212. Sa Juttah, si Jesus Nagsasalita sa Loob ng Bahay ni Isaac.

Hulyo 8, 1945.

Ang buong populasyon ng Juttah ay tumakbo upang salubungin si Jesus may dalang mga layas na bulaklak pinitas sa mga panabi ng bundok at may maagang bunga ng kanilang alagang mga punungkahoy, sa tabi ng mga ngiti ng mga bata at mga pagpapalà ng mga mamamayan. At bago makapasok si Jesus sa nayon, Siya ay pinaligiran ng mga mabubuting tao na, bilang napagsabihan nina Judas ng Kerioth at Juan, na mga pinauna bilang mga mensahero, nagmadali dala ang kung ano ang kanilang nakitang pinakamagandang parangal sa Tagapagligtas, at higit sa lahat ang kanilang pagmamahal.

pinagpapalà ni Jesus sa pamamagitan ng mga kilos at mga salita kapwa ang mga adulto at mga bata pa na nagsisiksikan sa Kanya hinahalikan ang Kanyang tunika at mga kamay, naglalagay ng mga pasusuhin sa Kanyang mga braso upang sana mapagpala Niya sila sa pamamagitan ng isang halik. Ang una na gumawa nito ay si Sarah, na inilagay sa Kanyang dibdib ang isang magandang sampung-buwan na sanggol, na ang pangalan ay Jesai.

Ang kanilang pagmamahal ay napakawalang-hunus-dili kung kaya’t napipigilan nito ang pag-usod. Ngunit ito ay katulad ng isang tumataas na alon. Sa palagay ko si Jesus ay mas nakapagpapatuloy sa pamamagitan ng alon na ito kaysa ng Kanyang sariling mga paa, at ang Kanyang puso ay tiyak na naitataas nang napakalayo, hanggang sa maliwanag na kalawakan, gawa ng lugod ng gayong pagmamahal. Ang Kanyang mukha ay nagniningning sa kaningningan ng mga sandali ng pinakamalaking lugod ng Tao-Diyos. Hindi ito ang makapangyarihang nakapang-aanyayang mukha ng mga sandali kapag Siya ay gumagawa ng mga himala, o ang mahestuwosong mukha katulad ng kapag inihahayag Niya ang Kanyang patuloy na pakikipagniig sa Kanyang Ama, o ang mahigpit na mukha katulad ng kapag itinatakwil Niya ang pagkakasala. Lahat ng mga ito ay kumikislap na may iba't ibang liwanag, ngunit ang pangkasalukuyang mukha ay ang liwanag ng mga oras ng pagpapahinga ng Kanyang buong kaakuhan, inaatake mula sa maraming banda, napipilitang maging mapagbantay lagi para sa bawat pinakamaliit na kilos o salita, kapwa ng Kanyang sarili o ng iba, pinaliligiran ng lahat na mga patibong ng mundo na, katulad ng nakapipinsalang sapot, isinusuklob ang maladimonyong mga sinulid sa Dibinong Paruparo ng Tao-Diyos, umaasang maparalisa ang Kanyang paglipad at makulong ang Kanyang espiritu, upang sana hindi Niya mailigtas ang mundo; mapigilan ang Kanyang salita, upang sana hindi Niya maturuan ang kamangmangan ng mundo; maitali ang Kanyang mga kamay, ang mga kamay ng Eternal Na Pari, upang sana hindi mapabanal ng mga ito ang mga tao, nailigaw ng dimonyo at ng laman; mapadilim ang Kanyang mga mata, upang sana ang perpeksiyon ng Kanyang tingin ay hindi makapang-anyaya ng mga puso, ang Kanyang tingin sa katotohanan ay isang batubalani, kapatawaran, pagmamahal, alindog na napananaigan ang bawat panlalaban na hindi panlalaban ng isang perpektong satanas.

O! Ang gawa ba ng mga kaaway ng Kristo ay hindi pa rin laging iyon din laban sa Kristo? Ang Siyensiya at Erehiya, Kapootan at Inggit, ang mga kaaway ng Sangkatauhan, na sumulpot mula sa Sangkatauhan mismo katulad ng nilasong mga sanga mula sa isang mabuting punungkahoy, hindi ba nila ginagawa ang lahat na iyan, upang sana ang Sangkatauhan ay mamatay, dahil kinapopootan nila ito nang higit pa sa pagkapoot nila sa Kristo, sapagkat kinapopootan nila ito sa isang aktibong pamamaraan, ginagawa itong di-Kristiyano upang mapagkaitan ito ng lugod nito, samantalang wala silang maipagkakait kay Jesus, dahil Siya ay Diyos, habang sila ay alikabok? Oo, ginagawa nila iyan.

Ngunit ang Kristo ay naninilungan sa mga puso ng matatapat, kapag Siya’y tumitingin, nagsasalita at pinagpapalà ang Sangkatauhan at pagkatapos… at pagkatapos ibibigay Niya ang Kanyang Sarili sa mga pusong iyon at sila… at sila mahihipo nila ang Langit kasama ang kabanalan nito, habang nananatili pa rin lupa, ngunit nasusunog ang kanilang mga pándamá at mga sangkap, sa kanilang mga pakiramdam at mga naiisip at sa kanilang mga kaluluwa, hanggang sa pagiging nasisiyahang pinahihirapan sa kanilang buong katauhan… Mga luha at mga ngiti, mga ungol at mga awit, kapaguran at nakakatakot na pagmamadali para sa buhay ay ang ating mga kasa-kasama, mahigit pa sa kasa-kasama sila ay ang ating pinaka-katauhan, sapagkat katulad na ang mga buto ay nasa loob ng laman at ang mga ugat at mga nerbiyo ay nasa loob ng ating balat at silang lahat binubuo ang isang tao, kung gayon, gayon din naman, ang lahat na umaapoy na bagay nanggagaling sa katotohanan na ibinigay ni Jesus ang Kanyang Sarili sa atin, ay nasa loob natin, sa loob ng ating kaawa-awang pagiging tao. At ano tayo sa mga sandaling iyan na hindi tatagal nang magpakailanman, sapagkat kung iyan ay tumagal nang mga ilang sandali pa, tayo ay mamamatay na sunog at sira? Tayo ay hindi na mga tao. Hindi na tayo mga hayop na pinagkalooban ng katwiran nabubuhay sa lupa. Tayo ay, tayo ay, O! Panginoon! Hayaan Ninyong sabihin ko ito nang minsan, hindi dahil sa pagmamalaki, bagkus upang awitin ang Inyong mga kaluwalhatian sapagkat ang Inyong sulyap ay sinusunog ako at ginagawa akong magdiliryo… Tayo ay mga serapin. At ako ay nagtataka na hindi tayo umaapoy at umiinit na mararamdaman ng mga tao at ng bagay, katulad na ito ang nangyayari sa mga pagpapakita ng mga naisumpang mga kaluluwa. Sapagkat kung totoo na ang apoy ng impiyerno ay gayon na kahit na ang sinag ng isang naisumpang kaluluwa ay nakapagpapaapoy sa isang piraso ng kahoy at nakatutunaw ng mga metal, ano ang katulad ng Inyong apoy, o Diyos, kung Kanino ang lahat ay walang-hangganan at perpekto?

Ang isa ay hindi namamatay sa lagnat, ang isa ay hindi nasusunog dahil dito, ang isa ay hindi na nauupos ng lagnat ng mga sakit ng katawan. Kayo ay ang aming lagnat, Pag-ibig! At sa pamamagitan nito kami ay nasusunog, kami ay namamatay, kami ay nauupos at ang mga hibla ng aming mga puso, na hindi makatatagal nang labis, ay napupunit nito at para rito. Ngunit binibigkas ko ang aking sarili nang masama, sapagkat ang pagmamahal ay deliryo, ang pagmamahal ay isang talon na nagwawasak ng mga dam at bumababang ginigiba ang lahat na hindi pagmamahal, ang pagmamahal ay ang pagsisiksikan sa isip ng mga pándamá, na lahat ay totoo at naroroon, ngunit walang kamay ang makapagsúsulat nito, katulad ng ang isip ay napakabilis sa pagsasalin ng mga pakiramdam ng puso sa pagiging mga kaisipan. Hindi totoo na ang isa ay namamatay. Ang isa ay nabubuhay. Ang buhay ay sampung beses na nauulit. Ang isa ay namumuhay nang duplikadong pamumuhay: bilang isang tao at bilang isang pinagpalang kaluluwa: ang pamumuhay sa lupa at ang pamumuhay sa Langit. O! Nakasisiguro ako nito: makakamit at malalampasan ng isa ang buhay nang walang mga pagkakamali, walang mga restriksiyon at mga limitasyon, na Inyong ibinigay, Ama, Anak at Banal Na Espiritu, Kayo, Diyos, Tagapaglikha, Isa at sang-tatlo, kay Adan ang isang introduksiyon sa Buhay, pagkatapos na makataas sa Inyo, upang kaluguran ang Langit, sinusunod ang isang mahinahon na pagbabago ng pamumuhay mula sa Makalupang Paraiso patungo sa Makalangit na isa, isang pagbabago na ginawa sa loob ng mapagmahal na mga bisig ng mga anghel, katulad ng matamis na tulog at pag-akyat sa Langit kay Maria, upang makapunta sa Inyo!

Ang isa ay isinasabuhay ang totoong Buhay. Pagkatapos matatagpuan ng isa ang kanyang sarili rito. At katulad sa aking ginagawa, ang isa ay mamamangha at mahihiya na nakarating siya sa kanyang narating at ang isa ay magsasabi: «Panginoon, hindi ako karapat-dapat ng labis. Patawarin Ninyo ako Panginoon» at ang isa ay dadagukan ang kanyang dibdib, sapagkat tayo ay nahihintakutan sa pagiging mapagmataas at ang isang mas makapal na belo ay ibababa sa kariktan, sapagkat kung ito ay hindi magpapatuloy sa pag-apoy na may nakapananaig na alab, dala ng awa para sa ating limitasyon, ito ay mag-iipon sa sentro ng ating mga puso, handa na umapoy muli sa isang malaking paraan para sa ibang sandali ng kabanalan na ginusto ng Diyos. Ang belo ay ibababa sa santuwaryo kung saan ang apoy, ang liwanag at pagmamahal ng Diyos ay nagniningas… at hapo subalit napanibagong muli tayo ay magpapatuloy katulad ng… mga tao na napalakas ng isang malakas na matamis na alak na hindi nagpapalabo sa pangangatwiran bagkus pinipigil tayo na magkaroon ng mga mata at mga kaisipan para sa kung ano ang hindi ang Panginoon,  Kayo, aking Jesus, singkaw na nag-uugnay sa aming misteryo sa dibinidad, pamamaraan ng katubusan para sa aking kasalanan, tagapaglikha ng kabanalan para sa aming mga kaluluwa, Kayo, Anak, Na sa pamamagitan ng Inyong nasugatang mga kamay inilalagay namin ang aming mga kamay sa espirituwal na mga kamay ng Ama at ng Espiritu, upang sana kami ay mapasa-Inyo, ngayon at magpakailanman. Amen.

Ngunit saan ako napunta habang pinaaapoy ako ni Jesus, pinaaapoy ang sambayanan ng Juttah sa pamamagitan ng Kanyang mapagmahal na sulyap? Maaaring napuna ninyo na hindi na ako nagsasalita ng tungkol sa aking sarili o bihira ko lamang gawin. Gaano karaming bagay ang masasabi ko. Ngunit ang kapaguran at ang pisikal na kahinaan, na naniniil kaagad sa akin pagkatapos ng mga diktasyon, at ang espirituwal na kababaang-loob, na palaki na nang palaki habang mas nagpapatuloy ako, ay kinukumbinsi ako at napipilitan ako na maging tahimik. Ngunit sa araw ngayon… ako ay nagpakataas-taas at, alam natin, na ang hangin ng alangaang ay nagagawa ang isa na mawalan ng kontrol… ako ay tumaas nang mas mataas pa sa alangaang… at hindi ko na mapigilan ang aking sarili… At sa palagay ko kung lagi tayong mananahimik – tayo na nahahawakan ng mga ipu-ipo ng pagmamahal – matatapos tayo na biglang aapoy katulad ng mga panudla, o kung baga, katulad ng sumobra-ang-init o saradong mga boiler. Patawarin Ninyo ako, Ama. At ngayon tayo ay magpatuloy.

Si Jesus ay pinasok ang Juttah at pinasunod sa liwasan ng palengke at pagkatapos sa kaawa-awang maliit na bahay kung saan si Isaac ay nagtiis sa loob ng tatlumpung taon. Sinabi nila sa Kanya: «Kami ay pumupunta rito upang pagusapan ang tungkol sa Inyo at upang magdasal, katulad sa loob ng isang sinagoga, ang pinakatotoong sinagoga. Sapagkat dito kung saan nakilala namin Kayo at dito kung saan ang panalangin ng isang santo ay hiningi sa Inyo na pumuna Kayo sa amin. Pumasok Kayo ay tingnan kung papaano namin inayos ang lugar…»

Ang maliit na bahay, na noong nakaraang taon ay may tatlong maliliit na silid lamang – ang una kung saan si Isaac, isang maysakit, nanlilimos, ang ikalawa, isang tambakan ng mga kahoy at ang ikatlo, isang maliit na kusina na nagbubukas patungo sa bakuran – ay ngayon iisang silid na lamang na may mga bangko sa loob para sa mga nagpupulong. Ang kaunting pambahay na mga gamit ni Isaac ay inilagay katulad ng maraming mga ala-alang mga gamit, sa isang maliit na kubo sa bakuran at ang kagalang-galang na mga tao ng Juttah ay ginawa ang bakuran na hindi masyadong masagwang tingnan, dahil nagtanim sila ng ilang umaakyat na tanim, na ngayon ay natatakpan na nito ang pangkabukirang imbakan sa pamamagitan ng mga bulaklak nito at pinoporma ang isang balag, tumutubo sa isang sanga-sangang mga lubid na nakaunat sa ibabaw ng bakuran, sa kasing taas ng mababang bubungan.

Si Jesus ay pinupuri sila at nagsabi: «Makatitigil tayo rito. Hinihingi Ko lamang sa inyo na bigyan ng ospitalidad ang mga kababaihan at ang bata.»

«O! Guro! Hindi iyan kailanman kakailanganin! Kami ay pupuntang kasama Ninyo rito at Kayo ay magsasalita sa amin, ngunit Kayo at ang Inyong mga kaibigan ay aming mga panauhin. Pagkalooban Ninyo kami ng pagpapalà na mabigyan Kayo at ang mga lingkod ng Diyos ng ospitalidad. Nalulungkot lamang kami na sila ay hindi kasing dami katulad ng mga bahay…

Si Jesus ay pumayag at iniiwan ang maliit na bahay patungo sa bahay ni Sarah na hindi papayag na isuko kaninuman ang kanyang karapatan na siyang mag-asikaso kay Jesus at sa Kanyang mga kaibigan sa pagkain…

… Si Jesus ay nagsasalita sa loob ng bahay ni Isaac. Ang sambayanan ay nagsisiksikan sa silid at sa bakuran at nagsisiksikan din sa liwasan, at si Jesus, upang mapakinggan ng lahat, ay tumayo sa gitna ng silid, upang ang Kanyang tinig ay madala kapwa sa bakuran at sa liwasan.

Maaaring tinatalakay Niya ang isang paksa na pinalitaw ng isang katanungan o ng isang pangyayari. Sinasabi Niya: «… Ngunit huwag magkaroon ng pagdududa. Katulad sa sinabi ni Jeremiah, malalaman nila sa pagsubok kung gaano kalungkot at kapait ang iwanan ang Panginoon. Ni potash o lihiya ay hindi makapag-aalis sa mga mantsa ng ilang krimen. Aking mga kaibigan. Ni ang apoy ng impiyerno ay hindi makapagtatanggal ng mantsang iyan. Iyan ay di-nabubura.

Dito rin ay kailangan na tingnan natin ang katarungan ng mga salita ni Jeremiah. Ang ating malalakas sa Israel ay totoong nagmumukhang katulad ng ligaw na mga babaeng asno na binanggit ng Propeta. Sanay sila sa disyerto ng kanilang mga puso, sapagkat, maniwala sa Akin, hangga’t ang isa ay kasama ang Diyos, kahit na kung ang isa ay mahirap katulad ni Job, kahit na kung ang isa ay nag-iisa, kahit pa kung ang isa ay hubad, ang isa ay hindi kailanman nag-iisa, mahirap o hubad, ang isa ay hindi kailanman isang disyerto, ngunit tinanggihan nila ang Diyos sa kanilang mga puso at kung gayon sila ay isang tigang na disyerto. Katulad ng mga ligaw na babaeng asno inaamoy nila sa hangin ang mga lalaki, na sa ating kaso, dahil sa kanilang kasakiman, ay pinangalanang kapangyarihan, pera, pati na rin tunay at angkop na kahalayan, at sinusundan nila ang amoy na iyan, hanggang bilang isang krimen. Oo. Sinusundan nila at susundan nang lalo pa nang ganyan sa hinaharap. Hindi nila nalalaman na ang kanilang mga puso, hindi ang kanilang mga paa, ang nakalantad sa mga palaso ng Diyos Na siyang maghihiganti para sa kanilang krimen. Gaano magiging lito ang mga hari, mga prinsipe, mga pari at mga eskriba, sapagkat totoong sinabi nila at sinasabi pa sa kung ano ang wala, o mas grabe pa, sa kasalanan: “Ikaw ang aming ama. Nakalimutan mo kami”!

Sasabihin Ko sa inyong totoo na si Moses sa init ng galit ay binasag ang mga Tabla ng Batas nang makita niya ang mga tao na gumagawa ng idolatriya. Pagkaraan inakyat niya ang bundok, nagdasal, sumamba at nakakuha ng grasya. Nangyari iyan maraming siglo na ang nakaraan. Ngunit ang idolatriya ay hindi pa namamatay sa mga puso ng tao, at hindi magpapahinga, sa kabaligtaran, ito ay tataas, katulad ng lebadura sa harina. Halos ang bawat tao ngayon ay may kanyang sariling gintong guya. Ang mundo ay isang kakahuyan ng mga diyus-diyusan, sapagkat ang bawat puso ay isang altar, ngunit mahirap na ang Diyos ay naririyan kailanman. Sinuman ang hindi alipin ng isang masamang damdamin, ay alipin ng iba at sinuman ang wala ng isang masamang mithiin, ay mayroong isa na iba ang pangalan. Sinuman ang walang kasakiman para sa ginto, ay may kasakiman para sa mga pusisyon, sinuman ang walang kahalayan para sa laman, ay sukdulan na egoista. Ilang mga kaakuhan ang sinasamba sa loob ng mga puso katulad ng mga gintong guya! Kung gayon, darating ang isang araw kung kailan sila hahampasin at tatawagin nila ang Panginoon at maririnig nila Siyang tutugon: “Pumunta kayo sa inyong mga diyus-diyusan. Hindi Ko kayo kilala”. Hindi Ko kayo kilala! Isang nakakatakot na salita kapag binigkas ng Diyos sa tao. Nilikha ng Diyos ang lahi ng Tao at kilala Niya ang bawat indibidwal. Kung sinabi Niya kung gayon: “Hindi kita kilala” ang ibig sabihin nito na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang kalooban binura Niya ang taong iyon sa Kanyang memorya. Hindi Ko kayo kilala! Ang Diyos ba ay labis na mahigpit dahil sa hatol na iyan? Hindi. Ang tao ay sumigaw sa Langit: “Hindi kita kilala”, kasing matapat katulad ng isang alingawngaw…

Tingnan: ang tao ay may katungkulan na kilalanin ang Diyos dala ng pasasalamat at dala ng paggalang para sa kanyang katalinuhan.

Dala ng pasasalamat. Ang Diyos ay nilikha ang tao at pinagkalooban siya ng di-maisasalarawang regalo na buhay at binigyan siya ng labis-labis na di-maisasalarawang regalo na Grasya. Kapag nawala ng tao ang Grasya dahil sa kanyang kagagawan, nakarinig siya ng isang dakilang pangako na ginawa sa kanya: “Ibabalik Ko ang Grasya sa iyo”. Iyon ay ang Diyos, ang sinaktan na partido, ang nagsasabi ng ganyan sa nanakit, na tila Siya, ang Diyos, ay ang may kasalanan, at obligadong gumawa ng pagsasaayos. At ginawa ng Diyos ang Kanyang pangako. Tingnan, Ako ay naririto upang ibigay ang Grasya sa tao. Hindi lamang ginawa ng Diyos na ibigay kung ano ang sobrenatural, bagkus pinababa Niya ang Kanyang Espirituwal na Esensiya upang makapagbigay para sa magaspang na pangangailangan ng laman at dugo ng tao, at ibinigay Niya ang init ng araw, ang kaginhawahan ng tubig, butil, mga baging, lahat na uri ng punungkahoy at lahat na lahi ng mga hayop. Kung gayon tinanggap ng tao mula sa Diyos ang lahat na pamamaraan ng buhay. Siya ay Benepaktor. Ang tao ay kailangan na maging mapagpasalamat at ipakita ang kanyang pasasalamat sa pamamagitan ng pagsisikap na makilala Siya.

Dala ng paggalang para sa sariling pangangatwiran. Ang isang luku-luko at isang hangal ay hindi mapagpasalamat sa mga nagpapagaling sa kanila, sapagkat hindi nila naiintindihan ang totoong halaga ng paggaling. At kanilang kinapopootan ang mga naghuhugas at nagpapakain sa kanila, sumasama sa kanila at nagdadala sa kanila sa higaan, na nagbabantay sa kanila upang hindi sila masaktan, sapagkat mabangis katulad nila dahil sa kanilang sakit, napagkakamalan nila ang mga panggagamot sa mga pagpapahirap. Ang tao na nakakalimot sa kanyang mga katungkulan sa Diyos ay ipinahihiya ang kanyang sarili, isang nilikha na pinagkalooban ng pangangatwiran.  Tanging isang tanga o isang hangal lamang ang hindi makapagsasabi kung sino ang kanyang ama sa isang estranghero, ang isang benepaktor sa isang kaaway. Ngunit ang isang matalinong tao ay kilala ang kanyang ama at ang kanyang benepaktor at kinasisiyahan niya na makilala siya nang lalu't lalo pa, pati rin ang tungkol sa mga bagay na hindi niya nalalaman, dahil ang mga ito ay nangyari bago pa siya ipinanganak o bago pa siya tinulungan ng kanyang ama o benepaktor. Iyan ang dapat ninyong gawin sa Panginoon upang ipakita na kayo ay matalino at hindi mga hayop.

Ngunit napakarami sa Israel ang katulad ng mga tangang iyon na hindi nakikilala ang kanilang ama o kanilang benepaktor. Si Jeremiah ay nagtanong: “Makakalimutan ba ng isang babae ang kanyang mga palamuti at ang isang nobya ang kanyang bigkis?” O! Oo. Ang Israel ay may ganyang mga tangang dalaga, ng ganyang walang-pakundangan na mga nobya na nakakalimutan ang mga mahalagang palamuti at mga bigkis upang isuot ang mga pampaganda ng mga puta; at ito ay nakikitang nangyayari nang padalas pa nang padalas, habang mas umaakyat ang isa sa mga ranggo na maging mga tagapagturo sa mga tao. At ang paninisi ng Diyos, kasama ang Kanyang galit at kalungkutan, ay nakatuon sa kanila: “Bakit kayo nagsisikap na mapatunayan na ang inyong asal ay mabuti upang makakuha ng pagmamahal, samantalang itinuturo ninyo ang kasamaan ng inyong mga pamamaraan ng pamumuhay, at ang dugo ng mahirap at inosenteng mga tao ay natagpuan sa mga laylayan ng inyong mga kasuutan?”.

Aking mga kaibigan, ang distansiya ay mabuti at masama. Ang maging napakalayo mula sa mga lugar kung saan Ako ay maaaring magsalita ay isang kasamaan, sapagkat napipigilan kayo nito na mapakinggan ang mga salita ng Buhay. At ikinalulungkot ninyo ito. Totoo iyan. Ngunit iyan ay mabuti sa dahilan na pinananatili kayo nito na málayo sa mga lugar kung saan ang kasalanan ay nangangasim, ang kabulukan ay kumukulo at ang mga patibong ay sumisirit upang makakilos laban sa Akin, hinahadlangan Ako sa Aking gawain, at laban sa mga puso ng mga tao, sa pagpapahiwatig ng mga pagdududa at kasinungalingan tungkol sa Akin. Ngunit mas ibig Ko kayo na nasa malayo kaysa maparumi ang inyong mga isip. Ako ang bahala sa inyong pormasyon. Nalalaman ninyo na ang Diyos ang nag-asikaso bago pa man tayo nagkakila-kilala, upang sana tayo ay magmahalan sa isa’t isa. Ako ay kilala na bago tayo nagkatagpo. Si Isaac ay ang inyong tagapagbalita. Magpapadala Ako ng maraming mga Isaac upang bigkasin ang Aking mga salita sa inyo. Subalit, kailangan na malaman ninyo na ang Diyos ay nakapagsasalita kahit saan at pribado sa espiritu ng tao at turuan siya sa Kanyang Doktrina.

Huwag matakot na sa pag-iisa kayo ay baka madala sa pagkakamali. Hindi. Kung ayaw ninyo, hindi kayo magiging taksil sa Panginoon at sa Kanyang Kristo. Sa kabilang dako, siya na hindi talaga makalalayo sa Mesiyas ay kailangan na malaman niya na ang Mesiyas ay ibinubuka ang Kanyang puso at inuunat ang Kanyang mga kamay sa kanya at nagsasabi: “Halika”. Halika, sinuman ang ibig na lumapit. Manatili rito, sinuman ang ibig na manatili. Ngunit kapwa ang una at ang huli ay kailangan na ituro ang Kristo sa pamamagitan ng isang matapat na pamumuhay. Ituro Siya laban sa kawalang-katapatan na namumugad sa loob ng napakaraming mga puso. Ituro Siya laban sa kawalang-katinuan ng maraming tao na hindi alam kung papaano magpupursige nang may katapatan at nakakalimutan ang kanilang mga palamuti at mga bigkis ng mga kaluluwang tinawag sa kasalan ng Kristo. Sinabi ninyo sa inyong kasayahan: “Mula nang Kayo ay napapunta rito, hindi na kami nagkaroon ng may sakit o patay na mga tao. Ang Inyong pagpapalalâ ay naprotektahan kami ”. Oo, ang kalusugan ay isang malaking bagay. Ngunit tiyakin na ang Aking pagpunta rito ngayon ay ginagawa kayong malusog sa espirituwal, lagi at sa lahat. Para diyan pinagpapalà Ko kayo at binibigay Ko sa inyo ang Aking kapayapaan, sa inyong mga anak, sa inyong mga bukid, mga tanim, mga bahay, mga kawan at mga lootan. Gamitin ang mga iyan nang banal, huwag mamuhay para sa mga iyan, bagkus sa pamamagitan ng mga iyan, ibinibigay kung ano ang sobra sa mga nangangailangan, at kayo kung gayon ay makakakuha ng umaapaw na sukat ng mga pagpapalà ng Ama at isang lugar sa Langit. Makaaalis na kayo. Mananatili Ako rito upang manalangin…»

Hulyo 9

Binabasa ko ulit kung ano ang aking isinulat kahapon, binabago ang ilang di-maintindihang mga salita, alang-alang sa inyong mga mata, Padre. Napakahirap basahin nito… napakahinang klase nito kaysa sa kung ano ang aking naramdaman habang sinasalarawan ang aking gana! Subalit, upang matulungan na masabi ang ginawa ng Panginoon na maramdaman ko, kung hindi baka maisalarawan ko ito nang di-maganda at para din sa aking kaluwagan – sapagkat napakasakit nito, alam n’yo – pinanawagan ko si San Juan.  Sinabi ko sa kanya: «Alam na alam mo ang mga bagay na ito. Naranasan mo ito. Tulungan mo ako.» At napaginhawahan niya ako ng kanyang presensya, ng kanyang ngiti ng isang eternal na mabuting may kasimplihang-isip na tao at ng kanyang mga pangangalaga. Ngunit pakiramdam ko ngayon ang aking abang salita ay napakahinang klase sa mga naramdaman ko… Ang lahat na pantaong mga bagay ay dayami, ang sobrenatural lamang ang ginto. At ang isang tao ay hindi ito maisasalarawan.

150211

 



Sunod na kabanata