251. Pagbalik sa Sicaminon. Si Jesus Nagsasalita Tungkol sa Pananampalataya.

Agosto 13, 1945.

Ang sambayanan ng Sicaminon, nadala ng pag-usyoso, ay tinambakan ang lugar na kinaroroonan ng mga apostol, sa buong araw, hinihintay ang pagbabalik ng Guro. Ang mga babaeng disipulo, pansamantala, ay hindi nag-aksaya ng panahon, bagkus nilabhan ang mga damit na puno ng alikabok at basa ng pawis, at sa maliit na baybayin ay nagkaroon ng maningning na makikitang mga damit natutuyo sa hangin at sa sikat ng araw. At sa dahilan ng ngayon ay dapit hapon na at dumidilim na, ang pagkapagiging basa ng ulap ng dagat ay nararamdaman, kung kaya’t nagmadali silang ipasok ang mga damit, bagama't ang mga ito ay medyo basa-basa pa. Bago nila tiklupin ang mga ito inuunat nila ang mga ito sa lahat na direksiyon at dinidiinan, upang magmukha itong maganda sa mga nagmamay-ari.

«Ating dalhin ang mga damit ni Maria kaagad sa kanya» sabi ni Maria ni Alfeo. At siya ay naghinuha: «Siya ay totoong naghihirap kahapon at ngayon sa loob ng maliit na nakasisiil na silid na iyon!...»

Sa gayon nabatid ko na si Jesus ay nawala nang mahigit isang araw, sa loob ng panahong ito kung saan si Maria ng Magdala, na mayroon lamang isang damit, ay kinailangan na manatiling nasa loob, hanggang sa matuyo ang kanyang damit.

Si Susanna ay tumugon: «Mabuti na lang siya ay hindi kailanman nagrereklamo! Hindi ko naisip na siya ay napakabuti.»

«At napakamababa ang loob, kailangang sabihin mo, at mapagpigil. kaawa-awang babae! Ang dimonyo ang nagpahirap sa kanya! Mula nang siya ay napalaya ng aking Jesus, siya ay naging siya ulit, eksakto nang siya ay isang maliit na bata pa lamang.»

At nagsasalita sa isa’t isa, nakabalik sila sa bahay dala ang mga nalabhan.

Pansamantalang si Martha ay abala sa paghahanda ng pagkain, ang Banal na Birhen ay nililinis ang mga gulay sa isang tansong palanggana at pagkatapos pinakukuluan ito para sa hapunan.

«Naririto na ito. Ang lahat ay tuyo na, malinis at nakalupi. At kailangang kailangan ito nito. Pumunta kay Maria at ibigay ang kanyang mga damit» sabi ni Susanna iniaabot ang mga damit kay Martha.

Ang dalawang magkapatid ay bumalik pagkaraan ng kaunting sandali. «Pinasasalamatan ko kapwa kayo. Ang sakripisyo na isuot ang iisang damit nang mga ilang araw ay ang pinakamasakit para sa akin» sabi ni Maria ng Magdala ngumingiti. Ngayon sariwa at malamig ang aking pakiramdam.

«Pumunta ka at maupo sa labas, maganda ang simoy ng hangin. Tiyak na kailangan mo iyan pagkatapos na nakasara ka sa loob» wika ni Martha, na, bilang mas maliit kaysa sa kanyang kapatid, at hindi masyadong bilugan, ay nagawang naisuot ang damit ni Susanna o ni Maria ni Alfeo, habang ang kanyang damit ay nilalabhan.

«Ngayon kailangan na pagtiyagaan natin ito. Ngunit sa hinaharap magdadala tayo ng maliliit na bag, katulad ng iba, at hindi tayo magkakaroon ng problemang ganito» sabi ni Maria ng Magdala.

«Ano? Susundan mo ba Siya katulad ng ginagawa namin?»

«Siyempre. Maliban kung iba ang Kanyang sasabihin. Pupunta na ako ngayon sa baybayin upang tingnan kung sila ay bumabalik na. Sila ba ay babalik ngayong gabi?»

«Sana» tugon ng Kabanalbanalang Birhen. «Ako ay nag-aalala sapagkat pumunta Siya sa Phoenicia. Ngunit nalalaman Ko na kasama Niya ang mga apostol at maging ano pa man ang mga Phoenician ay baka mas mabubuti pa kaysa sa marami ibang mga tao. Nang Ako ay pumunta sa pontanya, ang isang ina ay pinatigil Ako nagsasabing: «Kasama Mo ba ang Galilean na Guro, ang Isa na kanilang tinatawag na Mesiyas? Kung gayon, halika at tingnan ang aking anak na lalaki. Pinahihirapan siya ng lagnat nang mahigit nang isang taon”. Pumunta Ako sa maliit na bahay. kaawa-awang bagay! Kamukha niya ang isang maliit na bulaklak na mamamatay na. Sasabihin Ko kay Jesus.»

«May mga ibang tao pa rin na ibig na mapagaling. Mas nananabik silang mapagaling kaysa maturuan» sabi ni Martha.

«Mahirap para sa isang tao na maging lubos na espirituwal. Ang tinig at pangangailangan ng laman ay mas malakas na nararamdaman» tugon ng Birhen.

«Ngunit, marami ang nanunumbalik nang espirituwal pagkatapos ng isang himala.»

«Oo, Martha. At iyan ang isa sa maraming rason kung bakit ang Aking Anak ay gumagawa ng maraming himala. Dala ng pagmamahal para sa tao, ngunit upang madala rin siya sa Kanyang daan sa pamamaraan na ganyan, na, kung hindi, marami ang hindi susunod.»

Si Juan ng Endor, na hindi sumama kay Jesus, ay bumalik sa baybayin maraming kasamang mga disipulo na patungo sa maliliit na bahay kung saan sila mga nakatira. Halos kasabay pabalik si Maria ng Magdala nagsasabing: «Sila ay dumarating. Sila ang limang bangka na umalis kahapon nang pagsikat ng araw. Kilalang-kilala ko sila.»

«Maaaring pagod sila at uhaw. Lalakad ako at magdadala ng marami pang tubig. Ang tubig ng pontanya ay malamig at si Maria ni Alfeo ay umalis may dalang ilang pitsel.

«Tayo na at salubungin si Jesus Halika» sabi ng Banal na Birhen At Siya ay lumakad kasama si Maria ng Magdala at si Juan ng Endor, sapagkat sina Martha at Susanna, kapwa namumula at abalang-abala sa paghahanda ng hapunan, ay nananatili sa lutuan sa kusina.

Naglalakad sa tabi ng isang pader nakarating sila sa maliit na daungan, kung saan ang ibang mga pangingisdang bangka ay nakapasok na at naka-angkla na. Mula sa dulo ng pier posibleng magkaroon ng napakagandang tanawin ng buong bay at ng bayan na sa pangalan nito ito tinawag, at makikita rin ng isa ang limang bangka na naglalayag nang mabilis, medyo nakakiling sa isang tabi, habang ang isang magaang hilagang ihip ng hangin ay pinupuno ang mga layag, at kung gayon paborable at nakapagbibigay ng pahinga sa mga lalaki na mga pagod at naiinitan.

«Tingnan kung gaano kahusay ni Simon at ang iba sa pagmamanyobra. Sinusundan nila ang nangungunang bangka nang napakagaling. Nakalampas na sila ngayon sa harang sa mga alon; papunta na sila ngayon sa bukas na dagat upang maiwasan ang agos na napakalakas sa banda roon. Mabuti… Ngayon ang lahat ay maayos na. Mamaya lamang sila ay nandito na» sabi ni Juan ng Endor Ang mga bangka sa katotohanan ay papalapit nang papalapit at posibleng makilala na ang mga tao na mga nakasakay.

Si Jesus ang una kasama si Isaac. Siya ay tumayo at ang Kanyang matangkad na pigura ay lumilitaw sa lahat ng kariktan nito hanggan sa Siya ay itinago ng bumabalumbon na layag nang ilang mga sandali Sa katunayan ang bangka ay umiikot upang malapitan ang pier at dumaraan sa harapan ng mga babae na mga nakatayo sa lugar na iyon. Si Jesus ay ngumingiti kumakaway sa kanila, habang nagsisimula silang maglakad nang mabilis upang marating ang daungang lugar kasabay ang bangka.

«Pagpalain Ka nawa ng Diyos, Aking Anak!» sabi ni Maria binabati si Jesus Na bumababa sa pantalan.

«Pagpalain nawa Kayo ng Diyos, Inay. Nag-aalala na ba Kayo? Ang taong aming hinahanap, ay wala sa Sidon. Nakarating kami hanggang sa layo ng Tyre. At natagpuan namin siya roon. Halika, Ermasteus… Naririto, Juan. Ang taong ito ay ibig na maturuan. Ipinagkakatiwala Ko siya sa iyo.»

«Hindi ko Kayo bibiguin sa pagtuturo sa kanya ng Inyong salita. Salamat sa Inyo, Guro! Maraming tao ang naghihintay para sa Inyo» tugon ni Juan ng Endor.

«Mayroon ding isang may sakit na batang lalaki, anak, at ang kanyang ina ay ibig niyang pumunta Ka roon.»

«Pupunta Ako agad sa kanya.»

«Kilala ko kung sino siya, Guro Dadalhin ko Kayo roon. Ermasteus, sumama ka sa amin. Magsisimula kang malaman ang walang-hangganang kabutihan ng Panginoon» sabi ng mamâ mula sa Endor.

Si Pedro ay bumaba mula sa ikalawang bangka, si Santiago mula sa ikatlo, si Andres mula sa ikaapat, si Juan sa ikalima; ang apat na piloto ay sinusundan ng ibang mga apostol o mga disipulo na kasama nila at ang lahat ay nag-ipun-ipon sa paligid nina Jesus at Maria.

«Umuwi na kayo. Darating din Ako diyan mamaya. Pansamantala ihanda ang hapunan at sabihin sa mga naghihintay na Ako ay magsasalita sa kanila sa katapusan ng panalanging gabi.»

«At papaano kung may mga taong may sakit?»

«Pagagalingin Ko muna sila. Kahit bago maghapunan, upang sila ay bumalik sa kanilang mga tahanan na masaya.»

Sila ay naghiwalay. Si Jesus kasama si Juan ng Endor at si Ermasteus ay lumakad patungo sa bayan, ang iba ay lumakad pabalik sa mabatong baybayin, nagkukuwento ng kung ano ang kanilang nakita at napakinggan, kasing saya ng mga batang bumabalik sa kanilang mga ina.

Si Judas ng Kerioth ay tila masaya rin. Pinapakita niya ang lahat na mga alay na ibinigay sa kanya ng mga manlalakaya ng mga kabibing murex, at higit sa lahat pinapakita niya ang isang bungkos na naglalaman ng mamahaling mga bagay «Ito ay para sa Guro Kung hindi Niya iyan isusuot, sino ang posibleng makapagsuot nito? Tinawag nila ako sa isang tabi nagsasabing: «Mayroon kaming ilang mamahaling mga kurales sa loob ng aming bangka, at mayroon din kaming isang perlas. Isipin na lang! Isang tagong kayamanan. Hindi ko alam kung papaano kami naging napakasuwerte. Ngunit ibibigay namin ito nang buong puso sa iyo para sa Guro. Halika at tingnan iyon”. Sumama ako sa kanila upang masiyahan sila, habang ang Guro ay umalis patungo sa isang kuweba upang magdasal. Iyon ay napakagagandang kurales at isang perlas, hindi isang malaki, ngunit maganda Sinabi ko sa kanila: «Huwag ninyong pagkaitan ang inyong sarili ng mga bagay na ito. Ang guro ay hindi nagsusuot ng mga alahas. Ibigay ninyo sa akin sa halip ang ilan ng mga purpurang iyon upang makagawa ng isang pasinaya para sa Kanyang damit”. Mayroon sila ng maliit na pakete na ito. Ipinilit nila na ibigay ang lahat sa akin, anuman ang mangyari. Kunin Ninyo, Ina, gumawa ng isang bagay na maganda para sa ating Panginoon, katulad na alam Ninyo kung papaano gawin iyan. Ngunit tiyakin na gagawin Ninyo. Pag malaman Niya ang tungkol diyan, ipagbibili Niya iyan para sa mahihirap. At gusto namin na makita Siyang nakadamit ayon sa karapat-dapat sa Kanya Tama ba iyon?»

«O! Totoo iyan! Naghihirap ako kapag nakikita ko Siyang nakadamit nang lisung-liso kasama ang ibang mga tao, habang Siya ay isang hari, at sila ay mas mababa pa kaysa sa mga alipin, subalit nakasuot sila ng kahanga-hangang mga dekorasyon at mga damit. At tinitingnan nila Siya na tila Siya ay hindi karapat-dapat na málapit sa kanila!» sabi ni Pedro.

«Ehi! Nakita ba ninyo kung gaano ang mga maginoong iyon sa Tyre tumatawa nang iniwan natin ang mga mangingisda?!» tugon ng kanyang kapatid.

«Sinabi ko sa kanila: “Kailangan na mahiya kayo, kayong mga aso! Ang isang sinulid ng Kanyang tunika ay hindi kasing halaga ng lahat ng inyong magagarbong palamuti”.» sabi ni Santiago ni Zebedeo.

«Dahil nakuha ni Judas iyan, ibig ko na magawa Ninyo iyang handa para sa mga Tabernakulo» sabi ni Judas Tadeo.

«Hindi pa Ako kailanman nakapaghabi ng purpura. Ngunit susubukan Ko…» sabi ng Banal na Birhen hinihipo ang magaang may maningning na kulay na lana, kasing lambot ng seda.

«Ang aking yaya ay eksperto diyan. Matatagpuan natin siya sa Caesarea. Ipakikita niya sa Inyo kung papaano iyan gawin. Matututunan Ninyo iyan kaagad, sapagkat nagagawa Ninyo ang lahat nang napakabuti. Maglalagay ako ng isang laso sa paligid ng leeg, sa mga manggas at sa laylayan ng Kanyang tunika: purpura sa niyebeng-kaputian na linen o lana, na may palma o rosete na mga dekorasyon katulad ng nakikita natin sa marmol ng Banal, at buhol ni David sa gitna. Magmumukhang maganda iyan» sabi ni Maria ng Magdala na isang eksperto sa magagandang bagay na ganyan.

Si Martha ay nagsabi: «Ang aming ina ay ginawa ang disenyong iyan, sapagkat napakaganda nito, sa tunika na ginamit ni Lazarus sa kanyang paglalakbay patungong Syria nang kinuha niya ang pag-aari ng aming lupa roon Itinago ko ito sapagkat iyon ay ang huling gawa ng aming ina. Ipadadala ko iyon sa Inyo.»

«Gagawin Ko iyan nagdarasal para sa inyong ina.»

Narating nila ang mga bahay. Ang mga apostol ay kumalat upang ipunin ang mga nangangailangan sa Guro, lalo na ang mga may sakit na tao…

At si Jesus ay bumalik kasama si Juan ng Endor at si Ermasteus At Siya ay dumaraan pinagpapalà ang mga nagsisiksikan sa harapan ng maliliit na bahay Ang Kanyang ngiti ay isang pagpapalà.

Dinala nila sa Kanya ang di-mapigilan na mamâ na may problema sa mata, na halos bulag na na may pamamaga ng mata na may ulser, at pinagaling Niya siya. Pagkatapos sunod na ang isang lalaki na may sakit na malarya, kasing payat at dilaw ng isang Intsik, at pinagaling Niya siya. Pagkatapos ang isang babae para sa partikular na himala: gatas para sa kanyang suso, na wala nito, at pinakikita niya ang kanyang sanggol, mga ilang araw pa lamang naipanganak, kulang sa sustento at ganap na namumula baka dahil sa ilang implamasyon. Siya ay umuungol: «Kita Ninyo? Sinabi sa amin na sundin ang lalaki at manganak. Ngunit ano ang kabuluhan nito kung makikita namin ang mga bata na nanghihina? Ito ang aking ikatlo, at naglibing ako ng dalawa sa puntod, dahil sa aking suso na hindi mamunga. At ang isang ito ay mamamatay na rin, sapagkat siya ay ipinanganak sa panahon na ito ng tag-init, ang iba ay nabuhay: isa sampung buwan, ang isa pa anim, upang gawin akong lumuha nang mas lalo nang sila ay mamatay ng sakit sa tiyan. Kung makapagbigay ako sa kanilang ng gatas iyon ay hindi maaaring nangyari…»

Si Jesus ay tinitingnan siya at nagsabi: «Ang iyong anak ay mabubuhay. Manampalataya. Umuwi ka na at kaagad kapag nandoon ka na ibigay mo ang iyong suso sa sanggol. Manampalataya.»

Ang babae ay umalis nang masunurin kasama ang kaawa-awang sanggol, na umuungol katulad ng isang maliit na kuting, nakadiin sa puso ng kanyang ina.

«Magkakaroon ba siya ng gatas?»

«Siyempre magkakaroon siya.»

«Sasabihin na ang sanggol ay mabubuhay, ngunit hindi siya magkakaroon ng kahit anong gatas, at iyan ay isa nang himala kung siya ay mabuhay. Siya ay halos patay na sa pagdarahop.»

«Sa halip sasabihin ko na siya ay magkakaroon ng gatas.»

«Siyempre.»

«Hindi, hindi siya magkakagatas.»

Ang mga taong naroroon ay magkakaiba ang mga opinyon.

Pansamantala si Jesus ay umalis upang kumain. Nang Siya ay lumabas upang magturo, ang pulutong ay naging mas malaki sapagkat ang balita tungkol sa himala ng batang lalaking may lagnat, na ginawa ni Jesus nang kaagad Siya ay dumaong, ay kumalat na sa buong bayan.

«Binibigay Ko sa inyo ang kapayapaan upang sana maihanda kayo nito na makaintindi. Hindi posible na mapakinggan ang Tinig ng Panginoon sa loob ng isang bagyo. Ang bawat kagulumihanan ay nakakasama sa Karunungan, na mapayapáin, dahil ito ay nagmumula sa Diyos. Ang mga kagulumihanan sa halip ay hindi nagmumula sa Diyos, sapagkat ang mga pag-aalala, pagkabahala, pagdududa ay ang gawa ng Kasamaang Isa upang mabalisa sa mga anak ng tao at maihiwalay sila mula sa Diyos.

Magkukuwento Ako sa inyo ng isang parabula upang sana maintindihan ninyo nang mas maliwanag ang Aking itinuturo.

Ang isang magbubukid ay maraming punungkahoy sa kanyang mga bukid at maraming mga baging ang namumunga nang labis, kasama rito ang isang espesyal na kalidad, na kanyang ipinagmamalaki. Isang taon ang baging na iyan ay nagkaroon ng maraming dahon ngunit kakaunting ubas. Ang isang kaibigan ay nagsabi sa magbubukid: “iyan ay dahil hindi mo iyan pinungusan nang sapat”. Sa susunod na taon ang magbubukid ay pinungusan ito nang higit pa. Ang baging ay nagkaroon ng kaunting usbong at mas kakaunting ubas. Isa pang kaibigan ang nagsabi sa kanya: “Iyan ay dahil pinungusan mo iyan nang labis”. Sa ikatlong taon ito ay pinabayaan ng magbubukid. Ang baging ay hindi namunga ng kahit na ano, tanging ilang gusot na mga dahon lamang, natatakpan ng paltik. Ang ikatlong kaibigan ay nagbanggit: “Iyan ay namamatay sapagkat ang lupa ay hindi maganda. Sunugin mo iyan”. “Bakit? Iyan ay ang dating lupa na mayroon din ang iba at binubukid ko iyan nang eksakto katulad ng ginagawa ko sa iba. Noon iyan ay mabuti ang nilalabas!”. Ang kanyang kaibigan ay ikinibit ang mga balikat at umalis

Ang isang di-kilalang manlalakbay ay dumaan at tumigil upang tingnan ang magbubukid malungkot na nakasandal sa kaawa-awang baging. “Ano ang nangyayari?” nagtanong siya. “May namatay sa pamilya?”. “Hindi. Ngunit ang baging, na mahal-na-mahal ko, ay namamatay. Wala na itong katas at hindi na namumunga. Isang taon kakaunti, sa susunod mas kakaunti, ngayong taon wala. Ginawa ko na ang lahat na sinabi nila sa aking, ngunit walang mangyari”.

Ang di-kilalang manlalakbay ay pinasok ang bukid at nilapitan ang baging. Pinakiramdaman niya ang mga dahon, kumuha ng sandakot na lupa, inamoy ito, kinusot ito ng kanyang mga daliri, tiningnan ang puno na sumusuporta sa baging. “Kailangan na alisin mo ang puno. Ang baging ay ginagawang baog nito”.

“Iyan ang dating puno na sumusuporta diyan maraming taon na!”

“Sabihin mo sa akin, mamâ: nang itinanim mo ang baging na ito, ano ang hitsura nito, at ano ang hitsura ng punong iyan?”

“O! Iyan ay isang magandang tatlong taon ng usbong ng baging. Kinuha ko iyan mula sa isa kong baging, at upang madala iyan dito, naghukay ako ng malalim na butas, upang ang mga ugat niyon ay hindi maghirap nang kinuha iyon mula sa tinubuang lupa niyon. Nagbutas din ako ng ganyan din dito, hindi, mas malaki pa, upang iyon ay hindi masikipan kaagad, at binungkal ko ang lupa sa paligid niyon, upang mapalambot ito, upang ang mga ugat ay makakalat kaagad, na walang hirap. Itinanim ko iyon nang maingat, naglalagay sa ilalim ng ilang mabuting pataba. Ayon sa nalalaman mo, ang mga ugat ay lumalagong malakas kaagad kung makakakuha sila ng tamang pagkain. Hindi ko binigyan ng labis na pansin ang puno ng elm. Iyan ay isa lamang na maliit na puno na itinanim diyan upang masuportahan ang usbong ng baging. Sa katunayan itinanim ko iyan nang ganoon na lang malapit sa usbong ng baging, tinakpan ko ng lupa at ako ay umalis. Kapwa sila nagka-ugat, sapagkat ang lupa ay maganda Ang baging ay lumalago taon-taon, inaalagaan ito, binubungkalan ng lupa at pinupungusang. Ang puno ng elm sa halip ay halos hindi lumago. Ngunit para sa ano ang pakinabang niyan!... Pagkatapos lumago iyan nang malakas. Kita mo kung gaano na kaganda iyan ngayon? Kapag ako ay pumupunta rito, mula sa malayo nakikita ko ang tuktok nito nakatayo katulad ng isang tore at kamukha nito ang sagisag ng aking maliit na kaharian. Minsan ang baging ay natatakpan iyan nang labis at hindi makikita ng isa ang magagandang dahon niyan. Ngunit tingnan kung gaano kaganda iyan sa itaas doon, sa sikat ng araw! At anong katawan! Tuwid at malakas. Masusuportahan niyan ang baging na ito nang maraming taon, kahit na kung iyan ay maging katulad ng mga baging na kinuha ang mga manggagalugad ng Israel malapit sa Torrent of Grapes Sa halip…”

“Pinatay niyan ito. Natalo niyan ito. Ang lahat ay tama para sa buhay niyan: ang lupa, ang lugar, liwanag, sikat ng araw, ang pangangalaga na ginagawa mo diyan. Ngunit ang puno ng elm ay pinatay ito. Naging napakalakas iyan. Ginulo niyan ang mga ugat ng baging sinasakal ang mga iyon, kinukuha ang lahat na katas ng lupa, pinipigilan niyan na makahinga at makatanggap ng kinakailangang liwanag ang baging. Putulin mo ang walang-pakinabang na malakas na punong iyan kaagad, at ang iyong baging ay manunumbalik. At manunumbalik iyan nang mas mabuti kung may-tiyaga mong huhukayan ang lupa upang mailantad ang mga ugat ng puno ng elm at pagkatapos putulin ang mga iyan, upang matiyak na hindi na sila tutubo. Ang kanilang huling mga sanga-sanga ay mabubulok sa lupa, at kapag patay na iyan ay magiging buhay, sapagkat iyan ay magiging pataba, isang karapat-dapat na kaparusahan dahil sa pagkamakasarili ng mga iyan. Sunugin ang puno, pakinabangan iyan kung gayon. Ang isang walang-pakinabang na nakasasamang puno ay mabuti lamang bilang panggatong, at kailangan na iyan ay alisin upang ang lahat na sustansiya ng lupa ay mapapunta sa mabuti at may-pakinabang na tanim Manampalataya sa kung ano ang aking sinasabi sa inyo at kayo ay magiging masaya”.

“Ngunit, sino ka? Sabihin mo upang ako ay sana magkaroon ng pananampalataya”.

“Ako ang Marunong ng Isa. Ang sinuman na naniniwala sa Akin ay magiging ligtas” at siya ay umalis

Ang mamâ ay kung baga nagdududa. Pagkatapos nagpasya ang kanyang isip at kumuha siya ng lagari. At tinawag niya ang kanyang mga kaibigan upang matulungan siya.

“Baliw ka ba?” “Mawawalan ka kapwa ng puno ng elm at baging”. “Puputulin ko lamang ang tuktok niyan, upang makabigay ng hangin sa baging. Ngunit hanggang diyan lang”. “Kailangan na may suporta iyan. “Magpapakahirap ka nang walang pakinabang”. “Sino kaya Siya! Baka isang napopoot sa iyo, na hindi mo nalalaman”. “O baka isang baliw” at patuloy pa.

“Gagawin ko kung ano ang kanyang sinabi sa akin. May pananampalataya ako sa Kanya” at pinutol niya ang puno ng elm hanggang sa mga ugat nito, at hindi pa nasiyahan, inilantad niya ang mga ugat ng dalawang tanim sa isang malapad na pabilog sa dalawa, at kanyang matiyagang pinutol ang mga ugat ng puno ng elm, iniingatan na huwag madamay ang mga ugat ng banging, pagkatapos tinakpan niya ang butas, at sa dahilan na ang baging ay walang suporta, naglagay siya ng isang matibay na bakal na poste sa malapit na may salitang “Pananampalataya” nakasulat sa isang tabla nakatali sa itaas ng poste.

Ang iba ay umalis iniiling ang mga ulo. Ang taglagas at taglamig ay dumaan at dumating ang tagsibol. Ang usbong ng baging ay namulupot sa poste adornado ng mga buko, una mga saradong katulad ng malaplatang pelus na mga kahon. Pagkatapos medyo nakabuka sa kapaligiran ng esmeraldang sariwang mga dahon, pagkatapos ganap na nakabuka na, at sa wakas nagkakaroon ng bagong malalakas na usbong mula sa katawan, lahat natatakpan ng munting mga bulaklak na naging mga ubas. Mas marami pa ang mga kumpol ng ubas kaysa sa mga dahon, at ang huli ay malalaki, berde, malakas, kasing laki ng dalawa, tatlo, at mahigit pang mga kumpol. At ang bawat kumpol ay makakapal na may mabalat, makatas, magagandang ubas.

“At ngayon ano ang inyong masasabi? Ang punungkahoy ba ang dahilan ng pagkatuyo ng aking baging o hindi? Tama ba Marunong na Isa o hindi? Tama ba ako o hindi sa pagsulat sa tabla ng salitang: ‘Pananampalataya’?” sabi ng magbubukid sa kanyang di-makapaniwalang mga kaibigan.

“Tama ka. Ikaw ay masaya sapagkat ikaw ay may pananampalataya at nagawa mong sirain ang nakaraan at di pansinin ang maling mga impormasyon na binigay sa iyo”.

Iyan ang parabula. Ang tungkol sa babae na may di-magbungang dibdib, naririyan ang kasagutan. Tumingin pagawing bayan.»

Lahat sila ay lumingon at nakikita ang babae nang kamakailan lamang tumatakbo patungo sa kanila, at bagama't siya ay tumatakbo hindi niya inaalis ang sanggol sa kanyang suso na ngayon puno ng gatas, na sinisipsip ng sanggol nang may katakawan na halos mabulunan siya. Ang babae ay tumigil lamang nang siya ay nasa paanan na ni Jesus, sa harapan Niya kung saan itinikal niya ang sanggol mula sa kanyang utong nang isang sandali, sumisigaw: «Pagpalain siya upang sana siya ay mabuhay para sa Inyo!»

Pagkatapos ng sandaling iyon si Jesus ay nagpatuloy: «At kayo ay nagkaroon ng kasagutan sa inyong iba't ibang mga haka-haka tungkol sa himala. Ngunit ang parabula ay may mas malawak na ibig sabihin kaysa sa maliit na episodyo ng pananampalataya na ginantimpalaan. At naririto ito.

Ang Diyos ay itinanim ang Kanyang baging, ang Kanyang sambayanan, sa isang tamang lugar, at tinustusan ito ng lahat na kinakailangan upang lumago at mamunga nang mamunga ng maraming prutas, sinusuportahan ito ng mga guro upang ang mga tao ay sana maintindihan nang mas madali ang Batas, at gawin ito nito na lakas Ngunit ang mga guro ay ibig na malampasan ang Tagapagbigay ng Batas, at sila ay lumago nang lumago hanggang sa ipinipilit nila ang kanilang mga sarili nang higit pa sa ginagawa ng eternal na salita. At ang Israel ay naging baog. Ang Panginoon kung gayon ay ipinadala ang Marunong na Isa upang sana ang mga taong nasa Israel na sa pamamagitan ng matutuwid na kaluluwa ay nalulungkot para sa kabaugang iyan at sinubukan ang remedyo na ito at iyon, ayon sa mga dikta at payo ng mga guro, na mga natuto sa pantaong pamamaraan ngunit walang natutuhang sobrenatural, at kung gayon malayong malaman kung ano ang dapat na gawin upang maibigay muli ang buhay sa espiritu ng Israel, ay sana magkaroon ng tunay na malusog na payo.

Ngunit ano ang nangyayari? Bakit hindi mapanumbalik ng Israel ang lakas nito at maging masigasig katulad noong mga ginintuang araw ng katapatan sa Panginoon? Sapagkat ang payo ay: alisin ang lahat na parasito na tumubo sa ikasasama ng kung ano ang Banal: ang Batas ng Dekalogo, ayon sa kung ano ito nang ibinigay, na walang anumang kompromiso, pagdadalawang-isip, pagkukunwari, alisin sila upang makapagbigay ng hangin, espasyo, pagkain sa Baging, sa Sambayanan ng Diyos, at isang malakas, tuwid, nahuhubog, pambihirang suporta, na may pangalan na kasing ningning katulad ng araw: Pananampalataya. Ngunit ang payong iyan ay hindi tinatanggap. Sasabihin Ko sa inyo kung gayon na ang Israel ay maglalaho, habang makapanunumbalik sana ito at ariin ang Kaharian ng Diyos, kung ito ay maniwala at gumawa ng pagtutuwid at baguhin ang sarili nang husto ang sarili nito.

Humayo sa kapayapaan at ang Panginoon ay mapasainyo.»

110511

 



Sunod na kabanata