238. Ang Parabula Tungkol sa mga Mangingisda.

Hulyo 31, 1945.

Lahat sila ay nag-ipun-ipon sa malaking silid sa itaas. Ang marahas na bagyo ay naging walang-tigil na pag-ulan, na kung minsan ay nagiging ambon at halos tumigil at pagkatapos bigla na lamang magiging buhos. Ang lawa ay tiyak na hindi asul ngayon, ito ay manilaw-nilaw na may mga guhit-guhit ng bula kapag umiihip ang hangin o bumabagsak ang ulan nang malakas. Ang mga burol ay lahat basang-basa, at ang mga punungkahoy ay mga nakayuko pa rin, ganap na babad sa ulan. Ang ilang mga sanga, nabali ng hangin, ay nakabitin at maraming dahon na mga napilas ng ulan na yelo ay inaanod ng maliit na agos ng tubig kahit saan: manilaw-nilaw na tubig na nagbubuhos ng mga dahon, bato, at lupa mula sa mga panabi ng burol patungo sa lawa.

Sa loob ng silid ay naroroon ang Banal na Birhen Maria, si Martha at si Maria ng Magdala, nakaupo malapit sa isang bintana mula kung saan ay makikita ang mga burol, ay mayroon ding dalawang babae, na hindi ko kilala. Ngunit sa palagay ko sila ay kilala rin ni Jesus, ni Maria at ng mga apostol, dahil sila ay tila hindi nag-aalangan. Sila ay tiyak na mas mapanatag kaysa kay Maria ng Magdala: siya ay walang kibo, na ang kanyang ulo nakatungo, sa pagitan ng Birheng Maria at ni Martha. Suot na nila ngayon ang kanilang sariling mga damit, na pinatuyo sa paapuyan at nabras upang maalis ang mantsa ng putik. Hindi, mali ako. Ang Banal na Birhen ay isinuot ang Kanyang madilim na asul na delanang damit. Ngunit si Maria ng Magdala ay nanghiram ng damit, na, matangkad at bilugang katulad niya, ay napakaikli at magaan para sa kanya at nagsisikap siya na mapunuan ang pagkukulang sa pagbabalot sa kanyang sarili sa pamamagitan ng manta ng kanyang kapatid. Inipon niya ang kanyang buhok sa dalawang makapal na tirintas, na kanyang naibuhol kahit na papaano sa kanyang batok, sapagkat nangangailangan ito ng mahigit pa sa ilang pang-ipit na pinulot dito at doon, upang masuportahan ang bigat ng buhok. Sa katunayan lagi kong napupuna na si Maria ng Magdala, bilang karagdagan sa kanyang mga pang-ipit sa buhok, ay gumagamit ng isang manipis na kulay-dayaming ribon, na nagmumukhang isang pinong diyadema at tumutugma sa kanyang ginintuang buhok.

Sina Jesus, ang mga apostol at ang lalaking maybahay ay nasa kabilang tabi ng silid, ang ilan ay mga nakaupo sa mga bangkito, ang iba sa mga hamba ng bintana. Ang katulong ni Martha ay wala rito. Sina Pedro at ang iba pang mangingisda ay pinagmamasdan ang panahon at gumagawa ng mga prediksiyon para sa susunod na araw. Si Jesus ay nakikinig at tumutugon sa isang ito at sa isang iyon.

«Kung nalaman ko ang tungkol dito, nasabi ko sana sa aking ina na pumunta rito. Tama lamang na ‘yung babae ay maging panatag kasama ang kanyang mga kasamahan» sabi ni Santiago ni Zebedeo sumusulyap sa mga kababaihan.

«Eh! Kung nalaman ko lang!... Ngunit bakit hindi pumunta ang inay kasama si Maria?» si Tadeo ay tinatanong ang kanyang kapatid na si Santiago.

«Hindi ko alam. Ibig ko din malaman mismo.»

«Siya kaya ay hindi mabuti ang pakiramdam?»

«Nasabi sana sa atin ni Maria.»

«Tatanungin ko Siya» at si Tadeo ay pumunta sa mga babae.

Naririnig ko ang malinaw na tinig ni Maria tumutugon: «Siya ay mabuti. Ngunit ayaw Ko siyang masobrahan sa pagtatrabaho sa init na ito. Kami ay tumakbong umalis katulad ng dalawang maliit na babae, hindi ba, Maria? Si Maria ay huling dumating noong gabi, nang madilim na at kami ay umalis sa pagsikat ng araw. Sinabi Ko lamang kay Alfeo: «Naririto ang susi. Babalik Ako kaagad. Sabihin kay Maria”. At Ako ay umalis.»

«Babalik tayong magkasama, Inay. Kaagad kapag ang panahon ay ayos na at si Maria ay may damit na, tayong lahat ay lalakad na magkakasama sa pamamagitan ng Galilee at sasamahan natin ang ating mga kapatid na babae sa pinakaligtas na daan. Kung kaya’t si Porphirea, si Susanna, at ang inyong mga asawa at mga anak na babae, Felipe at Bartolomeo, ay sasalubungin sila.» Ang Kanyang pagkakasabi: «Sasalubungin sila», sa halip na sabihin «Sasalubungin si Maria» ay tunay na napakaganda. At ito ay isa ring malakas na pagkakasabi. Naalis nito ang lahat na maling akala at mental na pagpipigil ng mga apostol tungkol kay Maria ng Magdala. Ang Kanyang mga salita ay ipinipilit siya, pinangingibabawan ang kanilang pag-aalangan, ang hiya ni Maria, lahat.

Ang mukha ni Martha ay nagningning sa tuwa, si Maria ng Magdala ay namumula at ang kanyang hitsura ay nangungusap, mapagpasalamat, balisa; ano ang masasabi ko?... Ang Kabanalbanalang Ina ay ngumingiti nang may kabaitan.

«Saan tayo una pupunta, Guro?»

«Sa Bethsaida. Pagkatapos tayo ay pupunta sa Nazareth daan ng Magdala, Tiberias at Cana. Mula sa Nazareth tayo ay pupunta sa Bethlehem sa Galilee daan ng Japhia at Shimron at pagkatapos sa Sicaminon at Caesarea…» Si Jesus ay napatigil ng isang pagbugso ng pag-iyak ni Maria ng Magdala. Itinaas Niya ang Kanyang ulo, tiningnan siya at pagkatapos nagpatuloy na tila wala nangyari: « Sa Caesarea matatagpuan ninyo ang inyong karwahe. Iyan ang tagubilin na ibinigay Ko sa katulong at kayo ay pupunta sa Bethany. Tayo ay magkikita-kita saka na, sa Kapistahan ng mga Tabernakulo.»

Si Maria ng Magdala ay inayos ang kanyang sarili kaagad, hindi siya tumutugon sa mga tanong ng kanyang kapatid, ngunit siya ay lumabas ng silid at baka pumunta sa kusina nang ilang sandali.

«Jesus, si Maria ay naghihirap na napapakinggan na siya ay pupunta sa ilang mga bayan. Kailangan natin siyang unawain… Sinasabi ko ito mas lalo na para sa mga disipulo kaysa para sa Inyo» wika ni Martha nang may kababaang-loob at nag-aalala.

«Totoo iyan, Martha. Ngunit kailangan na ganyan iyan. Kung hindi niya haharapin kaagad ang mundo at hindi napaglalabanan ang opinyon publiko, na isang nakamamatay na pagpapahirap, ang kanyang makabayaning kombersiyon ay mapaparalisa. Kailangan na gawin niya iyan kaagad at nang kasama tayo.»

«Habang siya ay kasama natin walang sinuman ang magsasalita sa kanya ng kahit na ano. Matitiyak ko sa iyo, Martha, at sa katauhan din ng lahat na mga kasama ko» pangangako ni Pedro.

«Siyempre! Tatratuhin namin siya bilang isang kapatid na babae. Iyan ang sinabi ni Maria na siya nga at magiging ganyan siya para sa amin» pagpapatotoo ni Tadeo.

«Matapos man ang lahat!... Tayong lahat ay mga makasalanan at ang mundo ay ni hindi rin tayo pinipuwera. Kung kaya’t maiintindihan namin ang kanyang pakikibaka» sabi ng Zealot.

«Naiintindihan ko siya nang higit pa sa pagkaintindi sa kanya ng iba. Napaka-karapat-dapat na mamuhay kung saan tayo nagkasala. Ang mga tao ay kilala kung sino tayo!... Ito ay isang pagpapahirap. Ngunit hustisya at kaluwalhatian ang labanan iyan diyan. Dahil nga na ang kapangyarihan ng Diyos ay makikita sa atin, mapapakilos natin ang iba na magbago, na walang binibigkas na mga salita» sabi ni Mateo.

«Nakikita mo, Martha, na ang iyong kapatid ay naiintindihan a minamahal ng lahat. A siya ay mamahalin at maiintindihan nang lalo pa. Siya ay magiging ang huwaran na tanda para sa napakaraming nagkakasala at natatakot na mga kaluluwa. Siya ay isang dakilang lakas din para sa mabubuting tao. Sapagkat pagkatapos na mailaglag niya ang mga huling tanikala ng kanyang pagiging tao si Maria ay magiging isang apoy na lumalagablab na may pagmamahal. Nabigyan lang siya ng ibang dadaanan patungo sa kasaganaan ng kanyang mga nararamdaman. Naitaas niya ang kanyang makapangyarihang pakultad na makapagmahal sa isang sobrenatural na lebel. At gagawa siya ng mga kababalaghan diyan. Matitiyak Ko sa iyo. Balisa pa lang siya ngayon. Ngunit makikita mo siya na magiging mas kalmante at mas malakas sa kanyang bagong buhay habang dumaraan ang mga araw. Sa bahay ni Simon sinabi Ko: “Siya ay labis na pinatatawad sapagkat siya ay labis na nagmamahal”.  Sasabihin Ko sa iyo ngayong totoo na siya ay patatawarin sa lahat, sapagkat mamahalin niya ang kanyang Diyos nang buong lakas niya, buong kaluluwa niya, buong isip niya, buong dugo niya, buong laman niya, hanggang sa ito ay holokausto.»

«Masuwerte siya na maging karapat-dapat ng ganyang mga salita! Sana karapat-dapat din ako niyan» buntung-hininga ni Andres.

«Ikaw? Ngunit karapat-dapat ka na nito! Halika rito, Aking mangingisda. Ibig kitang kuwentuhan ng isang parabula na tila inisip para sa iyo lamang.»

«Sandali lamang, Guro. Tatawagin ko si Maria. Gustung-gusto niya na matutunan ang Inyong doktrina!...»

Habang umaalis si Martha ang iba ay inaayos ang kanilang mga upuan upang makaporma ng isang paikot sa paligid ni Jesus. Ang dalawang magkapatid ay bumalik at naupo muli malapit sa Banal na Birhen.

Si Jesus ay nagsimulang magsalita: «May ilang mga mangingisda na nagpalaot at naglaglag ng kanilang lambat at pagkatapos ng tamang panahon binanton nila ito sa bangka. Ginagawa nila ang kanilang trabaho nang may kahirapan ayon sa mga tagubilin ng isang panginoon, na nagtiwala sa kanila na sila ang magtutustos sa kanyang bayan ng piling mga isda, na nagsabi sa kanila: “Huwag mag-abala na dalhin sa baybayin ang hindi magandang isda o mababang uri na isda. Itapon ulit ang mga iyan sa dagat. Ang ibang mga mangingisda ay mahuhuli ang mga iyan at sa dahilan na nagtatrabaho sila sa ibang panginoon, dadalhin nila mga iyan sa kanyang bayan, sapagkat kumakain sila ng kung ano ang nakasasamâ at sa gayon magagawa ang bayan ng aking kaaway na maging mas nakasusuklam, Walang di-maganda ang dapat na makapasok sa aking maganda, maningning, banal na bayan”.

Kung gayon, pagkatapos na mabanton ang lambat sa bangka ang mga mangingisda ay nagsimula ng pagpili. Iyon ay mabuting húli at ang mga isda ay nagkakaiba’t iba sa hitsura, sa laki at sa kulay. Ang iba ay nagmumukhang maganda ngunit ang laman ay puno ng tinik at hindi masarap ang lasa; at ang mga tiyan ay puno ng putik, uod at bulok na damong-dagat, na nagpapalalà sa masamang lasa ng isdang iyon. Ang iba sa halip ay mga pangit tingnan, katulad ng mga nakakatakot na mukha ng mga kriminal o nakakatulad ang mga halimaw ng masamang panaginip, ngunit nalalaman ng mga mangingisda na ang laman ng mga isdang iyon ay napakasarap. Ang iba ay napakadi-mahahalaga upang walang sinuman ang pumapansin sa mga ito. Ang mga mangingisda ay pinagpapatuloy ang kanilang pagtatrabaho hanggang sa ang mga basket ay lahat napuno ng piling mga isda at tanging mahinang klaseng mga isda lamang ang naiwan sa lambat. “Tama na iyan. Ang mga basket ay puno na. Atin nang itapon ang natira sa dagat” sabi ng maraming mangingisda.

Ngunit ang isa sa kanila, na halos hindi nagsasalita, habang ang iba ay kung hindi nagsasaya  pinagtatawanan nila ang bawat isda na nataon na mahawakan nila, ay nagpatuloy sa paghahanap sa lambat at kasama ng mahinang klaseng mga isda nakatagpo siya ng dalawa o tatlo na kanyang inilagay sa ibabaw ng mga basket. “Ano ang ginagawa mo?” ang iba ay tinanong siya. “Ang mga basket ay puno na ng magagandang isda. Nasisira mo sila sa paglalagay ng mahinang klaseng isda sa ibabaw nila. Tila tinitingnan mo ang inilagay mo na siyang pinakamaganda sa lahat”. “Hayaan lang ninyo ako. Alam ko ang uri ng isdang ito at alam ko kung gaano kasarap ito”.

Iyan ang parabula, na natapos sa pagpapalà ng panginoon para sa matiyaga, magaling, tahimik na mangingisda sa pagkapili niya sa pinakamaganda sa lahat na mga isda. Makinig na ngayon sa paggamit nito.

Ang panginoon ng maganda, maningning na banal na bayan ay ang Panginoon. Ang bayan ay ang Kaharian ng Langit. Ang mga mangingisda: ang Aking mga disipulo. Ang mga isda ng dagat: ang sangkatauhan, kung saan ang lahat na uri ng tao ay naririyan. Ang mabubuting isda: ang mga santo.

Ang panginoon ng nakatatakot na bayan ay si Satanas. Ang nakasusuklam na bayan: ang Impiyerno. Ang kanyang mga mangingisda: ang mundo, ang laman, ang masasamang masisimbuyong damdamin na nasa loob ng mga katulong ni Satanas, kapwa mga espirituwal, ibig sabihin mga dimonyo, at mga tao, ibig sabihin mga tao na nagpaparumi sa kapwa mga tao. Ang masamang isda: ang sangkatauhan na di karapat-dapat sa Kaharian ng Langit: mga isinumpang mga kaluluwa.

Sa mga mangingisda ng mga kaluluwa para sa Siyudad ng Diyos ay magkakaroon lagi ng mga gagaya sa galing ng matiyagang mangingisda, na magpupursige sa kanyang paghahanap sa mga hanay ng sangkatauhan kung saan ang kanyang di-masyadong matiyagang mga kasama ay pumupulot lamang ng kung ano ang lumalabas na maganda sa unang tingin. At nakalulungkot na magkakaroon din ng mga mangingisda, na, bilang madalas wala sa sarili at madaldal – pag-asikaso at pananahimik ay kinakailangan para sa pagpipili upang mapakinggan ang mga tinig ng mga kaluluwa at ang sobrenatural na mga palatandaan – ay hindi nila makikita ang magagandang isda at mawawala sa kanila ang mga ito. At magkakaroon ng ilan na sa pamamagitan ng labis na kahigpitan tatanggihan ang mga kaluluwa sapagkat ang kanilang panlabas na aspekto ay hindi perpekto, samantalang napakagaling nila tungkol sa iba pa.

Anong kuwenta nito sa Akin, kung ang isa sa mga isda na nahuli ninyo para sa Akin ay nagpapakita ng mga tanda ng nakaraang mga pakikibaka at pagkakaputol-putol dahil sa napakaraming mga dahilan, kung hindi nila sinusugatan ang kanilang espiritu? Anong kuwenta niyan sa inyo, kung ang isa sa kanila ay nasugatan sa pagpapalaya ng kanyang sarili mula sa Kaaway at iniharap ang sarili na may ganyang mga sugat, kung ang kanyang panloob ay malinaw na nagpapakita ng kanyang kalooban na mapasa-Diyos? Ang subok na mga kaluluwa at mga maaasahang kaluluwa. Mas maaasahan kaysa sa mga kaluluwa na katulad ng mga bata protektado ng mga lampin, mga kuna at mga ina, at mga natutulog nang mapayapa pagkatapos na mapakain, o ngumingiting masasaya, ngunit pagdating ng araw sa kanyang pamumuhay, nang sila ay nagka-edad at nakapangangatwiran at kinailangan na humarap sa mga problema ng buhay, ay maaaring ang pagmumulan ng di-magaganda sorpresa dahil sa kanilang mga pagkakalihis sa moral.

Ibig Ko kayong paalalahanan ng parabula tungkol sa alibughang anak. At makaririnig kayo ng marami pa sapagkat lagi Akong magsisikap na maturuan kayo ng tamang paghusga sa pagsusuri ng mga konsiyensya at sa pagpili ng pinakamagandang pamamaraan upang magabayan ang mga konsiyensya, na mga indibidwal at kung gayon ang bawat isa ay may kanya-kanyang espesyal na pamamaraan ng pakiramdam at pagtugon sa mga panunukso at sa inyong itinuturo. Huwag isipin na madali ang mamilì ng mga kaluluwa. Malayo mula diyan! Nangangailangan ito ng espirituwal na mata na nagniningning sa dibinong liwanag at nangangailangan ito ng katalinuhan na nalagyan ng dibinong karunungan, at ang pagkakaroon ng mga birtud sa makabayaning antas, una sa lahat karidad. Kinakailangan na nakapagtututok sa pagninilay-nilay sapagkat ang bawat kaluluwa ay isang malabong teksto na kailangan mabasa at mapagnilay-nilayan. At ang patuloy na pakikiisa sa Diyos ay kinakailangan, kinalilimutan ang lahat na pagkamakasariling mga interes. Ang isa ay kinakailangan na mamuhay para sa mga kaluluwa at para sa Diyos, at napangingibabawan niya ang mga prehuwisyo, mga sama ng loob, pagkasuklam. Kinakailangan na maging kasing bait katulad ng isang ama at maging kasing tigas katulad ng isang mandirigma. Mabait upang makapagbigay ng payo at makapagpasayá. Matigas upang makapagsabi: “Iyan ay hindi pinahihintulutan at hindi mo iyan gagawin”. O: “Tama na gawin iyan at gagawin mo iyan”. Sapagkat – at kailangan na tandaan ninyo ito nang mabuti – maraming kaluluwa ang maitatapon sa mga sanaw ng impiyerno. Magkakaroon din dito ng mga kaluluwa ng mga nag-eebanghelyo na mga mangingisda: mga kaluluwa ng mga nagkulang sa kanilang ministeryo, nakakatulong kung gayon sa pagkawala ng mga kaluluwa.

Ang araw ay darating, ang huling araw ng lupa, ang una ng nakumpleto at eternal na Herusalem, kung kailan ang mga anghel, katulad ng mga mangingisda ng parabula, ay ihihiwalay nila ang mga makatarungan mula sa masasama at sa di-mababaluktot na utos ng Hukom, ang mabubuti ay pupunta sa Langit at ang masasama sa eternal na apoy. At pagkatapos ang katotohanan ay gagawing malaman tungkol sa mga mangingisda at sa mga isda, ang pagkukunwari ay babagsak at ang sambayanan ng Diyos ay lilitaw katulad ng kung ano sila, kasama ang kanilang mga pinuno at ang mga nailigtas ng mga pinuno. Makikita natin diyan kung gayon na marami, na mga sa panlabas na anyo ay walang halaga at minamaltrato, ay ang mga pinakamaningning sa Langit, at na ang tahimik na matiyagang mga mangingisda ay ang mga gumawa nang pinakamalaki at ngayon nagniningning sa batong-hiyas na kasing dami ng mga kaluluwa na kanilang nailigtas.

Nasabi Ko na sa inyo ang parabula at naipaliwanag na ito.»

«At ang aking kapatid?!... O! ngunit…» si Pedro ay tinitingnan siya¹… at pagkatapos si Maria ng Magdala.

«Hindi, Simon. Wala akong merito diyan.  Iyon ay lahat gawa ng Guro» sabi ni Andres nang prangko.

«Kung gayon, ang iba bang mga mangingisda ay kay Satanas, ibig kong sabihin makukuha nila ang mga tira?» tanong ni Felipe.

«Nagsisikap sila na makuha ang pinakamaganda, ang mga kaluluwa na may kakayahan tungkol sa pinakamagandang kababalaghan ng Grasya, at ginagamit nila ang gayon ding mga tao upang magawa rin ito, bukod sa kanilang sariling mga panunukso. Napakarami sa mundo na kapalit ng isang sabaw sa kusina ay ipinagbibili ang kanilang likas na karapatan!»

«Guro, isang araw sinabi Ninyo na marami ang pinababayaan ang sarili na marahuyo ng mga panggaganyak ng mundo. Sila ba ang mga nangingisda para kay Satanas?» tanong ni Santiago ni Alfeo.

«Oo, Aking kapatid. Sa parabulang iyon ang lalaki ay pinababayaan ang kanyang sarili na marahuyo ng labis na pera, na makapagbibigay sa kanya ng labis na sarap, nawawala kung gayon ang bawat karapatan sa Kaban ng Kaharian. Ngunit sasabihin Ko sa inyong totoo na sa sandaan taon tanging katatlo lamang ang makapaninindigan laban sa panunukso ng ginto o iba pang mga panunulsol, at sa katatlong iyan kalahati lamang ang makagagawa niyan nang may kabayanihan. Ang mundo ay namamatay na napupupusan sapagkat kusang labis nitong pinabibigatan ang sarili ng mga kaugnayan sa kasalanan. Mas mabuti nang mawalan ng lahat na ito kaysa magkaroon  ng malupit at nakapanlolokong mga kayamanan. Magsikap na gayahin ang marurunong na mga mag-aalahas, na, kapag napagsabihan na ang isang pambihirang perlas ay natagpuan, hindi nag-aabala na magtago ng maraming maliliit na batong-hiyas sa kanilang mga kaha de yero, bagkus pinakakawalan nila ang lahat upang mabili ang magandang perlas.»

«Bakit kung gayon sinasabi Ninyo na may pagkakaiba sa mga misyon na Inyong ipinagkakatiwala sa mga sumusunod sa Inyo, at sinasabi Ninyo na kailangan namin na tingnan ang mga misyon na iyon bilang isang kaloob ng Diyos? Hindi ba kailangan din namin na balewalain ang mga ito, sapagkat ang mga ito ay bagkus mga mumo lamang kompara sa Kaharian ng Langit» sabi ni Bartolomeo.

«Hindi mga mumo: ang mga iyan ay mga pamamaraan. Ang mga iyan ay magiging mga mumo, o mas mabuti pa, magiging maruruming dayami, kung ang mga iyan ay maging ang pakay ng tao sa buhay. Ang mga inaabala ang mga sarili upang makakuha ng isang pusisyon na may pantaong kikitain, ay ginagawa ang pusisyon na iyan, kahit na kung iyan ay isang banal na pusisyon, na maging maruming dayami. Kailangan na sa halip tanggapin ninyo iyan nang may pagsunod, bilang isang malugod na katungkulan at isang holokausto, at magagawa ninyo iyan sa pagiging isang napakapambihirang perlas. Ang isang misyon ay isang holokausto kung ginagampanan nang walang pagpipigil, iyan ay isang martiryo at isang kaluwalhatian. Tumutulo iyan ng luha, pawis, dugo, ngunit pumoporma iyan ng isang korona ng eternal na regalya.

«Talagang nasasagot Ninyo ang lahat na katanungan!»

«Naintindihan ba ninyo? Naiintindihan ba ninyo ang Aking sinasabi sa pamamagitan ng mga pagkukumpara sa mga bagay na kinuha sa pang-araw-araw na pamumuhay, subalit naiilawan ng sobrenatural na liwanag na nagpapaliwanag sa kanilang eternal ng mga ibig sabihin?»

«Oo, Guro, naiintindihan namin.»

«Tandaan kung gayon ang pamamaraan upang maturuan ang mga pulutong. Sapagkat iyan ang isa sa mga sekreto ng mga eskriba at mga rabbi: ang makaalaala. Sasabihin Ko sa inyong totoo na ang bawat isa sa inyo, ­pinuspos ng karunungan na magpapatiyak na maari ang Kaharian ng Langit, ay katulad ng isang ama ng isang pamilya na kumukuha sa kanyang kaban ng kung ano ang kinakailangan para sa kanyang pamilya,  ginagamit ang luma at bagong mga bagay, para sa iisang pakay lamang, na siyang ang ikabubuti ng kanyang mga anak. Ngayon ay hindi na umuulan. Atin nang iwanan ang mga babae sa kapayapaan at pumunta tayo sa matandang Tobit na malapit nang ibukas ang kanyang espirituwal na mga mata sa bukanliwayway ng susunod na buhay. Kapayapaan sa inyo, mga babae.»

 140411 



¹Si Andres. RLB.



Sunod na kabanata