234. Si Martha Abot-Kamay na Niya ang Tagumpay.

Hulyo 29, 1945.

Si Jesus ay papaalis na nakasakay sa bangka, sa bukanliwayway ng isang maliwanag na araw ng tag-init na nagkakalat ng mga rosas sa kulu-kulubot na malasedang ibabaw ng lawa, nang si Martha ay dumating kasama ang kanyang katulong. «O! Guro! Makinig sa akin, alang-alang sa Diyos» sinabi niya.

Si Jesus ay bumalik sa baybayin at nagsabi sa Kanyang mga apostol: «Lakad at maghintay sa Akin sa ilog. Pansamantala ihanda ang lahat para sa ating paglalakbay patungong Magedan. Ang Decapolis din any naghihintay para sa salita. Lakad.»

At habang ang bangka ay lumalayo at kinukuha ang bukas na lawa, si Jesus ay naglalakad katabi si Martha. Si Marcella ay magalang na sumusunod sa kanila.

At ganyan sila nakalayo sa nayon naglalakad sa baybayin, na mula sa isang mabuhangin na kahabaan ng lugar, na may pulu-pulong mga palumpong ng mga ligaw na yerba kalebel ng lawa, ay nagiging ganap na natatakpan ng mga tanim habang paakyat ito sa mga panabi ng mga burol, na nasasalamin sa lawa.

Nang marating nila ang isang bukod na lugar, si Jesus ay nagtanong ngumingiti: «Ano ang ibig mong sabihin sa Akin?»

«O! Guro… si Maria ay umuwi kagabi pagkaraan lamang ng hatinggabi. O! nakakalimutan kong sabihin sa Inyo na habang nanananghalian kami, sinabi niya sa akin: “Wala bang anuman sa iyo na pahiramin mo ako ng iyong mga damit at isang manta? Baka maikli nang kaunti ang mga iyon. Ngunit pababayaan kong maluwag ang damit at hahawakan kong mababa ang manta…” Tumugon ako sa kanya: “Maaari mong kunin anuman ang magustuhan mo, mahal kong kapatid”. Ang aking puso ay pumipintig sapagkat, bago nito, nagsasalita kay Marcella sa hardin nasabi ko sa kanya: “Sa panalanging gabi kailangan na naroroon na tayo sa Capernaum, sapagkat ang Guro ay magsasalita sa mga pulutong ngayong gabi” at nakita ko si Maria na napakilos at nagbago ang kulay. Siya ay naging balisa, palakad-lakad sa paligid nag-iisa, katulad sa isang tao na nasasaktan o kinakabahan, nasa punto ng paggawa ng pasya… ngunit hindi malaman kung anong daan ang kukunin. Pagkatapos ng tanghalian pumunta siya sa aking silid at kinuha ang pinakamaitim at simpleng damit na mayroon ako, isinukat niya iyon at pinakiusapan ang yaya na habaan ang laylayan, dahil napakaikli nito. Sinubukan niyang gawin niya iyon mismo, ngunit umiiyak siya ay nagtapat: “Hindi na ako magaling sa pananahi. Nakalimutan ko  na ang lahat na napakikinabangan at mabubuti…” at ako ay kanyang niyakap nagsasabing: “Ipagdasal mo ako”. Siya ay lumabas nang mga paglubog ng araw... Gaano ako nagdasal, na sana hindi siya makatagpo ng sinuman na makapagpipigil sa kanya sa pagpunta rito, upang baka maintindihan niya ang Inyong salita at managumpay na masakal nito nang tiyak ang halimaw na nang-aalipin sa kanya… Tingnan: isinuot ko ang Inyong sinturon, na aking inipit sa ilalim ng aking sariling sinturon, at kapag nararamdaman ko ang aking baywang na nasisikipan sa matigas na balat, na hindi kinasanayan nito, sasabihin ko: “Siya ay mas malakas kaysa anong bagay”. Pagkatapos si Marcella at ako ay pumunta nakasakay sa karwahe, dahil mas mabilis ito. Hindi ko alam kung nakita ninyo kami sa pulutong… Ngunit anong sakit sa aking puso na hindi nakikita si Maria! Sinasabi ko sa aking sarili: “Baka nagbago ang kanyang isip. Siya ay umuwi na. O… siya ay lumayas dahil hindi na niya matagalan ang aking pagkontrol, bagama't siya ang humingi nito”. Ako ay nakikinig sa Inyo at umiiyak sa ilalim ng aking belo. Ang Inyong mga salita ay tila binigkas na parang para sa kanyang lamang… at hindi niya napakinggan iyon! Iyan ang aking iniisip dahil hindi ko siya nakita. Ako ay umuwi na malungkot. Iyan ang katotohanan. Nasuway ko Kayo sapagkat sinabi Ninyo sa akin: “Kung siya ay pupunta, ikaw ay manatili sa bahay at maghintay sa kanya”. Ngunit isipin ang aking puso, Guro! Iyon ay ang aking kapatid na pupunta sa Inyo! Papaano ako hindi pupunta roon upang makita siya sa malapit sa Inyo? At pagkatapos… Sinabi Ninyo sa akin: “Siya ay magiging wasak ang puso” at ibig kong mapalapit sa kanya upang suportahan siya kaagad…

Ako ay nakaluhod sa loob ng aking silid umiiyak at nagdarasal at iyon ay pagkaraan ng hatinggabi nang siya ay dumating. Dumating siya nang napakatahimik upang napakinggan ko lamang siya nang itinapon niya ang kanyang sarili sa akin niyayakap ako at nagsasabing: “Ang lahat na sinasabi mo, aking pinagpalang kapatid, ay totoo. Hindi, iyon ay mas lalo pang totoo kaysa sa sinabi mo sa akin. Ang Kanyang awa ay mas malaki. O! Martha! Wala nang pangangailangan pa na bantayan mo ako! Makikita mo na ako ay hindi na magdududa at mamiserable! Hindi mo na ulit ako mapapakinggan na magsasabi: ‘Ayaw kong mag-isip!’ Ngayon ibig kong mag-isip. Alam ko kung ano ang dapat isipin. Tungkol sa Kagandahan Loob na naging laman. Ikaw ay talaga ngang nagdarasal para sa akin, kapatid. At ang tagumpay ay nasa iyo nang panghahawak: ang Iyong Maria, na ayaw nang magkasala at naipanganak na sa bagong buhay. Naririto siya. Tingnan mo siya nang tuwiran sa mukha. Sapagkat siya ay ang bagong Maria, na ang mukha ay nahugasan ng mga luha ng pag-asa at pagsisisi. Maaari mo akong halikan, aking dalisay na kapatid. Walang bakas ng nakakahiyang mga pakikilaguyo sa aking mukha. Sinabi Niya na mahal Niya ang aking kaluluwa. Sapagkat Siya ay nagsasalita sa akin kaluluwa at tungkol sa aking kaluluwa. Ako ay ang dating nawawalang tupa. Sinabi Niya, pakinggan kong tama ako. Nalalaman mo kung papaano magsalita ang Tagapagligtas…” at kanyang inulit nang perpekto ang Inyong parabula. Si Maria ay napakatalino! Mas matalino pa kaysa sa akin. At naalaala niya. Kung kaya’t napakinggan ko Kayo nang dalawang beses’ at kung ang mga salitang iyon ay banal at kasamba-samba sa Inyong mga labì, sa kanya iyon ay banal, kasamba-samba at mapagmahal sapagkat iyon ay winika ng aking kapatid, na natagpuan na at bumalik na sa kural ng pamilya. Kami ay nasa alpombra pa sa sahig, magkayakap, katulad ng aming madalas gawin ng kami ay mga bata pa sa loob ng silid ng aming ina o malapit sa habihan kung saan siya naghahabi o nagbuburda ng kanyang magagandang tela. At kami ay nanatiling ganyan, hindi nahahati ng kasalanan, at ang aking ina ay tila naroroon din sa kanyang espiritu. Kami ay umiyak nang walang anumang kapighatian, sa kabaligtaran, nang may labis na kapayapaan! Nagpapalitan kami ng halik nang masaya… At pagkatapos si Maria, na napagod pagkatapos ng kanyang mahabang paglalakad, at nahapo ng emosyon at ng marami pang mga pakiramdam, ay nakatulog sa loob ng aking bisig at sa tulong ng yaya inihiga ko siya sa kanyang kama… at iniwan ko siya roon upang pumunta rito…» at si Martha, ganap na masaya, ay hinahalikan ang mga kamay ni Jesus.

«Sasabihin Ko rin sa kung ano ang sinabi ni Maria sa iyo: “Ang tagumpay ay nasa panghahawak mo na”. Humayo at maging masaya. Humayo sa kapayapaan. Gawin ang iyong pagkilos na may-kabaitan at mahinahon sa iyong naipanganak-na-muli na kapatid. Paalam, Martha. Bigyang alam si Lazarus, dahil siya ay nag-aalala.»

«Oo, Guro. Ngunit kailan si Maria sasama sa amin na mga babaeng disipulo?»

Si Jesus ay ngumingiti at nagsabi: «Ang Tagapaglikha ay nilikha ang sansinukuban sa loob ng anim na araw at nagpahinga sa ikapito.»

«Naintindihan ko. Kailangan kong maging matiyaga…»

«Oo, tiyaga. Huwag magbuntung-hininga. Iyan ay isa ring birtud. Kapayapaan sa inyo, mga babae. Makikita tayo kaagad» at si Jesus ay iniiwan sila at pumunta sa lugar kung saan ang bangka ay naghihintay malapit sa baybayin.

                                                                                -------------

Sinasabi ni Jesus: «Ilagay dito ang bisyon tungkol sa hapunan sa bahay ni Simon, ang Pariseo, na iyong nakita noong Enero 21, 1944.»

130411 

 



Sunod na kabanata