23. Ang Kapanganakan Kay Juan Bautista.  

Abril 3, 1944.

¹Ang bisyong ito ng kapayapaan ay bumaba galing sa Langit, sa gitna ng nakaaaning mga bagay na ibinibigay sa atin ng mundo sa mga araw na ito ngayon, at hindi ko alam kung papaano ito nagiging ganito, sapagkat katulad ko ang isang siit na ang kapalaran ay nakasalalay sa awa ng hangin sa aking patuloy na pakikibaka sa mga kasamaan ng tao na napaka-ibang-iba sa kung ano ang namumuhay sa loob ko.

²Kami ay nasa loob pa rin ng bahay ni Elizabeth. Ngayon ay isang magandang gabi ng tag-araw, maliwanag pa sa loob sa huling mga sinag ng araw, datapwa’t ang kalawakan ay napasisinayahan na ng korteng karit ng buwan na nakakamukha ng isang platang koma na nakakabit sa isang malapad na madilim-na-asul na damit.

Ang mga tanim na rosas ay humahalimuyak nang malakas at ang pukyutan, katulad ng mga patak ng ginto, ay ginagawa ang kanilang huling mga paglipad sa tahimik na mainit na hangin ng gabi. Mula sa mga parang ay may malakas na amoy ng dayaming natuyo sa araw, ito ay halos nakakatulad ng amoy ng tinapay, ng isang mainit na tinapay, na kagagaling pa lamang sa pugon. Maaaring ito ay nanggagaling din sa maraming mga kubrekamang nakabitin kung saan-saan upang matuyo sa araw, at ngayon tinitiklop na ni Sarah.

Si Maria ay naglalakad kasama ang Kanyang pinsan, magkakabit ang kanilang mga braso. Sila ay palakad-lakad nang dahan-dahan, sa ilalim ng medyo madilim na na balag.

Ngunit si Maria ay pinagmamasdan ang lahat at, habang inaasikaso si Elizabeth, nakikita Niya na si Sarah ay hindi mapakali sa pagtitiklop ng mga kubrekama na kinuha niya mula sa ibabaw ng isang pimpin. «Maupo ka rito, at hintayin mo Ako» sabi Niya sa Kanyang pinsan. At Siya ay lumakad upang tulungan ang matandang katulong, hinihila ang kubrekama upang matuwid ito, pagkatapos tinitiklop nang mabuti. «Nangangamoy pa ito ng araw, mainit pa» sabi Niya nang may ngiti. At upang magawang masaya ang matandang babae, dinagdagan Niya: «Ang kubrekamang ito, pagkatapos ng iyon pagtitina, ay naging maganda kailanpaman. Ikaw lamang ang naka-aalam kung papaano gawin nang napakaayos ang mga gawain.»

Si Sarah ay umalis na tuwang-tuwa, dala ang nangangamoy na mga kubrekama.

Si Maria ay bumalik kay Elizabeth at nagsabi: «Maglakad-lakad pa tayo nang kaunti. Makabubuti iyan sa iyo.» At sa dahilan na si Elizabeth ay pagod na, at ayaw na niyang kumilos, sabi ni Maria sa kanya: «Tingnan na lang natin kung ang lahat na mga kalapati ay nasa kanila nang pugad, at kung ang tubig sa kanilang mga taong ay malinaw pa. Pagkatapos tayo ay babalik na sa bahay.»

³Ang mga kalapati ang maaaring paboritong alaga ni Elizabeth. Nang sila ay nasa harapan na ng pangkabukirang tore kung saan ang mga kalapati ay nagka-ipun-ipon, si Elizabeth ay labis na naantig ang damdamin;  sa katunayan ang mga babaeng kalapati ay nasa kanilang mga pugad at ang mga lalaking kalapati nasa harapan nila, subalit wala sa kanila ang gumagalaw, sa halip sila ay nagsimulang humuni nang malakas noong makita nila sina Maria at Elizabeth: isang magiliw na porma ng pagbati. Si Elizabeth ay napangibabawan ng kahinaan ng kanyang kalagayan at ng takot kung kaya't  siya'y  napaiyak. Ipinahahayag niya ang kanyang takot sa kanyang pinsan. «Kung ako ay mamatay… ano ang mangyayari sa aking kaawa-awang mga kalapati? Hindi Ka naman maninirahan dito. Kung Ikaw ay maninirahan sa aking bahay, ito ay magiging walang anuman kung ako ay mamatay. Nagkaroon na ako ng lugod na posibleng magkaroon ang isang babae. Ang lugod na hindi ko na inaasahan na magkakaroon pa ako, at ni hindi na ako makapagrereklamo sa Panginoon tungkol sa kamatayan, sapagkat pinuspos na Niya ako ng Kanyang kagandahang-loob, pagpalain nawa Siya para rito. Ngunit naririyan si Zachariah… at pagkaraan ay naririyan ang bata. Isang matandang lalaki na makararamdam na tila siya ay nawawala sa disyerto na wala ang kanyang kasa-kasamang babae. At ang isa ay napakaliit pa, na siya ay magiging katulad ng isang bulaklak, na hinatulang mamatay sa lamig sapagkat hindi niya kasama ang kanyang ina. Kaawa-awang sanggol, na wala ang mga haplos ng kanyang ina!...»

«Ngunit bakit ka labis na nalulungkot? Ang Diyos ay binigay sa iyo ang lugod ng pagiging isang ina, at hindi Niya ito aalisin sa iyo kapag ito ay puno na. Ang munting Juan ay tatanggapin ang lahat na mga halik ng kanyang ina, at si Zachariah ang lahat na atensiyon ng kanyang matapat na asawa hanggang sa pinakadulo ng kanyang mahabang buhay. Kayo ay dalawang sanga ng iisang punungkahoy. Ang isa ay hindi mamamatay, iniiwan ang isa nang nag-iisa.»

«Ikaw ay mabait, at napagiginhawa Mo ako. Ngunit ako ay napakatanda na upang magkaroon ng isang anak. At ngayon na ako ay malapit nang magkaroon ng anak, ako ay natatakot.» 

«O! Hindi! Si Jesus ay naririto. Hindi tayo kailangan na matakot kung saan naroroon si Jesus. Napahupa ng Aking Anak ang nararamdaman mong kirot, sinabi mo iyan mismo, ngayon na Siya ay isang bagong buko pa lamang na nabubuo. Ngayon na Siya ay palaki na nang palaki, nabubuhay na Siyang isang Tao – nararamdaman Ko na sa lalamunan Ko ang pagtibok ng Kanyang munting puso, at pakiramdam Ko tila may namumungad sa Aking lalamunan na isang sisiw na may maliit na pusong pumipintig – aalisin Niya ang lahat na panganib sa iyo. Kailangan na magkaroon ka ng pananampalataya.»

«May pananampalataya ako. Ngunit kung ako ay mamatay… huwag iwanan si Zachariah kaagad. Alam ko inaasikaso Mo ang Iyong sariling bahay. Ngunit manatili rito nang mahaba-haba pang mga araw upang matulungan ang aking asawa sa unang mga araw ng kanyang kapighatian.»

«Ako ay mananatili upang magsaya sa iyong lugod at sa lugod ng iyong asawa, at iiwanan Ko kayo kapag ikaw ay malakas na at masaya na. Ngunit ngayon ay manahimik, Elizabeth. Ang lahat ay magiging maayos. Walang masamang mangyayari sa iyong sambahayan habang ikaw ay naghihirap. Si Zachariah ay paglilingkuran ng kanyang napaka-mapagmahal na katulong, ang iyong mga bulaklak ay mapangangalagaan, at ang iyong mga kalapati maaasikaso, matatagpuan mo silang lahat na maganda at masaya upang kaluguran, kapag ang kanilang minamahal na sinyora ay nakabalik na. Tayo na ngayon sa loob, sapagkat ikaw ay namumutla na…»

«Oo, palagay ko ako ay nagsisimula na ulit na maghirap. Baka ang aking kapanahunan ay dumating na. Maria, manalangin Ka para sa akin.»

«Susupurtahan kita ng Aking panalangin hanggang matapos sa kasayahan ang iyong paghihirap.»

Ang dalawang babae ay unti-unting bumalik sa bahay.

Si Elizabeth ay pumasok sa kanyang silid. Si Maria, isang may-kakayahan at mapaglaang babae, ay ipinagbibilin ang mga nararapat na gagawin, ipinahahanda ang lahat na maaaring kakailanganin, at kasabay na pinalalakas ang loob ni Zachariah na nag-aalala na.

⁴Sa loob ng sambahayan na walang-tulog noong gabing iyon, at kung saan maririnig ang tinig ng mga babaeng tumatawag ng tulong, si Maria ay mapagmasid katulad ng isang parola sa isang masalimuot na gabi. Ang buong sambahayan ay umiikot sa Kanya, at inaasikaso Niya ang lahat, ngumingiti nang magiliw. At Siya ay nagdarasal. Kapag Siya ay hindi tinatawag tungkol sa kung anong bagay dito at doon, Siya ay nakalugmok sa pagdarasal. Ngayon Siya ay nasa silid kung saan sila ay laging nagtitipun-tipon para sa kanilang pagkain at pagtatrabaho. Si Zachariah ay kasama Niya, at siya ay nagbubuntung-hininga at balisang palakad-lakad nang pauli-uli. Sila ay nagdasal nang magkasama. Pagkaraan si Maria ay nagpatuloy sa pagdarasal. At gayon din ngayon kung saan ang matanda, dahil pagod, ay nakaupo na sa kanyang malaking upuan malapit sa mesa, at nananahimik at inaantok, si Maria ay nagdarasal. At noong makita Niya na siya ay natutulog na, ang ulo nakapatong sa kanyang mga braso na magkapatong sa mesa, inalis ni Maria ang Kanyang mga sandalyas upang hindi makagawa ng ingay at naglakad nang nakayapak at, gumagawa ng mas kakaunti-pang ingay kaysa sa isang paru-parong palipad-lipad sa paligid ng silid, kinuha Niya ang manta ni Zachariah, at itinakip ito sa kanya nang maingat upang siya ay makapagpatuloy sa pagtulog sa init ng delanang damit na nagpoprotekta sa kanya laban sa malamig na hangin ng gabi na nakakapasok, nang pabugsu-bugso sa pintuan, na madalas binubuksan. Pagkatapos Siya ay magsisimulang magdasal ulit, at Siya ay dasal-nang-dasal nang mas matindi, lumuluhod, tinataas ang mga kamay, kapag ang masasakit na sigaw ni Elizabeth ay nakakaawa.

⁵Si Sarah ay pumasok at pinakikiusapan Siya na lumabas, si Maria ay lumabas na nakayapak patungo sa hardin. «Ang aking sinyora ay hinahanap Kayo» sabi niya.

«Darating Ako.» At si Maria ay lumakad sa tabi ng bahay, umakyat… Nagmumukha Siyang isang maputing anghel, naglalagalag sa mapayapang mabituing gabi. Pumasok Siya sa silid ni Elizabeth.

«O! Maria! Maria! Anong kirot! Hindi ko na ito matatagalan pa, Maria! Gaano ang ipinaghihirap ng isa upang maging isang ina!»

Si Maria ay magiliw siyang hinahaplus-haplos, at hinahalik-halikan.

Si Maria ay kinuha ang dalawang kulubot at manas na kamay, at ipinatong ito sa Kanyang bilugang tiyan, idinidiin ito nang kaunti ng Kanyang makinis, balingkinitan na maliliit na kamay. At Siya ay nagsalita sa mababang tinig, ngayon na sila ay nag-iisa na lamang: «Si Jesus ay naririto, at nakikita at napapakinggan ka Niya. Manampalataya, Elizabeth. Ang Kanyang banal na puso ay tumitibok nang mas malakas sapagkat Siya ay kumikilos para sa kabutihan mo. Nararamdaman Ko ito na pumipintig na tila hawak Ko ito sa Aking mga kamay. At naiintindihan Ko ang sinasabi sa Akin ng Aking Sanggol. Ngayon ay sinasabi Niya: “Sabihin sa babae na huwag matakot. Tanging kaunting sakit na lang. At pagkaraan, sa mga unang sinag ng araw, sa pagitan ng maraming rosas na naghihintay sa sinag ng araw sa umaga upang suminag sa kanilang mga tangkay, ang kanyang bahay ay magkakaroon ng pinakamagandang rosas, at ito ay magiging si Juan, ang Aking Predecessor”.»

Si Elizabeth ngayon ay idinidiin na rin ang kanyang mukha sa sinapupunan ni Maria, at mahinang umiiyak.

Si Maria ay tumayo nang sandali sa hitsurang iyon sapagkat ang kirot ay tila humupa nagbibigay ng panandaliang kaginhawahan. At sinasabi Niya sa lahat na naroroon na manahimik. Siya ay nananatiling nakatayo. Maganda at maputi sa maputla, malabong liwanag ng lampara, katulad ng isang anghel malapit sa isang taong naghihirap. Siya ay nagdarasal. Nakikita ko Siyang gumagalaw ang mga labì. Ngunit kahit na kung hindi ko nakikitang gumagalaw ang mga ito, naiintindihan ko na Siya ay nagdarasal mula sa nakikipagtalik-sa-kaligayahan na hitsura ng Kanyang mukha.

⁶Ilang mga sandali ang dumaan, at si Elizabeth ay nasa paghihirap na muli. Si Maria ay hinahalikan siyang muli, at lumabas. Siya ay mabilis na bumaba sa hagdanan sa liwanag ng buwan, at tiningnan ang matandang lalaki kung siya ay natutulog pa rin. Siya ay natutulog pa, at umuungol sa kanyang túlog. Si Maria ay napakilos sa awa sa matanda, at nagsimulang magdasal muli.

Maraming sandali pa ang dumaan. Ang matandang lalaki ay nagising at itinaas ang ulo, at siya ay nalilito, sapagkat hindi niya maalaala kung bakit siya naroroon. Pagkaraan kanyang naalaala, at kumilos, at napabulalas sa pamamagitan ng paimpit na tunog ng kanyang lalamunan. Siya pagkaraan ay nagsulat: «Hindi pa ba siya pinanganganak?» Si Maria ay iniling ang ulo sa pagtanggi. Si Zachariah ay sumulat: «Gaano ang kirot! O! Ang aking kaawa-awang asawa! Makakaraos kaya siya nang hindi namamatay?»

Si Maria ay kinuha ang kamay ng matanda, at tinitiyak sa kanya. «Sa pagsikat ng araw, malapit na, ang bata ay ipanganganak. Ang lahat ay magiging maayos. Si Elizabeth ay malakas. Gaano kaganda lalabas ang araw na ito – mamaya lamang ay umaga na – gaano kaganda lalabas ang araw na ito kapag ang bata ay makita ang liwanag! Ito ay ang magiging pinakamagandang umaga ng iyong buhay! Ang Panginoon ay may mga nakalaang dakilang grasya para sa iyo at ang iyong anak ay ang tagapagbalita ng mga ito.»

Si Zachariah ay malungkot na iniiling ang kanyang ulo, at itinuturo ang kanyang piping bunganga. Ibig niyang magsalita tungkol sa maraming mga bagay, ngunit hindi niya magawa.

Naiintindihan ito ni Maria, at tumugon: «Ang Panginoon ay bubuuin ang iyong lugod. Maniwala sa Kanya nang ganap, umasa sa Kanya nang walang-hangganan, mahalin Siya nang totál. Ang Kataastaasan ay pagkakalooban ka ng higit pa sa maaari mong asahan. Ibig Niya ang totál na pananampalatayang ito mula sa iyo, upang mahugasan ang nakaraan mong pagdududa. Sabihin mo sa iyong puso kasabay Ko: “Naniniwala ako”. Sabihin mo ito sa bawat pagtibok ng iyong puso. Ang kayamanan ng Diyos ay nakabukas sa mga naniniwala sa Kanya at sa Kanyang makapangyarihang kabutihang-loob.»

⁷Ang liwanag ay nagsimula nang makapasok sa bahay sa pamamagitan ng medyo nakabukas na pinto. Si Maria ay binuksan ito. Ang bukang-liwayway ay nagagawa ang mahamog na lupa na magkakulay nang puting-puti. Mayroong malakas na amoy ng mahalumigmig na lupa at ng luntiang mga yerba, at maririnig ang unang mga tawagán ng nagsisiyapang mga ibon, nagtatawagan sa isa’t isa mula sa mga sanga.

Ang matanda at si Maria ay kapwa lumapit sa pintuan. Sila ay mapuputlá gawa ng kulang-sa-tulog na mga gabi, at ang liwanag ng bukang-liwayway ay nagagawa silang magmukhang lalong maputla. Si Maria ay isinuot ang Kanyang mga sandalyas, at nagtungo sa paanan ng hagdanan at nakikinig. Ang isang babae ay dumungaw, tumango at pumasok muli. Wala pa rin.

Si Maria ay pumasok muli sa silid, at bumalik na may dalang ilang mainit na gatas na Kanyang ibinigay sa matandang lalaki. Pinuntahan Niya ang mga kalapati, bumalik, at nawala sa aking paningin sa dating silid. Baka ito ay ang kusina. Siya ay palakad-lakad paikót nagmamasid. Ang Kanyang hitsura ay tila nagkaroon Siya ng pinakaperpektong tulog, Siya ay napaka-liksi at kalmante.

Si Zachariah ay palakad-lakad nang pauli-uli sa hardin nang ninenerbiyos . Si Maria ay awang-awang tinitingnan siya. Siya pagkaraan ay pumasok sa dating silid, at nakaluhod malapit sa Kanyang habihan, Siya ay nananalangin nang husto, sapagkat ang sigaw ni Elizabeth ay nagiging mas malala. Siya ay yumuko sa lupa pinakikiusapan ang Eternal na Ama. Si Zachariah ay pumasok muli, at nakikita si Maria sa ganitong nakapatirapang kalagayan, ang matandang lalaki ay umiyak. Si Maria ay bumangon at kinuha sa kamay ang matanda. Siya ay labis na napakabata kaysa sa kanya, ngunit Siya ay nagmumukhang ang tila ina ng kaawa-awang nangungulilang matandang kaluluwa, at ibinubuhos ni Maria ang Kanyang pangangalaga sa kanya.

⁸Sila ay nakatayong gayon, magkatabi, sa ilalim ng sikat ng araw na nagagawa ang ere sa umaga na magmukhang malarosas, at sa ganitong kalagayan ang masayang balita nakarating sa kanila: «Siya ay naipanganak na! Naipanganak na siya! Ito ay lalaki! Masayang ama! Isang batang lalaki na kasing ganda ng rosas, kasing ganda ng araw, kasing lakas at lusog ng kanyang ina! Kalugúran para sa iyo, ama, pinagpalà ng Panginoon Na nagbigay sa iyo ng isang batang lalaki upang maialay mo sana siya sa Templo! Kaluwalhatian sa Diyos, Na nagkaloob sa iyo ng posteridad sa bahay na ito! pinagpalà ka, at ang iyong anak na pinanganak sa iyo! Harinawang ang kanyang mga anak ay pamalagiin ang iyong pangalan sa loob ng mga dantaon, henerasyon sa henerasyon, at harinawang ang kanyang mga inapu ay palaging kaisa ng Eternal na Panginoon.»

Si Maria ay pinagpapalà ang Panginoon umiiyak sa tuwa. Pagkaraan ang dalawa ay tinanggap ang munting sanggol, na dinala sa ama, upang sana pagpalain niya ito. Si Zachariah ay hindi nagtungo kay Elizabeth. Tinanggap niya ang sanggol na umiiyak nang napakalakas, ngunit hindi siya pumupunta sa kanyang asawa.

Si Maria sa halip, ang pumunta, dala-dala ang mahal na munting sanggol, na naging tahimik kaagad noong kinuha siya ni Maria. Ang babaeng sumusunod sa Kanya ay napuna ito, at sinabi niya kay Elizabeth: «Babae, ang inyong anak ay nanahimik kaagad noong kinuha Niya siya. Tingnan mo kung gaano siya natutulog nang tahimik, at tanging ang Langit lamang ang naka-aalam kung gaano siya kabalisa at kalikot kanina. Ngunit tingnan ninyo ngayon! Siya ay tila isang munting kalapati.»

Si Maria ay inihiga ang bata malapit sa kanyang ina at inaaruga si Elizabeth, inaayos Niya ang kanyang buhok. «Ang rosas ay pinanganak na» pabulong na wika Niya, «at ikaw ay buháy. Si Zachariah ay masaya.»

«Siya ba ay nakapagsasalita?»

«Hindi pa. Ngunit umasa sa Panginoon. Magpahinga na ngayon. Dito lang Ako sa iyo.»

                                                                                                ------------------------------------------

mary sinab

Sinasabi ni Maria:

⁹Kung napabanal ng Aking presensya si Juan Bautista, hindi nito napawalang-bisa para kay Elizabeth ang sentensiya laban kay Eba. “Manganganak ka sa iyong mga anak sa hirap” ito ang sinabi ng Eternal na Ama.

Tanging Ako lamang, dahil Ako ay walang batik, at hindi Ako nagkaroon ng kahit anong kopulasyong pantao, ang napaliban sa panganganak nang walang hirap. Ang kalungkutan at kirot ay ang mga bunga ng pagkakasala. Ako, Na siyang ang Inosenteng Isa noon, ay kinailangan na malaman Ko rin ang kapighatian at kalungkutan, dahil Ako ang Kapwa-Tagapagtubos. Ngunit hindi Ko nalaman ang pahirap ng panganganak. Hindi. Hindi Ko nalaman ang pahirap na iyan.

Ngunit maniwala sa Akin, anak, na hindi kailanman nagkaroon, at hindi kailanman magkakaroon ng isang pahirap ng panganganak katulad ng Akin bilang ang Martir ng isang espirituwal na Maternidad, na nangyari sa ibabaw ng pinakamatigas na mga kama, ang kama ng Aking krus, sa paanan ng intablado ng Aking namamatay na Anak. Alin na ina ang mapipilitan na manganak nang ganyan? Upang isama ang pahirap ng Kanyang mga bituka na pasumpung-sumpong na humihilab dahil sa naririnig Niya sa Kanyang namamatay na Anak, sa pahirap na pumupunit sa Kanyang mga bituka dahil sa hirap na mapangibabawan ang sindak ng pangangailangan na masabi: “Minamahal Ko kayo, halikayo sa Akin Na inyong Ina” sa bawat mamamatay-tao ng Kanyang Anak, pinanganak ng kataastaasang pagmamahal na nakita kailanman ng Langit, ng pagmamahal ng isang Diyos sa isang birhen, ng halik ng Apoy, ng yakap ng Liwanag na naging Laman, at nagawa ang sinapupunan ng isang babae na maging ang Tabernakulo ng Diyos?

“Gaanong kirot upang maging isang ina!” sabi ni Elizabeth. Labis-labis!

Ngunit wala kapag kinompara sa Akin.

¹⁰ ”Hayaang idiin ko ang aking mga kamay sa tiyan Mo”. O, kung laging hinihingi ninyo iyan sa Akin kapag naghihirap kayo!.

Ako ang Eternal na Tagapagdala kay Jesus. Siya ay nasa Aking sinapupunan, katulad ng nakita ninyo noong nakaraang taon, katulad ng Ostiya sa Kustodya. Ang pumunta sa Akin ay nakikita Siya. Ang sumandal sa Akin, ay nahihipo Siya. Ang nakikiusap sa Akin, ay nakakausap Siya. Ako ang Kanyang Damit. Siya ang Aking Kaluluwa. Ang Aking Anak ay kaisa ng Kanyang Ina nang higit pa, mas lalo na ngayon, kaysa sa loob ng siyam na buwan na Siya ay nasa Aking sinapupunan. At ang bawat kirot ay napananahimik, bawat pag-asa namumulaklak at bawat grasya ay dumadaloy para sa mga pumupunta sa Akin at ipinapahinga ang kanilang mga ulo sa Aking sinapupunan.

Ako ay nagdarasal para sa inyo. Tandaan iyan. Ang beatitude ng pagiging nasa Langit, naninirahan sa loob ng sinag ng Diyos, ay hindi Ako nagagawang makalimutan ang Aking mga anak na naghihirap sa lupa. At Ako ay nagdarasal. At lahat ng Langit ay nagdarasal, sapagkat ang Langit ay nagmamahal. Ang Langit ay buháy na karidad. At ang Karidad ay may awa sa inyo. Ngunit kahit na kung Ako ay nag-iisa lamang, ang Aking panalangin ay magiging sapat na para sa mga pangangailangan ng mga umaasa sa Diyos. Sapagkat hindi Ako kailanman tumitigil sa pagdarasal para sa inyong lahat, para sa banal at sa masamâ, upang mabigyan ng lugod ang banal, upang mabigyan ng pagsisisi ang masamâ na sana sila ay maligtas.

Halikayo, halikayo, o mga anak ng Aking kapighatian. Naghihintay Ako para sa inyo sa paanan ng Krus upang pagkalooban kayo ng mga grasya.»

(110) 131009/030513/033013

Sunod na kabanata.