21. Pagdating sa Bahay ni Zachariah.

Abril 1, 1944.

¹Ako ngayon ay nasa bulubundukin nang lugar. Ito ay hindi mga bundok, ni ito ay mga burol lamang. May mga tagaytay at maliliit na ilog katulad ng makikita natin sa aming Apennines sa Tuscany at Umbria. Ang tubô ng mga tanim ay makapal at maganda at dito ay sagana sa sariwang tubig, na nagpapanatiling berde sa mga pastulan at ang mga lootan ay mabubunga: ang mga puno ng mansanas at olibo ang sa karamihang itinatanim sa mga lootan at ang mga baging ng ubas naman sa kalapit na mga bahay. Maaaring ngayon ay tagsibol sapagkat ang mga ubas ay medyo malalaki, kasing laki ng mga vetch grains¹ at ang mga bulaklak ng mansanas ay lumalabas na nagmumukhang napakaraming berdeng perdigones; sa tuktok ng punong olibo makikita ang mga bagong bunga na nasa embriyon na antas pa lamang, subalit maayos na ang porma. Ang mga parang ay tunay na malalambot na iba’t ibang kulay na mga alpombra. Ang mga tupa ay nanginginain o di kaya’y nagpapahinga rito at sila ay nagmumukhang mga mapuputing tuldok sa sariwang damuhan.

²Si Maria nakasakay sa Kanyang asno ay paakyat sa medyo maayos na namementenang daan, maaaring ito ay ang pangunahing daan. Siya ay paakyat sapagkat ang nayon ay nasa itaas pa, at ito ay tila malinis. Ang aking taga-ulat sa loob ko ay nagsabi sa akin: «Ang lugar na ito ay Hebron.» Nagsalita kayo² sa akin tungkol sa Montana. Hindi ko ito maiwasan. Ito ay tinukoy sa akin sa pangalang ito. Hindi ko alam kung ang Hebron ay ang buong lugar o ang nayon lamang. Iyan ang aking narinig at iyan ang aking sinasabi.

Si Maria ay papasok na sa nayon. Gabi na. May ilang mga babae sa pintuan ng kanilang mga bahay ang nakatingin sa parating na estranghero at sila ay nagpapalitan ng mga salita. Ang kanilang mga mata ay nakasunod sa Kanya at sila ay hindi nagiging masaya hanggang makita Siyang tumigil sa harapan ng isa sa mga pinakamagandang bahay, sa gitna ng nayon, na may pangkusinang-hardin sa harapan at sa likuran at may maayos na lootan sa kapaligiran. Ang abot ng lootan ay hanggang sa isang malaking parang na may pataas at pababa ayon sa alun-alon ng bundok at nagtatapos sa kakahuyan ng matataas na punungkahoy, sa ibayo nito kung saan ay hindi ko na alam kung ano ang naroroon. Ang buong lugar ay napaliligiran ng isang pimpin ng mga itim na sarsamora o ligaw na mga rosas. Hindi ko masabing eksakto kung alin sa dalawa, sapagkat, kung maaalaala ninyo, ang mga bulaklak at mga dahon ng dalawang matinik na pimpin na ito ay magkamukhang-magkamukha at hanggang sa magkabunga ang mga sanga nito ay madaling maipagkamali sa isa. Ang harapan ng bahay, ibig sabihin sa gawi ng pinakamalapit sa isang tabi ng nayon, ay nababakuran ng isang maliit na mababang puting pader, ang itaas nito ay may mga hilera ng tanim na rosas, na sa kasalukuyan ay walang mga bulaklak, ngunit puno na ng mga buko. Sa gitna ng pader ay naroroon ang bakal na tarangkahan. Madaling maunawaan na ito ay ang bahay ng isa sa mga kilala sa nayon o kaya ng isang may-kayang pamilya, sapagkat ang lahat ay nagpapakita ng kaginhawahan at magandang kaayusan, kung hindi kayamanan at karangyaan.

³Si Maria ay bumaba sa asno at pumunta sa tarangkahan. Siya ay sumisilip sa hilerang mga bakal, ngunit wala Siyang makitang sinuman. Kung kaya’t nagsikap Siya na may makarinig sa Kanya. Isang maliit na matandang babae na mas mausisa kaysa sa iba ang sumunod sa Kanya, at ipinakita sa Kanya ang isang kakaibang gamit na ang silbi ay isang kampanilya. Ito ay dalawang piraso ng metal na nakalawit sa magkabilang dulo ng tila isang pamatok na nakakabit sa isang tali. Kapag ang tali ay hinila, ang dalawang metal ay mag-uumpugan at magbibigay ng tunog katulad ng isang kampanilya o kaya isang gong.

Si Maria ay hinila ang tali, ngunit napakahina, upang ito ay kumalimbang lamang nang kaunti, na walang makarinig. Pagkatapos ang matandang babae, na ang mukha ay pulos ilong at mukhang tsinelas ang baba at ang dila ay katumbas ng sampung dila na pinagsama-sama, ay inabót ang tali at hinila ito nang kung ilang beses nang buong lakas. Nakagawa siya ng ingay na pati patay ay babangon! «Ganyan ang paggawa niyan, babae. Kung hindi, papaano Ka nila maririnig? Alam Mo, si Elizabeth ay matanda na at si Zachariah ay matanda na rin. Ngayon bukod sa siya ay bingi pipi pa. Ang dalawang katulong ay matatanda na rin, hindi Mo ba alam? Nakarating Ka na ba rito minsan? Hindi Mo ba kilala si Zachariah? Ikaw ba ay…»

Si Maria ay nakaligtas sa pagbahá ng impormasyon at ng mga katanungan dahil biglang lumitaw ang isang maliit na matandang lalaki na naghihikahos. Maaaring siya ay isang hardinero o kaya isang magbubukid, dahil may hawak siyang isang asarol at may nakasabit na pampungos na kutsilyo sa kanyang sinturon. Binuksan niya ang tarangkahan at si Maria ay pumasok pinasasalamatan ang madaldal na babae ngunit… naiiwan ang katatanong pa lamang na mga katanungan na hindi pa natutugunan. Anong kabiguan ito para sa isang mausisang kaluluwa!

Nang si Maria ay nasa loob na, kaagad Niyang sinabi: «Ako si Maria ni Joaquin at Anna, mula sa Nazareth. Ako ay pinsan ng iyong mga panginoon.»

Ang mamâ ay yumuko at binati Siya, pagkatapos siya ay sumigaw: «Sarah! Sarah!» Binuksan niya ulit ang tarangkahan upang ipasok ang asno na naiwan sa labas. Si Maria, sa katotohanan, upang matakasan ang mapilit na maliit na babae, ay pumuslit nang mabilis papasok at ang hardinero ay kasing bilis din na isinara ang tarangkahan sa mukha ng tsismosa. At habang pinapasok ang asno, ang mamâ ay malakas na nagsalita: «O! Gaano kalaking lugod at pag-angat para sa sambahayang ito! Ang Langit ay nagkaloob ng isang anak sa isang baog, pagpalain nawa ang Kataastaasan! Ngunit pitong buwan ang nakararaan, si Zachariah ay bumalik na hindi na makapagsalita mula sa Jerusalem. Ngayon ginagamit niya ang kanyang mga kamay upang siya ay maintindihan o isinusulat ang kanyang ibig sabihin. Baka alam na Ninyo ito. Ang aking sinyora ay matagal na Kayong ibig makita tungkol sa lugod na ito at sa di-kanais-nais na nangyari kay Zachariah. Siya ay laging nagbabanggit kay Sarah tungkol sa Inyo at sinasabi niya: “Kung nasa akin lamang ang maliit na si Maria! Sana Siya ay nasa Templo pa! Ipasusundo ko Siya kay Zachariah. Ngunit ngayon ang Diyos ay ibig Siyang mapakasal kay Jose ng Nazareth. Siya lamang ang tanging isa na makapag-papaginhawa sa akin at makatutulong sa akin sa pagdarasal sa Diyos, sapagkat napakabuti Niya. At lahat sila ay hinahanap-hanap Siya sa Templo. Noong huling araw ng kapistahan, nang huling kong punta sa Jerusalem kasama si Zachariah upang pasalamatan ang Diyos sa pagbigay sa akin ng batang ito, ang Kanyang mga guro ay sinabi sa akin: ‘Ang Templo ay tila nawalan ng Kerubin ng Kaluwalhatian mula nang ang tinig ni Maria ay hindi na marinig sa loob ng mga pader na ito’ ”.» Ang mamâ ay muling sumigaw: «Sarah! Sarah!» Ang aking asawa ay medyo bingi. Ngunit halikayo, pakiusap, ipakikita ko sa iyo ang daan.»

⁵Sa halip na si Sarah, isang magandang matandang babae ang lumitaw sa itaas ng hagdanan sa isang tabi ng bahay. Ang kanyang mukha ay puno ng kulubot at ang kanyang buhok ay napakakulay-abo. Maaaring napakaitim nito minsan sapagkat ang kanyang mga pilikmata at mga kilay ay napakaitim pa at sa kulay din ng kanyang mukha masasabi ng isa na siya ay kayumanggihin noon. Ang kanyang kasalukuyan na kitang-kitang pagbubuntis ay isang kakaibang kontradiksyon sa kanyang kitang-kitang katandaan, sa kabila ng pagiging malapad at maluwag ng kanyang damit. Siya ay tumitingin na medyo tinatakpan ang kanyang mga mata sa pamamagitan ng kanyang kamay. Nang kaagad niyang nakilala si Maria itinaas niya ang kanyang mga kamay sa kalangitan at napabulalas ng «O!» sa tuwa at pagkabigla. Siya pagkaraan ay nagmadali, sa bilis na kaya niyang gawin, patungo kay Maria. Si Maria din, na laging napakatahimik kung kumilos, ay ngayon tumatakbo, kasing tulin ng isang usa, at narating ang paanan ng hagdan kasabay ang pagdating ni Elizabeth. At Kanyang niyakap nang buong pagmamahal ang Kanyang pinsan na umiiyak sa tuwa dahil nakita Siya.

Sila ay nanatiling magkayakap sa loob nang kaunting sandali at pagkaraan si Elizabeth ay itinikal ang sarili napabulalas: «Ah!» isang pagbulalas na magkahalo ang tuwa at kapighatian at inilagay niya ang kanyang mga kamay sa kanyang malaking tiyan. Iniyuko niya ang kanyang mukha na namumula at namumutlang salit-salitan. Si Maria at ang katulong ay iniaabot kay Elizabeth ang kanilang mga kamay upang suportahan siya sapagkat siya ay sumusuray, na tila masama ang kanyang pakiramdam. Ngunit si Elizabeth, pagkaraan ng isang sandali ng pag-iisip, ay itinaas ang mukha na ngayon ay napakaningning upang siya ay nagmumukhang mas bata. Pagkaraan kanyang tiningnan si Maria na may kitang-kitang pagpipitagan na tila siya ay nakakita ng isang anghel, siya ay yumuko sa malalim na pagbibigay-galang sumisigaw: «Ikaw ay pinagpalà sa lahat na mga babae! pinagpalà ang Bunga ng Iyong sinapupunan! (Iyan ang eksaktong kanyang sinabi: dalawang malinaw na magkahiwalay na pangungusap). Papaano ako naging karapat-dapat na ang Ina ng aking Panginoon ay pumunta sa akin, Inyong lingkod? Diyan, sa tunog ng Iyong tinig, ang bata ay lumukso sa tuwa sa loob ng aking sinapupunan at noong niyakap kita, ang Espiritu ng Panginoon ay bumulong sa aking puso ng pinakamalalim na mga katotohanan. Ikaw ay pinagpalà, sapagkat Ikaw ay naniwala na posible rin sa Diyos ang lumalabas na hindi posible sa kaisipan ng tao! Ikaw ay pinagpalà, sapagkat sa pamamagitan ng Iyong pananampalataya magagawa Mo ang mga bagay na inihula sa iyo ng Panginoon at ang inihula ng mga Propeta para sa ating mga panahon! Ikaw ay pinagpalà, para sa kaligtasan na dinala Mo sa sambahayan ni Jacob! Ikaw ay pinagpalà para sa Kabanalan na dinala Mo sa aking anak, na nararamdaman ko na tumatalon sa tuwa, katulad ng isang masayang batang musmos, sa aking sinapupunan, sapagkat ang pakiramdam niya siya ay malaya sa pampabigat ng kasalanan, at ang tinawag na maging ang Predecessor, pinabanal bago pa ang Panunubos ng Banal na Isa Na lumalaki sa loob Mo!.»

Si Maria, na may dalawang luhang bumababang katulad ng dalawang perlas mula sa Kanyang kumikislap na mga mata patungo sa Kanyang ngumingiting mga labì, ang mukha nakatingala sa langit at ang mga kamay nakataas, sa isang hitsura na gagawin ding madalas ni Jesus, ay sumigaw: «Ang Aking kaluluwa ay pinahahayag ang kadakilaan ng Panginoon» at Kanyang ipinagpapatuloy ang kantiko katulad ng ito ay pinarating sa atin. Sa katapusan, sa berso na: «Siya ay naparito upang tulungan ang Israel na Kanyang lingkod atbp.» inilagay Niya ang Kanyang mga kamay sa Kanyang dibdib, lumuhod na yumuyuko sa lupa, sinasamba ang Diyos.

⁶Ang katulong, na tama lang na umalis noong kanyang nabatid na si Elizabeth ay wala naman talagang pisikal na karamdaman, sa halip, ipinagtatapat lamang ni Elizabeth ang kanyang mga kaisipan kay Maria, ay bumalik ngayon mula sa lootan kasama ang isang solemneng matandang lalaki, na ang buhok at balbas ay ganap na maputi na, binabati si Maria mula sa malayo sa pamamagitan ng mga senyas ng kamay at ng malakas na paimpit na mga tunog galing sa lalamunan.

«Si Zachariah ay parating» sabi ni Elizabeth, hinihipo ang balikat ni Maria, Na taimtim na nagdarasal. «Ang aking Zachariah ay hindi makapagsalita. Ang Diyos ay pinarusahan siya sapagkat hindi siya naniwala. Saka ko na sasabihin sa iyo. Ngunit ngayon ako ay umaasa na siya ay patatawarin na ng Diyos, sapagkat Ikaw ay dumating. Ikaw, napupuno ng Grasya.»

Si Maria ay tumayo at pumunta upang salubungin si Zachariah. Siya ay yumuko sa lupa upang halikan ang laylayan ng puting kapa ni Zachariah na umaabot sa lupa. Ito ay napakalapad na kapa, naiipit sa baywang sa pamamagitan ng isang malaking may-burdang tirintas.

Si Zachariah ay tinatanggap si Maria sa pamamagitan ng mga senyas at kapwa sila lumapit kay Elizabeth. Lahat sila ay pumasok sa isang silid sa ibaba ng bahay. Ito ay isang maluwang na silid, nakaayos ayon sa panlasa, kung saan pinaupo nila si Maria at inalok ng ilang bagong gatas – may mga bulá pa ito – at ilang maliliit na keyk.

Si Elizabeth ay nagbibigay ng ilang mga bilin sa babaeng katulong, na dumating din sa wakas, ang kanyang mga kamay puno pa ng harina at ang kanyang buhok mas maputi kaysa karaniwan. Baka siya ay nagmamasa ng tinapay. Binibigyan din ni Elizabeth ng mga bilin ang lalaking katulong, na ang pangalan sa pakinig ko ay Samuel at sinabi sa kanya na dalhin ang baul ni Maria sa isang silid na itinuturo sa kanya. Siya sa gayon ay ginagampanan ang kanyang tungkulin ng isang maybahay sa kanyang panauhin.

Pansamantala si Maria ay tinutugunan ang mga katanungan sa Kanya ni Zachariah, na isinusulat sa isang waks na tabla sa pamamagitan ng istilong pang-ukit. Mula sa Kanyang mga katugunan ang intindi ko si Zachariah ay nagtatanong sa Kanya tungkol kay Jose at tungkol sa Kanyang buhay may-asawa kasama si Jose. Naiintindihan ko rin na siya ay pinagkaitan ng lahat ng sobrenatural na liwanag tungkol sa estado ni Maria at tungkol sa Kanyang katayuan bilang Ina ng Mesiyas. Si Elizabeth ay lumapit sa kanyang asawa at ipinapatong ang kanyang isang kamay sa balikat ni Zachariah, sa isang mapagmahal na aktitud, na tila basal na nilalambing siya, sinabi sa kanya: «Si Maria din ay isang ina. Magsaya ka sa Kanyang kaligayahan.» Ngunit wala na siyang sinabi pang iba. Tinitingnan ni Zachariah si Maria. Si Maria ay tinitingnan din siya ngunit hindi Niya siya pinilit na magsalita pa ng iba at si Elizabeth ay nanahimik.

⁷Isang matamis, napakatamis na bisyon! Nabubura nito ang sindak ng tanawin ng pagpapakamatay ni Judas.

Kagabi, bago matulog, nakita ko si Maria na umiiyak nakayuko sa ibabaw ng bato ng unsiyon, sa bangkay ng Kristong Tagapagtubos. Siya ay nasa kanang bahagi ni Jesus, nakatalikod sa pamasukan ng grutang sepulkro. Ang liwanag ng sulô ay naliliwanagan ang mukha ni Maria kung kaya’t nakikita ko ang Kanyang mukha na winasak ng kapighatian at nahugasan ng mga luha. Kinukuha Niya ang kamay ni Jesus, hinahaplos ito, pinaiinitan ito sa Kanyang mga pisngi, hinahalikan ito, inuunat palabas ang mga daliri… hinahalikan ito isa-isa, ang kaawa-awang walang-galaw na mga daliri. Pagkaraan hahaplusin ang mukha ni Jesus, yuyukuan upang halikan ang bunganga, ang kalahating-nakasarang mga mata, ang sugatang noo. Ang mapula-pulang liwanag ng mga sulô ay nagagawa ang mga sugat ng pinahirapang katawan na maging mas sariwang tingnan at nagagawa ang kalupitan ng pahirap at ng makatotohanang kamatayan na maging mas totoo at tunay.

At ako ay nanatili sa aking pagninilay-nilay hanggang sa ang aking isip ay naging maliwanag. Nang ako ay makalabas sa aking antok, ako’y nanalangin at pagkatapos humiga upang matulog. Pagkaraan ang bisyon sa itaas ay nagsimula. Ngunit ang Ina ay nagsabi sa akin: «Huwag kang gumalaw. Tumingin lang. Isusulat mo ito bukas.» Sa aking tulog napanaginipan ko itong muli. Noong ako ay magising noong 6:30 nakita ko ang nakita ko na kapwa noong ako ay gising at noong ako ay tulóg. At ako ay nagsulat habang nakatingin. Pagkatapos ikaw ay dumating at tinanong kita kung maidadagdag ko ang sumusunod. Ito ay ang iba’t ibang tagpo ng pagtira ni Maria sa bahay ni Zachariah.

(96) 131009/030313/032813

¹ Mga bunga ng gapáng na mga tanim.

² Ang tinutukoy ni Maria Valtorta ay ang kanyang espirituwal na gabay na pari.

 Sunod na kabanata.