225. Ang Paralitiko sa Sanaw ng Bethzatha.

Hulyo 21, 1945.

Si Jesus ay nasa Herusalem, sa katunayan malapit-na-malapit sa Antonia. Ang lahat na apostol ay kasama Niya, maliban sa Iskariote. Maraming tao ang nagmamadali patungo sa Templo. Lahat sila ay nakasuot ng kanilang pinakamagandang kasuotan, kapwa ang mga apostol at ang mga peregrino, at kung gayon sa palagay ko ngayon ay ang Pentekostes. Kasama ng mga tao ay maraming mga pulubi, nakakaawang dumadaing tungkol sa kanilang mga paghihirap at patungo sila sa pinakamagandang mga lugar para makakuha ng mga limos malapit sa mga geyt ng Templo, o sa mga sangandaan mula kung saan ang mga tao ay nagtutungo sa Templo. Si Jesus, habang nagdaraan, ay namimigay ng mga limos sa mga pulubi, na metikulosong binabanggit ang bawat detalye ng kanilang paghihirap.

Nasa aking pag-unawa na si Jesus ay nanggaling na sa Templo, dahil napapakinggan ko ang mga apostol na nagbabanggit tungkol kay Gamaliel, na nagkukunwaring hindi niya sila nakikita, bagama't si Stephen, isa sa kanyang mga mag-aaral, ay itinuro sa kanya si Jesus.

Naririnig ko rin si Bartolomeo na tinatanong ang kanyang mga kasama: «Ano ang ibig sabihin ng eskribang iyon sa pagsasabing: “Isang kawan ng mga kambing para sa bahay-katayan”?»

«Baka nagsasalita siya tungkol sa kanyang sariling negosyo» tugon ni Tomas.

«Hindi. Itinuturo niya tayo. Nakita ko siya nang malinaw. Maging ano pa man ang kanyang unang pangungusap ay nagpapatotoo sa kanyang naunang wika. Sinabi niya na may panunuya: “Bago magtagal pati ang Kordero ay magiging handa na upang gupitan at katayin”.»

«Oo, napakinggan ko rin siya» patotoo ni Andres.

«Siyempre! Gustung-gusto kong bumalik upang tanungin ang kasamahan ng eskriba kung ano ang kanyang nalalaman tungkol kay Judas ni Simon» sabi ni Pedro.

«Wala siyang nalalaman! Sa ngayon si Judas ay wala rito dahil siya ay totoong may sakit. Alam natin iyan nang tiyak. Baka siya ay totoong naghirap nang labis sa paglalakbay na ginawa natin Mas matigas tayo. Siya ay laging namumuhay dito sa kaginhawahan at madali siyang mapagod.» tugon ni Santiago ni Alfeo.

«Oo, alam natin. Ngunit ang eskribang iyon ay nagsabi: “Ang hunyango ay nawawala sa grupo”. Hindi ba’t ang isang hunyango ay nagbabago ang kulay anong oras man ang gustuhin niya?» tanong ni Pedro.

«Oo, Simon. Ngunit tiyak na ang ibig nilang tukuyin ay ang kanyang mga damit, na laging bago. Siya ay ipinagmamalaki ang kanyang mga damit. Siya ay bata pa at kailangan na pagpasyensiyahan natin siya…» wika ng Zealot upang maipagkasundo sila.

«Totoo rin iyan. Ngunit!... Anong kakaibang pagsasalarawan!» hinuha ni Pedro.

«Iyan ay eternal na nananakot» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Ang problema ay na alam natin na tayo ay tinatakot subalit posibleng imahinasyon na mga pananakot lang din kung saan wala naman…» pagtukoy ni Judas Tadeo.

«Siyempre! Ang pagsuspetsa ay hindi maganda… Kumusta na kaya si Judas ngayon? Pansamantala kinalulugdan niya ang paraisong iyon at ang mga anghel na iyon… Walang anuman sa akin na magkasakit mismo, upang kalugdan ang mga magagandang iyon!» sabi ni Pedro, kung saan nagdagdag si Bartolomeo: «Umasa tayo na gumaling siya kaagad. Kailangan na matapos natin ang ating paglalakbay, dahil ang mainit na panahon ay nalalapit na.»

«O! Mabuti siyang naaasikaso, ano pa man ang kaso… Ang Guro ay titingnan ito, kung kinakailangan» pagtitiyak ni Andres.

«Mataas ang kanyang lagnat nang iwanan natin siya. Hindi ko alam kung papaano niya nakuha iyon, kung kaya’t…» sabi ni Santiago ni Zebedeo. Si Mateo ay tumugon sa kanya: «Tiyak na nakukuha iyan ng lahat! Ang mga problema ay dumarating na lamang. Ngunit iyon ay hindi malubha. Ang Guro ay hindi nag-aalala tungkol diyan. Kung nakinikinita Niya na iyon ay maaaring lumala, hindi Niya iiwanan ang kastilyo ni Johanna.»

Si Jesus sa katunayan ay hindi man lamang nag-aalala. Siya ay nagsasalita kay Marjiam at kay Juan, naglalakad sa unahan ng lahat at nagbibigay ng mga limos. Siya ay kitang-kita na may ipinakikita at ipinaliliwanag na maraming mga bagay sa bata sapagkat nakikita ko Siya na may itinuturo rito at doon. Siya ay patungo sa dulo ng mga pader ng Templo, pagawing sulok ng hilagang-silangan. Maraming tao ang ibig pumunta sa isang lugar kung saan may ilan na mga beranda sa malapit sa geyt, na aking napapakinggan na tinatawag «Sheep Gate».

«Ito ay ang Probatica, ang sanaw ng Bethzatha. Ngayon tingnan nang mabuti ang tubig. Kita mo kung gaano kawalang-galaw iyan? Sa maikling sandali makikita mo na iyan ay gagalaw, tataas, aabot hanggang sa may basang markang iyon. Nakikita mo ba ito? Iyan ay ang anghel ng Panginoon na bumababa, ang tubig ay mararamdaman siya at pagpipitagan siya sa pinakamaganda nang magagawa nito. Dinadala ng anghel ang utos sa tubig na pagalingin ang tao na nakahanda nang tumalon dito. Nakikita mo ba ang pulutong? Ngunit ang mga isip ng marami ay madaling lumakbay kung kaya’t hindi nila nakikita ang unang galaw ng tubig; o ang mas malalakas ay walang-karidad na itinutulak nila ang mahihina sa tabi. Ang isa ay hindi kailanman dapat na alisin ang kanyang atensiyon sa presensya ng mga tanda ng Diyos. Kailangan natin na tiyakin na ang ating mga kaluluwa ay laging nakabantay, sapagkat hindi natin nalalaman kung kailangan ipakikita ng Diyos ang Kanyang Sarili o ipadadala ang Kanyang Anghel. At hindi tayo kailanman dapat maging makasarili, kahit na para sa pangkalusugan na mga dahilan. Madalas ang di-masasayang tao na ito ay nawawala sa kanila ang benepisyo ng pagdalaw ng Anghel, sapagkat nag-aaksaya sila ng panahon sa pag-aaway-away tungkol sa kung sino na ang susunod o kung sino ang higit na nangangailangan» si Jesus ay matiyagang nagpapaliwanag kay Marjiam, na tumitingin sa Kanya na may maasikasong tingin, kasabay na tinitingnan ang tubig.

«Makikita ba ng isa ang Anghel? Ibig kong makakita.»

«Si Levi, isang pastol, nang siya ay kaedad mo, nakita siya. Kailangan na tumingin ka rin nang mabuti, at maging handa na purihin siya.»

Ang isip ng bata ay hindi na napapapunta kung saan man. Tumitingin siya nang papalit-palitan sa tubig at sa itaas nito, wala siyang naririnig na iba pa, wala siyang nakikitang iba pa. Si Jesus pansamantala ay tinitingnan ang maliit na grupo ng mga imbalido, mga bulag, pilay, paralitiko, na mga naghihintay. Ang mga apostol ay mga nagbabantay din nang mabuti. Ang sikat ng araw ay nakagagawa ng paglaro ng liwanag sa tubig at sinasakop nito katulad ng isang hari ang limang beranda na nakapaikot sa sanaw.

«Ayón, ayón!» tili ni Marjiam. «Ang tubig ay tumataas, ito ay gumagalaw. Ito ay nagniningning! Gaano kaningning! Ang Anghel!» at ang bata ay lumuhod.

Sa katunayan ang tubig, sa paggalaw nito sa sanaw, ay tila itinataas ng isang biglang malaking alon lumalaki hanggang sa gilid ng sanaw, at ito ay nagniningning katulad ng isang salamin sa araw. Isang nakasisilaw na kislap sa loob ng isang sandali.

Ang isang pilay na lalaki ay nakahanda nang tumalon sa tubig at siya ay umahon, pagkatapos nang maikling sandali, na ang kanyang paa, dati maliit at may isang malaking pilat, ay ganap na magaling na. Ang iba ay nagrereklamo at nakikipag-away sa kanya, nagsasabing kahit na papaano siya ay nakakapagtrabaho, samantalang sila ay hindi. At nagpapatuloy sila sa pag-aaway.

Si Jesus ay tumalikod at nakita ang isang paralitiko nakahiga sa kanyang maliit na higaan at umiiyak. Nilapitan Niya siya, niyukuan at hinaplus-haplos tinatanong siya: «Bakit ka umiiyak?»

«Panginoon, walang sinuman ang nag-iisip tungkol sa akin. Lagi akong naririto, ang lahat ay gumagaling, maliban sa akin. Tatlumpu’t walong taon na akong nakahiga, nagasta ko ang lahat na mayroon ako, ang aking mga kamag-anak ay patay na, ako ay isa nang pasanin ng isang malayong kamag-anak na nagdadala sa akin dito tuwing umaga at binabalik ako sa gabi… Ngunit anong pasanin ako sa kanya! O! Ibig ko nang mamatay!»

«Huwag kang mamighati. Labis kang may tiyaga at pananampalataya. Ang Diyos ay pakikinggan ka.»

«Umaasa ako… ngunit ang isa ay inaatake ng kalungkutan. Kayo ay mabuti. Ngunit ang iba… Ang mga napapagaling, upang mapasalamatan ang Diyos, ay makapananatili rito upang tulungan ang kanilang kaawa-awang mga kapatid…»

«Ginagawa sana nila iyon, sa katotohanan… Huwag magkaroon ng sama ng loob. Hindi nila naiisip iyon. Sila ay hindi naghahangad ng masama. Ang lugod ng bilang napagaling ang nakagagawa sa kanila na maging makasarili. Patawarin sila…»

 «Kayo ay mabait. Hindi Ninyo gagawin iyan. Kapag gumalaw ang tubig, sinusubukan kong hilahin ang aking sarili sa banda roon sa pamamagitan ng aking mga kamay. Ngunit laging may nauuna sa akin, at hindi ako makapanatili sa gilid, sapagkat nadadaganan nila ako. At kahit na kung manatili ako roon, sino ang magbababa sa akin sa tubig? Kung nakita ko Kayo noon, pakikiusapan ko Kayo…»

«Talaga bang ibig mong gumaling? Kung gayon, tumayo ka! Kunin mo ang iyong higaan at maglakad!» Si Jesus ay nakatayo na upang ibigay ang utos, at habang tumatayo tila naitaas din Niya ang paralitiko, na tumayo sa kanyang mga paa, humakbang ng isa, dalawa, tatlong hakbang, halos hindi makapaniwala, sa likuran ni Jesus Na paalis na, at nang kanyang mabatid na siya ay totoong naglalakad, siya ay sumigaw na nagawa ang lahat na lumingon.

«Ngunit sino Kayo? Sa ngalan ng Diyos, sabihin sa akin! Kayo kaya ay ang Anghel ng Panginoon?»

«Ako ay mahigit pa sa isang anghel. Ang Aking pangalan ay Habag. Humayo sa kapayapaan.»

Ang mga tao ay nag-ipun-ipon sa paligid nila. Ibig nilang makakita, makapagsalita, mapagaling. Ngunit ang mga bantay ng Templo, na sa palagay ko tumitingin din sa sanaw, ay dumating, at kanilang pinaghiwalay ang maingay na pagtitipon, nagbabanta ng kaparusahan.

Ang paralitiko ay kinuha ang kanyang higaan: dalawang baras na may dalawang pares ng maliit na gulong at isang piraso ng punit na tela nakakabit sa mga baras, at siya ay masayang umalis sumisigaw kay Jesus: «Makikita ko Kayo. Hindi ko kalilimutan ang Inyong pangalan o ang Inyong mukha.»

Si Jesus, humahalo sa pulutong, ay umalis sa kasalungat na direksiyon, pagawi sa mga pader. Ngunit hindi pa Siya nakalalampas sa huling beranda nang Siya ay inabutan ng isang balisang grupo ng mga Hudyo, ng pinakamasamang lipì, na tila tinutulak ng isang galít na hangin, pare-parehong tinutulak ng iisang mithiin na mainsulto si Jesus. Sila ay tumingin, naghahanap, pinag-aaralan ang mga mukha ng mga tao. Ngunit hindi sila nagtagumpay na makita kung sino nga iyon talaga, at si Jesus ay umalis, habang sila, bigong katulad nila, sinusunod ang impormasyon ng mga bantay, pinuntahan ang kaawa-awa ngunit masayang tao na kapapagaling pa lamang at pinagagalitan nila siya nagsasabing: «Bakit inaalis mo ang higaang ito? Ngayon ay Sabbath. Hindi ka pinahihintulutan.»

At mamâ ay tiningnan sila at nagsabi: «Wala akong nalalaman. Alam ko na ang nagpagaling sa akin ay nagsabi sa akin: «Kunin mo ang iyong higaan at maglakad”. Iyan lang ang nalalaman ko.»

«Siya ay tiyak na isang dimonyo sapagkat inutusan ka niya na labagin ang Sabbath. Ano ang hitsura niya? Sino siya? Isang Judaean? Isang Galilean? Isang Proselito?»

«Hindi ko alam. Siya ay naririto kanina. Nakita Niya akong umiiyak at nilapitan Niya ako. Nagsalita Siya sa akin at pinagaling ako. Umalis Siya hawak ang isang bata sa kamay. Sa palagay ko iyon ay Kanyang anak, sapagkat sapat na Siyang matanda upang magkaroon ng isang anak ng gayong edad.»

«Isang batang lalaki? Bueno hindi Siya iyon!... Ano ang Kanyang sinabi na pangalan Niya? Hindi mo ba Siya tinanong? Huwag magsinungaling!»

«Sinabi Niya sa akin na ang Kanyang pangalan ay Habag.»

«Ikaw ay isang tanga! Iyan ay hindi isang pangalan!»

Ang mamâ ay ikinibit ang kanyang mga balikat at umalis.

Ang iba ay nagsabi: «Iyon ay tiyak na Siya. Si Hania at si Zaccheus, ang mga eskriba, ay nakita Siya.»

«Ngunit Siya ay walang mga anak!»

«Subalit Siya iyon. Kasama Niya ang Kanyang mga disipulo.»

«Si Judas ay wala roon. Siya ang isa na naka-aalam nang mabuti. Ang iba… maaaring kung sino na iba.»

«Hindi. Iyon ay sila.

At nagpapatuloy sila sa pagtatalu-talo habang ang mga beranda ay nagsisimula ulit na magsiksikan sa mga maysakit…

Si Jesus ay pinasok ulit ang Templo sa ibang tabi, ang hilagang tabi, na nakaharap sa bayan. Ang mga apostol ay sinusundan Siya. Si Jesus tumitingin sa paligid at sa wakas nakita Niya siya na Kanyang hinahanap: si Jonathan, na, naghahanap din kay Jesus.

«Mabuti-buti na siya, Guro. Ang kanyang lagnat ay bumababa na. Ang Inyong Ina ay nagsabi na umaasa Siya na makapunta rito sa susunod na Sabbath.»

«Salamat sa iyo, Jonathan. Ikaw ay nasa eksaktong oras.»

«Hindi masyado, dahil napigilan ako ni Maximinus ni Lazarus. Siya ay naghahanap para sa Inyo.  Siya ay nagpunta sa Solomon’s Porch.»

«Pupunta Ako upang tagpuin siya. Kapayapaan sa iyo, at ipaabot ang Aking kapayapaan para sa Aking Ina at sa mga babaeng disipulo, at para kay Judas din.»

At si Jesus ay naglakad nang mabilis patungong Solomon’s Porch, kung saan sa katotohanan nakita Niya si Maximinus.

«Napakinggan ni Lazarus na Kayo ay naririto. Ibig niyang makita Kayo upang sabihin sa Inyo ang isang bagay na mahalaga. Pupunta ba Kayo?»

«Siyempre, pupunta Ako. At kaagad. Masasabi mo sa kanya na maghintay sa Akin sa loob ng linggo.»

Si Maximinus din ay umalis pagkatapos ng kaunti pang mga salita.

«Tayo na at magdasal muli, sa dahilan na nakabalik tayo nang ganito kalayo» sabi ni Jesus at ang Kanyang paglakad ay patungo sa bulwagan ng mga Hebreo.

Ngunit nang Siya ay malapit na rito, nasalubong Niya ang napagaling na paralitiko, na nagpunta upang pasalamatan ang Panginoon. Ang masayang tao ay nakita si Jesus kasama ng pulutong, binati Siya nang malugod at sinasabi sa Kanya kung ano ang nangyari sa sanaw pagkatapos na Siya ay umalis. At siya ay naghinuha: «Pagkatapos ang isang lalaki, na nagtatakang nakita ako rito at ganap na magaling na, sinabi sa akin kung sino Kayo. Kayo ang Mesiyas. Hindi ba?»

«Ako nga. Ngunit kung ikaw din ay napagaling ng tubig o ng ano pa man na kapangyarihan, may katungkulan ka pa rin sa Diyos. Ibig sabihin, ang gamitin ang iyong mabuting kalusugan para sa mabuting gawa. Ikaw ay magaling na. Humayo, kung gayon, at ipagpatuloy mo ang iyong ginagawa sa buhay na may mabuting mga intensiyon. At huwag nang magkasalang muli, upang ang Diyos ay hindi na sana kailanganin na parusahan ka nang mas grabe. Paalam. Humayo sa kapayapaan.»

«Ako ay matanda na… Wala akong nalalaman… Ngunit ibig kong sundan Kayo at paglingkuran Kayo. Gusto ba ninyo ako?»

«Wala Akong tinatanggihan. Isipin ang tungkol dito bago ka sumama. At kung nagpasya na ang iyong isip, halika.»

«Saan? Hindi ko alam kung saan Kayo pupunta…»

«Ako ay umiikot sa mundo. Makikita mo ang Aking mga disipulo kahit saan at ipapadala ka nila sa Akin. Harinawang paliwanagan ka ng Panginoon para sa pinakamabuti…»

Si Jesus ngayon ay pumunta na sa Kanyang puwesto at nagdarasal…

Hindi ko alam kung ang pinagaling na lalaki ay kusang pumunta sa mga Judaean o na ang huli, bilang naghahanap, ay pinatigil siya upang malaman kung ang lalaki, na nakikipagusap sa kanya, ay ang siyang nagpagaling sa kanya. Alam ko na ang lalaki ay nagsasalita sa mga Judaean at pagkatapos umalis, habang sila ay patungo sa mga baytang na daraanan ni Jesus pababa, upang makapunta sa ibang mga bakuran at lumabas sa Templo. Nang si Jesus ay dumating nagsabi sila sa Kanya kaagad, na hindi na Siya binabati: «Kung gayon patuloy Mong nilalabag ang Sabbath, sa kabila na ilang beses Ka nang kinagalitan? At umaasa Ka na igalang bilang isang mensahero ng Diyos?»

«Mensahero? Mahigit pa: bilang Anak. Sapagkat ang Diyos ay ang Aking Ama. Kung ayaw ninyo Akong igalang, makapagpapaliban kayong gawin iyan. Ngunit hindi Ako titigil na gawin Ko ang Aking misyon dahil diyan. Ang Diyos ay hindi kailanman tumitigil kahit isang sandali sa Kanyang paggawa, at Ako ay gumagawa rin nang ganyan, sapagkat ang mabuting anak ay ginagawa niya ang ginagawa ng kanyang ama, at dahil Ako ay pumunta sa mundo upang gumawa.»

Ang mga tao ay lumapit sa kanila upang pakinggan ang debate. Kasama rito, ay may ilan na nakakikilala kay Jesus, ilan na Kanyang natulungan, ang iba ay ngayon lamang Siya nakita. Ang iba ay minamahal Siya, ang iba pa kinapopootan Siya, marami ang hindi nakatitiyak. Ang mga apostol ay pumorma ng isang grupo kasama ang Guro. Si Marjiam ay halos natatakot at nagmumukhang tila siya ay iiyak.

Ang mga Judaean, isang halo ng mga eskriba, Pariseo at mga Saduseo, ay sumisigaw sa tuktok ng kanilang mga tinig na sila ay naiiskandalo: «Ang kapal ng mukha Mo! O! Sinasabi Niya na Siya ay ang Anak ng Diyos! Anong paglalapastangan! Ang Diyos ay kung sino Siya, at walang mga anak! Tawagin si Gamaliel! Magpadala ng tao para kay Sadoc! Ipunin ang mga rabbi na sana mapakinggan nila at masagot Siya.»

«Huwag mabalisa. Tawagin sila, at kanilang sasabihin sa inyo, kung totoo na nalalaman nila, na ang Diyos ay Isa at sang-tatlo: Ama, Anak at Espiritu Santo at na ang Salita, ibig sabihin ang Anak ng Kaisipan, ay dumating, katulad sa ito ang ipinopresiya, upang iligtas ang Israel at ang mundo mula sa Kasalanan. Ako ang Salita. Ako ang hinulaan na Mesiyas. Wala diyang paglalapastangan, kung gayon, kung sasabihin Ko na ang Ama ay ang Aking Ama. Kayo ay nababalisa sapagkat gumagawa Ako ng mga himala at sa pamamagitan ng mga ito nakukuha Ko ang mga pulutong at nakukumbinsi sila. Inaakusahan ninyo Ako ng pagiging isang dimonyo, sapagkat gumagawa Ako ng mga kababalaghan. Ngunit si Beelzebub ay matagal nang nasa mundo sa loob ng maraming mga siglo, at totoong hindi siya nagkukulang ng mga masugid na mga tagasamba… Bakit, kung gayon, hindi niya ginagawa ang Aking ginagawa?»

Ang mga tao ay nagbubulung-bulungan: «Totoo ‘yan! Totoong totoo! Walang gumagawa ng Kanyang ginagawa.»

Si Jesus ay nagpapatuloy: «Sasabihin Ko sa inyo: iyan ay dahil nalalaman Ko ang hindi niya nalalaman at magagawa Ko ang hindi niya magagawa. Kung nakagagawa Ako ng mga gawa ng Diyos, iyan ay dahil Ako ang Kanyang Anak. Makagagawa lamang ng isa sa pamamagitan ng kanyang sarili kung ano ang kanyang nakita na ginagawa ng iba. Ako, ang Anak, ay magagawa lamang kung ano ang Aking nakita na ginawa ng Ama, sa dahilan na Ako ay naging Kaisa Niya magpakailanman, at Ako ay katulad Niya sa kalikasan at kapangyarihan. Ang lahat na ginagawa ng Ama, nagagawa Ko rin, dahil Ako ang Kanyang Anak. Ni si Beelzebub o sino pa man ay hindi magagawa ang nagagawa Ko, sapagkat si Beelzebub at ang iba pa ay hindi nalalaman ang nalalaman Ko. Ang Ama ay minamahal Ako, Kanyang Anak, at minamahal Niya Ako nang labis-labis katulad sa pagmamahal Ko sa Kanya. Siya kung gayon ay ipinakita sa Akin ang lahat na Kanyang ginagawa, upang sana magawa Ko ang Kanyang ginagawa, Ako sa lupa, sa panahon na ito ng Grasya, Siya sa Langit, kahit na noong wala pa ang Panahon sa lupa. At pakikitaan Niya Ako ng mas dakila’t dakila pa na mga bagay upang sana magawa Ko ang mga ito at sana kayo ay mamangha. Ang Kanyang kaisipan ay walang pagkaubos sa kalaliman. Ginagaya Ko Siya sa dahilan na Ako ay walang pagkaubos sa paggawa ng iniisip ng Ama at, sa pamamagitan ng pag-iísip, paggusto. Hindi pa ninyo nalalaman kung ano ang nililikha ng Pagmamahal nang walang pagkaubos. Kami ay Pagmamahal. At walang limitasyon para sa Amin, at walang hindi maaaring magamit sa tatlong grado ng tao: ang inferior, ang superior, ang espirituwal na grado. Sa katunayan katulad na ang Ama ay nagbabangon ng mga patay at nagbibigay sa kanila ng buhay, Ako, ang Anak, ay makapagbibigay din ng buhay sa kahit sinuman na gugustuhin Ko, hindi, dahil sa walang-hangganang pagmamahal na mayroon ang Ama para sa Kanyang Anak hindi lamang Ako makapagbibigay ng buhay sa inferior na bahagi bagkus pati rin sa superior na bahagi, sa pagpapalaya sa mga isip at puso ng mga tao mula sa mga kaisipang pagkakamali at sa masasamang masisimbuyong damdamin, at nakapagbibigay Ako ng buhay sa espirituwal na bahagi sa pagbibigay muli sa espiritu ng kalayaan nito mula sa kasalanan, sapagkat ang Ama ay hindi hinuhusgahan ang sinuman, bilang iniwan ang lahat ng paghuhukom sa Anak, dahil ang Anak ay Siya nga Na, sa pamamagitan ng Kanyang sariling sakripisyo, ay napasa-Kanya ang Sangkatauhan upang tubusin ito: at ang Ama ay ginagawa iyan ayon sa hustisya, sapagkat makatarungan na Siya, Na bumili sa pamamagitan ng Kanyang sariling pera, ay kailangan na ibigay sa Kanya kung ano ang Kanyang binili, upang sana ang lahat ay maparangalan ang Anak katulad na pinararangalan na nila ang Ama. Kailangan na malaman ninyo na kung ihihiwalay ninyo ang Ama sa Anak, o ang Anak sa Ama, at hindi ninyo naaalaala ang Pagmamahal, hindi ninyo minamahal ang Diyos katulad na Siya ay dapat na mahalin, ibig sabihin, sa katotohanan at sa karunungan, at nakagagawa kayo ng kasalanan ng erehiya, sapagkat sinasamba ninyo ang Iisa lamang, samantalang Sila ay tatlo sa isang admerableng Trinidad. Kung gayon, siya na hindi nagpaparangal sa Anak, ay hindi rin nagpaparangal sa Ama, sapagkat ang Ama, Diyos, ay ayaw na Iisa lamang sa Tatlong Banal na Persona ang sasambahin bagkus gusto Niya Silang lahat, bilang isang Kabuuan, ang sasambahin. Siya na hindi nagpaparangal sa Anak, ay hindi rin nagpaparangal sa Ama, Na siyang nagpadala sa Kanya dala ng perpektong kaisipan ng pagmamahal. Pinasisinungalingan niya kung gayon na ang Diyos ay makagagawa ng makatarungan na mga gawa. Sasabihin Ko sa inyong totoo na siya na nakikinig sa Aking salita at naniniwala sa Kanya Na nagpadala sa Akin, ay magkakaroon ng eternal na buhay at hindi isusumpa, bagkus daraan mula sa kamatayan patungo sa buhay, sapagkat ang maniwala sa Diyos at tanggapin ang Aking salita ang ibig sabihin ang ipasok sa sarili ang Buhay na hindi namamatay. Ang oras ay malapit nang dumating, hindi, ito ay dumating na para sa marami, kung saan ang mga patay ay maririnig ang tinig ng Anak ng Diyos, at sinuman ang makarinig ng  nakapagbibigay buhay na tinig nito sa kaibuturan ng kanyang puso, ay mabubuhay. Eskriba, ano ang iyong sinasabi?»

«Sinasabi ko na ang patay ay hindi na makaririnig ng kahit na ano, at na Ikaw ay baliw.»

«Ang Kalangitan ay kukumbinsihin ka na iyan ay hindi ganyan, at na ang iyong nalalaman ay wala kompara sa nalalaman ng Diyos. Ginawa mong pantao ang sobrenatural na mga bagay hanggang sa punto, na binibigyan mo ang mga salita ng dalian at makalupang ibig sabihin lamang. Naituro mo ang Haggadah ayon sa itinakdang mga pormularyo, inyong mga pormularyo, nang walang anumang pagsisikap na maintindihan ang mga simbolo sa totoong ibig sabihin ng mga ito, at ngayon, sa dahilan na ang inyong mga kaluluwa ay napapagod ng pinasusunod ng pantaong mentalidad, na dumudurog sa inyong mga espiritu, ni hindi na ninyo pinaniniwalaan kung ano ang iyong itinuturo. At iyan ang dahilan kung bakit hindi na kayo makalaban sa mga kapangyarihan ng occult. Ang kamatayan na Aking sinasabi ay hindi ang kamatayan ng laman, bagkus ng kaluluwa. Ang mga tao ay pupunta upang makinig sa Aking salita sa pamamagitan ng kanilang mga tainga, tatanggapin ito sa loob ng kanilang mga puso, at isasabuhay ito. Kahit na kung ang kanilang mga espiritu ay patay, tatanggap ulit sila ng buhay, sapagkat ang Aking salita ay Buhay na papasok sa kanila. At maibibigay Ko ito sa kahit sino na gustuhin Ko, sapagkat sa loob Ko ay may perpektong Buhay. Katulad na ang Ama sa loob Niya ay may perpektong Buhay, kung kaya’t ang Anak din ay nagkaroon mula sa Ama, sa Kanyang Sarili, ng perpekto, ganap, eternal, walang-pagka-ubos, nailalagay na Buhay. At kasama ang Buhay, ang Ama ay ibinigay sa Akin ang kapangyarihan na maghukom, sapagkat ang Anak ng Ama ay ang Anak ng Tao, at Siya ay makapaghuhukom at kailangan na maghukom sa tao. At huwag mamangha sa unang muling-pagkabuhay na ito, ang espirituwal na muling-pagkabuhay, na ginagawa Ko sa pamamagitan ng Aking Salita. Makakakita pa kayo ng mas malakas, na lalabas na mas malakas sa inyong mapupurol na mga pándamá, sapagkat sasabihin Ko sa inyong totoo na walang mas dakila pa kaysa sa di-nakikita ngunit tunay na pagkabuhay-muli ng isang espiritu. Ang oras ay malapit nang dumating kung saan ang tinig ng Anak ng Tao ay papasukin ang mga libingan at ang mga nasa loob ng mga ito ay maririnig ito. At ang mga gumawa ng mabuting pagkilos ay lalabas mula sa mga ito upang pumunta sa muling-pagkabuhay ng eternal na Buhay, at ang mga gumawa ng masasamang pagkilos ay pupunta sa resureksiyon ng eternal na kamatayan. Hindi Ko sinasabi na gagawin Ko ito nang mag-isa Mismo, sa pamamagitan ng Aking sariling kalooban, bagkus sa pamamagitan ng kalooban ng Ama nakadugtong sa Aking kalooban. Ako ay nagsasalita at naghuhukom ayon sa Aking napapakinggan at ang Aking pasya ay tama, sapagkat hindi Ko minimithi ang Aking sariling kalooban, bagkus ang kalooban Niya Na nagpadala sa Akin. 

Ako ay hindi nakahiwalay sa Aking Ama. Ako ay nasa Kanya at Siya ay nasa Akin at nalalaman Ko ang Kanyang kaisipan at binibigkas Ko ito sa salita at gawa.

Ang Aking pinatutunayan para sa Aking sariling katauhan ay hindi matatanggap ng inyong di-makapaniwalang mga espiritu, na tumatangging makakita sa Akin ng iba bagkus isang tao katulad ng inyong mga sarili. Ngunit may isa pang nagpapatunay sa Aking katauhan, na sinasabi ninyo na inyong pinagpipitaganan bilang isang dakilang propeta. Alam Ko na ang kanyang testimonya ay totoo. Ngunit bagama't sinasabi ninyo na pinagpipitaganan ninyo siya, hindi ninyo tinatanggap ang kanyang testimonya, sapagkat naiiba ito sa inyong naiisip, na marahas sa Akin. Hindi ninyo tinatanggap ang testimonya ng makatarungang tao, ng huling Propeta ng Israel, sapagkat, kung tungkol sa kung ano ang ayaw ninyo, sinasabi ninyo na siya ay isa lamang tao at maaaring magkamali. Nagpadala kayo ng mga mensahero upang tanungin si Juan, umaasa na siya ay magsasalita tungkol sa Akin ng ayon sa gusto ninyo, sa iniisip ninyo tungkol sa Akin, sa ibig ninyong isipin tungkol sa Akin. Ngunit si Juan ay ibinigay ang kanyang testimonya sa katotohanan at hindi ninyo ito matanggap. Dahil sa sinasabi ng Propeta na si Jesus ng Nazareth ay ang anak ng Diyos, kayo ay nagsasalita sa kalihiman ng inyong mga puso, dahil natatakot kayo sa mga pulutong, na ang Propeta ay baliw, katulad na ang Kristo ay baliw. Ako, subalit, ay hindi sumasandal sa testimonya ng tao, ni hindi sa pinakabanal na tao sa Israel. Sasabihin Ko sa inyo: si Juan ay isang lampara na may-sindi at nagniningning, ngunit para lamang sa isang maikling panahon na ibig ninyong kalugdan ang liwanag na kanyang ibinigay. Nang ang kanyang liwanag ay pinatama sa Akin, upang makilala ang Kristo sa kung ano Siya, ginusto ninyo ang lampara na maitago sa ilalim ng bayong, at bago ito, nagtayo kayo ng isang pader sa pagitan ng lampara at ng inyong mga sarili, upang hindi makita ang Kristo ng Panginoon sa liwanag nito. Ako ay nagpapasalamat kay Juan para sa kanyang testimonya, at ang Ama ay nagpapasalamat din. At si Juan ay tatanggap ng malaking gantimpala para sa kanyang testimonya, magniningning din sa Langit dahil dito, ang una na magniningning katulad ng araw, sa lahat na mga tao sa itaas doon, at siya ay magniningning katulad na ang mga naging matatapat sa Katotohanan at mga gutom para sa Diyos ay magniningning. Ngunit mayroon Akong mas dakilang testimonya kaysa ng kay Juan. Ang testimonya ng Aking mga gawa. Sapagkat ang mga gawa na ibinigay sa Akin ng Aking Ama na dapat Kong isagawa, mga gawang Aking isinasagawa ay nagpapatunay na ang Ama ay ipinadala Ako ibinibigay sa Akin ang lahat na kapangyarihan. At sa gayon, ang Ama Na nagpadala sa Akin, ay sumasaksi sa Akin Mismo.

Hindi ninyo kailanman napakinggan ang Kanyang tinig o nakita ang Kanyang mukha. Ngunit nakita Ko ito at nakikita Ko, napakinggan Ko ito at napapakinggan Ko. Ang Kanyang Salita ay hindi makatagpo ng tahanan sa inyo, sapagkat hindi kayo naniniwala sa Isa Na Kanyang ipinadala. Pinag-aaralan ninyo ang mga Iskriptura, naniniwala na sa kaalaman sa mga ito nasa inyo ang eternal na Buhay. At hindi ba ninyo nababatid na ang pinaka Iskriptura mismo ay nagbibigay saksi sa Akin? Bakit kung gayon nagpapatuloy kayo sa pagtanggi na lumapit sa Akin para sa buhay? Sasabihin Ko sa inyo: ito ay sapagkat inaayawan ninyo kung ano ang kasalungat ng inyong nakatanim nang mga idea. Nagkukulang kayo sa kababaang-loob. Wala kayong kakayahan na sabihin: “Nagkamali ako. Siya, o ang aklat na ito ay tama, at ako ay mali”. Ganyan ang inyong ginawa kay Juan, sa mga Iskriptura, at iyan ang inyong ginagawa sa Salita Na nagsasalita sa inyo. Hindi kayo makakita o makaintindi, sapagkat kayo ay nababalot ng pagmamalaki at nabingi na ng inyong sariling mga boses.

Sa palagay ba ninyo Ako ay nagsasalita sa inyo sapagkat gusto Kong Ako ay luwalhatiin ninyo? Hindi, kailangan ninyong tandaan na Ako ay hindi naghahanap o tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa tao. Ang aking hinahanap at ginugusto ay ang inyong eternal na kaligtasan. Iyan ang kaluwalhatian na Aking hinahanap. Ang Aking kaluwalhatian bilang Tagapagligtas ay hindi magkakatotoo kung Ako ay walang mga kaluluwa na nailigtas, at habang lumalaki ang kanilang bilang, mas lumalaki ang Aking kaluwalhatian, na siyang ibibigay sa Akin ng mga kaluluwang nailigtas at ng Ama, ang Kadali-dalisayang Espiritu. Ngunit hindi kayo maliligtas. Nalalaman Ko kung ano kayo. Kayo ay walang pagmamahal para sa Diyos. Kayo ay mga walang pagmamahal. At iyan ang dahil kung bakit hindi kayo lumalapit sa Pagmamahal na nagsasalita sa inyo, at sa gayon hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng Pagmamahal. Hindi kayo kilala roon. Ang Ama ay hindi kayo kilala, sapagkat hindi ninyo Ako kilala, Ako Na nasa Ama. Ayaw ninyong makilala Ako. Ako ay nagpunta sa ngalan ng Aking Ama at tumatanggi kayong tanggapin Ako, samantalang gusto ninyong tanggapin ang sinuman na lumalapit sa pamamagitan ng kanyang sariling pangalan, maliban na sinasabi niya kung ano ang katanggap-tanggap sa inyo. Sinasabi ninyo na kayo ay mga matatapat na kaluluwa. Hindi, hindi kayo matatapat. Papaano kayo makapaniniwala, kung naghahanap kayo ng kaluwalhatian ng isa’t isa, at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatian ng Langit, na nanggagaling lamang sa Diyos? Ang kaluwalhatian ng Langit ay Katotohanan at hindi ang tungkol sa makamundong mga interes na nagtatapos dito sa lupa at nakakakuha lamang ng mabisyong pagiging-tao ng napababang mga anak ni Adan. Hindi Ko kayo aakusahan sa harapan ng Ama. Makatitiyak kayo tungkol diyan. May isa nang mag-aakusa sa inyo: si Moses kung kanino kayo umaasa. Pagagalitan niya kayo sa hindi ninyo paniniwala sa kanya sapagkat hindi kayo naniniwala sa Akin, katulad sa kanyang isinulat tungkol sa Akin, bagkus hindi ninyo Ako kinikilala sa pamamagitan ng kanyang isinulat. Hindi kayo naniniwala sa mga salita ni Moses, sa dakilang Propeta na sa kaninong pangalan kayo ay nanunumpa. Kung gayon, papaano kayo makapaniniwala sa Aking mga salita, sa mga salita ng Anak ng Tao, kung kanino kayo ay walang pananampalataya? Mula sa isang pantaong pananaw iyan ay makatwiran. Ngunit dito tayo ay nasa espirituwal na daigdig at ang inyong mga kaluluwa ang nakataya. Ang Diyos ay sinusuri ang mga ito sa liwanag ng Aking mga gawa at Kanyang ikinukumpara ang inyong mga kilos sa kung ano ang Aking ipinunta upang ituro sa inyo. At ang Diyos ay hinuhusgahan kayo.

Ako ay aalis. Hindi ninyo Ako makikita nang matagal-tagal na panahon. Ngunit huwag ninyong tingnan na iyan ay inyong pananagumpay. Sa kabaligtaran iyan ay isang kaparusahan. Tayo na.»

Si Jesus ay ipinipilit ang Kanyang daan sa pagitan ng pulutong. Ang ilan sa mga tao ay nananatiling tahimik, ang ilan sinasaad ang kanilang pagsang-ayon, ngunit tanging sa pagbulong lamang sa takot sa mga Pariseo, at sila ay umalis.

 

 



Sunod na kabanata