253. Si Sintike, ang griyegong Alipin.

Agosto 15, 1945.

Hindi ko nakikita ang bayan ng Dora. Ang araw ay lumulubog at ang mga peregrino ay ibinaling ang kanilang mga hakbang patungo sa Caesarea. Ngunit hindi ko nakita ang pagtigil sa Dora. Baka iyon ay isang simpleng pagtigil lamang, na wala ng kahit na anong di-pangkaraniwan na kailangan na punahin. Ang dagat ay tila umaapoy, dahil sa kakalmahan nito nasasalamin nito nang labis ang kapulahan ng kalangitan, napakalalim na kapulahan na nagmumukha itong hindi na tunay. Tila pinadaloy ang dugo sa kisame ng langit.  Napakainit pa rin sa kabila na ang hangin ng dagat ay binabawasan nito ang init.

Si Pedro ay nagsalita: «Kung ang mga babaeng disipulo ay wala rito, maghuhubad ako at pupunta ako sa malalim hanggang sa aking leeg.»

Ngunit kinailangan niyang umalis kahit sa kinaroroonan niya mismo ngayon, sapagkat ang Magdalena, na nasa unahan kasama ang iba pang mga babae, ay bumalik at nagsabi: «Guro, kabisado ko ang lugar na ito. Nakikita ba Ninyo ang dilaw na guhit sa asul na karagatan sa banda roon? Ang isang ilog ay dumadaloy doon patungo sa dagat, sa tag-init din, dahil ito ay laging may tubig. At ang isa ay kailangan na maging maingat sa pagtawid doon…»

«Napakarami na naming tinawid. Iyan ay tiyak na hindi ang Nilo. Matatawid din namin ang isang iyan» sabi ni Pedro.

«Iyon ay hindi ang Nilo. Ngunit sa tubig at sa mga pampang niyan ay may mga tubig-hayop na delikado. Hindi mo matatawid iyan nang walang-ingat o walang saplot sa paa, kung ayaw mong masugatan.»

«O! Ano sila? Mga Leviathan

«Tama ka, Simon. Sila sa katunayan ay mga buwaya. Maliliit, totoo iyan, ngunit mababaldado ka nila nang sandali.»

«Papaano sila napunta rito?»

«Sa palagay ko dinala sila roon para sa mga ritwal pang-relihiyon noong mga panahon ng Phoenicia. At sila ay nanatili na roon, naging mas maliliit, ngunit hindi nabawasan ang pagiging agresibo, at mula sa mga templo sila ay nakapuslit sa mga putik ng ilog. Ngayon sila ay malalaking butiki, na may malulupit na ngipin! Ang mga Romano ay pumupunta rito upang mangaso at libangin ang kanilang sarili sa sari-sari’t iba’t ibang pamamaraan. Napunta rin ako rito kasama sila. Ang lahat ay nakatutulong upang… mapalampas ang oras. Ang kanilang balat ay maganda at ginagamit sa maraming mga bagay. Pahintulutan ninyo ako kung gayon na maging inyong gabay, dahil sa aking karanasan.»

«Sige. Ibig kong makita sila…» sabi ni Pedro.

«Baka makakita tayo ng ilan, bagama't halos lahat sa kanila ay napatay na, labis sila pinangangaso.

Sila ay umalis sa baybayin at lumiko papasok sa kalupaan, hanggang sa makakita sila ng isang pangunahing daan, sa kalahatian ng distansiya mula sa mga burol at sa dagat, at pagkaraan narating nila ang isang paumbok na tulay sa isang maliit na ilog, na ang pinaka kanal nito ay kung baga malapad, bagama't ang kakaunting tubig nito ay dumadaloy sa gitna lamang. Kung saan walang tubig ay naroroon ang mga tambo at mga damo, ngayon halos natuyo ng araw ng tag-init, ngunit sa ibang mga panahon baka nagiging maliliit na isla ito sa tubig. Ang mga pampang sa halip ay natatakpan ng makakapal na palumpong at mga punungkahoy.

Bagama't tumitingin sila nang mabuti, wala silang makitang hayop, at marami sa kanila ang nanghihinayang, Ngunit nang malapit na sila sa katapusan ng tulay, na ang pinakatuktok ng arko nito ay napakataas, upang ito ay hindi sana maabot ng tubig sa panahon ng mga pagbaha – ang pagkagawa nito ay napakatibay baka gawa ng mga Romano – si Martha ay napatili nang malakas at tumakbong pabalik natatakot. Ang isang napakalaking butiki, ganito lamang ito, ngunit may karaniwang ulo ng isang buwaya, ay nakaharang sa daan, nagkukunwaring natutulog.

«Huwag matakot!» sigaw ni Maria ng Magdala. «Kapag sila ay ganyan, hindi sila delikado. Ang problema ay kung sila nakatago at natapakan ninyo nang hindi nakikita.»

Ngunit si Martha ay maingat na nananatili sa likuran. Si Susanna rin ay natatakot… Si Maria ni Alfeo ay maingat ngunit mas matapang at naglalakad malapit sa kanyang mga anak siya ay umaabante at tumitingin. Ang mga apostol ay hindi natatakot at sila ay tumitingin gumagawa ng mga komentaryo tungkol sa pangit na hayop, na ibinabaling ang ulo nito nang dahan-dahan, upang makita ang mukha nito. Ito pagkatapos ay gumalaw at tila ibig na lapitan ang mga nangambala sa kanya. Isa pang sigaw mula kay Martha na umatras pa nang lalo, ginagaya din nina Susanna at Maria ni Clopas. Ngunit si Maria ng Magdala ay pumulot na isang bato, itinapon ito sa butiki na, tinamaan sa tabi, tumakbong pababa sa mabatong kanal ng ilog at lumubog sa putik.

«Lapit, ikaw na matatakuting na babae. Wala na ito rito» sabi niya sa kanyang kapatid. Ang mga kababaihan ay nagtabi-tabi.

«Totoo ngang pangit iyon» sabi ni Pedro.

«Totoo ba, Guro, na minsan pinakakain nila sila ng mga tao?» tanong ng Iskariote.

«Iyon ay tinitingnan noon na isang sagradong hayop, kumakatawan sa isang diyos, at dahil nag-aalay tayo ng mga sakripisyo sa ating Diyos,  ang kaawa-awang mga idolatra kung gayon ay ginawa ang mga porma ng sakripisyo at sa pamamagitan ng mga pagkakamali na naging kanilang katayuan.»

«Ngunit hindi ngayon?» tanong ni Susanna.

«Sa aking palagay posible pa rin na ito ang ginagawa sa mga idolatrang bansa» sabi ni Juan ng Endor.

«Diyos ko! Ngunit binibigyan nila ito ng patay, eh!»

«Hindi. Kung binibigyan nila sila, binibigay nila ito ng buháy. Sa pangkalahatan mga batang babae at mga batang lalaki. Ang pinipili ng populasyon. Iyan man lamang ang aking nababasa» tugon ni Juan muli sa mga babae na patingin-tingin sa paligid natatakot.

«Mamamatay ako sa takot kung kailangan kong lumapit sa isa» sabi ni Martha.

«Talaga? Ngunit ang mga ito ay wala kompara sa tunay na mga buwaya. Sila ay mga tatlong beses man lamang kahaba at kalaki.»

«At sila ay mga gutom din. Ang isang ito ay tiyak na punung-puno ng mga tubig-ahas o mga kunehong layas.»

«Kaawaan! Mga tubig-ahas din! Aking Panginoon, saan Ninyo kami dinala?» ungol ni Martha, na takot-na-takot na nagagawa niya ang lahat na tumawa.

Si Ermasteus, na naging laging tahimik, ay nagsabi: «Huwag matakot. Sapat nang gumawa ng malaking ingay upang magawa silang lumayas. Alam ko dahil  maraming beses na akong napapunta  sa kababaang Ehipto.»

Sila ay nagpatuloy pinapalakpak ang kanilang mga kamay o hinahampas ang mga puno ng kahoy. At ang delikadong lugar ay nalampasan.

Si Martha ay pumunta malapit kay Jesus at madalas niyang tinatanong sa Kanya: «Magkakaroon pa ba nito?»

Si Jesus ay tinitingnan siya, iniiling ang Kanyang ulo, ngunit tinitiyak sa kanya: «Ang kapatagan ng Saron ay walang iba bagkus kagandahan, at tayo ay naroroon na. Ngunit ang mga babaeng disipulo ay totoong nasorpresa Ako sa araw na ito. Hindi Ko talaga malaman kung bakit kayo masyadong matatakutin.»

«Hindi ko alam mismo. Ngunit kahit na anong gumagapang ay nakakatakot sa akin. Tila nararamdaman ko sa akin ang kanilang malalamig na katawan, na tiyak na malamig at malaway. At iniisip ko kung bakit sila naririto. Sila ba ay kinakailangan?»

«Kailangan na tanungin mo Siya Na siyang gumawa sa kanila.  Ngunit makatitiyak ka na kung ginawa Niya sila, ang ibig sabihin nito sila ay may pakinabang. Magawa man lamang ang kabayanihan ni Martha na magningning» sabi ni Jesus, ang mga mata nagningning na may kagalingan.

«O! Panginoon. Nagbibiro Kayo at tama Kayo. Ngunit natatakot ako at hindi ko kailanman mapipigilan ang aking sarili.»

«Malalaman natin ang tungkol diyan… Ngunit ano ang gumagalaw sa mga palumpong na iyon?» sabi ni Jesus itinataas ang Kanyang ulo at nakatingin nang tuwiran sa harapan Niya, sa sala-salabid na palumpon ng mga dawag at iba pang tanim na may mahahabang sanga na umaakyat patungo sa isang tambak ng mga igos-Indian, na ang mga dahon umaabot nang malayo sa likuran, mga dahon na napakatigas katulad na ang mga sangang umaakyat ay malalambot.

«Isa pang buwaya, Panginoon?...» ungol ni Martha, na natatakot na muli.

Ang pagkaluskos ng mga sanga ay lumakas at ang ulo ng isang babae ay lumitaw. Siya ay tumitingin. Nang nakakita siya ng napakaraming lalaki, hindi siya makatiyak kung siya ay tatakbo sa kabukiran o babalik sa marahas na tunel. Ang unang alternatibo ang nangibabaw at siya ay tumakbong sumisigaw.

«Isang ketongin?» «Isang baliw na babae?» «Isang babaeng nakukuluban?» nagtatanong silang tuliro.

Ang babae ay bumalik sapagkat may dumarating na bagon ng Romano galing sa Caesarea at malapit na ito. Ang babae ay nagmumukhang katulad ng isang daga na nahúli. Hindi niya malaman kung saan pupunta, sapagkat si Jesus at ang Kanyang grupo ay malapit sa palumpungan kung saan siya nagtatago, at kung gayon hindi siya makabalik dito, at ayaw niyang mápalapit sa bagon ng Romano… Sa dilim ng gabi, dahil mabilis ang pagdating ng gabi pagkaraan ng isang mabigat na paglubog-ng-araw, posibleng makita na siya ay bata-pa at maganda bagama't ang kanyang mga damit ay punit-punit at siya ay madungis.

«Babae! Halika rito!» utos ni Jesus nang tapat.

Ang babae ay itinaas ang kanyang mga kamay nangungusap: «Huwag ninyo akong saktan!»

«Halika rito. Sino ka? Hindi kita sasaktan» at sinabi Niya ito nang may-kabaitan na nahimok Niya siya.

Ang babae ay kumilos nang papalapit na ang kanyang ulo nakatungo at itinapon ang sarili sa lupa nagsasabing: «Maging sinuman Kayo, maawa sa akin. Patayin ako ngunit huwag akong ibalik sa aking panginoon. Ako ay takas na alipin…»

«Sino ang iyong dating panginoon? At tagasaan ka? Ikaw ay tiyak na hindi Hebreo. Kitang-kita ito sa iyong pananalita at sa iyong mga damit.»

«Ako ay isang Griyego. Ang Griyegong alipin ng… O! maawa! Itago ako! Ang bagon ay parating na…»

Pinorma nila ang isang grupo sa paligid ng kaawa-awang sawing-palad na nakakuyukot sa lupa. Ang kanyang damit na naluray ng mga tinik ay pinakikita ang kanyang mga balikat na may mga latay ng hagupit at puno ng mga kalmot. Ang bagon ay nakaraan ang mga nakasakay hindi binibigyan ng pansin ang grupo na nakatayo malapit sa pilapil.

«Sila ay nakaraan na, magsalita. Tutulungan ka namin kung magagawa namin» sabi ni Jesus pinapatong ang dulo ng Kanyang mga daliri sa gusot na mga buhok.

«Ako ay si Sintike, ang Griyegong alipin ng isang nobleng Romano ng sambahayan ng Prokonsul.»

«Kung gayon ikaw ay ang alipin ni Valerian!» bulalas ni Maria ng Magdala.

«Ah! Maawa! Huwag akong ipahamak sa kanya» nangungusap ang di-masayang babae.

«Huwag matakot. Hindi na muli ako makikipagusap kay Valerian» tugon ni Maria ng Magdala. At pinaaalam niya kay Jesus: «Siya ay ang isa sa pinakamayaman at pinakamaruming mga Romano na mayroon tayo rito. At siya ay kasing lupit katulad na siya ay kasing dumi.»

«Bakit ka tumakas?» tanong ni Jesus.

«Sapagkat ako ay may kaluluwa. Hindi ako kalakal… (ang babae ay nagkaroon ng lakas-ng-loob nang kanyang mabatid na nakatagpo niya ang maawain na mga tao). Hindi ako kalakal. Binili niya ako. Iyan ay totoo. Ngunit maaaring binili niya ang aking katauhan upang mapaganda ang kanyang bahay, mapaningning ang kanyang oras sa págbabasa ko para sa kanya, mapagsilbihan siya. Ngunit wala nang iba pa. Ang aking kaluluwa ay akin! Hindi ito mabibili. Ngunit gusto niya pati ito.»

«Papaano mo nalaman na may kaluluwa?»

«Hindi ako mangmang, Panginoon. Ako ay biktima ng digmaan mula pa nang aking pagkabata. Ngunit hindi ako pangkaraniwang tao. Ito ang aking pangatlong panginoon at isang maruming anito. Ngunit naaalaala ko ang mga salita ng aming mga pilosopo. At nalalaman ko na tayo ay hindi gawa lamang ng laman. May isang bagay na inmortal na nasa loob natin. Isang bagay na walang tiyak na pangalan para sa amin. Ngunit kamakailan nalaman ko ang pangalan nito. Isang araw may isang lalaking dumating mula sa Caesarea, siya ay gumagawa ng mga himala at nagsalita nang mas magaling pa kaysa kina Socrates at Plato. Pinag-uusapan nila siya nang labis, sa mga termal na paliguan, sa mga hapag-kainan, o sa mga ginintuan na gusali, pinarurumi ang kanyang kagalang-galang na Pangalan sa pagbabanggit nito sa mga bulwagan ng maruruming pagpapakasasa. At ako, ako lamang na nakaramdam na na mayroon akong isang bagay na inmortal na pag-aari lamang ng Diyos at hindi maaaring bilhin sa mga palengke ng mga alipin, ang inutusan ng aking panginoon na basahin ang mga gawa ng mga pilosopo upang ikumpara ito at malaman kung ang di-kilalang bagay na ito, na tinawag ng Lalaking iyon mula sa Caesarea na “kaluluwa”, ay nababanggit sa mga ito. Ginawa niya akong basahin ko iyon! Ako na ibig niyang alipinin sa kanyang pagiging makalaman! Sa gayon ko nalaman na ang inmortal na bagay na ito ay ang kaluluwa. At habang si Valerian at ang mga katulad niya ay nakikinig sa aking tinig, at dumidighay at naghihikab nagsisikap siyang makaintindi, magkumpara at makipagusap, iniugnay ko ang kanilang paguusap, tinitingnan ang mga salita ng Di-kilalang lalaki, sa mga salita ng mga pilosopo at itinago ko ito rito, sa loob ng aking puso, at ang aking karangalan ay lumakas nang lumakas na tanggihan ang kanyang kahalayan… Mga ilang gabi na ang nakaraan nang ako ay kanyang hinagupit na mamatay dahil tinanggihan ko siya, kinakagat ko siya… at ako ay tumakas noong sumunod na araw… nanirahan ako nang limang araw sa loob ng palumpungan na iyan, namimitas ng mga blackberry at mga igos-Indian sa gabi. Ngunit ako ay mágtatapos na mahuhuli. Ako ay tiyak na kanyang hinahanap. Malaking pera ang ginasta niya para sa akin at ang kanyang kahalayan ay labis na nagugutom para sa akin na ako ay kanyang pabayaan na lamang… Maawa sa akin! Ikaw ay isang Israelita at tiyak na nalalaman mo kung nasaan siya, hinihingi ko sa iyo na dalhin ako sa Di-Kilalang lalaki Na nagsasalita sa mga alipin at nagsasalita tungkol sa mga kaluluwa. Sinabi nila sa akin na siya ay mahirap. Ako ay magugutom, ngunit ibig kong málapit sa kanya na sana ako ay kanyang maturuan at maitaas. Kalupit-lupit ang mabuhay kasama ang mga hayop, kahit na kung sila ay tinatanggihan ng isa. Ibig kong makuha kong muli ang aking karangalan.»

«Ang lalaking iyon, Ang Di-Kilalang Isa, Na iyong hinahanap, ay nasa harapan mo.»

«Kayo? O di-kilalang Diyos ng Acropolis, Mabuhay!» at iniyuko niya ang kanyang noo sa lupa.

«Hindi ka makapananatili rito. Ngunit Ako ay patungong Caesarea…»

«Huwag Ninyo akong iwanan, Panginoon!.»

«Hindi kita iiwanan… Sa palagay Ko…»

«Guro, ang aming bagon ay tiyak na nasa itinakdang lugar, naghihintay para sa amin. Ipakuha ito. Magiging ligtas siya roon katulad na magiging ligtas siya sa loob ng aming bahay» mungkahi ni Maria ng Magdala.

«O! oo, Panginoon! Ipadala siya sa amin, sa lugar ng matandang si Ishmael. Tuturuan namin siya ng Inyong doktrina. Maaagaw siya mula sa paganismo» pakiusap ni Martha.

«Ibig mo bang sumama sa amin?» tanong ni Jesus.

«Sa kahit sino sa Inyong mga kaibigan, maliban na hindi ko na kasama ang lalaking iyon. Ngunit… ngunit ang isang babae rito ay nagsabi na kilala niya siya. Pagtataksilan ba niya ako? May mga Romano bang pumupunta sa kanyang bahay? Wala…»

«Huwag matakot. Ang mga Romano ay hindi pumupunta sa Bethany, lalo na ang mga Romano na katulad niya» tugon ni Maria ng Magdala tinitiyak sa kanya.

«Simon at Simon Pedro, lumakad at hanapin ang bagon. Maghihintay kami para sa inyo rito. Pupunta tayo sa bayan pagkatapos» utos ni Jesus.

… Nang ang ingay ng mga paa ng kabayo at ng mga gulong at ng lampara na nakabitin mula sa bubungan nito ay ibinalita ang pagdating ng mabigat na saradong bagon, ang mga naghihintay dito ay umakyat mula sa pampang ng ilog, mula kung saan sila ay tiyak na kumain ng kanilang hapunan, at pumunta sa kalsada. Ang bagon ay dumating na umuuga sa pagtigil sa gilid ng magaspang na daan at sina Pedro at Simon ay bumababa mula rito. Sila ay kaagad sinundan ng isang maedad na babae na tumakbo upang yakapin si Maria ng Magdala nagsasabing: «Ayaw ko nang maantala ng isang sandali upang sabihin sa iyo na ako ay masayang-masaya, upang sabihin sa iyo na ang iyong ina ay nagbubunying kasama ako, upang sabihin sa iyo na ikaw ay muli ang magandang rosas ng ating bahay, katulad na ikaw noon ay madalas matulog sa kuna pagkatapos na mapasuso kita» at hinahalikan niya siya nang maraming beses.

Si Maria ay umiiyak sa loob ng kanyang mga bisig.

«Babae, ipinagkakatiwala Ko sa iyo ang batang babaeng ito at hinihingi Ko sa iyo na gawin ang sakripisyo ng paghihintay dito sa buong gabi. Bukas makakapunta kayo sa unang nayon sa konsular na daan at maghintay doon. Kami ay darating sa ikatlong oras» sinasabi ni Jesus sa yaya.

«Ang lahat ayon sa ibig Ninyo, pagpalain nawa Kayo! Payagan lamang ako na ibigay kay Maria ang mga damit na dinala ko para sa kanya.» At siya ay umakyat sa bagon kasama ang Kabanalbanalan na Birhen, si Martha at si Maria. Nang sila ay lumabas si Maria ng Magdala ay nakabihis ayon sa ating laging makikita sa kanya sa hinaharap: isang lisong damit, isang malapad na manipis na linen na tela bilang isang belo at isang manta na walang kahit na anong dekorasyon.

«Makakalakad na kayo nang mapayapa, Sintike. Kami ay pupunta rin bukas. Paalam» sabi ni Jesus binabati siya. At Siya ay bumalik ulit sa daan patungong Caesarea.

Ang harapan ng dagat ay nagsisiksikan sa mga tao naglalakad sa liwanag ng mga sulo o mga lampara dala ng mga alipin, nilalanghap ang hangin na nanggagaling sa dagat, na isang kaginhawahan para sa kanilang mga bagà na pagod sa kaalinsanganan ng tag-init. Ang mga naglalakad ay karamihan mayayaman na Romano. Ang mga Hudyo ay nakasarado sa kanilang mga bahay kinalulugdan ang sariwang hangin sa ibabaw ng kanilang mga terasa. Ang harapan ng dagat ay nagmumukhang isang napakahabang silid-tanggapan sa loob ng panahon ng mga pagdalaw ng mga tao. Ang dumaan doon ang ibig-sabihin ay ang iksaminin ka nang mabuti sa bawat detalye. At si Jesus ay dumaraan nga doon… para sa buong haba ng lugar-pasyalan, pinababayaan ang mga nagmamasid sa Kanya, o gumagawa ng mga komentaryo o nanunuya sa Kanya.

«Guro, Kayo ay naririto? Sa oras na ito?» tanong ni Lydia, na nakaupo sa isang uri ng upuan na may pagsusulatan, o isang maliit na kama, na dinala sa kanya ng mga alipin sa gilid ng daan. At siya ay tumayo.

«Ako ay nanggaling sa Dora at Ako ay huli na. Naghahanap Ako ng matutuluyan.»

«Sasabihin ko sa Inyo: naririto ang aking bahay» at itinuturo niya ang isang magandang gusali sa kanyang likuran. «Ngunit hindi ko alam kung…»

«Hindi. Salamat sa iyo. Hindi Ko matatanggap. Marami Akong kasamang mga tao at ang dalawa ay nauna na sa amin upang masabihan ang iba pang mga tao. Sa palagay Ko bibigyan nila kami ng pag-aruga.»

Ang mata ni Lydia ay nakatingin din sa mga babae at sa mga disipulo na itinuro ni Jesus, at kaagad niyang nakilala si Maria ng Magdala.

«Maria? Ikaw iyan? Kung gayon totoo?»

Ang mga mata ni Maria ay katulad ng mga mata ng isang napalilibutan na babaeng-usa: siya ay napahihirapan. At tama siya sapagkat hindi lamang si Lydia ang kailangan niyang harapin, dahil mas marami pa ang nakatingin sa kanya… Ngunit tinitingnan din niya si Jesus at nakakuha ulit siya ng lakas-ng-loob.

«Totoo iyon.»

«Kung gayon nawala ka na sa amin!»

«Hindi. Natagpuan na ninyo ako. Umaasa man lamang ako na matatagpuan ko kayong muli isang araw, at sa mas mabuting pakikipagkaibigan, sa daan na sa wakas ay aking natagpuan. Pakiusap na sabihan ang lahat na nakakakilala sa akin. Paalam, Lydia. Kalimutan ang lahat na kasalanan na nakita mong ginagawa ko, at hinihingi ko sa iyo na patawarin ako…»

«Maria! Bakit mo ibinababa ang iyong sarili? Namuhay tayo nang pareho, ang pamumuhay ng mayayamang walang-magawang mga tao, at wala diyan ng…»

«Hindi. Hindi, ang aking buhay noon ay mas malala. Ngunit nakalabas na ako diyan. At sa magpasawalanghanggan.

«Paalam, Lydia» ang Panginoon ay pinutol ang paguusap at naglakad patungo sa Kanyang pinsan na si Judas na papalapit sa Kanya kasama si Tomas.

Si Lydia ay pinigilan  nang isa pang sandali si Maria ng Magdala. «Sabihin mo sa akin ang katotohanan, ngayon na tayo ay nag-iisa na: tunay bang ikaw ay kumbinsido?»

«Hindi kumbinsido: masaya na maging isang disipulo. Isa lamang ang aking ikinalulungkot: na hindi ko natagpuan ang Liwanag noon pa at na ako ay kumakain ng karumihan sa halip na pinakakain ng Liwanag. Paalam, Lydia.»

Ang kanyang tugon ay maliwanag ang tunog sa katahimikan na bumabalot sa dalawang babae. Wala sa mga taong naroroon ang nagsalita pa… Si Maria ay tumalikod at nagmadali upang abutan ang Guro.

Ang isang bata-pang lalaki ay humarang sa kanyang daan: «Iyan ba ang iyong huling katangahang kilos?» sabi niya, at sinisikap na yakapin siya. Ngunit medyo lasing katulad niya, hindi siya nagtagumpay, at iniwasan siya ni Maria sumisigaw: «Hindi, ito ang aking tanging mabuting kilos.» inabutan niya ang kanyang mga kasamahan na ganap na natatakpan ng kanilang mga belo, gayon na lamang ang kanilang pagkasuklam na makita ng mabibisyong tao na iyon.

«Maria» sabi ni Martha nang nananabik «naghirap ka ba nang labis?»

«Hindi, at tama Siya, hindi na muli ako maghihirap dahil diyan. Tama Siya…»

Lahat sila ay lumiko patungo sa isang makipot na madilim na kalsada at pinasok ang isang malaking bahay, tiyak na isang otel, para sa gabi.

100511

 

 

Sunod na kabanata