248. Patungong Sicaminon.

Agosto 10, 1945.

Ang kalmanteng maaraw na umaga ay natutulungan ang apostoladong grupo na maakyat ang ilang mga burol na umuunat pakanluran, ibig sabihin patungo sa dagat.

«Nagawa natin ang tamang bagay na makarating sa mga bundok maaga ng umaga. Hindi tayo makapananatili sa kapatagan sa ganitong init. Malilim at malamig dito. Nalulungkot ako sa mga bumabaybay sa Romanong daan. Walang anuman doon sa taglamig, siyempre» sabi ni Mateo.

«Pagkatapos ng mga burol na ito masasalubong natin ang hangin mula sa dagat. Laging napagagaan nito ang hangin» sabi ni Jesus.

«Kakain tayo roon sa tuktok. Nang nakaraang araw ito ay napakaganda. At mula rito ito ay maaaring mas lalong maganda pa sapagkat mas malapit tayo sa Mount Carmel at sa dagat» dagdag ni Santiago ni Alfeo.

«Ang ating amangbayan ay maganda ngang totoo!» bulalas ni Andres.

«Oo. Naririyan ang lahat. Mga bundok natatakpan ng niyebe, kaaya-ayang mga burol, mga lawa at mga ilog, lahat ng uri ng mga punungkahoy, at naririyan din ang dagat. Ito ay totoong ang masarap na bayan na ipinagdiriwang ng ating mga salmista, mga propeta, ating dakilang mga mandirigma at mga makata» sabi ni Tadeo.

«Ulitin mo ang ilang mga pasahe, sa dahilan na alam mo ang napakaraming bagay» pakiusap ni Santiago ni Zebedeo.

«”Sa pamamagitan ng kagandahan ng Paraiso pinorma Niya ang lupa ni Judas. Sa pamamagitan ng mga ngiti ng Kanyang mga anghel inadornohan Niya ang lupain ni Naphtali at sa pamamagitan ng mga ilog ng makalangit na pulot pinalasahan Niya ang prutas ng kanyang lupain…

Ang buong sangnilikha ay nasasalamin sa iyo, batong-hiyas ng Diyos, ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang banal na sambayanan.

O! kaiga-igayang lupain, ang iyong kagandahan ay para sa mga puso ng iyong mga anak mas matatamis pa kaysa sa mayamang ubas na nagkakagulang sa mga panabi ng iyong mga burol, mas masarap pa kaysa sa gatas na pumupuno sa mga suso ng inyong mga inahing tupa, mas nakalalasing pa kaysa sa pulot na may lasa ng mga bulaklak na nag-aadorno sa iyo.

Ang kalangitan ay bumaba upang maging isang ilog na magdudugtong sa dalawang hiyas na bato, pinoporma ang isang palawit at isang bigkis sa iyong berdeng damit.

Ang Jordan ay umaawit, ang isa sa iyong mga karagatan ay ngumingiti, habang ang isa ay pinaaalalahanan ang mga tao na ang Diyos ay puno ng pitagan at sa gabi ang mga burol ay tila sumasayaw katulad ng masasayang mga batang babae sa isang parang, at sa anghelikal na mga bukanliwayway ang iyong mga bundok ay nagdarasal o umaawit ng aleluya sa alab ng araw, o sinasamba ang Inyong kapangyarihan kasama ang mga bituin, Kataastaasang Panginoon.

Hindi Ninyo kami ikinulong sa loob ng isang makitig na mga hangganan, bagkus ibinigay Ninyo sa amin ang bukas na dagat upang sabihin sa amin na ang mundo ay amin”.»

«Ang ganda! Totoong maganda! Kagagaling ko pa lamang sa lawa at sa Herusalem; sa mga taon at mga taon wala akong nakitang iba. Magpahanggang ngayon ang alam ko lamang ay Palestina. Ngunit natitiyak ko na wala nang iba pang mas maganda sa mundo» sabi ni Pedro puno ng pambansang pagmamalaki.

«Si Maria ay nagsasabi sa akin na ang lambak ng Nilo din ay maganda» sabi ni Juan.

«At ang mamâ ng Endor ay nagsasalita ng tungkol sa Cyprus na tila iyon ay paraiso» dagdag ni Simon.

«Eh! Ngunit ang ating lupain!...»

At ang lahat na mga apostol maliban sa Iskariote at kay Tomas, na kasama si Jesus sa unahan nang kaunti sa iba, ay nagpapatuloy sa pagpapapuri sa kagandahan ng Palestina.

Ang mga kababaihan ang huling nakarating, sa dahilan na hindi nila mapigilan ang kanilang sarili sa pagpitas ng mga buto ng mga bulaklak na maitatanim sa kanilang mga hardin, at dahil din na ang mga bulaklak ay magaganda at magiging mga alaala ng kanilang paglalakbay.

Ilang mga agila, sa palagay ko sila ay mga agilang dagat o mga buwitre, ay palipad-lipad sa malawak na mga pabilog sa ibabaw ng mga tuktok ng burol, dumadagit pababa paminsan-minsan sa paghahanap ng mabibiktima. At dalawang buwitre ang nagsisimulang mag-away, inaatake ang isa’t isa sa mabibilis na mga pag-ikot sa ere, kapwa nawawalan ng mga balahibo sa bawat atake: isang elegante ngunit matinding duwelo na nagtatapos sa pag-alis ng natalong isa, na baka umalis upang mamatay sa isang malayong tuktok ng bundok. Iyan man lamang ang naiisip ng lahat, tinitingnan ang hirap na paglipad, na tila ito ay mamatay na.

«Ang kasakiman ay walang nagawang mabuti» wika ni Tomas.

«Ang kasakiman at katigasan ng ulo ay laging nakagagawa ng problema. Ang tatlo rin na iyon kahapon!... Eternal na awa! Anong nakahihilakbot na kapalaran!» sabi ni Mateo.

«Hindi na ba sila makapanunumbalik?» tanong ni Andres.

«Tanungin mo ang Guro.»

Nang si Jesus ay tinanong, tumugon Siya: «Mas mabuti pang itanong kung sila ay mapababalik ang kalooban sa Diyos. Sapagkat sasabihin Ko sa inyong totoo na mas mabuti pang mamatay na isang banal na ketongin kaysa isang malusog na makasalanan. Ang ketong ay mananatili sa Lupa, sa libingan. Ang mga kasalanan ay tatagal magpasawalanghanggan.»

«Gustung-gusto ko ang Inyong talumpati kagabi» sabi ng Zealot.

«Ako, sa halip, ay hindi. Iyon ay napakahigpit para sa napakaraming mga tao sa Israel» sabi ng Iskariote.

«Ikaw ba ay isa sa kanila?»

«Hindi, Guro.»

«Bueno, kung gayon. Bakit ka nababahala?»

«Sapagkat ito ay maaaring makapinsala sa Inyo.»

«Ako ba kung gayon ay kailangan na makipag-areglo sa mga nagkakasala at maging kanilang kasabwat, upang maiwasan ang posibleng pinsala?»

«Hindi ko sinasabi iyan. Hindi Ninyo magagawa iyan. Ngunit manahimik. Huwag Ninyong pagtampuhan ang malalaki…»

«Ang pananahimik ay pagbibigay ng kapahintulutan. Hindi Ako nagbibigay ng kapahintulutan sa kasalanan. Ni kasalanan ng pangkaraniwang mga mamamayan, o ng malalakas.»

«Nakita Ninyo ang nangyari kay Juan Bautista?»

«Ang kanyang kaluwalhatian.»

«Kanyang kaluwalhatian? Sa palagay ko iyon ay kanyang kasiraan.»

«Ang pang-uusig at kamatayan dinanas upang maging matapat sa ating katungkulan ay isang kaluwalhatian para sa tao. Ang isang martir ay laging maluwalhati.»

«Ngunit sa pamamagitan ng kanyang kamatayan pinipigilan niya ang kanyang sarili na maging isang guro, at makapamimighati sa mga disipulo at mga kamag-anak. Pinalalaya niya ang kanyang sarili mula sa bawat kirot, ngunit iniiwan ang iba sa mas malaking paghihirap. Si Juan Bautista ay walang kamag-anak, totoo iyan. Ngunit siya ay may mga katungkulan pa rin sa kanyang mga disipulo.»

«Kahit na kung siya ay walang mga kamag-anak, magiging ganyan pa rin iyan. Ang bokasyon ay mahigit pa sa dugo.»

 «At ano ang tungkol sa ikaapat na utos?»

«Iyan ay dumarating pagkatapos ng mga tungkol sa Diyos.»

«Nakita Ninyo kahapon kung papaano ang isang ina maghirap para sa kanyang anak…»

«Inay, Halikayo rito.»

Si Maria ay nagmadaling pumunta kay Jesus at nagtanong: «Ano ang kailangan Mo, Anak?»

«Inay si Judas ng Kerioth ay ipinakikiusap ang Inyong dahilan, minamahal niya Kayo at minamahal Ako.»

«Aking dahilan? Tungkol saan?»

«Ibig niya Akong kumbinsihin na maging mas mahinahon, upang hindi Ko sana ipaghirap ang katulad ng sa ating kamag-anak, na si Juan Bautista. At sinasabi niya sa Akin na ang mga anak ay kailangan na magkaroon ng awa sa kanilang mga ina, sa pamamagitan ng pagpapaliban sa kanilang mga sarili para sa kapakanan ng kanilang mga ina, sapagkat iyan ang ipinanunuto ng ikaapat na utos. Ano ang Inyong masasabi? Maaari Kayong magsalita, Inay, upang sana may-kabaitan na maturuan ang ating Judas.»

«Sasabihin Ko na hindi Ko na mamamahal ang Aking Anak bilang Diyos, na Ako ay magsisimula nang magduda kung Ako nga ay matagal nang nagkakamali at kung Ako ay matagal nang naloloko tungkol sa Kanyang Kalikasan, kung makikita Ko siyang magkulang sa Kanyang perpeksiyon, sa pagpápababa ng Kanyang kaisipan sa pantaong mga konsiderasyon, nawawala sa pananaw ang tungkol sa mas-mataas-pa-sa-tao na mga konsiderasyon ibig sabihin, ang panunubos, ang pagsisikap na matubos ang mga tao, para sa kanilang kapakanan at para sa kaluwalhatian ng Diyos,  sa pamamagitan ng pag-akò para sa Kanyang Sarili ng mga paghihirap at kapootan. Mamahalin Ko pa rin Siya bilang isang Anak na nailigaw ng isang masamang puwersa, mamahalin Ko Siya dala ng pagkaawa, sapagkat Siya ay Aking Anak, sapagkat Siya ay magiging isang kaawa-awang kapus-palad, ngunit hindi Ko Siya mamamahal ng may kaganapan ng pagmamahal ng kung papaano Ko Siya minamahal ngayon na nakikita Ko Siya na matapat sa Panginoon.»

«Ibig Ninyong sabihin sa Kanyang Sarili.»

«Sa Panginoon. Ngayon Siya ay ang Mesiyas ng Panginoon at kailangan na maging matapat sa Panginoon katulad ng lahat pang iba, mahigit pa sa kanino pa mang iba, sapagkat ang Kanyang misyon ay mas dakila pa kaysa sa alin pa mang iba dati, ngayon o kailanpaman sa Lupa, at Siya ay tiyak na mayroon mula sa Diyos ng angkop na tulong para sa ganyang kalaking misyon.»

«Ngunit kung mayroong masamang mangyari sa Kanya, hindi ba Kayo iiyak?»

«Iluluha Ko ang lahat na luha Ko. Ngunit luluha Ako ng dugo kung makikita Ko Siya na walang pananampalataya sa Diyos.»

«Mapaliliit niyan nang husto ang pagkakasala ng mga uusig sa Kanya.»

«Bakit?»

«Sapagkat kapwa Kayo at Siya ay halos mapangangatwiranan sila.»

«Huwag mong paniwalaan iyan. Ang kanilang mga kasalanan ay laging mananatiling ganyan din sa mga mata ng Diyos, kung husgahan man natin iyan na iyan ay di-maiiwasan, o minamarapat natin na kailangang walang tao sa Israel ang dapat na mag-isip na siya ay nagkasala sa Mesiyas.»

«Tao sa Israel? At kung sila ay mga Hentil hindi ba’t gayon din iyan?»

«Hindi. Hindi ito magiging pareho. Ang mga Hentil ay mapupunta sa pagkakamali hinggil sa kanyang kapwa tao lamang. Ang Israel ay nakikilala kung sino si Jesus.»

«Marami sa Israel ang hindi nakaaalam.»

«Ayaw nilang makaalam. Sila ay sinasadyang ayaw maniwala. Sila kung gayon ay idinadagdag ang pagtangging-maniwala sa kontra-karidad at kanilang tinatanggihan ang pag-asa. Iyan ay hindi maliit na kasalanan, Judas, ang yapakan ang tatlong birtud. Iyan ay isang mabigat na kasalanan, mas mabigat pang espirituwal kaysa sa ano pa man materyal na aksiyon laban sa Aking Anak.»

Si Judas, na kinapos na sa argumento, ay yumuko upang itali ang kanyang sandalyas at naiwanan.

Narating nila ang tuktok ng bundok, o kung baga ang isang ungos halos sa tuktok, isang ungos na nakausling patulak na tila ibig nitong tumakbo patungo sa magandang asul na dagat. Ang isang makapal na puno ng holm-oak ay sinasala ang malinaw na esmeraldang liwanag, tinutusok ng malambot na mga sinag ng araw kasing nipis ng mga karayom. Ang kaakit-akit na mahanging tuktok ng bundok ay paharap sa kalapit na baybayin ng dagat, katapat ang mahestuwosong kabit-kabit na mga bundok ng Mount Carmel. Sa ibaba, sa paanan ng bundok na may ungos na nakausli na tila ibig lumipad, pagkatapos ng ilang maliliit na bukid na nasa gitnang bahagi ng panabi ng bundok, ay may makitid na lambak na may malalim na kanal ng ilog, na maaaring tiyak na kamangha-manghang rumaragasa sa panahon ng mga pagbaha, ngunit ngayon ay napaliit sa isang mumunting malaplatang bumubulang agos sa gitna ng kanal nito. Ang agos ay dumadaloy patungo sa dagat sa tabi ng paanan ng Mount Carmel. Ang daan ay tumatakbong kaagapay ng agos, sa itaas ng kanang pampang nito at idinudugtong ang isang bayan na nasa gitna ng pulilan sa iba pang bayan na nasa loob ng lupain, baka sa Samaria, kung tama ang tingin ko sa aking mga pinagbabasihan.

«Ang bayan na iyon ay Sicaminon» sabi ni Jesus. «Mapupunta tayo roon mga gabi-gabi na. Tayo ay magpahinga na ngayon, sapagkat ang pagbaba ay mahirap, bagama't malamig at maikli.»

At nauupo nang pabilog, sila ay naguusap-usap sa isa’t isa at sa mga kababaihan, habang nag-iihaw ng isang tupa na nasa pangkabukiran na pantuhog, tiyak na regalo ng mga pastol…

090511

 



Sunod na kabanata