Satanas… At nalalaman mo na ang kasalukuyang mapait na kapootan ng Bethlehem ay ang resulta ng unang pagpapakita ng Kristo. Ginamit ng maladimonyong kapootan ang pagpapakitang ito upang dumanak ang dugo, at dahil dito mapalala ang kapootan. Kontento ka na ba, Simon ni Jonah, na hindi makapagsalita at halos hindi makahinga?»

«Oo, labis… upang ako ay tila nasa labas ng mundong ito, sa isang mas banal na lugar kaysa sa kung ako ay nasa kabila ng Velarium ng Templo… Labis… na ngayon na nakita ko na Kayo sa lugar na ito at sa liwanag ng gabing iyon, natatakot ako na ako ay iginalang Kayo, na tila Kayo ay isang dakilang babae, subalit isang makatarungang babae lamang. Ngayon… ngayon hindi na ako makapangangahas na tawagin Kayo: “Maria”, katulad ng ginagawa ko. Mula ngayon Kayo ay ang Ina ng Aking Guro. Ngayon nakita ko Kayo sa tuktok ng makalangit na mga alon na iyon, nakita ko Kayo bilang isang Reyna. At ako, isang kaawa-awang kapus-palad, ipinagpapatirapa ang sarili, sapagkat ako ay isang alipin» at ipinatirapa ang kanyang sarili sa lupa hinahalikan ang mga paa ni Maria.

Si Jesus ay nagsalita ngayon: «Simon, tumayo ka. Halika rito, malapit sa Akin.» Si Pedro ay pumunta sa kaliwang tabi ni Jesus sapagkat si Maria ay nasa Kanyang kanan. «Ano tayo ngayon?» tanong ni Jesus.

«Tayo? Bueno, tayo ay si Jesus, si Maria at si Simon.»

«Mabuti. Ngunit ilan tayo?»

«Tatlo, Guro.»

«Kung gayon tayo ay isang trinidad. Isang araw, sa Langit, ang Dibinong Trinidad ay nagkaroon ng isang naisip: “Panahon na ngayon na ang Salita ay pumunta sa mundo”. At sa isang pintig ng pagmamahal ang Salita ay napunta sa lupa”. Siya kung gayon ay humiwalay sa Ama at sa Banal na Espiritu. Siya ay pumunta upang magtrabaho sa lupa. Ang Dalawa Na nanatili sa Langit ay pinagninilay-nilayan ang mga gawa ng Salita, nananatiling mas nagkakaisa kailanpaman upang pagsamahin ang Isip at Pagmamahal upang matulungan ang Salita na nagtatrabaho sa lupa. Ang araw ay darating kung kailangan ang isang utos ay palalabasin mula sa Langit: “Panahon na para sa iyo na bumalik sapagkat ang lahat ay nagawa na”, at pagkatapos ang Salita ay babalik sa Langit, nang ganito… (si Jesus ay umatras iniiwan si Maria at si Pedro sa kanilang kinatatayuan) at mula sa mga kataasan ng Langit pagninilay-nilayan Niya ang mga gawa ng dalawang naiwan sa lupa, na mga, sa pamamagitan ng banal na inspirasyon, ay magsasama nang higit pa kailanpaman, upang pagsamahin ang kapangyarihan at pagmamahal upang makuha nito ang pamamaraan na mapangyari ang minimithi ng Salita: “Ang katubusan ng mundo sa pamamagitan ng walang-kamatayan na pagtuturo ng Kanyang Simbahan”. At ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu ay gagawa ng isang dugtong sa pamamagitan ng Kanilang mga sinag upang maipagdugtong nang mas mahigit pa ang dalawang naiwan sa lupa: ang Aking Ina, ang pagmamahal; ikaw, ang kapangyarihan. Tiyak na tatratuhin mo si Maria bilang isang reyna, ngunit hindi na tila ikaw ay isang alipin. Hindi ba sa palagay mo?»

«Iniisip ko ang lahat na ibig Ninyo. Ako ay napangingibabawan! Ako… ang kapangyarihan? O! Kung ako ay kailangan na maging ang kapangyarihan ako ay tiyak na kailangan na sumandal sa Kanya! O! Ina ng aking Panginoon, huwag Ninyo ako kailanman na pabayaan, huwag-na-huwag kailanman…»

«Huwag kang matakot. Lagi Kitang hahawakan sa kamay, katulad sa lagi Kong ginagawa sa Aking Sanggol hanggang sa Siya ay makalakad sa pamamagitan ng Kanyang Sarili.»

«At pagkatapos niyan?»

«At pagkatapos susupurtahan Kita sa pamamagitan ng Aking mga dasal. Magsaya ka, Simon. Huwag mong kailanman pagdudahan ang kapangyarihan ng Diyos. Hindi Ko ito pinagdudahan, ni hindi ni Jose. Huwag mo rin itong pagdudahan. Ang Diyos ay ibinibigay Niya ang Kanyang tulong sa atin oras-oras, kong tayo ay mananatiling mababa ang kalooban at tayo ay matapat… Lumabas ka rito, ngayon, malapit sa agos ng tubig, sa ilalim ng lilim ng mabuting punungkahoy na ito, na, kung tayo ay nasa katagalan na ng tag-init, mabibigyan ka nito ng mga mansanas bukod sa lilim; halika. Tayo ay kakain bago lumakad… Saan, Anak?»

«Patungong Jala. Malapit na ito. At Bukas tayo ay pupunta sa Bethzur.»

Naupo sila sa lilim ng puno ng mansanas at si Maria ay sumandal sa matibay na katawan nito.

Si Bartolomeo ay pinagmamasdan niya Siya, napakabata at makalangit pa rin naaantig ng ala-ala na Kanyang ginawa, habang tinatanggap Niya mula sa Kanyang Anak ang pagkain na benendisyunan ng Anak at si Maria ay ngumingiti kay Jesus na may nagmamahal na mga mata, at si Bartolomeo ay bumulong: «“Sa loob ng Kanyang lilim Ako ay nakaupo at ang Kanyang pagkain ay masarap sa Aking panlasa”.»

Si Judas Tadeo ay tumugon sa kanya: «Totoo iyan. Siya ay may sakit gawa ng pagmamahal. Ngunit hindi natin masasabi na Siya ay namulat ang mga mata sa ilalim ng isang puno ng mansanas.»

«Bakit hindi, aking kapatid? Ano ba ang nalalaman natin tungkol sa mga lihim ng Hari?» tugon ni Santiago ni Alfeo.

At si Jesus ngumingiti ay nagsabi: «Ang bagong Eba ay ipinaglihi ng Isip sa paanan ng mala-paraisong puno ng mansanas upang mapalayas ang ahas at mapawalang-bisa ang lason ng prutas sa pamamagitan ng Kanyang ngiti at ng Kanyang mga luha. Siya ay naging ang punungkahoy ng nakapanunubos na prutas. Halikayo, Aking mga kaibigan, at kumain nito. Sapagkat ang mapakain ng katamisan nito ay ang mapakain ng pulot ng Diyos.»

«Guro, pakiusap na pagbigyan Ninyo ang matagal nang mithiin ko para sa ilang mga kalinawan. Ang awit bang ating binabanggit ay Siya ang nakikita?» tanong ni Bartolomeo sa mababang tinig habang si Maria ay inaasikaso ang bata at nakikipagusap sa mga kababaihan.

«Ang Aklat ay nagsasalita tungkol sa Kanya mula sa simula at ang hinaharap na mga aklat ay magsasalita tungkol sa Kanya hanggang sa ang salita ng tao ay magbago sa pagiging ang  walang katapusang hosana ng eternal na Siyudad ng Diyos» at binalingan ni Jesus ang mga kababaihan.

«Nakikita ninyo na ang Guro ay bumababa mula kay David! Anong karunungan, anong tulaan!» sabi ng Zealot nagsasalita sa kanyang mga kasama.

«Makinig» paghalò sa usapan ni Judas Iskariote na nasa masamang timpla pa rin ng nakaraang araw at nagsasalita nang napakakaunti, bagama't sinisikap niyang makuha ang kalayaan na mayroon siya dati, «makinig, ibig kong maintindihan kung bakit kinailangan na mangyari ang Pagkakatawang-tao.  Tanging ang Diyos lamang ang makapagsasalita sa pamamaraan na matatalo si Satanas. Tanging ang Diyos lamang ang maaaring magkaroon ng kapangyarihan na makapanubos. At hindi ko iyan pinagdududahan. Ngunit sa palagay ko ang Salita ay naibaba ang Kanyang Sarili nang mas mababa pa kaysa sa Kanyang ginawa sa panganganak sa Kanya bilang katulad ng bawat iba pang tao, pinahihintulutan ang Sarili sa mga paghihirap ng pagiging isang bata at ng tungkol sa iba pang mga bagay. Hindi ba Siya maaaring lumitaw sa porma ng isang tao, na adulto na, sa hitsura ng isang adulto? At kung talagang ibig Niya ng isang ina, hindi ba maaaring pumili ng isa, isang ampon na ina, katulad ng Kanyang ginawa para sa isang ama? Sa palagay ko tinanong ko Siya nang minsan, ngunit hindi Siya tumugon nang mahaba, o baka hindi ko maalaala.»

«Tanungin mo Siya! Habang tayo ay nasa paksa pang ito…» sabi ni Tomas.

«Hindi ko Siya tatanungin. Nabalisa ko Siya at sa pakiramdam ko hindi pa ako napatatawad. Tanungin mo Siya para sa akin.»

«Anong sinabi mo? Tinatanggap namin ang lahat nang walang ano pa man na mga paglilinaw at  umaasa ka na magtatanong kami ng mga katanungan? Hindi iyan tama!» balik-sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Ano ang hindi tama?» tanong ni Jesus.

Nagkaroon ng katahimikan, pagkatapos ang Zealot ay nagsalita sa katauhan ng lahat inuulit ang mga pagtatanong ng Iskariote at ang mga tugon ng iba.

«Hindi Ako nagtatanim ng sama ng loob. Iyan ang unang-una. Tumutugon Ako kung ito ay kailangang gawin, Ako ay naghihirap at nagpapatawad. Iyan ay ganyan sa tao na natatakot, na resulta pa rin ng kanyang pagkabalisa. Ang tungkol sa Aking tunay na Pagkakatawang-tao sasabihin Ko: “Makatarungan na iyan ay nangyari”. Sa darating na mga araw maraming tao ang magkakamali tungkol sa Aking pagkakatawang-tao, ipagpapalagay sa Akin ang maling mga porma na ibig ni Judas na sana ginawa Ko. Isang porma ng isang tao na ang panlabas ay solidong katawan, ngunit sa katotohanan nakakakilos katulad ng isang kidlat, upang sa ganito Ako ay nagiging isang laman at hindi isang laman. At ang pagiging ina ni Maria ay magiging tunay at hindi tunay na pagiging-ina. Ako ay tunay na laman at si Maria ay tunay na Ina ng Salita Na Nagkatawang-tao. Kung ang oras ng Aking kapanganakan ay walang iba bagkus isang lubos na kasiyahan, iyan ay sapagkat Siya ay ang bagong Eba na walang pabigat ng pagkakasala at walang manang kaparusahan. Ngunit hindi Ko pinabába ang Aking Sarili sa pananatili sa loob Niya. Ang manna kaya na inilagay sa loob ng Tabernakulo ay ipinahiya? Hindi, sa kabaligtaran ito ay naparangalan sa pagiging nasa loob ng luklukang iyon. Ang iba ay sasabihin na Ako, sa dahilan na Ako ay hindi tunay na laman, ay hindi naghirap at hindi namatay sa loob ng Aking pananatili sa lupa. Siyempre, sa dahilan na hindi nila mapasisinungalingan na Ako ay napunta rito, pasisinungalingan nila ang Aking tunay na Pagkakatawang-tao o ang Aking tunay na Dibinidad. Hindi, Ako ay tunay na Kaisa ng Ama magpasawalanghanggan, at Ako ay kaisa sa Diyos bilang Laman, sapagkat sa katotohanan posibleng marating ng Pagmamahal kung ano ang tila hindi mararating dahil sa Kanyang Perpeksiyon, sa pagiging Laman upang makapagligtas sa laman. Ang tugon para sa lahat na mga pagkakamaling ito ay ibinibigay ng Aking buong pamumuhay, na nagdanak ng dugo mula sa kapanganakan hanggang sa kamatayan at nagpailalim sa lahat na pangkaraniwan sa tao, maliban sa kasalanan.  Oo, Ako ay ipinanganak Niya. Para sa kapakanan mo. Hindi mo nalalaman kung gaano ang nabawas sa Hustisya mula nang ang Babae ay naging ang kasabwat Nito. Nabigyan ba Kita ng sapat na kasagutan, Judas?»

«Oo, Guro.»

«Ganyan din ang gawin mo sa Akin.»

Ang Iskariote ay iniyuko ang ulo, napapahiya at baka tunay na naantig gawa ng labis na kabaitan.

Ang iba ay napatagal ang pananatili sa ilalim ng malamig na lilim ng puno ng mansanas. Ang iba ay nakatulog, ang iba naidlip. Ngunit si Maria ay tumayo at bumabalik sa loob ng Gruta at si Jesus ay sinusundan Siya…

 100211

 

¹ "ng Bethlehem" ayon sa pangkaraniwang interpretasyon ay nangangahulugang: «bahay ng tinapay».  



Sunod na kabanata