22. Sina Maria at Elizabeth Nagsasalita Tungkol sa Kanilang mga Anak.

Abril 2, 1944.

¹Ngayon ay umaga. Nakikita ko si Maria nananahi, nakaupo sa silid sa unang palapag. Si Elizabeth ay paparoo’t parito, abalá sa gawaing bahay. At kapag napapapunta siya sa silid ni Maria, hindi siya kailanman nakakalimot na lumapit at haplusin ang Kanyang ulo, na nagmumukha pang mas maliwanag sa kung baga madilim na mga pader at sa loob ng magandang mga sinag ng araw na pumapasok sa pamamagitan ng pintuan na nagbubukas patungo sa hardin.

Si Elizabeth ay yumuyuko upang tingnan ang ginagawa ni Maria – ang pagbuburdang ginagawa Niya sa Nazareth – at hinahangaan niya ang kagandahan nito.

«Para sa Anak Mo?»

«Hindi. Mayroon na Ako nito noong hindi Ko man lamang naisip...» Wala nang sinasabi pang iba si Maria. Ngunit naintindihan ko: «...noong hindi Ko man lamang naisip na Ako ang magiging Ina ng Diyos.»

«Ngunit ngayon kakailanganin Mong gamitin iyan para sa Kanya. Maganda ba iyon? Pino ba? Ang mga bata, alam Mo, ay nangangailangan ng napakalambot na materyal.»

«Alam Ko.»

«Nakapagsimula na ako... Hulí na, sapagkat gusto kong makatiyak na iyon ay hindi isang panloloko ng Kasamaan na Isang iyon. Bagamat... naramdaman ko ang isang lugod na iyon sa loob ko, na hindi posibleng manggaling iyon kay Satanas. Pagkatapos... naghirap ako nang labis. Matanda na ako, Maria, talagang matanda, upang mapunta sa kalagayang ito. ²Naghirap ako nang labis. Hindi Ka ba naghihirap...»

«Hindi. Hindi Ako naghihirap. Hindi pa Ako kailanman naging napakabuti.»

«Siyanga naman. Tamang-tama. Sa Iyo... walang batik sa Iyo, dahil pinili Ka ng Diyos para sa Kanyang Ina. At iyan kung bakit hindi Ka nakapailalim sa mga paghihirap ni Eba. Ang Isang dinadala Mo ay banal.»

«Ang Aking pakiramdam parang may pakpak Ako sa Aking puso at hindi isang pabigat. Tila nasa Akin ang lahat na mga bulaklak at ang lahat na mga ibon na umaawit sa panahon ng tagsibol, at ang lahat na pulot-pukyutan at lahat na sinag ng araw... O! Masayang-masaya Ako!»

«Pinagpalang Maria! Ni ako ay hindi na makaramdam ng kahit na anong pabigat, kapaguran o kirot, mula noong makita Kita. Ako ay tila bago, bata, napalaya mula sa mga dalahin ng laman ng babae. Ang aking sanggol, pagkaraan na lumuksong masaya sa tunog ng Iyong tinig, ay tahimik na ngayon sa kanyang lugod. At tila nasa akin siya, sa loob ko, katulad ng sa loob ng isang buháy na kuna, at nakikita ko siyang natutulog nang kontento at masaya, humihingang katulad ng isang maliit na ibon sa ilalim ng pakpak ng kanyang ina... magsisimula na ako ngayong magtrabaho. Hindi na siya magiging isang bigat, hindi ako makakita nang mabuti, ngunit...»

«Hindi na bale, Elizabeth. Ako na ang bahala sa pag-iikid at paghahabi para sa iyo at para sa iyong sanggol. Mabilis Ako at ang Aking paningin ay napakalinaw.»

«Ngunit kinakailangan Mong asikasuhin ang Iyong...»

«O! Napakarami pang oras!... ³Una aalagaan kita, dahil malapit na malapit nang dumating  ang iyong sanggol, at pagkatapos aasikasuhin Ko ang Aking Jesus.»

Wala sa abot ng pantaong posibilidad na masabi ko sa inyo kung gaano katamis ang ekspresyon at tinig ni Maria, gaano kaningning ang Kanyang mga mata na may matatamis na masasayang luha, at  kung papaano Siya ngumingiti sa pagbigkas ng Pangalan na iyon, nakatingin sa maliwanag na asul na kalangitan. Tila Siya nakikipagtalik sa labis na kaligayahan sa simpleng pagsasabing: «Jesus».

Si Elizabeth ay bumulalas: «Anong gandang pangalan! Ang pangalan ng Anak ng Diyos, ng Ating Tagapagtubos!»

«O! Elizabeth!» Si Maria ay naging malungkot at hinawakan Niya ang mga kamay ng Kanyang kamag-anak na nailagay sa ibabaw ng kanyang lumaking tiyan. «Sabihin sa Akin, dahil pinaliwanagan ka ng Espiritu ng Panginoon, noong dumating Ako rito, at nagsalita ka ng kung ano ang hindi nalalaman ng mundo, sabihin sa Akin: ano ang ipaghihirap ng Aking Sanggol upang mailigtas ang mundo? Ang mga Propeta... O! Ano ang sinasabi ng mga Propeta tungkol sa Tagapagligtas? Si Isaiah... Naaalaala mo ba si Isaiah? “Siya ay ang Tao Na tigib ng mga kapighatian. Sa pamamagitan ng Kanyang mga sugat tayo ay mapagagaling. Siya ay tinusok gawa ng ating mga pagkukulang, dinurog para sa ating mga kasalanan. Si Yahweh ay nasiyahan na durugin Siya sa pamamagitan ng paghihirap. Pagkatapos na masentensiyahan Siya ay itinaas...” Ano ang pagtaas na tinutukoy niya? Tinatawag nila Siya ang Kordero at hindi Ko maiwasan na isipin ang tungkol sa kordero ng Paskuwa, ng kordero ni Moses, at iugnay ito sa serpiyente na itinaas ni Moses sa isang krus. Elizabeth!... Elizabeth!... Ano ang kanilang gagawin sa Aking Sanggol? Ano ang kailangan Niyang ipaghirap upang mailigtas ang mundo?» Si Maria ay umiiyak.

⁴Si Elizabeth ay pinagiginhawahan Siya. «Maria, huwag umiyak. Siya ay Iyong Anak, ngunit Siya rin ay ang Anak ng Diyos. Ang Diyos ang mangangalaga sa Kanyang Anak, at pangangalagaan Ka Niya, Kanyang Ina. At kung napakarami ang magiging malupit sa Kanya, napakarami ang magmamahal sa Kanya. Napakarami!... Sa magpakailanpaman.  Ang mundo ay titingnan ang Iyong Anak at pagpapalain Ka kasama Niya. Pagpapalain Ka nila, dahil Ikaw ang Bukal mula kung saan ang panunubos ay lalabas. Ang kapalaran ng Iyong Anak! Itataas Siya sa ranggo ng Hari ng buong sangnilikha, Isipin na lamang iyan, Maria. Hari, sapagkat tutubusin Niya ang buong sangnilikha, at bilang ganyan, Siya ay magiging pansansinukuban na Hari. At mamahalin din Siya sa mundo, sa buong panahon ng buhay nito. ⁵Ang aking anak ay mauuna sa Anak Mo at mamahalin Siya. Sinabi ng anghel kay Zachariah. At sinulat niya iyon para sa akin. Gaano kasakit na makita siyang di-makapagsalita, ang aking Zachariah! Ngunit umaasa ako na kapag ang bata ay maipanganak na ang ama rin ay mapapalaya mula sa kaparusahan niya. Magdarasal Ka rin ba, dahil Ikaw ang Luklukan ng Kapangyarihan ng Diyos at ang Dahilan ng kasiyahan sa mundo. Upang kamtin ang grasyang ito ginagawa ko ang aking mga alay sa Panginoon, hangga't sa magagawa ko. Hinahandog ko ang aking sanggol: sapagkat ito ay pag-aari Niya, dahil pinahiram Niya ito sa Kanyang lingkod upang maipagkaloob sa kanya ang lugod ng pagiging tinatawag na “inay”. Ito ay ang testimonya ng kung ano ang ginawa ng Diyos para sa akin. Gusto ko na ang kanyang pangalan ay “Juan”. Hindi ba’t ang aking anak ay isang grasya? At hindi ba’t pinagkaloob ito sa akin ng Diyos?»

«At ang Diyos, natitiyak Ko, ay ipagkakaloob sa iyo ang grasya. Magdadasal Ako... kasabay mo.»

«Naghihirap ako nang labis nakikita siyang pipi!...» Si Elizabeth ay umiiyak. Kapag siya ay nagsusulat, dahil hindi na nga siya makapagsalita sa akin, tila mga bundok at mga karagatan ang nasa pagitan ko at ng aking Zachariah. Pagkatapos ng napakaraming mga taon ng matatamis na paguusap, ngayon ay walang iba bagkus katahimikan mula sa kanyang bunganga. At lalo na ngayon, kung kailan napakaganda sanang mag-usap tungkol sa kung sino ang darating. Nagpipigil nga akong magsalita upang maiwasan na makita siyang nagpapakahirap sa pagtugon sa akin sa pamamagitan ng mga senyas. Umiyak na ako nang labis! Gaano akong naghintay para sa Iyo! Ang mga tao sa nayon ay nagbabantay, nagsasalita at namimintas. Ganyan ang mundo. Ngunit kapag ang isa ay may isang kirot o isang lugod, ang isa ay kailangan na unawain, hindi pintasan. Ngunit ngayon ang aking buhay ay tila ganap nang gumanda. Nararamdaman ko ang isang lugod sa loob ko mula nang dumating Ka. Nararamdaman ko na ang aking pagsubok ay malapit nang matapos at malapit na akong maging ganap na masaya. Tama ako, hindi ba? Tinatanggap ko na ang lahat. Ngunit kung patatawarin lamang ng Diyos ang aking asawa! Kung maririnig ko lamang siyang magdasal muli!»

⁶Si Maria ay hinahaplos at pinagiginhawahan siya at upang maibaling ang kanyang atensiyon, inanyayahan Niya siyang maglakad-lakad nang kaunti sa maaraw na hardin.

Naglalakad sila sa ilalim ng mabuting-naaalagaang balag, hanggang sa layo man lamang ng isang maliit na pangkabukirang tore, sa loob ng mga butas nito kung saan ang mga kalapati ay nakapugad.

Si Maria ay nagkakalat ng mga patuka sa ibon tumatawa, sapagkat ang mga kalapati ay nag-uunahan patungo sa Kanya, humuhuni nang malakas at ikinakawag nang maingay ang kanilang mga pakpak, gumagawa ng nagbabalangaw na mga siklo sa paligid Niya. Humahapon sila sa Kanyang ulo, mga balikat, mga braso at sa Kanyang mga kamay, mayuming tinutukâ ang malarosas na mga labì ng Birhen at ang Kanyang mga ngipin na nagniningning sa araw. Kinukuha ni Maria ang ginintuang mga butil mula sa isang sako at tumatawa Siya sa gitna ng torneong iyon ng mapanghimasok na katakawan.

«Gaano Ka nila nagugustuhan!» pagpuna ni Elizabeth. «Napapunta Ka pa lamang dito nang kaunting mga araw at mas mahal Ka na nila nang higit pa sa Akin, bagamat ako lagi ang nangangalaga sa kanila.»

Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang narating nila ang isang bakuran, sa dulo ng taniman ng mga punungkahoy, kung saan may mga dalawampung kambing ang naroroon kasama ang kanilang mga anak.

«Nanggaling ka ba sa pastulan?» tinatanong ni Maria ang isang maliit na pastol, hinahaplos siya.

«Oo, sapagkat sinabi sa akin ng aking ama: “umuwi ka sapagkat uulan malapit na at may ilang mga tupa na manganganak. Tiyakin na sila ay may tuyong yerba at mga dayami”.  Ayón siya, parating.» At tinuturo niya ang kakahuyan, mula kung saan patuloy na maririnig ang nanginginig na paghuni.

Hinahaplos ni Maria ang isang maliit na bisirong kambing, kasing ganda ng isang sanggol, na kinukuskos ang sarili sa Kanya, at kasabay si Elizabeth iniinom Niya ang ilang bagong gatas na inalok sa kanila ng maliit na pastol.

Pagkatapos ang mga tupa ay dumating pinangungunahan ng isang pastol na kasing mabuhok katulad ng isang oso. Ngunit siya ay halatang isang mabuting tao sapagkat may dala siya sa kanyang mga balikat ng isang umuungol na tupa. Binaba niya ito ng dahan-dahan at siya ay nagpapaliwanag: «Malapit na siyang manganak. Nakapaglalakad siya nang may kahirapan lamang. Kinarga ko siya at nagmadali hanggang dito upang makarating sa tamang oras.» Ang tupa, umiikâ nang nasasaktan, ay pinasusunod ng batang lalaki patungo sa kulungan.

Si Maria ay nakaupo sa ibabaw ng isang bato at nakikipaglaro sa maliit na bisirong kambing at sa mga kordero, nag-aalok ng mga bulaklak ng klabel sa kanilang maririkit na malarosas na maliliit na mukha. Ang isang bisiro na kulay puti at itim ay ipinatong ang maliliit na paa nito sa Kanyang balikat at inaamoy ang Kanyang buhok. «Iyan ay hindi tinapay» sabi ni Maria tumatawa. «Magdadala Ako sa iyo ng ilang maliliit na piraso bukas. Maging mabait, ngayon.»

Sa muli masayahin, si Elizabeth ay tumatawa rin.

                                                                 ------------------------------------

⁷Nakikita ko si Maria na nag-iikid nang napakabilis sa ilalim ng balag, kung saan palaki na nang palaki ang mga ubas. Maaaring mga ilang araw ang nakaraan sapagkat ang mga mansanas ay nagsisimula nang mamula sa mga púno at ang mga pukyutan ay humuhugong malapit sa mga bulaklak ng igos na magulang na.

Si Elizabeth ay ngayon malaking-malaki na ang tiyan, at siya ay naglalakad nang nabibigatan. Si Maria ay tinitingnan siya nang mabuti at mapagmahal. Ang panabi ng tiyan din ni Maria ay lumalabas na mas bilugan noong tumayo Siya upang pulutin ang ikiran na nahulog malayo sa Kanya. Ang ekspresyon sa Kanyang mukha ay nagbago. Ito ay mas magulang; dati Siya ay isang bata, ngayon Siya ay isa nang ganap na babae.

Ang mga babae ay pumasok sa bahay sapagkat ngayon ay dumidilim na, at ang mga lampara ay sinindihan sa silid. Habang hinihintay ang hapunan, si Maria ay nagsimulang maghabi.

«Hindi Ka ba kailanman pinapagod niyan?» tanong ni Elizabeth, tinuturo ang habihan.

«Hindi, makatitiyak ka tungkol diyan.»

«Ako ay hinahapo ng init na ito. Hindi na ako naghirap pang muli, ngunit ngayon ang dálahin ay napakabigat para sa aking matandang mga atay.»

«Laksan mo ang loob mo. Malapit ka nang makalaya. Gaano ka magiging masaya pagkatapos. Gustung-gusto Kong maging isang ina. ⁸Ang Aking Sanggol! Ang Aking Jesus! Ano ang magiging hitsura Niya?»

«Kasing ganda Mo, Maria.»

«O hindi! Mas maganda pa! Siya ay Diyos. Ako ang Kanyang katulong-na-babae. Ang ibig Kong sabihin ay, magiging maputi ba Siya o maitim? Ang Kanya bang mga mata ay magiging katulad ng isang maliwanag na kalangitan, o katulad ng mga mata ng isang usa sa isang bundok? Naiimahina Ko Siyang mas maganda pa sa isang kerubin, na may kulay-gintong kulot na buhok, ang Kanyang mga mata ang kulay katulad ng Dagat ng Galilee kapag ang mga bituin ay nagsisimula nang sumilip sa orisonte, ang Kanyang munting maliit na bunganga kasing pula ng isang granada na pumuputok kapag nahinog ito sa araw, at ang Kanyang mga pisngi kasing rosas ng maputlang rosas na ito, may dalawang maliliit na kamay na maipapasok sa hungkag ng isang liryo, napakaliit at mumunti nila, at dalawang munting mga paa na mahahawakan Ko sa hungkag ng Aking kamay, napakalambot at napakakinis, mahigit pa kaysa sa petalo ng isang bulaklak. Kita mo. Ang idea na nabuo Ko tungkol sa Kanya ay galing sa lahat na magagandang bagay na minumungkahi sa Akin ng kalikasan. At naririnig Ko ang Kanyang tinig. Kapag Siya ay umiyak – sapagkat ang Aking Sanggol ay iiyak nang kaunti kapag Siya ay nagugutom o inaantok, at ito ay laging magiging malaking kirot para sa Kanyang Inay na ang Kaninong puso ay matutusok sa tuwing mapapakinggan Niya Siyang umiiyak – kapag Siya ay umiyak, ang Kanyang tinig ay magiging katulad ng paghuni na ngayon ay nanggagaling sa isang maliit na kordero, mga ilang oras pa lamang ang gulang, kapag hinahanap nito ang dibdib ng kanyang ina, at ang kanyang mainit na maternal na mga balahibo upang matulog. Kapag Siya ay tumawa – at ang Aking puso na umiibig sa Aking Sanggol ay diyan mapupuno ng Langit, dahil maaari Akong umibig sa Kanya, sapagkat Siya ay Aking Diyos, at ito ay hindi magiging laban sa Aking konsagradong pagka-birhen na mahalin Siya bilang isang mangingibig – ang Kanyang tinig kapag Siya ay tumawa ay magiging katulad ng masayang paghuni ng isang masayang maliit na kalapati na busog at kontento sa mainit na maliit na pugad nito. At iniisip Ko Siya kapag ginagawa Niya ang Kanyang unang mga hakbang... isang maliit na ibon na palukso-lukso sa isang mabulaklak na parang. Ang parang ay magiging ang puso ng Kanyang Ina, ito ay ilalatag sa ilalim ng Kanyang munting rosas na mga paa kasama ang lahat ng Kanyang pagmamahal, upang hindi sana Siya makatapak ng kahit anong makapananakit sa Kanya. O, gaano Ko mamahalin ang Aking Sanggol! Ang Aking Anak! ⁹Siya ay mamahalin din ni Jose.»

«Ngunit kakailanganin Mong sabihan si Jose.»

Ang mukha ni Maria ay nandilim, at Siya ay nagbuntung-hininga. «Oo, kakailanganin Kong masabihan siya... Sana sabihan siya ng Langit, sapagkat napakahirap na magsabi.»

«Sasabihin ko ba sa kanya? Pasasabihan natin siyang pumarito para sa sirkunsisyon ni Juan...»

«Hindi. Ipinaubaya Ko sa Diyos ang gawain na paalamin siya tungkol sa kanyang masayang kapalaran ng pagiging ang kikilalaning ama ng Anak ng Diyos, at gagawin Niya ito. Ang Espiritu ay nagsabi sa Akin noong gabing iyon: “Manahimik. Ipagkatiwala sa Akin ang gawain na pangatwiranan Ka”. At gagawin Niya iyan. Ang Diyos kailanman ay hindi nagsisinungaling. Ito ay isang malaking pagsubok, ngunit sa tulong ng Eternal na Ama, ito ay malalampasan. Walang sinuman ang dapat na makaalam mula sa Aking bunganga kung ano ang ginawa ng kabutihan ng Panginoon. Tiyak na ikaw ay maliban dito, sapagkat ang Espiritu ay binunyag ito sa iyo.»

«Wala akong sinabihan na sinuman tungkol dito, ni kahit si Zachariah na naging napakasaya sana. Akala niya Ikaw ay isang ina ayon sa kalikasan.»

«Alam Ko. At naipasya Ko iyan dala ng kahinahunan. Ang mga lihim ng Diyos ay banal. Ang anghel ng Panginoon ay hindi binunyag ang Aking dibinong maternidad kay Zachariah. Ginawa sana niya ito, kung ito ang ginusto ng Diyos, sapagkat alam ng Diyos na ang panahon para sa Engkarnasyon ng Kanyang Salita sa Akin ay nalalapit na. Ngunit itinago ng Diyos ang malugod na liwanag na ito kay Zachariah, na tinanggihan ang iyong huli-nang maternidad bilang isang bagay na imposible. Ako ay sumang-ayon sa kalooban ng Diyos, katulad ng iyong nakita. Naramdaman mo ang lihim na namumuhay sa loob Ko. Wala siyang naramdaman na kahit ano. Hanggat hindi bumabagsak sa harapan ng kapangyarihan ng Diyos ang tabing ng kanyang di-paniniwala, mananatili siyang nakahiwalay mula sa sobrenatural na mga liwanag.»

Si Elizabeth ay nagbubuntung-hininga at naging tahimik.

¹⁰Si Zachariah ay pumasok. Nagbibigay siya ng ilang mga rolyo ng pergamino kay Maria. Iyon ay ang oras ng pananalangin bago ang hapunan. Si Maria ay nagdarasal sa malakas na tinig sa katayuan ni Zachariah. Pagkatapos naupo sila sa mesa.

«Kapag Ikaw ay wala na sa amin, gaano kami manghihinayang na wala nang magdarasal para sa amin» sabi ni Elizabeth, tinitingnan ang kanyang piping asawa.

«Ikaw ang magdarasal kung gayon, Zachariah» sabi ni Maria.

Iniiling niya ang kanyang ulo at siya ay nagsusulat: «Hindi na ako muli makapagdarasal para sa ibang mga tao. Ako ay naging di-karapat-dapat noong pinagdudahan ko ang Aking Diyos.»

«Zachariah, ikaw ay magdarasal. Ang Diyos ay nagpapatawad.»

Ang matanda ay pinupunas ang isang luha at nagbubuntung-hininga.

Pagkaraan ng hapunan, si Maria ay bumalik sa habihan.

«Tana na iyan!» sabi ni Elizabeth.  «Mapapagod Ka nang husto.»

«Ang oras mo ay lumalapit, Elizabeth. Gusto Kong maghanda para sa iyong sanggol ng mga damit na karapat-dapat sa kanya na mauuna sa Hari ng Sambahayan ni David.»

Si Zachariah ay nagsusulat: «Kanino Siya ipanganganak? At saan?

Si Maria ay tumugon: «Kung saan sinabi ng mga Propeta, at sa sinuman na pipiliin ng Eternal na Ama. Anuman ang gawin ng ating Kataastaasang Panginoon, ay mabuting magagawa.»

Si Zachariah ay nagsusulat: «Bueno, sa Bethlehem kung gayon! Sa Judah. Pupunta tayo at sasambahin Siya, babae. At pupunta Ka rin sa Bethlehem, kasama si Jose.»

At si Maria, niyuyuko ang Kanyang ulo sa habihan ay nagsabi: «Ako ay pupunta.»

Ang bisyon ay nagtatapos nang gayon.

                                                                 ----------------------------------

mary sinab

¹¹Sinasabi ni Maria:

«Ang unang karidad patungo sa ating mga kapwa ay kailangan na ipilit patungo sa ating mga kapwa. Ito ay hindi kailangan na maging tila patudyo sa inyo. Nariyan ang karidad patungo sa Diyos at ang karidad patungo sa ating mga kapwa. Ang karidad patungo sa ating mga kapwa ay kasama rin ang karidad patungo sa ating mga sarili. Ngunit kung mahal natin ang ating mga sarili nang higit pa sa ating mga kapwa, tayo ay hindi na nagiging mapagkawanggawa, tayo ay makasarili. Sa legal na mga bagay din, tayo ay kailangan na maging napakabanal na lagi nating binibigyan ng prayoridad ang mga pangangailangan ng ating kapwa. Matiyak kayo, Aking mga anak, na ang Diyos ay naglalaan para sa mapagbigay sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan at ng Kanyang kagandahang-loob.

¹²Iyon ay ang katiyakan na ito na siyang nagdala sa Akin sa Hebron upang tulungan ang Aking kamag-anak sa kanyang kalagayan. At sa Aking pananabik na makatulong, ang Diyos, Na nagbibigay nang mahigit pa sa sukat na siyang kinagawian Niya,  ay nagdagdag ng isang di-inaasahang regalong tulong na sobrenatural. Ako ay lumakad upang magbigay ng materyal na tulong at pinabanal ng Diyos ang Aking mabuting intensiyon sa pagpapabanal, sa pamamagitan nito, sa bunga ng sinapupunan ni Elizabeth, at sa pamamagitan ng pagpapabanal na iyan, na sa pamamagitan nito si Juan Bautista ay napabanal bago-pa-man, napaginhawahan Niya ang kirot na pisikal ng nakatatandang anak na babae ni Eba, na nagbuntis sa isang pambihirang edad.

Si Elizabeth, isang babae na may pananampalatayang walang kinatatakutan at may makumpiyansang pagpapailalim sa kalooban ng Diyos, ay naging karapat-dapat na maintindihan ang misteryo na nakapaloob sa Akin. Ang Espiritu ay nagsalita sa kanya sa pamamagitan ng pagtalun-talon sa loob ng kanyang sinapupunan. Si Juan Bautista ay binigkas ang kanyang unang talumpati, bilang ang Tagapagbalita ng Salita, sa pamamagitan ng mga belo at ng mga diyapragma ng mga belo at ng laman na naghihiwalay at nagsasama rin sa kanyang banal na ina.

Ni hindi Ko rin itinanggi ang Aking karapatan ng pagiging ang Ina ng Panginoon, sapagkat karapat-dapat siya ng impormasyon at ang Liwanag ay ibinunyag ang Sarili Nito Mismo sa kanya. Ang tanggihan ito ay nangahulugan sana na itanggi sa Diyos ang papuring makatarungan na maibigay sa Kanya, ang papuri na tinataglay Ko sa loob Ko, at na, sa dahilan na hindi Ko masabi sa kahit sino, inuulit Ko sa mga yerba, sa mga bulaklak, sa mga bituin, sa araw, sa umaawit na mga ibon at sa matiyagang mga tupa, sa bumubulukbok na mga tubig, sa ginintuang liwanag na humahalik sa Akin bumababa mula sa Langit. Ngunit mas matamis na magdasal nang magkakasama kaysa sabihin ang ating mga panalangin nang tayo lang mismo. Gusto Ko sanang malaman ng lahat ng mundo ang Aking kapalaran, hindi para sa Aking sariling kapakanan, bagkus upang samahan sana nila Ako sa pagpupuri sa Aking Panginoon.

Ang kahinahunan ay pinigilan Akong ibunyag ang katotohanan kay Zachariah. Iyan ay nangahulugan sana ng pakikialam sa gawain ng Diyos. At kung Ako ay Kanyang Esposa at Ina, Ako ay Kanyang lingkod pa rin. At hindi Ako makapangangahas na palitan Siya at higitan Siya sa isang dekreto, sa simpleng dahilan na minahal Niya Ako nang higit sa sukat.

Si Elizabeth sa kanyang kabanalan ay nakaintindi, at siya ay tahimik. Habang tayo ay mas tumatanggap mula sa Kanya, mas lalo tayong dapat na magbigay. Sapagkat habang mas tumatanggap tayo, mas lalong kitang-kita na Siya ay kasama natin at nasa loob natin. At habang Siya ay mas nakakasama natin at nasa loob natin, mas lalo tayong dapat na magsikap na maabot ang Kanyang perpeksiyon.

Iyan kung bakit nagtrabaho Ako para kay Elizabeth, pinagpapaliban ang Aking sariling gawain. Hindi Ako natakot na mawawalan Ako ng panahon. Ang Diyos ang panginoon ng panahon. Naglalaan Siya para sa umaasa sa Kanya, sa normal na mga bagay din. Ang pagkamakasarili ay hindi nagpapabilis sa mga bagay, nagpapaantala ito sa kanila. Ang Karidad ay hindi nag-aantala, nagpapabilis ito. Laging itanim iyan sa isip.

¹⁴Gaanong kapayapaan ang naroroon sa bahay ni Elizabeth! Kung Ako ay hindi nag-aalala tungkol kay Jose at... at sa Aking Sanggol, Na siyang ang Tagapagtubos ng mundo, naging masaya sana Ako. Ngunit ang anino ng krus ay nagpápadama na sa Aking buhay at naririnig Ko ang mga tinig ng mga Propeta katulad ng isang agunyas...

Ang Aking pangalan ay Maria. Ang pait ay laging kahalo sa tamis na binubuhos ng Diyos sa Aking puso. At ito ay palaki na nang palaki hanggang sa kamatayan ng Aking Anak. Ngunit kapag ang Diyos ay tinatawag tayo, Maria, sa kapalaran ng mga biktima para sa Kanyang kaluwalhatian, o! matamis na durugin katulad ng butil sa gilingan, upang ang ating kirot ay maging isang tinapay na makapagpapalakas sa mahihina at magawa silang maabot nila ang Langit!

Ngayon, ito ay sapat na. Ikaw ay pagod at masaya. Magpahinga na ngayon kasama ang Aking pagpapalà.»

 (103) 170610/030713/032913

Sunod na kabanata.