214. Sa Loob ng Bahay ni Judas sa Kerioth.

Hulyo 10, 1945.

Si Jesus ay papaupo na sa mesa kasama ang Kanyang mga kaibigan sa loob ng magandang bahay ni Judas. At sinabi Niya sa ina ni Judas, na nanggaling sa kanyang bahay sa bukid upang mabigyan ng maayos na ospitalidad ang Guro: «Hindi, Ina, kailangan na manatili kang kasama rin namin. Tayo ay katulad ng isang pamilya rito. Ito ay hindi ang malamig na pormal na bangkete para sa pangkaraniwang mga panauhin. Kinuha Ko ang iyong anak, at ibig Ko na kunin mo Ako bilang isang anak, katulad na kinukuha Ko kayo bilang isang ina, sapagkat totoong karapat-dapat ka nito. Tama ba iyon, Aking mga kaibigan, upang kung ganyan tayo ay magiging mas masaya at para tayong nasa sariling bahay?»

Ang mga apostol at ang dalawang Maria ay tumangong taos sa puso. At ang ina ni Judas, ang kanyang mga mata nagniningning na may mga luha, ay naupo sa pagitan ng kanyang anak at ng Guro, na sa harapan Niya ay naroon ang dalawang Maria kasama si Marjiam sa pagitan nila. Ang babaeng katulong ay dinala ang pagkain, na inaalay ni Jesus, pinagpapalà at pagkatapos ipinamimigay, sapagkat ang ina ni Judas ay talagang ayaw na gawin ito. At lagi Siyang nag-aabot ng pagkain nagsisimula sa kanya, na mas nakaaantig sa babae nang lalu't lalo pa at nagagawa si Judas na maging mapagmalaki at mag-isip pati.

Pinag-uusapan nila ang iba't ibang mga paksa kung saan nagsisikap si Jesus na maging interesado ang ina ni Judas at nagsisikap din Siya na gawin siyang masanay sa dalawang babaeng disipulo. Si Marjiam ay nakakatulong sa bagay na ito dahil sinasabi niya na siya ay giliw-na-giliw din sa ina ni Judas: «Sapagkat ang kanyang pangalan ay Maria katulad ng lahat na mabubuting babae.»

«At hindi mo ba mamahalin ang isa na naghihintay sa atin sa lawa, ikaw na maliit na makulit?» tanong ni Pedro na medyo seryoso.

«O! labis, kung siya ay mabuti.»

«Makakasiguro ka tungkol diyan. Ang lahat ay sinasabi ang ganyan, at kailangan kong sabihin din iyan, sapagkat kung lagi siyang mabait sa kanyang ina at sa akin, siya ay maaari ngang tunay na mabait. Ngunit ang kanyang pangalan ay hindi Maria, anak. Siya ay may kakaibang pangalan, sapagkat ang kanyang ama ay tinawag siya ayon sa bagay na nagbigay sa kanyang ng kayamanan at tinawag niya siyang Porphirea. Ang purpura ay maganda at mamahalin. Ang aking asawa ay hindi maganda, ngunit siya ay mamahalin dahil sa kanyang kabutihan. At ako ay naging giliw-na-giliw sa kanya sapagkat napakamapayapa niya, basal at tahimik. Tatlong birtud… eh! hindi basta-basta matatagpuan! Tinitingnan ko siya nang mabuti mula pa nang siya ay maliit na bata pa. Nang ako ay mapunta sa Capernaum na may dalang isda madalas ko siyang nakikita nagkukumpuni ng mga lambat, o nasa pontanya, o tahimik na gumagawa sa pangkusinang-hardin at hindi siya isang wala-sa-sarili na paruparo palipad-lipad dito at doon, ni hindi siya isang walang-isip na maliit na inahing manok lumilingon sa bawat tilaok ng isang tandang. Hindi niya kailanman itinataas ang kanyang ulo kapag nakaririnig siya ng tinig ng isang lalaki, at nang ako, napamahal na sa kanyang kabutihan at sa kanyang magandang mga tirintas, ang kanyang tanging kagandahan, at… bueno, naawa rin sapagkat tinatrato siyang isang alipin sa bahay… nang ako ay nagsimulang magsabi sa kanya ng kumusta – siya noon ay labing anim na taon gulang na – halos hindi siya tumutugon sa akin, tinatakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang belo at mas papasok pa sa loob ng bahay. Eh! Inabot ng napakahabang panahon upang malaman ko kung ang tingin niya sa akin ay isang halimaw o hindi at bago ko naipadala ang aking abay sa kanya!... Ngunit hindi ko pinagsisisihan ito. Kahit naglakbay ako sa buong mundo, hindi ako makatatagpo ng isang katulad niya. Tama ba ako, Guro, na siya ay mabuti?»

«Oo, napakabuti niya. At natitiyak Ko na mamahalin siya ni Marjiam kahit na kung ang pangalan niya ay hindi Maria. Hindi ba, Marjiam?»

«Oo, ang kanyang pangalan ay “inay” at ang mga inay ay mabubuti at minamahal.»

Si Judas pagkatapos ay nagkukuwento kung ano ang kanyang ginawa nang umaga. Naintindihan ko na siya ay pumunta sa kanyang ina upang paalamin siya ng kanilang pagbisita, pagkatapos nagsimula siyang magsalita sa bukid malapit sa Kerioth kasama si Andres. Pagkatapos sinabi niya: «Ngunit bukas ibig kong sumama ang lahat. Ayaw kong ako lamang ang makita. Hangga’t maaari, kailangan lumakad kami nang dalawahan, isang Judaean kasama isang Galilean. Halimbawa, si Juan at ako, si Simon at si Tomas. Sana pumunta ang isa pang Simon! Ngunit kayong dalawa (at kanyang itinuturo ang mga anak ni Alfeo) ay makalalakad na magkasama. Sinabi ko sa lahat, pati rin ang ayaw na makaalam, na kayo ang mga pinsan ng Guro. At kayong dalawa (tinuturo niya sina Felipe at Bartolomeo) ay makalalakad din na magkasama. Sinabi ko sa kanila na si Natanael ay isang rabbi na sumama upang sundan ang Guro. Namangha nang labis ang mga tao tungkol diyan. At… kayong tatlo ay mananatili rito. Ngunit kapag dumating kaagad ang Zealot, makabubuo ulit tayo ng isa pang pareha. Pagkatapos magpapalitan tayo, sapagkat ibig ko na makita ng mga tao ang lahat…» si Judas ay ganadong-ganado. «Nagsalita ako tungkol sa Dekalogo, Guro, nagsisikap lalo na na mabigyan ng kaliwanagan ang mga parte na malalabo...»

«Huwag mong gawing napakabigat ang iyong kamay, Judas, pakiusap. Laging tandaan na mas may nararating ang isa sa pamamagitan ng kabaitan kaysa ng katigasan at na ikaw ay isang tao rin. Kung kaya’t iksaminin mo ang iyong sarili at tingnan kung gaano kadali rin para sa iyo na bumagsak at kung papaano ka nababalisa kapag ikaw ay pinagagalitan nang prangkung-prangko» sabi ni Jesus habang ang ina ni Judas ay iniyuyuko ang ulo namumula.

“Huwag Kayong mag-alala, Guro. Nagsisikap akong magaya Kayo sa lahat ng bagay. Ngunit sa nayon, na makikita rin natin sa pintong iyan (ang mga pintuan ay bukas habang sila ay kumakain at ang isang magandang tanawin ay makikita mula sa silid na ito na nasa itaas) ay isang may sakit na ibig na mapagaling. Ngunit hindi siya mabubuhat dito. Makasasama ba Kayo sa akin?»

«Bukas, Judas, bukas na umaga, sigurado. At kung marami pang maysakit sabihin mo sa Akin o dalhin sila rito.»

«Talagang ibig Ninyong makinabang ang aking amangbayan, Guro?»

«Oo. Upang wala sanang magsabi na Ako ay naging di-patas sa mga walang ginawang kapinsalaan sa Akin. Tinutulungan Ko rin ang masasamang tao! Kung gayon bakit hindi ang mabubuti ng Kerioth? Ibig Kong mag-iwan ng di-mabuburang alaala tungkol sa Akin…»

«Ano? Hindi na ba tayo babalik dito?»

«Babalik pa rin tayo, ngunit…»

«Naririto na ang Ina, ang Ina kasama si Simon!» tili ng bata na nakakita kay Maria at Simon umaakyat sa hagdanan patungo sa terasa kung saan naroroon ang silid.

Lahat sila ay tumayo at naglakad patungo sa dalawa na kararating pa lamang. Nagkaroon ng ingay ng pagsasaya, ng pagbabatian, ng mga upuan na ginagalaw. Ngunit walang nakapaggambala kay Maria na batiin muna si Jesus at pagkatapos ang ina ni Judas, na yumuko nang napakalalim, at na itinataas muli ni Maria niyayakap siya na tila siya ay isang mahal na kaibigan na nakita muli pagkaraan ng mahabang panahon.

Sila ay bumalik sa silid at si Maria ni Judas ay sinasabihan ang katulong na magdala ng sariwang pagkain para sa mga bagong dating.

«Naririto, Anak, ang mga pagbati ni Eliza» sabi ni Maria, inaabot ang isang maliit na rolyo ng pergamino kay Jesus Na binubuksan ito at binabasa, pagkatapos nagsabi: «Alam Ko. Natitiyak Ko, Salamat sa Inyo, Inay. Sa Ngalan Ko at kay Eliza. Kayo ay totoong kalusugan ng may sakit!»

«Ako? Ikaw, Anak. Hindi Ako.»

«Kayo; at Kayo ang Aking malaking tulong.» Pagkatapos binalingan Niya ang mga apostol at mga kababaihan at nagsabi: «Si Eliza ay nagsusulat: “Bumalik Kayo, aking kapayapaan. Ibig kong hindi lamang mahalin Kayo, bagkus paglingkuran Kayo”. Kung gayon napaginhawahan natin ang isang nilalang ng kanyang paghihirap at kalungkutan, at nakakuha tayo ng isang disipulo. Oo, tayo ay babalik.»

«Ibig din niyang makita ang mga babaeng disipulo. Nakapanunumbalik siya nang unti-unti, ngunit wala nang pagbalik sa sakit. kaawa-awang Eliza! Nakakaranas pa rin siya ng mga sandali ng nakakatakot na pagkalito. Hindi ba, Simon? Isang araw ibig niyang subukan na lumabas kasama Ako, ngunit nakakita siya ng isang kaibigan ni Daniel… at lubos siyang nahirapan na pakalmahin ang kanyang pag-iyak. Ngunit si Simon ay napakagaling! At sa dahilan na nagpapakita si Eliza na ibig niyang makabalik sa mundo, subalit ang mundo ng Bethzur ay punung-puno ng mga alaala para sa kanya, iminungkahi ni Simon na tawagin si Johanna. At pumunta si Simon upang tawagin siya. Pagkatapos ng kapistahan si Johanna ay bumalik sa Bether, sa kanyang magandang hardin ng mga rosas sa Judea. Sabi ni Simon tila siya nananaginip, habang tinatawid ang mga bundok natatakpan ng mga rosas, na siya ay nasa Paraiso na. Si Johanna ay sumama kaagad. Nasa pusisyon siya na maunawaan at kaawaan ang isang ina na nagluluksa para sa kanyang mga anak! Si Eliza ay naging giliw-na-giliw kay Johanna at nakaalis Ako. Si Johanna ay ibig na kumbinsihin siya na iwanan ang Bethzur at pumunta sa kanyang kastilyo. At magtatagumpay siya sapagkat siya ay kasing tamis ng isang kalapati ngunit kasing tatag katulad ng isang bato sa kanyang mga pasya.»

«Pupunta tayo sa Bethzur sa ating pagbabalik at pagkatapos tayo ay maghihiwalay. Kayong mga babaeng disipulo ay mananatiling kasama sina Eliza at Johanna nang mga ilang araw. Kami ay lalakad daraan ng Judea at tayo ay magtatagpo sa Herusalem para sa Pentekostes»…

Ang Kabanalbanalang Birheng Maria at si Maria, ang ina ni Judas, ay magkasama. Sila ay wala sa bahay sa bayan, bagkus sa nasa bukid na bahay. Sila ay nag-iisa. Ang mga apostol ay nasa labas kasama si Jesus, ang mga kababaihan at ang bata ay nasa loob ng magandang lootan ng mansanas at ang kanilang mga tinig ay maririnig kasama ang ingay ng pagpapalo sa mga damit sa mga pinaglalabahang tabla. Baka sila ay naglalaba habang ang bata ay naglalaro.

Ang ina ni Judas, nakaupo sa medyo malabong naiilawang silid katabi si Maria, ay nagsasalita sa Kanya: «Ang mapayapang mga araw na ito ay magiging katulad ng isang panaginip sa akin. Napakaikli! Oo, napakaikli! Alam ko na hindi tayo kailangan na maging makasarili at na tama lamang na pumunta Ka sa kaawa-awang babaeng iyon at sa marami pang ibang di-masasayang tao. Ngunit sana magagawa ko!... Sana may sobra akong oras, o sumama sa iyo!... Ngunit hindi ko magagawa. Ako ay walang ibang kamag-anak bukod sa aking anak at kailangan kong tingnan ang ari-arian ng pamilya…»

«Naiintindihan Ko… Masakit ang mawalay sa sariling anak. Tayong mga ina ay laging gustong  kasama ang ating mga anak. Ngunit ibinibigay natin sila para sa isang mas malaking dahilan, at hindi sila nawawala sa atin. Ni ang kamatayan ay hindi maaagaw ang ating mga anak sa atin, kung sila at tayo ay nasa grasya sa mga mata ng Diyos. Ngunit ang atin ay mga nasa lupa pa, kahit na kung sa kalooban ng Diyos sila ay kinuha sa ating sinapupunan upang maibigay sa mundo para sa kabutihan nito. Lagi natin silang masasamahan at kahit na ang alingawngaw ng kanilang mga gawa ay katulad ng isang haplos sa ating mga puso, sapagkat ang kanilang mga gawa ay ang halimuyak ng kanilang mga kaluluwa.»

«Ano ang Inyong Anak sa Inyo, Babae?» tanong ni Maria ni Judas sa mababang tinig.

At ang Kabanalbanalang Maria ay tumugon kaagad: «Siya ay Aking lugod.»

«Inyong lugod!!!...» at pagkatapos ang ina ni Judas ay napaiyak at ibinaba ang ulo upang itago ang mga luha. Yumuko siya nang napakababa upang halos maabot ng kanyang noo ang kanyang mga tuhod.

«Bakit ka umiiyak, Aking kaawa-awang kaibigan? Bakit? Sabihin mo sa Akin. Ako ay masaya sa Aking pagiging ina, ngunit naiintindihan Ko rin ang mga ina na hindi masaya…»

«Oo, hindi masaya! At ako ay isa sa kanila. Ang Inyong Anak ay Inyong lugod… Ang akin ay aking kapighatian. Siya man lamang ay naging ganyan. Ngayon, mula nang siya ay mapasama sa Inyong Anak, hindi ako masyadong nag-aalala. O! sa lahat na mga nagdarasal para sa Inyong banal na Anak, para sa Kanyang kabutihan at tagumpay, wala nang iba, pagkatapos Ninyo, Pinagpalang Babae, na nagdarasal nang labis katulad ng di-masayang ina na ito na nagsasalita sa Inyo… Sabihin Ninyo sa akin ang katotohanan: ano sa palagay Ninyo ang aking anak? Tayo ay dalawang ina, na magkaharap, sa pagitan natin ay naririyan ang Diyos. At tayo ay naguusap tungkol sa ating mga anak. Napakadali bagkus sa Inyo na magsalita ng tungkol ng sa Inyo. Ako… Kinakailangan kong salungatin ang aking sarili upang magsalita ng tungkol ng sa akin. Subalit, gaanong kabutihan, o gaanong kapighatian, ang maaaring dumating sa akin mula sa paguusap na ito! At kahit na kung ito ay kapighatian, ito ay lagi nang magiging kaluwagan ang pagusapan ito… Ang babaeng iyon ng Bethzur ay halos naging baliw nang mamatay ang kanyang mga anak, hindi ba? Isinusumpa ko sa Inyo, na kung minsan naisip ko at naiisip ko pa rin, tinitingnan ang aking Judas na isang magandang lalaki, malusog, matalino, ngunit siya ay hindi mabuti, hindi mabirtud, hindi matuwid sa kanyang kaluluwa, hindi matino sa kanyang mga nararamdaman, madalas kong isipin na mas gugustuhin ko pang ipagluksa siyang patay kaysa malaman ko na hindi siya ginugusto ng Diyos. Ngunit sabihin Ninyo sa akin, ano ang palagay Ninyo tungkol sa aking anak? Maging prangko. Ang katanungang ito ay matagal nang pinahihirapan ang aking puso mahigit nang isang taon. Ngunit sino ang aking tatanungin? Ang mga mamamayan? Hindi pa nila nalalaman na ang Mesiyas ay naririto na at na si Judas ay ibig sumama sa Kanya. Nalaman ko. Sinabi niya sa akin nang siya ay umuwi pagkatapos ng Paskuwa, nasisiyahan, marahas, katulad ng dati, kapag siya ay may isang biglang kapritso, at katulad ng dati, mapanuya tungkol sa payo ng kanyang ina. Ang kanyang mga kaibigan sa Herusalem? Ang isang banal na kahinahunan at isang banal na pag-asa ang nakapagpigil sa akin. Ayaw kung sabihin: “Si Judas ay sinusundan ang Mesiyas” sa mga tao na hindi ko mamamahal sapagkat sila ay lahat maliban sa mga santo. At umaasa ako na ang kapritsong ito ay mawawala, katulad ng maraming iba, katulad ng lahat sa kanila, kahit na kung ikaiyak at ikalungkot, katulad na ito ang nangyari sa kaso ng mahigit isang babae na kanyang mga niligawan dito at sa ibang lugar, ngunit hindi pinakasalan. Nalalaman ba Ninyo na may mga lugar kung saan ayaw na niyang pumunta dahil baka siya makatagpo ng karapat-dapat na kaparusahan? Ang kanya ring pagiging isang taga-Templo ay isang kapritso. Hindi niya nalalaman kung ano ang gusto niya. Hindi kailanman. Ang kanyang ama, patawarin sana siya ng Diyos, ay pinalalo siya. Hindi ako kailanman nagkaroon ng awtoridad sa dalawang lalaki sa loob ng aking bahay. Maka-iiyak lamang ako at gumawa ng pagsusulit na may lahat na klase ng panghihiya… Nang mamatay si Johanna – bagama't walang sinuman ang nagsabi sa akin, alam ko na siya ay namatay ng kasawian sa puso nang sinabi sa kanya ni Judas na ayaw niyang magpakasal, pagkatapos na maghintay siya nang buong pagkadalaga niya, samantalang nalalaman ng lahat na sa Herusalem si Judas ay nagpadala ng mga kaibigan sa isang napakayaman na babae na may pag-aari ng mga tindahan hanggang sa layo ng Cyprus upang magtanong tungkol sa kanyang anak na babae – kinailangan kong umiyak nang labis, dahil sa paninisi ng ina ng namatay na dalaga, na tila ako ay kasabuwat ng aking anak. Hindi. Hindi ako kasabuwat. Wala akong awtoridad sa kanya. Nang nakaraang taon, nang ang Guro ay pumunta rito, nabatid ko na naintindihan Niya… at magsasalita na sana ako. Ngunit iyon ay napakasakit, napakasakit para sa isang ina na sabihin: “Mag-ingat Kayo tungkol sa aking anak. Siya ay sakim, may pusong bato, mabisyo, mapagmalaki at pabagu-bago”. At iyan kung ano siya. Nagdarasal ako na ang Inyong Anak, Na gumagawa ng napakaraming himala, ay sana gumawa ng isa para kay Judas… Ngunit sabihin Ninyo sa akin, pakiusap na sabihin sa akin, ano ang Inyong palagay tungkol sa kanya?»

Si Maria, Na naging tahimik lagi, na may ekspresyon ng nakakaawang kapighatian habang pinakikinggan ang maternal na lamentasyon na hindi mapasisinungalingan ng Kanyang matuwid na kaluluwa, ay nagsabi sa mababang tinig: «kaawa-awang ina!... Ano ang sa palagay Ko? Oo, ang iyong anak ay hindi ang malinaw na kaluluwa ni Juan, o ang mapagpakumbaba ni Andres, hindi ang matatag na Mateo na ibig na magbago at nagbago… Siya ay…. Pabagu-bago, oo, siya nga. Ngunit kailangan na magdasal tayo nang mabuti para sa kanya, kapwa ikaw at Ako. Huwag umiyak. Baka ang iyong makainang pagmamahal, na ibig na maipagmalaki siya, ay nagagawa kang makita siya na mas baluktot kaysa siya nga…»

«Hindi! Hindi! Tama ang pagtingin ko at ako ay takot na takot.» Ang silid ay puno ng pag-iyak ng ina ni Judas at sa medyo madilim na liwanag ang maputing mukha ni Maria ay naging mas maputla dahil sa maternal na pagtatapat na nagpatingkad sa lahat na pagsuspetsa ng Ina ng Panginoon. Ngunit pinipigil Niya ang Kanyang Sarili. Kinuha Niya ang di-masayang ina sa Kanyang sarili at hinahaplus-haplos siya habang siya, binibitawan ang lahat na pagtitimpi, ay masakit at may-kalituhan na sinasabi kay Maria ang lahat na kagaspangan, pagkukunwari at karahasan ni Judas at siya’y naghinuha: «Ako ay napapahiya gawa niya kapag nakikita ko na ako ang pinatutungkulan ng mapagmahal na atensiyon ng Inyong Anak! Hindi ko Siya natanong. Ngunit natitiyak ko na bukod sa ginagawa iyon dala ng kabaitan, ibig Niyang sabihin kay Judas sa pamamagitan ng Kanyang mapagmahal na atensiyon: “Tandaan na ganito dapat ang isang ina tatratuhin”. Ngayon, pansamantala siya ay tila lumalabas na mabuti… O! Kung ito lamang ay totoo! Tulungan Ninyo ako, tulungan Ninyo ako sa pamamagitan ng Inyong mga dasal, Kayo ay banal, upang ang aking anak ay hindi sana maging di-karapat-dapat ng grasya na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya! Kung ayaw niya akong mahalin, kung hindi siya maaaring maging mapagpasalamat sa akin, na nagluwal sa kanya at nagpalaki sa kanya, hindi na bale. Ngunit gawin siyang totoong mahalin niya si Jesus; gawin siyang paglingkuran niya Siya nang may katapatan at pagpapasalamat. Ngunit kung iyan ay hindi maaari kung gayon… bawiin sana ng Diyos ang kanyang buhay. Mas gugustuhin ko pa siya sa loob ng isang sepulkro… sa wakas mapapasaakin siya sapagkat mula nang marating niya ang edad ng pangangatwiran halos hindi siya naging akin. Mas mabuti na ang patay kaysa sa masamang apostol. Makapagdarasal ba ako nang ganyan? Anong masasabi Ninyo?»

«Manalangin sa Panginoon na sana gawin Niya kung ano ang pinakamabuti. Huwag ka nang umiyak. Nakakita na Ako ng mga puta at mga Hentil sa paanan ng Aking Anak, at mga publikano at mga makasalanan kasama nila. Lahat sila ay naging mga kordero sa pamamagitan ng Kanyang Grasya. Umasa, Maria, umasa. Ang mga kapighatian ng mga ina ay naililigtas ang kanilang mga anak, hindi mo ba nalalaman iyan?...»

At ang lahat ay nagtatapos sa nakakaawang tanong na iyon.

150211

 



Sunod na kabanata